PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE ISA

PAUNANG SALITA

Ang aklat ng Hebreo ay malalim at mayaman. Ito ay malalim sa mga makalangit na konsepto at mayaman sa makalangit na pamana. Sa ating Pag-aaral-Pambuhay ng Hebreo, tatalakayin natin ang mga bagay hinggil sa malalalim na konsepto ng aklat na ito at sa makalangit na pamana nito. Kailangan nating sumisid sa kalaliman ng aklat na ito.

I. ANG PUMAPALIGID-NA-PANGYAYARI

Kung tayo ay papasok sa mga konsepto at mga kayamanan ng aklat ng Hebreo, kailangan nating maunawaan ang pumapaligid-na-pangyayari (background) sa pagsulat nito. Ito ay mahalaga. Mahirap para sa kaninuman na makakuha ng impormasyon hinggil sa aklat ng Hebreo. Hindi tayo nasabihan kung ano ang pangalan ng sumulat at hindi rin malinaw na binanggit kung para kanino isinulat ang aklat. Ang aklat ng Hebreo ay lubos na naiiba sa lahat ng iba pang mga sulat. Ito ay may sariling kakaibang katangian. Lahat ng iba pang mga sulat ay nagsisimula sa pagsasabi sa atin kung sino ang sumulat at kung para kanino ang mga ito isinulat. Gayunpaman, nagsisimula ang Hebreo sa ganito: “Ang Diyos, na nagsalita noong unang panahon sa ating mga magulang, sa iba’t ibang bahagi at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa loob ng Anak.” (1:1-2). Sino ang sumulat ng aklat na ito? Hindi sinasabi ng Bibliya sa atin. Para kanino ito isinulat? Ito ay ganap na hiwaga, dahil hindi rin ito sinasabi ng Bibliya sa atin. Ito ang dahilan kung bakit napakakaunting Kristiyano ang nakaaalam nang lubos ng aklat na ito.

Ang sulat sa mga Hebreo ay hindi mababaw. Ito ay malalim na malalim. Kaya, sinasabi kong muli na kinakailangan nating sisirin ang aklat na ito. Huwag tumuntong sa ibabaw at pagmasdan ito. Sisirin ito at tuklasin ang mga kayamanan na nasa ilalim ng panlabas. Sa tuwing magbabasa kayo ng isang bersikulo ng aklat na ito, dapat ninyong basahin ang ibig sabihin ng nilalaman. Para sa isang bersikulo, kakailanganin ninyo marahil na magbasa ng ilang kapitulo.

A. Ang mga Tumanggap ay mga Mananampalatayang Hebreo

Bagama’t hindi sinasabi ng aklat ng Hebreo kung kanino ito isinulat, ito ay isinulat sa mga mananampalatayang Hebreo. Pinamagatan ng mga banal na nagtipon ng mga dibinong sulat noong mga unang araw ang aklat na ito na “ang Sulat sa mga Hebreo.” Ito ay lubhang kawili-wili. Bakit sinasabi nito na “sa mga Hebreo” at hindi sa mga Hudyo o mga Israelita?

Sa maraming taon, ako ay naguluhan sa salitang ito. Nag-aral ako nang husto sa pagtatangkang matutunan ang kahulugan ng salitang ito. Naging pamilyar ako sa iba’t ibang grupo ng magkakapanalig sa opinyon. Isang grupo ang nagsasabing ang salitang Hebreo ay nangangahulugang isang inapo ni Heber, na isang anak na lalake ni Shem (Gen. 10:21). Yamang ang Heber ay binabaybay na Heber sa Griyego, ilang mag-aaral ng Bibliya ang nag-akalang mga inapo ni Heber ang mga Hebreo. Bagama’t sinunod ko ang grupong ito ng magkakapanalig sa opinyon, ginawa ko ang gayon nang may tandang pananong. Nang lumaon, matapos ang patuloy pang pag-aaral, hindi na ako makasang-ayon sa panig na ito dahil si Heber ay nagkaroon ng mahigit sa isang anak na lalake. Si Heber ay may dalawang anak na lalake, sina Peleg at Joctan (Gen. 10:25), at si Abraham ay inapo ni Peleg. Kung sasabihin mong ang mga inapo ni Abraham ay dapat tawaging mga Hebreo sapagka’t sila ang mga inapo ni Heber, gayundin ang mangyayari sa mga inapo ni Joctan, ang pangalawang anak na lalake ni Heber. Kaya, ang grupong ito ng magkakapanalig sa opinyon ay hindi makatuwiran. Higit pa rito, sinasabi ng Bibliya na may dalawang anak na lalake si Abraham, sina Isaac at Ismael. Kung ang mga inapo ni Abraham ay tinatawag na Hebreo dahil sila ay mga inapo ni Heber, sa gayon ang lahat ng mga Arabo, na mga inapo rin ni Abraham, ay dapat ding tawaging mga Hebreo. Nguni’t ito ay katawa-tawa! Samakatuwid, ang interpretasyong ito ay hindi matuwid; hindi rin ito kapanipaniwala at hindi masasandigan.

Matapos ang ibayong pag-aaral, nalaman ko na ang salitang Hebreo ay unang ginamit sa Gen. 14:13, noong panahong makikipagbaka si Abraham para iligtas ang kanyang pamangking si Lot. Sinasabi ng Gen. 14:13, “At dumating ang isang nakatanan, at ibinalita kay Abram na Hebreo.” Si Abraham ay isang Hebreo. Bilang resulta ng maraming pag-aral, natuklasan naming ang ugat ng salitang Hebreo ay nangangahulugang “tumawid.” Ito ay nangangahulugang tumawid sa isang ilog mula sa dakong ito ng ilog tungo sa kabilang dako at mula sa isang panig tungo sa kabila. Samakatuwid, ang salitang Hebreo ay nangangahulugang isang tumatawid, isang nananawid ng ilog, isang tumatawid sa ilog. Si Abraham ay isang mananawid ng ilog. Tinawid niya yaong malaking baha (Jos. 24:2-3). Tinawid ni Abraham ang Eufrates. Ang Eufrates ay isang makabagong pangalan ng malaking ilog na sa Hebreo ay tinatawag na Perath. Ang malaking ilog na yaon ay naghiwalay sa lumang rehiyon, mula kung saan tinawag si Abraham, tungo sa bagong lupain kung saan naman siya pumasok.

Si Abraham ay ipinanganak sa Caldea, ang kinatatayuan ng matandang Babilonia, ang Babel. Sa pagitan ng Caldea at ng mabuting lupain ng Canaan ay may isang malaking ilog na umaagos mula sa hilaga patungong timog. Napakamakahulugan nito. Ang lahat ng mga bagay kabilang na ang lupa, ay nilikha ng Diyos upang maisakatuparan ang Kanyang layunin. Ang lupain ng Caldea ay naging makasatanas, makadiyablo, at makademonyo. Ito ay isang bayang punung-puno ng mga diyus-diyosan, isang bayang ganap na kinamkam ng kaaway ng Diyos at inangkin ng masamang isa. Kaya namagitan ang Diyos na tawagin si Abraham palabas ng bayang yaon na makadiyus-diyosan, palabas ng bayang nakamkam, naangkin, nalason, napasama at nawasak ni Satanas. Simpleng tinawag ng Diyos si Abraham palabas nang walang sinasabi kung saan siya tutungo (11:8). Kinakailangan ni Abraham na tumingin sa Panginoon sa bawa’t hakbang, na sinasabi sa Kanya, “Panginoon, saan ako dapat tumungo?” Nalalaman ni Abraham kung ano ang kanyang lilisanin, nguni’t hindi niya alam kung saan siya patutungo. Sa katapusan, inihatid siya ng Diyos sa malaking ilog na yaon, at tinawid nga iyon ni Abraham. Sinasabi ng Josue 24:2-3 na si Abraham ay “tumahan sa dako roon ng ilog” at na kinuha siya ng Panginoon mula sa “dako roon ng ilog, at pinatnubayan siya sa buong lupain ng Canaan.” Samakatuwid, ang isang Hebreo ay isang taong nagmula sa kabilang dako ng tubig.

Ngayon, mauunawaan na natin ang tunay na kahulugan ng bautismo. Bakit kinakailangang mabautismuhan ang lahat ng mga nagsisising tao? Dahil ang sanlibutang kinaroroonan natin ay nakamkam, naangkin, napasama, at nawasak ng kaaway ng Diyos. Hindi na ito kalugud-lugod para sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang para iligtas tayo mula sa impiyerno tungo sa langit. Ang pagliligtas ng Diyos ay para madala tayo palabas ng lupaing nakamkam at winasak ni Satanas. Paano tayo makalalabas dito? Sa pamamagitan ng pagpapabautismo. Ang bawa’t pinagbabautismuhan ay isang malaking ilog, isang malaking baha. Matapos kang mabautismuhan, ikaw ay lumabas na sa kabilang pampang. Aleluya! Ako ay isa nang nakatawid mula sa kabilang dako. Nasa kabilang dako ka pa rin ba? Maaaring nasa kabilang dako ka, nguni’t ako ay narito sa dakong ito. Natawid ko na ang malaking ilog. Ako ay isang Hebreo, isang nakatawid na ng ilog. Ano ka ba—Amerikano, Intsik, Ingles, Aleman, taga-New Zealand, Hapon, Pilipino, Mexicano? Dapat nating ideklarang lahat, “Tayo ay mga Hebreo! Tayo ay talagang mga Hebreo.” Hindi tayo mga Hudyo, kundi mga Hebreo. Tayo ang mga totoo, tunay na mga Hebreo dahil nakatawid na tayo ng ilog. Ang bawa’t isa sa atin ay isang tunay na mananawid ng ilog.

Tulad ng nakita natin, ang unang mananawid ng ilog, ang unang Hebreo, ay si Abraham. Si Abraham ay tinawag ng Diyos at tumawid sa malaking ilog ng Eufrates, pumasok tungo sa lupa kung saan itinayo ng Diyos sa kahuli-hulihan ang Kanyang templo. Ang lupang pinasok ni Abraham ay isang mabuting lupain, isang banal na lupa, ang lupa kung saan itinayo ang bahay ng Diyos. Ang Diyos ay nanahan doon sa Kanyang bahay. Hindi yaon ang Kanyang motel; yaon ang Kanyang tahanan sa lupa. Sa kabilang panig ay naroon ang mga diyus-diyosan, mga makadiyablong bagay, at lahat ng mga gawa ni Satanas. Sa panig na ito ay narito ang templo ng Diyos na may kaluwalhatian Niya. Ano ang naghihiwalay sa dalawang panig na ito? Isang malaking ilog.

Bago pa man ang kapanahunan ni Abraham mayroon nang tao na tumawid ng baha, si Noe. Tumawid si Noe sa baha (1 Ped. 3:20-21). Ang bahang yaon ang naghiwalay sa kanya mula sa luma, liko, matigas ang ulo, at masamang henerasyon. Inihiwalay siya ng baha mula sa makadiyablong sanlibutan at inihatid siya tungo sa isang lupa kung saan siya nagtayo ng isang dambana at naghandog ng mga hain. Tinawid ni Noe ang baha, at tinawid naman ni Abraham ang malaking ilog. Ang prinsipyo sa bawa’t kaso ay pareho.

Paano naman ang mga inapo ni Abraham? Ang mga anak ni Israel ay tumawid sa tubig ng Dagat na Pula. Ang prinsipyo ay pareho. Matapos nilang tawirin ang dagat at marating ang kabilang panig, umawit at sumayaw sila. Masasabi nila, “Ehipto, ikaw ay nasa kabilang panig. Kami ay narito sa panig na ito!” Ano ang kanilang ginawa matapos nilang marating ang kabilang panig? Itinayo nila ang tabernakulo ng Diyos. Hindi sila nangalakal, kahit man lamang nagbukid, sa loob ng apatnapung taon. Wala noong mga paaralan, santuwaryo, katedral, seminaryo, o kaya ay mga paaralan hinggil sa Bibliya. Ang naroon lamang ay ang tabernakulo. Ano ang nasa kabila ng dagat? Ang lahat ng mga maka-Ehipto, makasanlibutang bagay.

Tayo ay mga taong tumawid mula sa kabilang panig. Ano naman ang para sa atin sa panig na ito? Pag-eekklesia! Tayo ang mga mananawid ng tubig. Tayo ay mga Hebreo. Inihiwalay tayo ng tubig. Ano ang ginagawa natin dito? Itinatayo natin ang tabernakulo, ang arka ngayon. Ang una sa mga tumawid sa tubig noong unang panahon, si Noe, ay nagtayo ng arka. Ang mga Hebreo noong panahon ni Moises ay nagtayo ng tabernakulo. Ngayon tayo, ang mga pangkasalukuyang Hebreo, ay nagtatayo ng ekklesia.

Ang ating Diyos ay “ang Diyos ng mga Hebreo.” Narinig na ba ninyo ang katawagang ito—“ang Diyos ng mga Hebreo?” Kahit na ako ay ilang taon nang naging estudyante ng Bibliya, kamakailan ko lamang nakita na ang ating Diyos ay “ang Diyos ng mga Hebreo.” Marami nang taon na nakikilala ko na ang Diyos ay ang Diyos ni Abraham, Isaac, at Jacob at yaong Siya ay ang Diyos ng Israel. Nguni’t ang Diyos ni Abraham ay “ang Diyos ng mga Hebreo” rin. Siya ang Diyos ng mga mananawid ng ilog, ang mga taong nakatawid na. Sinasabi ng Exodo 3:6, “bukod dito ay sinabi, Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob. At si Moises nga ay nagtakip ng kanyang mukha; sapagka’t siya ay natakot na tumingin sa Diyos.” Ang salitang ito ay hindi sinabi kay Faraon; ito ay sinabi sa bayan ng Diyos, ang mga anak ni Israel (Exo. 3:15-16). Noong kinausap ng Diyos ang Kanyang bayan, tinawag Niya ang Kanyang Sarili na Diyos ni Abraham, Isaac, at Jacob. Nguni’t bigyang-pansin ang kaibhan na nangyari nang kinakausap ng Panginoon si Faraon. “Nang magkagayon ay sinabi ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon, at saysayin mo sa kanya. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga Hebreo: payaunin mo ang Aking bayan, upang Ako ay mapaglingkuran nila” (Exo. 9:1, 13; 7:16). Noong kinausap ng Diyos si Faraon, tinawag Niya ang Kanyang Sarili na “Diyos ng mga Hebreo.” Para bang sinasabi ng Panginoon, “Faraon, hindi mo ba nalalaman na Ako ang Diyos ng mga Hebreo. Ako ang Diyos ng lahat ng mga tumatawid sa ilog. Hayaan mong humayo ang aking bayan. Hayaan mo silang tumawid sa Pulang Dagat upang mapaglingkuran nila Ako sa ilang. Faraon, kailangan mong matanto na Ako ang Diyos ng mga Hebreo.” Ang ating Diyos ay “ang Diyos ng mga Hebreo.” Dapat nating iproklama sa mundo na ang ating Diyos ay “ang Diyos ng mga Hebreo,” na tayo ay mga Hebreo, at yaong tayo ay nakatawid na sa tubig. Tayo, katulad nina Noe, Abraham, at ng mga anak ni Israel, ay nakatawid na sa tubig.

Nang naging matanda na ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto, binigyan sila ng Diyos ng bagong simula sa pamamagitan ng Paskua (Exo. 12:1-2). Iniba pa nga ng Diyos ang kanilang kalendaryo, pinalitan ito ng banal na kalendaryo mula sa kalendaryong pangsibil. Ayon sa kalendaryong sibil, ang Paskua ay nasa ikapitong buwan, nguni’t tinawag ito ng Diyos na unang buwan. Ito ay simula ng taon, isang bagong simula. Bilang resulta, naging bago at sariwa ang mga tao. Tinawid nila ang tubig at pumasok sa ilang kung saan sila, bilang mga bagong tao, ay nagtayo ng tabernakulo ng Diyos sa isang bagong paraan. Gayunpaman, pagkaraan ng apatnapung taon, naging luma sila at kinailangan nilang tumawid muli sa ilog. Una, tinawid nila ang Pulang Dagat; pangalawa, tinawid nila ang Ilog Jordan at pumasok sa mabuting lupain. Ang pagtawid sa tubig ay napakamakahulugan. Matapos makapasok ang mga anak ni Israel sa mabuting lupain, itinayo nila ang templo ng Diyos.

Pagkaraan ng maraming henerasyon, naging lumang muli ang mga Israelita. Sila ay naangkin ng mga kaaway, at maging ang templo pati na ang lahat ng mga paglilingkod nito ay ginamit, kinamkam, inangkin, at winasak ng kaaway ng Diyos. Kapagdaka, sa sobrang pagkabigla ng mga Israelita, lumitaw si Juan Bautista at sinabihan silang magsisi (Mat. 3:5-6). Ano ang ginawa ni Juan Bautista? Tinulungan niya sila na makaalis sa kanilang kalumaan, palabas mula sa luma, relihiyosong lupain ng mga Hudyo. Sinabihan niya sila na tumawid ng ilog at maging isang tunay na Hebreo. Yaon ang tunay na kahulugan ng bautismo para sa mga nagsising Fariseo at mga Hudyo. Sila ay binautismuhan palabas mula sa kanilang luma, relihiyosong lupain at binautismuhan tungo sa isang bagong dako. Ang bautismong yaon ay isang paghihiwalay. Matapos silang mabautismuhan ay masasabi nila, “Minsan ay naroon kami sa kabilang panig ng ilog, nguni’t ngayon ay naririto kami sa panig na ito.”

Hindi marami ang may ganitong pagkaunawa sa bautismo. Ginagawa kang tunay na Hebreo ng bautismo, dahil ang Hebreo ay isang tumatawid sa tubig. Natawid mo na ba ang tubig? Maaaring masabi mo, “Oo, natawid ko na ang tubig ng bautismo dalawampu’t limang taon na ang nakararaan.” Kumusta ka na ngayon? Sariwa at bago ka pa rin ba? Sa pandoktrina, hindi ko itinuturo ang bagay hinggil sa paglilibing sa tubig, nguni’t sa pangkaranasan ay hinihikayat ko kayong lahat na magpalibing sa tubig. Matapos kayong maligtas at mabautismuhan, nagpagalagala kayo sa ilang nang maraming taon at naging luma. Bagama’t natawid na ninyo ang Pulang Dagat, dapat ninyong tawirin ngayon ang Ilog Jordan. Ang pagtawid na ito sa tubig ay napakamakahulugan. Tingnan ninyong muli ang mga anak ni Israel. Ang unang pagtawid sa tubig, yaong sa Pulang Dagat, ang nagligtas sa kanila mula sa Ehipto. Ang pangalawang pagtawid sa tubig, yaong sa Jordan, ang nagligtas sa kanila mula sa paggala sa ilang at naghatid sa kanila tungo sa mabuting lupain. Kalimutan ninyo ang tungkol sa tradisyonal na pagtuturo na nagsasabing hindi dapat na magpabautismong muli ang mga Kristiyano at yaong ayon sa Bagong Tipan ang bautismo ay dapat na minsan lamang. Ang limit ay ayon sa aktuwal ninyong situwasyon. Kung hindi pa kayo kailanman nagawi sa lupaing angkin ni Satanas, hindi na ninyo kailangang magpabautismo pa kahit minsan lamang. Kung lagi kayong nasa kalangitan, hindi na ninyo kailangang magpabautismo pa. Gayunpaman, yamang nahulog kayo sa Ehipto tiyak na kailangan ninyong tawirin ang Pulang Dagat. Kung matapos ninyong tawirin ang Pulang Dagat ay kaagad kayong nakapasok sa mabuting lupa, hindi na ninyo kailangang tumawid sa Ilog Jordan. Nguni’t hindi kayo nakapasok kaagad sa mabuting lupain. Nagpagalagala pa kayo sa ilang sa isang takdang panahon. Pagkatapos ng paggalang yaon ay naging luma kayo. Ngayon, dahil naging napakaluma na ninyo, dapat ninyong tawirin ang isang ilog bago makapasok sa mabuting lupa. Kailangan ninyong tumawid ng ilog. Kung sa pagbasa ninyo ng mensaheng ito ay luma pa rin kayo, kinakailangan ninyong mapabago tulad ng isang Hebreo. Kailangan ninyong tumawid sa ilog.

Sa Apocalipsis 15:2 ay makakikita tayo ng isang kakatwang uri ng dagat, isang malasalaming dagat na may halong apoy. Sa dagat na ito ay hindi lamang may tubig bagkus ay may apoy rin. Nang ipataw ng Diyos ang Kanyang kahatulan sa mga natisod at kinondenang nilikha, una muna Niyang isinagawa ito sa tubig. Inihayag ng Genesis 1:2 na ang sanlibutan bago ang panahon ni Adam ay hinatulan sa pamamagitan ng tubig. Ang sanlibutan nang panahon ni Noe ay hinatulan rin sa pamamagitan ng tubig. Ang tubig ay kahatulan ng Diyos. Matapos ang kahatulan ng baha noong panahon ni Noe, pinalitan ng Diyos ang Kanyang kahatulan mula sa tubig na naging sa apoy. Kaya, ang Sodoma at Gomora ay nasunog, hindi binaha (Gen. 19:24). Sina Nadab at Abihu, ang mga anak na lalake ni Aaron ay hinatulan din sa pamamagitan ng apoy (Lev. 10:1-2). Sa kahulihulihan, ang lahat ng mga negatibong bagay ay aagos patungong dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14-15). Ang kahatulan ng Diyos sa natisod na nilikha, sa natisod na sanlibutan, at natisod na tao ay isang paghahalo ng tubig at apoy. Kaya, sa Apocalipsis 15 ay mayroon tayong pangitain ng malasalaming dagat na may halong apoy. Sa huli, ang malasalaming dagat na ito na may halong apoy ay magtatapos sa dagat-dagatang apoy.

Ang malasalaming dagat ay nasa harap ng luklukan ng Diyos (Apoc. 4:6). Sa pangitain ng malasalaming dagat na may halong apoy, ipinakikita ang mga mandaraig na nakatayo sa ibabaw ng dagat. Yaong mga nanaig sa kaaway ng Diyos ay tatayo sa ibabaw ng malasalaming dagat. Isinasagisag nito na natawid nila ang tubig. Natawid nilang lahat ang dagat. Sa kawalang-hanggan sila ang magiging mga tunay na mananawid ng tubig, ang mga tunay na Hebreo. Nasaan kayo? Umaasa akong kayo ay makapagsasabing kayo ay nasa ibabaw ng malasalaming dagat. Tayo ang mga Hebreo. Nakatawid na tayo sa dagat. Mayroon akong lubos na katiyakang natawid ko na ang tubig. Wala ako sa kabilang panig. Ang aking ninuno ay tumawid mula sa kabilang panig, at sinundan ko siya. Ako ngayon ay nasa ibabaw ng malasalaming dagat, at lahat ng mga negatibong bagay ay nasa ilalim ng aking mga paa. Ang mga mandaraig ay mapasasaibabaw ng malasalaming dagat gaya ng kung paanong ang mga anak ni Israel ay napasa pampang na nakadaan na sa Pulang Dagat. Nang ang mga Israelita ay tumawid sa Pulang Dagat, lumingon sila at nakitang si Faraon at ang lahat ng kanyang mga hukbo ay nangalunod sa dagat. Tayo, tulad ng mga Israelitang tumawid sa Pulang Dagat at umawit ng awit ni Moises (Exo.15:1), ay aawit ng awit ng Kordero (Apoc. 15:3). Isang araw, tayo ay mapasasaibabaw ng malasalaming dagat at titingin sa ibaba at makikita ang lahat ng mga makasanlibutang bagay sa ilalim ng dagat. Bagama’t alam kong mangyayari ito sa hinaharap, umaasa na rin akong nangyayari na ito ngayon. Tayong lahat ay narito sa ibabaw ng malasalaming dagat. Tayo ang mga Hebreo, ang mga tumawid sa tubig.

Dahil tayo ang mga tunay na Hebreo, ang aklat ng Hebreo ay para sa atin. Huwag ninyong akalaing ang mga mananampalatayang Hudyo lamang ang mga Hebreo. Tayo ay mga Hebreo rin. Tayo ay mga Hebreo, at ang kahanga-hangang aklat na ito ng Hebreo ay para sa atin. Hangga’t nananatili kayong makasanlibutan, kayo ay hindi kuwalipikadong tumanggap ng aklat na ito. Hangga’t itinuturing ninyo ang inyong mga sarili na naninirahan sa sanlibutan, kayo ay tapos na sa aklat ng Hebreo. Ang aklat na ito ay para lamang sa mga Hebreo. Yamang tayo ang mga tunay na Hebreo, mayroon tayong kahit isang aklat sa Bibliya na isinulat para sa atin. Hindi ako si Timoteo o si Tito man, nguni’t ako ay tunay na Hebreo. Tayong lahat ay mga Hebreo. Gayon na lamang ang dapat na ipagpasalamat natin sa Panginoon na ang pinakamatindi, pinakamayaman at pinakamalalim na aklat ay para sa atin! Walang ibang aklat ang higit na lalalim pa kaysa sa aklat ng mga Hebreo. Iniibig ng Diyos ang Kanyang mga Hebreo. Natawid na natin ang ilog at tayo ngayon ay nasa ibabaw ng malasalaming dagat. Tiyak na mauunawaan natin ang gayong kahanga-hangang aklat dahil natawid na natin ang ilog. Ang ating Diyos ay nagsulat ng isang gayong aklat sa atin.

Ngayon ang ating mabuting lupa ay hindi Canaan; yaon ay ang pinakabanal sa lahat. Tayong lahat ay nasa kabanal-banalan ngayon. Ang pagtawid natin sa tubig ay naghatid sa atin sa kabanal- banalang ito. Ito ang ating banal na lupa. Nasaan ang banal na lupang ito, ang kabanal-banalang ito? Ito ay kapwa nasa mga kalangitan at sa loob ng ating espiritu. Sa pagitan ng ating espiritu at ng mga kalangitan ay naroroon ang makalangit na hagdan—si Kristo, ang anak ng Tao, na siyang nag-uugpong ng ating espiritu sa langit at dinadala ang langit sa ating espiritu. Dito ay mayroon tayong Bethel, ang bahay ng Diyos (Gen. 28:10-22). Narito ang tahanan ng ating Diyos (Efe. 2:22). Ito ang buhay-ekklesia. Ito ang ating mabuting lupa.

Tingnan ninyo ang tabernakulo. Sa harapan nito ay may isang hugasan (Exo. 30:18). Sa harapan naman ng templo ay may dagat-dagatang tanso na may sampung hugasan (1 Hari 7:23, 27). Kapwa ang hugasan sa harap ng tabernakulo at ang dagat-dagatang tanso na may sampung hugasan sa harap ng templo ay sumasagisag na lahat ng taong pumasok sa kabanal-banalan ay kinakailangang tumawid sa tubig. Sa kahulihulihan, sinasabi sa atin ng Apocalipsis 15 na sa sansinukob ay may malasalaming dagat sa harap ng templo ng Diyos. Ang lahat ng pumupunta sa presensiya ng Diyos ay dumaan sa dagat na yaon. Tayo ay mga gayong tao. Wala tayo sa sanlibutan at wala tayo sa relihiyon. Wala tayo sa Hudaismo, Katolisismo o Protestantismo. Nasa dakong kabanal-banalan tayo. Nasa tahanan tayo ng Diyos, sa bahay ng Diyos, na kapwa nasa mga kalangitan at sa ating espiritu, at si Kristo ang makalangit na hagdan na nag-uugpong sa mga ito. Aleluya! Dito, ang langit ay bukas sa atin. Ngayon ay hindi lamang ang aklat ng Hebreo ang bukas sa atin, bagkus tayo ay bukas sa aklat ng Hebreo. Ngayon ay handa na nating masiyasat nang masusi ang mga kayamanan ng aklat na ito.

B. Nananampalataya sa Panginoong Hesus at Nagnanais pa ring
Magpatuloy sa Kanilang Relihiyong Hudaismo

Ang mga Hebreo kung kanino isinulat ang aklat na ito ay nanampalataya sa Panginoon, nguni’t nagnanais pa rin silang magpatuloy sa kanilang relihiyong Hudaismo. Ganito ba kayo? Matibay ba ninyong masasabi na hindi kayo ganito? Ako ay nag-aalala na maaring may tinatanganan pa kayo. Marahil ay pinanghahawakan ninyo ang mabubuting karanasan ninyo noon, bagay na hindi ang mabuting lupain. Kung isasaalang-alang ang buong sansinukob, ang Canaan ay isa lamang maliit na lugar. Maaaring mapunta ka sa milyun-milyong lugar nguni’t hindi sa lugar na iyon. Gayundin, maaaring nasa milyun-milyong bagay ka, nguni’t wala sa wastong lugar, na siyang si Kristo. Hangga’t hindi ka tiyak, ganap, at lahat-lahat para kay Kristo, may tinatanganan ka pa rin. Nag-aalala ako para sa marami sa inyo. May tinatanganan pa rin kayo maliban kay Kristo. Maaaring mabuti ito, baka napakabuti pa, nguni’t hindi ito si Kristo. Kailangan ninyong tumawid muli sa ilog. Tawirin ninyo ang ilog at magpalibing.

C. Inusig ng Mataas na Saserdote, ng mga Saduceo,
at ng mga Fariseo

Noong A.D. 63, tumayo si Ananias, isa sa mga mataas na saserdote sa relihiyong Hudaismo sa Herusalem, kasama ng mga Saduceo at mga Fariseo upang usigin ang mga Hebreo. Noong mga panahong yaon, yaong mga mahal na Hebreo ay nagpapahalaga sa Panginoong Hesus, nguni’t mabigat sa loob nila na iwanan ang kanilang lumang relihiyon. Sa katapusan, makapangyarihang nagsaayos ang Panginoon ng isang pangyayari upang mapilitan silang lumabas doon. Kung sila ay hindi handang lumabas, sila ay palalabasin nang sapilitan. Siguro sinabi ng mataas na saserdote, “Kung gusto ninyong manatili dito sa amin, kinakailangan ninyong maging katulad namin. Huwag kayong maging gayong Kristiyano—maging Hudyo kayo. Maging larawan kayo ng tunay na Hudyo. Kung gusto ninyong maging Kristiyano, lumayas kayo.”

Paminsan-minsan, ang ating karanasan ay pareho. Sa isang banda, maaaring nalulugod tayo sa buhay-ekklesia; sa kabilang banda, maaaring mabigat sa loob natin ang iwanan ang mga lumang bagay. Maaari tayong manatili sa kung nasaan tayo. Noong taglagas at taglamig ng 1925, nabuksan ang aking mga mata at nakita ko ang ekklesia. Gayunpaman, hindi ko sinunod ang liwanag na yaon nang kusang-kusa at agad-agad. Ako ay nagpagalagala. Pagkaraan ng dalawang taon, ilang mga banal kung kanino ako nakipagpulong noon ang tumayo at nagsabi, “Kung gusto mong manatili sa amin, maging katulad ka namin. Huwag ka maging iba pa. Kung ayaw mong maging katulad namin, ay lumabas ka. Iyon ay isang napakalaking tulong, at ako ay nagpapasalamat doon. Lumabas nga ako.

Maaaring makita ng ilang mga banal ang realidad ni Kristo at matantong tama ang buhay-ekklesia. Gayunpaman, mayroon silang maliit na “nguni’t.” Ang “nguni’t” na yaon ay ang buntot ng lobo. Nais nilang sumulong, nguni’t may humihila sa buntot nila. Nais nilang magbuhay-ekklesia, nguni’t may tusong humihila sa kanilang buntot. Gayunpaman, maging si Satanas ay may hangganan, may katapusan. Mahihila lang niya ang inyong buntot sa loob ng isang tiyak na panahon. Sa katapusan, sasabihin ng mga relihiyosong tao, “Kailangan mo ang isang tunay na pagbaling, o sisipain ka namin palabas. Kung sasama ka sa amin, kailangan mong maging tulad namin. Kung hindi, lumayas ka!”

Ang mga Kristiyanong Hebreo ay totoong nagdusa sa ilalim ng pag-uusig na yaon. Ninakawan sila ng mga relihiyosong Hudyo ng kanilang mga ari-arian at pinagbantaan pa ang kanilang mga buhay (10:34). Nagulumihanan ang mga mananampalatayang Hebreo. Marahil nasabi ng mga Hebreong yaon sa kanilang mga sarili, “Kung tama ngang sumunod kay Kristo, tiyak na ibibigay ng Diyos sa atin ang Kanyang pagpapala. Ngunit ang pang-uusig na ito ay hindi nagmula sa mga taga-Roma o sa mga pagano: nagmula ito sa Sanedrin, ang banal na kapulungan ng bayan ng Diyos. Mamamali ba sila? Siguro tayo ang mali.” Nagulo ang mga kapatid na Hebreo at nagsimulang magpagala-gala. Hindi nila masabing mali ang ipinahayag at sinabi nina Pedro at Pablo; hindi rin nila masabing ang templo, ang santuaryo, ay mali. Sila ay nag-aalangan, nahihirapang magpasiya kung magpapatuloy o aatras. Sa sandaling ito isinulat ang aklat ng Hebreo sa kanila.

D. Isinulat ang Aklat na Ito upang Mapagtibay sa Kanila
ang Pananampalatayang Kristiyano at upang Mabalaan Sila na Huwag Lumihis
mula Dito, Bagkus Iwanan ang Kanilang Relihiyong Hudaismo


Habang nasa ilalim sila ng pag-uusig na ito at nasa situwasyong ito, isinulat ang sulat sa mga Hebreo para sa kanila upang mapagtibay sa kanila ang pananampalatayang Kristiyano at upang mabalaan silang huwag lumihis mula dito, bagkus iwanan ang kanilang relihiyong Hudaismo. Ang sulat na ito ay isinulat sa kanila upang sabihin sa kanila na magpatuloy at huwag magpagalagala o umatras. Hindi sila dapat mag-atubili o magpaurong-sulong. Dapat silang magpatuloy at tumawid sa ilog. Tila ba sinasabi ng sumulat ng aklat, “Kayo ay mga Hebreo, nguni’t mabigat sa loob ninyong tumawid sa tubig na naghihiwalay. Ang tubig na yaon ay nasa inyong harapan, at kailangan ninyong tawirin ito. Si Kristo ay wala rito; Siya ay naroon. Siya ang Tagapagpauna. Nakapasok na Siya sa tabing. Hindi na kayo dapat manatili rito. Dapat kayong pumunta roon. Siya ang ating Pinuno at nakapasok na Siya sa kaluwalhatian. Sundan natin Siya. Patuloy tayong makipagbaka hanggang sa makapasok tayo sa kaluwalhatian. Lumabas tayo ng pintuan at ng kampamento at sundan natin Siya sa loob ng tabing.” Ang dalawang mahalagang sawikain ng aklat ng Hebreo ay ang “sa labas ng kampamento” at “sa loob ng tabing.” Malinaw na sinasabi sa kanila ng sumulat ng Hebreo, “Hindi kayo dapat mag-urong sulong sa pagitan ng kampamento at ng tabing. Magpatuloy kayo at pumasok agad sa tabing. Wala si Hesus sa kampamento o sa daan. Siya ay nasa loob ng tabing. Dapat tayong tumungo sa Kanya roon.” Yaon ang ating layunin. Kapag nagtutungo tayo sa ating espiritu, tinatawid natin ang ilog palabas sa ating nagpapagalagalang isipan, nagdaraan sa tabing, at nagtutungo sa loob ng kabanal-banalan. Ang sulat sa mga Hebreo ay isinulat para sa layuning pagtibayin sa mga mananampalatayang Hebreo ang tunay na pananampalatayang Kristiyano at upang balaan sila na huwag lumihis mula rito. Kailangan nilang iwanan ang kanilang relihiyong Hudaismo.

II. ANG MGA NILALAMAN

A. Ang Makalangit na Kristo, ang Kristo sa Kasalukuyan, ang Kristo Ngayon,
ang Kristo sa Araw na Ito

Ipinakikita sa atin ng aklat na ito, na may konsepto na lahat ng mga positibong bagay ay makalangit, ang Mismong Kristo na nasa mga kalangitan. Sa mga ebanghelyo ay naroon ang Kristo na namuhay sa lupa at namatay sa krus para sa pagsasakatuparan ng katubusan. Sa mga Gawa ay naroon ang nabuhay-na-muli at umakyat-sa-langit na Kristo na ipinalaganap at inihain sa tao. Sa Roma ay naroon ang Kristo na Siyang ating katuwiran para sa pag-aaring matuwid at ang ating buhay para sa pagpapabanal, pagtatransporma, pagwawangis, pagluluwalhati, at pagtatayo. Sa Galacia ay naroon ang Kristo para sa ating pamumuhay laban sa kautusan, relihiyon, tradisyon, at mga sistema. Sa Filipos ay naroon ang Kristo na naibubuhay sa Kanyang mga sangkap. Sa Efeso at Colosas ay naroon si Kristo na Siyang buhay, nilalaman at ulo ng Katawan, ang ekklesia. Sa Corinto ay naroon ang Kristo na Siyang lahat-lahat sa praktikal na buhay-ekklesia. Sa Tesalonica ay naroon ang Kristo na Siyang ating kabanalan para sa Kanyang pagbabalik. Sa Timoteo at Tito ay ang Kristo na Siyang ekonomiya ng Diyos upang maikilos natin nang maayos ang ating mga sarili sa bahay ng Diyos. Sa mga sulat ni Pedro ay naroon ang Kristo upang matanggap natin ang mga pampamahalaang pagtutuos ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagdurusa. Sa mga sulat ni Juan ay naroon ang Kristo na Siyang buhay at pakikisalamuha ng mga anak ng Diyos sa sambahayan ng Diyos. Sa Apocalipsis ay naroon ang Kristo na naglalakad sa gitna ng mga ekklesia sa kapanahunang ito, na maghahari sa daigdig sa kaharian sa darating na kapanahunan, at naihayag sa buong kaluwalhatian sa kawalang-hanggan. Sa Hebreo ay naroon ang pangkasalukuyang Kristo na nasa mga kalangitan ngayon bilang ating Ministro (8:2) at ang ating Mataas na Saserdote (4:14-15; 7:26), na naghahain sa atin ng makalangit na buhay, biyaya, awtoridad, at kapangyarihan, at nagtutustos sa atin upang makapamuhay ng isang makalangit na buhay sa lupa. Siya ang Kristo ngayon, ang Kristo sa kasalukuyan, at ang Kristo na nasa luklukan na Siyang pang-araw-araw nating kaligtasan at panustos sa bawa’t sandali. Ito ang Kristo na inihayag sa Hebreo. Ibig ko ang paglalarawang ito kay Kristo. Gagawin ko ang abot ng aking makakaya upang maimpluwensiyahan ko kayo, maikintal sa inyo, at mapilit kayo na ibigin Siya.

Narito ang isang munting paglalarawan. Tingnan ninyo ang mga itlog ng manok na nakahain sa almusal. Ang labas ng itlog ay ang balat, at ang nasa loob ay ang realidad ng manok. Hindi ninyo kinakain ang balat kundi ang realidad ng manok sa loob ng balat. Kadalasan isang sisiw ang mapipisa sa itlog, iniiwanan ang balat ng itlog. Sa ganoong kaso, walang kakain ng balat ng itlog. Kalilimutan na ninyo ang balat ng itlog at itatapon ito sa basurahan. Ito ay isang paglalarawan ng Hudaismo. Bago dumating si Kristo, ang Hudaismo ay isang itlog. Isang araw, lumabas yaong manok sa itlog, ibig sabihin ay lumabas si Kristo sa balat ng itlog na yaon. Dati, ang manok at ang balat ay iisa. Noong mga panahong yaon, kapaki-pakinabang na bigyang-halaga ang balat ng itlog dahil ang manok ay nasa loob pa ng itlog. Isang araw, si Hesus ay naibunga. Ang manok ay lumabas sa balat. Ngayon ang manok ay hindi lamang naglalakad sa ibabaw ng lupa o pumapailanlang sa hangin; Siya ay nakaupo sa ikatlong kalangitan. Ang manok ay naroon sa langit, at ang balat ay narito sa lupa. Huwag kayong magpaka- mangmang na nagtataka kung dapat kayong pumunta sa manok o manatili sa balat. Walang alinlangang dapat kayong pumunta sa manok. Huwag kayong manatili sa balat.

Hayaan ninyong magsabi ako ng isang salita sa mga kaibigang Hudyo na dumadalo pa sa sinagoga. Ang binibigyan ninyo ng halaga ay ang hungkag at basag na balat lamang. Kalimutan na ninyo yaon. Itapon ninyo ito sa basurahan, at magtungo sa manok. Ang manok ay si Kristo. Bilang manok, si Kristo ang elemento ng buhay, ang esensiya ng buhay, at ang substansiya ng buhay. Bakit napakahalaga ng Lumang Tipan at ng Hudaismo? Dahil hanggang sa si Kristo ay lumabas sa balat, Siya ay kasama nila. Ngayon, yamang nakalabas na Siya sa balat, dapat kang magtungo sa manok at huwag manatili sa balat.

Ang prinsipyong ito ay maaaring iaplay sa anumang makarelihiyosong bagay. Ang baustimo ay mabuti sa tuwing naroroon si Kristo. Nguni’t minsang naalis si Kristo mula sa bautismo, ang bautismo ay nagiging isang balat. Anumang relihiyosong bagay na walang Kristo ay isang balat. Mayroon tayong hapag ng Panginoon tuwing linggo, nguni’t kung ito ay isang hapag lamang na wala ang Panginoon doon, ito ay isang balat. Maging ang inyong Bibliya o ang pagbabasa ninyo ng Bibliya ay maaaring maging balat kung walang Kristo roon. Ang inyong pagmiministeryo, ang inyong pagpapahayag, at ang gawaing pang-Kristiyano ay maaaring maging balat lahat kung ang mga ito ay mga relihiyosong gawain lamang na walang Kristo. Anumang bagay na pundamental, pangkasulatan, relihiyoso at anumang bagay na para sa Diyos nguni’t walang Kristo bilang realidad nito ay isang balat. Mga kapatid na babae, ang pagtatakip ninyo ng inyong ulo ay dapat na may Kristo, dahil kung walang Kristo, ang inyong takip sa ulo ay isang hungkag na balat lamang. Huwag ninyong isiping iisang bagay lamang ang kinokondena ko. Kinokondena ko ang lahat ng bagay na walang Kristo. Maging ang aking mensahe ay isang balat kung wala itong Kristo. Maging ang buong Pag-aaral-Pambuhay na ito ay isang balat kung hindi ito naghahain ng Kristo.

Dapat nating makita lahat kung gaano kadali magkaroon ng balat na walang manok. Napakadali nito. Ano ang relihiyon? Ang relihiyon ay ang paglilingkod sa Diyos, pagsamba sa Diyos, at pagkilos ng sarili nang maayos upang mabigyang-lugod ang Diyos nang walang Kristo. Ang pagsamba sa Diyos, ang paglilingkod sa Diyos, ang pagkilos ng sarili nang maayos sa harapan ng Diyos, ang lahat ng mga ito ay mabuti, nguni’t kung ang mga ito ay walang Kristo, ang mga ito ay relihiyon lamang. Ang gayong pagsamba, paglilingkod, o pagkilos nang maayos ay nagiging relihiyon. Si Kristo lamang ang realidad. Anuman ang ginagawa natin at anuman tayo ay maaaring maging balat lamang. Ang ilan sa mga bagay na ito ay hindi pa nga balat, nguni’t kung ang mga ito man ay maging balat, wala ring kabuluhan ang mga ito kung walang Kristo. Dapat tayong magkaroon ng Kristo! Nais ba ninyong maging matanda? Yaon ay mabuti, nguni’t dapat na naroon si Kristo sa pagkamatandang yaon. Kung wala kayong Kristo sa inyong pagkamatanda, ang inyong pagkamatanda ay isang balat. Sa tuwing minamahalaga ninyo ang isang balat, kailangan ninyong tumawid ng ilog at ilibing ninyo ang inyong sarili palabas sa balat na yaon. Ito ang mensahe ng aklat ng mga Hebreo.

Ang Hebreo ay isang aklat na siyento por siyentong kay at para kay Kristo. Ang Kristong ito ay hindi isang doktrinang Kristo; Siya ay isang Kristo ngayon para sa ating pagdaranas. Sinasabi sa atin ng Hebreo 1:1-3 na naisakatuparan na ni Kristo ang lahat at yaong nakaupo Siya ngayon sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan. Sinasabi naman ng Hebreo 4:14 na Siya ang Mataas na Saserdote na dumaan sa mga kalangitan. Hindi lamang Niya natawid ang ilog, bagkus nakadaan pa sa mga kalangitan, pumasok sa ikatlong kalangitan kung saan nasa loob ng tabing ang kabanal-banalan.

Naroroon na Siya ngayon. Sinasabi ng Hebreo 6:20 na Siya ang Tagapagpauna. Natakbo na Niya ang takbuhin, naging una na nakarating sa gol. Siya ang unang nakapasok sa tabing. Sinasabi ng Hebreo 7:26 na Siya ang gayong Mataas na Saserdote dahil Siya ay naging lalong mataas pa kaysa sa mga kalangitan. Nasa pinakatuktok Siya ng sansinukob. Sinasabi ng Hebreo 8:1; 9:24, at 10:12 na ang Kristong namatay ay nasa mga kalangitan ngayon; gayunpaman Siya ay naririto. O, talagang dapat natin Siyang kaugnayin! Iwanan ang balat ng itlog! Dapat nating mahipong lahat ang makalangit na Kristong ito, ang nariritong Kristong ito, ang Kristong ito sa ngayon. Siya ay tunay na tunay, buhay na buhay. Tinutustusan Niya tayo ngayon ng lahat na makalangit na buhay, awtoridad, at kapangyarihan upang makapamuhay tayo ng isang makalangit na buhay sa ibabaw ng lupa. Hindi lamang Siya ang ating pang-araw-araw na kaligtasan bagkus ang atin ding panustos sa bawa’t sandali. Siya ay gayong Kristo. Dapat natin Siyang makilala at maranasan. Kalimutan ang relihiyon! Nasa atin ang manok! Wala na tayong mga sistema o mga rituwal—realidad lamang. Ito ang nilalaman ng aklat ng Hebreo. Habang nagpapatuloy tayo sa ating Pag-aaral Pambuhay, makikita natin ang kaibuturan, ang kalaliman, at mga kayamanan ng aklat ng ito.

B. Kasama ang Lahat ng mga Makalangit na Aytem

Ang mga nilalaman ng aklat na ito ay hindi lamang ang makalangit na Kristo, bagkus ang makalangit na Kristo kasama ang lahat ng mga makalangit na aytem: ang makalangit na pagtawag (3:1), ang makalangit na pagtatala (12:33), ang makalangit na kaloob (6:4), ang mga makalangit na bagay (8:5; 9:23), ang mga makalangit na dakong banal (9:24), ang makalangit na Herusalem (12:22), at ang makalangit na bayan (11:16). Dapat nating makita ang lahat ng makalangit na bagay na ito.

III. ANG MGA BAHAGI

Simpleng bagay ang makita ang mga bahagi ng aklat na ito. Una, may pambungad tayo, na nagpapakita na ang Diyos ay nagsasalita sa loob ng Anak (1:1-3). Ang kahuli-hulihan ay ang konklusyon (13:20-25). Sa pagitan ng pambungad at ng konklusyon, ipinakikita ng aklat na ito ang kahigtan ni Kristo (1:4; 10:39) at inihahayag din ang paraan upang makuha at matamasa ang Kristong ito, ang daan ng pananampalataya (11:1-13:19). Si Kristo ay nakahihigit sa lahat: sa mga anghel, kay Josue, kay Moises, at kay Aaron. Ang tipang ginawa Niya ay nakahihigit sa tipang ginawa kay Moises. Si Kristo ay nakahihigit sa lahat. Ang paraan upang maabot natin ang Kristong ito, ang paraan upang makuha Siya ay ang namumukod-tanging daan ng pananampalataya. Ito ang aklat ng Hebreo.

 

Mga Nilalaman
Susunod