PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE SAMPU

ANG PINUNO NG KALIGTASAN
(2)

Kailangan nating mag-ukol ng isa pang mensahe ukol sa Pinuno ng kaligtasan. Ito ay isang dakilang bagay. Ang Pinuno ng kaligtasan ay ang Isang nagdadala sa atin tungo sa kaluwalhatian. Walang suliranin sa pag-unawa ukol sa Pinuno; ang kahirapan ay nasa pag-unawa sa kahulugan ng kaluwalhatian. Bagama’t nagsalita tayo ng tungkol sa kaluwalhatian sa nakaraang mensahe, ako ay may kabigatang magsalita ng pangunahing bagay tungkol sa kaluwalhatian sa mensaheng ito sapagka’t marami sa atin ang hindi malinaw hinggil sa tunay na kahulugan ng kaluwalhatian sa Bibliya.

KALUWALHATIAN—DIYOS NA NAHAYAG

Sa Bibliya, ang kaluwalhatian ay Diyos na nahayag. Sa tuwing ang Diyos ay nahahayag, yaon ay kaluwalhatian. Subali’t sa tuwing ang Diyos ay nakukubli, natatago, walang kaluwalhatian. Kapag ang Diyos ay nakikita, mayroong kaluwalhatian. Hindi ninyo kailanman makikita ang Diyos nang hindi nakikita ang Kanyang kaluwalhatian. Kung ang Diyos na di-nakikita ay Diyos; ang Diyos na nakikita ay kaluwalhatian. Ang kaluwalhatian ay nakita nang ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Ehipto patungo sa mabuting lupain (Exo. 13:21). Sa araw ay nakita ang Diyos bilang ang ulap at sa gabi ay nakita Siya bilang ang haliging apoy—yaon ay kaluwalhatian. Sa Ebanghelyo ni Juan ay nababasa natin na ang Salita ay Diyos, na ang Salita ay naging laman at nanahan sa gitna natin, at yaong nakita nating lahat ang Kanyang kaluwalhatian (Juan 1:1,14). Sinasabi sa Juan 1:18, “Walang taong nakakita kailanman sa Diyos; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, Siya ang naghayag sa Kanya” (Salin sa Pagbabawi). Mayroong kaluwalhatian sa paghahayag ng Diyos. Kapag nakikita natin ang Diyos, nakikita natin ang kaluwalhatian.

ANG SAMA-SAMANG KAHAYAGAN NG DIYOS

Batay sa pagkaunawang ito sa kaluwalhatian, maitatanong natin, “Ano ang walang hanggang layunin ng Diyos?” Ang walang hanggang layunin ng Diyos ay ang ihayag ang Kanyang Sarili sa isang sama-samang paraan. Kung maingat ninyong babasahin ang Apocalipsis, makikita ninyo na ang buong lunsod ng Bagong Herusalem ay nagtataglay ng kaluwalhatian ng Diyos (Apoc. 21:10-11). Nangangahulugan ito na ang buong lunsod ay magiging ang sama-samang kahayagan ng Diyos. Sa Bagong Herusalem, ang Diyos ay nasa Kordero, at ang Kordero ay ang ilawan na may Diyos na nagliliwanag sa at sa pamamagitan Niya bilang ang liwanag (Apoc. 21:23, Gr.). Sa katapus-tapusan, ang liwanag na ito ay magliliwanag sa pader ng lunsod, isang pader na gawa sa jaspe, kasing linaw ng kristal, at naghahayag ng wangis ng Diyos. Kung tatanungin ninyo ako kung ano ang kaluwalhatian, sasabihin ko na yaon ang kaluwalhatian. Ang madala sa kaluwalhatian ay nangangahulugang ang madala tungo sa loob ng maluwalhating kahayagan ng Diyos.

Yamang maraming bagong kapatid ang maaaring hindi pamilyar sa bagay na ito, suriin natin ang mga bersikulo sa Apocalipsis nang higit na maingat. Sinasabi sa Apocalipsis 21:11 na, isang paglalarawan sa Bagong Herusalem, “Na may kaluwalhatian ng Diyos. Ang Kanyang ilaw ay katulad ng isang napakamahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng kristal.” Sinasabi sa bersikulo 18 ng gayunding kapitulo, “At ang materyal na ginamit sa pagtatayo ng pader nito ay jaspe.” Ang buong pader ng lunsod ay gawa sa jaspe, naghahayag ng mismong wangis ng Diyos. Kung babasahin ninyo ang Apocalipsis 4:3, makikita ninyo na ang Diyos, ang Isang nakaupo sa trono, ay may anyo ng jaspe: “At ang nakaupo ay tulad sa anyo ng isang batong jaspe.” Ang anyo ng Diyos ay katulad ng jaspe, at ang pader ng lunsod ay gawa sa jaspe, naghahayag ng anyong katulad ng sa Diyos. Ito ang kaluwalhatiang tinataglay ng lunsod. Ang gayong kaluwalhatian ay hindi isang obhektibong pagliliwanag o pagniningning. Ang kaluwalhatian dito ay ang dibinong realidad na nahayag. Ang dibinong realidad na nahayag sa pamamagitan ng sama-samang Katawan ay kaluwalhatian. Ito ang kaluwalhatiang papasukin natin. Ang kaluwalhatiang papasukin natin ay hindi isang obhektibong pagliliwanag o pagniningning; ito ay Diyos mismo na nagliliwanag mula, sa pamamagitan, at palabas natin.

Nasaan ang kaluwalhatian sa Bagong Herusalem? Ito ay nasa sentro, nasa mismong lunsod. Ang Diyos, ang pinagmulan ng kaluwalhatian, ay nasa trono sa sentro ng Bagong Herusalem. Ang Diyos na nasa trono ay ang substansiya, esensiya, at elemento ng kaluwalhatian. Sa Apocalipsis 21, ang kaluwalhatiang yaon ay tinatawag na liwanag (Apoc. 21:23). Ang liwanag na yaon ay hindi isang natural na liwanag, katulad ng araw, buwan, at mga bituin, o isang liwanag na gawa-ng-tao, katulad ng isang ilawan. Hindi, ito ay ang dibinong liwanag, ang Diyos Mismo. Ito ang pinagmulan ng kaluwalhatian. Ang Diyos bilang liwanag ay nagliliwanag sa at sa pamamagitan ng Kordero bilang ilawan, na sa katapus-tapusan ay nagliliwanag sa buong lunsod, sinasanhi ang lunsod na magtaglay ng anyo ng Diyos Mismo. Kapag tinitingnan natin ang Bagong Herusalem, makikita natin ang kahayagan ng anyo ng Diyos, ang liwanag sa ilawan na nagliliwanag sa jaspe. Ito ang kaluwalhatian. Ang kaluwalhatian ay ang Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga tinubos na tao. O, gaano natin kailangang lahat na makita kung ano talaga ang kaluwalhatiang ito!

Sa mga mensaheng ito, labis na tayong nagsalita tungkol sa pagtawid ng ilog. Kailangan nating tumawid ng ilog sa panig ng kaluwalhatian, sa rehiyon ng kaluwalhatian. Subali’t hindi ito nangangahulugan na tayo ay papasok sa kaluwalhatian sa isang pisikal na pakahulugan at maglalakad sa mga ginintuang lansangan. Hindi, ang mga bagay na patungkol sa Diyos at sa Kanyang walang hanggang layunin ay napaka mahiwaga, espirituwal, at dibino na hindi sila mailarawan nang sapat ng mga pantaong salita at walang pantaong kaisipan ang makauunawa sa kanila nang husto. Dahil dito, gumagamit ang Bibliya ng mga sagisag upang kumatawan sa dibinong realidad. Kapag sinasabi ng Bibliya na si Kristo ang Kordero, mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na sa literal Siya ay isang Kordero na may apat na paa at isang buntot. Kapag ang Bibliya ay nagsasalita na si Kristo ay ang Kordero ng Diyos (Juan 1:29), ang tinutukoy nito ay ang dibinong pagtutubos.

Sa kabuuan, inihahayag ng Bibliya na ang Dibinong Isa, ang Makapangyarihan-sa-lahat at mahiwagang Diyos, ay nagnanais na magkaroon ng isang ganap na kahayagan sa pamamagitan ng isang sama-samang tao. Para sa layuning ito, nilikha Niya ang sansinukob, kasama na ang sangkalangitan at ang lupa. Para sa layuning ito, partikular at espesyal Niyang nilikha ang tao bilang isang sama-samang entidad upang magtaglay sa Kanya, upang mapunuan Niya, upang mabuhay sa pamamagitan Niya at taglayin ang Kanyang Katauhan sa pamamagitan Niya nang sa gayon ay maihayag Siya. Sa katapus-tapusan, ang sama-samang taong ito ay magiging ang Bagong Herusalem bilang ang sama-samang kahayagan ng Diyos. Ang Diyos ay naroroon bilang ang sentro, esensiya, substansiya, nilalaman, buhay at lahat-lahat ng sama-samang taong ito. Ang Diyos ay magliliwanag doon. Siya ay magliliwanag mula sa loob ng sama-samang taong ito at sa pamamagitan ng sama-samang taong ito. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay naroroon, at lahat ng sangkap ng sama-samang taong ito ay madadala sa kaluwalhatiang yaon.

Ngayon mauunawaan na natin ang kahulugan ng kaluwalhatiang pagdadalhan sa atin. Ang kaluwalhatiang ito ay hindi lamang basta obhektibong pagliliwanag; ito ay ang Diyos Mismo na nahayag. Kapag ang Diyos Mismo ay dumarating tungo sa loob natin, Siya ay buhay; kapag Siya ay gumagawa sa atin, Siya ay liwanag; at kapag Siya ay nahahayag sa atin, Siya ay kaluwalhatian. Ito ang walang hanggang gol ng Diyos kung saan Niya tayo dinadala. Ngayon ay dinadala tayo ng Diyos sa isang rehiyon ng kaluwalhatian na Siyang ang Mismong Diyos na nahayag.

ANG PANGANGAILANGANG TUMAWID NG ILOG

Bagama’t nilikha ng Diyos ang tao na may gayong isang intensiyon at layunin, ang tao ay nasira at napasama. Sa isang pakahulugan, ang nasirang sangkatauhan ay naging Caldea, Babilonya, ang lupain ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. Kadalasang ginagamit ng Bibliya ang mga lupain at mga lunsod bilang larawan upang sumagisag sa tao. Kaya ang Caldea at Babilonya ay sumasagisag sa nasira at napasamang tao na puno ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. Mula nang matisod ang tao, may pangangailangang tumawid ng ilog palabas sa napasamang lupain patungo sa napataas, at bagong lupain, yaon ay, tungo sa isang napataas, at bagong sangkatauhan. Kaya ang Diyos ay dumating at tinawag si Abraham mula sa nasirang sangkatauhang iyon, yaon ay, mula sa Caldea, ginagawa siyang pinuno at ama ng tinawag na lahi. Tinawid ni Abraham ang ilog at naging ang kauna-unahang Hebreo, ang kauna-unahang mananawid ng ilog. Ang pagtawid ni Abraham sa ilog at pagpasok sa bagong lupain ay sumasagisag sa pagpasok niya sa isang napataas, at bagong sangkatauhan na gagamitin ng Diyos upang maging Kanyang kahayagan.

ANG GOL SA PAGTAWID NG ILOG

Ang kahayagan ng Diyos ay sinagisag ng Kanyang templo, ang Kanyang tirahan sa lupa. Ang intensiyon ng Diyos sa pagtawag kay Abraham ay ang makatamo ng gayong tirahan. Ang pagtawag kay Abraham sa katapus-tapusan ay para sa pagbubunga, pagtatayo, ng tirahan ng Diyos. Ito ay hindi isang maliit na bagay. Dapat nating tingnan ang Bibliya at ang mga tao rito sa kabuuan, at hindi lamang isaalang-alang ang ilang indibiduwal, katulad nina Abraham, Isaac, Jacob, at Moises. Ano ang intensiyon ng Diyos sa pagtawag kay Abraham? Ang intensiyon Niya ay yaong lahat ng mga inapo ni Abraham ay maitayo bilang tirahan ng Diyos sa lupa. Sa katapus-tapusan, ang resulta ng pagtawag kay Abraham ay ang templo. Ang pagtawid ng ilog ay para sa pagtatayo ng templo. Ano ang kahulugan ng pagtatayo ng templo? Ito ay ang sama-samang kahayagan ng Diyos. Ang templo, ang tirahan ng Diyos, ay ang sama-samang kahayagan ng Diyos sa lupa. Ang templo ay napunô ng kaluwalhatian ng Diyos (1 Hari 8:10-11). Nang maitayo ang templo noong panahon ng paghahari ni Salomon, pinuno ito ng kaluwalhatiang shekinah (shekinah glory). Nang panahong yaon, lahat ng mga anak ni Israel ay nadala sa kaluwalhatian. Ang pisikal na templo ay sumagisag sa bayan ng Israel. Ang tirahan ng Diyos sa lupa ay hindi isang bahay na gawa sa bato. Yaon ay isang sagisag lamang. Ang tunay na tirahan ng Diyos sa lupa nang panahong yaon ay ang bayan ng Israel. Nang pinunô ng kaluwalhatian ng Diyos ang templo, nangangahulugan itong pinuno ng kaluwalhatian ng Diyos ang mga anak ni Israel. Ang mga anak ni Israel ay nadala tungo sa loob ng kaluwalhatian. Ito ang tunay na gol ng pagtawid ng ilog, ang tunay na gol ng pagiging isang Hebreo.

ANG KAHULUGAN NG PAGTAWID NG ILOG

Kung alam ninyo ang pinakabuod ng Bibliya, matatanto ninyo na kahit saan ay may isang ilog para tawirin ng bayan ng Diyos. Gaya ng nabanggit ko na, may isang nakatayong ilog, ang hugasan, sa harapan ng tabernakulo (Exo.40:30-32). Sa tuwing nais ng isang saserdote na lumapit sa presensiya ng Diyos, kinakailangan niyang dumaan sa maliit na ilog na yaon. Ang sabihing sapat na para sa mga saserdote ang maghugas ng kanilang mga sarili nang minsan at para sa lahat ay kakatwa at mali. Ilang beses ba kinakailangang mahugasan ang mga saserdote? Nakasalalay ito kung ilang beses sila nagtungo sa presensiya ng Diyos. Gayundin naman, kailangan nating mahugasan nang higit pa sa isang beses. Ilang beses natin kailangang mahugasan? Sa tuwing tayo ay marumi. Ang maghugas ay ang tumawid ng ilog. Ang paghuhugas na ito ay hindi matatapos hanggang wala pa tayo sa malasalaming-dagat (Apoc.15:2-3). Kapag tayo ay nasa Bagong Herusalem na, wala ng alikabok, tanging ginto, perlas at mahahalagang bato na lamang. Doon ay hindi na tayo kailanman marurumihang muli. Doon ay wala nang hugasan, wala ng malasalaming-dagat, sa harapan ng Bagong Herusalem. Subali’t naroroon ang dagat-dagatang apoy, at lahat ng bagay na naalis sa paghuhugas ay pupunta roon. Ngayon nauunawaan na natin kung ano ang kahulugan ng tumawid ng ilog; ito ay ang hugasan ang ating mga sarili mula sa anumang bagay na luma, anumang bagay na sira, at anumang bagay na hindi tumutugma sa kaluwalhatian ng Diyos.

Si Abraham ay tinawag upang tumawid ng ilog. Pagkatapos ng kauna-unahang pagtawid ng ilog na yaon, ilan pang mga pagtawid ang sumunod? Unang-una, naroroon ang pagtawid sa Dagat na Pula at, ikalawa, ang pagtawid sa Ilog Jordan. Sa panahon ng pagtawid sa Dagat na Pula, ang mga hukbong Ehipcio ay nailibing (Exo.14:28). Ano ang nailibing sa ilalim ng Ilog Jordan? Ang sarili. Nang tumawid ang mga anak ni Israel sa Ilog Jordan, nailibing din ang labindalawang bato na kumakatawan sa lumang Israel, at inilabas naman sa ilog at inilagay sa mabuting lupain ang isa pang grupo ng labindalawang bato na sumasagisag sa bagong Israel (Jos.4:8-9). Kailangan nating tumawid palabas ng Ehipto. Kailangan nating tumawid palabas sa mga hukbong Ehipcio at kapangyarihang Ehipcio. Kailangan nating tumawid palabas sa mga Ehipciong pamilihan (department store) at sa mga modernong uso (modern fashion). Sa katapus-tapusan, kailangan nating tumawid palabas sa ating mga sarili. Kailangan nating tumawid sa Dagat na Pula at kailangan nating tumawid sa Ilog Jordan. Pagkatapos, maitatayo na natin ang templo.

Huwag ninyong isipin na pagkatawid sa Dagat na Pula at sa Ilog Jordan ay wala ng mga ilog na tatawirin. Sa tuwing ninanais ninyong pumasok sa templo, kailangan ninyong tumawid ng ilog—ang hugasan. Kailangan pa rin ninyong tumawid ng malasalaming-dagat. Sa araw-araw, at sa bawa’t panahon, kailangan ninyong tumawid ng ilog upang makapasok sa Dakong Kabanal-banalan, sa loob ng presensiya ng kaluwalhatiang shekinah, kung saan nananahan ang Diyos. Ito ang kahulugan ng madala tungo sa loob ng kaluwalhatian. Ang pagtawid sa lahat ng mga ilog ay nagdadala sa atin tungo sa loob ng kaluwalhatian, ang kaluwalhatian na Siyang Mismong Diyos na nahayag.

ANG PANGINOONG HESUS BILANG ISANG TIPIKAL NA HALIMBAWA

Para rito, hindi lamang tayo mayroong malinaw na sagisag ni Abraham at ng kanyang mga inapo na nagwawakas sa pagtatayo ng templo, kundi mayroon tayong isang tipikal na halimbawa—ang Panginoong Hesus. Ang Panginoon bilang ang Tagapagbunsod at Tagapagpáuná ay ang halimbawa, ang tularan, ng isang taong nakatawid ng ilog at nakapasok sa kaluwalhatian ng Diyos. Nakatawid siya sa ilog Jordan at lubusang nakapasok sa dibinong kaluwalhatian. Nagdusa Siya at pumasok sa kaluwalhatian (Lucas 24:26; 1 Ped. 1:11).

Ano itong kaluwalhatiang pinasukan ni Kristo? Ito ay ang ganap na kahagayan ng Diyos. Nang ang Panginoon ay nasa laman, ang Diyos ay nakatago sa Kanya. Nasa loob Niya ang binhi ng dibinong kaluwalhatian. Nasa loob ni Hesus, ang Nazarenong nagtataglay ng dugo at laman, ang binhi ng kaluwalhatian ng Diyos. Subali’t ang kaluwalhatiang ito ay nakatago sa loob Niya gaya ng ang kaluwalhatian ng isang karnesyon ay nakatago sa loob ng binhi ng karnesyon. Kapag ang binhi ng karnesyon ay nahulog sa lupa, namatay, at sumibol muli hanggang marating na nito ang yugto ng pamumulaklak, ang binhi ng karnesyon ay madadala tungo sa kaluwalhatian. Si Hesus ay isang gayong binhi. Siya ay nahulog sa lupa, namatay, at lumago (Juan 12:23-24). Sa Kanyang paglago, ang Kanyang buong katauhan, kabilang na ang Kanyang pagkatao at ang Kanyang pantaong kalikasan, ay nadala tungo sa maluwalhating kahayagan ng Diyos. Yaon ang Kanyang kaluwalhatian. Ang Panginoon ay nagbata ng kamatayan, tinatawid ang ilog ng kamatayan, at pumasok sa kaluwalhatian, tungo sa loob ng ganap na kahayagan ng Dibinong Isa. Ang isinagisag ni Abraham at ng kanyang mga inapo noong panahon ng pagtatayo ng templo ay naisakatuparan sa Panginoong Hesus. Pagkatapos tumira sa lupa nang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, isinakatuparan ng Panginoong Hesus ang sagisag. Tinawid ni Hesus ang ilog. Una Niyang tinawid ang ilog noong panahon ng Kanyang pagbabautismo. Sa loob ng tatlo at kalahating taon pagkaraan ng Kanyang bautismo, patuloy Siyang tumatawid ng mga ilog. Sa katapus-tapusan, sa krus, tinawid Niya ang ilog ng kamatayan. Sa pagtawid sa kahuli-hulihang ilog na yaon, pumasok Siya sa kaluwalhatian. Ang kaluwalhatiang pinasukan Niya ay ang realidad ng kahayagan ng pagka-dibino ng Diyos. Pagkaraan ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, Siya ang maluwalhating kahayagan ng Diyos. Yaon ang kaluwalhatiang pinasok Niya. Siya ang halimbawa, ang tularan, sapagka’t Siya ang unang Isa na nagbunsod tungo sa kaluwalhatian, ang Isang naghanda ng daan.

SA LOOB NG TABING

Ang Tagapagbunsod na ito, ang Tagapagpáunang ito, ay pumasok sa loob ng tabing (Hebreo 6:19-20). Ano ang tabing? Ang tabing ay yaong naghihiwalay sa atin sa kahayagan ng Diyos. Bawa’t ilog ay isang tabing na naghihiwalay sa atin sa kahayagan ng Diyos. Sa pagdaan sa Jordan, ang ilog ng kamatayan, pumasok si Hesus sa loob ng tabing. Doon sa loob ng tabing ay wala ng iba pang bagay maliban sa kahayagan ng Diyos. Siya ay naroroon ngayon sa kaluwalhatian. May isang tao na nasa kaluwalhatian. Nangangahulugan ito na may isang tao na nasa kahayagan ng Diyos. Higit pa rito, may isang tao na siyang ang kahayagan ng Diyos, isang tao sa kaluwalhatian ng Diyos.

SI KRISTO BILANG KALUWALHATIAN SA LOOB NATIN

Isang araw itong kamangha-manghang taong si Hesus, na Siyang tularan, halimbawa, Tagapagpáuná, Tagapagbunsod, at Pinuno, ay pumasok sa loob natin. Maaaring hindi natin namamalayan ito, subali’t pumasok Siya sa loob natin. Bagama’t maaaring alam nating pumasok si Hesus sa loob natin, malamang na hindi natin alam kung anong uri ng Hesus Siya, sapagka’t nauunawaan Siya ng karamihan sa mga mananampalataya ayon sa isang mababang antas ng pagpapahayag ng ebanghelyo. Sino itong Hesus na pumasok sa loob natin? Siya ay hindi lamang ang Tagapagligtas, Siya ay ang Isang nanguna upang takbuhin ang takbuhan tungo sa kaluwalhatian, ang Isang pumasok sa ganap na kahayagan ng Diyos, ang Isa na maging sa ngayon, ay siyang ganap na kahayagan ng Diyos. Ang Hesus, na ito, na Siyang kahayagan ng Diyos, ang ningning ng kaluwalhatian ng Diyos (Heb. 1:3), ay ang Hesus na pumasok sa loob natin. Kaya, sinasabi sa Colosas 1:27, “Si Kristong nasa loob ninyo, ang pag-asa ng kaluwalhatian.” Sa nakalipas, marahil ang masasabi lamang natin ay yaong si Kristo ang buhay na walang hanggang sa loob natin. Kung wala tayong Colosas 1:27, hindi natin kailanman maiisip na ang Hesus na nasa loob natin ay ang pag-asa ng kaluwalhatian. Ang pag-asa ng ating kaluwalhatian ay si Kristo lamang Mismo.

Ang kaluwalhatiang ito ay isa pa ring pag-asa sa atin sapagka’t, sa ngayon, hindi pa ito lumalabas sa atin. Kapag ikaw ay naghasik ng isang binhi ng karnesyon sa lupa, mayroon kang pag-asa ng pamumulaklak nito. Bagama’t hindi pa ninyo ito nakikitang namumulaklak, naniniwala kayo na mamumulaklak ito. Si Kristo sa loob natin ay ang pag-asa ng kaluwalhatian. Yamang ang binhi ng kaluwalhatian ay naihasik na sa atin, lahat tayo ay umaasa sa pamumulaklak nito.

Sa isang panig, itong kamangha-manghang Isa ay nasa loob ng tabing, nananahan doon sa kahayagan ng Diyos at bilang ang kahayagan ng Diyos. Sa kabilang panig, Siya ay pumasok sa loob natin. Hindi natin dapat unawain ito sa pamamagitan ng ating munting na kaisipan na, sinasabing “Si Kristo ay nasa loob ng tabing at ngayon Siya ay pumasok sa akin. Yamang Siya ay nasa akin, hindi na Siya dapat naroroon.” Yaon ang ating natural na kaisipan. Hindi tayo dapat manatili sa ating munting kaisipan—dapat tayong tumawid ng ilog. Maaari nating gamitin ang halimbawa ng elektrisidad upang ilarawan kung paanong si Kristo ay maaaring nasa loob ng tabing at naririto sa loob natin nang magkasabay. Ang elektrisidad ay nasa planta ng kuryente at gayundin naman nasa ating silid. Kapag ang elektrisidad ay dumarating sa silid, hindi nito iniiwanan ang planta ng kuryente. Gayundin, sa isang banda, si Kristo ay naroroon sa loob ng tabing at, sa kabilang banda, Siya ay nasa loob natin. Hindi na Niya kinakailangang iwanan ang kaluwalhatian upang pumasok sa atin. Habang Siya ay nasa loob ng tabing at nasa loob natin, Siya ay naghahain mula roon patungo rito. Pumasok Siya sa loob ng tabing bilang ang Tagapagbunsod, ang Tagapagpáuná, pumapasok sa kaluwalhatian na siyang ang ganap, maluwalhating kahayagan ng Dibinong Isa. Ngayon siya ay nasa kaluwalhatian bilang ang Pinuno ng ating kaligtasan. Isang araw pumasok sa atin ang Pinunong ito ng kaligtasan. Subali’t sa pagpasok Niya sa atin, hindi Niya kailanman iniwan ang kaluwalhatian. Sa halip, dinala Niya ang kaluwalhatian tungo sa loob natin. Ito ay kamangha-mangha. Nang dumating sa atin ang Pinuno ng kaligtasan, ang kaluwalhatian ay dumating na kasama Niya. Sa ibang salita, ang Pinuno ng kaligtasan ay pumasok sa loob natin upang maging kaluwalhatian. Sa pinaka kaunti, dumating Siya upang maging ang binhi ng kaluwalhatian. Ngayon tayong lahat ay mayroong binhi ng kaluwalhatiang ito, yaon ay, ang Pinuno ng kaligtasan Mismo, sa loob natin. Bakit Siya tinawag na Pinuno? Sapagka’t pinangunahan Niya ang pagbubunsod ng daan patungo sa kaluwalhatian. Yamang Siya ang kauna-unahang pumasok sa kaluwalhatian, Siya, bilang ating Tagapagpáuná, ay ganap na kwalipikadong maging ating Pinuno.

Ngayon handa na tayong maunawaan ang bagay ng pagiging napasakdal ni Hesus sa pamamagitan ng mga pagdurusa (2:10). Paano Siya ginawang kwalipikado ng Kanyang mga pagdurusa na maging ang Pinuno? Sapagka’t kung hindi daraan sa mga pagdurusa, hindi Siya mapapasa kaluwalhatian, at kung wala Siya sa kaluwalhatian, hindi Siya mapapasakdal at magiging kwalipikado. Subali’t sa pamamagitan ng pagdaan sa mga pagdurusa, pumasok Siya sa kaluwalhatian. Ngayon Siya ay ganap na kwalipikado, ganap na sakdal, upang isakatuparan ang Kanyang gawain ng pagiging Pinuno. Kaya, makapapasok Siya sa atin bilang ang Pinuno at bilang ang kaluwalhatian.

Sa sandaling ito, Siya ay naghahain mula roon patungo rito. Habang naghahain Siya sa atin sa ganitong paraan, Siya ay hindi lamang ang Pinuno bagkus ang Mataas na Saserdote rin. Siya ang Mataas na Saserdote na naghahain ng Kanyang Sarili sa atin bilang tinapay at alak. Patuloy na inihahain ng Panginoon ang Kanyang Sarili sa atin bilang biyaya. Nagsasalita ang Unang Pedro 5:10 ng tungkol sa Diyos ng lahat ng biyaya. Nang si Pablo ay nagdurusa dahil sa isang tinik sa laman, tatlong beses niyang hiniling sa Panginoon na alisin ito (2 Cor. 12:7-8). Subali’t sumagot ang Panginoon kay Pablo, na nagsasabi, “Ang Aking biyaya ay sapat sa iyo.” Parang sinasabi ng Panginoon kay Pablo, “Hindi Ako mangmang para alisin ang tinik. Sa halip, ibibigay Ko sa Iyo ang Aking sapat na biyaya. Ihahain Ko ang Sarili Ko sa iyo bilang panustos, bilang biyaya, bilang ang tinapay at alak, na magtutustos at magsusuporta sa inyo habang nagdaranas kayo ng lahat ng mga pagdurusa. Ang mga pagdurusang ito ang magbubunga ng kaluwalhatian sa inyo.”

ANG BIGAT NG KALUWALHATIANG WALANG HANGGAN

Alam ni Pablo na ang mga pagdurusa ay tumutulong sa pagdadala sa atin sa kaluwalhatian kung kaya’t nasasabi niyang, “Kaya nga hindi kami pinanghihinaan ng loob, bagama’t ang aming panlabas na tao ay nasisira, ang aming panloob na tao naman ay napapabago sa araw-araw. Sapagka’t ang aming magaang kapighatian na panandalian lamang ang siyang gumagawa sa amin ng lalu’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan” (2 Cor. 4:16-17, Gr.). Sa 2 Corinto 4:17, gumawa si Pablo ng isang paghahambing, inihahambing ang “magaang kapighatian na panandalian lamang” sa “lalu’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.” Sinasabi niya na ang bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan ay nakahihigit nang labis sa magaang kapighatian na panandalian lamang. Dito makikita natin ang tatlong paghahambing: kapighatian sa kaluwalhatian, kagaanan sa bigat, at panandalian sa walang hanggan. Anumang mga pagdurusa na ating dinaraanan ay ang kagaanan. Ang magaang kapighatian na panandalian lamang ay hindi maihahambing sa bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan. Huwag kayong mabahala sa inyong pagdurusa. Sa halip, dapat ninyong sabihin kay Satanas, “Satanas, sa kabila ng mga pagdurusang dinaranas ko, ako ay masaya. Ito ay hindi isang bigat, ito ay kagaanan.” Mga kapatid, nararamdaman ba ninyo na kayo ay nasa ilalim ng isang matinding kabigatan? Maraming kapatid na babae ang nagpupunta sa akin na nagsasabing, “Kapatid, hindi mo alam kung gaano kahirap at kabigat ang situwasyon ko. Hindi mo alam kung anong bigat ang nasa akin.” Mga kapatid na babae, mali ang sabihin ito. Ang pagdurusa ninyo ay hindi isang bigat; ito ay isang kagaanan. Ang tunay na bigat ay ang kaluwalhatian. Lahat ng ating mga pagdurusa ay kagaanan lamang, ang magaang kapighatian na panandalian lamang ay gumagawa sa atin ng bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.

Muli, kailangan nating itanong, ano ang kaluwalhatian? Ang kaluwalhatian ay ang kahayagan ng Diyos. Hindi na kinakailangang hintayin ang walang hanggan upang magkaroon ng kahayagan ng Diyos. Maging sa ngayon, pagkaraang maranasan ng mga banal ang isang magaang kapighatian, makikita natin ang kaluwalhatian sa kanila. Maipatototoo ko na marami na akong nakitang mga mahal na banal na gaya nito. Dumaan sila sa mga pagdurusa at sa katapus-tapusan, ang kahayagan ng Diyos ay lumabas sa kanila. Lalo silang nagdurusa, lalo silang nadadala sa kahayagan ng Diyos. Hindi lamang sa hinaharap, maging sa ngayon, ang mga pagdurusa ay nagdadala sa atin tungo sa kahayagan ng Diyos. Ito ang bigat ng kaluwalhatian.

ANG PAGLABAS NI KRISTO MULA SA LABAS AT MULA SA LOOB

Sinasabi sa Roma 8:30 na yaong “mga inaring-matuwid ay niluwalhati rin naman Niya.” Hindi ito nangangahulugang ilagay tayo tungo sa kaluwalhatian. Ang ilagay tayo tungo sa kaluwalhatian ay isang bagay at ang luwalhatiin tayo ay isa pa. Pagkatapos sinasabi ng 2 Tesalonica 1:10 na, “Kapag paririto Siya upang maluwalhati sa Kanyang mga banal.” Isang araw, sa tamang panahon, si Kristo ay paririto upang maluwalhati sa atin. Nangangahulugan ito na lalabas Siya mula sa atin. Kung alam ninyo ang Bibliya, matatanto ninyo na, sa isang banda, Si Kristo ay darating mula sa labas, at na, sa kabilang panig, Siya ay lalabas mula sa loob natin. Siya ay naihasik sa loob natin bilang ang binhi ng kaluwalhatian. Ang binhing ito ay lalago hanggang marating nito ang yugto ng pamumulaklak. Pagkatapos, ang kaluwalhatian ay lalabas. Naniniwala ako sa literal na ikalawang pagparito ng Panginoon. Subali’t sa Bibliya, ang konsepto ng Kanyang pagparito ay hindi ganoong kababaw. Bakit hindi pa dumarating ang Panginoon? Napakadali para sa Kanya na bumaba mula sa itaas. Magagawa Niya ito kahit na anong oras. Subali’t hindi madali para sa Kanya na lumabas mula sa atin. Bagama’t makabababa Siya mula sa itaas kahit na anong oras, nasaan ang mga taong malalabasan Niya? Napakadali para sa Kanya na magliwanag sa atin, subali’t mahirap para sa Kanyang maluwalhati sa atin. Madali para sa Kanya ang ilagay tayo sa kaluwalhatian, subali’t hindi napakadaling luwalhatiin tayo. Halimbawa, kung ang isang tao ay may maputlang kulay, madaling kulayan ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng ilang panlabas na pangkulay. Subali’t para sa kanyang kaputlaan na panloob na matransporma tungo sa pagiging mala-rosas ay nangangailangan ng panahon para lumago. Sinasabi ng Bibliya na dinadala ng Diyos ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian, subali’t sinasabi rin nito na luluwalhatiin Niya tayo. Ang luwalhatiin tayo ay nangangahulugang matigmak ang ating buong katauhan ng kaluwalhatiang naihasik sa loob natin. Kapag ang ating buong katauhan ay natigmak at nalalinan ng elemento ng kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang yaon ay lalabas sa atin. Ito ang kahulugan ng pagluluwalhati sa atin. Kapag naranasan natin ang kaluwalhatiang ito, tayo ay mapapasa kahayagan ng Diyos. Sa panahong yaon, tayo ay lubusang mapapasa kabilang pampang, lubusang nasa kahayagan ng Diyos. Ito ang ating kaluwalhatian.

Ngayon ay nauunawaan na natin kung ano ang kahulugan ng pagpasok sa kaluwalhatian, kung anong kahulugan ng pagdadala sa atin ng Diyos tungo sa kaluwalhatian. Purihin ang Panginoon na tumatawid tayo sa ilog! Tumatawid pa rin tayo ng ilog—tinatawid ang ilog mula sa lumang Kristiyanidad tungo sa bagong buhay-ekklesia, tinatawid ang ilog mula sa lahat ng bagay maliban sa Diyos Mismo tungo sa kahayagan ng Diyos. Araw-araw, tayo ang mga tunay na mananawid ng ilog. Sa araw-araw, tumatawid tayo ng ilog. Nadaanan na ng ating Pinuno ang lahat ng mga ilog. Inihanda na Niya ang daan at ngayon Siya ang Tagapagbunsod, ang Tagapagpáuná, at ang Pinuno na nagdadala sa atin sa kaluwalhatian. Para rito, pumasok Siya sa atin bilang ang Pinuno at bilang ang binhi ng kaluwalhatian. Maging sa ngayon, naghahain Siya sa atin mula sa kaluwalhatian ng Diyos, naghahain ng Kanyang Sarili tungo sa loob natin bilang ang tinapay at alak upang tustusan at suportahan tayo. Ito ang Pinuno ng kaligtasan. Habang tayo ay papunta sa kaluwalhatian, ang kaluwalhatian ay nasa loob natin. Purihin Siya!

 

Mga Nilalaman