PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LABING-ISA

ANG NAGPAPABANAL AT ANG NAPABANAL

Sa mensaheng ito, dumako tayo sa bagay ng pagpapaging-banal. Walang aklat na nagsasalita nang labis tungkol sa pagpapaging-banal gaya ng aklat ng Hebreo. Lubhang mahalagang tayo ay magkaroon ng kabanalan, sapagka’t kung wala ito, hindi tayo makapamumuhay sa presensiya ng Diyos. Sa 12:14 sinabihan tayo na kung walang kabanalan, walang taong makakikita sa Panginoon. Gayunpaman, napakahirap ibigay ang kahulugan ng pagpapabanal. Upang maunawaan kung ano ang pagpapabanal, kailangan nating makita nang kaunti ang pumapaligid-na-pangyayari ukol sa iba’t ibang aral ng mga pang-Kristiyanong pagtuturo hinggil sa paksa ng pagpapabanal o kabanalan. Ang pagpapabanal ay lubusang inihayag sa mga Kasulatan, kapwa sa Luma at Bagong Tipan. Bagama’t ito ay ipinahayag sa mga Kasulatan, ito ay muntik nang mawala. Noong panahon ng Repormasyon, sinimulan ng Diyos ang isang pagbabawi ng lahat ng Kanyang mga katotohanan. Ang unang katotohanang binawi ng Diyos ay ang pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Kung babasahin ninyo ang kasaysayan ng ekklesia nitong huling limang-daang taon, masusumpungan ninyo na pagkatapos mabawi ng Diyos ang pag-aaring matuwid, ang kasunod na bagay na nabawi ay ang pagpapabanal. Subali’t ang pagpapabanal ay hindi nabawi na kasing-linaw ng sa pag-aaring matuwid. Maging ang pag-aaring matuwid, bagaman ito ay nabawi nang malinaw, ay hindi lubusang nabawi. Ito ay nabawi nang obhektibo subali’t hindi nang subhektibo. Nakita natin ito sa Pag-aaral Pambuhay ng Roma. Gayunpaman, pagkaraan ng pagbabawi ng pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, ang pagbabawi ng pagpapabanal ay sumunod, subali’t sumunod ito sa paraang hindi lubusang wastung-wasto.

Hindi natin masabi kung sino ang unang taong ginamit ng Diyos upang bawiin ang pagpapabanal. Subali’t alam natin na, ayon sa kasaysayan ng pagbabawi, noong ikalabing-walong siglo, ginamit ng Diyos ang isang grupo ng mga mag-aaral sa pamantasan sa Oxford—sina John Wesley, Charles Wesley, at George Whitefield. Ang mga kabataang ito ay nagsimulang magkaroon ng isang pagpupulong. Si John Wesley ay ibinangon ng Diyos sa pamamagitan ng tulong ng mga Moravian brothers sa ilalim ng pangunguna ni Zinzendorf. Tinulungan ng mga kapatid na Moravian si John Wesley na maging malinaw tungkol sa kaligtasan. Si Wesley ay naanyayahang magsalita sa Estados Unidos. Maging nang panahong yaon, siya ay hindi malinaw hinggil sa kanyang kaligtasan. Nasa barko siya noon patungong Estados Unidos nang makatanggap siya ng tulong hinggil dito mula sa mga kapatid na Moravian. Pagkatapos gumugol ng ilang panahon sa Estados Unidos, bumalik si Wesley sa Europa at dumalaw sa Bohemia, ang lugar kung saan nagsimulang isagawa nina Zinzendorf at ng iba pa ang buhay-ekklesia. Nakatanggap si John Wesley ng pinakamalaking tulong mula sa kanila habang siya ay naroroon. Sa isa sa mga isinulat niya, sinabi niya na kung hindi siya nagkaroon ng kabigatan sa Inglatera, nanatili na lamang siya sa Bohemia sa buong buhay niya. Kung siya ang tatangungin, yaon ang lugar na pinananahanan ng Diyos. Gayunpaman, si Wesley ay nagkaroon ng kabigatang bumalik sa Inglatera. Alam natin na sa kasaysayan, ang pagpapanauli sa ilalim ni John Wesley ang nagligtas sa Inglatera mula sa rebolusyon. Binanggit ko ito upang ipakita sa inyo ang naabot ng impluwensiya ng pangangaral ni John Wesley.

Ang grupo ng mga mag-aaral sa Oxford, kabilang sina John Wesley at George Whitefield, ay nagtakda at nagsagawa ng ilang mga regulasyon, na tinatawag na methods, na ginamit nila upang ikontrol, iwasto, at iayos ang kanilang mga sarili. Napakaistrikto nila sa pagkokontrol ng kanilang mga sarili sa pamamagitan ng mga method na ito. Tinupad ni John Wesley at ng iba pa ang mga method na ito upang magkaroon ng isang wastong pamumuhay. Dumating sila sa puntong itinuring nila ang gayong uri ng pamumuhay na banal. Ito ang kabanalang isinasagawa ng mga Metodista bilang isang walang kasalanang kasakdalan (sinless perfection), isang kasakdalang walang kasalanan. Ang Church of Nazarene, ang Church of God, at ang Assembly of God ngayon ay nagsasagawa ng isang uri ng kabanalan na may gayunding aral katulad ng kabanalan ng mga Methodista.

Pagkatapos, sa unang bahagi ng ikalabinsiyam na siglo, ibinangon ang mga Brethren sa ilalim ng pangunguna ni John Nelson Darby. Ipinakita ng Brethren mula sa Bibliya na ang kabanalan ay hindi walang kasalanang kasakdalan. Gamit ang Mateo 23:17, ipinakita nila kung paano pinabanal ng templo ang ginto. Ang templo ang siyang nagpabanal sa ginto. Itinuro ng mga gurong Brethren na ang ginto sa pamilihan, bagama’t walang masama hinggil dito, ay hindi banal hanggang hindi ito naihahandog sa Diyos at nailalagay sa Kanyang banal na templo. Saka pa lamang napapabanal ang ginto. Ang kanilang argumento ay napakalakas, at walang makatalo sa kanila. Higit pa rito, gamit ang Mateo 23:20, ipinakita ng mga gurong Brethren na ayon sa mga salita ng Panginoong Hesus, pinapapanal ng dambana ang hain. Nakipagtalo sila na ang isang baka o isang kordero, kapag nasa kawan, ay maaaring walang kasalanan at sakdal na maayos. Gayunpaman, ito ay pangkaraniwan. Hindi ito banal hanggang hindi ito naihahandog sa Diyos sa dambana, kung kailan ito ay napapaging-banal. Kung magsasalita ayon sa doktrina, tinalo ng Brethren ang pagtuturo na ang kabanalan ay isang bagay ng walang kasalanang kasakdalan, pinatutunayan na wala itong batayan sa mga Kasulatan at na ito ay isang pantaong konsepto ng kabanalan. Ang Brethren, kilala sa kanilang mga madoktrinang pakikipagtalo, ay sumangguni rin sa 1 Timoteo 4:4-5, na nagsasabing ang pagkain ay pinapaging-banal ng panalangin ng mga banal. Kapag ang pagkain ay nasa pamilihan, ito ay pangkaraniwan. Maaaring walang mali rito at maaaring wala itong kasalanan, subali’t ito ay pangkaraniwan. Gayunpaman, kapag ang pagkain ding yaon ay inilagay sa hapag kainan ng mga banal at pinanalanginan ng mga banal, ito’y pinapaging-banal ng panalangin ng mga banal. Gamit ang lahat ng mga bersikulong ito, ipinakita ng mga gurong Brethren na ang pagpapabanal ay nangangahulugang isang pagbabago ng posisyon. Sinasabi nila na ang pagpapabanal ay lubos na isang bagay na pamposisyon. Halimbawa, ang ginto ay pangkaraniwan habang ito ay nasa tindahan pa, subali’t kapag inilagay na ito sa templo, ito ay banal na. Ang posisyon nito ay nabago. Gayundin naman, kapag ang isang kordero ay nasa kawan pa, ito ay pangkaraniwan, subali’t kapag ito ay inilagay sa dambana ito ay banal na. Ang pagkain sa pamilihan ay pangkaraniwan din, subali’t ito ay pinapabanal ng mga panalangin ng mga banal. Kaya, sa liwanag ng lahat ng mga bersikulong ito, itinuro ng Brethren na ang kabanalan ay nangangahulugang isang pagbabago ng posisyon. Sa orihinal, ang posisyon natin ay makasanlibutan at hindi lubos na para sa Diyos. Nang tayo ay naihiwalay tungo sa Diyos, ang ating posisyon ay nabago, at bilang resulta, tayo ay naging banal.

Ang pagtuturong ito ng Brethren ay lubusang tama. Nang pag-aralan natin ang iba’t ibang pagtuturo ng pagpapaging-banal maraming taon na ang nakararaan, sumang-ayon tayo sa pagtuturo ng mga Brethren. Nakita natin na ang walang kasalanang kasakdalan ay hindi tunay na kabanalan. Gayunpaman, bagama’t ang kabanalan ay isang bagay na pamposisyon, habang pinag-aaralan natin ang Bagong Tipan, natuklasan natin na ang kabanalan, pagpapabanal, ay hindi lamang isang bagay na pamposisyon kundi isang bagay rin na pandisposisyon. Ang pagpapabanal ay hindi lamang isang bagay ng pagbabago ng ating posisyon bagkus ay pagbabago rin ng ating disposisyon. Oo, ayon sa mga bersikulong nagsasabing ang ginto ay napabanal ng templo, ang hain ay napabanal ng dambana, at ang pagkain ay napabanal ng panalangin ng mga banal, walang alinlangang may isang pamposisyong aspekto sa pagpapabanal. Subali’t kailangan din nating isaalang-alang ang Roma 6 kung saan ayon sa Griyego, ang salitang pagpapabanal ay dalawang beses ginamit (bb. 19, 22). Sa dalawang bersikulong ito, ginagamit ng King James Version ang salitang kabanalan sa halip na pagpapabanal. May pagkakaiba sa pagitan ng mga salitang ito, sapagka’t hindi kabilang sa kabanalan ang karanasan, subali’t ipinakikita o ipinahihiwatig ng pagpapabanal ang ilang sukat ng mga karanasan. Kung babasahin ninyo ang Roma 6, makikita ninyo na hindi ito tungkol sa bagay na pamposisyon kundi sa pandisposisyon. Hindi lamang nito tinutukoy ang ating posisyon; higit na malalim ito at tinutukoy ang ating disposisyon.

Sa Hebreo 2, gaya ng sa Roma 6, ang kabanalan ay pangunahing tumutukoy sa dibinong kalikasan ng Diyos. Ang pagpapabanal ay ang isagawa ang kabanalan ng Diyos tungo sa loob natin sa pamamagitan ng pamamahagi ng dibinong kalikasan tungo sa loob ng ating katauhan. Hindi ito ang pamposisyong pagpapabanal; ito ang pandisposisyong pagpapabanal. Sa pagpapabanal na ito, si Kristo, bilang ang Espiritung nagbibigay buhay, ay tinitigmakan ang lahat ng mga panloob na bahagi ng ating katauhan ng dibinong kalikasan ng Diyos. Ito ay ang isagawa ang kabanalan ng Diyos tungo sa loob ng ating buong katauhan. Maaari nating tawagin itong pandisposisyong pagpapabanal.

Ngayon dumako tayo sa Hebreo 2:11 na nagsasabing, “Sapagka’t Siya na nagpapabanal at yaong mga pinapabanal ay pawang iisa.” Ang parirala bang “pawang iisa” ay tumutukoy sa posisyon o sa disposisyon? Walang alinlangan, “Siya na nagpapabanal” ay si Kristo, at “yaong mga pinapabanal” ay tayo. Kaya si Kristo at tayo ay pawang iisa. Ang Griyegong salita na isinaling “pawang,” sa katunayan ay nangangahulugang “pawang mula sa.” Nangangahulugan ito na si Kristo at tayo, ang Nagpapabanal at ang pinapabanal, ay nagmula sa iisang pinagmulan, ang Ama. Ang pinagmulan ay tiyak na hindi tumutukoy sa posisyon kundi sa kalikasan, sa disposisyon. Ang Nagpapabanal at ang pinapabanal ay mula sa iisang pinagmulan, isang Ama. Ang Ama ang pinagmulan ng Nagpapabanal at Siya ang pinagmulan ng lahat ng pinapabanal. Hindi ito isang bagay ng posisyon kundi ng disposisyon.

Ang natitira sa bersikulo 11 ay mababasang, “nang dahil dito ay hindi Siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid.” Ano ang “dahil” na tinutukoy ng mga salitang “nang dahil dito”? Yaon ay ang dahilang Siya at tayo ay nagmula sa iisang Ama, sa iisang pinagmulan. Dahil dito, hindi Siya nahihiyang tawagin tayong mga kapatid.

Maraming tao sa bansang ito ang matuwain sa mga aso. Papayag ka ba na tawagin ang isang aso na iyong kapatid? Sasabihin mo ba sa isang aso, “Mahal na kapatid, iniibig kita”? Tiyak na hindi. Wala sa ating tatawag sa isang aso na kapatid. Mahihiya tayong gawin ito. Wala tayong apat na paa at isang buntot. Tayo ay mga tao. Hindi natin tatawagin ang isa na kapatid natin maliban kung iisa ang ating pinagmulan. Saka lamang tayo hindi mahihiyang tawagin ang isang yaon na ating kapatid. Gayundin, si Kristo ay hindi nahihiyang tawagin tayong mga kapatid sapagka’t Siya at tayo ay kapwa nagmula sa Ama. Siya at tayo ay kapwa nagmula sa iisang pinagmulan. Bilang resulta, Siya at tayo ay may iisang buhay, kalikasan, at disposisyon. Sa pamamagitan ng isang bersikulong ito, makikita natin na ang pagpapabanal dito ay hindi walang kasalanang kasakdalan o basta isang pagbabago ng posisyon. Ito ay higit na malalim at mataas kaysa roon. Ito ay isang pagbabago ng disposisyon.

Gaya ng nakita na natin, sa gitna ng mga Kristiyano ay may tatlong pagtuturo hinggil sa kabanalan o pagpapabanal. Ang una ay nagtuturo na ang kabanalan ay isang bagay ng walang kasalanang kasakdalan. Ito ay lubusang hindi ayon sa-kasulatan. Walang batayan sa mga Kasulatan para sa pagtuturong ito. Ang ikalawa ay nagsasabing ang kabanalan ay pamposisyon. May malakas na batayan para rito sa mga Kasulatan, subali’t hindi nito isinasama ang lahat ng bagay hinggil sa kabanalan, pagpapabanal, na binanggit sa mga Kasulatan. Ang kabanalan, ang pagpapabanal, na binanggit sa Bibliya ay kinabibilangan ng pandisposisyong transpormasyon kasabay ng pamposisyong pagbabago. Ang Hebreo 2 ay nasa pandisposisyong panig, hindi sa pamposisyong panig. Ang pagpapabanal sa 2:11 ay hindi tungkol sa posisyon kundi sa disposisyon, ang kalikasan at ang pinagmulan.

Siyang nagpapabanal at yaong mga pinapabanal ay pawang iisa. Dahil dito, hindi Siya nahihiyang tawagin tayong mga kapatid. Sa halip, maluwalhati para sa Kanya ang tawagin tayong kapatid sapagka’t Siya at tayo ay may iisang pinagmulan. Siya ay nagmula sa Ama, at tayo rin ay nagmula sa Ama. Maaari nating sabihin sa Panginoon na, “O Panginoong Hesus, mayroon Kang buhay ng Ama, at taglay din namin ito. Mayroon Kang dibinong kalikasan ng Ama, at taglay din namin ito. Kami ang Iyong mga kapatid. Panginoon, kami ay nagmula rin sa pinagmulan Mo.”

Ito ang pangunahing konsepto ng pandisposisyong pagpapabanal, ang pagpapabanal na matatagpuan sa Roma 6 at Hebreo 2.

I. ANG NAGPAPABANAL (SANCTIFIER)

A. Ang Anak ng Diyos na Nagkatawang-tao

Sino ang Nagpapabanal? Ang Nagpapabanal ay ang Anak ng Diyos. Sa Kanyang orihinal na katayuan at bago ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi tayo mapababanal ng Anak ng Diyos. Ngayon ay hindi lamang ang Anak ng Diyos ang nagpapabanal, bagkus ang nagkatawang-taong Anak ng Diyos. Kung hindi Siya nagkatawang-tao, hindi Niya tayo mapababanal. Malakas kong sinasabi ito. Bagama’t maaaring mapabanal Niya tayo ayon sa konsepto ninyo ng pagpapabanal, maaaring hindi Niya kayo mapabanal ayon sa ekonomiya ng Diyos.

B. Ang Anak ng Tao na Naipako-sa-krus,
Nabuhay-na-muli, Naluwalhati, at Dinakila

Bilang ang Isa na nagkatawang-tao, si Kristo ay ang Anak ng Tao. Hindi tayo mapababanal hanggang sa Siya bilang Anak ng tao ay maipako-sa-krus, mabuhay-na-muli, maluwalhati, at madakila. Ito ang Kanyang mga kwalipikasyon upang maging ating Tagapagpabanal. Ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao ay kinakailangang dumaan sa kamatayan at pagkabuhay-na-muli upang sa Kanyang pagka-tao ay maisilang ng Diyos at upang Siya’y maluwalhati at madakila patungo sa Kanyang katayuan ng pagiging Tagapagpabanal.

C. Naibunga ang Panganay na Anak ng Diyos

Upang maging ang Tagapagpabanal, dapat na maibunga si Kristo bilang ang Panganay na Anak ng Diyos (1:6). Bago nabuhay-na-muli si Hesu-Kristo, ang Diyos ay walang Panganay na Anak. Mayroon lamang siyang bugtong na Anak. Ano ang kaibhan sa pagitan ng Panganay na Anak at ng Bugtong na Anak? Bilang ang Bugtong na Anak, si Kristo ay walang pantaong kalikasan. Mayroon lamang Siyang dibinong kalikasan. Nang Siya ay nagkatawang-tao, ibinihis Niya ang pantaong kalikasan. Ang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon ng Kanyang buhay sa lupa ay isang pansamantalang kalagayan. Sa isang banda, Siya pa rin ang Bugtong na Anak ng Diyos; sa kabilang banda, ibinihis Niya ang pantaong kalikasan. Ang dibinong kalikasan na nasa loob Niya ay ang Anak ng Diyos subali’t ang pantaong kalikasan ay hindi pa. Kaya, sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taong yaon, si Hesus ay lubhang kakaiba. Mayroon Siyang dibinong kalikasan—yaon ay ang Anak ng Diyos—subali’t mayroong din Siyang pantaong kalikasan, at hindi yaon ang Anak ng Diyos. Ang pantaong kalikasang yaon ay hindi ipinanganak ng Diyos. Ayon sa Kanyang pagka-Diyos, sa Kanyang dibinong kalikasan, Siya ang Anak ng Diyos. Subali’t, bago ang Kanyang pagkabuhay-na-muli, mayroon Siyang isang bagay na hindi ipinanganak ng Diyos—ang pantaong kalikasan. Kinakailangan Niyang dumaan sa kamatayan at pagkabuhay-na-muli upang ang pantaong bahaging yaon ay maipanganak ng Diyos. Ang Awit 2:7 ay isang malakas na batayan para rito: “Ikaw ay Aking Anak; sa araw na ito ay ipinanganak Kita.” Ang ipinropesiya sa Awit 2:7 ay natupad noong araw ng pagkabuhay-na-muli. Ito ay pinatutunayan ng Gawa 13:33, na tumutukoy sa pagkabuhay-na-muli ni Kristo, na sinipi ang bersikulong ito mula sa Awit 2. Sa Kanyang pantaong kalikasan, si Kristo ay ipinanganak bilang ang Anak ng Diyos sa araw ng pagkabuhay-na-muli. Pagkatapos nito, Siya ay naging ang Panganay na Anak ng Diyos. Ngayon, bilang ang Panganay na Anak, Siya ay kapwa may dibinong kalikasan at pantaong kalikasan. Bilang ang Bugtong na Anak ng Diyos, wala Siyang pantaong kalikasan. Habang Siya ay nasa lupa pagkaraan ng Kanyang pagkakatawang-tao, nagkaroon Siya ng pantaong kalikasan, subali’t sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taong yaon, ang Kanyang pantaong kalikasan ay hindi naipanganak ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng Kanyang pagkabuhay-na-muli ang pantaong bahagi ng Kanyang persona ay naipanganak ng Diyos. Sa pamamagitan ng panganganak na ito, Siya ay naging ang Panganay na Anak ng Diyos. Kung ang bugtong na Anak ng Diyos ay mayroong lamang dibinong kalikasan at walang pantaong kalikasan, si Hesus ngayon bilang ang Panganay na Anak ng Diyos ay nagtataglay ng dalawang kalikasan. Hindi ito isang maliit na bagay; isa itong dakilang bagay.

Hayaan niyong tanungin ko kayo, kayo ba ay mga anak ng Diyos? Kung sasabihin ninyong oo, kung gayon ay anong uri ng mga anak ng Diyos kayo? Kayo ba ay katulad ng Panganay na Anak o katulad ng Bugtong na Anak? Tayo ay katulad ng Panganay na Anak ng Diyos sapagka’t tayo ay mga anak ng Diyos na may dibinong kalikasan at gayundin ng pantaong kalikasan. Tayo ay mga anak ng Diyos ayon sa Panganay na Anak, hindi ayon sa Bugtong na Anak.

Ngayon ay mauunawaan na natin kung bakit ang Bugtong na Anak ng Diyos ay hindi tayo mapapabanal at kung bakit mapababanal tayo ng Panganay na Anak ng Diyos. Ang Panganay ay mapababanal tayo sapagka’t Siya, gaya natin, ay may dalawang kalikasan at sapagka’t mayroon tayong kalikasan na katulad ng sa Kanya. Ang ating Tagapagpabanal ay hindi ang Bugtong na Anak ng Diyos; Siya ay ang Panganay na Anak ng Diyos, ang Isa na may pantaong kalikasan at dibinong kalikasan din. Sapagka’t Siya at tayo ay parehong mayroon nitong dalawang kalikasan, mapapabanal Niya tayo. Tangi lamang kapag naibunga na ang Panganay na Anak at saka Siya makapupunta sa Kanyang gawain, ang Nagpapabanal, upang gawin ang Kanyang gawain ng pagpapabanal. Nangangahulugan itong kailangan Niyang dumaan sa hakbangin ng pagkakatawang-tao, pakapako-sa-krus, pagkabuhay-na-muli, pagluluwalhati, at pagdadakila. Pagkatapos dumaan sa hakbanging ito, Siya ay naging ang Panganay na Anak ng Diyos. Sa ibang salita, ang Panganay na Anak ng Diyos ay naibunga. Ito ang ating Tagapagpabanal. Kwalipikado Siyang maging Tagapagpabanal natin, at tayo ay kwalipikadong mapabanal.

Siya na Nagpapabanal ay si Kristo bilang ang Panganay na Anak ng Diyos, at yaong mga pinapabanal ay ang mga mananampalataya ni Kristo bilang ang maraming anak ng Diyos. Kapwa ang Panganay na Anak at ang maraming anak ng Diyos ay ipinanganak ng iisang Diyos Ama sa loob ng pagkabuhay-na-muli (Gawa 13:33; 1 Ped. 1:3). Kapwa ang Panganay na Anak at ang maraming anak ay pareho sa dibinong buhay at kalikasan. Kaya, hindi Siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid.

II. ANG NAPABANAL (SANCTIFIED)

A. Ang mga Makasalanan na Ginawan ng Pampalubag-loob sa Diyos

Walang alinlangan, tayo yaong mga pinababanal. Ang mga pinababanal ay ang mga makasalanang ginawan ni Kristo ng pampalubag-loob sa Diyos (2:17). Bilang mga makasalanan, mayroon tayong mga suliranin sa Diyos. Paano mapababanal ng Nagpapabanal ang mga taong may mga suliranin sa Diyos? Imposible ito. Kaya, ang Panginoong Hesus ay gumawa ng pampalubag-loob para sa atin (2:17). Ano ang kahulugan nito? Nangangahulugan lamang ito na pinaglubag ni Kristo ang Diyos para sa ating situwasyon. Bagama’t tayo ay mga taong may mga suliranin sa Diyos, ngayon, sa pamamagitan ng Kanyang pampalubag-loob, wala na tayong suliranin sa Kanya. Maidedeklara natin nang may kalakasang-loob na mayroon tayong katiyakan na wala na tayong mga suliranin sa Diyos. Marahil, nadarama pa rin ninyo na mayroon kayong suliranin sa Diyos. Huwag ninyong paniwalaan ang inyong damdamin. Ang damdamin ninyo ay bale-wala. Ang Banal na Salita ay ang lahat ng bagay, at sinasabi sa atin ng Banal na Salita na pinaglubag ni Kristo ang Diyos para sa atin.

B. Pinalaya ang mga Biktima-ng-Kamatayan

Hindi lamang tayo mga makasalanang nangangailangan ng pampalubag-loob, bagkus tayo rin ay mga biktima-ng-kamatayan. Ang ating hantungan at destinasyon ay kamatayan. Aleluya, pinalaya na tayo mula sa pagkaalipin ng kamatayan (2:15)! Ang mga konsepto na ang Diyos ay napaglubag na at tayo ay napalaya na mula sa kamatayan ay napakalalim. Ang mga ito ay kapwa binanggit sa Hebreo 2. Ang Diyos ay napaglubag, at tayo ay napalaya. Tayo ay mga taong wala nang mga suliranin sa Diyos at mga taong hindi na alipin ng takot sa kamatayan. Tayo ay libre na, tayo ay nakawala, tayo ay napalaya, at tayo ay malaya. Tayo ay mga napalayang tao. Sino ang muling makaaalipin sa atin! Ang mga tao ay kadalasang nagsasabi na ang Estados Unidos ay lupain ng kalayaan. Tiyak na tayo, ang mga mananampalataya, ay nasa tunay na lupain ng kalayaan.

C. Ang Maraming Anak ng Diyos na Naibunga

Upang maging ang mga napabanal na isa, kailangan pa natin ang isang bagay—ang maibunga bilang mga anak ng Diyos. Kailangang maibunga ang maraming anak ng Diyos. Sa negatibong panig, mayroon tayong pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan, at tayo ay napalaya na mula sa pagkaalipin sa kamatayan; sa positibong panig, tayo ay naibunga, nailabas, bilang ang maraming anak ng Diyos. Ang kahulugan ng nagpapabanal na gawain ng Diyos ay yaong ang Panganay na Anak ay gumagawa sa maraming anak ng Diyos. Nangangahulugan itong ang Nagpapabanal ay ang Panganay na Anak ng Diyos at yaong mga napabanal ay ang maraming anak ng Diyos. Ang Panganay na Anak ng Diyos ay gumagawa ngayon sa Kanyang maraming kapatid. Kwalipikado Siyang maging ang Nagpapabanal sapagka’t siya ay ang Panganay na Anak ng Diyos, at kwalipikado tayong maging ang mga napabanal sapagka’t tayo ang maraming anak ng Diyos. Siya ay naging kwalipikado sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao, pagkapako-sa-krus, pagkabuhay-na-muli, pagluluwalhati, at pagdadakila. Pagkatapos dumaan sa hakbanging ito, Siya ay naging Panganay na Anak ng Diyos. Ang mga kwalipikasyon natin upang maging ang mga napabanal ay yaong mayroong tayong pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan, na tayo ay napalaya na mula sa pagkaalipin sa kamatayan, at tayo ay naibunga upang maging ang maraming anak ng Diyos. Ngayon Siya at tayo ay kapwa kwalipikado. Siya ay ang kwalipikadong Nagpapabanal at tayo ang mga kwalipikadong napabanal. Natanto ba ninyo na kayo ay kwalipikadong maging ang napabanal? Ang mga tao sa lansangan ay hindi kwalipikado, subali’t tayo ay lubos na kwalipikado sa pamamagitan ng pampalubag-loob at pagkabuhay-na-muli ni Kristo.

III. PAGPAPABANAL

A. Ang Ihiwalay ang Maraming Anak tungo sa Diyos

Ang pagpapabanal ay nangangahulugang inihiwalay tungo sa Diyos (Roma 6:19, 22). Bagama’t ipinanganak tayo ng Diyos noong panahon ng ating pagkasilang-na-muli, hindi pa rin tayo ganap na naihiwalay tungo sa Diyos. Sa pagpapabanal, ang gawaing ito ay isinasakatuparan.

B. Ang Transpormahin Sila sa Kanilang Katauhan

Ikalawa, sa hakbangin ng pagpapabanal, tayo ay tinatransporma sa ating mismong katauhan (2 Cor. 3:18). Ang bagay na ito ng transpormasyon, ay hindi pamposisyon; ito ay ganap na pandisposisyon. Sa transpormasyon, tayo ay metabolikong binabago sa pamamagitan ng elemento ng buhay. Hindi ito isang panlabas na pagbabago o pag-aayos; ito ay isang panloob na metabolikong pagbabago, isang organikong pagbabago sa pamamagitan ng elemento ng buhay.

C. Ang Iwangis Sila sa Larawan ng Panganay na Anak

Bilang isang resulta ng transpormasyon, sa katapus-tapusan tayo ay maiwawangis sa Kanyang larawan (Roma 8:29). Ang transpormasyon ay ang baguhin ang ating maka-Adam na kalikasan tungo sa kalikasan ni Kristo. Ang pagwawangis ay ang iwangis tayo, ang maraming anak ng Diyos, sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos. Ito ay isang bahagi rin ng hakbangin ng pagpapabanal.

D. Ang Luwalhatiin Sila ng Kaluwalhatian ng Diyos

Ang gawain ng pagwawangis, na nakabatay sa gawain ng transpormasyon, ay magreresulta sa ating pagluluwalhati (Roma 8:30; Col. 3:4). Sa hakbangin ng pagpapabanal, tayo ay luluwalhatiin ng kaluwalhatian ng Diyos. Ito ay tinalakay na nang lubusan sa mga mensahe hinggil sa Pinuno ng kaligtasan.

Ngayon nakita na natin kung ano ang pagpapabanal. Ito ay ang ihiwalay ang mga ipinanganak-na-muli ng Anak ng Diyos tungo sa Diyos, ang transpormahin sila sa pang-metaboliko at organikong paraan sa pamamagitan ng elemento ng dibinong buhay, ang iwangis sila sa Kanyang larawan, at ang luwalhatiin sila ng Kanyang kaluwalhatian. Ito ang ganap na pandisposisyong pagpapabanal.

IV. ANG NAGPAPABANAL AT ANG NAPABANAL
AY PAWANG NAGMULA SA IISA

Nakita na natin na ang Nagpapabanal at ang pinababanal ay pawang nagmula sa iisa. Ito ay nangangahulugang sila ay mula sa iisang Ama. Ang Nagpapabanal at ang pinababanal ay kapwa mga anak na isinilang ng iisang Ama. Yamang Siya at tayo ay ipinanganak ng iisang Ama, tayo ay Kanyang mga kapatid. Siya at tayo ay nagmula sa iisang pinagmulan at nakikibahagi tayo sa Kanya ng iisang buhay at kalikasan. Sa buhay at kalikasang ito, tayo ngayon ay nasa ilalim ng Kanyang nagpapabanal na gawain upang transpormahin tayo mula sa pagiging natural at upang iwangis tayo sa Kanyang larawan nang sa gayon tayo ay maluwalhati ng kaluwalhatian ng Diyos. Ito ang pagpapabanal.


 

Mga Nilalaman