|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LABINDALAWA ANG MARAMING ANAK, ANG MARAMING KAPATID, Sa aklat ng Hebreo lahat ng mahahalagang salik ng Bagong Tipan ay ipinahiwatig sa isang higit na malalim ngunit sa isang napakasimpleng paraan. Maliwanag na mahirap para sa sinuman ang matanto na ang ekklesia ay binanggit sa aklat ng Hebreo. Bagama’t maaaring nabasa na ninyo ang Hebreo nang maraming beses, marahil ay hindi pa ninyo kailanman natatandaan na binanggit ang ekklesia sa aklat na ito. Lahat tayo ay pamilyar sa pagbanggit sa mga ekklesia sa Gawa at sa iba pang mga sulat, subali’t marahil ay wala tayong impresyon na ang ekklesia ay natatagpuan sa Hebreo. Tatlumpung taon na ang nakararaan, nagsagawa ako ng isang detalyadong pag-aaral ng aklat na ito sa dalawang magkaibang grupo ng mga tao. Nang panahong yaon, inakala kong lubusan ko nang nalalaman ang aklat na ito, subali’t hindi ko nakita sa aklat na ito ang ekklesia. Ang ekklesia ay dalawang beses lamang binanggit sa aklat na ito, sa 2:12 at 12:23. Sinasabi sa 2:12 na, “Ipapahayag Ko ang Iyong pangalan sa Aking mga kapatid; sa gitna ng ekklesia ay aawit Ako ng mga himno ng papuri sa Iyo.” Sa palagay ko, noong nakaraan, marami sa atin ang hindi nagbigay-pansin sa ekklesia sa bersikulong ito. Ang bersikulong ito ay pangunahing binubuo ng tungkol sa ekklesia. Sa bersikulong ito, kapwa ang mga kapatid at ang ekklesia ay binanggit sa isang napakalalim na paraan. Sinasabi ng Anak sa Ama na ipapahayag Niya ang pangalan ng Ama sa Kanyang mga kapatid at aawit Siya ng mga himno ng papuri sa Ama sa ekklesia. Nalalaman ba ninyo ang kahulugan nito? Kailangan nating pansinin sa bersikulong ito ang tatlong elemento: ang mga kapatid, ang ekklesia, at kung ano ang ginagawa ng Panginoon ngayon sa ekklesia. Ang bersikulong ito ay isang napakadakilang pahayag ng kung ano ang ekklesia at ng kung ano ang ginagawa ng Panginoon sa ekklesia. Hindi tayo makasusumpong sa ibang aklat ng hinggil sa kalikasan ng ekklesia na nahayag sa napaka masusi, mapananaligan, mapagbabatayan, at mahalagang paraan gaya ng matatagpuan dito. Huwag ituring na isang maliit na bersikulo ang 2:12. Ito ay isang dakilang bersikulo. Naglalaman ito ng isang kamangha-manghang pahayag. Sa mensaheng ito, umaasa akong lahat tayo ay hindi lamang magkaroon ng isang pahayag, bagkus yaong lahat tayo ay makakakita rin ng isang pangitain ng kung ano ang ekklesia at kung ano ang ginagawa ngayon ng Panginoon sa ekklesia. Ano ang ekklesia? Ang ekklesia ay isang sama-samang kabuuan ng mga kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos. Natatandaan pa ba ninyo ang pagkakaiba sa pagitan ng bugtong na Anak ng Diyos at ng Panganay na Anak ng Diyos? Ang bugtong na Anak ng Diyos ay may pagka-Diyos na walang pagka-tao. Bagama’t mayroon Siyang dibinong kalikasan, wala Siyang pantaong kalikasan. Subali’t ang Panganay na Anak ng Diyos ay kapwa may dibinong kalikasan at pantaong kalikasan. Ang mga kapatid ay hindi mga kapatid ng Bugtong na Anak, kundi mga kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos. Tayo ay kapareho ng Panganay na Anak ng Diyos. Siya ay dibino at tao, at tayo ay tao at dibino. Ang Panganay na Anak ay may pagka-tao gayundin ay may pagka-Diyos at lahat ng Kanyang mga kapatid ay kagaya Niya. Maging mga kapatid na lalake man tayo o mga kapatid na babae, tayong lahat ay Kanyang mga kapatid na lalake, sapagka’t si Kristo ay walang mga kapatid na babae. Sabihin ninyo sa akin, kayo ba ay tao o dibino? Ang Panganay na Anak ba ay dibino o tao? Siya ay kapwa dibino at tao, at tayo ay kapwa tao at dibino. Siya ay dibino muna at pagkatapos ay tao, at ang Kanyang mga kapatid ay tao muna at pagkatapos ay dibino. Sa katapus-tapusan, Siya at tayo, tayo at Siya, ay magkatulad. Tayo ay mga kagila-gilalas na tao. Hindi lamang tayo tao, tayo ay dibino rin. Natatanto ba ninyo kung kaninong anak kayo? Kayo ay anak ng Diyos. Ang Diyos ang ating dibinong Ama, at tayong lahat ay Kanyang mga dibinong anak sapagka’t lahat tayo ay ipinanganak ng Kanyang dibinong buhay na may dibinong kalikasan Niya. Tayo ang maraming anak ng Ama at ang maraming kapatid ng Panganay na Anak ng Ama. Ito ay hindi isang panaginip. Ito ay realidad. Ang ekklesia ay kapwa tao at dibino. Ito ang kalikasan ng ekklesia. Ang ekklesia ay isang kabuuan ng maraming anak ng Diyos. Ang ekklesia ay isang korporasyon ng maraming kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos. Ito ang ekklesia. Hindi ko nakita ang ekklesia nang ganitong kalinaw noong mga nakaraang taon. Mahigit sa apatnapung taon na ang nakararaan, nakita ko na ang ekklesia ay isang grupo ng mga tunay na mananampalataya kay Kristo na magkakasamang nagtitipon. Ang kahulugang ito ng ekklesia ay hindi mali. Humigit-kumulang sa isang daan at limampung taon na ang nakararaan, nahayag sa ilang mga kapatid na ang ekklesia ay hindi isang gusali ng laryo at bato. Malakas nilang ipinahayag sa buong Sangkakristiyanuhan na ang ekklesia ay hindi isang pisikal na gusali. Hindi ito isang katedral, kapilya, o santuwaryo. Ipinahayag nila na ang ekklesia ay isang pagtitipon ng mga tinawag ng Diyos. Kapag ang mga tunay na mananampalataya kay Kristo ay nagsama-sama, sila ay ang ekklesia. Nakatanggap tayo ng malaking tulong mula sa pahayag na ito at mahigit sa limampung taon na ang nakararaan nagsimula na rin nating sabihin na ang ekklesia ay isang pagtitipon ng mga tinawag na banal ng Diyos. Nagpasalamat tayo sa tulong na natanggap natin sa mga kapatid noong nakaraang siglo. Pagkaraan, nakita natin na ang ekklesia ay hindi lamang isang pagtitipon ng mga tunay na mananampalataya; ito ay isang katawan, ang Katawan ni Kristo. Kung magtitipon kayo ng maraming upuan, ang mga upuan ay hindi magiging isang katawan. Kung magtitipon kayo ng mga tupa, hindi rin sila magiging isang katawan. Gaya ng nalalaman ng lahat, ang katawan ay isang organismo na may buhay. Mayroon itong himaymay ng buhay, selula ng buhay, kalikasan ng buhay, hugis ng buhay, kakayahan ng buhay, at pangsyon ng buhay. Ang ekklesia ay higit na malalim, higit na mataas, at higit na malaki kaysa sa isang pagtitipon lamang. Ipinakita na sa atin ng Panginoon ang tunay na kahulugan ng ekklesia. Purihin Siya na ipinakita Niya sa atin na ang ekklesia ay may dalawang kalikasan—ang pantaong kalikasan at ang dibinong kalikasan. Ang ekklesia ay may dalawang buhay. Ang mga buhay na ito ay hindi lamang pinagsama bagkus ay pinaghalo rin. Ang ekklesia ay isang organismo na may dalawang kalikasan at dalawang buhay na pinagsama at pinaghalo. Ito ay kamangha-mangha! Natatanto ba ninyo na ang ekklesia ay may dalawang buhay? Natatanto ba ninyo na ang ekklesia ay may dalawang kalikasan? Natatanto ba ninyo na ang Panganay na Anak ng Diyos ay may dalawang buhay at dalawang kalikasan, na Siya ay hindi lamang ang Bugtong na Anak ng Diyos, bagkus ay ang Anak din ng Tao? Taglay ng Panganay na Anak ang lahat ng dibinong katangian gayundin ang lahat ng pantaong kagalingan. Ang taglay natin ay hindi lamang isang kakaunting kapakumbabaan o pagpapasakop. Ang mayamang imbak na ito ay higit pang malaki kaysa rito. Ito ay hindi nalilimitahan at hindi masusukat, puno ng mga dibinong katangian at pantaong kagalingan. Ang ekklesia ay isang gayong organismo. Ito ay ang Katawan ni Kristo. Napakadalas kong makatanggap ng masasamang balita hinggil sa isang ekklesia sa isang lugar. Maaaring sabihin ng isa, “Ang ekklesia roon ay hindi mabuti. Mayroon itong mga suliranin.” Hindi ko nais na makarinig ng mga bagay na gaya nito, sapagka’t ang konsepto ko sa ekklesia ay nakabatay sa aking pananampalataya. Naniniwala ako na bawa’t ekklesia ay kagila-gilalas. Walang ekklesia na hindi mabuti. Bagama’t iniisip ninyo marahil na ang isang ekklesia ay hindi mabuti, pagkaraan ng isang panahon ang ekklesiang yaon ay magiging ibang-iba. Bakit? Sapagka’t ang ekklesia ay organiko. Lumalago ito. Maaaring ang inyong katawan ay pagod na pagod, subali’t pagkaraan ng ilang sandali, ito ay napakalakas na. Nagbabago ito sa pamamagitan ng buhay sapagka’t ito ay isang organismo. Ang mga ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon ay organiko. Huwag kayong kailanman maniwala na ang ekklesia sa isang lokalidad ay hindi mabuti. Ang ekklesia ay kagila-gilalas sapagka’t ito ay isang organismong lumalago. Huwag kalimutan na ang ekklesia ay isang buhay na korporasyon ng lahat ng mga kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos. Ang ekklesia ay hindi pisikal ni organisasyonal; ito ay lubusang buhay –ang dibinong buhay at ang napataas, nabuhay-na-muling pantaong buhay. Wala nang yayaman pa sa buhay. Ang pinakamainam na buhay sa sansinukob ay ang dibinong buhay, at ang ikalawang pinakamainam na buhay ay ang pantaong buhay. Ang pantaong buhay na taglay natin ngayon para sa ekklesia ay hindi ang likas na pantaong buhay kundi ang napataas, nabuhay-na-muling pantaong buhay. Mayroon tayong isang gayong buhay! Ang pantaong buhay na ito pati na ang dibinong buhay ay ang buhay ng ekklesia. Sa ganitong malalim na paraan nahayag ang ekklesia sa aklat na ito. Ang ekklesia ay isang buháy na kabuuan ng lahat ng mga anak ng Diyos, isang buháy na korporasyon ng lahat ng mga kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos. I. ANG MARAMING ANAK A. Itinalaga-noong-una-pa sa Pagka-anak Ang maraming anak ng Diyos na bumubuo sa ekklesia ay itinalaga nang lahat noong una pa sa pagka-anak (Efe. 1:5). Hindi tayo aksidenteng naging mga anak ng Diyos; itinalaga tayo noong una pa na maging mga anak ng Diyos bago itinatag ang sanlibutan. Noong walang hanggang lumipas, nagpasiya ang Diyos na tayo ay maging mga anak Niya. Una, kinilala tayo ng Diyos noong una pa (Roma 8:29). Pagkatapos nito, tayo ay pinili Niya. Ano man ang nararamdaman ninyo sa inyong sarili, pinili kayo ng Diyos bago pa itinatag ang sanlibutan. Pagkatapos tayong kilalanin noong una pa at piliin, tayo ay itinalaga ng Diyos noong una pa. Ang salitang itinalaga noong una pa ay kinabibilangan ng kaisipan ng pagiging minarkahan. Sa walang-hanggang lumipas, bago ang paglikha, minarkahan na tayo ng Diyos. Minarkahan Niya tayo bago pa man. Para saan ang pagtatalaga sa atin ng Diyos noong una pa man? Para sa pagka-anak. Tayo ay itinalaga na noong una pa man sa pagka-anak. Mahirap hanapin ang konseptong ito sa gitna ng maraming Kristiyano ngayon. Ang pangkaraniwang konseptong masusumpungan sa gitna ng mga Kristiyano ay yaong tayo ay itinalaga noong una pa sa kaligtasan. Tila hindi nagkaroon ng anumang pagsasaalang-alang sa pagka-anak. Wala tayong konsepto ng pagka-anak sapagka’t tayo ay naimpluwensiyahan ng mga tradisyunal na Kristiyanong pagtuturo. Muli, dapat tayong mabawi pabalik sa dalisay na Salita. Sinasabi sa atin ng dalisay na Salita na tayo ay itinalaga noong una pa sa pagka-anak. Basta ikaw ay isang anak ng Diyos, wala kang dapat na ipag-alala. Hindi tayo aksidenteng naging mga anak ng Diyos sa . Halimbawang ikaw ay nagsisi at sumampalataya sa Panginoong Hesus bilang resulta ng isang aksidente sa sasakyan. Ayon sa iyong pandama, yaon ay isang aksidente lamang, subali’t ayon sa Diyos, yaon ay sapagka’t namarkahan ka na. Bakit ka naaksidente? Sapagka’t medyo matigas ang iyong ulo. Sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan ay hinayaan ng Diyos ang aksidenteng yaon upang madala ka sa pagka-anak. Subali’t ang pagka-anak ay hindi isang aksidente. Ito ay naplano na noon pa. Kung mayroon mang nagbabasa ng mensaheng ito na naligtas bilang resulta ng isang aksidente sa sasakyan, ito ay dahil sa ginamit yaon ng Diyos upang sanhiin kang bumaling sa Kanya. Tayo, bilang mga pinili ng Diyos, ay napaliligiran ng mga anghel na nalalaman kung paano isasaayos ang ating mga kapaligiran upang tayo ay madala sa pagka-anak. Marami sa atin ang pinilit na sumampalataya. Minsan ay natagpuan natin ang ating mga sarili sa gayong situwasyon, at wala tayong pagtakas. Sa katapus-tapusan napaluhod tayo at tumawag ng, “O Panginoong Hesus.” Nang gawin natin ito, nangagalak ang lahat ng mga anghel sapagka’t nakamit natin ang pagka-anak. Ang hantungan ng mga anghel ay ang maging mga naglilingkod na alipin. Ang ating hantungan ay ang pagka-anak. B. Ipinanganak ng Diyos Bilang mga hinirang ng Diyos, tayo ay ipinanganak ng Diyos upang maging Kanyang maraming anak. Sa sandaling tinanggap natin ang Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, tayo ay ipinanganak ng Diyos at tumanggap ng karapatang maging mga anak ng Diyos (Juan 1:12-13). Mula noon, ang Espiritu ng Diyos ay palaging sumasaksi kasama ang ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos (Roma 8:16). Maging sa mga panahon na tayo ay nanghihina at bumabalik sa dating gawi, mayroon pa rin tayong malalim na paniniwala na tayo ay mga anak ng Diyos sapagka’t kapag tayo ay ipinanganak ng Diyos, tayo ay magiging Kanyang mga anak magpakailanman. Natanggap na natin ang walang hanggang pagka-anak sa pamamagitan ng ating pagkasilang-na-muli. C. Ipinanganak ng Espiritu Nang tayo ay ipinanganak ng Diyos, tayo ay ipinanganak ng Espiritu sa ating espiritu (Juan 3:6). Sa ating laman ay ipinanganak tayo ng ating mga magulang. Subali’t sa ating espiritu tayo ay ipinanganak ng Espiritu ng Diyos upang maging Kanyang mga anak. Isinugo ng Diyos ang Espiritu ng Kanyang Anak tungo sa loob natin upang tayo ay maging ang maraming anak ng Diyos katulad ng Kanyang Panganay na Anak (Gal. 4:6). Ang maging ang maraming anak ng Diyos ay isang bagay na nasa ating espiritu at kasama ang Espiritu ng Anak ng Diyos. D. Tinanggap ang espiritu ng Pagka-anak Yamang tayo ay ipinanganak ng Espiritu sa ating espiritu, mayroon tayong espiritu ng pagka-anak (Roma 8:15). Mahirap malaman kung ang espiritung ito ay tumutukoy sa dibinong Espiritu o sa pantaong espiritu. Ito ay kinabibilangan ng dalawa, sapagka’t ang espiritu na ating natanggap ay isang pinaghalong espiritu, isang espiritu na kapwa dibino at pantao. Sinasabi sa Roma 8:15 na tayo, ang mga anak ng Diyos, ay sumisigaw ng, “Abba, Ama,” subali’t isang kaugnay na bersikulo ang, Galacia 4:6, ang nagsasabi na ang Espiritu ay sumisigaw ng, “Abba, Ama.” Nangangahulugan ito na kapag tayo ay sumisigaw ng Abba, Ama, ang Espiritu ay sumisigaw din at kapag ang Espiritu ay sumisigaw, tayo ang siyang sumisigaw. Tayo at ang Espiritu ay iisa. E. Hinihintay ang Ganap na Pagka-anak— Sa ngayon, wala pa tayong ganap na pagka-anak, na siyang ang katubusan ng ating katawan (Roma 8:23). Tayo ay naghihintay sa ganap na pagka-anak, ang katubusan o ang pagbabagong-anyo ng ating pisikal na katawan. Sa ibang salita, bagama’t tayo ay naipanganak na ng Diyos sa ating espiritu, hindi pa tayo naipapanganak sa Kanya sa ating katawan. Darating ang araw kung kailan ang ating katawan ay mababagong-anyo. Pagkatapos, makakamit na natin ang ganap na pagka-anak. Hinihintay natin ito. II. ANG MARAMING KAPATID A. Naibunga sa loob ng Pagkabuhay-na-muli Bilang ang maraming anak ng Diyos, tayo ang maraming kapatid ni Kristo na Siyang ang Panganay na Anak ng Diyos. Siya ay ipinanganak upang maging ang Panganay na Anak ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay-na-muli (Gawa 13:33), at tayo ay naibunga upang maging Kanyang maraming kapatid sa loob ng Kanyang pagkabuhay-na-muli (1 Ped. 1:3). Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay-na-muli tinawag Niya ang Kanyang mga disipulo na Kanyang mga kapatid (Juan 20:17). Ang ating bagong kapanganakan ay hindi isang pisikal na kapanganakan kundi isang kapanganakan sa loob ng pagkabuhay-na-muli. B. Tinataglay ang Panganay na Anak ng Diyos Tayo bilang ang maraming anak ng Diyos ay taglay ang Panganay na Anak bilang ating nakatatandang Kapatid (Heb. 2:11; Roma 8:29). Bilang ating nakatatandang Kapatid, Siya ang ating tularan at ating halimbawa. Sapagka’t Siya ang ating nakatatandang Kapatid, nangunguna Siya sa lahat ng bagay, at tayo ay dapat sumunod sa Kanyang mga yapak. C. Tinataglay ang Parehong Buhay at Kalikasan
Bilang ang maraming anak ng Diyos, taglay natin ang parehong buhay at kalikasan ng Panganay na Anak ng Diyos (2:11). Yamang nakikibahagi tayo sa parehong buhay at kalikasan Niya, tayo ang Kanyang maraming kapatid. Sapagka’t mayroon tayong buhay at kalikasan ng Diyos, tayo ang maraming anak ng Diyos. Sapagka’t nakikibahagi tayo sa gayunding buhay at kalikasan ng Panganay na Anak, tayo ang Kanyang mga kapatid. Kaugnay sa Diyos, tayo ang Kanyang maraming anak; kaugnay sa Panganay na Anak ng Diyos, tayo ang Kanyang maraming kapatid. III. ANG EKKLESIA A. Binubuo ng Maraming Kapatid sa loob ng Pagkabuhay-na-muli Gaya ng nakita na natin, ang ekklesia ay binubuo ng maraming kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos sa loob ng pagkabuhay-na-muli (2:12). Dahil dito, ang ekklesia ay isang sama-samang pakikipagsosyo (corporate partnership) kay Kristo. Kapag dumako na tayo sa 3:14, marami pa ang sasabihin natin tungkol sa pakikipagsosyong ito. Sa ngayon, sapat na na isaisip natin na ang ekklesia ay isang sama-samang pakikipagsosyo. B. Ang Panganay na Anak ng Diyos Ipinahahayag Sa ekklesia, ipinahahayag ng Panganay na Anak ng Diyos ang pangalan ng Ama sa Kanyang mga kapatid. Sapagka’t ang Ama ang pinagmumulan ng buhay at kalikasan, ang ipahayag ang pangalan ng Ama ay ang ipakita sa maraming kapatid ang pinagmulan ng buhay at kalikasan. Bagama’t kilala ng mga Hudyo noong mga sinaunang panahon ang Diyos, hindi nila kilala ang Ama. Nakikilala nila ang Diyos bilang ang Manlilikha subali’t hindi bilang ang Ama na nanganganak. Alam nila ang naglilikhang kapangyarihan ng Diyos, subali’t hindi nila alam ang kakayahang manganak ng Ama. Nalalaman nila ang kapangyarihan ng Diyos, subali’t hindi nila natanto ang buhay ng Ama. Bago ang pagkabuhay-na-muli, hindi alam maging ng mga disipulo ni Hesus ang buhay at kakayahan ng Ama na manganak. Bago ang araw ng pagkabuhay-na-muli, ang alam lamang nila ay gaya ng nalalaman lamang ng mga Hudyo. Gayunpaman, noong araw ng pagkabuhay-na-muli ang Panginoon ay pumaroon sa kanila upang ipahayag ang Ama upang malaman nila na ang Ama ang pinagmumulan ng buhay. Ito ay maikli lamang na binabanggit ng Bibliya nang maikli, subali’t ang maikling pagkakabanggit na ito ay tulad ng isang maliit na bintana kung saan makakikita tayo ng marami. Ayon sa Juan 20, dinalaw ni Hesus ang Kanyang mga disipulo noong gabi ng araw ng Kanyang pagkabuhay-na-muli. Subali’t hindi sinasabi ni Juan na idineklara Niya ang Ama sa mga disipulo. Ito ay isinalita nang papropesiya sa Awit 22:22. Ayon sa propesiyang iyon, pagkaraan ng Kanyang pagkabuhay-na-muli si Kristo ay pangunahing lumapit sa Kanyang mga disipulo upang ipakilala ang Ama sa kanila. Ang buhay at kalikasan ng Ama ay naging kanila. Ang katauhan ng Ama ay nailipat sa kanilang katauhan. Ito ang kahulugan ng ideklara ang pangalan ng Ama sa mga disipulo. Kung tayo ay naroon nang ginawa ito ng Panginoon, matatanto natin na ang deklarasyong iyon ay hindi lamang isang bagay ng pagbabanggit ng pangalan. Hindi, yaon ay isang pamamahagi ng lahat ng kung ano ang Ama—ang buhay, kalikasan, at katauhan ng Ama—tungo sa mga disipulo: mula rito ay natanto ni Pedro na siya ang isang may pakikibahagi sa dibinong kalikasan. Binabanggit niya ito sa Kanyang ikalawang Sulat (1:4). Tayo, ang mga anak ng Diyos, ay naging mga may bahagi sa dibinong kalikasan. Sa atin, ang Diyos ay hindi lamang ang naglilikhang Diyos bagkus ay ang nanganganak na Ama rin. Ipinanganak Niya tayo. Ibinahagi Niya ang Kanyang buhay, kalikasan, at maging ang Kanyang katauhan tungo sa ating katauhan. Ito ang kahulugan ng ideklara ang pangalan ng Ama. C. Ang Panganay na Anak ng Diyos Pagkatapos ipahayag ang pangalan ng Ama, ang Anak ay umaawit ng mga himno ng papuri sa Kanya sa gitna ng ekklesia. Hindi ako naniniwala na ang propesiyang ito ay nangangahulugang ang Panganay na Anak ng Diyos ay umawit ng mga himno ng papuri sa Ama sa ekklesia nang minsan lamang. Sa halip, naniniwala ako na ito ay nangangahulugang sa buong itinagal ng mga siglo, patuloy na umaawit ang Panganay na Anak ng mga himno ng papuri sa Ama sa ekklesia. Paano Niya ginagawa ito? Ginagawa Niya ito sa lahat ng Kanyang mga kapatid. Mayroon akong lubos na katiyakan na ngayon din Siya ay nasa loob natin. Yamang Siya ay nasa atin, umaawit Siya ng mga papuri sa Ama sa ating pag-awit. Ang Kanyang pag-awit ay nasa ating pag-awit. Kapag tayo ay umaawit, Siya ay umaawit sapagka’t Siya ay nasa loob ng ating pag-awit. Kapag tayo ay umaawit ng mga himno sa Ama mula sa ating espiritu, kasama natin Siyang umaawit sa ating espiritu. Ito ay kagila-gilalas. Sa ngayon ang ekklesia sa lupa ay isang sama-samang Katawan kasama ang Panganay na Anak ng Diyos. Sa mga pagpupulong ng ekklesia, ang Panganay na Anak ng Diyos ay umaawit ng papuri sa Ama. Sa tuwing tayo ay dumadalo sa mga pagpupulong, dapat tayong magbukas ng ating mga bibig upang magpuri sa Ama. Kung gagawin natin ito kaagad, tayo ay nakikipagtulungan sa nananahanang Panganay na Anak ng Diyos. Nais ba ninyong matamo pa nang higit ang Panganay na Anak? Kung nais ninyo, kailangan ninyong purihin ang Ama. Lalo nating pinupuri ang Ama, lalo nating natatamo ang Panganay na Anak. Lalo tayong umaawit, lalo Siyang umaawit sa ating pag-awit. Ang pinakamainam na paraan upang si Kristo ay gumawang kasama natin ay sa pamamagitan ng pag-awit ng mga papuri sa Ama. Ayon sa ating mga karanasan, marami sa atin ang makapagpapatotoo na ganito nga. Sa ilang mga pagpupulong ng ekklesia labis tayong umaawit sa Ama. Yaon ang panahong natamasa natin si Kristo nang labis. Mayroon pa nga tayong pandama na umaawit Siya sa ating pag-awit. Ipinakilala ni Kristo ang Ama sa atin bilang ang pinagmumulan ng buhay. Ngayon, sa lahat ng mga pagpupulong ng ekklesia, naghihintay Siya ng pagkakataong makipagtulungan sa atin sa pag-awit ng mga papuri sa Ama. Para sa atin, ang pinakamainam na paraan upang ibigay sa Kanya ang kooperasyong ito ay ang pagbubukas ng ating espiritu at pag-awit ng papuri sa Ama. Lalo tayong umaawit, lalo nating natatamasa ang Kanyang pag-awit. Kapag pinupuri natin ang Ama, tinatamasa natin si Kristo. Tayo ay kaisa ni Kristo sa pagpuri sa Ama sa mga pagpupulong ng ekklesia. Lalo nating pinupuri ang Ama sa mga pagpupulong ng ekklesia, lalo Niyang pinupuri ang Ama sa ating pagpuri, at lalo natin Siyang natatamasa at natatamo. Ang ekklesia ay binubuo ng maraming anak ng Diyos na maraming kapatid ni Kristo sa pagkabuhay-na-muli. Ito ay isang sama-samang pakikipagsosyo kay Kristo, ang Panganay na Anak ng Diyos, upang makilahok sa buhay, kalikasan, at katauhan ng Ama. Sa ekklesia, ang Ama ay pinupuri ng Kanyang Panganay na Anak sa loob ng Kanyang maraming anak. Ito ang ekklesia. Ngayon ay nakita na natin ang ilang bagay hinggil sa maraming anak, maraming kapatid, at ekklesia.
|