PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LABINTATLO

ISANG MAAWAIN AT TAPAT NA MATAAS NA SASERDOTE

Ang aklat ng Hebreo ay kamangha-mangha kapwa sa nilalaman nito at kabuuan nito. Walang pantaong kaisipan ang makapagsusulat ng isang gayong sulat. Tiyak na ito ay isinulat sa ilalim ng dibinong inspirasyon. Sa mensaheng ito tungkol sa isang maawain at tapat na Mataas na Saserdote, dumako tayo sa pagwawakas ng unang dalawang kapitulo ng Hebreo. Pagkatapos talakayin ang napakaraming aytem sa unang dalawang kapitulo, tinatapos ng manunulat ang seksiyong ito sa paghahayag na ang Anak ng Tao ay isang maawain at tapat na Mataas na Saserdote na naghahain sa atin. Upang malaman natin ang Kanyang mga kwalipikasyon sa pagiging isang gayong saserdote, kailangan nating balikan ang mga kapitulo isa at dalawa upang makita ang lahat ng mga aytem ng kung ano Siya at kung ano ang nagawa Niya.

I. BILANG ANG ANAK NG DIYOS NA MAY DIBINONG KALIKASAN

Bakit ginamit ng sumulat ng Hebreo ang mga salitang maawain at tapat upang ilarawan ang Mataas na Saserdoteng ito? Bakit hindi siya gumamit ng isa lamang na salita o ng higit pa sa dalawa? Ang kasagutan ay yaong sa unang dalawang kapitulo ng aklat na ito, pangunahing tinalakay ng nagsulat ang dalawang punto—na si Kristo ay ang Anak ng Diyos, ang Diyos Mismo, at ang Anak ng Tao, ang tao Mismo. Ang maawain ay tumutugma sa Kanyang pagiging tao, at ang tapat ay tumutugma sa Kanyang pagiging Diyos. Upang maging tapat, hindi lamang natin kailangan ang kagalingan bagkus ang kakayahan din. Ipagpalagay na nangako ako sa iyo sa salita. Bagama’t ang aking kagalingan ay maaaring mabuti, maaaring wala akong kakayahang tuparin ang aking salita. Mayroon akong puso na maging tapat sa pagtupad ng aking salita, subali’t kulang ako sa kakayahan. Wala akong paraan upang tuparin ang aking salita. Sa katapus-tapusan, napipilitan akong hindi maging tapat. Subali’t ang Mataas na Saserdoteng ito ay hindi lamang isang tapat na tao; Siya ay tapat na Diyos. Ang Diyos ay tapat (10:23). Kaya Niyang tuparin ang anumang Kanyang sinasabi. Ang Diyos kailanman ay hindi nagsisinungaling (6:18). Anumang Kanyang sinalita ay kaya Niyang tuparin. Ang lahat ng paraan ay nasa Kanya upang tuparin ang Kanyang sinalita. Diyos lamang ang maaaring maging lubusang tapat. Wala ni isa sa atin ang maaaring maging ganap na tapat. Madalas ay mayroon akong tapat na hangaring tuparin ang aking salita subali’t nasusumpungan ko ang aking sarili na hindi ko nagawa ito. Hindi ko nagawa ito sapagka’t hindi ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ano ang makahahadlang sa Diyos para tuparin ang Kanyang salita? Wala. Si Hesus ay maaaring maging isang tapat na Mataas na Saserdote sapagka’t Siya ay ang Mismong Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Yamang Siya, bilang ang Anak ng Diyos, ay ang Diyos Mismo, kaya Niyang maging tapat. Bagama’t bilang ang maraming anak ng Diyos at bilang ang maraming kapatid ng Panganay na Anak, tayo ay dibino at tao, hindi tayo makapangyarihan-sa-lahat. Tayo ay tao sa ating pantaong kalikasan at dibino sa Kanyang dibinong kalikasan, subali’t hindi tayo makapangyarihan-sa-lahat sa Kanyang pagiging Diyos (deity). Yamang Siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, maaari Siyang maging tapat sa atin.

II. BILANG ANG ANAK NG TAO NA MAY PANTAONG KALIKASAN

Ang pagiging maawain ay tumutugma sa punto ng pagiging tao ni Kristo. Siya ay naging isang tao at nabuhay sa lupa bilang isang tao na dumaan sa lahat ng pantaong pagdurusa. Bilang resulta, Siya ay lubusang kwalipikadong maging maawain sa atin. Alam Niya kung paano maging maawain sa tao. Siya ay isang Tao na may mga karanasan ng pantaong buhay, na may mga karanasan ng pantaong pagdurusa.

Paano naging isang maawain at tapat na Mataas na Saserdote si Kristo? Sapagka’t Siya ang Anak ng Tao na may pantaong kalikasan at ang Anak ng Diyos na may dibinong kalikasan. Siya ay lubusang kwalipikado. Si Aaron ay isang mabuting saserdote, subali’t mayroon lamang siyang pagka-tao. Wala siyang pagka-Diyos. Bagama’t si Aaron ay maaaring naging maawain, nag-aalinlangan ako kung siya nga ay tunay na tapat. Subali’t ang ating Mataas na Saserdote, si Hesu-Kristo, ang Anak ng Diyos at ang Anak ng Tao, ay kapwa maawain at tapat sapagka’t Siya ay kapwa Diyos at tao.

III. NAGING LAMAN UPANG MAGING KATULAD NATIN

Ang isa pang kwalipikasyon ni Kristo bilang ang Mataas na Saserdote ay yaong Siya ay naging laman upang maging katulad natin (2:14,17). Masasabi pa nga nating nakahihigit pa Siya sa atin sapagka’t nagdusa Siya sa Kanyang pantaong buhay ng ilang mga bagay na hindi natin napagdusahan. Upang maging kwalipikadong maging isang maawaing Mataas na Saserdote, Siya ay naging katulad natin, nakikisimpatiya sa lahat ng ating mga kahinaan.

IV. TINUKSO

Ang Panginoong Hesus ay kwalipikadong maging Mataas na Saserdote sapagka’t Siya ay tinukso (2:18). Kung muli ninyong babasahin ang mga Ebanghelyo, makikita ninyo na wala nang iba pang taong dumaan sa napakaraming kaguluhan, pagtuligsa, di-pagkaunawa, at mga usap-usapan gaya ng Panginoong Hesus. Napakaraming relihiyonista ang magagaling gumawa ng mga usapin. Kagaya sa ibang lugar, marami ring usap-usapan sa kinasasaklawan ng relihiyon. Ang mga gumagawa ng usapin ay sanay magpilipit sa inyong mga salita. Ibinubukod nila ang ilang mga salitang sinabi ninyo at dinaragdagan ito ng iba. Minsan, ang Panginoong Hesus ay nagsasabi ng isang salita at kinukuha ito ng mga relihiyonista at pinipilipit ito, sinusubukang gumawa ng kaso laban sa Panginoon batay dito.

Ganitung-ganito rin ang situwasyon ngayon. Nang si Kapatid Nee at ako ay magkasamang gumagawa sa Tsina, nakita ko kung gaano karaming kasinungalingan at usapin ang ikinalat tungkol sa kanya. Madalas hindi nagsasalita ng anuman si Kapatid Nee. Ilang beses siyang lumapit sa akin, na nagsasabing, “Witness, nakapagsisinungaling ang mga Kristiyano.” Nang panahong yaon, siya ang tampulan, at kami ay nasa ilalim ng kanyang pagtatakip. Ang mga tuligsa ay hindi nakaabot sa amin sapagka’t siya ang payong at kami ay nasa ilalim niya. Noong 1949, pagkatapos niyang pumunta sa Taiwan, ako ang naging tampulan ng mga pagtuligsa. Ngayon ay alam ko na mula sa aking sariling karanasan na ang mga Kristiyano ay nakapagsisinungaling. Kung dudulog kayo sa Panginoong Hesus at tatanungin Siya kung ang mga relihiyosong tao ay makapagsisinungaling o hindi, sasabihin Niya, “Tiyak na kayang-kaya nila ito. Labis nga Akong nagdusa nito.” Sapagka’t ang Panginoong Hesus ay iba sa madilim na relihiyon ng Kanyang panahon, kinamuhian Siya ng mga relihiyonista. Kinamuhian Siya ng lahat ng mga relihiyosong tao. Gayundin ang nangyari kay Watchman Nee sa Tsina. Mula noong 1932 hanggang sa araw na siya ay mabilanggo noong 1952, walang denominasyon sa Tsina ang nag-anyaya sa Kanyang magsalita. Gayunpaman, ang Panginoong Hesus ay maawain at tiyak na nalalaman kung paanong makisimpatiya sa atin at magdusa ng mga kasinungalingan. Kailanman ay walang tao na natukso, nasubok, natuligsa, nasalungat, at di-naunawaan ng mga relihiyonista gaya Niya. Siya ay kwalipikadong maging maawain sa atin at makisimpatiya sa atin.

V. NAGBATA NG KAMATAYAN

Si Kristo ay kwalipikado ring maging ating Mataas na Saserdote sapagka’t nagbata Siya ng kamatayan (2:9). Ang kamatayang naranasan ng Panginoong Hesus ay tunay na isang bautismo. Minsan tinanong ng Panginoong Hesus ang Kanyang mga disipulo, “Kaya ba ninyong...mabautismuhan ng bautismong ibinautismo sa Akin?” (Marcos 10:38). Ang bautismong yaon ay ang Kanyang kamatayan. Ang Kanyang kamatayan ay ang tunay na Ilog Jordan. Sa pagbata sa kamatayan, tinawid Niya ang ilog at pumasok Siya sa rehiyon na puno ng kahayagan ng Diyos, puno ng kaluwalhatian ng Diyos.

VI. GUMAWA NG PAMPALUBAG-LOOB PATUNGKOL SA ATING MGA KASALANAN

Sa pamamagitan ng pagbata ng kamatayan sa krus, gumawa si Kristo ng pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan (2:17). Nangangahulugan ito na pinapaglubag Niya ang Diyos para sa atin. Binigyang-kasiyahan Niya ang katuwiran ng Diyos at ang lahat ng kahilingan ng Diyos sa atin. Inayos na Niya ang bawa’t suliranin sa pagitan natin at ng Diyos.

VII. NALIPOL ANG DIYABLO

Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus, hindi lamang natikman ni Kristo ang kamatayan para sa atin at gumawa Siya ng pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan, bagkus nalipol din Niya ang Diyablo na siyang may kapangyarihan ng kamatayan (2:14). Nabigyang-wakas na Niya ang kasalanan. Nalutas na Niya ang suliranin ng ating mga kasalanan. Napuksa na rin Niya ang Diyablo. Kaya kwalipikado Siyang maging maawaing Mataas na Saserdote.

VIII. NAPALAYA TAYO
MULA SA PAGKAALIPIN SA KAMATAYAN

Napalaya na rin tayo ni Kristo mula sa pagkaalipin sa kamatayan (2:15). Pinalaya na Niya tayo mula sa pagkaalipin sa kasalanan, mula sa pagkaalipin sa pagkatakot sa kamatayan, at maging mismo sa pagkaalipin sa kamatayan. Hindi na tayo kailanman naaalipin ng anumang bagay.

IX. SA PAGKABUHAY-NA-MULI, NAGBUBUNGA
NG MARAMING KAPATID UPANG MABUO ANG EKKLESIA

Ang isang higit pang kwalipikasyon ni Kristo bilang Mataas na Saserdote ay yaong sa pagkabuhay-na-muli ay ibinunga Niya ang maraming kapatid upang mabuo ang ekklesia (2:10-12). Siya ang Panganay na Anak ng Diyos sa pagkabuhay-na-muli, at tayo ang Kanyang maraming kapatid sa pagkabuhay-na-muli upang mabuo ang ekklesia. Siya at tayo ay magkatulad sa buhay at sa kalikasan. Siya at tayo ay nasa pagkabuhay-na-muling lahat. Siya ang Ulo ng ekklesia, at tayo ang mga sangkap ng ekklesia. Nagbibigay ito sa Kanya ng malakas na batayan upang maging ating Mataas na Saserdote.

X. PINUTUNGAN NG KALUWALHATIAN AT KARANGALAN
SA PAGDADAKILA SA KANYA

Ang pagkakaputong kay Kristo ng kaluwalhatian at karangalan sa pagdakila sa Kanya ay isa ring kwalipikasyon ng Kanyang pagkasaserdote. Ginawang posible ng lahat ng ito – ng pagdakila sa Kanya, ng kaluwalhatian, at ng karangalan, na makapaghain Siya sa atin bilang ang Mataas na Saserdote. Sa gayong katayuan at posibilidad, maaari Siyang maging maawain at tapat gaano man Niya naisin.

XI. BILANG ANG PINUNO NG ATING KALIGTASAN

Sa katapus-tapusan si Kristo ay napasakdal at kwalipikadong maging Pinuno ng ating kaligtasan (2:10). Nakita na natin ito sa dalawang nakaraang mensahe. Bilang Pinuno ng kaligtasan, ngayon Siya ay lubusang kwalipikadong maging ating Mataas na Saserdote.

Sa nakalipas, marami sa atin ang nakaranas ng pagiging nahainan ni Kristo bilang ating Mataas na Saserdote nang walang gaanong nalalaman tungkol dito. Ang Hebreo ay isang aklat hinggil sa pagkasaserdote. Gaya ng makikita natin sa mga darating na mensahe, ang pagkasaserdote na binabanggit sa mga kapitulo apat hanggang anim, ay lubusang napaunlad sa mga kapitulo pito hanggang sampu. Kapag dumako na tayo sa bahaging iyon ng Hebreo, makikita natin ang higit pa. Sa mensaheng ito, kailangan nating maggugol ng panahon upang magtatag ng isang pundasyon para sa isang wastong pagkaunawa sa pagkasaserdote.

Ano ang isang saserdote? Nasabi na natin na ang saserdote ay isang naglilingkod sa Diyos. Bagama’t wasto na sabihin ito, hindi ito sapat. Ang isang saserdote ay hindi lamang isa na naglilingkod sa Diyos bagkus ay isa ring naghahain ng Diyos tungo sa tao. Lahat ng Kristiyano ay nalalaman na ang isang saserdote ay isang naglilingkod sa Diyos, subali’t kakaunting Kristiyano ang nakaaalam na, sa sukdulan, ang isang saserdote ay isa na naghahain ng Diyos sa tao. Sa isang pakahulugan, ang paglilingkod sa Diyos ay pumapangalawa lamang, samantalang ang paghahain ng Diyos sa tao ang nangunguna. Ang pangunahing kahulugan ng pagkasaserdote ay hindi ang maglingkod sa Diyos kundi ang maghain ng Diyos sa tao. Kung, bilang mga saserdote, ang alam lamang natin ay kung paanong maglingkod sa Diyos at hindi ang kung paanong maghain ng Diyos sa tao, magiging napakahina natin.

Ang unang pagbanggit ng salitang saserdote sa Bibliya ay kay Melquisedec (Gen. 14:18-20). Sa Bibliya, ang unang saserdote ay si Melquisedec. Gaya ng natukoy na natin noon, ang unang pagbanggit ng isang bagay sa Bibliya ay nagtatatag ng prinsipyo para sa gayong kategorya ng mga bagay. Kaya, ang unang pagbanggit sa saserdote, yaong kay Melquisedec, ang nagtatatag ng prinsipyo ng isang saserdote. Kung susuriin ninyo ang kaso ni Melquisedec bilang ang saserdote ng kataas-taasang Diyos, makikita ninyo na hindi siya nagtungo sa Diyos mula sa tao kundi nagtungo siya sa tao mula sa Diyos. Hindi siya nagtungo sa Diyos at naglingkod sa Diyos, nagmula siya sa Diyos at naghain ng bagay ng Diyos kay Abraham, ang naghahanap sa Diyos. Pagkaraan ng pangyayari hinggil kay Melquisedec, nagkaroon ng higit na pag-unlad hinggil sa bagay ng pagkasaserdote sa Bibliya. Subali’t hindi natin dapat kalimutan na ang pasimulang kasaysayan ng pagkasaserdote ay yaong ang isang saserdote ay nagmula sa Diyos na naghahain ng mga bagay ng Diyos sa bayan ng Diyos.

Ang pangunahing punto kay Kristo bilang ang Mataas na Saserdote ay hindi yaong naglilingkod Siya sa Diyos kundi yaong naghahain Siya ng Diyos sa atin. Kinakailangang magkaroon tayo ng malalim na pagkatanto kaysa manatili sa mababaw na konsepto na ang isang saserdote ay isang naglilingkod sa Diyos. Ang bawa’t isa, kabilang na ang mga di-mananampalataya na nasa lansangan, ay nakakaalam na ang isang paring Katoliko ay ang isa na naglilingkod sa Diyos, nagsusunog ng insenso, at tinutupad ang kanyang “banal” na tungkulin. Maging ang mga relihiyong hentil ay may mga saserdote. Kailangan nating tawirin ang ilog palabas sa mababang konseptong ito patungo sa mas mataas pa. Hindi kailangan ng Diyos ang inyong paglilingkod, subali’t nais Niyang ihain ninyo Siya sa mga tao. Bilang ang Mataas na Saserdote, ang pangunahing gawain ni Kristo ay ang ihain ang Diyos sa atin. Ang pangunahing ginagawa sa inyo ni Kristo ay ang ihain ang Diyos tungo sa loob ninyo. Ito ang ating Mataas na Saserdote. Patuloy Siyang gumagawa ng isang bagay—naghahain ng Diyos tungo sa loob natin. Maaaring magsabi ang ilan na hindi inihain ni Melquisedec ang Diyos. Subali’t ano naman ang tinapay at ang alak—ano ang isinasagisag ng mga ito? Isinasagisag ng tinapay at ng alak ang Diyos bilang ating katamasahan, ang Diyos na inihahain sa atin upang mapanariwa, matustusan, masuportahan, mapalakas, at makandili tayo nang sa gayon tayo ay lumago sa lahat ng mga kayamanan ng Diyos. Ito ang pangunahing tungkulin ng isang saserdote. Sa prinsipyo, tayong mga naglilingkod sa Diyos ngayon ay Kanyang mga saserdote. Bilang mga saserdote, ang ating pangunahing responsabilidad ay ang ihain Siya sa mga tao.

Kailangan nating makita ang ganitong uri ng makasaserdoteng ministeryo sa praktikal na buhay-ekklesia. Maraming grupo ng paglilingkod sa ekklesia ngayon. Ang mga grupo ng paglilingkod na ito ay hindi lamang dapat ituring na isang uri ng panlevitikong paglilingkod. Lahat ng mga grupo ng paglilingkod ay dapat ding maging ang pagkasaserdote. Ang isang grupo ng paglilingkod ay hindi lamang para sa paglilingkod nito. Ang mga kapatid-na-lalake at kapatid-na-babae sa bawa’t grupo ng paglilingkod ay nararapat na palaging maghain ng mga kayamanan ng Diyos na na kay Kristo sa mga tao. Kailangan ninyong ihain ang Diyos sa mga tao sa inyong grupo ng paglilingkod. Sa katapus-tapusan, ang buong grupo ninyo ay magiging isang samahan ng mga saserdote na naghahain ng Diyos sa bawa’t isang sangkap. Kunin ninyong isang halimbawa ang grupo na naglilinis at nag-aayos. Ang pangunahing tungkulin ng grupo ng paglilingkod na ito ay hindi lamang ang linisin ang bahay-pulungan, isayos ang mga upuan, at panatilihing maayos ang lahat ng bagay. Yaon ay isang pagtulong, subali’t yaon ay hindi ang pagkasaserdote. Ang tunay na pagkasaserdote ay nangyayari kapag inihahain ninyo ang Diyos sa mga tao habang nililinis ninyo ang pulungan at isinasaayos ang mga upuan.

Sa katapus-tapusan habang inihahain natin ang Diyos tungo sa loob ng mga tao, matataglay nila ang Kanyang kahayagan. Inihahain ni Kristo ang Diyos tungo sa loob ng Kanyang mananampalataya hanggang sa nasa kanila na ang kahayagan ng Diyos. Gaya ng nakita na natin, ang kahayagan ng Diyos ay ang kaluwalhatian. Sa Bibliya, ang kaluwalhatian ng Diyos ay ang kahayagan ng Diyos. Kapag ang Diyos ay nahahayag, mayroon tayong kaluwalhatian. Subali’t paano mihahayag ang Diyos? Sa pamamagitan ni Kristo bilang ang Mataas na Saserdote na patuloy na naghahain ng Diyos tungo sa loob natin. Natalakay na natin ang puntong ito sa dalawang mensahe hinggil sa Pinuno ng kaligtasan.

Ngayon, makikita natin si Kristo sa tatlong aspekto. Sa unang aspekto, Siya ang Pinuno ng kaligtasan; sa pangalawang aspekto, Siya ang binhi ng kaluwalhatian; at sa pangatlong aspekto, Siya ang naghahaing Isa, ang Mataas na Saserdote. Bilang ang Mataas na Saserdote, inihahain ni Kristo ang Diyos sa atin. Ito ang Kanyang makasaserdoteng gawain at ito rin ang tungkuling ginagawa ng Pinuno ng kaligtasan. Bagama’t Siya ang Pinuno ng kaligtasan, tinutupad Niya ang Kanyang tungkulin sa pamamagitan ng pagiging Mataas na Saserdote. Sa 2:10, sinabihan tayo na si Kristo ang Pinuno ng ating kaligtasan, at sa 2:17 makikita natin na ang Kristong ito na Siyang Pinuno ng ating kaligtasan ay ang ating Mataas na Saserdote rin. Paano Niya naisasagawa ang Kanyang tungkulin bilang ating Pinuno ng kaligtasan? Tangi lamang sa pamamagitan ng pagiging Mataas na Saserdote. Ayon sa ating pantaong konsepto, ang isang pinuno ay isang lider, isang nakikipagbakang lider. Ang konseptong ito ay hindi mali, subali’t kung si Kristo ay isang Pinuno lamang sa pakahulugang ito, hindi Niya matutupad ang Kanyang tungkulin.

Isaalang-alang ninyo ang relasyon sa pagitan nina Moises at Aaron sa Lumang Tipan. Kung wala si Aaron, hindi maisasagawa ni Moises ang kanyang pangunguna. Ang pangunguna ng apostol ay nangangailangan ng paghahain ng saserdote. Katulad ni Moises, kinailangan din ni Josue ang mataas na saserdote. Huwag ninyong isipin na si Aaron ay isang tao at si Moises ay iba pa. Ayon sa kanilang sarili, bilang mga tao (figures) ng kasaysayan, sila ay dalawa, subali’t bilang mga sagisag ni Kristo, sila ay iisa. Sa isang banda, si Hesus ang ating Moises; sa kabilang banda, Siya ang ating Aaron. Kapag dumako tayo sa kapitulo tatlo, makakikita pa tayo ng higit tungkol kay Kristo bilang ating Apostol at bilang ating Mataas na Saserdote. Ang pangunguna at ang pagkasaserdote ay dapat palaging magkasama. Kay Kristo, ang dalawang ministeryong ito ay nasa iisang tao. Hindi Niya maisasagawa ang kanyang tungkulin bilang ating Pinuno kung hindi Siya ang ating Mataas na Saserdote. Hindi ako makasusunod kay Kristo kung hindi Siya ang Mataas na Saserdote. Sa isang banda, Siya ang Pinuno na nangunguna at nakikibaka; sa kabilang banda, Siya ang Mataas na Saserdote na naghahain ng Diyos Mismo at ng mga kayamanan ng dibinong buhay tungo sa loob natin.

M aaari kong gamitin ang aking pisikal na katawan bilang isang paglalarawan. Pinupuri ko ang Diyos na binigyan Niya ako ng isang malakas, at malusog na katawan. Gayunpaman, pagkatapos kong maghain, ako ay lubhang napapagod. Pagkatapos, umuuwi ako sa bahay at nagtatamasa ng masarap na pagkain. Nagpapanauli ito sa akin. Pagkatapos ng gayong pagkain, makapupunta at makapaghahain muli ako sa loob ng isa pang oras at kalahati. Pagkatapos, uuwi ako sa bahay at muling magtatamasa ng iba pang pagkaing masarap. Kamakailan lamang, pagkatapos magsalita sa isang pagpupulong sa gabi, umuwi ako sa bahay nang masiglang-masigla pa rin. Kinabukasan, nagising ako bago mag-ikaanim ng umaga na puno ng lakas. Marami akong ginawa nang umagang iyon. Saan nanggaling ang kalakasang yaon? Nanggaling iyon sa pagkain. Gayundin, mayroon akong isang tunay na Mataas na Saserdote na naghahain ng tinapay at alak sa akin. Ito ang nagsasanhi sa aking magampanan ang aking gawain nang hindi napapagod. Lalo kong natatamasa ang pagpapakain, lalo akong nagkakaroon ng lakas.

Kung babasahin ninyo ang Hebreo 1 at 2, makikita ninyo na ang kagila-gilalas, mahiwaga, at kamangha-manghang Isang ito ay ang ating Mataas na Saserdote ngayon. Huwag ninyong isipin na ang Mataas na Saserdoteng ito ay naglilingkod lamang sa Diyos. Yaon ay pangalawa lamang. Ang Mataas na Saserdoteng ito ay ang Isang patuloy na naghahain ng Diyos sa atin. Kung bilang isang saserdote, ikaw ay nagtutungo lamang sa Diyos at naglilingkod sa Kanya, sasabihin Niyang, “Hindi Kita kailangan. Bakit ka nagpupunta rito at nag-aaksaya ng iyong panahon. Dapat kang sumama sa Akin sa mga tao. Kailangan mong ihain Ako sa mga tao. Yaon ang Aking gusto.”

Gaya ng nakita na natin, si Kristo ay higit pang lubusang kwalipikado na maging ating Mataas na Saserdote. Siya, ang Anak ng Diyos, ang Diyos Mismo, ay naging isang tao at nagdusa bilang isang tao. Bilang ang Anak ng Tao, nagdaan Siya sa lahat ng bagay at nagsakatuparan ng lahat ng bagay. Ngayon Siya ay kwalipikadong maghain sa atin bilang ating Mataas na Saserdote. Anuman ang ating situwasyon, mayroon Siyang ihahain sa atin. Kadalasan, ang pagtatamasa sa Kanyang makasaserdoteng ministeryo ay katulad ng paghinga. Hindi na natin kailangang unawain ang hakbangin ng paghinga o kaya ay suriing mabuti ang hangin. Hangga’t tayo ay humihinga, nakukuha natin ang lahat ng nasa hangin. Gayundin, maraming nangyayari sa ating espiritu na hindi natin nauunawaan. Gaya ng hangin, si Hesus ay naririto. Hangga’t kinakaugnay natin Siya sa pamamagitan ng paghinga sa Kanya nang paloob, mayroon na tayo ng lahat ng ating kailangan. Gayunpaman, makatutulong kung kilala natin ang Panginoon nang lubusan. Ang pagtatamasang ito ng Kristo ay tunay, ito ay hindi isang pamahiin.

Habang naghahain ng Diyos ang ating Mataas na Saserdote sa loob natin, higit pa tayong makatatamo ng Diyos at magiging Kanyang kahayagan. Sa katapus-tapusan, tayo ay makapaglilingkod sa Diyos. Dito natin kinakailangang magkaroon ng pagbaling. Kapag tayo ay naglilingkod sa Diyos, lalo tayong nalalalinan ng Diyos. Kapag tayo ay nalalinan na Niya, sasabihin ng Diyos na, “Humayo ka at ihain Ako sa iba.”

Ngayon ay mauunawaan na natin ang paraan kung paano tayo dinadala ng Panginoong Hesus bilang ang Pinuno ng ating kaligtasan tungo sa kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagiging Mataas na Saserdoteng naghahain sa atin ng Diyos sa lahat ng panahon. Habang inihahain ni Kristo ang Diyos sa loob natin, isang chain reaction ang nagsisimula. Nalalalinan tayo ng Diyos hanggang sa tayo ay maging mga saserdote rin. Bilang mga saserdote, sa pangunahin ay hindi tayo naglilingkod sa Diyos kundi naghahain ng Diyos sa iba, dinadala sila patungo sa kahayagan ng Diyos. Yaong mga nakatatanggap ng ating paghahain ay malalalinan naman ng Diyos. Magsasanhi ito sa kanila na dumulog sa Diyos para sa higit pang paglalalin. Pagkatapos ay sasabihin sa kanila ng Diyos na Siya ay ihain nila sa iba. Ito ang pamamaraan ng Pinuno ng ating kaligtasan sa pangunguna sa atin tungo sa kaluwalhatian. Nanghihinayang ako na wala akong sapat na mga salita upang ipahayag ito. Ito ay hindi lamang isang uri ng pang-Kristiyanong pagpapatibay. Ito ang paraan kung papaano dinadala ng Ama ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian. Inuulit ko, dinadala tayo ng Panginoon tungo sa kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagiging ating Pinuno at tinutupad ng ating Pinuno ang Kanyang tungkulin sa pamamagitan ng pagiging ating Mataas na Saserdote.

XII. NAGBIBIGAY NG TULONG UPANG ILIGTAS TAYO

Bilang isang kabataan, natutuhan ko ang Hebreo 2:17. Tinuruan ako na si Kristo, bilang ating Mataas na Saserdote, ay makasisimpatiya sa atin, subali’t tinuruan ako nito sa mababang paraan na sinasabing kapag nasumpungan ninyo ang inyong sarili sa paghihirap, makasisimpatiya sa inyo si Kristo. Bagama’t maraming beses ko nang naranasan na si Kristo ay nakikisimpatiya sa akin nang ganito, hindi ko natanggap mula rito ang paghahain ng dibinong buhay. Nakatamo lamang ako ng kaginhawaan, wala nang iba pa. Ang karanasan ko sa kasalukuyan ay lubhang naiiba. Ang karanasan ko ngayon kay Kristo na nakikisimpatiya sa akin bilang aking Mataas na Saserdote ay higit na mataas at mayaman kaysa rito. Sa tuwing nararanasan ko ang Kanyang simpatiya, nakatatanggap ako ng dibinong panustos. Natutunan ko mula sa aking mga karanasan na si Kristo bilang ang Mataas na Saserdote ay pangunahing naglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paghahain ng Diyos sa atin.

Ang ganitong uri ng paghahain ay tinatawag na “pagsaklolo,” isang nakatutulong na pagsagip. Upang maunawaan ang salitang Griyego na isinaling “saklolo” sa 2:18 ng King James Version, kailangan nating basahin ang 2:16 kapwa sa King James Version at salin sa Pagbabawi. Sinasabi sa King James Version na, “Sapagka’t tunay na hindi Niya kinukuha ang kalikasan ng mga anghel, kundi kinukuha Niya ang sa binhi ni Abraham.” Sinasabi sa salin sa Pagbabawi na, “Sapagka’t tunay na hindi Niya tinutulungan ang mga anghel, kundi tinutulungan Niya ang binhi ni Abraham.” Anong pagkakaiba sa pagitan ng dalawang pagsasaling ito? Sinasabi sa King James Version na sa Kanya ay hindi kinukuha ng Panginoong Hesus ang kalikasan ng mga anghel kundi ang kalikasan ng mga anak ni Abraham. Subali’t ang wastong kahulugan sa Griyego ay hindi kinukuha kundi tinutulungan. Ano ang kahulugan ng tinutulungan? Ayon sa Griyego, ito ay nangangahulugang sagipin ang isang tao sa paraang sumasagip ka ng isang nalulunod na tao. Hindi ito nangangahulugan na sunggaban ang isang tao at hatakin siya mula sa isang mapanganib na situwasyon. Hindi, ito ay nangangahulugang makapasok ka sa isang tao, ilagay mo siya sa iyo at dalhin siya. Yaon ang nakatutulong na pagsagip na sinasalita rito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi sa King James Version na, “Sa Kanya ay hindi Niya kinukuha ang kalikasan ng mga anghel, kundi kinukuha Niya sa Kanya ang sa binhi ni Abraham.” Ito ay hindi lubusang mali, sapagka’t ito ay isang bahagyang kahulugan ng Griyegong salita. Ang buong kahulugan ng salitang ito ay ang tumulong, ang sumagip, sa pamamagitan ng paglapit sa isang tao, inilalagay siya sa iyo, at dinadala siya. Halimbawa, kapag ikaw ay nahihirapan, hindi iaabot ng Mataas na Saserdote ang Kanyang darili at sasagipin ka mula sa kahirapang yaon. Hindi, habang ikaw ay nagdurusa, Siya ay lalapit sa iyo, ilalagay ka sa Kanya, at dadalhin ka sa buong panahon ng kahirapan. Ito ang gawain ng ating Mataas na Saserdote. Pagkatapos mo itong maranasan ng ilang ulit, hindi ka na muling matatakot sa anumang kahirapan. Sa susunod na dumating ang kahirapan, sasabihin mo, “Lalong mayroon akong mga kahirapan, lalo kong matatamasa si Kristo, lalo kong matatamasa ang Diyos, at lalo kong matatamasa ang dibinong elemento, at lalo akong madadala tungo sa kaluwalhatian.”

Ngayon ay alam na natin ang tunay na kahulugan ng 2:17-18. Si Kristo ay ang napakaraming bagay: ang Anak ng Diyos, ang Anak ng Tao, ang Manlilikha, ang Taga-alalay, ang Tagapagmana, ang Isa na nagbata ng kamatayan, ang gumawa ng pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan, ang lumipol kay Satanas, at ang nagpalaya sa atin mula sa pagkaalipin sa kamatayan. Bilang gayong Isa, Siya ay lubusang kwalipikado na maging Pinuno ng ating kaligtasan. Bilang ating Pinuno, inililigtas Niya tayo mula sa bawa’t uri ng mababang situwasyon at dinadala tayo tungo sa kaluwalhatian ng Diyos. Hindi Niya tayo inililigtas sa isang obhektibong paraan kundi sa pamamagitan ng paghahain ng Diyos Mismo sa loob natin at sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng isang subhektibong kaligtasan sa pamamagitan ng paglalagay sa atin sa Kanya, pinapasan tayo, at dinadala tayo. Kapag tinatamasa natin ang kaligtasang ito, nakikilahok tayo sa elemento ng Diyos at dinadala tayo tungo sa kahayagan ng maluwalhating Diyos. Ito ang paraan ng pagdadala sa atin ng Panginoon tungo sa kaluwalhatian.

 

Mga Nilalaman