|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LABING-APAT MGA BANAL NA KAPATID AT MGA MAY BAHAGI I. MGA BANAL NA KAPATID Sa mensaheng ito, dumako tayo sa Hebreo 3. Ang kapitulong ito ay nagbubukas sa ganitong paraan: “Kaya, mga banal na kapatid, mga may bahagi sa makalangit na pagtawag.” Gusto ko ang dalawang titulong ito—mga banal na kapatid at mga may bahagi sa makalangit na pagtawag. Walang ibang aklat sa Bagong Tipan ang tumatawag sa atin na mga banal na kapatid. Ang titulong mga banal na kapatid ay nagpapakita ng dalawang punto—na tayo ay mga banal at yaong tayo ay mga magkakapatid. Hindi lamang tayo mga magkakapatid kundi mga banal na magkakapatid at masasabi mo bang ikaw ay isang banal na kapatid? Hindi tayo matatawag ng sumulat ng aklat na ito na mga banal na kapatid hangga’t hindi niya natatalakay ang napakaraming kwalipikasyon hinggil kay Kristo at sa atin sa naunang dalawang kapitulo. Pagdating niya sa ikatlong kapitulo, natawag na niya tayong mga banal na kapatid. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli, ginawa tayo ni Kristo na Kanyang mga kapatid. Sa orihinal, tayo ay mga makalasanan, mga biktima ng kamatayan, mga bilanggo, at mga bihag. Purihin Siya na ang Kanyang kamatayan ang nagsilbing pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan at nakapagpalaya sa atin mula sa pagkaalipin sa kamatayan. Sa Kanyang pagkabuhay-na-muli, tayo ay naibunga bilang Kanyang mga kapatid. Kaya ngayon matatawag na tayong mga banal na kapatid. Sa kapitulo dalawa makikita natin na ang mga kapatid na naibunga sa pagkabuhay-na-muli ng Panginoon ay nasa hakbangin ng pagpapabanal. Kaya, tayo ay mga banal na kapatid. Hindi lamang tayo basta mga ganap na walang kasalanan, tayo ay mga dibinong banal. Sa 1:9 nakita natin ang ating kaugnayan sa pinahirang Isa ng Diyos. Ang bersikulong yaon, na patungkol kay Kristo, ay nagsasabing, “ang Iyong Diyos, ay nagpahid sa Iyo ng langis ng masidhing kagalakan nang higit sa Iyong mga kasama.” Isinasalin ng King James Version ang Griyegong salita para sa “mga may bahagi” na mga kasama. Subali’t ang isang kasama ay higit na mainam kaysa sa isang kapareha. Maaari tayong maging kapareha nang hindi magkasama, subali’t kung tayo’y magkakasama, tiyak na tayo ay magkakapareha. Sa ekonomiya ng Diyos, si Kristo ang Isa na itinalaga ng Diyos na magsakatuparan ng Kanyang plano, at tayo ang mga kasama ni Kristo sa dibinong interes. Siya ay pinahiran ng Diyos, at nakikibahagi tayo sa Kanyang pagpapahid para sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Si Kristo ang itinalagang Tagapagmana ng Diyos, at sa 1:9 makikita natin na ang itinalagang Tagapagmanang ito ay pinahiran. Pinagtitibay ng pagpapahid ang pagtatalaga. Una, itinalaga ng Diyos ang Anak at pagkatapos ay pinahiran Siya. Bilang mga kasama ni Kristo, lahat tayo ay nakikibahagi sa Kanyang pagpapahid. Tayo ay mga kasama ng pinahirang Isa ng Diyos at nakikibahagi tayo sa Kanyang pagpapahid. Ito ay isang bahagi ng ebanghelyo. Ito ay kasama sa ganap na ebanghelyo. Maraming tao ang nagsasalita tungkol sa ganap na ebanghelyo. Kabilang sa ganap na ebanghelyo ang ating pagiging kasama ni Kristo. Ang kagila-gilalas na aytem na ito ay kasama sa ganap na ebanghelyo. Kailangan nating lahat na makita na tayo ay mga kasama ni Kristo at tayo ay nakikibahagi sa Kanyang pagpapahid. Dahil dito, sa sandaling dumako na tayo sa 3:1, mayroon na tayong lahat ng kinakailangan natin para maging mga banal na kapatid. Mayroon tayong katayuan, mga kwalipikasyon, realidad, buhay, kalikasan, ang pinagmumulan, at lahat ng kailangan natin. Tayo na ngayon ang mga banal na kapatid. Kung nalalaman mo na ikaw ay isang banal na kapatid, ano ang gagawin mo? Maninigarilyo ka pa ba? Sa tuwing nakakakita ako ng isang kapatid na naninigarilyo, nanlulumo ang aking buong katauhan. Sinasabi ko sa aking sarili na, “O, kapatid, ipinagbibili mo ang iyong karapatan sa pagkapanganay sa isang mas murang halaga kaysa roon kay Esau.” Paano pa rin nakakapanigarilyo ang isang banal na kapatid? Bagama’t wala tayong mga regulasyon o legalidad, mayroon tayong kamarhalikahan. Hindi lamang tayo banal, tayo ay maharlika. Tingnan ninyo ang ating katayuan, tayo ang mga kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos at tayo ang mga kasama ng pinahirang Isa. Ito ay hindi isang maliit na bagay. Kung ikaw ay isang kapatid ng pangulo ng Estados Unidos, magmamalaki ka at magkakaroon ng kamaharlikahan. Subali’t kaninong kapatid ka? Ikaw ay isang kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos at isang kasama ng pinahirang Isa para sa pagsasakatuparan ng plano ng Diyos. Ang paninigarilyo ay isang insulto sa pinahirang Isa ng Diyos. Oo, hindi sinasabi ng Bibliya na hindi ka dapat manigarilyo, at ang bagong tipan ay hindi isang aklat ng mga kautusan kundi isang aklat ng mga banal na kapatid. Gayunpaman, naniniwala ako na kung bubuksan ng Panginoon ang iyong mga mata at kikintalan ka nitong kamangha-manghang aytem sa ganap na ebanghelyo, ikaw ay magiging ibang tao. Higit ka pang magiging bukas upang mahainan ng ating Mataas na Saserdote ng Kanyang Sarili. Ito ay magbabago ng iyong panlasa. Hindi na kailanman magiging malasa ang sigarilyo sa iyo. Babaguhin ng gayong isang pangitain ang ating pagpapahayag ng ebanghelyo. Ngayon, ang pagpapahayag ng ebanghelyo ay napakababa. Habang nagpapahayag tayo ng ebanghelyo, hindi lamang natin dapat sabihin sa mga tao na sila ay mga makasalanan, na sila ay nakondena, at sila ay mapapahamak. Dapat nating ipahayag ang ebanghelyo sa isang higit na mataas na paraan, sinasabi sa mga tao na tinatawag sila ng Diyos na manampalataya sa Kanyang Panganay na Anak upang sila ay maging Kanyang mga kapatid, maging Kanyang mga kasama sa pagsasakatuparan ng walang hanggang plano ng Diyos. May pangangailangan sa gayong pagpapahayag ngayon. Umaasa ako na ang ilang mga kabataang kapatid ay magkakaroon ng kabigatang gawin ang ganitong uri ng pagpapahayag. Ayaw kong makarinig ng pagpapahayag ng ebanghelyo na may gayunding lumang tugtugin na nagsasabi sa mga tao na sila ay mga makasalanan at pupunta sila sa impiyerno (hell). Hindi ito mali, subali’t napakababa nito. Kailangan nating ipahayag ang ebanghelyo mula sa Hebreo 3:1, sinasabi sa mga makasalanan kung paano sila matatransporma at magiging mga banal na kapatid. Kung magpapahayag ang mga kabataan ng ganitong ebanghelyo, marami sa kanilang mga kamag-aral ang maaakit. Mahigit sa tatlumpu’t-siyam na taon na ang nakararaan, nang bata pa ako, tumigil ako nang panandalian sa Peking, ang lumang kapitolyo ng Tsina. Sa Peking, mayroong isang bantog na ospital na itinataguyod at tinutustusan ng Rockefeller Foundation na tinatawag na Peking Union Medical College. Yaon ay isang malaking ospital na may pinakamataas na pamantayan. Marami sa mga nars na nagtatrabaho sa ospital na yaon ay nakuha para sa ekklesia, at ilan sa mga doktor ay nakuha rin sa pamamagitan ng higit na mataas na pagpapahayag ng ebanghelyo. Lahat sila ay nag-aalab. Kailangan natin ang ganitong uri ng pagpapahayag ngayon. Nabibigatan ako sapagka’t nakakita ako ng higit na mataas. Nais kong ang mga tao ay makakuha ng higit na mainam. Hindi natin dapat ipahayag ang ebanghelyo sa isang mababang paraan. Ano ang sentro, ang mataas na punto ng ebanghelyo? Ang kuhanin ba ang isang kawawang makasalanan, wisikan siya ng ilang patak ng dugo, at dalhin siya sa langit? Sa palagay ba ninyo, ganito lamang ang magagawa ng ebanghelyo ng Diyos? Hindi, yaon ay higit na mataas kaysa rito. Ang ebanghelyo ng Diyos ay ang gawin ang mga tao na mga banal na kapatid. Ito ay hindi aking konsepto, ito ay ang konseptong nahayag sa aklat ng Hebreo. Sa Kanyang pagkabuhay-na-muli, tayong lahat ay ginawa ni Kristong Kanyang mga kapatid at Siya ay pumasok sa atin upang ipahayag ang Ama sa atin. Ngayon, bilang ang nagpapabanal na Isa, kwalipikado Siyang magsagawa ng pagpapabanal na gawain na nagsasanhi sa ating maging banal. Tayo ang Kanyang mga banal na kapatid at Kanyang mga kasama, nakikibahgi sa Kanyang pagpapahid para sa pagsasakatuparan ng plano ng Diyos. Hindi ba nasa Bibliya ito? Hindi ba mabuting balita ito? Kailangang marinig ng sanlibutan ang masayang balitang ito. Maraming palaisip na tao sa mga pangunahing unibersidad sa buong bansa ang nag-iisip hinggil sa kahulugan ng pantaong buhay. Napakarami ang nagtatanong sa kanilang mga sariling, “Ano ang layunin ng pantaong buhay? Ano ang mangyayari pagkatapos kong makapagtapos sa aking pag-aaral?” Wala ni isa sa mga nasa mga unibersidad ang makapagsasabi sa kanila. Kailangan tayong humayo at sabihin sa kanila ang tunay na kahulugan ng pantaong buhay. Dapat tayong humayo at sabihin sa kanila na sila ay maaaring maging mga banal na kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos. Kung naantala ang Panginoon sa Kanyang pagbabalik, umaasa akong pagkaraan ng ilang taon, ang ganitong uri ng pagpapahayag ay mananaig sa lahat ng mga unibersidad sa Estados Unidos. Ang Estados Unidos, Europa, at lahat ng mga nangungunang bansa ay kailangang makarinig ng higit na mataas na pagpapahayag ng gayong ganap na ebanghelyo, ang ebanghelyong nagbubunga ng mga banal na kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos. Kung kukuhanin ng mga kabataan ang kabigatang ito at hahayo sa mga kampus na magpapahayag ng ebanghelyong ito, maraming matatalinong kabataan ang makukuha. Masisiyahan sila. Umaasa ako na marami sa inyo na nagbabasa ng mensaheng ito ang makikipagtuos sa Panginoon, nagsasabi sa Kanya na nais ninyong magkaroon ng kabigatang magpahayag ng mataas na ebanghelyo. Kung may kabigatan kayong magpahayag ng mataas na ebanghelyo, naniniwala ako na ipagbubunyi ng Panginoon ang inyong pagpapahayag. “Panginoon, kailangan namin ng higit pang mga kabataang tagapagpahayag, higit pang mga tagapagpahayag ng pinakaganap na ebanghelyo!” Bago tayo magpatuloy, nais kong magkaroon ng ilang salamuha sa mga kabataan. Lubusan akong nabihag ng Panginoon at alam ko kung ano ang ginagawa ko rito. Nakita ko na ang pangitain. Sa buong sansinukob, wala nang tataas pa rito. Ginagawa ko ang pinakamaluwalhating gawain sa gitna ng buong sangkatauhan, at kayong lahat ay dapat ding gumawa ng bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko pinakikialaman ang mga department stores—napakababa ng mga ito. Hindi ko ipagpapalit ang nasa aking mga kamay sa anumang bagay sa sanlibutan. Itong nasa akin ay napakataas at napakamaluwalhati. Ang sanlibutan ngayon ay nangangailangan ng isang krusada ng pagpapahayag ng pinakamataas at pinakaganap na ebanghelyo. A. Mga Tagapagmana ng Kaligtasan Ang mga banal na kapatid ay ang mga tagapagmana ng kaligtasan (1:14) na nagmamana ng “ganitong kadakilang kaligtasan” (2:3) na hindi lamang tayo ginagawang mga banal na kapatid upang makibahagi sa kabanalan ng Diyos, bagkus dinadala rin tayo nito tungo sa kaluwalhatian ng Diyos. B. Mga Kasama ng Itinalagang Tagapagmana Ang mga banal na kapatid ay mga kasama rin ng itinalagang Tagapagmana ng Diyos (1:9,2). Ang Anak ng Diyos ay ang itinalagang Tagapagmana ng Diyos upang magmana ng lahat ng mga bagay. Ang Tagapagmanang ito ay pinahiran ng Diyos para sa pagsasakatuparan ng Kanyang walang hanggang plano. Ang mga banal na kapatid ay may kaisa o pakikipagsosyo sa gayong Isa. C. Mga Tagasunod ng Pinuno Ang mga banal na kapatid ay mga tagasunod din ng Pinuno ng kaligtasan (2:10). Ang Pinuno ng kaligtasan ay ang Panganay na Anak ng Diyos na nagbukas ng daan tungo sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang mga banal na kapatid ay mga tagasunod ng gayong isang Pinuno upang madala sa loob ng dibinong kaluwalhatian. D. Mga Kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos Higit pa rito, ang mga banal na kapatid ay mga kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos. Si Kristo ay ang Panganay na Anak ng Diyos na kapwa may pagka-Diyos at pagka-tao gaya ng nakita na natin sa isa sa mga naunang mensahe. Ang mga banal na kapatid, bilang mga tao na isinilang-na-muli ng dibinong buhay, ay ang mga kapatid ni Kristo na may pagka-tao at pagka-Diyos. Magkatulad sila ni Kristo kapwa sa buhay at kalikasan. E. Ang Ekklesia sa Pagkabuhay-na-muli Ang katapusan ng mga banal na kapatid ay ang ekklesia sa pagkabuhay-na-muli (2:12). Sa pang-indibiduwal, sila ang mga kapatid ni Kristo; sa pansama-sama, sila ang ekklesia, ang Katawan ni Kristo. Ito ay lubusang isang bagay sa pagkabuhay-na-muli. Bago ang pagkabuhay-na-muli ni Kristo, ang ekklesia ay hindi pa umiiral. Sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muli ni Kristo, umiral ang ekklesia na binubuo ng mga kapatid ni Kristo. Ito ang dahilan kung bakit pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay-na-muli ang mga kapatid ni Kristo, ang ekklesia, ay naibunga. Ngayon ang ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon ay dapat na ang ekklesia sa pagkabuhay-na-muli. F. Pinapaging-banal sa pamamagitan ng Ang mga banal na kapatid ay pinababanal sa pamamagitan ng at ng Anak ng Diyos at ng Anak ng Tao (2:11). Ang Nagpapabanal ay ang Anak ng Diyos at ang Anak ng Tao. Gaya ng nakita na natin sa mensahe labing-isa, tayo ay ginawang kwalipikadong makilahok sa dibinong kabanalan. Ang dibinong kabanalan ay ang banal na kalikasan ng Diyos. Ang kabanalan ay ang kalikasan ng Diyos. Bilang ang Nagpapabanal na Isa, pinababanal tayo ngayon ni Kristo sa pandisposisyon sa pamamagitan ng pamamahagi ng banal na kalikasan ng Diyos tungo sa loob ng ating katauhan. Madalas kong gamitin ang paglalarawan ng pagpapaging tsaa ng tubig (teaification). Ang isang baso ng purong tubig ay nagiging tsaa sa pamamagitan ng paglalagay ng tsaa rito hanggang ang tubig ay lubos nang nakalatan ng tsaa. Ang paraan upang gawing tsaa ang tubig ay ang idagdag ang elemento ng tsaa sa tubig hanggang sa ang tubig ay matigmakan at makalatan ng elemento ng tsaa. Pagkatapos ang buong tubig ay matsa-tsaahan at magkakaroon ng anyo, kulay, lasa, at linamnam ng tsaa. Ito ang “pagtsatsaa.” Tayo ang baso ng purong tubig, at si Kristo ang pinaka-esensiya ng dibinong kabanalan, ang dibinong kalikasan. Inilagay ni Kristo ang Kanyang Sarili sa loob natin, ang baso ng purong tubig, upang kalatan at tigmakan tayo hanggang sa lubusan na tayong napaging-banal ng Kanyang banal na kalikasan. Ito ang pagpapabanal. G. Mga Nakakabahagi sa Dibinong Kabanalan Ang mga banal na kapatid ay mga may bahagi rin sa dibinong kabanalan (12:10). Tayo ay may bahagi sa dibinong kabanalan na walang iba kundi ang banal na kalikasan ng Diyos. Kapag tayo ay pinapabanal, tayo ay natitigmakan tungo sa banal na kalikasang ito ng Diyos. Tayo ay nakakabahagi sa dibinong kabanalan sa pamamagitan ng paraan ng pagtitigmak na ito. H. Naghahabol sa Kabanalan Bilang mga banal na kapatid, dapat nating habulin ang kabanalan (12:14). Sa isang banda, tayo ay pinabanal na ng dugo ni Kristo (10:29); sa isang banda, tayo ay isinilang-nang-muli ng banal na kalikasan ng Diyos (2 Ped. 1:4). Ngayon, bilang mga napaging-banal, dapat nating habulin ang kabanalan sa ating pang-araw-araw na paglakad. Kung walang kabanalan, hindi natin makikita ang Panginoon. Kung wala nito, ang ating pakikisalamuha sa Panginoon ay napapatid. Kailangan natin ng isang banal na buhay upang mapanatili ang isang patuloy na pakikipagsalamuha sa Panginoon upang makita natin Siya sa lahat ng oras. I. NASA DAAN PATUNGO SA KALUWALHATIAN Bilang mga banal na kapatid, habang tayo ay nasa ilalim ng hakbangin ng pagpapabanal, tayo ay nasa daan na patungo sa kaluwalhatian (2:10). Ang mapabanal at ang mapaging-banal, ay isang paghahanda para tayo ay maluwalhati. Habang tayo ay nasa daan patungo sa kaluwalhatian, tayo ay pinapabanal ni Kristo, naghahain ng ating mga pangangailangan bilang ang Mataas na Saserdote, at dinadala tungo sa kaluwalhatian bilang ating Pinuno. II. MGA MAY BAHAGI SA MAKALANGIT NA PAGTAWAG Ngayon dumako tayo sa mga may bahagi sa makalangit na pagtawag. Ginagamit ng sumulat ng sulat na ito ang katawagang makalangit na pagtawag upang ihambing ang pagtawag na ito sa makalupang pagtawag. Lahat ng mga tao sa Hudaismo ay nakilahok sa isang makalupang pagtawag para sa mga makalupang pagpapala. Walang anumang makalangit sa Hudaismo. Subali’t sa ekonomiya ng Diyos, sa Kanyang ganap na pagliligtas, tinawag tayo ng Diyos mula sa kalangitan at tinawag tungo sa bawa’t bagay na makalangit. Kaya, ang pagtawag na ito ay isang makalangit na pagtawag. Bawa’t bagay dito ay may makalangit na kalikasan. Tayo, ang mga banal na kapatid, ay mga may bahagi sa gayong isang makalangit na pagtawag. Nais ba ninyong manatili sa makalupang pagtawag, o tatawirin ninyo ang ilog upang maging isang tunay na Hebreo na nakikibahagi sa makalangit na pagtawag? Ang konsepto ng aklat ng Hebreo ay nakatuon sa makalangit na kalikasan ng mga positibong bagay. Una sa lahat, tinutukoy nito sa atin na si Kristo ngayon ay nakaupo sa mga kalangitan (1:3). Siya ay pumasok na sa mga kalangitan (9:24). Siya ay nagdaan sa mga kalangitan (4:14) at naging lalong mataas pa kaysa sa mga kalangitan (7:26). Pagkatapos ay inihahayag sa atin ng aklat na ito ang makalangit na pagtawag (3:1), ang mga makalangit na kaloob (6:4), ang mga makalangit na bagay (8:5), ang makalangit na bayan (11:16), at ang makalangit na Herusalem (12:22). Sinasabi rin nito sa atin na ang ating mga pangalan ay naitala na sa mga kalangitan (12:33) at yaong ang Diyos ay nagbababala sa atin ngayon buhat sa langit (12:25). Ang lahat ng mga bagay sa Lumang Tipan na pinanghawakan sa Hudaismo ay pawang may makalupang kalikasan. Sa aklat na ito, ang layunin ng manunulat ay ang ipakita sa mga Kristiyanong Hebreo ang kaibhan ng makalangit na kalikasan ng Bagong Tipan sa makalupang kalikasan ng Lumang Tipan upang kanilang matalikuran ang mga makalupang bagay at maiugpong ang kanilang mga sarili sa makalangit na bagay. A. Tungo sa Makalangit na Kristo Tayo ay unang tinatawag ng makalangit na pagtawag tungo sa makalangit na Kristo (1:3,13; 4:14; 6:20; 7:26; 9:24; 10:12). Nasaan si Kristo ngayon? Siya ay nasa mga kalangitan. Siya ay nasa lupa noon at Siya ay magbabalik sa lupa, subali’t ngayon Siya ay nasa mga kalangitan. Siya ay ang makalangit na Kristo na naghahain sa atin ng makalangit na buhay, panustos, at mga kayamanan sa lahat ng oras upang tayo ay makapamuhay ng isang makalangit na buhay habang tayo ay nasa lupa pa. B. Na may Makalangit na Pagkakatala Ang mga banal na kapatid ay nakabahagi sa makalangit na pagtawag, subali’t sila ay nasa lupa pa rin. Subali’t sila ay nangakatala na sa mga kalangitan, (12:23) na ang kanilang mga pangalan ay nakasulat na sa mga kalangitan. Sa ngayon, tayo ay wala sa mga kalangitan, subali’t ang ating mga pangalan ay nakatala roon. Tayo ay mga kabahagi ng makalangit na pagtawag, nakikibahagi sa makalangit na pagpapatala. Kaya tayo ay mga taong makalangit (Fil. 3:20).
Tayo, ang mga may bahagi sa makalangit na pagtawag, ay mga tinawag upang makatikim ng makalangit na kaloob (6:4). Ang makalangit na kaloob ay ang mga makalangit na bagay na ibinigay sa atin ng Diyos noong panahon ng ating kaligtasan, gaya ng kapatawaran ng mga kasalanan, katuwiran, dibinong buhay, kapayapaan, at kagalakan. Bilang mga may bahagi sa makalangit na pagtawag, lahat tayo ay nakalasap na ng mga makalangit na bagay na ito. D. Upang Magkaroon ng Makalangit na Pagsamba Bilang mga may bahagi sa makalangit na pagtawag, kailangan din nating magkaroon ng makalangit na pagsamba (8:5; 9:23-24). Bagama’t tayo ay nasa lupa, ang pagsamba natin sa Diyos ay dapat na makalangit. Ang mga makalangit na kapatid ay tinawag upang magkaroon ng makalangit na pagsamba sa lupa. Dapat nating ingatan ang ating pagsamba mula sa anumang makalupang kalikasan. Kapwa ang ating buhay at pagsamba ay nararapat na makalangit. E. Upang Makalapit sa Makalangit na Herusalem Ang mga tao sa ilalim ng Lumang Tipan ay nakalapit sa makalupang Herusalem. Subali’t tayo, ang mga may bahagi sa makalangit na pagtawag, ang lumalapit sa makalangit na Herusalem (12:22). Ang makalupang Herusalem ay sumasagisag sa kautusan at sa pagkagapos nito (Gal. 4:25), samantalang ang makalangit na Herusalem ay sumasagisag sa biyaya at sa kalayaan nito (Gal. 4:26). Ang mga mananampalatayang Hebreo ay hindi dapat manatili sa ilalim ng kautusan bilang mga anak ng pagkagapos na lumalapit sa makalupang Herusalem. Dapat nilang bitiwan ang makalupang Herusalem at lumapit sa makalangit na isa bilang ang mga anak ng kalayaan sa ilalim ng biyaya. F. Upang Magtungo sa Makalangit na Bayan Tayo, ang mga may bahagi sa makalangit na pagtawag, ay tinawag tungo sa makalangit na bayan (11:16). Tayo ay naglalakbay sa lupa at makararating sa makalangit na bayan. G. Mga Nakababahagi sa Espiritu Santo Bilang mga may bahagi sa makalangit na pagtawag, tayo rin ay mga nakababahagi sa Espiritu Santo (6:4). Ang Espiritu Santo ang Siyang ipinangako sa atin ng Diyos sa Kanyang ebanghelyo (Gal. 3:14). Sa Kanyang ebanghelyo, tayo ay tinawag ng Diyos mula sa mga kalangitan upang matanggap ang mga makalangit na bagay nang sa gayon tayo ay makabahagi sa Kanyang Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ng Diyos tayo ay nakatikim ng makalangit na kaloob. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ng Diyos tayo ay nakapamumuhay ng isang makalangit na buhay sa lupa. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo tayo ay nakababahagi ng dibinong kabanalan. Ang Espiritu Santo ay ang Diyos Mismo. Bilang mga nakababahagi ng Espiritu Santo, nababahagi natin ang Diyos bilang ating katamasahan. Sa pamamagitan din ng Espiritu Santo ng Diyos tayo ay magkakaroon ng makalangit na pagsamba. H. Mga Nakababahagi ng Dibinong Pagdidisiplina Tayo, ang mga may bahagi sa makalangit na pagtawag, ay nakababahagi rin ng dibinong pagdidisiplina (12:8). Nasabihan ako na sa Britanya ang naputungang prinsipe, ang magmamana sa trono, ay tumatanggap ng napakaraming pagdidisiplina. Ang isang prinsipe ay kinakailangang madisiplina bago mailuklok at makamit ang paghahari. Ganito ang uri ng pagdidisiplinang ating nababahagi. Bilang mga susunod sa trono, tayong lahat ay nasa ilalim ng dibinong pagdidisiplina. Bilang mga banal na kapatid, kailangan nating makabahagi ng dibinong pagdidisiplinang dala ng Espiritu Santo sa loob natin. Bilang mga may bahagi sa makalangit na pagtawag, kailangan nating makabahagi ng dibinong pagdidisiplinang isinasakatuparan ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating kapaligiran. Tayong mga banal na kapatid ay hindi lamang mga nakababahagi sa makalangit na pagtawag bagkus maging ng Espiritu Santo, ng dibinong kabanalan, at ng dibinong pagdidisiplina rin, upang tayo ay mapasakdal, masangkapan, at maging kwalipikado nang sa gayon tayo ay maging mga wastong kasama (partners) ng pinahirang Isa ng Diyos.
|