|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LABINLIMA SI KRISTO BILANG ANG APOSTOL NA NAKAHIHIGIT KAY MOISES Sa mensaheng ito dumako tayo sa ikatlong paghahambing na matatagpuan sa aklat ng Hebreo—na si Kristo bilang ang Apostol ay nakahihigit kay Moises. Sa pinakasimula ng sulat na ito, nakita natin ang paghahambing sa pagitan ng Diyos natin at ng Diyos ng mga Hudyo. Pagkatapos, sa mga kapitulo isa at dalawa, nakita natin ang dalawang aspekto ng paghahambing sa pagitan ni Kristo at ng mga anghel. Bilang kapwa ang anak ng Diyos at ang Anak ng Tao, si Kristo ay nakahihigit sa mga anghel. Ang pangatlong ipinagmamamalaki ng maka-Hudyong relihiyon ay si Moises, na siyang pinakapangunahing pinuno nila. Gaya ng makikita natin sa isa pang mensahe, ang ikaapat na paghahambing, yaong sa pagitan ni Kristo at ni Aaron, ay nagpapakita sa atin na si Kristo bilang ang Mataas na Saserdote ay nakahihigit kay Aaron. Bilang ang Apostol at Mataas na Saserdote, si Kristo ay kapwa nakahihigit kina Moises at Aaron. Makikita natin ang dalawang titulong ito ni Kristo sa 3:1 kung saan sinabihan tayo na “isaalang-alang ninyo ang Apostol at Mataas na Saserdoteng ating kinikilala, si Hesus.” Si Hesus ang ating Apostol at Mataas na Saserdote. Bilang ang Apostol, Siya ay isinasagisag ni Moises; bilang ang Mataas na Saserdote, siya ay isinasagisag ni Aaron. Ang Apostol ay ang Isang isinugo sa atin mula sa Diyos at kasama ang Diyos (Juan 6:46; 8:16, 29). Ang Mataas na Saserdote ay ang Isang bumalik sa Diyos mula at kasama natin (Efe. 2:6). Bilang ang Apostol, si Kristo ay dumating sa atin na kasama ang Diyos upang ibahagi ang Diyos sa atin nang sa gayon ay makabahagi tayo sa Kanyang dibinong buhay, kalikasan, at kapuspusan. Bilang ang Mataas na Saserdote, si Kristo ay nagtungo sa Diyos kasama tayo upang iharap tayo sa Diyos nang sa gayon tayo at ang lahat ng ating usapin ay mapangalagaan Niya nang lubusan. Bilang ang Apostol, Siya ay isinasalarawan ni Moises na dumating mula sa Diyos upang paglingkuran ang sambahayan ng Diyos (3:2-6), at bilang ang Mataas na Saserdote Siya ay isinasalarawan ni Aaron, na bumalik sa Diyos kasama ang sambahayan ni Israel at ang kanilang mga usapin (4:14-7:28). Bagama’t alam na ninyo na si Hesus ang ating Mataas na Saserdote, duda ako kung marami sa inyo na nagbabasa ng mensaheng ito ang nakarinig na si Hesus ay ang Apostol din. Si Hesus ang unang Apostol sa Bagong Tipan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ko minsan pa na ang aklat ng Hebreo ay ganap na kakaiba. Una, sinasabi nito sa atin na ang Panginoong Hesus ay itinalaga ng Diyos na Tagapagmana ng lahat ng mga bagay (1:2). Pagkatapos sinasabi nito sa atin na Siya rin ang Pinuno ng kaligtasan (2:10). Si Kristo bilang Tagapagmana ng lahat ng mga bagay at bilang Pinuno ng kaligtasan ay hindi gaanong nahayag nang malinaw hindi gaya sa aklat na ito. Maging si Kristo bilang ang Mataas na Saserdote ay hindi matatagpuan saanman sa Bagong Tipan. Ngayon nakikita natin na si Kristo ang Apostol. Ang salitang Apostol sa Griyego ay nangangahulugang isinugong isa, isang isinugo ng nakatataas na awtoridad. Si Hesus ang Isang isinugo ng Diyos. Isinugo Siya ng Diyos sa atin. I. MOISES Si Moises ay isang larawan ni Hesus bilang ang Apostol, ang isinugong isa. Nang ang mga anak ni Israel ay nagdurusa ng pang-uusig sa ilalim ng pagmamalupit ng Faraon, nagpakita ang Diyos kay Moises at inatasan siyang magtungo sa mga anak ni Israel at kay Faraon. Kaya, si Moises ay naging isang Lumang Tipang apostol. Si Moises ay ang isang isinugo ng Diyos, ang apostol na maglalabas sa Israel mula sa Ehipto at magdadala sa kanila sa ilang para sa layuning maitalaga sila bilang sambahayan ng Diyos at upang maitayong isang tahanan ng Diyos sa lupa. Ang tahanang ito ng Diyos ay sinagisag ng tabernakulong ginawa ng mga anak ni Israel sa ilang. Ang tabernakulong yaon ay isang simbolo lamang; hindi iyon ang tunay na tahanan ng Diyos. Nang panahong yaon, ang tunay na tahanan ng Diyos sa lupa ay ang mga anak ni Israel mismo. Ang mga anak ni Israel ay binuo at itinalagang isang sambahayan ng Diyos ni Moises, ang apostol ng Diyos. Ang larawang ito ay napakalinaw. Kapag nagbasa tayo ng Bibliya kailangan nating magkaroon ng isang gayong makalangit na pangitain, isang pahayag sa loob ng espiritu. Kung wala nito, hindi natin kailanman mauunawaaan ang tunay na kahulugan ng lahat ng mga kasaysayan sa Lumang Tipan. A. Isang Bahagi ng Sambahayan ng Diyos Gayunpaman, may isang pagkakaiba sa antas sa pagitan nina Moises at Kristo. Gaano pa man paunang nailarawan ni Moises si Kristo, siya pa rin ay isang bahagi lamang ng sambahayan, samantalang si Kristo ang Nagtayo ng bahay ng Diyos (3:3). B. Tapat sa Sambahayan ng Diyos Si Moises, bilang isinugong isa ng Diyos para mangalaga ng sambahayan ng Diyos, ay tapat sa Diyos sa Kanyang buong sambahayan. Inilalarawan nito na si Kristo, bilang ang Apostol mula sa Diyos, para sa sambahayan ng Diyos, ay tapat sa Diyos na nagtalaga sa Kanya (b. 2). C. Upang Maging Patotoo sa mga Bagay na Darating Ang kapitulo tatlo, bersikulo lima, ay nagsasabi na si Moises ay “isang lingkod upang maging patotoo sa mga bagay na sasabihin sa hinaharap.” Si Moises ay isang patotoo. Dito, ang isang patotoo ay nangangahulugang si Moises ay isang litrato. Ang inyong litrato ay ang inyong patotoo. Ipagpalagay na hindi pa natin kailanman nakikita ang isang tao subali’t mayroon tayong litrato niya. Ang kanyang litrato ay ang kanyang patotoo. Gayundin, si Moises ay isang patotoo, isang paunang larawan, isang litrato, isang tipo ng tunay, tipikal, at totoong Apostol na isinugo mula sa Diyos. II. KRISTO A. Ang Nagtayo ng Bahay ng Diyos, Diyos Mismo Si Kristo ay hindi lamang isang bahagi ng bahay bagkus ang Nagtayo rin ng bahay (bb. 3-4). Si Moises ay mayroon lamang isang kalikasan—pagka-tao. Itong pantaong kalikasan ay mabuti para sa pagtatayo ng Diyos. Subali’t si Moises ay walang dibinong kalikasan na mabuti para sa isang tagapagtayo. Ang Panginoong Hesus ay may dalawang kalikasan, ang pagka-tao na mabuti para sa materyal na pagtatayo ng tahanan ng Diyos at ang pagka-Diyos na elemento ng tagapagtayo. Sa Kanyang pagka-tao, si Hesus ang bato para sa tahanan ng Diyos. Siya ang patibayang bato (Isa. 28:16), ang batong panulok (Mat. 21:42; Gawa 4:11), ang pangulong bato (Zac. 4:7), at ang batong buháy (1 Ped. 2:4) upang ibunga tayo bilang mga batong buháy (1 Ped. 2:5). Sa Kanyang pagka-tao Siya ang mabuting materyal para sa pagtatayo ng Diyos at sa Kanyang pagka-Diyos Siya ang Tagapagtayo. Si Moises ang apostol na isinugo mula sa Diyos upang buuin ang bahay ng Diyos sa lupa, at si Kristo rin ang Apostol na gumagawa ng gayunding bagay. Subali’t si Kristo ay hindi ang isang bahagi ng pagtatayo; Siya rin ang Nagtayo. Ito ang pagkakaiba sa pagitan nina Kristo at Moises. B. Namamahala sa Atin, Ang Bahay ng Diyos Sa Hebreo 2 si Kristo ang Panganay na Anak at tayo ang maraming anak na bumubuo sa ekklesia. Sa kapitulong yaon, si Kristo ang Pinuno, ang Panganay na Anak, at ang Mataas na Saserdote upang ang maraming magkakapatid ay maging ang ekklesia. Ang kapitulo tatlo ay medyo naiiba. Sa kapitulong ito, si Kristo ang Apostol, at ang ekklesia ang bahay ng Diyos. Sa Hebreo 2 si Kristo ang Panganay na Anak, ang Pinuno, at ang Mataas na Saserdote, at ang mga kapatid ay ang ekklesia. Sa Hebreo 3 si Kristo ang Apostol at ang mga kapatid ay ang bahay ng Diyos. Ang ekklesia ay may dobleng pangsyon. Kay Kristo, ang ekklesia ay ang Katawan; sa Diyos, ang ekklesia ay ang bahay. Si Kristo ang Ulo, at ang ekklesia ay ang Katawan ng Ulo. Ito ang unang pangsyon ng ekklesia. Ang Diyos ay ang Ama, at ang ekklesia ay ang Kanyang bahay. Ito ang ikalawang pangsyon ng ekklesia. Kung si Kristo ang Ulo at ang ekklesia ang Kanyang Katawan, gayundin ang Diyos ay ang Ama at ang ekklesia ay ang Kanyang bahay. Ang ekklesia bilang ang Katawan ni Kristo ay isang organismo. Sa gayunding paraan, ang ekklesia bilang isang bahay ay hindi isang pisikal na bahay; ito ay isang buháy na bahay. Gaya ng alam ng lahat ng mga mag-aaral ng Griyego, ang Griyegong salita na isinaling bahay dito ay maaring maisaling sambahayan, o kung gagamitin ang modernong kataga, kapamilya, ang mga miyembro ng isang pamilya. Ang bahay ng Diyos ay hindi isang pisikal na bahay kundi isang buháy na bahay. Ang bahay ng Diyos ay ang Kanyang pamilya at ang Kanyang pamilya ay ang Kanyang bahay. Ang Kanyang bahay ay ang Kanya ring sambahayan, sapagka’t ang Kanyang mga kapamilya ay ang Kanyang tahanan. Ipagpalagay na ang isang pamilya ay may bahay. Ang pamilya ay isang bagay at ang bahay ay iba pa. Ang pamilya ay buháy at ang bahay ay pisikal. Subali’t ang pamilya ng Diyos at ang bahay ng Diyos ay kapwa buháy. Sa anong paraan buháy ang bahay ng Diyos? Ito ay buháy sa pangalan ng Ama at sa buhay ng Ama. Kapag sinabi nating ito ay buháy sa pangalan ng Ama, nangangahulugan ito na buháy ito sa realidad ng Ama. Ang bahay na ito ay isang buháy na kabuuan ng maraming anak ng Diyos sa loob ng buhay at realidad ng Ama. Ito ay kagila-gilalas. Kung saan naroroon ang bahay ng Diyos, naroroon ang pamilya ng Diyos, at kung saan naroroon ang pamilya ng Diyos, naroroon ang Diyos Ama kasama ang Kanyang buhay at realidad. Ito ay katulad sa ekklesia bilang Katawan ni Kristo. Si Kristo ay hindi hiwalay sa lahat ng sangkap ng Katawan, sapagka’t, bilang ang Ulo ng Katawan, si Kristo ay nananahanan sa lahat ng sangkap. Hindi dapat ibilang si Kristo bilang isang hiwalay na sangkap ng Katawan sapagka’t Siya ay nasa lahat ng sangkap ng Katawan. Gayundin, ang bahay ng Diyos ay ang pamilya ng Diyos. Ang Ama ay hindi isang hiwalay na miyembro ng sambahayan kundi nasa lahat ng mga anak. Ito ang Betel, ang bahay ng Diyos, ang mismong bahay na nakita ni Jacob sa Kanyang panaginip (Gen. 28). Ito ang dahilan na kung saan naroroon ang ekklesia, naroroon ang Betel, ang bahay ng Diyos kasama ang Anak ng Tao, si Hesu-Kristo, bilang ang makalangit na hagdanan. Ang gayong ekklesia ay ang pintuan ng langit kung saan ang mga tao ay maaaring magkaroon ng komunikasyon mula sa lupa patungo sa langit. Mayroon na ngayong komunikasyon sa pagitan ng lupa at ng langit. Kapag tayo ay nasa wastong buhay-ekklesia, tayo ay nasa pintuan ng langit. Kung mayroon kayong mga espirituwal na mata, makikita ninyo ang mga anghel na nagmamanhik-manaog sa makalangit na hagdan. Sino ang isang bumuo (formed), nagtayo at nagbuo (constituted) ng bahay na ito at sino ang nangangalaga ng bahay na ito? Si Hesu-Kristo, ang Apostol na isinugo mula sa Diyos, ang siyang nagsagawa at patuloy na nagsasagawa ng pagbubuo at pagtatayo ng Kanyang bahay. Hindi lamang Niya itinatayo ang bahay bagkus ipinagpapatuloy din ito. Ang bahay na ito ay isang bahay na nagagalaw, nadadala; ito ay isang buháy at naglalakad na bahay. Naniniwala ba kayo na ang organisadong Kristiyanidad ngayon ay isang ganitong bahay? Makalalakad ba ang organisadong Kristiyanidad? Tayo ay buháy, naglalakad, at gumagalaw. Tayo ay sama-samang lumalakad kasama ang Apostol. Ang bahay ng Diyos ay isang sama-samang Katawan. Kung tatamasahin natin ang Apostol at kung tatamasahin natin ang Ama kasama ang Kanyang realidad, dapat ay nasa bahay tayo. Sa relihiyon, ikinalulungkot kong sabihin, ang mga tao ay hindi sinasabihan na mayroon silang isang Apostol. Subali’t dapat nating malaman na mayroon tayong isang Apostol. Ang ating Pinuno ng kaligtasan at ang ating Mataas na Saserdote ay ang Apostol, ang Isang isinugo ng Diyos upang mangalaga ng bahay ng Diyos. Kung wala kayo sa bahay, hindi ninyo Siya matatamasa sa aspekto Niya bilang ang Apostol. Maaaring matamasa ninyo Siya sa ibang aspekto, sapagka’t Siya ay dakila, mabait, at higit pa sa maawain, at marami Siyang gagawin para sa inyo. Subali’t kung ang isasaalang-alang ay ang ekklesia bilang ang tahanan ng Ama hindi ninyo Siya matatamasa bilang ang Apostol. Ito ang dahilan kaya hindi ako naniniwala sa pagiging isang indibiduwal na Kristiyano. Kapag ikaw ay indibiduwal, ikaw ay tapos na. Kung ikaw ay indibiduwal, ikaw ay isang hiwalay na bato. Bilang isang hiwalay na bato, wala kang kinalaman sa bahay. Kailangang tayo ay nasa ekklesia. Marami sa atin ang makapagpapatotoo kung anong pagtatamasa, pagpapala, at biyaya ang ating nabahagi mula nang tayo ay dumating sa ekklesia. Makakakita tayo ng mga kagila-gilalas na bagay na mangyayari sa loob ng bahay at sa bahay. Marami sa mga kabataan ang nahikayat magpahayag ng mataas na ebanghelyo. Pagkaraang mahikayat, maaaring hindi sila makapaghintay nang kahit na kalahating minuto. Gusto nilang malaman kung ano ang susunod na hakbang. Mga kabataan, ang susunod na hakbang ay ang pumasok sa loob ng bahay at tumigil sa bahay. Pagkatapos niyaon, ang susunod na hakbang ay ang magpatuloy kasama ng bahay. Hindi tayo makapagpapahayag ng mataas na ebanghelyo hangga’t wala tayong bahay. Upang magkaroon ng pinakamataas na pagpapahayag ng ebanghelyo kailangan natin ang ekklesia bilang ang bahay ng Diyos na buhay. Pagkatapos, makapagdedeklara na tayo sa lahat ng mga mapag-isip na tao, “Halikayo at tingnan ninyo. Narito ang kahulugan ng buhay. Halikayo at tingnan ninyo ang buhay na hinahanap ng napakaraming mga pilosopo noong nakaraan subali’t nabigong matagpuan. Halikayo at tingnan ninyo ang buhay-ekklesia.” Kailangan nating magkaroon ng buhay-ekklesia. Hindi natin maipahahayag ang mataas na ebanghelyo kung wala tayong isang modelo. Nais ng mga taong maging praktikal. Ayaw nilang makarinig ng tungkol sa isang bagay na mangyayari pa lamang; ang gusto nila ay yaong ngayon na. Pagkatapos ay tatanungin ng mga tao, “Nasaan ang bagay na ito na sinasalita ninyo?” at makapagsasabi tayo, “Halikayo at tingnan ninyo.” Kung walang buhay-ekklesia sa pinakamataas na antas, walang posibilidad na maipahayag ang mataas na ebanghelyo. Sa isang pakahulugan, ang mataas na buhay-ekklesia ay ang pagpapahayag. Kailangan lamang nating dalhin ang mga tao rito at hayaang makita at matikman nila. Pagkatapos ay sasabihin nila, “Ngayon ay alam ko na.” Madaling magpahayag ng ebanghelyo kung mayroon tayong isang modelo. Alam ng bawa’t ahente na mahirap magbenta ng isang produkto maliban lang kung may sampol. Ang pinakamagaling na paraan para makabenta sa mga tao ay ang ipakita ito sa kanila. Sa huling mensahe, sinabi ko sa inyo ang tungkol sa maraming nars (nurses) mula sa malaking ospital sa Peking na nabihag para sa buhay-ekklesia. Sila ay may mataas na pinag-aralan at mga kwalipikadong nars. Maraming beses, dumadalo sila ng pagpupulong ng ekklesia na nakaputing uniporme, pumupunta sa pagpupulong pagkalabas nila sa trabaho. Ito ay nakaimpluwensiya sa iba, na nagtanong sa kanila, “Ano itong bagay na nakabihag sa inyo? Hindi ninyo iniintindi ang pagkain o ano pa mang bagay—basta nagpupunta na lamang kayo sa mga pagpupulong. Ano ito?” Bilang resulta nito, marami pang ibang nabihag. Kailangan nating magkaroon ng pinakamataas na buhay-ekklesia, isang bagay na napakakaakit-akit sa mga tao. Kailangan nating ipaalam sa mga tao kung ano ang tunay na pagka-tao at kung ano ang totoong pantaong lipunan. Kinakailangang ang buhay-ekklesia ay maging pinakamagaling na lipunan, ang pinakamataas na komunidad na pamumuhay. Makaaasa kayo na isang araw, ito ay mangyayari. Naniniwala ako sa buhay ng Panginoon. Isang araw, hindi magtatagal mula ngayon, makikita ng buong mundo at magugulat ang relihiyon. Pagsapit niyaon, makikita nila ang pagkakaiba. Maaaring pulaan at salungatin nila tayo ngayon, subali’t panahon ang magpapatunay. Marami nang masasamang pangalan ang ibinigay sa atin. Tinatawag tayo ng ilan na kulto. Kamakailan lamang ay nakatanggap ako ng isang liham mula sa isang kapatid-na-lalake na nasa isang barko sa hukbong dagat. Nakatagpo siya ng ilang Kristiyano habang lulan ng barko at nakita niya kung gaano nalason ang mga ito laban sa atin. Subali’t hintayin natin at tingnan kung ano ang sasabihin ng panahon. Huwag kayong maimpluwensiyahan ng mga alingasngas. Walang sinuman dito sa lupa ngayon ang kasing pundamental natin. Walang sinumang nagpaparangal sa mga dibinong orakulo ng Diyos gaya natin. Walang sinumang nananampalataya sa Tres-unong Diyos nang kasing praktikal natin. Hindi tayo basta nananampalataya sa isang madoktrinang paraan—yaon ay isang Walang-kabuluhang Perya (Vanity Fair). Tayo ay praktikal. Kung naniniwala tayo sa pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, ito ay dapat maging praktikal at nararanasan. Ayaw nating magkaroon ng mga anumang walang kabuluhang doktrina. Ano ang nagagawa ng walang kabuluhang doktrina sa inyo? Wala. Tayo ay isinilang para sa isang madoktrinang Walang-kabuluhang Perya, subali’t walang anumang naririto, pawang mga kataga. Ako ay isinilang sa gayong Walang Kabuluhang Perya at gumugol pa ng mahigit sa dalawampung taon para idiskarga ang lahat ng mga walang-kabuluhang yaon. Anuman ang ating pinaniniwalaan ngayon ay dapat maging praktikal. Naniniwala tayo sa Tres-unong Diyos, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu, at naniniwala tayo ayon sa mga itim at puting titik ng dalisay na Salita, hindi ayon sa tradisyon. Ang Panginoon ay naririto at tinatakpan tayo. Ang sinumang sumasalungat sa patotoong ito ay walang usapin. Hindi maglalaon ang kanyang mga kahangalan ay mahahantad. Panahon ang makapagsasabi. Panahon ang makapagpapatunay. Ang patotoong ito ay hindi isang bagay na bago; ito ay subok nang mahigit sa limampung taon. Saanman nakarating ang patotoong ito, walang anumang nakapigil dito. Kung tatanungin ninyo ang mga misyonero na nanggagaling sa Taiwan, sasabihin nila sa inyo na walang gawain sa Taiwan na makapipigil sa gawain ng patotoong ito. Inamin ng lahat ng mga misyonero na ito ang nangungunang gawain sa isla ng Taiwan. Noong 1968, mahigit sa isang daan at tatlumpung Amerikanong kapatid-na-lalake at babae ang bumisita sa Taiwan. Habang sila ay naroroon, nakatagpo nila ang isang misyonero na nagsalita ng laban sa atin. Bagama’t hindi niya gusto ang patotoong ito, inamin niya na ito ang pinakananaig na gawain. Bakit nananaig ang gawaing ito? Sapagka’t ito ang patotoo ng Panginoon. Hindi ito nakasalalay sa atin; ito ay nakasalalay sa Kanya. Subali’t dapat tayong maging kaisa Niya. Huwag ninyong panghawakan ang anumang bagay. Hayaan ninyong bigyang ko kayo ng isang patotoo tungkol sa nangyari sa isa sa mga tagasalungat. Noong 1958, naanyayahan akong bumisita sa isang espirituwal na lugar sa Inglatera. Nagpunta ako roon hindi para tumanggap ng tulong ni magbigay ng tulong sa iba kundi para makita ang situwasyon doon. Tinanggap ako ng nangunguna roon sa pamamagitan ng paglalagay sa akin sa isang espesyal na bahay at pagtatalaga ng isang tao para mangalaga sa akin. Sa loob ng isang buwan, ipinamahala ng nangunguna ang lahat ng mga pagpupulong akin, hindi lamang ang mga pagpupulong ng kumperensiya bagkus maging ang mga regular na pagpupulong. Sa aking pagtigil doon, natuklasan kong ang lugar na yaon ay hindi para sa ekklesia; yaon ay lubusang para sa ministeryo nito. Noong mga dalawampu o tatlumpung taon bago ang 1958, ang ministeryo sa lugar na yaon ay nananaig. Maraming umamin na yaon ay isang espirituwal na ministeryo. Pagkatapos kong tumigil doon nang isang buwan, dinala ako ng nangunguna sa kanyang bahay-bakasyunan sa Scotland. Nanatili akong kasama niya ng isang linggo na may layuning kausapin siya nang harapan hinggil sa ekonomiya ng Panginoon, hinggil sa kung ano ang ginagawa ng Panginoon ngayon. Ang opinyon niya ay yaong gagamitin ng Panginoon ang Kanyang ministeryo upang magtatag ng mga sentro ng ministeryo sa buong lupa. Sinabi ko sa kanya na ang ekonomiya ng Panginoon ay ang magtatag ng mga ekklesia lokal lunsod kada lunsod. Bagama’t kami ay mabuting magkaibigan, hindi kami magkasundo. Nasumpungan niya na lubha akong matigas sa bagay na ito, at nalaman ko na hindi siya mababago kahit kaunti. Hindi kami nagtalo, subali’t sa loob namin, natanto namin na may isang malaking pagkakaiba sa pagitan ng aming mga pagkakaunawa sa ekonomiya ng Panginoon. Bumalik kami sa Inglatera mula sa Kanyang bahay bakasyunan (retreat house) sa Scotland. Bago ako bumalik, hinilingan niya akong magsalita muli sa isa sa mga regular na pagpupulong. Hindi ko alam ang sasalitain ko hanggang ako ay nakarating sa entablado. Pagkaraan, dumating ang mensahe. Sa mensaheng yaon, sinabi ko sa mga tao na ang pagmiministeryo ay hindi para sa ministeryo, kundi yaong bawa’t pagmiministeryo ay dapat para sa mga ekklesia lokal. Matigas ako at nagsabi, “Tingnan ninyo ang ministeryo ni Apostol Juan.” Bagama’t iyon ang pinaka espirituwal na ministeryo, hindi iyon ang patungan-ng-ilawan. Tingnan ninyo ang lahat ng mga ekklesia lokal sa Apocalipsis—karamihan sa mga iyon ay nasa magulong kalagayan. Subali’t ang mga ekklesia lokal ang mga patungan-ng-ilawan.” Sa mensaheng iyon, malakas kong binigyang-diin na ang mga ekklesia lokal ay hindi dapat para sa ministeryo kundi ang ministeryo ay dapat maging para sa mga ekklesia lokal. Nasaling ng mahal na kapatid na nangunguna sa lugar na yaon ang pamahalaan ng Diyos. Isang seryosong bagay ang magkamali sa Diyos ng may kinalaman sa Kanyang pamahalaan. Kung ang patotoong ito ay ang pagbabawi ng Panginoon, kung gayon ito ay isang bagay na maka-dibinong pampamahalaan. Kung mayroong taong sasaling sa patotoong ito nang walang anumang nangyayari sa kanya, ito ay nagpapatunay na ang patotoong ito ay bale-wala. Subali’t ito ang pagbabawi ng Panginoon, at tayong lahat ay dapat maging maingat. Gaano kaseryoso ang masaling ang pagbabawi ng Panginoon! Ang mahal na isang nag-anyaya sa akin sa Inglatera ay una muna naming inanyayahang pumunta sa Taiwan. Pumunta siya noong 1955 at muli nong 1957. Noong una niyang pagdalaw, hindi niya hinipo ang bagay hinggil sa ekklesia, subali’t sa kanyang ikalawang pagdalaw, sinadya niyang hipuin ito. Ito ay naglagay ng malakas na pagtatalo sa pagitan niya at natin. Ang pagtatalo ay nasa pagitan ng kapatid na ito at ng mga nangunguna sa isla ng Taiwan. Noong dalawang naunang pagpupulong, ako ang nagsasalin at hindi ako nagsalita sa pagtatalo. Subali’t, sa ikatlong pagpupulong, sumali ako. Bagama’t kaibigan namin ang mahal na kapatid na ito, matatalik na magkaibigan pa nga, magkaiba ang aming mga konsepto hinggil sa ekonomiya ng Panginoon. Umalis sa Taiwan ang kapatid na ito noong Abril ng 1957. Nang dalawin ko siya sa Inglatera pagkaraan ng labing-anim na buwan, noong Agosto, 1958, sinabi niya sa akin na nang lumipad na ang eroplano sa Taipe patungong HongKong, ang pagdaloy sa loob niya ay naputol at hindi na ito bumalik. Noong mismong araw na sinabi niya ito sa akin, sinabi niya na umiyak siya sa Panginoon noong umaga, tinatanong siya kung bakit ang pagdaloy ay naputol. C. Tapat sa Diyos na Nagtalaga sa Kanya Si Kristo, na inilalarawan ni Moises, ay tapat sa Diyos sa pangangalaga ng sambahayan ng Diyos (b. 2). Ang kapitulo dalawa bersikulo 17 ay nagsasabi sa atin na Siya ay tapat bilang ang Mataas na Saserdote. Dito sinasabi na Siya ay tapat bilang ang Apostol na isinugo mula sa Diyos para sa atin. D. Inaring Karapat-dapat sa Higit na Kaluwalhatian
Si Moises ay isang bahagi lamang ng bahay, samantalang
si Kristo ay kapwa ang bahay at ang Nagtayo ng bahay. Kaya si Kristo
ay inaring karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian at karangalan kaysa
kay Moises (3:3). Kailangan nating makita na bilang ang Nagtayo ng bahay,
si Kristo ay higit na may kaluwalhatian at karangalan kaysa kay Moises.
Kaya, si Kristo ay lubhang nakahihigit kay Moises.
|