|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LABING-ANIM MGA KASAMA NI KRISTO Sa mensaheng ito, dumako tayo sa mga kasama ni Kristo, sa sama-samang pakikipagsosyo. Nakita natin sa Hebreo 1 at 2 na tayo ay naitalagang maging mga kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos, at, bilang ang maraming kapatid, tayo ay nabuong ekklesia. Kung lalahatin, ang dalawang kapitulong ito ay nagpapahayag na ang Diyos ang pinagmulan at sa Kanya ay nagmula ang maraming kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos na nabuo bilang ang ekklesia. Ang ekklesia ay ang kahayagan ng Diyos Mismo na na kay Kristo. Sa ekklesia ay mayroon tayong Diyos. Sa ekklesia ay mayroon din tayong Anak ng Diyos, ang itinalagang tagapagmana ng Diyos. Sa ekklesia, mayroon din tayong Pinuno ng kaligtasan, Panganay na Anak ng Diyos, at Anak ng Tao. Sa ekklesia mayroon tayong maraming kapatid ng Panganay na Anak ng Diyos at mga kasama, ang mga kasamang-tagapagmana ng itinalagang Tagapagmana. Lahat ng mga tagapagmanang ito ay mga kasama ng natatanging Tagapagmana. Ang kalalabasan ng lahat ng ito ay isang maluwalhating kahayagan ng Diyos. Isang araw, sa Bagong Herusalem, lubusan itong mangyayari. Doon sa Bagong Herusalem, lubos nating makikita ang maluwalhating kahayagan ng Diyos. Sa Bagong Herusalem ay naroroon ang trono ng Diyos kung saan ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nakaupo (Apoc. 22:1). Naroroon sa Bagong Herusalem ang Ama, ang Anak bilang ang Kordero, at ang Espiritu na umaagos bilang isang ilog ng tubig. Ang maraming kapatid ng Panganay na Anak at ang maraming anak ng Diyos ay maparoroon din. Sa Bagong Herusalem, makikita natin ang Panginoon ng lahat, ang Pinuno, at ang Mataas na Saserdote. Ang lunsod na yaon ang magiging ganap na kahayagan ng maluwalhating Diyos. Ito ang kaluwalhatian, ang kapahingahan, ang mabuting lupain, at ang rehiyon kung saan tayo papasok matapos tayong makatawid ng maraming ilog. Habang ako ay nagsasalita, mayroon akong isang maluwalhating pangitain sa harap ko. O, nakita ko na ang ekklesia! Sa ekklesia, hindi lamang tayo may pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, personal na kaligtasan, at kapatawaran ng mga kasalanan—mayroon tayo ng lahat ng bagay. Ang buhay-ekklesia ay isang maliit na pokus kung saan makikita natin ang buong larawan ng Bagong Herusalem. Lahat ng bagay sa Bagong Herusalem sa ganap na paraan ay mayroon tayo sa ekklesia ngayon sa isang maliit na larawang paraan. Mayroon akong pandama na sa mga araw na ito, nakapasok na tayo sa loob ng kaluwalhatian, sa loob ng kapahingahan. Ito ay isang paunang-tikim ng ganap na darating. Tayo ay nasa kaluwalhatian, nasa mabuting lupain. Si Kristo ay hindi lamang ang ating Diyos kundi ang Moises din ngayon. Siya ay higit na mainam, higit na mataas, at higit na magaling kaysa kay Moises. Siya rin ang ating Aaron at ating tunay na Josue, at tayo ang Kanyang mga Caleb, Kanyang mga kasama (partners, comrades, and companions). Sa Griyego, iisa ang salita para sa mga kasama at mga may bahagi. Ang parehong salitang Griyego ay mayroon nitong dalawang kahulugan. Ang isang may bahagi ay lubusang naiiba mula sa isang kasama. Maaaring ako ay isang bumabahagi ng aking agahan, nangangahulugang ako ang isang nagtatamasa ng agahan, subali’t ako ay isang kasama (kasosyo) ng isang korporasyon, nangangahulugang ako ay isang kasamang-nagmamay-ari ng korporasyong iyon. Sapagka’t ang dalawang Ingles na salitang ito ay iisang salita sa Griyego, ang mga tagapagsalin ay nahirapan sa pagsasalin ng wastong kahulugan ng salitang Griyego. Ang King James Version ay nakagawa ng isang malaking pagkakamali sa Hebreo 3:14, isinalin itong “mga bumabahagi kay Kristo.” Subali’t ayon sa ibig sabihin ng nilalaman, ang salitang Griyego rito ay hindi dapat isaling mga maybahagi kundi mga kasama. Ang bahagi mula 3:7 hanggang 3:14 ay tumatalakay sa pagpasok sa mabuting lupain. Ang paglalarawan nitong pagpasok sa mabuting lupain ay ang pagpasok sa lupain sa ilalim ng pangunguna ni Josue. Pumasok si Josue sa mabuting lupain, at si Caleb ang kasama niya rito. Hindi natin dapat ituring si Caleb na isang may bahagi kay Josue, sapagka’t hindi tinamasa ni Caleb si Josue; siya ay isang kasamahan, kasama, at kapareha ni Josue sa pagpasok at pag-angkin sa mabuting lupain. Si Kristo ngayon ang ating tunay na Josue, at tayo dapat ang Kanyang mga Caleb. Sa bagay na ito, hindi tayo mga may bahagi sa Kanya; tayo ang Kanyang mga kasama. Kapag tinatamasa natin si Kristo, tayo ang mga bumabahagi sa Kanya; kapag sinusundan natin Siya, tayo ang Kanyang mga kasama. Ang kabigatan ko sa mensaheng ito ay ang sabihin sa inyo na hindi lamang tayo mga may bahagi na nagtatamasa kay Kristo bagkus mga kasama rin na sumusunod sa Kanya. Bilang mga kasama Niya, tayo ay gumagawang magkasama at nakikipagtulungan sa Kanya. I. KRISTO, ITINALAGA NG DIYOS A. Upang Isakatuparan ang Plano ng Diyos Ang Diyos ay may isang dakilang gawain sa sansinukob. Ang gol ng gawaing ito ay ang maisakatuparan ang isang maluwalhating kahayagan. Ang maluwalhating kahayagang ito ay ang gol kung saan tayong lahat ay papasok. Ang ating pananaw ay dapat mapalawak upang makita na ang gawain sa buong sansinukob ay ang isakatuparan ang isang maluwalhating kahayagan ng Kanyang Sarili. Itinalaga ang Anak ng Diyos upang isakatuparan ang plano ng Diyos. Itinalaga Siya upang patakbuhin ang korporasyong ito. Itinalaga Siya sa tungkuling ito noong walang hanggang lumipas. B. Pinahiran ng Diyos Si Kristo ay itinalaga noong walang hanggang lumipas at pinahiran sa panahon (1:9). Ang pagpapahid na yaon ang panimulang makalangit, at dibinong inagurasyon. Sinimulang itinalaga ng Diyos sa tungkulin ang Kanyang itinalagang Tagapagmana sa pamamagitan ng pagtatalaga sa Kanya. Ibinuhos ng Diyos na Espiritu ang Kanyang Sarili bilang ang pampahid na langis sa itinalagang Tagapagmanang ito, pinapahiran Siya upang maging tagapagsagawa ng dibinong gawain ng Diyos. Bilang mga kasama ni Kristo, tayo ay mga kasama sa Kanyang pagpapahid. Siya ay itinalaga noong walang hanggang lumipas at pinahiran sa panahon. Kabilang tayo sa Kanyang pagpapahid. Ituturo ko kayo sa Mga Awit 133 kung saan nakikita natin na ang ungguwento na ibinuhos sa ulo ni Aaron, ang mataas na saserdote, ay tumutulo sa buong katawan hanggang sa laylayan ng kanyang mga suot. Nangangahulugan ito na lahat ng mga sangkap ng katawan ng mataas na saserdote ay nakikibahagi sa kanyang pagpapahid. Tayo, ang mga may bahagi, ay nakikibahagi sa pagpapahid ng bukod-tanging Tagapagmana. Gaya ng nabanggit ko na, ang pagpapahid ay ang panimulang inagurasyon. Kaya, tayong lahat ay nakikibahagi sa Kanyang inagurasyon. Dito sa makalangit, dibino, at walang hanggang inagurasyon, tayo ang Kanyang mga kasama. Nakamtan na Niya ang pagpapahid, at tayo ay nakikibahagi sa Kanya rito sapagka’t tayo ang Kanyang mga kasama. Nangangahulugan ito na tayong lahat ay pinahiran. Tayong lahat ay nailagay sa tungkulin. Hindi lamang tayo may bahagi kay Kristo na nagtatamasa sa Kanya bagkus mga kasama rin ni Kristo na nakikibahagi sa Kanyang gawain. Mayroon akong lubos na katiyakan na sa pagbibigay ko ng mensaheng ito, ako ay nakikibahagi sa Kanyang gawain. Siya ay magsasakatuparan ng isang ganap na kahayagan ng Diyos sa kaluwalhatian, at tayo ngayon ay nakikipagtulungan sa Kanya sa gawaing ito. Marami na akong narinig na mga patotoo hinggil sa pagiging isang may bahagi kay Kristo at nagtatamasa sa Kanya, subali’t hindi pa ako nakarinig ng isang hinggil sa pagiging isang kasama ni Kristo. Mula ngayon, sa mga ekklesia, kailangan nating makarinig ng higit na maraming patotoo hinggil sa pagiging mga kasama ni Kristo at nakikibahagi sa Kanyang gawain. Kamakailan, marami sa atin ang nahipong magtungo sa mga kampus at magpahayag ng mataas na ebanghelyo. Ang gayong uri ng pagpapahayag ay dapat na ang pakikibahagi sa gawain ng itinalagang Tagapagmana. Tayo ang mga kasamang-tagapagmana at mga kasama ni Kristo, nakikipagtulungan sa Kanya at nakikibahagi sa Kanyang gawain. Ang Kanyang tungkulin ay dapat ding maging ating tungkulin. Sinasabi sa Hebreo 1:9, “Inibig Mo ang katuwiran, at kinapootan Mo ang katiwalian; kaya’t ang Diyos, ang Iyong Diyos, ay nagpahid sa Iyo ng langis ng masidhing kagalakan nang higit sa Iyong mga kasama.” Pansinin na ang bersikulong ito ay nagsasabi, “Diyos...Iyong Diyos.” Kaninong Diyos ito? Nakita na natin na ang Anak ay Diyos. Ilang diyos ba mayroon? Mayroon lamang isa. Maaaring ilan sa mga nagbabasa ng mensaheng ito, sa kawalang-malay, ay nananangan pa sa konseptong mayroong tatlong diyos; subali’t hindi nangangahas magsabi na mayroong tatlong diyos. Ayon sa katotohanan sa Bibliya, mayroon lamang isang Diyos (1 Cor. 8:4). Hindi natin maaaring sabihin na mayroong higit sa isang Diyos. Gayunpaman, sa kaloob-looban, maraming Kristiyano ang walang malay na nananangan sa konsepto ng tatlong diyos, ang tinatawag na triteismo. Hinihiling ko sa inyong limutin ninyo ang inyong mga tradisyonal na pagtuturo. Wala tayong higit pa sa isang Diyos. Ang Diyos ay isa, gayunpaman Siya ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu (Mat. 28:19). Subali’t hindi ito nangangahulugan na mayroong tatlong iba’t ibang Diyos. Pinatutunayan ng Isaias 9:6 at 2 Corinto 3:17 na ang Ama, Anak at Espiritu ay iisa. Sinasabi sa Isaias 9:6, “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake...at ang Kanyang pangalan ay tatawaging...Makapangyarihang Diyos, walang hanggang Ama.” Kung naniniwala kayo na ang batang ipinanganak sa sabsaban ay ang Makapangyarihang Diyos, dapat din kayong maniwala na ang Anak na ibinigay sa atin ay ang walang hanggang Ama. Mayroong dalawang linya sa Isaias 9:6: ang batang ipinanganak sa atin ay ang Makapangyarihang Diyos, at ang Anak na ibinigay sa atin ay ang walang hanggang Ama. Naniniwala ang lahat ng mga pundamental na Kristiyano, kabilang tayo, na ang bata ay ang makapangyarihang Diyos. Subali’t ikinalulungkot kong sabihin, maraming Kristiyano ang naniniwala lamang sa unang linya sa 9:6 subali’t hindi naniniwala sa ikalawa. Ang ilang mga Kristiyano ay hindi nangangahas hipuin ang bagay na ang Anak ay tinatawag na walang hanggang Ama. Binaluktot ito ng ilan upang umangkop sa kanilang tradisyonal na konsepto. Hindi tayo gaanong matalino para lubusang maunawaan ang Trinidad. Hindi tayo ginawa ng Diyos na gayong katalino. Ang bagay na ito ng Trinidad ay di-maaabot ng ating pang-unawa. Ni hindi natin maunawaan ang ating mga sarili bilang mga taong may tatlong bahagi. Halimbawa, nasaan ba ang inyong puso? Nasaan ba ang inyong budhi? Ipinapalagay ng mga tao na malinaw sila hinggil sa Trinidad, subali’t ni hindi sila malinaw hinggil sa kanilang mga sarili. Nasaan ba ang inyong kaluluwa? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng inyong espiritu, kaluluwa, puso, kaisipan, pagpapasiya, damdamin at budhi? Kung hindi ninyo maunawaan maging ang inyong sarili, paano ninyo inaakalang mauunawaan ninyo ang Diyos? Kailangan nating kalimutan ang hinggil sa tradisyon at magbalik sa Bibliya. Nakikiusap ako sa inyong kunin ninyo ang buong Bibliya. Ang bagay na ito ng Kristolohiya ay naging paksa na ng pagtatalo mula pa noong huling bahagi ng unang siglo. Walang sinumang makalulutas ng suliraning ito. Walang sinumang lubusang makaunawa nito. Dapat ay may kapakumbabaang tanggapin natin ang lahat ng bagay na nasa Bibliya maging ito ay umaakma o hindi sa ating konsepto. Sinasabi sa Isaias 9:6 na ang isang bata ay tatawaging ang Makapangyarihang Diyos at ang Anak ay tatawaging ang walang hanggang Ama, at sinasabi sa 2 Corinto 3:17, “Nguni’t ang Panginoon ang Espiritu.” Nang ako ay bata pa, napasailalim ako ng mga gurong Brethren na nagturo ng katotohanan ayon sa kaalaman nila sa Bibliya. Tinuturuan nila kaming huwag manalangin sa Anak kundi sa Ama sa pangalan ng Anak sa pamamagitan ng kapangyrarihan ng Espiritu Santo. Sinabihan kaming huwag manalangin sa Espiritu. Sinabi nila na sa ilalim ng ilang mga pagkakataon maaari kaming manalangin sa Panginoong Hesus subali’t hindi ito dapat madalas. Dapat kaming manalangin sa Ama sa pangalan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Di-kalaunan, dinala ako ng Panginoon para mamalaging kasama ni Kapatid Nee. Isang araw, inanyayahan niya ang isang tagapangaral na Intsik na taga China Inland Mission upang magsalita sa aming mga pagpupulong. Sa kanyang mensahe, sinabi ng tagapangaral, “Huwag ninyong ituring na ang Panginoong Hesus ay iba pa sa Espiritu Santo.” Nang ang tagapagsalitang yaon ay nagpatuloy sa pagsasabing ang Panginoong Hesus ay ang Espiritu Santo, sinabi ni Kapatid Nee, “Amen.” Pagkatapos ng pagpupulong, nagtungo ako kay Kapatid Nee, at sinabi niya, “Tamang-tamang ito ang kailangan natin. Ito ang dapat nating kunin.” Para sa akin, yaon ay may pagkabago (revolutionary). Nang panahong yaon, tumawid ako sa ilog ng pagtuturo ng Brethren patungo sa mabuting lupain ng katotohanan. Hindi nagtagal pagkatapos niyaon, nagsalita si Kapatid Nee sa aming isang maliit na grupo hinggil sa Juan 14, tinutukoy na ngayon ang Panginoong Hesus ay ang Espiritu Santo. Sinabi niya, “Ang ‘Siya’ sa bersikulo 17 ay ang ‘Ako’ sa kasunod na bersikulo.” Ang mga mata ko ay nabuksan at ang liwanag ay sumilay. Pagkatapos sinasabi sa bersikulo 17 na ang Espiritu ay pasasaloob natin at sinasabi sa bersikulo 20 na ang Panginoon ay pasasaloob natin. Mayroon bang dalawa o isa sa loob natin? Tiyak na iisa lang. Sino ang Isang ito—ang Panginoong Hesus o ang Espiritu? Pareho, sapagka’t Sila ay iisa. Pagkatapos sinasabi sa atin ng mga bersikulo 9 hanggang 11 na ang Panginoong Hesus ay hindi lamang ang Espiritu bagkus ang Ama rin. Hindi tayo dapat maging napakahangal para maging ang Felipe ngayon. Nang hilingan ni Felipe ang Panginoon na ipakita sa kanila ang Ama, sinabi ng Panginoon, “Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama,” sapagka’t Siya at ang Ama ay iisa (Juan 10:30). Bago siya mabilanggo, inilathala ni kapatid Nee ang isang malaking aklat ng mga himno na nagtataglay ng isang libo at limampu’t anim na awitin. Ilan sa mga pinakamagaling na himno sa ating aklat ng mga himno ay kinuha rito. Isa sa mga himno sa ating aklat ng mga himno, bilang 490, ay isinulat ni Kapatid Nee at isinalin namin para makasali sa ating aklat ng mga himno. Sinasabi sa ikalimang taludtod, No’ng tinawag Kang ang Ama, Ang orihinal na Intsik, na higit na malinaw kaysa sa Ingles, ay nagsasabi, “Noon Ikaw ang Ama; “Ngayon Ikaw ang Espiritu.” Ngayon alam na ninyo kung saan ko nakuha ang katotohanang si Kristo ay ang Espiritu. Ang katotohanang ito ay lubusang naisagawa, napatotohanan, at lubusang napatunayan ng aking sariling karanasan. Muli kong sinasabi na hindi natin pinagtutuunan ng pansin ang doktrina; pinahahalagahan natin ang karanasan. Ang salitang, “O Diyos...Iyong Diyos,” sa 1:8-9 ay tumutukoy sa Anak. Yamang ang Anak ay ang Diyos Mismo, Siya ay Diyos; kaya, sinasabi nito, “O Diyos.” Yamang ang Anak ay tao rin, ang Diyos ay ang Kanyang Diyos; kaya, sinasabi nito, “Iyong Diyos.” II. ANG PINUNO NG KALIGTASAN A. Siya, bilang ang Tagapagpáuna, ang
Una, Ang pinahirang Tagapagmana ng Diyos, bilang Pinuno ng kaligtasan, ay nakapasok sa kapahingahan at kaluwalhatian sa pamamagitan ng kamatayan at pagkabuhay-na-muli (6:20). Ginawa Niya ito bilang ang Una at Tagapagpáuna. Pinangunahan Niya ang pagtahak sa landas ng krus at pumasok sa kapahingahan at kaluwalhatian. Siya ngayon ay nakaluklok sa kanan ng Diyos (1:3, 13) naputungan ng kaluwalhatian at karangalan (2:9) upang maging kwalipikadong Pinuno ng ating kaligtasan nang sa gayon madala Niya tayo sa pagtahak sa landas ng krus patungo sa mabuting lupain ng kapahingahan at kaluwalhatian. B. Tayo, bilang Kanyang mga Kasama, Nakikibahagi
sa Kanya Sa Kanyang pagkakita noong una pa, nagpasiya ang Diyos na ang tanging Tagapagmanang ito ay mangailangan ng isang grupo ng mga kasamang-tagapagmana. Ipinasiya ng Diyos na hindi gaanong mabuti para kay Kristo ang pumasok sa mabuting lupain nang nag-iisa. Nais ng Diyos na pumasok ang tanging Tagapagmanang ito sa mabuting lupain ng maluwalhating kahayagan ng Dibinong Katauhan (Divine Being) na kasama ang isang grupo ng mga kasamang-tagapagmana. Lalong maraming kasamang-tagapagmana, lalong kaluwalhatian mayroon. Isaalang-alang ang pagpasok ni Josue sa mabuting lupain na kasama ang mga anak ni Israel. Tiyak na kaya ng Diyos na dalhin si Josue nang nag-iisa sa mabuting lupain. Ipagpalagay na si Josue, na nag-iisang tao, ay nagmartsa patungo sa mabuting lupain, na nagsasabi, “Nakarating ako rito sa pamamagitan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat upang sakupin ang lupain.” Bagama’t yaon ay maaaring posible, hindi yaon naging maluwalhati. Nang pangunahan ni Josue ang pagpasok sa mabuting lupain, sa pinakakaunti ay may dalawang milyong kataong nagmartsa sa likuran niya. Gayon na lamang ang takot ng mga Cananeo. Hindi iisang tagapagmana ang pumasok sa mabuting lupain kundi isang hukbo ng mga kasamang-tagapagmana. Alam nating lahat kung ano ang nangyari sa Jerico. Maaaring gawin ng Diyos ang gayunding himala nang si Josue lamang, subali’t kung ginawa Niya ito, walang kaluwalhatian. Isang hukbo ang nagmartsa sa paligid ng Jerico, at ang lahat ng mga demonyo ay natakot. Yaon ang maluwalhatiang pagsakop sa mabuting lupain. Ang pagpasok sa mabuting lupain ay isang maluwalhating pagpasok. Tayo ay magmamartsa patungo sa mabuting lupain. Tayo ay may isang Pinuno, ang tunay na Josue. Tayong lahat ay dapat maging Kanyang mga kasama sa pagsakop sa mabuting lupain. Bago tayo maging kasama Niya dapat muna tayong maging ang mga nakikibahagi na nagtatamasa sa Kanya. Kapag tayo ay nagtatamasa sa Kanya at bumabahagi sa Kanya, ang titulo Niya ay hindi Kristo kundi ang Espiritu Santo. Tayo ay mga bumabahagi sa Espiritu Santo (6:4). Subali’t kapag Siya ay ang Pinuno, Siya si Hesu-Kristo, hindi ang Espiritu Santo. Kapag Siya ang ating katamasahan, Siya ang Espiritu Santo. Kapag Siya ang ating Pinuno, ang Isang nangunguna sa atin, Siya si Kristo. Huwag kayong magambala sa lahat ng iba’t ibang titulong ito. Gaya ng naipakita ko na sa inyo, sa unang dalawang kapitulo ng Hebreo nakikita natin na ang mismong Diyos ay ang Anak ng Diyos. Ang Anak ng Diyos na ito ay ang Pinuno at ang Mataas na Saserdote rin. Ito ang katulad sa Zacarias 2 kung saan nakikita natin na isinugo ng Panginoon ng mga hukbo ang Panginoon ng mga hukbo. Ang Panginoon ng mga hukbo ay kapwa ang Nagsugo at ang Isinugong Isa. Gayundin, sinabihan tayo sa unang kapitulo ng Hebreo na ang Diyos ay nagsalita, na ang Diyos ay nagsalita sa loob ng Anak, at yaon, sa katapus-tapusan, ang Anak ay tinawag na, “O Diyos.” Kasunod nito, sinabihan tayo na Siya ang Pinuno ng ating kaligtasan at ating Mataas na Saserdote. Gaano kagila-gilalas at kamangha-mangha ito! Bilang ating Pinuno, Siya ang Kristo. Bilang ating katamasahan, Siya ang Espiritu Santo. Kapag nanguna Siya sa pagmartsa, Siya ang ating Pinuno. Kapag pumapasok Siya sa atin upang maging ating katamasahan at panustos, Siya ang Espiritu Santo. Tayo ang mga may bahagi kay Kristo at mga kasama Niya. Kapag tayo ay nagtatamasa sa Kanya, tayo ay mga bumabahagi sa Kanya. Kapag sumusunod tayo sa Kanya, tayo ay mga kasama Niya. Ikaw ba ay isang bumabahagi kay Kristo? Nangangahulugan ito na kahit na sa mga panahon ng kaguluhan tinatamasa natin Siya, bumabahagi sa Kanyang mga kayamanan at panustos. Pagkatapos nating matamasa Siya sa gayong paraan, Siya ay nagiging Pinuno na nangunguna, at sumusunod tayo sa Kanya bilang Kanyang mga kasama. Kapag Siya ay nagmamartsa; nagmamartsa tayong kasama Niya. Siya ang Pinuno at tayo ang hukbo. Sa pamamagitan nito, makapapasok tayo sa Kanyang kapahingahan (4:8-9) at madadala sa Kanyang kaluwalhatian (2:10). III. ANG JOSUE AT CALEB NGAYON Si Kristo, ang Pinuno ng kaligtasan, ay ang tunay na Josue na nangunguna sa mga tao ng Diyos upang makuha at maangkin ang lupain. Tayo, ang Kanyang mga kasama, ay ang mga tunay na Caleb na nakikibahagi sa Kanya sa pagkuha at pag-angkin ng lupain. Kailangan nating gumugol ng maraming panahon upang isaalang-alang itong bagay ng pagkuha sa mabuting lupain, sapagka’t hindi ito kasing linaw gaya ng nararapat. Ang pinakamababang pananaw sa mabuting lupain ay yaong kapag ang isang banal ay namatay, tumatawid siya ng ilog Jordan at pumapasok sa mabuting lupain. Maraming awiting nagsasaad tungkol sa pagtawid sa malalamig na alon ng Jordan. Maging si John Bunyan ay sa ganitong paraan ang pagkakapaliwanag sa mabuting lupain sa “Pilgrim’s Progress.” Ang mga panloob-na-buhay na tao (inner life people), ang tinatawag na mga taong espirituwal, ay nagsasabi na ang Canaan ay hindi ang ikatlong kalangitan, sapagka’t ang Canaan ay punô ng mga demonyo, mga higante, mga kaaway, at mga Cananeo. Yamang walang mga kaaway sa ikatlong kalangitan, hindi tinanggap ng mga panloob-na-buhay na tao ang mababang konsepto ng mabuting lupain bilang langit. Subali’t hindi sinabi sa atin ng mga panloob-na-buhay na tao nang malinaw kung ano ang Canaan. Ilan sa kanila ang nagsasabing ang Canaan ay sumasagisag sa himpapawid, sa sangkalangitan, kung saan naroroon ang mga pinuno, ang mga may-kapangyarihan, at masasamang espiritu. Mula sa aking pagkabata, hindi ako kuntento sa konseptong ang Canaan ay ang langit, subali’t bilang isang batang naghahanap sa Panginoon tinanggap ko ang konseptong ang Canaan ay ang sangkalangitang punô ng mga Cananeo, mga pinuno, at mga may-kapangyarihan. Subali’t, pagkaraan ng isang panahon, nagsisimula akong magduda rito. Kung ang Canaan ay ang sangkalangitan kung saan naroroon ang masasamang espiritu, nasaan kung gayon, ang kapahingahan? Ang punto ko sa pagbanggit nito ay yaong ang gawain ni Kristo ay ang makamit at maangkin ang mabuting lupain ng Canaan. Kung wala ang mabuting lupain ng Canaan, ang layunin ng Diyos ay hindi maisasakatuparan. Ang gawain ni Kristo ay ang kunin ang mabuting lupain ng Canaan, angkinin ito, at itayo ang bahay ng Diyos. Ang mabuting lupain ay ang katuparan ng layunin ng Diyos sa loob ni Kristo, yaong magkaroon ng isang ganap na kahayagan ng Kanyang Sarili. Para rito, si Kristo ang Tagagawa, at tayo ang Kanyang mga kasama. Tayo ang Kanyang mga kasama sa gawaing ito. Tayo ay kasama ni Kristong itinalaga sa tungkulin para sa layuning ito. Tayo ay kasama ni Kristong itinalaga sa tungkulin upang makabahagi sa Kanyang tungkulin nang sa gayon, kasama Siya, makukuha natin ang lupain, maaangkin ito, at maitatayo ang bahay ng Diyos. Sa katapus-tapusan, ito ang magiging lupain ng kaluwalhatian. Purihin ang Panginoon na tayo ang Kanyang mga kasama. Ang maging isang may bahagi ay para sa layuning maging isang kasama. Hindi lamang tayo mga may bahagi kay Kristo bagkus mga kasama rin Niya!
|