|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LABIMPITO ANG MABUTING LUPAIN PARA SA PAGSASAKATUPARAN
Malakas kong nararamdaman na kailangan natin ng isang mensahe hinggil sa mabuting lupain para sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Ang bagay na ito hinggil sa mabuting lupain ay naging isang malaking palaisipan sa karamihan sa mga mambabasa ng Bibliya at mga guro ng Bibliya. Maraming aklat na pang-Kristiyano ang nagsasalita tungkol sa mabuting lupain. Kung babasahin ninyo ang mga aklat na ito, matatanto ninyo na lahat ng mga mambabasa at guro ng Bibliya ay may damdamin na ang mabuting lupain ay hindi lamang basta isang malawak na lupain sa Palestina. Sa Bibliya, ang mabuting lupain ay isang simbolo, isang larawan, ng bagay na nakahihigit. Maging ang pinakamababang pagpapakahulugan sa mabuting lupain bilang isang simbolo—yaon ay dako (region) na pinasukan ng mga Kristiyano pagkatapos tawirin ang Ilog Jordan ng kamatayan—ay sumusunod sa prinsipyo na ang mabuting lupain ay hindi lamang basta isang malawak na lupain sa Palestina, sa halip ay sumasagisag sa isang bagay na espirituwal, banal, at makalangit. Napakahirap para sa kaninuman ang makaunawa nang lubusan sa espirituwal na kahulugan ng mabuting lupain. Pinag-aralan ko ang bagay na ito nang ilang taon. Mula sa aking pagkabata, interesado na ako sa tunay na kahulugan ng mabuting lupain. Ikinalulungkot kong sabihin na bilang isang batang Kristiyano hindi ako gaanong nakatanggap ng tulong sa bagay na ito. Subali’t ngayon sa mensaheng ito, sisikapin kong ilahad sa inyo kung ano ang ipinakita ng Panginoon sa atin hinggil sa tunay na kahulugan nitong mabuting lupain. ANG MGA WASTONG TAO NG DIYOS Sa Bibliya, ang lupain o lupa ay palaging sumasagisag sa mga wastong tao ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang dagat ay sumasagisag sa sanlibutan na pinasama, dinumihan, at sinira ni Satanas. Sa ibang salita, ang lupain ay palaging sumasagisag sa mga tao ng Diyos, at ang dagat ay palaging sumasagisag sa mga taong makasanlibutan, ang mga taong narumihan, napasama, nasira, at nakamkam ni Satanas. ISANG LARAWAN NI KRISTO Ikalawa, sa Bibliya, ang lupain ay isang larawan, isang simbolo, ni Kristo. Si Kristo ang mabuting lupain. Nang pag-aralan natin ang Genesis 1:9 sa ating pag-aaral Pambuhay ng Genesis, tinukoy natin na ang lupaing lumitaw sa tubig ng kamatayan noong ikatlong araw ay isang sagisag ng nabuhay-na-muling Kristo na lumabas mula sa kamatayan noong ikatlong araw. Kagaya ng nakita natin sa pag- aaral na yaon, lahat ng buhay, kabilang na ang sa halaman, hayop, at pantaong buhay, ay lumabas mula sa lupain. Maging ang tao ay ginawa mula sa alabok ng nabuhay-na-muling lupaing yaon. Kung magsasalita tayo ayon sa medisina ang ating pisikal na katawan ay nagtataglay ng mga elementong gaya ng sa lupa. Kapwa sa lupa at sa ating mga katawan ay may mga elementong gaya ng tanso, bakal, at asupre. Kaya ang sangkatauhan ay nagmula sa lupa, at ang lupain ay isang larawan ni Kristo. Sinasagisag nito na si Kristo ang pinagmulan ng lahat ng uri ng buhay. Si Kristo bilang ang mabuting lupain, ang lupaing lumitaw sa tubig ng kamatayan, ang lupaing mataas (elevated) at napaliligiran ng tubig ng kamatayan, ay inilalarawan ng lupain ng Canaan. Gaya ng ating makikita, ang lupain ng Canaan ay isang lupaing mataas at napaligiran ng tubig. Ang lupang ito ay isang larawan ni Kristo. ISANG SAGISAG NG MGA HINIRANG NG DIYOS Sa Bibliya, ang lupa ng lupain ay sumasagisag sa atin, ang mga hinirang ng Diyos. Hinirang tayo ng Diyos upang maging lupa na mapagtataniman Niya ng Kanyang Sarili upang Siya mismo ay lumago sa atin (Mat. 13:3, 23). Tayo ang lupa ng Diyos. Sa katapus-tapusan, tayo ay nagiging Kanyang bukirin at Kanyang bukid upang lumago si Kristo (2 Cor. 3:9). Ang bagay na ito ay lubhang mabigat at makahulugan. ANG LUPAIN, SI KRISTO, AT ANG PAGKA-TAO Kumuha ang Diyos ng alabok mula sa lupa na lumitaw mula sa tubig ng kamatayan at ginamit ito upang gumawa ng tao (Gen. 2:7). Kaya, ginawa ang tao mula sa lupa at itinalagang maghayag sa Diyos. Ang katawan ng tao ay gawa sa alikabok ng lupang lumitaw, subali’t ang tao mismo ay ginawa sa wangis ng Diyos sa layuning ihayag ang Diyos (Gen. 2:7; 1:26-28). Hindi lamang ginawa ang taong alabok sa wangis ng Diyos upang ihayag ang Diyos, kundi binigyan din siya ng awtoridad ng Diyos upang isagawa ang kapamahalaan ng Diyos at upang buuin ang kaharian ng Diyos sa lupa. Kaya ang kahayagan at kaharian ng Diyos ay lubos na may kaugnayan sa lupa. Ang tao ay nagmula sa nabuhay-na-muling lupain, sa nabuhay-na-muling lupa, at namuhay sa lupaing ito upang ihayag ang Diyos at kumatawan para sa Kanya, upang bumuo ng isang kahayagan ng Diyos at ng isang kaharian ng Diyos. Ang kahayagang ito kasama ang kaharian ay ang gol ng Diyos, at dapat tayong pumasok dito. Pinagsasama-sama ng maikling salitang ito ang lupain,
si Kristo, at ang pagka-tao. Ang pinagsama-samang lupain, Kristo, at
pagka-tao ay ang kahayagan ng Diyos at ang kaharian ng Diyos kung saan
naroroon ang kaluwalhatian at awtoridad ng Diyos. Ito ang kinasasaklawan
na kung saan dapat tayong lahat ay pumasok. Ito ang kinasasakupan na
dapat nating maabot lahat. Narito ang ating kapahingahan at kasiyahan.
Dito ang Diyos ay lubusang nahahayag at may isang tahanan, ang Kanyang
tirahan. ANG WALANG HANGGANG LAYUNIN NG DIYOS Mula sa buong pahayag ng Dibinong Salita ng Diyos, nakikita natin na noong walang hanggang lumipas binalak ng Diyos na ihayag ang Kanyang Sarili. Ito ang walang hanggang layunin ng Diyos: ang ihayag ang Kanyang Sarili sa isang praktikal at tunay na paraan sa pamamagitan ng isang sama-samang entidad na binubuo ng maraming tao. Ito ang walang hanggang layunin ng Diyos. Upang maisakatuparan ang layuning ito, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. Pinakialaman at sinira ni Satanas, ang kaaway ng Diyos, ang nilikha ng Diyos, lalung-lalo na ang lupa. Kaya ang lupa ay hinatulan ng Diyos sa pamamagitan ng tubig (Gen. 1:2). Ang buong lupa ay napasailalim ng naghahatol na tubig, na isang uri ng kamatayang bumabalot sa lupa. Pagkatapos, dumating ang Diyos at itinaas ang lupang natatakluban ng tubig ng kamatayan, inilalabas ito mula sa tubig ng kamatayan noong ikatlong araw. Maraming guro ng Bibliya ang sumasang-ayon na ito ay isang larawan ng nabuhay-na-muling Kristo. Ang lupaing inilabas mula sa tubig noong ikatlong araw ay isang sagisag ng nabuhay-na-muling Kristo na kung kanino ang lahat ng buhay nagmula. Mula sa lupang ito ginawa ng Diyos ang tao sa Kanyang Sariling wangis upang maghayag at kumatawan sa Kanya. Noong panahong yaon, makikita natin kay Adam ang lupain sapagka’t si Adam ay gawa sa alabok ng lupa. Makikita rin natin si Kristo sapagka’t ginawa si Adam sa wangis ni Kristo. Sinasabi sa Genesis 1:26 na ginawa ang tao sa wangis ng Diyos, at sinasabi sa Colosas 1:15 na si Kristo ang larawan ng Diyos na di- nakikita. Kaya, ang tao ay ginawa sa wangis ng Diyos at dinadala ang wangis ni Kristo. Kung nakita ninyo si Adam, nakita ninyo ang kawangis ni Kristo. Kaya kay Adam, na isang tao, naroroon ang alabok ng lupa at ang wangis ni Kristo. Kaya, kay Adam, nakikita natin ang tatlong bagay: ang lupain, si Kristo, at ang tao. Ang tatlong ito ay pinagsama-sama upang maging kahayagan ng Diyos at kaharian ng Diyos. Yaon ay isang maliit na larawan ng kung ano ang ninanais ng Diyos na makamit. ANG KAUGNAYAN SA PAGITAN NG TAO Si Satanas, nalalaman ang sentrong kaisipan ng Diyos, ay dumating upang sirain ang tao. Nang maging laman ang Panginoong Hesus (Juan 1:14), dumating Siya upang maging alabok. Nang dumating Siya upang makiisa sa tao, nangangahulugan ito na dumating Siya upang makiisa sa lupa. Pagkatapos na masira si Adam, sa katapusan ang tao ay naging laman (Gen. 6:3), at dumating ang Diyos upang hatulan ang laman. Nang hatulan ng Diyos ang laman, hinatulan din Niya ang lupa, sapagka’t ang laman, yaon ay, ang sangkatauhan, ay hindi maihihiwalay sa lupa (Gen. 6:12-13). Sa paningin ng Diyos at ayon sa konsepto ng Diyos, ang tao ay palaging may kaugnayan sa lupa. Kapag ang tao ay hinatulan, ang lupa ay hinatulan, at kapag ang lupa ay hinatulan, ang tao ay hinatulan. Palaging itinuturing ng Diyos ang dalawang bagay na ito nang magkasama. Sa pamamagitan ng baha, hinatulan ng Diyos ang laman at ang lupa. Pagkatapos ng baha, ang arko ay dumaong sa Bundok Ararat noong mismong araw ng buwan nang ang Panginoong Hesus ay nabuhay-na-muli mula sa mga patay—noong ikalabimpitong araw. Ang Panginoon ay napako-sa-krus noong ikalabing-apat na araw ng buwan, ang araw ng Paskua, at pagkaraan ng tatlong araw Siya ay nabuhay-na-muli. Ang arka ay nabuhay-na-muli mula sa tubig ng kamatayan noong ikalabimpitong araw ng buwan. Ayon sa tala ng Genesis, ito ay noong ikapitong buwan ng taon, na pinalitan noong panahon ng Paskua na maging unang buwan ng taon, ayon sa sagradong kalendaryo ng mga Hudyo. Sa ibang salita, ang Panginoong Hesus ay nabuhay-na-muli sa gayunding araw at sa gayunding buwan nang ang arka ay nabuhay-na-muli mula sa tubig ng kamatayan. Nang lumabas ng arka si Noe at ang pitong iba pa, tumira sila sa bagong lupa. Ang mga nabuhay-na-muling tao ay tumira sa bagong lupa, at muli, sinagisag ng bagong lupa ang nabuhay-na-muling Kristo. Nang si Noe at ang pitong iba pang nabuhay-na-muling tao ay tumira sa bagong lupa, ito ay sumasagisag na sila ay tumira sa loob ni Kristo. Ngayon tayong lahat ay nabubuhay sa loob ni Kristo. Ang kalugud-lugod na sitwasyong ito ay hindi gaanong nagtagal, sapagka’t dumating si Satanas para pasamain at parumihing muli ang sangkatauhan. Gaya ng ipinahahayag sa Genesis 10, ginamit ni Satanas ang ama ni Nimrod, si Cush, upang itayo ang Babel. Ang pagpapasamâ at pagpaparumi ni Satanas kay Cush ay nangangahulugan na muling pinasamâ ni Satanas ang sangkatauhan. Sa mata ng Diyos, ang pinaruming sangkatauhang yaon ay naging kaisa ng lupain ng Caldea. Sa mata ng Diyos, ang sangkatauhan ay palaging may kaugnayan sa lupain. Kung babasahin ninyo ang kasaysayan ng Israel ayon sa pagkakatala sa Bibliya, makikita ninyo na palaging pinag-iisa ng Diyos ang Israel at ang lupain. Ang ilang mga bersikulo ay tumutukoy kapwa sa lupain at sa mga tao sapagka’t palaging itinuturing ng Diyos ang dalawa na isa (Isa. 1:7-9, 27). Kung ang mga tao sa U.S.A. ay masasama, nangangahulugan ito na ang U.S.A. ay masama. Kapag ang mga tao sa lupain ay narumihan, nangangahulugan ito na sa mata ng Diyos, ang lupain ay narumihan din. Hindi natin maihihiwalay ang mga tao mula sa lupain. ISANG NAKATAAS NA LUPAIN Noong panahon ng Babel, ang tao ay naging kaisa ng lupain ng Caldea. Dumating ang Diyos at tinawag si Abraham na lumabas sa napasamang Caldea, nangangahulugan na siya ay tinawag Niyang palabas mula sa napasamang sangkatauhan. Dinala ng Diyos si Abraham palabas ng lupaing yaon patungo sa isang nakataas na lupain, ang mabuting lupain ng Canaan. Ang lupain ng Canaan ay isang nakataas na lupain. Ayon sa heograpiya, ang lupain ng Canaan ay napaliligiran ng tubig, ng Dagat Mediteraneo, ng Patay na Dagat, at ng Ilog Jordan. Sinasagisag nito na ito ay isang lupain na lumabas mula sa tubig ng kamatayan at ito ay nakataas sa ibabaw nito. Ito ang lupaing sumasagisag kay Kristo kasama ang mga wastong tao ng Diyos. Sa mata ng Diyos, palagi Niyang itinuturing ang mabuting lupain, si Kristo, at ang Kanyang mga wastong tao na iisa. ANG SUKDULANG KAGANAPAN NG PAGPASOK Si Abraham ay pumasok sa mabuting lupain ng Canaan. Nang ang Kanyang mga inapo ay bumagsak palayo sa mabuting lupain, dinala sila ng Diyos palabas ng dakong pinagbagsakan nila at ibinalik sila sa mabuting lupain. Ano ang sukdulang kaganapan ng pagpasok ng mga anak ni Israel sa mabuting lupain? Ang templo. Sa isang banda, ang templo ay ang kahayagan ng Diyos, at, sa isang banda, ang templo ay ang kaharian, pamahalaan at pangasiwaan ng Diyos. Doon sa templo, makikita natin ang kahayagan ng Diyos at kaharian ng Diyos. Doon sa templo ang Diyos at ang lahat ng Kanyang mga tao ay makapagpapahinga at masisiyahan. Ang mabuting lupain ay isang kumbinasyon ng wastong lupa at ng wastong tao kasama ang tahanan ng Diyos na naitayo upang ihayag ang Diyos at isagawa ang Kanyang awtoridad sa sansinukob. Ito ang mabuting lupain. Sa Lumang Tipan nakikita natin ang isang maliit na larawan ng mabuting lupain: isang mataas na lupain na napaliligiran ng tubig ng kamatayan at napupunuan ng tahanan ng Diyos. Nasa lupaing yaon ang kahayagan at administrasyon ng Diyos. Ito ang maliit na larawan sa Lumang Tipan. Ang katuparan ng larawang ito ay matatagpuan sa Bagong Tipan. Sa katapus-tapusan, sa Bagong Tipan, ang Diyos ay magkakaroon ng isang bagong lupa. Hindi lamang Siya magkakaroon ng isang malawak na lupain bagkus ng isang buong bagong lupa rin, isang lupang nabuhay-na-muli at napasaibabaw ng lahat ng kamatayan. Sa bagong lupang ito ay wala nang dagat, wala nang kamatayan, at walang nang gabi (Apoc. 21:1, 4, 25). Lahat ng dagat, kamatayan, at gabi ay mawawala na magpakailanman, at magkakaroon ng isang malinis, malinaw, at tuyong lupa na may isang dalisay na ilog na umaagos dito. Ang Bagong Herusalem ay naroroon. Yaon ang magiging walang hanggang tirahan, kahayagan, at administrasyon ng Diyos. Doon ang Diyos ay lubusang mahahayag at ang Kanyang awtoridad ay ganap na maeensayo. Yaon ang magiging katuparan ng mabuting lupain. Nasaan ang ating mabuting lupain? Nasa bagong lupa. ISANG PAUNANG-TIKIM NG BAGONG HERUSALEM Purihin ang Panginoon na ang buhay-ekklesia ngayon ay isang paunang-tikim ng bagong lupa kasama ang Bagong Herusalem. Ang buhay-ekklesia ngayon ay ang bagong lupain. Maaaring luma na ang Anaheim, subali’t tayo ay nasa bago at mataas na lupain. Ito ay isang paunang-tikim ng darating na Bagong Herusalem. Hindi ba tayo nasa Bagong Herusalem ngayon? Tayo ay naroroon. Wala tayo sa ganap na pagtatamasa ng Bagong Herusalem, subali’t tayo ay nasa paunang-tikim na Bagong Herusalem, ang buhay-ekklesia. Ito ang ating mabuting lupain ngayon. Ang mga Hudyo ay mayroong lamang ng sagisag, ng paunang-larawan ng mabuting lupain. Sa Bagong Herusalem, magkakaroon ng katuparan at ng ganap na pagtatamasa ng mabuting lupain. Ang mayroon tayo ngayon sa buhay-ekklesia ay tunay, subali’t hindi pa ito ganap. Tayo ay nasa realidad, wala sa sagisag, subali’t ang realidad na ito ay ang paunang-tikim lamang. Sa kalikasan, ang paunang-tikim ay katulad na katulad ng sa ganap na pagtatamasa. Kaya, sa paunang-tikim, tayo ay nasa Bagong Herusalem at tayo ay nasa bagong lupa. Marami sa atin ay nasa dako (region) ng lumang relihiyon. Ang iba ay nasa Katolisismo at ang iba ay nasa Hudaismo. Nang kayo ay nasa lumang dako na yaon, sa inyong Caldea, mayroong ba kayong pandama na kayo ay nasa Bagong Herusalem? Mayroon ba kayong damdamin na tinitikman ninyo ang Bagong Herusalem. Ang tikim sa Bagong Herusalem ay pangunahing ang tubig na buháy at ang puno ng buhay. Sa Bagong Herusalem, ang ating tikim ay pangunahing yaong tubig na buháy para inumin natin at yaong puno ng buhay para kainin natin. Anong pag-inom ang natamasa natin mula nang tayo ay dumating sa buhay-ekklesia! Ang tubig na iniinum natin sa buhay-ekklesia ay nakahihigit kaysa sa anumang panlupang inumin. Walang anumang inumin sa lupa ang maihahambing sa inumin natin sa buhay-ekklesia. Higit pa rito, araw-araw, tinatamasa natin ang Panginoong Hesus bilang ating puno ng buhay. Sino ang maaaring maging kasing lugod at kasing saya natin? Tayo ay tunay na nasa paunang-tikim ng Bagong Herusalem. Natamasa ba ninyo ang tikim na ito nang kayo ay nasa Hudaismo? Mayroon ba kayong tikim ng Bagong Herusalem nang kayo ay nasa Katolisismo na nagsisindi ng mga kandila at nangungumpisal sa mga pari? Mayroon ba kayo niyaon nang nakaupo kayo sa mga bangko sa mga tinatawag na mga denominasyong Protestante? Mayroon ba kayo niyaon nang kayo ay nasa malalayang grupo kung saan nasumpungan ninyong napakadaling maging makipagtalo? Saan kayo magkakaroon ng tikim ng Bagong Herusalem? Tanging sa wastong buhay-ekklesia lamang. Para sa atin, ang buhay-ekklesia ay ang mabuting lupain. Sa mabuting lupaing ito, mayroon tayong tahanan, kapahingahan, kahayagan, awtoridad, kaharian, at kapamahalaan ng Diyos. Ang buhay-ekklesia ay ang kung saan lahat tayo ay makapagpahinga. Araw-araw ako ay nagpapahinga, hindi nagtatrabaho. Habang ako ay nagtatrabaho, nagtatamasa ako ng kapahingahan. Ito ang dahilan kung bakit mahirap akong mapata, mapagod, sapagka’t ako ay nagpapahinga, hindi nagtatrabaho. Bawa’t himaymay ng aking katawan at bawa’t patak ng aking dugo ay nagpapahinga. O, anong katamasahan ito! Ang buhay-ekklesia ay ang ating tunay na kapahingahan at katamasahan. Tiyak na tayo ay nasa mabuting lupain, sa lupaing binubukalan ng gatas at pulot. Ang gatas at pulot ay ang mga bunga ng dalawang uri ng buhay, buhay ng hayop at buhay ng halaman. Ito ay sumasagisag sa mayamang buhay ni Kristo. Ang buhay ni Kristo ay ang buhay ng hayop para sa pagtutubos at ang buhay ng halaman para sa pagsisilang-na-muli. Tayo ngayon ay nagtatamasa sa buhay-gatas at pulot na bumubukal sa mabuting lupain.
|