|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LABING-WALO ANG NATITIRANG SABBATH NA KAPAHINGAHAN Sa mensaheng ito, dumako tayo sa Sabbath na kapahingahan (4:9). Ano ang Sabbath na kapahingahan? Katulad ng natukoy ko na, naging mahirap para sa mga Kristiyano sa buong itinagal ng mga siglo, na maunawaan ang bagay ng mabuting lupain ng Canaan. Gayundin, hindi maunawaan nang husto ng mga Kristiyano ang Sabbath na kapahingahan na inihayag sa kapitulo apat ng Hebreo. Sinasabi ng ilan na ang Sabbath na kapahingahan sa kapitulong ito ay ang isang libong taon. Sinasabi nila na ang isang libong taong kaharian, isang panahon ng isang libong taon (Apoc. 20:4), ang magiging ikapitong isang libong taon, ang naunang anim na libong taon ay ang panahon mula sa panahon ng paglikha kay Adam hanggang sa panahon ng pagbabalik ng Panginoon. Ang konseptong ito ay batay sa katunayan na sa paningin ng Panginoon ang isang libong taon ay katulad ng isang araw (2 Ped. 3:8). Ayon sa mga may konseptong ganito, ang anim na araw ay nangangahulugang anim na libong taon, at ang ikapitong araw ay magiging ang ikapitong libo, ang Sabbath na kapahingahan sa isang libong taon. Kailanman, hindi nakasapat sa akin ang ganitong paliwanag. Ang sabihing ang Sabbath na kapahingahan sa 4:9 ay ang isang libong taong kaharian ay hindi lubusang eksakto, ito ay bahagya lamang na tama. I. ANG UNANG PAGBANGGIT SA SABBATH NA KAPAHINGAHAN Upang magkaroon ng wastong pagkaunawa sa Sabbath na kapahingahan, kailangan nating isaalang-alang ang unang pagbanggit dito sa Bibliya. Unang binabanggit ng Bibliya ang Sabbath na kapahingahan noong pagkatapos likhain ang tao (Gen. 2:2-3). Maraming Kristiyano ang tumitingin sa bagay na ito nang mababaw, ang nakikita lamang sa Sabbath ay ikapitong araw, ang araw na kung kailan nagpahinga ang Diyos matapos na makumpleto ang Kanyang gawain ng paglikha. Bagama’t tamang sabihin ito, kailangan nating tingnan ang mga nilalaman. Bakit hindi nagpahinga ang Diyos noong ikalimang araw? Maaaring sabihin ninyo na hindi Siya nagpahinga noong ikalimang araw sapagka’t hindi pa Niya natatapos ang Kanyang gawain. Yaon ay tama. Kung magkagayon, ano ang kulang ng Diyos? Napakamakahulugang makita kung ano ang kulang Niya. Ayon sa tala ng Genesis 1, nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kanyang salita, tinatawag ang mga bagay na di- umiiral na umiiral sa pamamagitan ng Kanyang salita. Subali’t ang paglikha sa tao ay hindi ginawa sa ganitong paraan. Hindi nilikha ng Diyos ang tao sa pagsasabi lamang “Tao,” at pinairal na ang sangkatauhan. Hindi, ginawa ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng alabok ng lupa (Gen. 2:7). Wala nang anumang bagay na ginawa sa pamamagitan ng anumang uri ng materyal na substansiya. Nang ninais ng Diyos ang liwanag, sinabi Niya, “Liwanag,” at nagkaroon ng liwanag. Gayunpaman, ang paglikha sa tao ay lubos na naiiba. Nang nilikha ng Diyos ang tao, hindi Niya tinawag ang mga bagay na di-umiiral na umiiral. Una, nagkaroon ng isang komperensiya ang Pamunuang-Diyos (Gen. 1:26) at pagkatapos gumamit Siya ng isang tiyak na materyal, ang alabok ng lupa, upang likhain ang tao. Kung hindi nalikha ang tao noong ikaanim na araw, hindi makapagpapahinga ang Diyos sa ikapitong araw bagama’t ang lahat ng iba pa ay nalikha na. Hindi ang pagkukumpleto ng gawain ang nagsanhi sa Diyos na mamahinga—yaon ay, ang paglikha sa tao. Pagkalikha ng Diyos sa tao, Siya ay nasiyahan at nakapahinga. Paano natin ito mapatutunayan? Sa lahat ng mga araw ng paglikha, maliban sa ikalawang araw, tiningnan ng Diyos ang Kanyang gawa at sinabi, “Mabuti.” Subali’t sa katapusan ng ikaanim na araw, pagkatapos likhain ang tao, nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na Kanyang ginawa at sinabi “Napakabuti” (Gen 1:31). Nang sinabi Niyang “Napakabuti,” nangangahulugan ito na Siya ay nasiyahan. Sa katapusan ng ikaanim na araw, pagkakita sa tao na nasa Kanyang wangis upang ihayag Siya at nabigyan ng Kanyang awtoridad upang kumatawan sa Kanya, ang Diyos ay nasiyahan at nagsabi, “Napakabuti.” Ang ating pag-aaral ng Bibliya ay lubhang naimpluwensiyahan ng ating relihiyosong pinanggalingan. Maging noong bago pa man natin basahin ang Bibliya, mayroon na tayong ilang mga konsepto hinggil dito. Ang mga konseptong ito ay nakasisira. Bago natin tingnan ang mga kulay na nasa Bibliya, nakapagsuot na tayo ng mga di-kulay na salamin sa mata (colored eyeglasses). Bilang resulta, hindi natin makita ang mga tunay na kulay na nasa mga Kasulatan. Dapat nating tanggalin ang ating mga salamin at tingnan ang Bibliya sa isang dalisay na paraan. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit kong sinasabi na dapat tayong bumalik sa dalisay na Salita at basahin muli ito at pag-aralan muli ito. Kailangan nating kalimutan kung ano ang narinig natin hinggil sa Genesis 1 noong nakaraan. Kung babasahin ninyong muli ang Genesis 1 at 2, makikita ninyo na namahinga ang Diyos noong ikapitong araw hindi dahil sa pangunahing ang Kanyang gawain ay natapos kundi dahil nakamit na Niya ang Kanyang ninanais. Ang ninais ng Diyos ay hindi isang natapos na gawa. Sa halip, gusto Niyang ang sangkatauhan ay nasa lupa na naghahayag at kumakatawan sa Kanya. Ito ang ninanais ng Kanyang puso. Hangga’t nakakamit ito ng Diyos, Siya ay nasisiyahan. Nasisiyahan ang puso ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tao sa lupa na naghahayag at kumakatawan sa Kanya. Nang nakamit na ito ng Diyos, namahinga na Siya noong ikapitong araw. II. ANG PAGKAWALA NG SABBATH NA KAPAHINGAHAN Nang ang tao ay nasira ng pagkatisod, ang kapahingahang ito ay nawala. Sa puntong ito, kailangan nating isaalang-alang ang Juan kapitulo lima, ang kaso ng pagpapasigla sa inutil na lalake. Sinasabi ng Juan 5:9, “At pagdaka ay gumaling ang lalake, at binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga ay araw ng Sabbath” (Salin sa Pagbabawi). Sa pagpapasigla sa inutil na lalake, gumawa ang Panginoon ng isang bagay na, ayon sa mga maka-Hudyong regulasyon, ay hindi pinahihintulutan sa araw ng Sabbath. Bilang resulta, inusig ng mga Hudyo ang Panginoong Hesus. Sinasabi ng bersikulo 16, “At dahil dito ay pinag-usig ng mga Hudyo si Hesus, at pinag-isipan Siyang patayin; sapagka’t ginawa Niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath” (Salin sa Pagbabawi). Sa araw ng Sabbath, iniisip nilang patayin si Hesus. Naniniwala ba kayo na ang sinumang naghahangad na pumatay ng isang tao ay makapagpapahinga? Sa palagay ba ninyo, lahat ng mga nang-uusig na Hudyong yaon ay may kapahingahan sa kanilang mga puso? Hindi ako naniniwala. Sa beriskulo 17, nakikita natin ang sagot ng Panginoon sa mga Hudyo: “Hanggang ngayon ay gumagawa ang Aking Ama, at Ako ay gumagawa” (Salin sa Pagbabawi). Para bang sinasabi ng Panginoon, “Tinutupad ninyo ang Sabbath, subali’t ang Aking Ama ay gumagawa. Ang Kanyang Sabbath noong ikapitong araw ay nawala sapagka’t ang tao ay nasira. Hangga’t hindi nababawi ang tao, ang Aking Ama ay gumagawa pa rin. Tingnan ninyo ang kawawang taong ito. Siya ay iniligaw, sinira, winasak, at pinasamâ ng kaaway ng Diyos. Paano makapagpapahinga ang Aking Ama? Maaari kayong makapagpahinga ayon sa inyong tradisyon, subali’t wala kayong tunay na kapahingahan. Habang sinasabi ninyong tinutupad ninyo ang Sabbath, hindi ninyo alam ang tunay na kahulugan ng Sabbath. Wala kayong kapahingahan, hindi ba? Ni ang Aking Ama man ay mayroong kapahingahan. Ang aking Ama ay gumagawa pa rin, at ako ay gumagawa rin. Kaya Ako naririto. Dumating ako rito upang gawin ang Aking gawain. Hindi ba ninyo alam na ang Sabbath ay nawala, ang Sabbath na kung saan ang Diyos ay nasiyahan ay nawala, sinira ng kaaway ng Diyos? Hindi ba ninyo alam na nawala sa Diyos ang Kanyang nakamit? Ang Aking Ama ay gumagawa hanggang ngayon. Mula pa noong Genesis 3, hindi tumitigil ang Aking Ama sa paggawa sapagka’t ang taong nakasiya sa Kanya ay nasira.” Gaano natin kailangang makintalan ng tunay na kahulugan ng Sabbath! Ang kahulugan ng Sabbath ay yaong nasisiyahan ang Diyos sa tao kapag hinahayag at kinakatawan Siya ng tao. Kapag may situwasyon kung saan inihahayag at ikinakatawan ng tao ang Diyos, ang araw na yaon ay ang Sabbath sa Diyos. III. ANG MABUTING LUPAIN BILANG ANG SABBATH NG KAPAHINGAHAN Ngayon, kailangan nating balikan ang bagay ng mabuting lupain. Bakit isang kapahingahan ang mabuting lupain? Nakapahinga ba ang mga anak ni Israel sa mabuting lupain? Mula sa araw na napasok nila ito, palagi silang nakikipaglaban. Kung gayon, bakit tinawag ng Diyos ang lupaing yaon na kapahingahan, kagaya ng ginawa Niya sa Deuteronomio 12:9? Sa mababaw na pagsasalita, sinasabi ng mga tao na ang mabuting lupain ng Canaan ay tinawag na kapahingahan sapagka’t ang mga tao ay gumawa ng kanilang mga tahanan doon at namalagi roon. Ang kaisipang ito ay may pagkanatural at mababaw. Ang lupain ay isang kapahingahan sapagka’t ang templo ay maitatayo roon. Doon, sa templo, makakamit ng Diyos ang Kanyang kahayagan at ang pagkatawan sa Kanya. Kapag ang Diyos ay inihahayag at ikinakatawan, may kasiyahan kapwa sa Diyos at sa tao, at iyon ang tunay na kapahingahan. IV. SI KRISTO BILANG SABBATH NA KAPAHINGAHAN SA TATLONG YUGTO Ang Sabbath na kapahingahan sa 4:9, na sinasagisag ng mabuting lupain ng Canaan (Deut. 12:9, Heb 4:8), ay si Kristo bilang ating kapahingahan. Si Kristo ay kapahingahan sa atin sa tatlong yugto. Sa panahon ng ekklesia, Siya, bilang ang makalangit na Kristo, ang Isang naghayag, kumakatawan, at nagbigay-kasiyahan sa Diyos at Siyang namamahinga mula sa Kanyang gawa at lumuluklok sa kanan ng Diyos sa mga kalangitan, ay ang kapahingahan sa atin sa ating espiritu (Mat. 11:28-29). Sa isang libong taong kaharian, pagkatapos alisin si Satanas mula sa lupa (Apoc 20:1-3), ang Diyos ay ihahayag, ikakatawan, at bibigyang-kasiyahan ni Kristo at ng mga mandaraig na banal. Pagkatapos si Kristo, kasama ang kaharian, ay magiging ang kapahingahan sa isang higit na puspos na paraan sa mga mandaraig na banal na siyang magiging mga kasamang-hari Niya (Apoc. 20:4, 6), at makikibahagi at magtatamasa ng Kanyang kapahingahan. Sa bagong langit at bagong lupa, matapos na ang lahat ng mga kaaway, kabilang ang kamatayan, ang huling kaaway, ay mapasuko sa Kanya (1 Cor. 15:24-27), ang Diyos ay lubusang mahahayag, maikakatawan, at masisiyahan sa pamamagitan ng lahat ng Kanyang mga tinubos sa loob ni Kristo. Sa panahong yaon si Kristo, bilang ang Isang gumagapi-sa-lahat, sa maluwalhating situwasyong yaon, ay magiging ang kapahingahan sa pinakapuspos na paraan sa lahat ng mga tinubos ng Diyos magpa-sawalang-hanggan. Kaya, ang Sabbath na kapahingahang binanggit sa 4:9 at sinagisag ng kapahingahan sa mabuting lupain ng Canaan ay dapat lamang sumakop sa naunang dalawang yugto ni Kristo bilang kapahingahan sa atin at hindi dapat sumaklaw sa ikatlong yugto. Ang kapahingahan sa naunang dalawang yugto ay isang gantimpala sa masisikap na naghahanap sa Kanya, na hindi lamang mga tinubos, bagkus ay mga nagtamasa rin sa Kanya sa isang ganap na paraan kung kaya sila ay naging mga mandaraig; samantalang ang kapahingahan sa ikatlong yugto ay hindi isang gantimpala, kundi ang pangkalahatang bahagi para sa lahat ng mga tinubos. Kaya, si Kristo bilang kapahingahan sa atin sa naunang dalawang yugto, lalung-lalo na sa ikalawang yugto, ay ang Sabbath na kapahingahang binanggit dito, ang kapahingahang natitira upang ating hangarin at pasukin nang masikap. Sa ikalawang yugto ni Kristo bilang kapahingahan sa atin, aangkinin ni Kristo ang buong lupa bilang Kanyang mana (Awit 2:8; Heb 2:5-6) para sa Kanyang kaharian sa isang libong taon (Apoc. 11:15). Lahat ng Kanyang mga mandaraig na tagasunod, na naghahangad at nagtatamasa sa Kanya bilang kanilang kapahingahan sa unang yugto, ay makikilahok sa Kanyang pamumuno sa panahong yaon (Apoc. 20:4, 6; 2 Tim. 2:12). Sa panahong yaon nila mamanahin ang lupa (Mat. 5:5; Awit 37:11). Ang ilan ay magkakaroon ng awtoridad sa sampung lunsod, ang ilan sa lima (Luk. 19:17, 19). Sa panahong yaon ay makikibahagi rin sila sa kagalakan ng kanilang Panginoon (Mat. 25:21, 23). Yaon ang magiging kapahingahan ng kaharian, na isinasagisag ng kapahingahan ng pagpasok sa mabuting lupain ng Canaan. Ang kapahingahan ng mabuting lupain ay ang gol ng lahat ng mga anak ni Israel na tinubos at iniligtas mula sa Ehipto; gayundin, ang kapahingahan ng darating na kaharian ay ang gol ng mga Bagong Tipang mananampalataya na tinubos at iniligtas mula sa sanlibutan. Ngayon tayong lahat ay nasa landas na patungo sa gol na ito. V. ISANG KAPAHINGAHAN KAPWA SA DIYOS AT SA TAO Nang namahinga ang Diyos noong ikapitong araw, namahinga rin si Adam. Gayundin, kapag walang kapahingahan ang Diyos, wala ring kapahingahan ang tao. Sa Juan kapitulo apat, ang Panginoong Hesus ay nagpapagal sapagka’t Siya ay gutom. Higit pa rito, Siya at ang babaeng Samaritana ay kapwa uhaw. Mayroon bang kapahingahan doon? Wala, walang kapahingahan sapagka’t hindi pa nakakamit ng Diyos ang tao para sa Kanyang kahayagan at para katawanin Siya. Kapag nakamit na ng Diyos ang tao upang maghayag at kumatawan sa Kanya saka lamang magkakaroon ng kapahingahan ang Diyos at tao. Kung sa buhay-ekklesia ngayon lahat ng mga kapatid ay lumalakad sa kanilang sariling daan at walang lumalakad sa daan ng Diyos, hindi magkakaroon ng kapahingahan, kahit na magsama-sama tayo sa isang napakaaktibong paraan. Sa gayong kaso, walang kagila-gilalas na buhay-ekklesia. Ang buhay-ekklesia ay isang buhay na kung saan ang tao ay nakamit ng Diyos sa lupa para maghayag at kumatawan sa Kanya. Kapag umiiral ang ganitong situwasyon, lahat tayo ay nakapagpapahinga sapagka’t masisiyahan ang Diyos na makita ang Kanyang Sarili na inihahayag at ikinakatawan sa pamamagitan ng isang grupo ng mga tao. Sa tuwing nagaganap ito sa lupa, napakaraming anghel sa kalangitan ang magagalak para sa kasiyahan ng Diyos. Paano natin nalalaman kung ang Diyos ay nasiyahan at nasa kapahingahan? Alam natin ito sapagka’t ang ating espiritu ay nasisiyahan. Ngayong alam na natin ang tunay na kahulugan ng Sabbath na kapahingahan: ito ay ang kasiyahan ng Diyos sa tao sa pagkakamit sa tao upang maghayag at kumatawan sa Kanya sa lupa. Kapag umiiral ang gayong situwasyon, yaon ay ang Sabbath, at kapwa ang Diyos at tao ay nasisiyahan at nakakapahinga. Ito ang Sabbath na kapahingahan. VI. ISANG PROPESIYA NG NATITIRANG SABBATH NA KAPAHINGAHAN Sa sagisag, ang Sabbath na kapahingahang ito ay ang mabuting lupain. Gayunpaman, sa katunayan ang kapahingahang ito ay hindi natanto ng mga anak ni Israel nang pumasok sila sa mabuting lupain. Kaya, ang mang-aawit ay nagpropesiya ng ukol sa isang natitirang Sabbath para sa bayan ng Diyos (Awit 95:7-11). Hinggil sa kapahingahan, sinipi ng aklat ng Hebreo ang Awit 95. Ano ang Sabbath na kapahingahang ito! Sa prinsipyo, ito ang situwasyon kung saan ang tao ay nakamit ng Diyos upang maghayag at kumatawan sa Kanya. Ang situwasyong ito ay hindi pa umiiral hangga’t hindi pa umiiral ang ekklesia. VII. ANG BUHAY-EKKLESIA BILANG KAPAHINGAHAN NG DIYOS Sa isang positibo at mabuting pakahulugan, ang wastong buhay-ekklesia ay ang kapahingahan ng Diyos. Ngayon mauunawaan na natin kung bakit binabalaan ng aklat ng Hebreo ang mga mananampalataya na huwag kaligtaan ang Sabbath, sinasabi sa kanila na maging masikap sa pagpasok dito. Ano ang Sabbath na ito? Ito ay ang wastong buhay-ekklesia. Parang sinasabi ng sumulat, “O mga Hebreong mananampalataya, huwag ninyong balikan ang pagtupad sa lumang Sabbath. Yaon ay nakaraan na. Sa Mga Awit, ang Diyos ay nagpropesiya ng isa pang araw, ang natitirang Sabbath na kapahingahan.” Kung maingat ninyong babasahin ang mga kapitulo tatlo at apat ng Hebreo, makikita ninyo itong pangakong natitirang Sabbath na kapahingahan. Ang dalawang kapitulong ito ay nagsasalita ng tungkol sa, “isa pang araw.” Ang “isa pang araw” na ito, ay ang “Ngayon.” (3:7, 13, 15; 4:7). Ang “isa pang araw” na ito, ang “Ngayon” ay ang ipinangakong Sabbath na kapahingahang natitira para sa atin. Sa wari ay sinasabi ng sumulat, “Mga Hebreong mananampalataya, huwag kayong magpakamangmang. Ang Sabbath na kapahingahang tinupad ng Diyos sa Genesis 2 ay nasira na at hindi na muling mangyayari. Sa mga Awit, nagtalaga ang Diyos ng isa pang araw, “Ngayon.” Ito ay ang natitirang Sabbath na kapahingahan para sa inyo. Dapat kayong pumasok dito.” Ano ang Sabbath na kapahingahang ito? Una, ito ay ang buhay-ekklesia. Dapat tayong pumasok sa buhay-ekklesia upang ang Diyos ay maihayag at maikatawan sa lupa ngayon, masiyahan, at makasumpong ng kapahingahan. Kapag nangyari ito, ang Diyos at tayo ay magkakaroon ng ating Sabbath na kapahingahan. Kung hindi tayo magbubuhay-ekklesia nang wasto, makakaligtaan natin ang kapahingahan. Gayunpaman, gaya ng makikita natin, hindi ito ang lubos na kahulugan ng Sabbath na kapahingahan sa Hebreo. Sa Mateo 11:28-29 sinabi ng Panginoon, “Pumarito sa Akin ang lahat ng mga nagpapagal at nabibigatan, at Ako ay magbibigay sa inyo ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang Aking pamatok at matuto kayo sa Akin; sapagka’t Ako ay maamo at may mapagkumbabang puso, at makasusumpong kayo ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa.” Maraming Kristiyano ang nakauunawa sa bersikulong ito sa isang napakababaw na paraan, iniisip na nangangahulugan ito na makasusumpong sila ng kaaliwan kapag sila ay nabibigatan at lumalapit sa Panginoong Hesus. Bagama’t maaaring mabisa ito sa inyo sa unang pagkakataon, maaaring hindi na ito maging mabisa pagkatapos. Kung kinukuha lamang ninyo ang Panginoon bilang inyong kapahingahan ayon sa inyong natural, makasariling konsepto, sa katapus-tapusan, ilalayo ng Panginoon ang Kanyang mukha sa inyo. Maraming Kristiyano ang nakaranas ng ganitong uri ng kaaliwan sa simula ng kanilang buhay-Kristiyano, nasumpungang hindi na ito naging mabisa kinalaunan. Bakit? Sapagka’t si Kristo ay hindi ang ating buhay at kapahingahan para sa ating indibiduwal na pagtatamasa kundi para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Kung nais ninyong tamasahin si Kristo bilang inyong kapahingahan, dapat kayong dumulog sa Kanya. Subali’t nasaan Siya? Saan tayo pumupunta upang makatagpo Siya? Dapat tayong pumunta sa ekklesia. Ang kapahingahan, na si Kristo mismo, ay nasa ekklesia. Bakit nasa ekklesia ang kapahingahang ito? Sapagka’t sa ekklesia, ang Diyos ay naihahayag at naikakatawan, at kung saan ang Diyos ay naihahayag at naikakatawan, naroroon ang Sabbath. Kung hindi ninyo paniniwalaan ito, subukin ninyong kunin ang sarili ninyong paraan at manalangin kay Kristo para sa kaaliwan. Kung lalayo kayo sa ekklesia, malamang na masusumpungan ninyo ang inyong sarili na hindi makapanalangin. Ngayon, mayroon lamang isang mabuting lupain—ang buhay-ekklesia. Ang ekklesia ngayon ay ang mabuting lupain sapagka’t sa ekklesia ang Diyos ay may Kanyang tirahan para sa Kanyang kahayagan at para sa pagkatawan sa Kanya. Ang trono, kaharian, at pamahalaan ng Diyos ay nasa ekklesia. Kaya, sa ekklesia nasisiyahan ang Diyos. Kung hindi Siya nasisiyahan doon, saan Siya nasisiyahan? May isa lamang situwasyon na makasisiya sa Diyos: isang situwasyon kung saan isang grupo ng mga tao ang Kanyang nakamit upang maging kahayagan at kinatawan Niya. Ang mga anghel ay walang ganitong pribilehiyo sapagka’t hindi sila inatasan upang maghayag at kumatawan sa Diyos. Subali’t tayo ay itinalaga at inatasan upang maghayag at kumatawan sa Kanya. Kaya, ang kasiyahan at kapahingahan ng Diyos ay nasa ekklesia. Bagama’t maraming Kristiyano ang tunay na ligtas, wala sila sa buhay-ekklesia. Gayundin, marami sa mga anak ni Israel ang naligtas sa panahon ng Paskua. Ipinahid nila ang dugo (sa itaas ng pinto at ng dalawang haligi ng pinto), kinain ang kordero, lumabas ng Ehipto, tinawid ang Dagat na Pula, at naligtas. Subali’t ilan sa kanila ang nakapasok sa kapahingahan? Kakaunti. Sa gayunding paraan, bagama’t napakaraming tunay na Kristiyano, yaong mga tunay na ligtas, kakaunti ang nasa buhay-ekklesia. Naniniwala ba kayo na ang lahat ng mga Kristiyano ay nasa mabuting lupain? Hindi, marami ang naglalakbay, at ang iba ay nananatili pa sa Ehipto, gumagawa ng mga makasanlibutang bagay gaya ng panonood ng mga sine. Yamang nanampalataya na sila sa Panginoong Hesus, hindi natin masasabi na hindi sila ligtas. Gayunpaman, sila ay nasa Ehipto o nasa ilang, wala sa mabuting lupain. Kailangan nating maging masikap upang magpatuloy na makapasok sa kapahingahan. Nasaan ang ating kapahingahan ngayon? Ito ay nasa buhay-ekklesia. VIII. ANG BUHAY-EKKLESIA BILANG ANG MATAAS NA EBANGHELYO Hindi lamang ang Diyos ang nagnanais na magpahinga sa buhay-ekklesia. Napakaraming di-mananampalatayang mga tao ang naglalakbay, hindi nasisiyahan sa pamamaraan ng kanilang buhay. Ito ang dahilan kung bakit natin kailangan ang wasto at mataas na buhay-ekklesia, ang buhay-ekklesia na magiging ang mataas na ebanghelyo para sa mga nauuhaw. Hindi ito isang bagay ng pagkakaroon ng isang pang-alas onse ng umaga ng linggong pagsamba; ito ay dapat maging ang wastong buhay-ekklesia kung saan ang Diyos at ang tao ay nasisiyahan. Kapag ang mga nagugutom at nauuhaw ay pumunta sa ganyang isang buhay-ekklesia, makikita nila na ito ang kanilang hinahanap, na ito ang kanilang ninanais, at kaagad silang papasok sa Sabbath na kapahingahan. Ang lahat ng mga mananampalataya rin naman ay dapat magsumikap na mapasok ang kapahingahang ito. Subali’t ngayon ang aklat ng Hebreo ay sarado sa karamihang Kristiyano, at walang sinumang hihipo rito. Dapat nating matanto lahat na ang aklat ng Hebreo ay isang bahagi ng ganap na ebanghelyo. Hayaan ninyong sabihin ko ang nasa aking puso: nais kong hikayatin ang lahat ng mga kabataang kapatid-na-lalake at babae na magtungo sa mga kampus upang magpahayag ng ebanghelyo ayon sa aklat ng Hebreo. Kailangang nilang humayo at magpahayag ng mataas na ebanghelyong ito para sa wastong pantaong buhay. Nang ako ay nagpapahayag ng ebanghelyo ilang taon na ang nakararaan, ang mga paborito kong mensahe ay ang tungkol sa kahulugan ng buhay, kawalang-kabuluhan, at pag-inom sa batis ng buhay. Noong Araw ng Bagong Taon ng 1932, nagpahayag ako na ang paksa ay ukol sa kawalang-kabuluhan (vanity). Pagkatapos kong magpahayag ng dalawangpung minuto pa lamang, napakarami nang mga taong tumayo bago pa matapos ang aking pagtawag sapagka’t nahipo ko ang kanilang panloob na damdamin, ang damdamin ng kawalang-kabuluhan sa loob ng kanilang katauhan. Bagama’t hindi ako gaanong nagpahayag hinggil sa kasalanan, sa katapus-tapusan, bawa’t isa ay nagsisi sa kanyang kasalanan. O, dapat tayong humayo sa mga uhaw na tao, sa mga gutom na tao, at magpahayag ng mataas na ebanghelyo ng buhay-ekklesia na makatutugon sa kagutuman at kauhawan sa kanilang mga buhay. Ang buhay-ekklesia ay dapat maging ang Sabbath na kapahingahan ngayon, ang mabuting lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
|