PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LABINSIYAM

ANG NATITIRANG SABBATH NA KAPAHINGAHAN
(2)

Sa nakaraang mensahe, nakita natin ang tunay na kahulugan ng Sabbath na kapahingahan, nakita na hindi lamang ito basta isang kapahingahan matapos makumpleto ang gawain bagkus ito ay nangangahulugang kasiyahan. Kung ang iyong ninanais ay hindi natugunan, hindi ka magkakaroon ng kasiyahan. Ang pinakamainam na kapahingahan, ang tunay na kapahingahan, ay ang matugunan ang ninanais ng ating puso. Kapag isinasaalang-alang natin itong bagay ng Sabbath na kapahingahan, dapat nating malaman kung ano ang nais ng puso ng Diyos. Mula sa simula ng Bibliya hanggang sa katapusan, makikita natin na ang nais ng Diyos ayon sa Kanyang walang hanggang plano ay ang maihayag at maikatawan ng tao ang Kanyang Sarili. Dahil dito nilikha Niya ang tao ayon sa Kanyang Sariling larawan at binigyan siya ng kapangyarihan sa lahat ng mga bagay (Gen. 1:26). Kapag ang tao ay nasa lupa na naghahayag at kumakatawan sa Kanya, ang naisin ng Diyos ay natutugunan. Kapag tayo ay nasisiyahan sa naisin ng ating Diyos, tayo ay namamahinga kahit na tayo ay nagpapagal at gumagawa. Nang unang banggitin ng Bibliya ang tao, nagsasabi ito ng tungkol sa larawan at kapangyarihan ng Diyos, nagpapakita na ang tao ay nakatalagang maghayag sa Diyos sa Kanyang larawan at kumatawan sa Diyos sa Kanyang kapangyarihan. Sa ibang salita, ang tao ay itinalaga na ng Diyos upang maghayag sa Kanya at kumatawan sa Kanya sa Kanyang larawan at kasama ang Kanyang awtoridad upang magtatag ng isang kaharian, isang dibinong kasasakupan, para sa pamumuno ng Diyos sa lupa. Ito ay malinaw na inilarawan sa Genesis 1.

Kapag dumako tayo sa katapusan ng Bibliya, pagkaraan ng mga siglo ng gawain ng Diyos ng paglikha, pagtutubos, pagtatransporma, at pagluluwalhati, makikita natin ang isang lunsod na may anyo ng Diyos. Ang Diyos na nakaupo sa trono ay may anyo ng jaspe (Apoc. 4:2-3), at ang buong lunsod ng Bagong Herusalem ay may anyo rin ng jaspe (Apoc. 21:11, 18a), sumasagisag na ang Diyos ay lubusang maihahayag sa at sa pamamagitan ng lunsod na yaon. Kapag minasdan ninyo ang lunsod na yaon, makikita ninyo ang Diyos. Doon sa Bagong Herusalem, ang Diyos ay lubusang maihahayag. Higit pa rito, ang sentro ng lunsod ay ang trono ng Diyos (Apoc. 22:1, 3), nagpapakita na ang kapangyarihan ng Diyos ay naroroon din. Sa Bagong Herusalem, ang larawan ng Diyos ay maihahayag at ang Kanyang awtoridad ay maisasagawa. Kaya, sa walang hanggang hinaharap sa bagong lupa, ang Bagong Herusalem ang magiging kumpletong kahayagan at kapangyarihan ng Diyos. Yaon ang magiging tunay na Sabbath na kapahingahan sa Diyos. Sa panahong yaon, ang Diyos ay lubusang makapapahinga sapagka’t ang naisin ng Kanyang puso ay matutugunan na nang kumpleto. Makakamit na Niya ang Kanyang ninanais. Ito ang tunay na kahulugan ng Sabbath na kapahingahan.

IX. ANG SABBATH NA KAPAHINGAHAN SA IBA’T IBANG KAPANAHUNAN

A. Ang Israel bilang Sabbath na kapahingahan ng Diyos

Batay sa pagkaunawang ito sa Sabbath na kapahingahan, makikita natin sa Bibliya ang iba’t ibang kapanahunan o panahon sa Sabbath na kapahingahan. Una, ang mga anak ni Israel sa Lumang Tipang kapanahunan ang Sabbath ng Diyos. Inihayag at kinatawan ng mga anak ni Israel ang Diyos sa lupa. Bagama’t maraming negatibong salaysay hinggil sa mga anak ni Israel sa Bibliya, gayunpaman, inihayag at kinatawan nila ang Diyos. Hindi lamang natin dapat tingnan ang madilim na panig ng kasaysayan ng mga anak ni Israel bagkus maging ang maliwanag na panig din. Nang ako ay isang batang Kristiyano, halos lahat ng narinig ko hinggil sa mga anak ni Israel ay negatibo. Sa kada mensahe, binabalaan tayong huwag maging kagaya ng Israel. Bilang resulta nito, nakintalan ako na ang malalim na ang aklat ng mga Bilang ay ang pinakamasamang aklat sa Bibliya. Pagkaraan ng maraming taon, nalaman ko na ang aklat ng Mga Bilang ay maluwalhati. Bagama’t may madilim na panig sa aklat na ito, mayroon ding maliwanag na panig. Halimbawa, ano ang nangyari nang kinuha si Balaam para sumpain ang Israel? Ayon sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pinamahalaan ng Diyos ang bagay na ito, at mula sa bibig ni Balaam ay lumabas ang mga pagpapala sa halip na mga sumpa. Sinabi ni Balaam, “Wala siyang nakitang kasamaan kay Jacob, ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel” (Blg. 23:21), at, “Pagkaiinam ng iyong mga tolda, O Jacob, at ang iyong mga tabernakulo, O Israel!” (Blg. 24:5).

Inihahayag ng Lumang Tipan na ang Israel, ang hinirang na bayan ng Diyos, ay naging kapahingahan ng Diyos, ang Kanyang Sabbath. Nakamtan ng Israel ang mabuting lupain, at ang mabuting lupaing yaon ay naging “ang lupain ni Emmanuel” (Isa. 8:8). Ang salitang Emmanuel ay nangangahulugang “sumasaatin ang Diyos.” Ang lupain ng Canaan ay tinawag na lupain ng Diyos kasama ang tao, ang lupain kung saan nakakasama ng Diyos ang tao. Mula nang makuha ng Diyos ang lupaing yaon sa pamamagitan ng mga anak ni Israel, ang mga anak ni Israel ay naging Kanyang Sabbath.

Sa katapus-tapusan, itinayo ng mga anak ni Israel ang templo para sa Diyos, at napuno ito ng shekinang kaluwalhatian ng Diyos (1 Hari 8:11). Nang araw na yaon, hindi lamang bumaba ang Diyos mula sa langit, bagkus pinuno ng Kanyang shekinang kaluwalhatian ang templo. Yaon ay higit na mahalaga kaysa sa paglikha ng Diyos sa lupa. Kung lilikhain lamang ng Diyos ang lupa subali’t hindi makamit ito at maitayo ang Kanyang templo, ang Kanyang tirahan dito, ano pa ang gamit ng lupa? Pagkatapos maitayo ang templo, masasabi ng Diyos, “Ngayon mayroon na Akong tirahan sa lupa.” Ang lupaing nakamtan ng mga anak ni Israel ay hindi lamang naging ang lupain ni Emmanuel, ang lupain ng Diyos kasama ang tao, bagkus ang dako rin kung saan itinayo ang tirahan ng Diyos. Ang kahayagan ng Diyos ay naroroon sa templo, na isang sagisag ng Israel bilang tirahan ng Diyos sa lupa. Nang ang templo ay naitayo at napuno ng kaluwalhatian ng Diyos, ang Diyos ay namahinga. Hindi ba kayo naniniwala na ang mga anak ni Israel ay nasa kapahingahan din? Oo, lahat sila ay namahingang kasama ng Diyos; yaon ay totoong isang Sabbath. Yamang lahat sila ay namahingang kasama ng Diyos, tiyak na tinupad nila ang Sabbath. Yaon ang unang yugto ng tunay na Sabbath na kapahingahan.

B. Si Hesus bilang Sabbath na kapahingahan ng Diyos

Sa Kanyang ekonomiya, ang Diyos ay palaging kumikilos sa paraang unti-unti. Una, nataglay ng Diyos si Adam at pagkatapos, unti-unti, nataglay Niya sina Abel, Enos, Enoc, Noe, Abraham na kasama ang kanyang mga inapo, at pagkatapos ay ang mga anak ni Israel. Subali’t hindi pa yaon ang katapusan. Pagkaraan nitong unti-unting pag-unlad, si Hesus, ang ikalawang tao, ay dumating. Nang mabautismuhan ang Panginoong Hesus, ang Diyos ay nalugod at nasiyahan, nagsasabing “Ito ang sinisinta Kong Anak, na Siya Kong kinalulugdan” Mat. 3:17). Nang sinabi iyon ng Diyos, Siya ay nalugod sa Kanyang Anak, nangangahulugan ito na Siya ay nasiyahan. Nang panahong yaon, ang Panginoong Hesus ay ang Sabbath na kapahingahan sa Diyos. Hindi lamang Diyos ang namahinga sa Kanya, bagkus napakarami sa mga nagsisunod sa Kanya ang namahinga rin sa Panginoong Hesus. Ang Panginoong Hesus ang Sabbath na kapahingahan sa Diyos at sa Kanyang mga tagasunod. Kapwa ang Diyos at ang Kanyang mga tagasunod ay namahinga sa Kanya.

C. Ang ekklesia, ang Pagpapalaki ni Kristo,
bilang Sabbath na Kapahingahan ng Diyos

Ang Ekklesia ay ang pagpapalaki at ang pagpapalawak ni Kristo. Kung si Kristo ang Sabbath ng Diyos, gaano pa kaya kalawak ang ekklesia bilang Kanyang Sabbath? Kung ang Israel ay Sabbath ng Diyos, kung gayon ang ekklesia ay higit na dapat na maging isang Sabbath sa Kanya. Kung ang Panginoong Hesus na nasa laman ay Sabbath ng Diyos, kung gayon ang ekklesia, ang Katawan ni Kristo, ay dapat na maging isang nakahihigit na Sabbath sa Diyos. Bagama’t narinig ko na kapag dumudulog tayo sa Panginoong Hesus mayroong tayong kapahingahan, hindi ko pa kailanman narinig na tayo ay magkakaroon din ng kapahingahan kapag tayo ay nasa ekklesia. Ngayon nais kong ipabatid sa inyo ang masayang balita na ang ekklesia ay ang inyong kapahingahan.

Walang lugar na kasing komportable kaysa sa ng inyong sariling tahanan. Hindi ba ang ekklesia ay inyong tahanan? Kung ang ekklesia ay inyong tahanan, kung gayon ang ekklesia ay tiyak na inyong kapahingahan. Hindi ba ang ekklesia ay bahay ng Diyos? Yamang ang ekklesia ay bahay ng Diyos (1 Tim. 3:15), kung gayon ang ekklesia ay ang kapahingahan ng Diyos sa ngayon.

Sa kapanahunang ito, ang kapanahunan ng ekklesia, si Kristo ang ating kapahingahan. Subali’t hindi ba ninyo natatanto na ang ekklesia ang pagpapalaki ni Kristo? Kung si Kristo ang ating kapahingahan, kung gayon ano ang ekklesia bilang pagpapalaki ni Kristo? Kung ang indibiduwal na Kristo ang ating kapahingahan, kung gayon ano ang sama-samang Kristo? Paano natin malilimutan ang napalaking Kristo o makakaligtaan ang sama-samang Kristo? Hindi lang indibiduwal na Kristo ang ating kapahingahan bagkus ang sama-samang Kristo rin. Hindi lamang ang Ulo bagkus ang Katawan din ay ating Sabbath na kapahingahan. Kamakailan, binigyan ako ng Panginoon ng kabigatan na nagsasabi, “Dapat kang humayo at sabihin mo sa Aking mga tao na ang ekklesia ang kanilang kapahingahan ngayon!” Hindi ko kailanman nakita nang napakalinaw kagaya ng sa mga araw an ito na ang ekklesia ay ang Sabbath na kapahingahan ngayon.

1. Sapagka’t ang Ekklesia ay ang Bagong Tao

Atin ngayong isaalang-alang ang mga dahilan kung bakit ang ekklesia ngayon ay ang Sabbath an kapahingahan. Una, ayon sa Genesis 1 at 2, upang magkaroon ang Diyos ng Kanyang Sabbath na kapahingahan, dapat Siyang magkaroon ng Kanyang kahayagan at kinatawan. Sa ibang salita, ang Sabbath ng Diyos ay nangangailangan ng tao ayon sa Kanyang sariling larawan na may Kanyang kapangyarihan. Kaagad pagkalikha sa unang tao, ang lumang tao, ang Diyos ay nagkaroon ng isang Sabbath sapagka’t ang Diyos ay nakakamit ng isang tao an maghahayag at kakatawan sa Kanya. Hindi ba dapat ding magkaroon ang Diyos ng kapahingahan pagkatapos likhain ang bagong tao? Ang ekklesia ay ang bagong tao (Efe 2:15; 4:24). Kung nagtamasa ang Diyos ng isang Sabbath an kapahingahan pagkatapos likhain ang lumang tao, dapat Siyang magkaroon ng isang higit an kapahingahan pagkatapos likhain ang bagong tao. Wala tayo sa kapanahunan ng paglikha sa lumang tao kundi nasa bagong kapanahunan, pagkatapos ng paglikha sa bagong tao. Ang Diyos ay may isang bagong sabbath sapagka’t nakakuha na Siya ng isang bagong tao na maghahayag at kakatawan sa Kanya. Ayon sa prinsipyong itinatag sa unang pagbanggit ng Sabbath na kapahingahan pagkatapos ng paglikha ng tao, dapat ay may isang bago at higit na mainam na Sabbath pagkatapos ng paglikha sa bagong tao. Tayo ay nasa bagong Sabbath na ito ngayon.

2. Sapagka’t ang Diyos ay Namamahinga sa Ekklesia

Ikalawa, sinabihan tayo nang malinaw sa Deuteronomio 12:9 na ang lupain ng Canaan ay isang kapahingahan sa Israel sapagka’t ito ay isang kapahingahan sa Diyos. Ang lupain ay ang kapahingahan ng Diyos sapagka’t doon mayroon Siyang tahanan at doon mailalagay Niya ang Kanyang pangalan (Deut. 12:5, 11). Ang pangalan ay ang persona Niya mismo. Nang sabihin ng Diyos na ilalagay Niya ang Kanyang pangalan doon, nangangahulugan ito na ilalagay Niya ang Kanyang Sarili roon. Nang sinabi ng Diyos na ang Kanyang pangalan ay mapapalagay doon, para bang sinasabi Niya na, “Ang pangalan Ko ay Ako Mismo. Ang manahan ang pangalan Ko roon ay nangangahulugang Ako ay mananahan doon. Ilalagay ko ang Aking Sarili roon at gagawa ng Aking tirahan doon. Ang dakong yaon ay magiging Aking tahanan, at ang Aking tahanan ay ang Aking kapahingahan.” Hindi ba ang ekklesia ang tirahan ng Diyos ngayon? Hindi ba ito ang bahay ng Diyos? Sinasabi sa 2:22 ng Efeso na ang tirahan ng Diyos ay nasa ating espiritu. Binabanggit ng 2:15 ang bagong tao at sinasalita ng Efeso 2:22 ang ukol sa tirahan ng Diyos. Kapwa sa bagong tao at sa tirahan mayroon dapat ng Sabbath na kapahingahan. Hindi ba ang ekklesia ay ang bagong tao? Hangga’t ang ekklesia ay ang bagong tao, mayroong tayong Sabbath. Hindi ba ang ekklesia ay ang tirahan ng Diyos? Habang ang ekklesia ay ang tirahan ng Diyos mayroon din tayong kapahingahan ng Diyos.

3. Sapagka’t ang Ekklesia ay ang Kaharian ng Diyos Ngayon

Upang magkaroon ng tirahan ang Diyos para sa Kanyang kahayagan, may pangangailangan sa pagsasagawa ng awtoridad ng Diyos. Sa Gen. 1:26 ang kapangyarihan ay sumusunod sa larawan at kaalinsabay nito. Nangangahulugan ito na ang kaharian ng Diyos ay kaalinsabay ng Kanyang kahayagan. Kung walang kaharian bilang isang bantay at proteksiyon, mahirap para sa kahayagan ng Diyos na umiral. Kung nasaan ang kahayagan ng Diyos, naroroon palagi ang kaharian ng Diyos. Hindi ba ang ekklesia ang kaharian ng Diyos ngayon? Oo, ang ekklesia, ay tiyak na ang kaharian ng Diyos ngayon.

Sinabi sa Juan 3:5, “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa iyo, maliban na ang tao ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos” (Salin sa Pagbabawi). Sa bersikulong ito nakikita natin na dinadala tayo ng pagkasilang-na-muli tungo sa kaharian ng Diyos. Gayunpaman sinasabi ng ilan na ang kaharian ng Diyos ay wala sa ngayon. Pinanghahawakan ng ilan ang konsepto na pagkatapos ng Mateo 13 ang kaharian ng Diyos ay nakabinbin. Ayon sa konseptong ito, pagkatapos ipakilala ng Panginoong Hesus ang kaharian sa mga Hudyo at tanggihan nila ito, ang kaharian ay nabinbin. Subali’t kung ito ay totoo, saan natin ilalagay ang Juan 3:5, na nagsasabing dinadala tayo ng pagsilang-na-muli tungo sa kaharian? Hindi ba kayo naipanganak-na-muli? Yamang tayo ay naipanganak-na-muli, dapat ay nasa kaharian tayo ng Diyos ngayon. Sinasabi sa atin ng Juan 3 na tayo ay ipinanganak-na-muli tungo sa kaharian ng Diyos. Kapag ang isang hayop ay ipinanganak, kaagad itong pumapasok sa kaharian ng mga hayop. Kapag ipinanganak ang isang tao, tiyak na siya ay ipinanganak sa pantaong kaharian. Tayo ay ipinanganak ng Diyos; kaya, ipinanganak tayo tungo sa kaharian ng Diyos. Hindi ba mayroon kayong dibinong buhay? Yamang mayroong tayong dibinong buhay, paano natin masasabi na wala tayo sa kaharian ng Diyos?

Hindi tayo dapat maimpluwensiyahan ng konsepto na ang kaharian ng Diyos ay wala rito at dapat nating hintayin ito. Bagama’t hindi ko sinasabi na ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa bawa’t pakahulugan o sa isang lubos na paraan, sinasabi ko ang kaharian ay dumating na. Habang sinasabi ng Mateo 6:10 na dapat tayong manalangin, “Dumating nawa ang Iyong kaharian,” ipinakikita naman ng Mateo 16:18-19 na ang kaharian ay dumarating kapag ang ekklesia ay naitayo.

Sa Mateo 16:18 sinabi ng Panginoong Hesus, “Itatayo Ko ang Aking ekklesia,” at sa kasunod na bersikulo Kanyang sinabi, “Ibibigay Ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng mga kalangitan.” Ipinakikita nito na ang mga salitang ekklesia at kaharian ay halinhinang ginamit, nagpapatunay na ang ekklesia ay ang kaharian at ang kaharian ay ang ekklesia rin. Nang gamitin ni Pedro ang mga susi upang buksan ang kaharian, yaon ang panahon kung kailan naitayo ang ekklesia. Bagama’t ang buong aklat ng Mateo ay tungkol sa kaharian, nagsasabi ito ng tungkol sa ekklesia kapwa sa mga kapitulo labing-anim at labing-walo. Sa Mateo 18:15-17 sinabihan tayo na kung ang isang kapatid na kung kanino ay may suliranin ay hindi makikinig sa atin, dapat nating “sabihin ito sa ekklesia” at dapat niyang “pakinggan ang ekklesia.” Kung hindi pakikinggan ng kapatid na yaon ang ekklesia, ipapalagay siya ng ekklesia bilang isang publikano o bilang isang Hentil na tao. Kaagad pagkasabi nito, nagsasalita ang Panginoong hinggil sa pagkakaroon ng ekklesia ng awtoridad na magtali at magkalag. Sa pamamagitan nito nakikita natin na ang buhay-ekklesia ang realidad ng kaharian.

Ang iba pang mga aklat ng Bagong Tipan ay naghahayag din an ang buhay-ekklesia ngayon ang kaharian. Sa Roma, isang aklat hinggil sa buhay-ekklesia, hindi sa kaharian, nakikita natin na ang kaharian ng Diyos ay ang buhay-ekklesia. Sinasabi sa Roma 14:17, “Ang kaharian ng Diyos ay...katuwiran at kapayapaan at kagalakan sa Espiritu Santo.” Ang buhay-ekklesia ngayon ay ang kaharian ng Diyos.

Ipinakikita rin sa atin ng aklat ng Efeso an ang ekklesia ngayon ay ang kaharian ng Diyos. Ang Efeso 2:15 ay nagsasabi ng tungkol sa bagong tao, ang Efeso 2:22 ay nagsasabi ng tungkol sa tahanan ng Diyos sa ating espiritu, at Efeso 3:21 ay nagsasabi ng tungkol sa ekklesia. Ang ekklesia bilang kaharian ng Diyos ay matatagpuan sa Efeso 5:5. Kaya, ang bagong tao ay tahanan, ang tahanan ay ang ekklesia, at ang ekklesia ay ang kaharian. Kaya, ang ekklesia ngayon ay ang kaharian ng Diyos. Sinasabi sa Hebreo 12:28 na tayo ay tumatanggap nitong kahariang hindi nayayanig. Hindi lamang natin hinihintay ito; nasimulan na nating tanggapin ito.

Nakikita natin ang gayunding bagay sa aklat ng Apocalipsis. Bagama’t maraming Kristiyano ang tumatangan sa konseptong ang kaharian ay hindi dumarating subali’t ito ay darating sa hinarahap, sinasabi ni Apostol Juan sa Apocalipsis 1:9, “Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong kasamang kabahagi sa kapighatian at kaharian at pagtitiis na nasa loob ni Hesu-Kristo.” Ipinakikita ng bersikulong ito na si Juan ay nasa kaharian na. Nang panahong yaon, ano ang kaharian para sa Kanya? Ayon sa mga sumunusod na bersikulo (10-13), ito ay ang ekklesia. Kaya, ang ekklesia ngayon ay ang kaharian kung saan ang awtoridad ng Diyos ay naisasagawa at naisasakatawan. Kung saan nakapaghahari ang Diyos, naroroon ang kapahingahan. Kaya ang ekklesia, bilang ang kaharian ng Diyos ngayon, ay ang Sabbath na kapahingahan ng Diyos. Yamang ang ekklesia ay may larawan ng Diyos at ang kaharian ng Diyos, ito ay isang Sabbath na kapahingan para sa Diyos.

X. ANG BAHAY NG DIYOS
BILANG ANG NATITIRANG SABBATH
NA KAPAHINGAHAN SA HEBREO

Sa puntong ito kailangan nating basahin ang Hebreo 3:6-7: “Subali’t si Kristo, bilang Anak na namamahala sa Kanyang sambahayan, na ang bahay Niya ay tayo, kung ating pakaiingatan ang kalakasang-loob at ang pagmamapuri sa pag-asa nang matibay hanggang sa katapusan. Kaya nga, gaya ng sinasabi ng Espiritu Santo, Ngayon kung marinig ninyo ang Kanyang tinig.” Sinasabi sa bersikulo 6 na tayo ang bahay ng Diyos at yaong ang Anak ng Diyos ay Siya ngayong namamahala sa sambahayan. Kung tatamasahin natin si Kristo, dapat ay nasa bahay tayo at maging bahagi ng sambahayan. Ang bersikulo 7 ay nagsisimula sa salitang “kaya nga,” nagpapakita na ito ay ang pagpapatuloy ng naunang bersikulo. Ang paggamit sa salitang “kaya nga,” upang pagdugtungin ang mga bersikulo 6 at 7 ay nangangahulugang dapat nating pamahalaan ang sambahayan ng Diyos, kung hindi, maiwawala natin ang Sabbath at hindi tayo makapapasok sa kapahingahan. Ang Hebreo 4:7, bilang isang pagpapatuloy ng 3:7, ay nagsasabi, “Muli Siyang nagtakda ng isang araw, Ngayon pagkatapos ng ilang panahon na sinabi sa mga awit ni David, ayon sa sinabi Niya noong una, Ngayon, kung marinig ninyo ang Kanyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.” Nagpapatuloy ang mga bersikulo 8 at 9 na nagsasabi, “Sapagka’t kung nadala sila ni Josue sa kapahingahan, hindi na sana Niya sinalita ang ukol sa ibang araw pagkatapos ng mga bagay na ito. May natitira pa ngang isang Sabbath na kapahingahan para sa bayan ng Diyos.” Kung pagsasama-samahin natin ang lahat ng mga bersikulong ito, makikita natin na ang Sabbath na kapahingahan ngayon ay ang bahay ng Diyos. Kung hindi tayo nananatili sa bahay ng Diyos, mawawala natin ang Sabbath na kapahingahan. Sa wari ay sinasabi ng manunulat sa mga Hebreong mananampalataya, “Ang inyong mga magulang sa ilang ay hindi nakinig sa salita ng Diyos. Kaya, pagkatapos niyaon, sa mga Awit, ang Espiritu ay nagtakda ng isa pang araw para makapasok kayo sa kapahingahan. Ano ang kapahingahang kinakailangan ninyong mapasok ngayon? Ito ay ang sambahayan ng Diyos sa ilalim ni Kristo, ang Anak ng Diyos.” Ang “kaya nga” sa 3:7 ay napakamahalaga. Kung wala tayo ng salitang ito rito, hindi natin makikita na ang Sabbath na kapahingahan ngayon ay ang sambahayan ng Diyos sa ilalim ng pangangalaga ng Anak ng Diyos.

Bagama’t libu-libong mga Kristiyano ang naligtas, napakarami pa sa kanila ang nasa ilang. Hindi pa sila kailanman nakapasok sa mabuting lupain. Ano ang mabuting lupain ngayon? Ito ay isang situwasyon kung saan mayroong tahanan ang Diyos kasama ang kaharian ng Diyos. Ito ay ang buhay-ekklesia. Ang ekklesia ay ang bahay ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, ang kaharian ng Diyos. Kaya, ang ekklesia ay ang mabuting lupain ngayon. Kung makakaligtaan natin ito, makakaligtaan natin ang Sabbath na kapahingahan ngayon.

Kung ilang taon kong pinag-iisipan ang hinggil sa Sabbath na kapahingahan sa Hebreo 4, na hindi nasisiyahan sa lahat ng mga interpretasyon nito na aking narinig. Subali’t ngayon, pagkakita na ang ekklesia ay ang Sabbath na kapahingahan ngayon, ako ay lubusang nasisiyahan at nakapapahinga hinggil sa bagay na ito. Ang sambahayan ng Diyos sa ilalim ng pangangalaga ng Anak ng Diyos ay ang ating kapahingahan, tahanan, bayan, lupain ni Emmanuel, at mabuting lupain na binubukalan ng gatas at pulot.

Sa Mateo 11:28-30 sinabi ng Panginoon na kung tayo ay nabibigatan at paroroon sa Kanya, Siya ang magiging ating kapahingahan, at sa Mateo 12:8 sinabi Niya na Siya ang Panginoon ng Sabbath. Nasaan itong Kristo na ating kapahingahan at Panginoon ng Sabbath? Siya ay nasa ekklesia. Kung kukunin natin si Kristo bilang ating kapahingahan, dapat ay nasa ekklesia tayo. Malinaw na binabanggit ng aklat ng Apocalipsis na ang Kristong ito, ang nagpapaloob-ng-lahat na Isa, ang naglalakad ngayon sa gitna ng mga ekklesia. Hindi lamang Siya naglalakad sa gitna ng mga ekklesia, bagkus gaya ng inihahayag ng Apocalipsis 2 at 3, Siya ang Espiritung nagsasalita sa mga ekklesia. Kung nais ninyong hipuin Siya, tamasahin Siya, at bumahagi sa Kanya bilang inyong kapahingahan, kailangang kayo ay nasa ekklesia. Ang ekklesia ay ang ating Sabbath na kapahingahan ngayon. Kung gagamitin ninyo ang konseptong ito sa lahat ng mga bersikulo sa Isaias hinggil sa Sabbath, makikita ninyo kung gaano ito kamakahulugan. Paano natin tinutupad ang Sabbath ngayon? Sa pagkakaroon ng buhay-ekklesia. O gaano nating kailangang magkaroon ng buhay-ekklesia! Tayo ang tunay na tagatupad ng Sabbath; tinutupad natin ang Sabbath sa araw-araw. Anong Sabbath ang tinatamasa natin ngayon! Anong kapahingahan ito!

Sa aklat ng Hebreo ang ekklesia ay binanggit nang maikli subali’t malakas. Sinasabi sa Hebreo 2:12 “Ipapahayag Ko ang Iyong pangalan sa Aking mga kapatid; sa gitna ng ekklesia ay aawit Ako ng mga himno ng papuri sa iyo.” Ang ekklesia ay ang lugar kung saan maihahayag ng Panganay na Anak ng Diyos ang Ama sa Kanyang mga kapatid at kung saan makaaawit ng mga papuri sa Ama. Ito ay hindi isang maliit na bagay. Marami sa atin ang makapagpapatotoo na bago tayo mapapunta sa buhay-ekklesia, may kung ilang taon tayo sa ating kinaroroonan na walang pagkatanto na ipinapahayag ng Anak ng Diyos ang Ama sa atin o umaawit Siya ng mga papuri sa Ama sa gitna natin. Bagama’t nakadalo na kayo sa maraming tinatawag na mga pangKristiyanong serbisyo (Christian Service), nagkaroon na ba kayo ng pandama na kung saan kayo naroroon ang Anak ng Diyos ay nagpupuri sa Ama sa inyong kalagitnaan? Subali’t paano naman ngayon sa mga pagpupulong ng ekklesia? Pagpupulong kada pagpupulong, mayroong tayong pandama na ipinapahayag ng Panginoon ang buhay, ang realidad, ng Ama. Sa tuwing tayo ay sama-samang nagkakatipon, mayroon tayong pandama na ang Panginoon ay nasisiyahan sa atin, na ang Anak ng Diyos ay nagpupuri sa Ama. Ito ang Sabbath na kapahingahan.

Sa Hebreo 2 mayroon tayong ekklesia kung saan nagpupuri ang Anak ng Diyos sa Ama, at sa kapitulo tatlo mayroon tayong sambahayan ng Diyos na mahusay na pinangangalagaan ng Anak ng Diyos. Ang ekklesiang ito, ang sambahayang ito, ay ang Sabbath na kapahingahan. Pagkatapos banggitin ang dalawang bagay na ito sa mga kapitulo dalawa at tatlo, ang sumulat ng Hebreo ay nagsasalita tungkol sa natitirang Sabbath na kapahingahan sa kapitulo apat, nagsasabi sa atin na kailangan nating “magsipagsikap na makapasok sa kapahingahang yaon” (b. 11). Ano ang Sabbath, ang mabuting lupain, na binanggit dito? Ito ay ang buhay-ekklesia, ang sambahayan ng Diyos, ang ekklesia kung saan nagpupuri ang Anak ng Diyos sa Ama, at ang sambahayan ng Diyos na pinangangalagaan ng Anak ng Diyos. Ang “kaya nga” sa simula ng 3:7, na nag-uugnay, gaya ng nakita na natin, sa sambahayan ng Diyos sa kapitulo tatlo sa Sabbath na kapahingahan sa kapitulo apat, ay isang malakas na katibayan na ang buhay-ekklesia ay ang Sabbath na kapahingahan ngayon. Lahat tayo ay dapat magsumikap na makapasok dito, at minsang napasok na natin ito, hindi natin ito dapat lisanin.

XI. ISANG BABALA HINGGIL SA PAGTANGAN SA MGA MAPAGTUTOL NA OPINYON AT PAGBITIW SA SABBATH NA KAPAHINGAHAN

Si Bernabe ay isang paglalarawan ng isang tao na binitiwan ang Sabbath na kapahingahan. Dinala ni Bernabe si Apostol Pablo sa kanyang ministeryo at may kung ilang panahon ding siya ay isang apostol na kasamang gumagawa ni Pablo (Gawa 9:26-27; 11:25-26; 13:2; 14:14). Gayunpaman, sa katapus-tapusan, nakipagtalo si Bernabe kay Pablo at humiwalay sa kanya, isinama si Marcos sa kanya, at nagsarili ng kanyang lakad samantalang humayo naman si Pablo kasama si Silas upang magtatag ng mga ekklesia (Gawa 15:36-41). Mula sa puntong ito, wala nang tala pa hinggil kay Bernabe sa aklat ng Mga Gawa, sapagka’t tapos na siya sa Sabbath na kapahingahan ng buhay-ekklesia. Nakapasok si Bernabe sa Sabbath na kapahingahan at nanatili roon nang kung ilang panahon, subali’t nilisan niya ito sapagka’t siya ay tumangan sa mga mapagtutol na opinyon. Pagkatapos niyaon, wala na siya sa Sabbath na kapahingahan at wala na sa dibinong ekonomiya.

Sa Roma 16:17-20 mayroon tayong isang babala hinggil sa bagay ng pagtangan sa mga mapagtutol na opinyon. Sinasabi sa bersikulo 17, “Ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na maingat ninyong bantayan ang mga yaong gumagawa ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisurang laban sa mga pagtuturo na inyong nangapag-aralan, at kayo ay magsilayo sa kanila (Salin sa Pagbabawi). Ang mga sanhi ng katitisuran dito ay tumutukoy sa pag-alis sa buhay-ekklesia. Ang gayong mga pagkakabaha-bahagi at mga katitisuran ay maglalayo sa atin sa Sabbath na kapahingan. Ang ganitong bagay ay hindi lamang nangyayari ngayon bagkus nangyari rin maging noong panahon ni Pablo. Kung susuriin ninyo yaong mga sumasalungat sa buhay-ekklesia o yaong mga may mapagtutol na opinyon dito ngayon, masusumpungan ninyo na walang kapahingahan ang sinuman sa kanila. Wala silang kaga- lakan o kapayapaan, paninibugho lamang, sapagka’t wala sila sa Sabbath, wala sa mabuting lupain. Makakaligtaan ng sinumang may mga mapagtutol na opinyon laban sa buhay-ekklesia at sumasalungat dito, ang Sabbath na kapahingahan. Sa Roma 16:18 nagpapatuloy si Pablo, Sapagka’t ang mga gayong tao ay hindi nagsisipaglingkod sa ating Panginoong Kristo, kundi sa kanilang mga sariling tiyan; at sa pamamagitan ng mahuhusay at maiinam na pananalumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay” (Salin sa Pagbabawi). Itong mga tumatangan ng mga mapagtutol na opinyon ay may isang panlasa, naisin, at katakawan sa kanilang sariling maliit na kaharian at emperyo. Huwag kayong makinig sa kanilang mga pagtatalo at mga dahilan. Ang pangunahing salik nila ay ang kanilang tiyan. Gutom sila sa isang bagay, sapagka’t may isang puwang sa loob nila. Naghahanap sila ng isang bagay na makasisiya sa kanilang naisin. Yaon ang kahulugan ng salitang tiyan sa bersikulong ito. Itong mga tumatangan ng mga mapagtutol na opinyon ay gumagamit ng mahuhusay at maiinam na pananalumpati, dinadaya ang mga puso ng mga walang malay. Pagkatapos, tiyak na tumutukoy ang bersikulo 20 sa Sabbath na kapahingahan. “At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa lalong madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya ng ating Panginoong Hesus ay sumainyo” (Salin sa Pagbabawi). Kapag ang Diyos ng kapayapaan ay naroroon at si Satanas ay nadurog, tiyak na yaon ay ang Sabbath na kapahingahan. Ang biyaya ng Panginoon ay tumutukoy rin sa kapahingahan. Hindi tayo dapat magambala ng mga tumatangan ng mga mapagtutol na opinyon kundi manatili sa ekklesia at magtamasa sa Sabbath na kapahingahan. Ang ekklesia ay ang naisin ng Diyos ngayon. Kaya, ito ay ang Sabbath na kapahingahan ng Diyos.

 

 

Mga Nilalaman