PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE DALAWA

ANG DIYOS AY NAGSALITA

Ang aklat ng Hebreo ay nagsimula sa pagsasalita ng Diyos. Ang dibinong pagsasalita ay ang pambungad na punto ng aklat na ito. Ang Diyos ay nagsalita! Purihin Siya! Lubusang hindi isang maliit na bagay na ang Diyos ay nagsalita. Kung walang pagsasalita ang Diyos ay mahiwaga. Subali’t ipinahayag Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang pagsasalita. Siya ay hindi na mahiwaga. Ngayon Siya ay ang naihayag na Diyos.

Ang diin ng aklat na ito ay ang Diyos, hindi ang tao, ay nagsalita. Kaya, hindi nito binabanggit kung sino ang manunulat ng aklat na ito, o maging sa lahat ng mga talata nito mula sa Lumang Tipan, ay hindi nito binanggit ang pangalan ng tagapagsalita. Ayon sa konsepto ng aklat na ito, ang buong Kasulatan ay ang pagsasalita ng Diyos. Kaya, kapag ito ay tumutukoy sa Lumang Tipan, lagi nitong sinasabi na ito ay ang pagsasalita ng Espiritu Santo (3:7; 9:8; 10:15-17).

Kailangan nating isaalang-alang ang bagay na ito ng pagsasalita ng Diyos. Kung may isang Diyos sa sansinukob, ano ang magiging unang bagay na gagawin Niya? Sigurado, bago Niya gawin ang anumang bagay, Siya ay magsasalita. Kung ang Diyos ay buhay, siguradong Siya ay magsasalita. Kung Siya ay tunay, ang Kanyang pagsasalita ay nagpapatotoo ng Kanyang pagiging totoo. Kung Siya ay gumagalaw, gagalaw Siya sa pamamagitan ng pagsasalita. Kung Siya ay gumagawa, siguradong gagawa Siya sa pamamagitan ng pagsasalita.

Ang isang buhay na tao ay isang nagsasalitang tao. Kung ikaw ay isang buhay na tao, hindi ako naniniwala na kaya mong tumahimik kahit na isang oras lamang. Kung ikaw ay mag-isa sa bahay, malalaman mo na kailangan mong magsalita. Kung hindi ka magsasalita sa mga anghel, maaari kang magsalita sa isang bagay o sa iyong sarili. Ang isang buhay na tao ay kailangang magsalita.

Ang ating Diyos ay buhay! Kaya ang ating Diyos ay nagsasalita, at ang Kanyang pagsasalita ay nagpapatotoo na Siya ay buhay. Alam natin na ang ating Diyos ay buhay sapagka’t Siya ay nagsasalita. Napakamangmang na sabihing walang Diyos! Hindi mo pa ba narinig ang Kanyang pagsasalita? Ang Diyos ay nagsalita! Mula sa walang hanggan, ang nagsasalitang Diyos na ito ay nagsalita ng milyong ulit. Kung hindi Siya kailanman nagsalita, saan kaya nagmula ang Bibliya? Walang makapagkakaila sa karunungang ipinahayag sa Bibliya. Kung hindi bawa’t pangungusap, kahit papaano ay napakaraming pangungusap sa Bibliya ang hindi kailanman maaaring magmula sa isang pantaong kaisipan. Isang dakilang pilosopong Pranses ang nagsabi na kung ang apat na ebanghelyo ay mga kasinungalingan at walang Kristo, ang taong nagsulat ng mga ebanghelyo ay lubusang kwalipikadong maging Kristo. Kung hindi ka naniniwala na ang manunulat ng mga ebanghelyo ay kwalipikadong maging Kristo, ay subukin mong magsulat ng ganitong mga aklat. Sino ang makapagsasalita ng mga salita sa ganitong kalawak at karunong na paraan? Si Pedro ay isang Galileong mangingisda at si Juan ay isang manghahayuma (mender) ng lambat. Hindi sila nagtapos sa isang unibersidad. Saan nila nakuha ang kanilang karunungan? “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos...Nasa Kanya ang buhay at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao” (Juan 1:1, 4). Sino ang nakapagsasalita ng ganoong kasimple gayunpaman ay napakalalim na mga salita? Siguradong hindi isang maliit na manghahayuma ng mga lambat mula sa Galilea. Tanging ang Diyos Mismo ang nakapagsasalita sa ganitong paraan. Paano mo masasabi na walang Diyos? Makakatagpo ka ba ng isa pang aklat na maihahambing sa Bibliya? Walang anumang aklat ang maihahambing dito. Ang Bibliya ay ang aklat sa gitna ng lahat ng mga aklat sapagka’t ito ay nagtataglay ng malalim na karunungan.

Ang Bibliya ay nagtataglay din ng liwanag. Walang anumang aklat ang nakapagbibigay liwanag sa mga tao na katulad ng aklat na ito. Marami sa inyo na nagbabasa ng mga mensaheng ito ay pawang mga may pinag-aralan. Nakapagbasa na kayo ng maraming aklat at diyaryo. Maaari bang sabihin ninyo sa akin, naliwanagan ba kayo ng anuman sa mga aklat na iyon o diyaryo? Tuwing ang mga tao ay nagbabasa ng diyaryo, sila ay nadidiliman, nalalambungan, nadodroga, nahihibang, at nalilito. Gayunpaman, napakarami sa atin ang makapagpapatotoo na tuwing tayo ay dumudulog sa Bibliya, anumang kapitulo, ang liwanag ay sumisilay sa atin. Ang liwanag ay maaari pang sumilay sa mga bersikulong tulad ng Genesis 3:1, isang bersikulo na nagsasalita tungkol sa ulupong. Maaaring ang liwanag ay hindi sumilay kaagad sapagka’t ikaw ay hindi handa. Ang liwanag ay handang sumilay, subali’t hindi ka handa na magbukas dito. Sa katapusan, gayunpaman, ang liwanag ay dumarating.

Gamitin natin ang Genesis 3:1 bilang isang halimbawa. “Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Diyos.” Isang umaga, isang batang kapatid na babae ang nagbasa sa bersikulong ito at pumasok ito sa loob niya. Habang binabasa niya ang bersikulong iyon sa umagang-umaga, siya ay walang pagkakatanto tungkol doon. Sa kalaunan sa araw, isa sa kanyang mga kaeskuwela ang lumapit sa kanya na may isang uri ng panunukso. Kaagad, ang salita ay dumating sa batang kapatid na babaeng ito, “Ang ahas nga ay lalong tuso.” Mas lalong nagsasalita ang kanyang kaeskuwela, mas lalong dumarating ang salitang ito sa kanya. Sa katapusan, sinabi ng kapatid na ito sa kanyang sarili. “Maliit na ahas, lumayo ka sa akin.” Sa buong panahon ng aking ministeryo ay nakarinig ako ng daan-daang ganitong uri ng patotoo.

Ang mga tao ay naliliwanagan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Dibinong Salita. Makapagpapatotoo ba ang sinuman na siya ay naliwanagan bilang resulta ng pagbabasa ng isang magasin o diyaryo? Walang mga gayong patotoo, sapagka’t ang mga gayong sulatin ay hindi Salita ng Diyos. Subali’t ang buong Bibliya ay isang komposisyon ng pagsasalita ng Diyos. Kung ilalagay mo ang salitang Satanas sa isang diyaryo, ito ay walang kahulugan, subali’t kapag binasa mo ito sa Bibliya, lalung-lalo na kung ibabasa-dalangin mo ito, ikaw ay maliliwanagan at si Satanas ay maihahantad.

Maraming beses tayo ay hindi lamang naliliwanagan ng Salita, bagkus ay nabibigyang buhay, napapasigla at nabubuhayan din. Subukan mong idalangin ang mga salita sa isang diyaryo at tingnan mo kung ano ang mangyayari. Mas lalo mong inuulit ang mga salita, mas lalo kang madidiliman at mamamatay. Gayunpaman, kapag binasa dalangin mo ang Bibliya, ikaw ay mabubuhayan. Ito ay isang malakas na patotoo na ang Banal na Bibliya ay pagsasalita ng Diyos. Ang Diyos ay nagsalita! Mahigit pa sa isandaang ulit na nakakita ako ng mga napakamakasalanang naligtas sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng isang bersikulo sa Bibliya. Sa isang iglap ang kanilang buong buhay ay nabago. Yaon ay ang resulta ng paggawa ng Banal na Salita.

Ang Diyos ay nagsalita at Siya ay nagsasalita pa rin ngayon. Siya ay nagsasalita sa iyong puso at sa iyong espiritu. Paano natin nalalaman na ang ating Diyos ay buhay? Sapagka’t Siya ay nagsasalita sa atin. Paano natin nalalaman na Siya ay kumikilos at gumagawa? Sapagka’t Siya ay nagsasalita. Isaalang-alang mo ang iyong karanasan sa nakaraang apat-na-put walong oras. Masasabi mo ba na sa panahong yaon ay hindi nagsalita ang Diyos sa iyo? Marami sa atin ang makapagpapatotoo na sa nakaraang apat-na-pu’t walong oras ay narinig natin ang pagsasalita ng Diyos. Alam natin na Siya ay tunay, buhay, at kumikilos sapagka’t Siya ay nagsasalita. Nasaan ang Diyos? Ang Diyos ay nasa Kanyang pagsasalita. Siya ay nagsasalita araw-araw.

Ano ang pagsasalita ng Diyos? Ang pagsasalita ng Diyos ay hindi lamang ang Salita: ito rin ay ang Kanyang paghinga. Kapag ang Diyos ay nagsasalita, inihihinga Niya ang Kanyang Sarili sa loob natin. Tuwing ang Diyos ay nagsasalita sa iyo, Siya ay pumapasok sa loob mo. Kaya, tuwing nakikinig ka sa pagsasalita ng Diyos o kinukuha ang Salita ng Diyos, ikaw ay nauugnay sa Diyos. Ginagambala Niya tayo nang palagi sa pamamagitan ng Kanyang pagsasalita. Hindi ko alam kung ilang beses akong nagambala Niya. Kung ayaw mong maugnay sa Diyos, mas mabuting sarhan mo ang iyong mga tainga tuwing Siya ay magsasalita. Ang Kanyang pagsasalita ay hindi nagbabago. Hindi Niya kailanman lulunukin ang Kanyang mga salita. Kapag inihinga Niya palabas ang Kanyang Salita, hindi Niya kailanman babawiin ito. Ipagpalagay na Sinabi sa iyo ng Diyos, “Pumunta ka sa asawa mo at humingi ng paumanhin sa kanya.” Maaaring makipagtalo ka pa, na sinasabi, “Bakit ako kailangang pumunta sa kanya at humingi ng paumanhin? Hindi ko magagawa ito.” Subali’t ang salita ay patuloy na dumarating sa iyo, “Humayo ka at humingi ng paumanhin.” Ang ilan na hindi sumunod sa ganitong salita mula sa Panginoon ay nagpatotoo na maging sa kanilang panaginip ay naihayag ng mga ito ang Kanyang salita na humayo at humingi ng paumanhin. Ang asawang babae ay nagigising at sinasabi, “Ano ang ibig mong sabihin: Humayo at humingi ng tawad?” Ang Diyos ay nagsalita sa kapatid na iyon na humayo at humingi ng tawad sa kanyang asawa. Hindi niya ginawa ito. Kaya sa katapusan sa kanyang mga panaginip ay sinalita niya ang mga salitang, “Humayo at humingi ng paumanhin.” Ang pagsasalita ng Diyos ay di-nagbabago. Noong 1925 ay nagsimulang marinig ko ang pagsasalita ng Panginoon sa akin. Bagama’t sa walong taon ay hindi ko Siya sinunod, ang salitang yaon ay hindi lumisan sa akin. Linggo kada linggo, nakipagtalo ako sa Diyos at nangatuwiran sa Kanya. Sinabi ko sa Kanya “Hindi. Hindi ko magagawa iyan.” Hindi Siya nakipagtalo sa akin. Kapag ako ay nagdahilan, Siya ay tahimik. Kapag ang pagdadahilan ko ay tumigil, Siya ay nagsisimulang magsalitang muli. Sinabi ko, “Panginoon, narinig ko na ito.” Gayunpaman, bagama’t hindi Siya nagsasalita ng isang salita kapag ako ay nakikipagtalo sa Kanya, kapag ako ay tahimik, Siya ay nagsalitang muli at muli sa loob ng walong taon. Sa katapusan ay wala akong magawa kundi ang makinig sa Kanya at sumuko. Sumunod ako at ang pagsasalita ay tumigil. Kapag tayo ay sumusunod, ang pagsasalitang ito ay tumitigil.

Kapag ang Salita ng Diyos ay lumabas sa Kanyang bibig, walang makapagpapabalik nito sa Kanya. Kung hindi ka susunod sa kung ano ang sinasabi ng Diyos sa buhay na ito, susundin mo ito sa susunod. Ang lahat ng sangkatauhan ay maniniwala sa sinabi ng Diyos. Kung hindi nila paniniwalaan ito ngayon, paniniwalaan nila ito sa walang hanggan.

Ang Diyos ay nagsalita at patuloy na nagsasalita. Alam natin na ang ating Diyos ay tunay dahil Siya ay nagsasalita. Paano natin nalalaman na ang Diyos ay gumagawa sa Kanyang pagbabawi? Dahil Siya ay nagsasalita. Bagama’t ako ay naging isang Kristiyano sa maraming taon, hindi ko kailanman narinig ang ganitong karaming pagsasalita ng Diyos na tulad sa gitna natin ngayon. Ang 1 Samuel 3:1 ay nagsasabi na ang salita ng Panginoon ay madalang noong mga araw na yaon. Ginagamit ng King James Version ang salitang mahalaga sa halip na madalang. Ang anumang bagay na madalang ay mahalaga. Sa mga araw ng 1 Samuel 3 ang Salita ng Diyos ay madalang, subali’t hindi na ito madalang ngayon. Sa pagbabawi ng Panginoon ngayon ay may pagpaparami ng salita ng Diyos. Masagana ang Salita ng Diyos. Ang Diyos ay nagsasalita araw-araw at pagpupulong kada pagpupulong. Hindi mo ba natatanto na Siya ay nagsasalita? Ang Kanyang pagsasalita ay nagpapatotoo na Siya ay kumikilos.

Ang bawa’t isa sa kalagitnaan natin ay may ilang dami ng pagsasalita ng Diyos. Gayunpaman, maraming Kristiyano na wala sa pagbabawi ng Panginoon ang magsasabi na hindi nila nauunawaan kung ano ang sinasabi natin kapag sinasabi natin na taglay natin ang kasaganaan ng pagsasalita ng Diyos. Kapag ang bagay na ito ay naipaliwanag sa kanila, ay sasabihin nila, “Napakahabang panahon na bago namin narinig na ang Diyos ay nagsasalita.” Bakit walang pagsasalita ng Diyos sa gitna ng napakaraming Kristiyano? Dahil walang pagkilos ng Diyos sa gitna nila. Walang pagkilos ng Diyos.
Isang kaparusahan ang hindi magtaglay ng pagsasalita ng Diyos. Sa mga araw ng 1 Samuel 3, ang Salita ng Diyos ay madalang. Yaon ay isang kaparusahan sa pamilya at tahanan ni Eli na saserdote. Kapag ikaw ay nasa ilalim ng pagpapala ng Diyos, ang Diyos ay magsasalita bawa’t minuto. Ang pagsasalita ng Diyos sa iyo ay nagpapatunay na ikaw ay nasa ilalim ng Kanyang pagpapala. May isang kasaganaan ng pagsasalita ng Diyos sa gitna natin sa Kanyang pagbabawi. Naririnig ng lahat ang Kanyang pagsasalita. Ang Diyos ba ay nagsasalita sa iyo? Ito ay nangangahulugan na Siya ay tunay, buhay at kumikilos.

Bago dumating ang karamihan sa mga kapatid na babae sa pagbabawi ng Panginoon, sila ay walang anumang paghahatol kapag sila ay nagagalit sa kanilang mga asawa. Nadarama nila na sila ay galit sa kanilang mga asawa para sa isang mabuting kadahilanan at ang gayong galit ay lubusang tama. Nasasabi pa nila sa iba na ang kanilang galit ay lubusang makatuwiran. Ngayon na ang parehong mga kapatid na babaeng ito ay nasa pagbabawi ng Panginoon, natatagpuan nila na ang Diyos ay agad-agad na nagsasalita sa kanila tuwing nagagalit sila. Hindi na sila malaya upang magalit sa kanilang mga asawa. Ngayon kung sila ay nagagalit sa kanilang mga asawa, ang Diyos ay nagsasalita sa kanila tungkol dito. Kung galit sila sa kanilang mga asawa sa Sabado ng gabi, maaaring wala silang kapayapaan na makibahagi sa hapag ng Panginoon sa kasunod na araw. Ang pagsasalitang ito ay nagpapatunay na ang Diyos ay kumikilos at gumagawa sa kalagitnaan natin.

Ipinamamahagi ng buhay na Diyos ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin sa pamamagitan ng pagsasalita. Sa panahon ng Pag-aaral-Pambuhay ng mga taga Roma ay binigyan tayo ng Panginoon ng isang mabuting salita nailalin. Nais ng Diyos na ilalin ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin. Ito ay pangunahing naisasagawa sa pamamagitan ng pagsasalita. Mas lalo Siyang nagsasalita sa iyo, mas lalong naibabahagi o nailalalin ang Kanyang dibinong elemento sa loob ng iyong katauhan. Mas lalo kang nasa loob ng Kanyang pagsasalita, mas lalo kang nalalalinan ng lahat ng Kanyang mga dibinong elemento. Kapag narinig mo ang Kanyang pagsasalita ay hindi ka na magiging katulad ng dati.

Walang pagliban, ang Salita ng Diyos ay nagdadala sa atin ng tatlong bagay. Ang una sa mga ito ay liwanag. Kapag ang Diyos ay nagsalita, ang liwanag ay sisilay. Ang unang elemento sa salita ng Diyos ay liwanag. Kung saan naroroon ang Salita ng Diyos, naroroon ang liwanag. Hindi na kailangan pang ipaliwanag ito o isalin ito. Ang liwanag ay sumisilay, sapagka’t ang Salita ay nagdadala ng liwanag. Ang Dibinong Salita ay ang pinakamabuting tagapagbigay-ng-liwanag, ang pinakamabuting tagadala-ng-liwanag. Kapag Siya ay nagsasalita, Siya ay nagliliwanag. Mapatototohanan natin ito sa pamamagitan ng ating karanasan. Tuwing naririnig natin ang Kanyang Salita, tayo ay nasa ilalim ng Kanyang pagliliwanag, at ang pagliliwanag na ito ay nagdadala sa atin ng liwanag. Sa liwanag na ito ay naroon ang pagkaunawa, pangitain, at ang wastong karunungan, kaalaman, at pananalita. Ang liwanag ay kinabibilangan ng ilang bagay: pagkaunawa, pangitain, kaalaman, karunungan at pananalita. Kung tayo ay may liwanag, tayo ay may kapangyarihan ng pagkakita, pananaw at pangitain. Kung ikaw ay may liwanag, ikaw ay may kaalaman, pagkaunawa, at karunungan. Ito ay nagbibigay sa iyo ng pananalita, at hindi ka maaaring maging pipi. Wala sa mga turista na bumibisita sa Disneyland sa Anaheim ang pipi. Kapag nakita nila ang lahat ng tanawin na naroroon, sila ay nag-uumapaw. Kapag ikaw ay nakarating sa Disneyland, paano ka magiging pipi? Maging ang maliliit na bata, na hindi nakapagsasalita nang mabuti, ay magkakaroon ng pananalita dahil napakarami nilang bagay na nakikita.

Bakit ang mga miyembrong walang ginawa kundi ang umupo lamang (pew members) sa mga pang-Kristiyanong denominasyon ay nakaupong pipi sa kanilang mga upuan tuwing Linggo ng alas-onseng paglilingkod? Dahil sila ay kulang ng liwanag at walang nakikita. Kapag ikaw ay nasa kadiliman, napakahirap na magsalita. Subukan mong magsalita kapag ikaw ay nasa kadiliman. Ikaw ay mapipipi sapagka’t wala kang nakikita. Wala kang masasabi. Kung ako ay bulag at hihilingan mo ako na magsalita, wala akong masasabi. Anong kaibhan kung tayo ay nasa liwanag! Kapag ang liwanag ay dumarating, ikaw ay maraming masasabi, dahil napakarami mong nakikita. Napakarami mong nakikitang tao, lugar, at bagay. Napakarami mong nakikita kaya kusa kang nagsasalita.

Ang liwanag ay nagbubunga ng pagkakita, at ang pagkakita ay nagbubunga ng pananalita. Bakit ang lahat ng mga miyembro ng ekklesia ay lubhang nag-uumapaw kapag sila ay dumarating sa mga pagpupulong? Dahil nakakita sila ng isang bagay at bilang resulta ay may masasabi sila. Ang nakikita natin ay kusang lalabas sa ating pananalita. Hindi na kailangang mag-isip pa ng sasabihin. Sasabihin natin ang nakikita natin. Ang liwanag ay nagbubunga ng pagkakita. Ang liwanag ay nagmumula sa Salita. Kapag ikaw ay may Salita, ikaw ay may liwanag.

Sa aking pagsasalita sa loob ng mga taon, maraming tao ang nasosorpresa at nagtatanong sa akin kung saan ko kinukuha ang lahat ng aking mga mensahe. Ang aking mga mensahe ay nagmumulang lahat sa makalangit na pagkakita, mula sa paglalakbay sa makalangit na banal na lupa. Halos tuwing umaga ako ay may isang paglalakbay at nakakakita ng maraming bagay. Napakarami kong sasabihin sapagka’t marami akong nakikita sa Salita. Ang Salita ay nagpapasok ng liwanag, ang liwanag ay nagdadala ng pananaw at pangitain, at ang pangitain ay nagbibigay ng kaalaman, karunungan, at pananalita. Hindi ito kaalaman sa mga patay na titik; ito ay ang kaalamang buhay ang kaalaman na puno ng buhay. Ang lahat nang ito ay nagmumula sa Salita.

Ang Salita ay nagdadala rin sa atin ng buhay. Sinabi ng Panginoong Hesus na ang Salitang sinasalita Niya ay espiritu at buhay (Juan 6:63). “Sa pasimula ay ang Salita...nasa Kanya ang buhay” (Juan 1:1, 4). Sa loob ng Salita ay buhay. Kapag hinihipo mo ang Salita, ikaw ay nabubuhayan. Bakit tayo buhay na buhay? Dahil sa Salita. Sa nakalipas na mga taon ay nakakita ako ng maraming grupo ng mga Kristiyano, subali’t wala akong nakitang grupo na katulad ng mga nasa buhay-ekklesia ngayon. Napakarami sa mga kabataan ang bumabaling sa Banal na Bibliya araw at gabi. Ito ay isang mabuting palatandaan. Ilang mga tao ang nagkalat ng balita na sinasabi ni Witness Lee sa mga tao na itapon ang Bibliya. Ito ay isang makademonyong kasinungalingan! Walang sinuman ang nag-uutos sa mga banal na kunin ang Salita nang higit kaysa sa ginagawa ng ministeryong ito. Tingnan ang bilang ng mga bersikulong ginagamit natin sa bawa’t mensahe!

Bakit napakabuhay ang mga taong ekklesia? Ito ay dahil sa buhay na nasa Salita. Bago ka dumating sa ekklesia, ikaw ay hindi masyadong buhay. Ikaw ay mamamatay na sa gutom. Ikaw ay nagkukulang sa Salita. Kahit ngayon, kung ihihiwalay mo ang iyong sarili sa Salita, sa mga mensahe, at sa mga pagpupulong sa loob ng dalawang linggo, ikaw ay mamamatay. Ngayon napakaraming buhay sapagka’t sila ay napupunuan ng Salita. Ako ay masayang-masaya na makita na sa panahong ito, isang panahon na puno ng mga kasamaan, ipinagbili ng mga kabataan ang kanilang mga sarili sa Salita. Para sa karamihan sa inyo, ang bagay na pinakamahalaga sa inyong puso ay ang Salita. Ito ay isang mabuting palatandaan na ang Panginoon ay kumikilos sa kalagitnaan ninyo. Ang kanyang pagsasalita ay nasa atin, at ang kanyang Salita ay nasa loob natin. Ngayon ang bawa’t isa sa buhay-ekklesia ay nag-uumapaw dahil sa Salita ng buhay. Tayo ay may buhay na Salita.

Ang buhay na nasa Salita ay kinabibilangan ng malalaking bagay. Kabilang dito ang kabanalan, pag-ibig, kapakumbabaan, kabutihan, at katiyagaan. Ang buhay ay kinabibilangan ng lahat ng dibinong katangian at lahat ng pantaong kagalingan. Hindi natin mauubos ang kayaman ng buhay. Sino ang makapagsasabi ng kayamanan ng buhay? Hindi na kailangang magsalita ng tungkol sa dibinong buhay, dahil maging ang buhay ng isang buto ng “karnesyon (carnation)” ay napakayaman. Ito ay maaaring isang maliit na buto na parang may kaunting buhay sa loob nito, subali’t ito ay lumalago. Habang ang buto ng “carnation” ay lumalago at namumulaklak, nakikita natin ang kayamanan ng buhay. Ang lahat ng kayamanan ay nasa buhay. Hinihiling ko sa inyo na isaalang-alang ang buhay na taglay natin, ang buhay na hinihipo natin. Gaanong kayamanan ang nasa dibinong buhay! Ako ay may lubos na kasiguruhan na sabihin na ang lahat ng kayamanan ng Diyos ay nasa ekklesia sapagka’t ang Salita ay nasa ekklesia at ang Salita ay nagdadala ng buhay. Ang buhay na ito ay kinabibilangan ng lahat ng mga mayamang katangian, kagalingan, at kalidad. Basta’t tayo ay may buhay, tayo ay may kayamanan. Huwag mong piliting maging mapagpakumbaba sapagka’t ang kapakumbabaan ay katulad ng isang ibon. Kung pinipilit mong hulihin ito, ito ay lilipad. Huwag mong pilitin na mahalin ang iyong asawang babae o magpasakop sa iyong asawang lalake. Hindi mo kayang gawin ito. Basta’t kunin mo lamang ang Salita. Ang Salita ay nagdadala ng buhay, at ang buhay na ito ay magbubunga ng pag-ibig at pagpapasakop. Ang kapakumbabaan, pag-ibig at pagpapasakop ay natatagpuang lahat sa buhay na ito. Hindi natin makukuha ang mga kagalingang ito sa pamamagitan ng ating kakayahan o paggawa. Ang lahat ng mga ito ay nasa dibinong buhay.

Paano tayo magkakaroon ng buhay? Kunin lamang ang Salita at ang buhay ay darating. Kapag ang buhay ay dumarating, ang bawa’t mabubuting bagay ay dumarating kasama nito. Sa buhay na ito ay ang kapakumbabaan at ganda ng isang tao. Yamang nilikha ng Diyos ang tao sa Kanyang larawan, siguradong may kagandahan sa sangkatauhan. Subali’t ang kagandahang ito sa sangkatauhan ay matatagpuan lamang sa dibinong buhay, at ang dibinong buhay ay nasa Dibinong Salita. Kapag ang Salita ay dumarating, ang buhay ay dumarating, at ang kagandahan ay kasama ng buhay. Tingnan mo ang mga tao sa ekklesia; bawa’t isa ay magandang lalake at babae. Kung ang parehong mga tao ay wala sa buhay-ekklesia, sila ay magkakaroon ng hitsura ng mga alakdan, mga pagong, o mga unggoy. Ako ay tunay na umiibig sa mga tao ng ekklesia. Maging ang mga mas matanda ay napakagaganda. Ang kagandahang ito, ang kariktang ito, ay nagmumula sa buhay, at ang buhay ay nagmumula sa Salita. Kapag ang Diyos ay nagsasalita, ang buhay ay naroroon. Ang buhay na ito ay napakayaman.

Kapag ang Salita ay dumarating, ito ay nagdadala rin ng kapangyarihan. Ang Salita ay nagdadala ng liwanag, buhay, at kapangyarihan. Maraming mga Kristiyano ang nagtitiwala sa mga tinatawag na Pentecostal na bagay. Ako ay lubos na naniniwala rin sa mga Pentecostal na bagay, subali’t hindi sa mga tinatawag na “Pentecostal” na paraan. Marami ang nagsasabi na kung wala kang isang tiyak na “Pentecostal” na karanasan, wala kang kapangyarihan. Hindi ako sumasang-ayon dito. Sa aking bayan, napakalapit sa pinagpupulungang lugar ng ekklesia, ay may isang pinagpupulungang lugar ng Pentecostal. Pagkaraan ng sampung taon, sila ay kulang sa isang daan nasa bilang. Isinasagawa nila ang mga “Pentecostal” na bagay at inaaring may kapangyarihan. Ang pinagpupulungang lugar ng ekklesia, gayunpaman, ay laging siksikan. Isang araw, isang lider mula sa grupong Pentecostal ang kumausap sa akin. Sinasabi ko, “Kapatid, ayon sa iyong opinyon, kayo ay may kapangyarihan at kami ay wala. Subali’t tingnan mo ang mga katunayan, Gaano kayo kakaunti! Gaano kami karami!” Ang kapangyarihan ay nasa Salita.

Kapag ipinangangaral natin ang buhay na Salita, ang kapang- yarihan ay naroroon. Ang kapangyarihang ito ay hindi ang kagyat na kapangyarihan; ito ay ang hindi nagbabagong kapangyarihan. Ito ay hindi ang kapangyarihang kabute; ito ay ang kapangyarihang lumalago. Sa nakaraang mga taon ay nakita ko ang maraming kilusang kabute. Isang gabi isandaan ang nagsisisi, subali’t pagkaraan ng dalawang buwan kaunti na lang sa kanila ang natatagpuan mo. Ang ginagawa natin sa ating paggawa ay katulad ng pagtatanim ng maliit na buto ng karnesyon (carnation). Parang pagkaraan ng dalawang linggo ay wala pa ring nagyayari. Unti-unti isang berdeng supling ang sumusulpot. Sa katapusan, ito ay namumulaklak, nagbubunga ng buto, at isang ikalawang pagpaparami ang nangyayari. Ito ang kapangyarihan ng buhay.

Sa mga ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon tayo ay walang makakabuteng pagpapaunlad. Kung aariin ng mga kapatid na lalake sa isang lokalidad na nakapagtamo ng tatlong libong tao sa loob ng isang linggo, sasabihin ko, “Maghintay tayo at tingnan natin. Pagkaraan ng maikling panahon, karamihan sa kanila ay mawawala.” Gusto nating makita ang Salita na naitanim at lumago sa bukid ng ekklesia. Taon kada taon ito ay lalago at mamumunga. Maghintay ka at makikita mo. Walang magtatagal na lubhang nakapananaig katulad ng nasa mga ekklesia. Ito ay magiging nananaig at ito ay mananatili magpakailanman sapagka’t ang kapangyarihan dito ay walang iba kundi ang buhay. Ang buhay na ito ay nagmumula sa Salita. Ang Salita ay nagdadala ng buhay, at ang buhay ay nananatili at nagbubunga. Kung aalisin ako ng Panginoon sa bansang ito, ako ay may lubos na kalakasan ng loob na ang pagbabawi ng Panginoon sa bansang ito ay magpapatuloy sapagka’t ito ay hindi isang kilusan na gawain ng tao. Ito ay isang pagkilos ng dibinong buhay na lumalago. Ang binhi ay naitanim dito, ang Salita ay dumating, at ang buhay ay narito. Aleluya! Kung nasaan ang Salita, naroon ang kapangyarihan sa loob ng buhay. Ngayon ay nakikita natin bakit ang Diyos ay nagsasalita. Siya ay nagsasalita upang magliwanag, upang magpasigla, at upang magbigay kapangyarihan.

I. SA MGA MAGULANG

Ang Diyos ay nagsasalita sa dalawang antas: sa mga magulang at sa atin. Noong unang panahon, Siya ay nagsalita sa mga magulang; sa mga huling araw na ito, Siya ay nagsasalita sa atin. Bago magsalita ang Diyos sa mga tao, Siya ay nagsalita sa wala. Siya ay nagsalita doon sa hindi umiiral. Sa panahong yaon ay wala; kaya Siya ay nagsalita sa wala. Sa pamamagitan ng Kanyang pagsasalita, tinawag Niya ang mga bagay na hindi pa umiiral na umiiral na (Roma. 4:17, Salin sa Pagbabawi). Siya ay nagsalita, “Liwanag!” at ang liwanag ay umiral. Ang buong sansinukob ay nilikha sa pamamagitan ng Kanyang pagsasalita, sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Ang buong sansinukob ay natatag sa pamamagitan ng Salita ng Diyos (11:3). “Siya’y nagsalita, at nangyari; Siya’y nag-utos, at tumayong matatag.” (Awit 33:9). Ang Diyos ay gumawa sa pamamagitan ng pagsasalita. Ang tunay na paggawa ng Diyos sa gitna natin ay ang Kanyang pagsasalita. Kung ang Diyos ay hindi nagsasalita sa kalagitnaan natin, wala tayong magagawa gaano man ang paggawa natin. Kung ang Diyos ay hindi nagsasalita, ang mga matanda at mga nangungunang kapatid sa ekklesia ay walang magagawa. Subali’t kapag Siya ay nagsasalita, dapat nating sabihin, “Purihin ang Panginoon!” Ang Diyos ay nagsasalita sa wala, gayunpaman ay may dumarating. Tinatawag Niya ang mga bagay na di-umiiral na umiiral na. Sa pamamagitan ng Kanyang pagsasalita ang lahat ng bagay ay umiral. Ang buong sansinukob ay ginawa sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Pagkatapos nito, ang sangkatauhan ay umiral.

Pagkatapos na malalang ang tao, ang Diyos ay nagsalita sa mga magulang. Siya ay nagsalita sa mga magulang ng unang panahon sa pamamagitan ng mga propeta at sa iba’t ibang bahagi at sa iba’t ibang paraan (1:1). Sa Lumang Tipan, ang Diyos ay nagsalita sa mga tao hindi lamang nang minsanan at sa iisang paraan lamang, bagkus sa iba’t ibang bahagi at iba’t ibang paraan: sa isang bahagi sa mga Patriarka sa isang paraan; sa isa pang bahagi sa pamamagitan ni Moises sa ibang paraan; sa isang bahagi sa pamamagitan ni David sa isang paraan; sa iba pang mga bahagi sa pamamagitan ng ilang propeta sa ilang magkakaibang paraan. Maging ang Pentateuch, ang unang limang aklat ng Lumang Tipan, ay nagtataglay ng maraming iba’t ibang bahagi. Ang Genesis, Exodo, levitico, Mga Bilang, Deuteronomio—ang bawa’t aklat ay isang kakaibang bahagi at ang bawa’t aklat ay maraming bahagi. Nakakita ka na ba ng anumang sulatin na kasing yaman ng Bibliya? Ang Lumang Tipan ay may iba’t ibang bahagi: ang mga kasaysayan, ang mga Cronica, ang mga Awit, ang mga Kawikaan, at maraming iba’t ibang propeta. Ang ilang aklat ay mahahaba, mahigit sa animnapung kapitulo; ang iba ay maikli, ilang kapitulo lamang. Ang lahat ng iba’t ibang paraan ng pagsasalita ay naubos ng Bibliya: ang paraan ng propesiya, tipolohiya, anino, paglalarawan; ang paraan ng paggamit sa mga babae, ulupong, tao, leon, alakdan, at kordero, tubig, araw, buwan, mga bituin, at iba’t ibang uri ng puno at halaman; malilinaw na salita, mga paglalarawan, mga kawikaan, mga talinghaga, mga paghahambing, at mga tipolohiya. Ang bawa’t paraan ng pananalita ay ginamit sa Kasulatan. Nang ang Diyos ay nagsalita kay Moises, hindi Niya ginawa ito sa pamamagitan ng isang malinaw na pananalita, kundi sa pamamagitan ng isang mababang punong-kahoy na umaapoy gayunpaman ay hindi nasusunog (Exo. 3:1-6). Yaon ay isang napaka- kamangha-manghang paraan ng pagsasalita. Naunawaan ni Moises na walang pangangailangan para sa kanya na masunog. Kailangan niyang maging nag-aapoy, subali’t hindi niya kailangang masunog. Hindi siya gagamitin ng Diyos bilang panggatong. Ang isang maliit na mababang punong-kahoy ay nagsalita ng napakaraming bagay kay Moises. Yaon ang paraan nang ang Diyos ay nagsalita kay Moises. O, ang karunungan sa Bibliya! Ang pinaka-simpleng mga bagay ay ginamit sa isang malalim na paraan para sa pagsasalita ng Diyos. Tunay na ang Diyos ay nagsalita sa iba’t ibang bahagi at sa iba’t ibang paraan.

II. SA ATIN

A. Sa Mga Huling Araw Na Ito

Ginagamit ng Hebreo 1:2 ang pariralang “sa mga huling araw na ito.” Ito ay maaari ring isaling “sa katapusan ng mga araw na ito.” Ito ay isang maka-Hebreong pananalita na tumutukoy sa katapusan ng pamamahagi ng kautusan, at ang pagpapakilala sa Mesiyas (Isa. 2:2; Mikas 4:1).

B. Sa Loob Ng Anak

Sa mga huling araw, ang Diyos ay nagsalita at patuloy na nagsasalita sa loob ng Anak.

1. Bilang ang Salita

Ang Anak ay ang Salita (Juan 1:1; Apoc. 19:13). “Sa pasimula ay ang Salita...at ang Salita ay Diyos.” Siya ang Salita ng Diyos para sa pagsasalita ng Diyos. Ang Anak ay lubusang ang Salita para sa pagsasalita ng Diyos.

2. Ipinahahayag ang Diyos Ama

Ang pagiging Salita ng Anak ay pangunahin para ideklara ang Diyos Ama (Juan 1:18), yaon ay, upang ideklara, bigyang kahulugan, ipahayag ang Diyos. Mas lalong nagsalita ang Anak, mas lalong naihahayag at naipahahayag ang Diyos.

3. Dinadala ang Buhay

Ang buong Persona ng Anak ay ang dibinong pagsasalita. Ang Anak bilang ang Salita ng Diyos at ang pagsasalita ng Diyos ay palaging nagdadala ng buhay sa atin. Bilang ang Salita, taglay Niya ang buhay. Lagi Niyang dinadala ang buhay sa atin. Kapag tinatanggap natin Siya, tayo ay may buhay.

4. Hinahayag ang Realidad sa Pamamagitan ng Espiritu

Bilang ang dibinong Salita para sa dibinong pagsasalita, hinahayag ng Anak ang realidad sa pamamagitan ng Espiritu (Juan 16:12-15). Ang realidad ay ang lahat ng kung ano ang Diyos sa atin. Ang realidad na ito ay inihayag sa atin sa pamamagitan ng Anak bilang ang Salita sa pamamagitan ng Espiritu.

C. Sa Loob Ng Anak Bilang Ang Espiritu

1. Nagsasalita sa mga Ekklesia

Tuwing ang Anak ay nagsasalita, Siya ang Espiritu. Ang nagsasalitang Anak ay ang Espiritu. Ang Anak ng Diyos ay ang Salita. Kapag ang Salita ay nagkaboses, ito ay nagiging ang Espiritu. Ito ay pinatunayan ng pitong sulat sa Apocalipsis 2 at 3. Sa umpisa ng bawa’t sulat, sinasabi nito na ang Panginoon ay nagsasalita, subali’t sa katapusan ito ay nagsasabi na dapat nating pakinggan kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga ekklesia. Pinatutunayan nito na tuwing ang Panginoong Hesus ay nagsasalita Siya ay ang nagsasalitang Espiritu. Tuwing ang Anak ay nagsasalita, ang Espiritu ang nagsasalita. Kung isasaalang-alang mo ang pitong paghahambing sa Apocalipsis 2 at 3, makikita mo na kung ano ang sinasabi ng Anak ay ang pagsasalita ng Espiritu (Apoc. 2:1 cf. 7; 2:8 cf. 11; 2:12 cf. 17; 2:18 cf. 29; 3:1 cf. 6; 3:7 cf. 13; 3:14 cf. 22). Mayroon tayong Anak na siyang ang Salita ng Diyos. Hindi lamang Siya ang Salita ng Diyos, bagkus ang pagsasalita rin ng Diyos. Tuwing Siya ay nagsasalita, Siya ang nagsasalitang Espiritu. “Ang mga salitang sinalita Ko sa inyo ay pawang espiritu at pawang buhay.” (Juan 6:63).

2. Nagsasalita Kasama ng Ekklesia

Ngayon ang Anak bilang ang nagsasalitang Espiritu ay nagsasalita kasama ng mga ekklesia. Hindi lamang Siya nagsasalita sa mga ekklesia bagkus kasama rin ng mga ekklesia. Sinasabi ng Apocalipsis 22:17, “At ang Espiritu at ang kasintahang-babae ay nagsasabi, Halika.” Sa umpisa ng aklat ng Apocalipsis ay ang Espiritu na nagsasalita sa mga ekklesia, subali’t sa katapusan ng Apocalipsis ay ang Espiritu na nagsasalita kasama ang mga ekklesia sapagka’t ang nagsasalitang Espiritu at ang ekklesia ay naging isa. Aleluya! Ito ang pagsasalita ng Diyos.

 

Mga Nilalaman