|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE DALAWAMPU’T ISA ANG NATITIRANG SABBATH NA KAPAHINGAHAN Sa nakaraang tatlong mensahe nakita na natin ang kahulugan ng Sabbath na kapahingahan ayon sa buong pahayag ng Banal na Salita. Sa madaling salita, ang Sabbath na kapahingahan ay ang kasiyahan ng Diyos na ninanais ng Kanyang puso. Kailanman at saanman naihahayag at naikakatawan ng tao ang Diyos sa lupa, Siya ay nasisiyahan at nasa kapahingahan. Kagaya ng natukoy na natin, ang unang Sabbath ay pagkatapos ng paglikha sa tao, at ang ikalawang Sabbath ay pagkatapos ng pagkukumpleto ng pagtatayo ng templo. Kapwa ang mga Sabbath na ito ay mga larawan ng Sabbath ng Diyos, hindi ang tunay na Sabbath. Pagkatapos dumating ng Panginoong Hesus upang ideklara ang Diyos, inihahayag at ikinakatawan Siya bilang isang halimbawa at tularan, ang ekklesia ay naibunga sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli at naging ang sama-samang kahayagan at kinatawan ng Diyos. Kapag ang Diyos ay may ekklesia, Siya ay tunay na naihahayag at naikakatawan. Walang alinlangan, ang buhay-ekklesia ay isang tunay na Sabbath sa Diyos. Ang ekklesia, bilang ang Sabbath na kapahingahan, ay hindi isang larawan kundi isang katuparan ng kung ano ang paunang nailarawan sa Lumang Tipan. Nang matamo ng Diyos ang ekklesia, nakamit Niya ang isang tunay na Sabbath. Kagaya ng nakita natin sa nakaraang mensahe, ang kapanahunan ng ekklesia ay ang paghahasik at ang paglagong yugto lamang. Gaano man katagal ang yugtong ito ayon sa ating pandama, ito ay isa pa ring yugto, ang yugto ng paghahasik at paglago. Sa yugtong ito, ang pangunahing gawain ng Diyos ay ang ihasik ang Kanyang Sarili sa loob ng sangkatauhan at ang gawing ekklesia ang bahaging ito ng sangkatauhan, ang Katawan ni Kristo, ang tahanan ng Diyos. Ang bahaging ito ng sangkatauhan na naturukan ng Diyos Mismo bilang buhay ay dapat lumago sa loob ni Kristo at dapat makarating sa paggulang. Dapat tayong maging malinaw na malinaw sa puntong ito. Bakit nasisiyahan ang Diyos sa kapanahunang ito? Sapagka’t sa kapanahunang ito, Siya ay naihahayag at naikakatawan sa pamamagitan ng ekklesia. Sa Bagong Tipan, malinaw tayong nasabihan na ang ekklesia bilang kahayagan at kinatawan ng Diyos ay ang kaharian ng Diyos sa lupa ngayon (Roma 14:17). Ang sinumang tumatanggap kay Hesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ay ipinanganak sa kaharian ng Diyos (Juan 3:5). Purihin ang Panginoon na ang ekklesia ay ang kaharian ng Diyos ngayon! Sinasabi sa Hebreo 12:28 na tayo ay tumanggap ng isang kahariang hindi nayayanig. Hindi sinasabi ng bersikulong ito na natanggap na natin ang kaharian o tatanggapin pa lamang natin ito; sinasabi nito na tayo ay nasa hakbangin ng pagtanggap sa kaharian. Hindi natin masasabing hindi pa tayo nakatanggap ng isang sukat ng kaharian, subali’t ang pagtanggap natin sa kaharian ay hindi pa lubusang naisasagawa. Ang kaharian ay nakapagsimula na at ito ay nagpapatuloy. Sa kapanahunan ng ekklesia tayo ay nasa lumalagong Sabbath, nasa Sabbath kung saan si Kristo bilang buhay ay lumalago. Kahit paano, ang puso ng Diyos ay tila nasisiyahan dito sa lumalagong Sabbath, subali’t hindi ito lubusang nasisiyahan sapagka’t ito ay ang paglagong yugto lamang, hindi ang kahuli-hulihang yugto, ang yugto ng pag-ani. Ang aklat ng Hebreo ay isinulat upang hikayatin ang mga gumagala, nag-aatubili, at paurong-sulong na mga Hebreo na pumunta sa wastong buhay-ekklesia, ang Sabbath na kapahingahan ngayon. Subali’t kasunod nitong Sabbath, may nakahihigit pa—ang Sabbath ng pag-ani. Ang mga ito ay kapwa mga tunay na Sabbath sa Diyos. Sa ngayon, ang Diyos ay may isang tunay na Sabbath sa buhay-ekklesia. Hindi natin kailanman natanto na mayroon palang isang kamangha-manghang bagay na kagaya ng buhay-ekklesia. Subali’t sa pamamagitan ng Kanyang awa, binuksan ng Panginoon ang ating mga mata, ipinakikita sa atin ang buhay-ekklesia, na isang bagay na banal, makalangit, at espirituwal na mahihipo natin sa ating espiritu at matatamasa ang Panginoong bilang ating Sabbath na kapahingahan. Aleluya, may isang gayong buhay-ekklesia sa lupa ngayon. Kung alam natin ang Bibliya at ang ekonomiya ng Diyos, matatanto natin na bawa’t isang naisilang-na-muli at nakatanggap na ng kaligtasan ay nangangailangang pumunta sa buhay-ekklesia. Itoang ekonomiya ng Diyos. Kung hindi kayo pupunta sa buhay-ekklesia, mapalalampas ninyo ang inaasinta. Ang ekonomiya ng Diyos ay hindi lamang ang kayo ay maligtas at maisilang-na-muli; ang Kanyang ekonomiya ay yaong pumunta kayo sa wastong buhay-ekklesia, na siyang Sabbath ngayon. Ang ekonomiya ng Diyos ay ang magkaroon ng isang sama-samang kahayagan at kinatawan ang Kanyang Sarili. Ang Diyos ay napakapasensiyoso; tinutupad Niya ang Kanyang ekonomiya nang may pagsulong. Una, inihasik Niya ang Kanyang Sarili sa Kanyang mga piniling tao at ngayon binigyan Niya sila ng panahong lumago. XV. ANG SUKDULANG SABBATH Tayo ngayon ay nasa buhay-ekklesia, ang lumalagong Sabbath na nagdadala sa atin sa Sabbath ng pag-ani sa isang libong taong kaharian. Subali’t maging ang Sabbath ng pag-ani ay hindi magiging ang sukdulang Sabbath. Ang sukdulang Sabbath na kapahingahan ay ang Bagong Herusalem. Sa panahon ng Bagong Herusalem, wala nang dagat, makasatanas na gawain, o napasama at narumihang sanlibutan. Ang lahat ng yaon ay mapapasa dagat-dagatang apoy. Magkakaroon ng isang bagong lupa, at sa bagong lupang yaon ay may isang maitatayong lunsod ng mga natranspormang tao bilang mga buháy na materyal. Ang buháy na komposisyong yaon, ang Bagong Herusalem, ay magiging kumpletong kahayagan ng Diyos sa walang hanggang hinaharap. Doon, sa Bagong Herusalem, makikita natin ang kahayagan at pamamahala ng Diyos. Sa Bagong Herusalem, naroroon ang trono at awtoridad ng Diyos para sa Kanyang kaharian. Ang Bagong Herusalem ang magiging sukdulan at walang hanggang Sabbath sapagka’t doon, ang Diyos ay lubusang maihahayag at maikakatawan. Yaon ang magiging sukdulang kahayagan ng gawaing biyaya ng Diyos, at tayong lahat ay maparoroon. Masigasig man tayo o tamad, ang ating matalinong Ama ay may paraan upang pasakdalin at pagulangin tayo. Kung hindi tayo makikipagtulungan sa Kanya, Siya ay pasensiyoso at maghihintay bukas, sa susunod na buwan, sa susunod na taon, o maging sa susunod na kapanahunan. Bago ang kapanahunan ng Bagong Herusalem, mayroong dalawang kapanahunan, ang kapanahunang ito at ang darating na kapanahunan. Sa dalawang kapanahunang ito, tutuusin ng ating pasensiyosong Ama ang Kanyang mga pilyong anak. Kung tayo ay mga pilyo at hindi makikilahok sa lumalagong Sabbath ngayon, mapalalampas natin ang Sabbath ng pag-ani sa darating na kapanahunan. Ang mapalampas ang darating na Sabbath ay hindi nangangahulugang tayo ay mawawala. Yamang tayo ay mga anak ng Ama, hindi tayo kailanman mawawala. Subali’t kung hindi tayo magpapakabuti sa Kanyang biyaya ngayon, ginagawang mahirap para sa Ama na matuos tayo, malamang na mapalampas natin ang darating na Sabbath ng pag-ani. Gayunpaman, higit na matalino ang Ama kaysa sa atin at mayroong paraang dalhin tayo sa kagulangan. Sa katapus-tapusan lahat tayo ay mapapasa Bagong Herusalem, ang sukdulang Sabbath. Sa kabuuan ay may tatlong tunay na Sabbath: ang ekklesia, ang isan libong taong kaharian, at ang Bagong Herusalem sa bagong langit at bagong lupa. Bagama’t ang lahat ng mga ito ay Sabbath sa Diyos, ang pangalawa ay nakahihigit sa una, at ang pangatlo ay higit na ganap kaysa sa pangalawa. Mayroon akong lubos na katiyakan na lahat tayo ay makababahagi sa pangatlo at pinalaganap na Sabbath; sapagka’t ang Sabbath na yaon ay lubusang isang bagay ng biyaya, hindi ng gantimpala. Hindi ito isang premyo kundi ang walang hanggang bahagi ng Ama sa lahat ng Kanyang mga anak. Hangga’t ikaw ay isang anak ng Ama, mayroon Siyang paraang pagulangin ka upang sa katapus-tapusan, makalalahok ka sa pangatlong Sabbath.
Kapag narinig ninyong lahat na tayo ay mapapasa Bagong Herusalem, maaaring sabihin ninyo, “Aleluya, ngayon mapayapa na ako. Paroroon ako sa Bagong Herusalem.” Subali’t bago tayo makapunta sa Bagong Herusalem, dapat muna tayong dumaan sa ekklesia at pagkatapos sa isan libong taon. Ginagamit ng ating matalinong Ama ang kapanahunan ng ekklesia at ang darating na kapanahunan ng isang libong taong kaharian upang sanhiin tayong gumulang. Bagama’t Siya ay naihasik na sa atin, paano naman ang paggulang? Ang layunin Niya ay ang pagulangin tayong lahat, at isasagawa Niya ito. Walang makapipigil sa Kanya. Ang ating katamaran at mga kabiguan ay walang anuman. Wala, maging si Satanas; na makapipigil sa ating Ama sa pagsasakatuparan ng Kanyang naisin. Nang hinirang Niya tayo, hindi Siya mangmang sa pagkakahirang kundi napakaingat. Hindi kailanman pagsisisihan ng Diyos ang paghirang Niya; hindi ito mapapalitan at tatagal ito magpasawalang hanggan. Niligtas na Niya tayo, at paroroon tayo sa Bagong Herusalem. Ang lahat ng ito ay isang gawain ng biyaya. Dinala tayo ng Diyos sa loob ng Kanyang pagliligtas, inilagay ang Kanyang Sarili sa loob natin, at inaatasan tayo ngayong lumago. Subali’t ang paraan para tayo lumago ay nakasalalay sa atin. Kung tayo ay masunurin, kaunting panahon lang ang magugugol Niya sa atin. Kung tayo ay hindi masunurin, pahihirapan natin Siya. Subali’t mayroon pa rin Siyang paraan para palaguin tayo. Gayunpaman, kung hindi tayo makikipagtulungan sa Kanya, mawawala sa atin ang pagtatamasa ng buhay ekklesia sa kapanahunang ito at ang gantimpala sa darating na kapanahunan. Tinutuos tayo ng ating matalinong Ama upang gumulang tayo. Huwag ninyong isiping matatakasan ninyo ang Kanyang pagtutuos. Maging ang Diyos ay may paraang makipagtuos sa lahat ng mga Kristiyanong ligtas na subali’t gumagala ngayon. Hindi natin ito makikita ngayon, subali’t isang araw makikita natin ito. Gaano kamaawain ang ating Ama na nagdala sa atin sa loob ng Kanyang buhay-ekklesia mula sa paggala natin sa mga lansangan. Ngayon, hindi na tayo pagala-gala: nagtatamasa tayo sa buhay- ekklesia na tumutulong sa ating gumulang. Mayroon akong lubos na katiyakan na ang mga tao ng ekklesia ay higit na maagang gugulang at magiging mga unang bunga. Gaano kabuting matamasa ang ekklesia sa kasalukuyan at ang darating na kaharian! Ang ekklesia sa kasalukuyan ay ang Sabbath ng pagtatamasa, at ang darating na kaharian ay ang Sabbath ng gantimpala. Kung tinatamasa natin nang mainam ang ekklesia sa ngayon, matatanggap natin ang kaharian bilang isang gantimpala sa darating na kapanahunan. Kung hindi natin tinatamasa nang mainam ang ekklesia sa ngayon, mawawala sa atin ang kaharian bilang isang gantimpala sa darating na kapanahunan. Isang malaking kahangalan ang hindi tamasahin si Kristo nang mainam sa ekklesia ngayon. Hindi natin kinakailangang magbayad para sa pagtatamasang ito: ito ay libre. Maging ang ating Ama ay hinihikayat tayong tamasahin si Kristo nang mainam. Lalo nating tinatamasa si Kristo, lalong masaya at nasisiyahan ang Ama. Kung nagpapatuloy tayong tamasahin si Kristo, isang araw sasabihin sa atin ng Ama, “Anak, yamang natamasa mo nang husto ang Aking Anak, bibigyan Kita ng isang gantimpala sa Sabbath ng pag-ani. Isa ka sa magiging kasamang-maghahari ng Aking Anak.” Sa panahong yaon, tayo ay magiging mga tunay na kasama ni Kristo na nakikibahagi sa Kanyang pagkahari sa Sabbath ng pag-ani. Sinasabi ng ilan na hangga’t tayo ay naisilang-nang-muli at mga anak ng Diyos, tayo ay mapapasa isang libong taong kaharian. Subali’t hindi ito sinasabi ng Bibliya. Sa halip, sinasabi nito sa atin na dapat nating tamasahin si Kristo, lumago, gumulang, magdusa, at maging mandaraig para kay Kristo. Pagkatapos, sa darating na kapanahunan, tatanggapin natin ang gantimpala. Ang gantimpalang ito ay hindi ang walang-hanggang bahagi ng mga banal kundi isang gantimpala sa mga mandaraig sa panahon ng isang libong taon. Kung magpapakabuti kayo sa bahay ng Ama, ang ekklesia, sasabihin ng Ama, “Yamang binigyang-kasiyahan ninyo Ako sa Aking bahay, bibigyan Ko kayo ng isang gantimpala sa Aking kaharian.” Subali’t kung hindi natin Siya bibigyang kasiyahan ngayon sa Kanyang bahay, hindi tayo makatatanggap ng gantimpala at pagdurusahan natin ang pagkawala sa susunod na kapanahunan sa Kanyang kaharian. Ang pagpili ay nakasalalay sa atin. Gaano kabiyaya, katuwid, at katalino ang ating Ama! Naghanda na Siya ng isang piging at hinihikayat Niya tayong lahat na kumain nang mabuti. Lalong mabuti ang pagkain natin, lalo Siyang sasaya. Isang kahangalan ang hindi kumain nang mabuti sa piging. O, gaano nating kailangang lahat magtamasa sa buhay-ekklesia! XVII. ANG DALAWANG PANGUNAHING GRUPO NG DOKTRINA Sa puntong ito kailangan nating isaalang-alang and dalawang grupo ng doktrina—ang grupo ng Calvinismo at ang grupo ng Arminianismo. Ang grupo ng Calvinismo ay nagsasabi na ang lahat ay isang bagay ng biyaya, pagpili, at pagtatalaga-nang-una-pa ng Diyos. Ayon sa grupong ito, kapag pinili at itinalaga na tayo ng Diyos at naligtas na, wala nang mga suliranin; kapag ligtas na tayo, ang ating kaligtasan ay tiyak magpasawalang-hanggan, Ang ipinapahayag ng maka-Calvinismo na hindi tayo kailanman malilipol ay may isang malakas na batayan sa salita ng Panginoon sa Juan 10:28-29. Ayon sa mga bersikulong ito, ang isang ligtas na tao ay hindi malilipol. Walang alinlangan, ang Calvinismo ay may batayan sa Bibliya sa pagsasabing kapag tayo ay ligtas na, ligtas na tayo magpasawalang-hanggan. Subali’t kapag sinasabi ng Calvinismo na yamang tayo ay ligtas na magpasawalang-hanggan wala nang magiging mga suliranin, lumalayo na itong masyado. Bagama’t mabuting malaman na tayo ay natubos na at naipanganak-na-muli, hindi natin dapat sabihin na yamang tayo ay natubos na at naipanganak-na-muli ay hindi na tayo magkakaroon ng mga suliranin. Isang kamangmangan para sa isang bata ang sabihing yamang siya ay naipanganak, wala nang mga suliranin. Sinumang batang nagsasabi nito ay isang napakamangmang na bata. Oo, tayo ay naipanganak-na-muli, subali’t maaaring magkaroon ng maraming suliranin. Ang mga maka-Arminianismo ay naniniwala na ang isang ligtas na tao ay maaaring malipol uli. Ginagamit ang mga bahagi ng salita kagaya ng Hebreo kapitulo anim, ipinagpipilitan ng mga maka- Arminianismo na ang mga taong nakalasap ng makalangit na kaloob at naging mga nakabahagi ng Espiritu Santo ay maaaring mahulog palayo, maaaring hindi magkaroon ng pagkakataong magsisi, at maging katulad ng lupang nasunog, nangangahulugang sila ay nalipol. Ang aklat ng Hebreo ay naglalaman ng limang bahagi kagaya nito. Ginagamit nang mali ng mga maka-Arminianismo ang mga bahaging ito ng Salita hinggil sa pagparusa o pagpalo ng Diyos sa Kanyang mga anak, itinuturing itong kapahamakan, na parang nalipol muli. Ginagamit nila ang mga bahaging ito upang suportahan ang kanilang pagtuturo na ang isang ligtas na tao ay maaaring malipol muli. Ang mga maka-Calvinismo, dahil hindi nila mapagtugma ang mga bahaging ito ng Salita sa kanilang pagtuturo, ay nagsasabing ang mga taong binanggit dito bilang mga nakalasap ng makalangit na kaloob at nakabahagi ng Espiritu Santo ay mga huwad na Kristiyano. Subali’t kalokohan ang sabihin ito. Sinasabi nila ito sapagka’t ito lamang ang paraan nilang makalusot. Ni sila o ang mga maka-Arminianismo ay hindi makapagtugma ng mga bahagi sa Bibliya hinggil sa kaparusahan ng Diyos sa Kanyang mga anak, sapagka’t hindi nila nakikita ang bagay na gantimpala at kaparusahan sa kaharian. Ang bagay na ito hinggil sa gantimpala o kaparusahan sa kaharian ay ang tulay sa pagitan ng Calvinismo at Arminianismo. XVIII. ANG BAGAY NG GANTIMPALA O KAPARUSAHAN Tingnan natin ito ngayon mula sa pananaw ng Bibliya. Yamang tayo ay nahirang na magpakailanman, kapag tayo ay naligtas na, naisilang-na-muli, at nakatanggap ng buhay na walang hanggan, hindi na tayo malilipol. Iingatan tayo ng buhay na walang hanggang. Dalawang makapangyarihang kamay, ang mga kamay ng Panginoon at ng Ama, ang tatangan sa atin, at hindi tayo kailanman malilipol (Juan 10:28-29). Subali’t hindi ito nangangahulugang magiging pabaya tayo sa paggawa ng mga kasalanan, sapagka’t tayo ay papaluin, parurusahan ngayon o kung hindi sa darating na kapanahunan, para sa anumang mga kasalanang nagawa natin. Ang Diyos ay matuwid. Kapag ang Kanyang mga anak ay nagkakasala at hindi nagbibigay-halaga sa Kanyang kalooban, magdurusa sila ng pagpalo, ng parusa. Kung hindi ninyo bibigyang-halaga ang Kanyang kalooban sa kapanahunang ito, mawawala sa inyo ang paghahari bilang gantimpala sa darating na kapanahunan. Dapat nating bigyang-pansin ang babalang ito. Anong katamasahan mayroon sa darating na kaharian!
Ang Sabbath ng pag-ani! Nakahihigit ito sa pangkasalukuyang lumalagong
Sabbath. Ang lumalagong Sabbath ng buhay-ekklesia ngayon ay ang paraan
upang tayo ay mapapunta sa Sabbath ng pag-ani sa darating na kapanahunan.
Kung pababayaan natin ang Sabbath ngayon sa buhay-ekklesia, hindi nating
matatanggap ang susunod na Sabbath sa darating na kaharian. Kung hindi
tayo maingat at gagawa tayo ng mga kasalanan, pagdurusahan natin ang
kaparusahan ng Diyos. Subali’t hindi ito nangangahulugan na tayo
ay malilipol muli. Sa puntong ito, isaalang-alang natin ang 1 Cor. 3:12-14, “Datapuwa’t kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng pundasyon ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, damo, pinaggapasan; ang gawa ng bawa’t isa ay mahahayag: sapagka’t ang araw ang magsasaysay, dahilan sa ito ay inihayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy din ang susubok sa gawa ng bawa’t isa kung ano yaon. Kung ang gawa ng sinuman na kanyang itinayo sa ibabaw niyaon ay mananatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.” Ang mga mananampalataya ay bukid ng Diyos (1 Cor. 3:9). Anuman ang ating palaguin na kahoy, damo, at pinaggapasan ay susunugin. Subali’t kung ang ating gawa ay nananatiling ginto, pilak, at mahahalagang bato, tatanggap tayo ng isang gantimpala, isang premyo. Gayunpaman, kung ang gawa ng isang tao ay matutupok, magdurusa siya ng pagkalugi, subali’t hindi ito nangangahulugan na mawawala sa kanya ang kaligtasan niya. Sinasabi ng kasunod na bersikulo, “Kung ang gawa ng sinuman ay matutupok, siya ay malulugi: gayunpaman siya ay maliligtas; lamang ay tulad sa pamamagitan ng apoy.” Napakalinaw ng bersikulong ito. Ang isang ligtas na tao ay maaaring malugi, subali’t hindi mawawala sa kanya ang kaligtasan niya; siya ay “maliligtas, lamang ay tulad sa pamamagitan ng apoy.” Gusto ba ninyong “maligtas sa pamamagitan ng apoy?” Kung tatanungin ninyo ako kung ano ang apoy dito, sasabihin kong hindi ko alam. Mahigit sa tatlumpu’t limang taon na ang nakararaan, isang nakatatandang Kristiyanong kaibigan ang nakikipagtalo sa akin na nagsasabi, “Paano na ang isang ligtas ay maliligtas pa rin sa pamamagitan ng apoy?” Sumagot ako, “Hindi ko alam, subali’t ang Bibliya ay nagsasabi nang gayon.” Pagkatapos sinabi niya, “Dito, hindi talagang sinasabing ‘sa pamamagitan ng apoy’ kundi ‘tulad sa pamamagitan ng apoy,’” Sa puntong ito isa pang nakatatandang kapatid ang nagsabi, “Maging ito ay ‘tulad sa pamamagitan ng apoy,’ sasanhiin pa rin tayo nitong magdusa.” Anuman ang apoy na ito, alam kong hindi ito mabuti at ayaw kong maranasan ito. Yamang mayroon tayong ganitong salita sa 1 Cor. 3, hindi natin dapat sabihin na hangga’t tayo ay ligtas, lahat ng bagay ay ayos na. Lahat ng bagay ay maaaring hindi ayos lahat. Ang ating gawa ay maaaring masunog at tayo ay maaaring maligtas tulad sa pamamagitan ng apoy.” Nang marinig ako ng ilan sa nangangaral sa linyang ito, kinondena nila ako, sinasabing itinuturo ko ang Katolikong doktrina ng purgatoryo. Ang Katolikong pagtuturo ng purgatoryo, na ginagamit ng 1 Cor. 3 bilang batayan, ay lubhang naiiba sa dalisay na Salita ng Diyos. Ayon sa Katolikong konsepto ng purgatoryo, kung kayo ay nagkasala at namatay, maaaring mapaikli ng isang kamag-anak ang panahong gugugulin ninyo sa purgatoryo sa pamamagitan ng pagbabayad ng isang halaga ng salapi sa Simbahang Katoliko. Ang pagtuturong ito ay makadiyablo. Ang itinuturo ko ay ang dalisay na katotohanan mula sa dalisay na Salita. Sinasabi ng 1 Cor. 3 na kailangan nating magtayo nang wasto: ayon sa dibinong kalikasan ng Diyos—ang ginto; ayon sa pagtutubos ni Kristo—ang pilak; at ayon sa gawain ng Espiritu Santo—ang mahahalagang bato. Kailangan nating magtayo ayon sa dibinong kalikasan ng Ama, pagtutubos ng Anak, at sa nagtatranspormang gawain ng Espiritu Santo. Subali’t kung magtatayo tayo ayon sa laman, sa sarili, at sa makasanlibutang paraan, yaon ay kahoy, damo, at pinaggapasan. May malaking kaibahan sa pagitan ng pagtatayo sa pamamagitan ng ginto, pilak, at mahahalagang bato at sa pagtatayo sa pamamagitan ng kahoy, damo, at pinaggapasan. Kung nagtayo kayo sa pamamagitan ng ginto, pilak, at mahahalagang bato, makatatangap kayo ng gantimpala. Subali’t kung nagtayo kayo sa pamamagitan ng kahoy, damo, at pinaggapasan, magdurusa kayo ng kalugihan, subali’t ligtas pa rin. Ito ay hindi Calvinismo ni Arminianismo kundi ang dalisay na Salita ng Bibliya. Bilang karagdagan sa mabiyayang kaligtasan ng Diyos, mayroong bagay ng pagtanggap ng gantimpala o pagdurusa ng kalugihan. Yaon lamang mga nakatanggap ng gantimpala ang makalalahok sa darating na Sabbath, ang Sabbath ng pag-ani. Yaong mga nakatamo ng gantimpala ay magtatamasa sa nakahihigit na Sabbath sa isan libong taong kaharian, at yaong mga nagdusa ng pagkalugi subali’t ligtas tulad sa pamamagitan ng apoy ay hindi makararanas ng Sabbath na yaon. Gaano nating kailangang maghabol tungo sa gol para sa gantimpala ng mataas na pagtawag ng Diyos na na kay Kristo Hesus at magpatuloy nang positibo. Bilang karagdagan sa kaligtasan, magkakaroon ng gantimpala nitong mataas na pagtawag na siyang Sabbath ng pag-ani sa darating na kaharian. Ito ang ating inaasinta, ang ating gol. Kung maabot natin ang gol na ito, dapat tayong magdaan sa buhay-ekklesia. Ang buhay-ekklesia ay ang paraan natin para maabot ang gol.
|