PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE DALAWAMPU’T TATLO ANG NATITIRANG SABBATH NA KAPAHINGAHAN XXIV. ANG PAGHUHUKOM SA BAHAY NG DIYOS Sinasabi sa 1 Ped. 4:17 na, “Sapagka’t dumating na ang kapanahunan para sa paghuhukom na magsisimula sa bahay ng Diyos; at kung mauuna sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi nagsisitalima sa ebanghelyo ng Diyos?” Sa bersikulong ito, makikita natin na ang Diyos ay may iba’t ibang pampamahalaang pagkikipagtuos. Tinutuos ng Diyos ang Kanyang sambahayan, yaon ay, ang Kanyang mga anak, sa isang paraan at sa isang kapanahunan, at tinutuos Niya yaong mga hindi nagsisitalima sa ebanghelyo sa ibang paraan at sa ibang kapanahunan. Bagama’t tayo ay naligtas at naging sambahayan ng Diyos, ang pamilya ng Diyos, ito ay hindi nangangahulugang hindi na tayo hahatulan pa ng Diyos. Sa kabaligtaran, sinasabi sa atin ng bersikulong ito na ang paghuhukom ng Diyos ay magsisimula sa Kanyang bahay. Kung ang Diyos ay liko sa pakikipagtuos sa Kanyang Sariling mga anak, paano Niya mahahatulan ang mga di-mananampalataya at yaong mga sumasalungat sa Kanya? Ang prinsipyo rito ay yaong upang maging matuwid ang Diyos sa paghahatol sa mga di-mananampalataya, dapat muna Siyang gumawa ng isang makatuwirang paghahatol sa Kanyang mga anak. XXV. LUMALAGO SA BUHAY Ang intensiyon ng Diyos ay hindi ang magkaroon ng isang sansinukob na punô ng maaayos, malilinis, matutuwid at walang mga kasalanang tao. Kagaya ng nakita na natin, ang layunin ng Diyos ay ang ihasik ang Kanyang Sarili sa Kanyang mga hinirang na tao, ginagawa silang Kanyang mga anak. Kapag tayo ay naging mga anak na ng Diyos sa pamamagitan ng pagkasilang-na-muli, na may buhay ng Diyos bilang ating binhi at nilalaman, kailangan nating lumago kasama ng at tungo sa Diyos at lubusang matransporma sa pamamagitan ng pagiging natitigmakan ng lahat ng Kanyang dibinong elemento. Hindi intensiyon ng Diyos na makatamo ng isang grupo ng mga dalisay at matuwid na tao, kundi ito ay ang makatamo ng mga taong natigmakan Niya at naitayo sa loob Niya. Dumating si Satanas upang biguin ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng kasalanan, sanlibutan, at sarili. Kaya, kung tayo ay lalago sa buhay ng Diyos, dapat nating kamuhian ang kasalanan, itakwil ang sanlibutan, at itatwa ang sarili. Ang layon ng pagtutuos sa kasalanan ay hindi lamang basta ang pagtutuos sa kasalanan mismo, bagkus ang alisin ang makasatanas na pambibigo sa paglago sa buhay. Ang mapatawad ang ating mga kasalanan ay isang maliit na bagay. Ang maligtas mula sa makasalanang pambibigo nang sa gayon tayo ay lumago sa buhay ng Diyos ay ang malaking bagay. Kung kayo ay nakagawa ng isang kasalanan subali’t nagsisi at nagnais na magpatuloy sa Panginoon, tiyak na patatawarin ng Diyos ang inyong kasalanan dahil sa pagtutubos ni Kristo. Huwag kayong mag-alala ukol rito. Ang intensiyon ng Diyos ay hindi lamang ang patawarin ang inyong mga kasalanan bagkus ang dalhin kayo nang pasulong nang sa gayon lumago kayo sa Kanyang buhay. Lahat tayo ay tao at madaling mahulog sa kasalanan. Subali’t hanggang nagnanais tayong lumago sa buhay, kusa na lamang na pangangalagaan ng Diyos ang ukol sa ating mga kasalanan at lilinisin tayo ng dugo ni Hesus. Gayunpaman, kung hindi tayo nagnanais na lumago subali’t hihilingan ang Diyos na patawarin ang ating mga kasalanan, tapat Niyang gagawin ito, subali’t mawawala tayo sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Ang mapatawad lamang ang ating mga kasalanan sa negatibong panig ay hindi nagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Kailangan din nating lumago at makapasok sa Sabbath na kapahingahan. XXVI. ANG BUHAY AT GAWAIN NA KAILANGAN Gusto ko ang larawang mayroon tayo sa Mateo 24 at 25. Kagaya ng natukoy na natin sa nakaraang mensahe, sa Mateo 24:40-41 nakikita natin ang dalawang buháy, at sa Mateo 25:1-4 nakikita natin ang sampung patay. Sa dalawang buháy, ang isa ay kinuha at ang isa ay naiwan. Sa sampung patay, lima ang tinanggap at lima ang pansamantalang tinanggihan ng Diyos. Ang mga ligtas ay hindi kailanman tatanggihan ng Diyos magpasawalang hanggan, subali’t maaari silang tanggihan nang pampanahunan, katulad ng isang batang hindi nagsikap sa pag-aaral, at pagkatapos ng graduwasyon ay hindi pinahintulutang makisalo sa espesyal na hapunang inihanda ng kanyang mga magulang para sa kanyang mga kapatid na lalake at babae na magaganda ang grado. Ang gayong bata ay hindi kailanman tatangihan nang permanente ng kanyang mga magulang, subali’t maaari siyang tanggihan nang pansamantala. Kung pinaniniwalaan natin ang Mateo 1, dapat din nating paniwalaan ang Mateo 24 at 25. Hindi tayo dapat mamili ng mga bersikulong gusto natin at pabayaan ang mga bersikulong ayaw natin. Ang Mateo 24 at 25 ay kapwa mahalaga sa ating pang-Kristiyanong buhay at gawain. Ang Mateo 25 ay naglalaman ng dalawang talinghaga hinggil sa atin—ang talinghaga ng sampung birhen at ang talinghaga ng mga talento. Ang talinghaga ng sampung birhen ay nagpapakita ng buhay na dapat nating taglayin, at ang talinghaga ng mga talento ay nagpapakita ng gawain na dapat nating gawin. Ang ating buhay ay dapat na katulad ng sa isang birhen na may-maingat-na-katalinuhan, at ang ating gawain ay dapat na katulad ng sa isang tapat na alipin. Sa talinghaga ng sampung birhen, nakikita natin na kailangan nating magkaroon ng isang mapagbantay na buhay, isang buhay na patuloy na nagdadala ng patotoo at lumalabas sa sanlibutan upang katagpuin ang Panginoon. Inihahayag din ng talinghagang ito na hindi lamang natin kailangan na ang ating espiritu ay naliliwanagan ng Espiritu ng Diyos, bagkus ang atin ding sisidlan, yaon ay, ang ating kaluluwa ay dapat matransporma ng ekstrang bahagi ng Espiritung nagbibigay-buhay. Higit pa rito, ang talinghaga ng mga talento ay naghahayag na ang ating gawain ay dapat na maging gawain ng isang tapat na alipin, ginagamit ang mga talentong ibinigay ng Panginoon upang ipangalakal para sa Panginoon at tumubo para sa Kanyang ekonomiya. Ayon sa kung ano ang ipinahayag sa Mateo, kapwa ang isang mapagbantay na buhay at isang tapat na gawain ay kailangang-kailangan upang magantimpalaan tayo sa darating na Sabbath na kapahingahan sa isang libong taong kaharian. Iba ito sa pagtatamasa ng kapahingahan sa kaligtasan na natatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoon. A. Mga Talentong Ibinigay Ayon sa Kakayahan Hindi tayo isinilang-na-muli upang magkaroon lamang ng dibinong buhay upang maging mga anak ng Diyos, bagkus tayo ay binigyan din ng talento upang maglingkod sa Panginoon bilang Kanyang mga alipin. Sa talinghaga ng mga talento, nakikita nating ang mga talento ay ibinigay sa mga alipin ayon sa kanilang kakayahan. “At sa isa ay nagbigay siya ng limang talento, at sa isa pa ay dalawa, at sa isa pa ay isa; sa bawa’t isa, ayon sa kani-kanilang kakahayan,” (Mat. 25:15). Lahat tayo ay may ilang kakayahan, at ang mga talentong ibinigay sa atin ay ayon sa ating kakayahan. Si Apostol Pablo ay mayroong dakilang kakayahan; maraming talento ang ibinigay sa kanya. Si Kapatid Watchman Nee ay marami ding kakayahan, at maraming talento ang ibinigay sa kanya. Gayunpaman, lahat ng ating natural na kakayahan ay dapat na matuos sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo upang madala ito sa pagkabuhay-na-muli upang makipagtulungan sa talentong ibinigay ng Panginoon. Ang ating natural na kakayahan ay palaging isang hadlang sa ating pagiging kagamit-gamit sa kamay ng Panginoon. Sa gawain ng Panginoon, tanging ang nabuhay-na-muling kakayahan, at hindi ang ating natural na kakayahan, ang nakatutugma sa talentong ibinibigay ng Panginoon. B. Isang Babala Hinggil sa Pagiging Tamad Wala sa atin ang makapag-sasaisantabi ng ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsasabing, “Purihin ang Panginoon, wala akong gaanong kakayahan at walang gaanong mga talento ang naibigay sa akin, kaya wala akong gaanong gagawin.” Maging tayo ay nabigyan ng limang talento, dalawang talento, o isang talento, ang prinsipyo ay pareho: dapat tayong makatamo ng isa pang lima, dalawa, o isa para sa Panginoon. Kung kayo ay nabigyan ng isang talento, hindi ninyo dapat gamitin ito bilang isang dahilan para maging tamad. Ayon sa talinghaga, ang panganib ay hindi roon sa mga may higit na talento kundi roon sa may isang talento. Ang aliping may isang talento ay nagsubok na hindi isali ang kanyang sarili subali’t napagwikaan siya at nakatanggap ng kaparusahan. Maraming pundamental na guro ng Bibliya, kabilang na si C.I. Scofield, ang nagsasabing, “ang aliping may isang talento ay isang huwad na Kristiyano.” Kagaya ng natukoy na natin sa nakaraang mensahe, ang mga pundamental na gurong ito, bilang mga maka Calvinismo, ay napilitang sabihin ito sapagka’t hindi nila maitugma ang gayong mga bahagi ng Salita sa kanilang pagtuturo na kapag tayo ay ligtas na, tayo ay ligtas na magpasawalang-hanggan. Yamang hindi nila maunawaan kung paanong ang isang Kristiyano ay maitatapon sa kadiliman sa labas, kailangan nilang sabihin na ang tamad, ang may isang talentong alipin ay isang huwad na mananampalataya. Hindi nakikita ng Calvinismo ang bagay ng gantimpala, na kinabibilangan kapwa ng premyo at kaparusahan. Subali’t ang kumpletong pahayag sa Banal na Salita ay hindi lamang ito nagpapakita sa atin ng walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kundi nagpapakita rin sa atin ng pampanahunang gantimpala (premyo man o kaparusahan) sa pamamagitan ng mga gawa. Ang pampanahunang paggantimpala ng isang premyo ay ang darating na Sabbath na kapahingahan sa isang libong taong kaharian. Para makapasok tayo sa Sabbath na kapahingang yaon, pagkatapos nating maligtas magpakailanman sa pamamagitan ng pananampalataya, kailangan nating mamuhay ng isang mapagbantay na buhay kagaya ng matatalinong birhen at gumawa ng isang tapat na gawain kagaya ng mga tapat na alipin. Kung hindi, mawawala sa atin ang darating na Sabbath na kapahingahan sa isang libong taong kaharian at magdurusa tayo ng ilang pagdidisiplina. C. Biyaya at Responsibilidad Binibigyang-diin ng mga maka-Calvinismo ang bagay ng ganap na biyaya, at binibigyang-diin ng mga maka-Armenianismo ang pantaong responsabilidad. Subali’t ayon sa Bibliya, ang dibinong biyaya ay para sa pantaong responsabilidad. Sa araw ng Pentecostes, sinabi ni Pedro sa mga tao na, “Magpaligtas kayo mula sa likong henrasyong ito” (Gawa 2:40 Gk.). Hindi sinabi ni Pedro na, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili,” gaya ng pagsasalin ng bersiyong King James; sinabi niya, “Magpaligtas kayo.” Ang iligtas ang inyong sarili ay nangangahulugang gawin ninyo ito nang kayo lamang. Ang magpaligtas ay nangangahulugang may ibang gumagawa nito para sa inyo, subali’t dapat ninyong pahintulutan siyang gawin ito. Nililigtas tayo ng Panginoon, subali’t kailangan Niya ang ating kooperasyon. Halimbawa, maaaring hindi sabihin ng isang ina sa kanyang anak na, “pakainin mo ang iyong sarili;” maaaring sabihin niyang, “magpasubo ka. Huwag matigas ang ulo at tumahimik ka. Buksan mo ang iyong bibig at magpasubo ka. Isubo mo ang pagkain at lunukin ito.” Bagama’t ang kaligtasan ay lubos na isang bagay ng biyaya, dapat tayong maging handa na magpaligtas at maging handang manampalataya sa Panginoon. Maging ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay walang magagawa sa atin kung hindi tayong handang manampalataya sa Kanya. Ang maging handang manampalataya ay ang ating responsalibidad, ang kooperasyong ibinibigay natin sa pagliligtas ng Diyos. Gaanuman ang biyayang naparating sa atin, lahat tayo ay dapat maging handang manampalataya sa Panginoon, tumingin sa Kanya, magbukas ng ating mga sarili upang makatanggap ng Kanyang biyaya, at pahintulan itong gumawa para sa atin. Kung mayroon lamang tayong kakayahan, hindi tayo makagagawa para sa Panginoon. Bilang karagdagan sa ating kakayahan, binigyan tayo ng talento ng Panginoon. Kapag tayo ay binigyan na ng talento, dapat nating gamitin ang ating talento. Saka lamang darating ang tubo kapag ginamit natin ang ating talento. Ang tubo ay nagmumula sa biyaya ng Diyos, subali’t ang pagdating ng biyayang ito ay nakasalalay sa paggamit natin ng ating talento, sa ating pagpapangsyon at pagsasagawa. Kung hindi natin gagamitin ang talento, hindi darating ang biyaya, sapagka’t ang pagdating nito ay nakasalalay sa ating pagsasagawa. D. Paggulang at Paghahari Nakasalalay sa ating paglago sa buhay ang panahon ng ating paggulang. Kung tayo ay lalago sa buhay gaya ng mga may-maingat-na-katalinuhang-birhen, na may ekstrang bahagi ng langis sa ating sisidlan at natransporma na, mas maaga tayong gugulang. Kung nakasalalay sa ating paglago sa buhay ang paggulang natin nang maaga o hindi, nakasalalay naman ang ating paggawa, sa ating pagsasagawa at sa ating paggamit ng talento kung makababahagi tayo o hindi sa paghahari ng Panginoon. Sinabi ng Panginoon sa aliping may limang talento, “Magaling, mabuti at tapat na alipin; naging tapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon” (Mat. 25:21). Ito ay ang maging kasamang-hari ng Panginoong Hesus at ang magtamasa ng tunay na kapahingahan, ang Sabbath sa isang libong taong kaharian. Ayon sa Lucas 19:17, sinabi ng Panginoon, “Mabuting gawa, mabuting alipin; sapagka’t naging matapat ka sa kakaunti, magkaroon ka ng awtoridad sa sampung lunsod.” Sa isang libong taong kaharian, ang ilan ay mamumuno sa sampung lunsod at ang iba ay sa limang lunsod (Luc. 19:19). Hindi ka lamang isang alkalde ng isang lunsod bagkus isang gobernador ng sampung lunsod. Bagama’t maaaring hindi tayo malinaw hinggil sa lahat ng mga detalye, walang sinumang maaaring makipagtalo sa prinsipyo rito. Kung sa mga talinghaga ay mayroon lamang tayong mga prinsipyo, sa Apocalipsis 2:26-27 ay mayroon tayong mga detalye. Dito ay sinabihan tayo, “At ang magtagumpay, at ang tumupad ng Aking mga salita hanggang sa katapusan, ay bibigyan Ko ng awtoridad sa mga bansa; at sila ay kanyang papastulin ng isang bakal na tungkod (Gk.)” Ang mga bansa sa lupa ay talagang nangangailangang mapamunuan natin. Kapag bumalik na ang Panginoong Hesus, aatasan Niya tayong pamunuan ang lahat ng mga bansa. Sa araw na yaon, wala nang walang-kabuluhang pag-uusap. Ang bawa’t isa ay magsasalita nang tama sapagka’t sila ay mapasasailalim ng wastong pamumuno. Sino ang mamumuno sa kanila? Tayo, ang mga taong nadisiplina. Naniniwala ba kayo na lahat ng mga pinuno ngayon ay mga wastong tao? Ang ilan sa kanila ay naninigarilyo, umiinom, at nagsusugal. Paano sila magiging mga wastong pinuno? Ang buong sangkalupaan ay naghihintay at dumaraing na mapalaya sa mga di-wastong pinuno. Ang sangkalupaan ay mapalalaya sa gayong uri ng pamumuno kapag bumalik na ang Panginoong Hesus. Bakit hindi pa bumabalik ang Panginoong Hesus? Sapagka’t hindi pa tayo nadidisiplina. Kung babalik Siya ngayon, sino ang aatasan Niyang mamuno sa mga bansa? Ang salitang talento sa Mateo 25 ay katumbas ng salitang kaloob sa Mga Sulat. Sinabi ni Pablo kay Timoteo na “paningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo” (2 Tim. 1:6). Sa buhay kailangan nating lumago, sa gawain kailangan nating gamitin ang ating kaloob. Ang talinghaga ng sampung birhen ay naghahayag ng ating pangangailangan ng transpormasyon ng Espiritung nagbibigay-buhay, at ang talinghaga ng mga talento ay naghahayag ng pangangailangan nating magkaroon ng wastong paggamit ng mga espirituwal na kaloob. Lahat tayo ay kailangang matransporma sa pamamagitan ng ekstrang bahagi ng langis sa ating sisidlan, at kinakailangan nating lahat na ensayuhin ang ating kaloob upang magtamo ng ilang tubo para sa Panginoon. Sa isang banda kailangan nating lumago at sa isang banda ay tumubo para sa ekonomiya ng Diyos. Nakasalalay sa ating paglago ang panahon ng ating paggulang, at nakasalalay sa pag-eensayo ng ating kaloob ang katayuang mababahagi natin kay Kristo sa isang libong taong kaharian. Kung hindi tayo gugulang at hindi natin eensayuhin ang ating mga kaloob, hindi tayo maagang maiiakyat-nang-may-masidhing-kagalakan at hindi natin matatamasa ang paghaharing kasama ni Kristo. Ang Mateo 25 ay nagsasalita ng tungkol sa “kagalakan ng iyong Panginoon” (bb. 21, 23). Walang alinlangan, ang kagalakang ito ay ang kapahingahan sa Sabbath sa darating na kaharian. E. Ang Kaparusahan sa Tamad na Alipin— Ang tamad, ang may isang talentong alipin ay hindi lamang mawawalan ng pagtatamasa sa pagiging isang kasamang-hari ni Kristo sa isang libong taong kaharian, bagkus magkakaroon din ng ilang pagdurusa. Kung walang pagdurusa, wala na sanang pagbanggit sa “pagtangis at pangangalit ng mga ngipin” (Mat. 25:30), na siyang tanda ng pagdurusa sa ilang kaparusahan. Hindi ito ang walang hanggang kapahamakan; ito ang matalinong pagdidisiplina ng ating Ama. Kapwa ang kapanahunan ng ekklesia at ang kapanahunan ng kaharian ay mga bahagi ng kapanahunan ng pagsasagawa ng Diyos para sa pagsasakatuparan ng Kanyang layunin. Ang kapanahunan ng pagsasagawa ng Diyos ay hindi magtatapos sa katapusan ng isang libong taon. Kaya, ang pagtutuos ng Diyos sa atin, ang Kanyang pagdisiplina sa atin, ay maaaring hindi sa kapanahunan ng ekklesia, kundi maaari ring sa darating na kapanahunan ng kaharian. Sa katapusan ng isang libong taon, ang walang hanggang layunin ng Diyos ay naisagawa na, at ang bagong langit at bagong lupa kasama ang Bagong Herusalem ay ipapasok na, at pagkatapos wala nang mga pagtutuos, wala nang pagdidisiplina ng Diyos. Dapat kong ulitin ito sapagka’t maraming Kristiyano ang may maling konsepto na kapag ang Panginoon ay bumalik at tayo ay nabuhay-nang-muli, lahat ng bagay ay nasa ayos na at lahat ng mga Kristiyano ay makababahagi sa paghahari sa isang libong taong kaharian. Nakasalalay sa ating paggawa ngayon kung tayo ay makapaghaharing kasama ni Kristo o hindi sa isang libong taon. Ang ating Panginoon ay may mataas na kapangyarihan, may paraan para pahinugin tayo at pagulangin tayo. Kung hindi tayo mahihinog sa kapanahunang ito, sisiguruhin Niyang mahihinog tayo sa susunod. F. Ang Pangangailangang Magbayad ng Halaga Pagkatapos masumpungan ng mga mangmang na birhen na kulang sila sa langis, sinabihan silang magbayad ng halaga at bumili ng gayon para sa kanila (Mat. 25:8-9). Ang kaligtasan ay walang bayad, subali’t ang transpormasyon ay hindi gayon. Dapat tayong magbayad para rito. Kung hindi tayo magbabayad ng halaga ngayon, dapat natin itong bayaran sa hinaharap. Walang sinumang makapagbabayad nito para sa atin. Ayon sa talinghaga ng sampung birhen, maging pagkatapos bumalik ng Panginoon, at maging pagkatapos ng ating pagkabuhay-na-muli, ang mga mangmang ay kinakailangan pa ring magbayad ng halaga upang makatamo ng ekstrang bahagi ng langis sa kanilang sisidlan. Hindi ito yaong gaya ng sinasabi ng mga maka-Calvinismo, na ang limang may-maingat-na-katalinuhang birhen ay ligtas at ang limang mangmang ay mga huwad na Kristiyano. Yaon ay isang pagtakas. Dapat nating kunin ang Mateo 25 sa isang seryosong paraan. Kung hindi tayo magbabayad ng halaga upang makatamo ng langis sa kapanahunan ng ekklesia ngayon, dapat natin itong bayaran pagbalik ng Panginon at sa pagkabuhay-na-muli natin sa hinaharap. Ito ang prinsipyo. Hindi ito aking konsepto o aking pagtuturo. Ito ang pahayag ng dalisay na salita sa Banal na Bibliya. Maraming Kristiyano ang namimili ng bersikulo ayon sa kanilang gusto at panlasa, namimili ng mga bersikulong tumutugma sa kanilang natural na konsepto, hindi nangangahas na hipuin ang mga bersikulong ito sa Mateo 25. Gaanong nakasisira ito! Nililinlang nila ang kanilang mga sarili at ang iba. Ang mga may-mainat-na-katalinuhang-birhen at ang mga tapat na alipin ay papasok sa Sabbath na kapahingahan na mas mainam sa Sabbath na kapahingahang alam natin ngayon. Bagama’t nagtatamasa tayo ng isang mabuting Sabbath sa kapanahunan ng ekklesia, hindi ito kasing inam ng Sabbath sa darating na kapanahunan ng kaharian. Ang makapasok sa kagalakan ng Panginoon ay ang makapasok sa Sabbath na kapahingahan kasama ang Panginoon sa isang libong taong kaharian. Kapag tumingin ang Panginoon sa lahat ng mga mandaraig, Siya ay masisiyahan at papasok sa Kanyang Sabbath na kapahingahan. Kung tayo ay kabilang sa mga mandaraig, makapapasok tayo sa kapahingahang yaon kasama Siya.
|