|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE DALAWAMPU’T APAT ANG NATITIRANG SABBATH NA KAPAHINGAHAN Ang Bibliya, lalung-lalo na ang Bagong Tipan, ay isang kumpletong pahayag. Sa Bagong Tipan nakikita natin kung papaano dumating ang Tagapagligtas, nahayag sa atin, at naisagawa ang katubusan para sa atin, at kung papaano tayo makapananampalataya sa Kanya, makatatanggap ng kaligtasan, at maisisilang-na-muli. Sinasabi rin sa atin ng Bagong Tipan na ang mga ligtas na tao ang bumubuo ng ekklesia at na makapagbubuhay-ekklesia tayo sa lupa ngayon. Bilang karagdagan sa lahat ng ito, binibigyan tayo ng babala ng Bagong Tipan. Pagkatapos nating maligtas at maisilang-na-muli, dapat nating tanganan ang biyaya ng Diyos, at tamasahin ang lahat ng inihanda ng Diyos para sa atin sa loob ng Kanyang biyaya. Kung hindi natin gagawin ito, hindi tinatanganan ang biyaya ng Diyos at hindi tinatamasa ang Kanyang mga kayamanan, magdurusa tayo ng pagkalugi at kaparusahan. Binibigyan tayo ng Bagong Tipan ng gayong isang malinaw at tiyak na babala. Hinihikayat din tayo nitong tamuhin ang gantimpala. Upang matamo ang gantimpalang ito, dapat tayong magbayad ng halaga. Kaya, ang naghihintay sa atin ay maaaring isang kaparusahan o isang gantimpala. Hindi nakasalalay sa ating kaligtasan kung tayo ay tatangap ng gantimpala o magdurusa ng kaparusahan; ang lahat ng ito ay nakasalalay sa kung paano tayo mamumuhay at gagawa pagkatapos na maligtas. Kung tayo ay mamumuhay at gagawa sa wastong paraang itinalaga ng Diyos, makatatanggap tayo ng isang gantimpala. Subali’t kung hindi natin bibigyang-halaga ang biyaya ng Diyos, magdurusa tayo ng pagkalugi, at isang tiyak na kaparusahan ang maghihintay sa atin. Kagaya ng natukoy na natin sa mga nakaraang mensahe, sinasabi sa atin ng Ebanghelyo ni Mateo na kapag bumalik na ang Panginoong Hesus, gagantimpalaan Niya tayo ayon sa ating mga gawa (16:27). Ginagawa ring napakalinaw ng mga talinghaga sa Mateo 25 ang bagay na ito. XXVII. ANG LIMANG BABALA SA HEBREO Sa aklat ng Hebreo ay may limang babala, na ang lahat ay magkakatulad sa kalikasan. Sa pitong sulat sa Apocalipsis 2 at 3 ay mayroon din tayong ilang mga babala. Ang pitong babala sa Apocalipsis 2 at 3 at ang limang babala sa Hebreo ay may magkakatulad na kalikasan. Samakatuwid, masasabi nating sa kabuuan, mayroong labindalawang babala, lima sa aklat ng Hebreo at pito sa Apocalipsis 2 at 3. Mangyari pa, sa bawa’t babalang ito ay may isang tiyak na pangako, sapagka’t kung bibigyang-pansin natin ang mga babala, tatanggap tayo ng isang gantimpala. Ang unang babala sa Hebreo ay nasa 2:1-4, sinasabi sa ating, “lubos na bigyang-pansin ang mga bagay na narinig, baka sa anumang oras ay matangay tayo” at huwag “pababayaan ang ganitong kadakilang kaligtasan.” Ang ikalawang babala, na matatagpuan sa 3:7 hanggang 4:13, ay nagsasabi sa ating huwag na hindi makaabot sa ipinangakong Sabbath na kapahingahan kundi “magsipagsikap nga tayong makapasok sa kapahingahang yaon, baka ang sinuman ay mahulog sa gayunding halimbawa ng pagsuway.” Sa isang pakahulugan, ang lahat ng mga mensaheng ito hinggil sa natitirang Sabbath na kapahingahan ay may nilalaman sa ikalawang babala. Ang ikatlong babala, hinggil sa pagpatuloy upang gumulang (5:11; 6:20), ay nagsasabi sa ating, huwag maging katulad ng lupang sinisibulan ng “mga tinik at mga dawag” sapagka’t “ito ay dinidis-apruba at malapit sa sumpa, at ang kanyang kahihinatnan ay ang masunog.” Sa ikaapat na babala sinasabihan tayong magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan at huwag uurong pabalik sa Hudaismo (10:19-39). At sa ikalimang babala hinihikayat tayong tumakbo sa takbuhan at huwag mahulog nang palayo mula sa biyaya (12:1-29). Ginagamit ng mga maka-Armenianismo ang limang babalang ito bilang isang batayan sa pagsasabing ang isang naligtas na tao ay maaaring mawalang muli. Subali’t kung titingnan ang mga bahaging ito ng Salita sa isang wastong paraan, makikita nating hindi nagsasabi ang mga ito ng tungkol sa muling pagkawala kundi ng tungkol sa bagay ng gantimpala, alinman sa positibong gantimpala ng pagtatamo ng isang premyo o negatibong gantimpala ng pagtatanggap ng kaparusahan. XXVIII. ISANG BABALA HINGGIL SA PAGKAKASALA NANG SADYA Isaalang-alang natin ngayon ang ikaapat na babala. Sinasabi sa Hebreo 10:26, “Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang lubos na pagkaalam sa katotohanan, wala nang haing natitira pa para sa mga kasalanan.” Ano ang kahulugan ng “sinasadya ang pagkakasala?” Upang maunawaan ito dapat nating balikan ang bersikulo 25 gaya ng itinutukoy ng salitang “sapagka’t” sa simula ng bersikulo 26. Sinasabi sa bersikulo 25, “Hindi pinababayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangaghikayatan sa isa’t isa, at lalo na kung inyong nakikitang ang araw ay nalalapit na.” Ang sadyaing magkasala sa bersikulo 26 ay ang pabayaan ang pagkakatipon sa bersikulo 25. Ang babalang ito ay dapat bigyan ng seryosong pansin ng mga mananampalatayang Hebreo. Nang ang aklat ng Hebreo ay isinulat, maraming Hebreong Kristiyano ang nasa pagitan ng Hudaismo at ng ekklesia, hindi malaman kung tatalikuran ang ekklesia at babalik sa Hudaismo, o tatalikuran ang Hudaismo at magpapatuloy sa ekklesia. Nasaan ang ekklesia? Ang ekklesia ay nasa pagkakatipon, ang mga pagpupulong ng mga mananamlataya sa loob ni Kristo. Ang hindi pagdalo ng mga mananampalatayang Hebreo sa mga pagpupulong kasama ang mga mananampalataya sa loob ni Kristo ay nangahulugang tinatalikuran nila ang ekklesia. Kung pababayaan ng mga nag-aatubiling Hebreong Kristiyanong yaong mga pagpupulong ng ekklesia, nangangahulugan itong sila ay nagkakasala nang sadya pagkatapos nilang matanggap ang pagkaalam sa katotohanan. Parang sinasabi ng sumulat sa kanila na, “Sa sulat na ito inilahad ko na sa inyo ang pagkaalam sa katotohanan. Dapat kayong dumalo sa lahat ng mga pagpupulong ng ekklesia. Kung hindi, nangangahulugan ito na nagkakasala kayo nang sadya. Kung kayo ay magkakasala nang sadya sa pamamagitan ng pagpapabaya sa mga pagpupulong ng ekklesia at pagbalik sa Hudaismo upang maghandog ng hain para sa kasalanan, dapat ninyong matanto na wala nang natitira pang hain para sa kasalanan, sapagka’t ang aklat ng sagisag ng mga handog ay natapos na ngayon.” Ito ang tamang kahulugan ng “wala nang haing natitira pa para sa mga kasalanan.” Hindi ito nangangahulugang kapag tayo ay nagkasala hindi na tayo mapapatawad o ang ating mga kasalanan ay hindi na mapapatawad. Ito ay nangangahulugang ang mga sagisag ay natapos na, napalitan na ni Kristo, at yaong mga mananampalatayang Hebreo ay dapat na manatili sa ekklesia at hindi magpabaya sa mga pagpupulong. Subali’t kung tatalikuran nila ang ekklesia at babalik sila sa Hudaismo para maghandog ng hain para sa kasalanan, sila ay magkakasala nang sadya at maghahandog ng hain ng walang kabuluhan, sapagkat wala nang hain pang natitira para sa kasalanan sa ekonomiya ng Diyos. Binabalaan ng sumulat ang mga mananampalatayang Hebreo na wala nang hain pang natitira para sa mga kasalanan, “kundi isang kakila-kilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang mabangis na apoy na lalamon na sa mga kaaway” (10:27). Kung tatalikuran ng mga mananampalatayang Hebreo ang ekklesia, pagdurusahan nila ang kaparusahan na nakatalaga para sa mga kaaway. Ang bersikulo 28 at 29 ay nagpapatuloy na, “Ang sinumang nagpawalang-halaga sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay namamatay na walang awa: Gaano kayang kahigpit na parusa, sa akala ninyo, ang nauukol na ihatol, doon sa yumurak sa Anak ng Diyos, at nag-aring di-banal sa dugo ng tipang nagpabanal sa kanya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?” Ano ang kahulugan ng yurakan ang Anak ng Diyos? Ito ay nangangahulugang kung babalik ang mga mananampalatayang Hebreo sa Hudaismo upang maghandog ng hain para sa kasalanan, nagtitiwala sa haing yaon, sa katunayan, kanilang niyuyurakan ang Anak ng Diyos. Siya ay kanilang inaalipusta. Ang hain para sa kasalanan ay isang sagisag ni Kristo. Yamang si Kristo ay dumating upang tuparin at halinhan ang hain para sa kasalanan, kinakailangang manatili ang mga Hebreong mananampalataya sa Kanya at hindi na bumalik sa Hudaismo upang maghandog ng hain para sa kasalanan. Kung gagawin nila yaon, inari nila ang dugo ng tipan na isang karaniwang bagay, ginagawa itong katulad ng dugo ng tupa at kapang baka. Ang mga Hebreong Kristiyano ay binalaang huwag bumalik sa Hudaismo upang muling maghandog ng hain para sa kasalanan. Ang gawin ito ay ang hamakin nila ang Anak ng Diyos na kanilang sinampalatayanan at kung kaninong dugo sila ay napaging-banal at ang gawin ang Kanyang dugo na karaniwan kagaya ng sa mga hayop na inihahain. Ang gawin ang gayong bagay ay ang alipustahin ang Espiritu ng biyaya. Ang Espiritu ng biyaya ay gumagawa, kumikilala at nagpapahid sa kanila, at kailangan nilang makinig sa Kanya. Pagkatapos binalaan sila ng sumulat sa pagsasabing, “Sapagka’t ating nakikilala Yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, Ako ang gaganti. At muli, ang Panginoon ay hahatol sa Kanyang bayan. Kakila-kilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng buháy na Diyos” (bb. 30-31). Hindi ito ang kahatulan ng Panginoon sa mga di-ligtas; ito ang Kanyang kahatulan sa “Kanyang bayan,” sa Kanyang mananampalataya, ang mga ligtas na tao. XXIX. ANG PAGDIDISIPLINA NG AMA Dumako tayo ngayon sa ikalimang babala sa kapitulo labindalawa ng Hebreo. Sinasabi sa bersikulo 5 na, “At inyong lubusang nilimot ang iniaral na nakikipagmatuwiran sa inyong tulad sa mga anak, Anak Ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang pagdidisiplina ng Panginoon, ni manlupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan Niya.” Ang salitang pagdidisiplina sa bersikulong ito ay tumutukoy sa ilang uri ng pagpaparusa. Nagpapatuloy ang bersikulo 6 sa pagsasabing, “Sapagka’t dinidisiplina ng Panginoon ang Kanyang iniibig, at hinahampas ang bawa’t anak na Kanyang tinatanggap.” Ang hampasin dito ay nangangahulugang ang paluin. Karamihan sa atin ay nakatanggap ng ilang uri ng paghampas mula sa ating mga magulang noong tayo ay mga bata pa. Sa ganito ring paraan, ang ating Ama ay nanghahampas sa Kanyang mga anak. Sinasabi sa bersikulo 7 na, “Kayo ay nagtitiis para sa disiplina; pinakikitunguhan kayo ng Diyos na tulad sa mga anak; sapagka’t alin ngang anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama?” Papaluin ng isang ama ang kanyang mga sariling anak, hindi ang mga bata sa lansangan. Ang hampasin tayo ng Diyos ay hindi nangangahulugang mawawala natin ang ating walang hanggang kasiguruhan. Lalong dinidisiplina ng kanyang mga magulang ang isang bata, lalo siyang naiingatan. Sinasabi sa bersikulo 8 na “datapuwa’t kung wala kayong natanggap na disiplinang nabahagi ng lahat ng anak, sa gayon kayo ay mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak.” Natatakot ako na kung hindi ako didisiplinahin ng Diyos Ama, nangangahulugan ito na ako ay isang anak sa labas, hindi isang tunay na anak. Sinasabi sa bersikulo 9 na “tayo ay nagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo ay disiplinahin at sila ay ating iginagalang; hindi ba lalong dapat tayong pasakop sa Ama ng mga espiritu, at sa gayon ay mabuhay?” Ang pagiging sa pagpapasakop sa Ama ng mga espiritu ay nagbibigay sa atin ng higit na buhay. Sinasabi sa bersikulo 10, “Sapagka’t tunay ngang dinisiplina nila tayo ng ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni’t Siya ay sa kapakinabangan natin, upang tayo ay makabahagi ng Kanyang kabanalan.” Ang makabahagi ng Kanyang kabanalan ay nangangahulugang makabahagi ng Kanyang banal na kalikasan. Ito ay nagpapahiwatig ng paglago sa buhay. Ang disiplinang natatanggap natin sa ating Ama ay tumutulong sa ating lumago. Ang madisiplina ay hindi ang mawala. Maaaring sabihin ng isang ama sa kanyang anak na, “Kung hindi ka magpapakabuti, parurusahan kita.” Subali’t ito ay hindi nangangahulugang ang anak ay mawawala. Kapag pinarurusahan ng isang ama ang kanyang anak, hindi niya ito pinapatay. Huwag niyong isipin na ang maparusahan ng ating makalangit na Ama ay nakaaapekto sa ating walang hanggang kaligtasan. Kapag dinisiplina Niya tayo, lalong nagiging matatag ang ating walang hanggang kaligtasan sapagka’t tinutuos Niya tayo bilang Kanyang mga mahal na anak, hindi bilang mga anak sa labas. Naniniwala ba kayong tinutuos lamang tayo ng ating Ama sa pangkasalukuyang kapanahunang ito, hindi sa darating na kapanahunan? Yamang marami sa atin ang naimpluwensiyahan ng mga di-eksaktong pagtuturo, dapat kong tukuyin muli na kung hindi tayo magpapakabuti, paparusahan tayo ng ating Ama sa kapanahunang ito o sa darating na kapanahunan. Huwag ninyong isipin na pagkabalik ng Panginoon at kayo ay nabuhay-na-muli, ang lahat ay magiging maayos at wala nang higit pang pagdisiplina o pagpalo. Ito ay isang di-eksaktong pagtuturo. Kagaya ng nakita natin sa nakaraang mensahe, ang Mateo at Lucas ay kapwa tiyak na nagsasabi sa atin na kapag bumalik na ang Panginoon, parurusahan Niya ang ilan sa Kanyang mga tamad na alipin sa susunod na kapanahunan. Ito ay malinaw na inihahayag sa dalisay na Salita. Ano ang mas gusto ninyo—ang madisiplina na ngayon o ang maparusahan sa huli? Ayaw kong magkaroon ng anumang kaparusahan. Sa awa at biyaya ng Panginoon, mas nanaisin kong pakabutihin ang aking sarili. Subali’t kung ako ay dapat parusahan, mas nanaisin kong maranasan na ito sa kapanahunang ito, hindi sa susunod. XXX. ISANG BABALA HINGGIL SA PAGBITAW SA PAGKAPANGANAY Sinasabi sa bersikulo 15 at 16 na, “Na nag-iingat nang mabuti baka ang sinuman ay mahulog palayo sa biyaya ng Diyos, baka kayo ay bagabagin ng anumang ugat ng kapaitang sumisibol, at sa pamamagitan nito ay mahawa ang marami; baka magkaroon ng sinumang mapakiapid o mapaglapastangang gaya ni Esau, na para sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kanyang pagkapanganay.” Ano ang kahulugan ng “mahulog palayo sa biyaya ng Diyos?” Ito ay nangangahulugang mayroon na tayong biyaya at tayo ay dapat na magsumikap na hindi maiwala ito, hindi ang mahulog mula sa biyaya na tinatamasa na natin. Kung babalik ang mga mananampalatayang Hebreo sa Hudaismo, mahuhulog sila palayo sa biyaya na tinatamasa ng lahat ng mga mananampalataya sa loob ni Kristo. Dapat silang mag-ingat, baka sila ay bagabagin ng anumang ugat ng kapaitang sumisibol, yaon ay, sisirain sila ng ilang mga maka-Hudaismo sa pamamagitan ng kapaitan ng kanilang mga maka-Hudaismong pagtuturo. Sa buhay ekklesia, may mga bagay na nasa gayunding prinsipyo ang nangyayari paminsan-minsan. Sinasabi sa bersikulo 16 na para sa isang pinggang pagkain ipinagbili ni Esau ang kanyang pagkapanganay. Ang pagkapanganay sa loob ni Kristo, na kinabibilangan ng pagkahari sa darating na kaharian, ay isang malaking bagay sa mga mananampalataya. Subali’t maaari nating maipagbili ang ating pagkapanganay dahil lamang sa kaunting pagtatamasa ng mga materyal na bagay kagaya ng pagbebenta ni Esau ng sa kanya dahil sa pagtatamasa ng isang subong pagkain. Kung tinalikuran ng mga Hebreong Kristiyano ang biyaya na na kay Kristo dahil sa isang maliit na subong Hudaismo, naiwala nila ang kanilang pagkapanganay kay Kristo. Ang maiwala ang pagkapanganay kay Kristo ay hindi ang maiwala ang buhay na walang hanggan; ito ay ang maiwala ang karapatan sa buhay, yaon ay, ang maiwala ang pagtatamasa sa darating na kapanahunan bilang isang gantimpala. Sinasabi sa bersikulo 28 at 29 na, “Kaya’t pagkatanggap ng isang kahariang hindi nayayanig, magkaroon tayo ng biyaya, na sa pamamagitan nito ay makapaglilingkod tayo nang nakalulugod sa Diyos na may maka-Diyos na pagkatakot at pitagan; sapagka’t ang Diyos natin ay isa ring apoy na namumugnaw.” Yamang tayo ay nasa hakbangin ng pagtanggap ng gayong isang kahariang hindi nayayanig, dapat nating panghawakan ang biyaya at hindi mahulog mula rito. Sinasabi sa atin ng bersikulo 29 na ang ating Diyos ay isang apoy na namumugnaw. Ito ay isang seryosong babala. XXXI. NAMAMAHINGA SA WASTONG BUHAY-EKKLESIA Sa pitong mensaheng ito, nakita natin kung ano ang kahulugan ng pagpasok sa Sabbath na kapahingahan. Gaano natin kailangan makapasok sa natitirang Sabbath na kapahingahan! Napakaraming naisagawa ng ating Kristo. Kagaya ng pagsasabi sa atin ng aklat ng Hebreo nang maraming beses, si Kristo ay nakaupo sa mga kalangitan. Ang maupo ay ang mamahinga. Ngayon, si Kristo ay nakaupo sa mga kalangitan na nagtatamasa ng isang Sabbath na kapahingahan sapagka’t naisagawa na Niya ang lahat ng bagay upang maibunga ang ekklesia na siyang kasiyahan at kapahingahan ng Diyos. Dapat tayong mabalaan na huwag talikuran ang buhay-ekklesia. Kung tatalikuran natin ang buhay-ekklesia, tayo ay magpapagala-gala sa ilang. Lahat halos tayo ay makapagpapatotoo na bago tayo dumating sa loob ng buhay-ekklesia, tayo ay nagpapagala-gala sa ilang. Tayo ay naglalakbay sa iba’t ibang grupo ng mga Kristiyano at walang kapahingahan hanggang sa umuwi tayo sa tahanan, sa ekklesia. Dito, sa ekklesia, tayo ay nasa kapahingahan. Yamang ang mga Hebreong Kristiyano ay pagala-gala, hinihikayat sila ng sumulat na pumasok sa kasalukuyang Sabbath na kapahingahang ito sa wastong buhay-ekklesia. Kagaya ng natukoy na natin, na ang ekklesia ay ang Sabbath na kapahingahan ngayon ay pinatutunayan ng katotohanang ang ekklesia ay ang bahay ng Diyos na kung saan ipinahahayag ng Anak ng Diyos ang Ama sa Kanyang mga kapatid at sa gitna ng mga ito ay umaawit Siya ng mga himno sa Ama. Mahikayat kayong mapasabuhay-ekklesia, ang Sabbath ngayon. Ang Sabbath na ito ang magdadala sa atin sa kaharian. Ang buhay-ekklesia ang magpapakain sa atin, magpapatibay sa atin, magtatayo sa atin, at magsasanhi sa ating maging kwalipikado para sa susunod na Sabbath, na magiging kapanahunan ng kaharian. Ang kaharian ay nangangailangan ng mga taong gumulang. Bagama’t mayroong tayong binhi ng buhay sa loob natin at tayo ay lumalago, kailangan nating gumulang. Saan tayo gugulang? Sa ekklesia. Ang ekklesia ang wastong taniman, ang wastong bukid, kung saan tayo lumalago tungo sa paggulang. Sa ekklesia natatamasa natin ang mga pakinabang sa lumalagong Sabbath ngayon. Sa ekklesia tayo ay madadala rin sa Sabbath ng pag-ani. Kaya, sinabihan ng sumulat ang mga pagala-galang Hebreong Kristiyano na tumigil na sa paggala, magbuhay-ekklesia, at pumasok sa Sabbath ngayon na magdadala sa kanila sa nakahihigit na Sabbath ng isang libong taong kaharian. Kung hindi sila nakapagbuhay-ekklesia, sila ay magiging gaya ng kanilang mga magulang na nagpagala-gala sa ilang, nangabuwal doon at nangamatay. Gaano natin kailangan magsumikap na makapasok sa Sabbath na kapahingahan at mapasa wastong buhay-ekklesia ngayon! Ang Heb. 4:9 ay hindi kailanman naging malinaw sa akin katulad ngayon. Sa pamamagitan ng awa ng Panginoon, nawa maiwasan nating lahat ang kaparusahan at matamo natin ang gantimpala sa darating na kapanahunan. XXXII. ANG BUHAY-EKKLESIA BILANG ATING KUBLIHAN Ang buhay-ekklesia ay isang kublihan din. Kailangan nating takasan ang Hudaismo, Protestantismo, pagkamakasanlibutan, at ang ilang, at tumakas patungo sa kublihan ng buhay-ekklesia. Huwag ninyong isiping ang langit ang inyong kublihan. Napakalayo ng langit upang maging isang kublihan para sa atin na nahaharap sa isang desperadong situwasyon sa isang maunos na karagatan ngayon. Para sa atin, ang buhay-ekklesia ay isang bagay ng buhay o kamatayan. Kung maghihintay kayo hanggang makarating kayo sa langit upang maghanap ng kublihan, maaaring malunod kayo. Tumakas kayo patungo sa buhay-ekklesia upang makublihan. Ang Hebreo ay isang kamangha-manghang aklat na nagtataglay ng maraming bagong konsepto. Marahil walang sinumang nagbabasa ng mensaheng ito ang nakarinig na ang buhay-ekklesia ay isang kublihan. Subali’t marami sa atin ang nakaranas ng buhay-ekklesia sa ganitong paraan. Halimbawang walang buhay-ekklesia sa Estados Unidos. Saan kaya tayo naroroon? Halos lahat tayo ay maaaring nalunod na sa maunos na karagatan. Aleluya para sa isang kublihang katabi mismo ng maunos na karagatan! Ang buhay-ekklesia ay ang ating kublihan ngayon.
|