| PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE DALAWAMPU’T LIMA ISANG MASAMANG PUSO NA WALANG PANANAMPALATAYA,
HUMIHIWALAY SA DIYOS NA BUHÁY ISANG MASAMANG PUSO NA WALANG PANANAMPALATAYA,
Sa mensaheng ito, kailangan nating talakayin ang tatlong bagay: ang isang masamang puso na walang pananampalataya na humihiwalay sa Diyos na buháy; ang buháy na salita ng Diyos; at ang mga bahagi ng tao. Sinasabi sa Hebreo 3:12 na, “Magsipag-ingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kaninuman sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Diyos na buháy.” Wala nang pusong mas sasama pa sa isang pusong walang pananampalataya. Wala nang nakasasakit nang gayon sa Diyos katulad ng ating kawalan ng pananampalataya. Si David ay nakagawa ng isang malubhang kasalanan, pumatay ng isang tao at kinuha ang asawa nito. Sa pampamahalaang pananalita, gayunpaman, ang kasalanang ito ay hindi ganoong kaseryoso, sapagka’t hindi nito sinanhi ang Diyos na pabayaan na lang si David. Subali’t ang kawalan ng pananampalataya ng mga anak ni Israel sa ilang ay nagsanhi sa Diyos na pabayaan sila. Iniinsulto at sinasaktan ng kawalan ng pananampalataya ang Diyos Mismo. Bawa’t kasalanan ay sumasaway sa matuwid na kautusan ng Diyos, subali’t ang ilang mga kasalanan ay hindi umiinsulto sa Diyos Mismo, hindi katulad ng kasalanan ng kawalan ng pananampalataya. I. ANG DIYOS NA BUHÁY Ang ating Diyos ay ang Diyos ng mga buháy. Napakasama ng kawalan ng pananampalataya sapagka’t iniinsulto nito ang buháy, tapat, at makapangyarihan-sa-lahat na Diyos. Kung hindi tayo nananampalataya sa Diyos, sa Kanyang gawain at sa Kanyang mga pamamaraan, iniinsulto natin Siya. Ito ang dahilan kung bakit dapat mag-ingat tayo ukol sa pagiging walang pananampalataya. Sinasabi sa bersikulo 10 na, “Dahil dito ay nawalan Ako ng gana sa henerasyong ito, at Aking sinabi, Sila ay laging nagkakamali sa kanilang puso; at hindi nila nakikilala ang Aking mga pamamaraan.” Ang mga pamamaraan ng Diyos ay naiiba sa Kanyang mga gawa. Ang Kanyang mga gawa ay ang Kanyang mga aktibidad; ang Kanyang mga pamamaraan ay ang prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang paggawa. Nalalaman lamang ng mga anak ni Israel ang Kanyang mga gawa, nguni’t batid ni Moises ang Kanyang mga pamamaraan (Awit 103:7). Sa ilang ang mga anak ni Israel ay nakakita ng himala halos tuwing umaga—ang manna. Kung ang gayong himala ay mangyayari ngayon, malalathala ito sa mga pahayagan sa buong mundo. Bagama’t ang mga anak ni Israel ay nakasaksi ng gayong himala, sila hindi katulad ni Moises, ay nakita lamang ang mga gawa ng Diyos; hindi nila batid ang mga tapat, at dibinong pamamaraan ng Diyos. Hindi tayo dapat maging katulad ng mga anak ni Israel; dapat nating matutunan ang mga pamamaraan, ang mga prinsipyo, ng ating Diyos. Nang magkulang sa pagkain at tubig ang mga anak ni Israel, nagreklamo sila at nagbulung-bulong. Nang gumawa ang Diyos ng paraan para sa kanila, sumaya sila ng pansamantala, subali’t di nagtagal sinaktan nilang muli ang Diyos. Kung titingnan natin ang ating mga sarili, hindi natin sila dapat pulaan, sapagka’t makikita natin na gayundin tayo. Tayo ay makasisigaw ng, “Purihin ang Panginoon!” isang gabi sa isang pagpupulong at nagbubulung-bulong laban sa Panginoon kinaumagahan. Gaano nating kailangang mabatid ang mga pamamaraan ng Diyos! Ang ating Diyos ay buháy at mayroon Siyang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay. Hindi Niya kailanman itatatwa ang Kanyang Sarili; Siya ay may kakayahan, makapangyarihan-sa-lahat, at tapat. Palagi Niyang tinutupad ang Kanyang mga pangako at ginaganap ang Kanyang mga salita. II. ANG MASAMANG PUSO Bagama’t ang Diyos ay buháy at tapat, ang masamang puso ay napatigas laban sa Kanya (3:8). Sa isang pakahulugan, ang isang masamang puso ay lubhang risonable; labis itong nangangatuwiran. Gayunpaman, sa isang pakahulugan, ito ay matigas at walang rason sapagka’t ito ay napatigas. Kaya, ito ay umalis sa tamang landas at naliligaw, hindi nababatid ang mga pamamaraan o mga prinsipyo ng Diyos. Tinutukso nito ang Diyos sa pamamagitan ng pagsubok sa Kanya sa (3:9). Sa kalaunan, ang gayong puso ay dadaya sa sarili at madadaya (3:13). Ito ang kundisyon ng isang masamang puso. Ang gayong isang masamang puso ay palaging nagmumula sa pagmamatigas. Gaano kapanganib na mapatigas ang ating puso! Kailangan nating manalangin nang paulit-ulit para palambutin ng Panginoon ang ating puso, na sinasabing, “Panginoon, kaawaan Mo ako. Palambutin Mo ang aking puso at huwag pahintulutang tumigas ito.” III. KAWALAN NG PANANAMPALATAYA Ang isang masamang puso ay nagbubunga ng kawalan ng pananampalataya. Ang kawalan ng pananampalataya ay nangangatuwiran ayon sa natural na konsepto, hindi ayon sa prinsipyo ng Diyos. Tingnan ang pangangatuwiran ng mga anak ni Israel sa Bilang 13:31-33. Kabilang sa kanilang pangangatuwiran ang ilang mga kasinungalingan, sapagka’t sinabi nila, “ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon.” Yaon ay isang kasinungalingan. Sinabi nina Josue at Caleb na, “Huwag lamang kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa bayan ng lupaing yaon, sapagka’t sila’y tinapay sa atin; ang kanyang kalinga ay inilayo sa kanila, at ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila” (Blg. 14:9). Sina Josue at Caleb ay nagsalita ng katotohanan. Gayunpaman, ang mga anak ni Israel ay hindi nangatuwiran ayon sa katotohanan kundi ayon sa kasinungalingan, hindi pinahahalagahan ang mga pamamaraan ng Diyos. Sa simula, nangako ang Diyos kay Moises na dadalhin Niya ang mga Israelita sa mabuting lupain. Ang isang salitang yaon ay dapat na nakasapat na sa kanila. Ipagpalagay na bibigyan ka ng isang milyonaryo ng isang tseke na nagkakahalaga ng $10,000 na nilagdaan niya. Kung hindi mo ito pinaniwalaan, magiging isang insulto ito sa milyonaryong yaon. Hindi mo dapat sabihing, “Hindi ako naniniwalang mayroon akong $10,000. Ni wala nga akong sapat na salapi para makabili ng isang pares ng sapatos.” Ang ganitong uri ng pangangatuwiran ay isang insulto sa milyonaryo. Ang Diyos ay nagsalita kay Moises, na nagsasabing, “Yumaon ka at tipunin mo ang mga matanda sa Israel, at sabihin mo sa kanila, ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga magulang, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob; ay napakita sa akin, na nagsasabi, tunay na kayo’y Aking dinalaw, at Aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Ehipto; at aking sinabi, Aking aalisin kayo sa kapighatian sa Ehipto at dadalhin Ko kayo, sa lupain ng Cananeo... sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot” (Exo. 3:16-17). Ang isang salitang ito ay higit na maasahan kaysa sa isang tsekeng nilagdaan ng isang milyonaryo. Ang mga anak ni Israel ay naniwala dapat sa salitang ito at nabatid ang mga pamamaraan ng Diyos, na nagsasabing, “Diyos, hindi Mo kami dapat hayaang mamatay dito sa ilang. Kung gagawin Mo ito, paano matutupad ang Iyong salita? Wala kaming pakialam kung gaano mang karaming mga higante mayroon sa mabuting lupain, o kahit na ang mabuting lupain ay puno ng masasamang anghel. Kakainin namin sila sapagka’t nangako Kang dadalhin kami sa lupain.” Ito ay wastong pangangatuwiran, ang pangangatuwiran na ayon sa mga pamamaraan, katapatan, at kapangyarihan ng Diyos. Subali’t ang mga Israelita ay hindi nangangatuwiran sa ganitong paraan. Sa halip, sinabi ng mga Israelita, “Mayroong mga higante sa lupain, at tayo ay parang mga balang sa kanilang paningin. Kakainin nila tayo.” Ito ang lohika ng kawalan ng pananampalataya, ang lohika ng pangangatuwiran ayon sa natural na konsepto at hindi pinahahalagahan ang mga pamamaraan ng Diyos o hindi nagtitiwala sa katapatan ng Diyos. Nilabanan ni Josue at Caleb ang gayong uri ng pangangatuwiran, idineklara na kayang-kayang kunin ng mga tao ang lupain. Iginalang nina Josue at Caleb ang Diyos, at ang Diyos, bilang ganti, ay iginalang sila sa kanilang paggalang sa Kanya. Wala nang nakahihigit pa sa paggalang sa Diyos kaysa sa ating pagsampalataya sa Kanya, at wala nang makahihigit pa sa di-paggalang at pag-insulto sa Kanya kaysa sa ating kawalan ng pananampalataya. Ang kawalan ng pananampalataya ay nagreresulta sa pagsuway, pagmamatigas-ng-ulo, at pagrerebelde (3:18) at iminumungkahi ang Diyos sa galit (3:8, 16). Dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, ang mga Israelita ay humiwalay mula sa Diyos na buháy. Ang Griyegong salita na isinaling “naghihiwalay” sa 3:12 ay maaari ring isaling naglalayo, nag-iiwan, naglilisan, nakatayong malayo. Bagama’t ang ating Diyos ay buháy at tapat, sinasanhi ng kawalan ng pananampalataya na layuan natin Siya. Kapag lumayo na tayo, ano pa ang magagawa Niya sa atin? Dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, nawala sa mga Israelita ang kapahingahan at nabuwal sila sa ilang (3:18-19). Sumumpa ang Panginoon na hindi sila makapapasok sa Kanyang kapahingahan, at ang kanilang “mga katawan ay nangabuwal sa ilang” (3:17). Gaano kalubha ang isang masamang puso na walang pananampalataya! Napilitan ang Diyos na hindi gumawa ng anumang bagay para sa mga Israelita sapagka’t hindi Siya makagagawa ng anumang bagay na laban sa Kanyang Sarili o laban sa Kanyang mga prinsipyo. Huwag ninyo kailanmang saktan ang Diyos hanggang sa hindi na Siya makagawa ng anumang bagay para sa inyo. Yaon ay terible. IV. HABANG NGAYON Pagkaraan ng isang panahon, ang mang-aawit, na nabigyang-inspirasyon ng Diyos, ay nagpropesiya, na nagsasabing, “Ngayon, kung inyong diringgin ang Kanyang tinig! Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa pagmumungkahi-sa-galit at gaya ng sa araw ng pagtukoy sa ilang” (Awit 95:7-8). Ang manunulat ng aklat ng Hebreo ay lubusang nasa inspirasyon ng Espiritu Santo at naunawaan kung ano ang nakasulat sa Awit 95. Ang maliit na salitang “ngayon” ay nagbubukas sa maluwang na bintana ng langit. Dahil sa pagmumungkahi-sa-galit na nangyari sa ilang, ang bintana ng pagpapala sa langit ay nasarhan. Minungkahi ng mga anak ni Israel ang Diyos sa galit hanggang sa hindi na Siya makagawa ng anumang bagay para sa kanila. Pagkatapos mahintay, sa Kanyang kaawaan ay dumating Siya upang magpropesiya at magpayo sa pamamagitan ng mang-aawit, sinasabi sa Kanyang bayan na pakinggan ang Kanyang tinig at huwag papagmatigasin ang kanilang mga puso, at pinopropesiya ang araw na yaon na ang makalangit na bintana ay muling bubuksan. Ang araw na yaon ay dumating nang ang ekklesia ay umiral. Ang pagpapala ng Sabbath na bininbin dahil sa pagmamatigas ng kanilang mga puso ay binuksan muli noong araw na ang ekklesia ay umiral. Sinasabi sa Hebreo 4:7 na, “Muli Siyang nagtakda ng isang araw, ngayon, pagkatapos ng ilang panahon na sinabi sa mga awit ni David, ayon sa sinabi Niya noong una, ngayon, kung marinig ninyo ang Kanyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.” Ito ay isinulat para sa mga Hebreong mananampalataya, ang mga inapo niyaong mga nagmungkahi sa Diyos sa galit sa ilang dahil sa pagmamatigas ng kanilang mga puso. Para bang sinasabi ng sumulat sa kanila na, “Mga kapatid, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso katulad ng ginawa ng inyong mga magulang. Tayo ay nabubuhay sa ibang araw, isang araw na tinawag sa Awit 95 na “Ngayon.” Kunin ninyo ang ngayon bilang pagkakataon upang mapalambot ang inyong puso at makinig sa Kanyang tinig. Sinasabi ng Kanyang tinig na si Kristo ay nakahihigit sa mga anghel, kay Moises, at kay Aaron, at yaong ang bagong tipan ni Kristo ay mas mainam kaysa sa lumang tipan na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Maging masikap na makapasok sa ipinangakong araw na ito, ang Sabbath sa buhay-ekklesia.” Kung sa araw ng ekklesia, pinakinggan natin ang Kanyang tinig at hindi pinagmatigas ang ating puso, hindi natin kailanman mamumungkahi-sa-galit at iiwanan ang Diyos na buháy. Magtitiwala tayo sa Kanya at papasok tayo sa kapahingahan. ANG BUHAY NA SALITA NG DIYOS Pagkatapos magsalita nang labis hinggil sa Awit 95, ang manunulat ng Hebreo ay biglang nagsabi sa 4:12 na, “Sapagka’t ang salita ng Diyos ay buháy at gumagawa, at higit na matalas kaysa alinmang tabak na may dalawang talim, at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, kapwa ng mga kasukasuan at ng utak ng buto, at may kakayahang kumilala ng mga iniisip at mga binabalak ng puso.” Ang salitang “sapagkat” sa simula ng bersikulong ito ay nagdurugtong dito sa naunang bersikulo. Bakit bigla na lamang nagsalita ang manunulat dito ng tungkol sa salita ng Diyos? Sapagka’t ang pangako sa Awit 95 ay ang salita ng Diyos. Sa tuwing nagbabasa tayo ng Bibliya, dapat itong maging buháy, nakapagpapasigla, at sapat na matalas upang mapaghiwalay at makilala ang lahat ng mga bagay sa loob natin. Kung hindi natin nahipo ang salita ng Diyos ito ay magiging ang mga itim at puting titik lamang sa atin. Ang nakaimprentang bagay sa mga itim at puting titik ay hindi buháy o nakapagpapasigla. Ang bawa’t salita sa Bibliya ay kinakailangang buháy at gumagawang salita ng Diyos. Paano natin malalaman kung nahipo natin ang salita ng Diyos at hindi lamang basta ang nakaimprentang bagay? Nalalaman natin kung ang salitang nahipo natin ay buháy kung ito ay nakapagpapasigla at nakapaghihiwalay ng ating kaluluwa mula sa ating espiritu. Ito ay isang mahalagang prinsipyo. Para bang sinasabi ng manunulat na “Kayong mga kapatid na Hebreo, minamahal ninyo ang Lumang Tipan, lalung-lalo na ang aklat ng Mga Awit.” Sinasabi ng isa sa mga awit, “Ngayon, kung maririnig ninyo ang Kanyang tinig.” Nabasa na ninyo nang paulit-ulit ang bersikulong ito nang walang nangyayari sa inyo. Ngayon ginagamit ko ang awit na ito bilang isang batayan para sa sasabihin ko sa inyo. Ang salitang ito ng Diyos ay dapat na maging buháy at gumagawa at dapat na naghihiwalay ito sa ating kaluluwa mula sa ating espiritu. Mga kapatid, alam ko kung bakit kayo nag-aatubili at nag-aalinlangan. Ito ay dahil sa ang kaluluwa ninyo ay nahalo sa inyong espiritu. Paminsan-minsan kapag kayo ay panatag, sa kaila-ilaliman, sinasabi ng espiritu ninyo sa inyo na magpatuloy at sundan si Kristo bilang Mesias ngayon. Bagama’t maaaring malinaw kayo hinggil dito sa inyong espiritu, bumabaling kayo mula sa inyong espiritu patungo sa inyong kaluluwa. Ang kaisipan sa inyong kaluluwa ay nagsimulang magpagala-gala at sinasanhi nitong magpagala-gala ang inyong kaluluwa. Dahil ang inyong kaluluwa at espiritu ay magkahalo, sinipi ko ang buháy na salita ng Diyos na higit na matalas kaysa sa isang tabak na may dalawang talim. Tatagos ito sa inyong paghahalo, ihihiwalay ang inyong espiritu mula sa inyong kaluluwa, at ipakikita kung gaano kayo kamangmang. Hindi na kayo dapat nagpapagala-gala pa sa inyong kaluluwa; dapat kayong bumaling na mula sa inyong kaluluwa patungo sa inyong espiritu. Huwag mag-isip, magsalita, mag-alinlangan, o mag-atubili. Kung lalo kayong magsasalita at mag-aalinlangan, lalo kayong mapapasa pagala-gala ninyong kaisipan.” Marami sa atin ang nagkaroon na ng ganitong karanasan. Bago tayo dumating sa buhay-ekklesia, tayo ay pagala-gala. Pagkatapos, tayo ay naakit sa ekklesia at sa kaila-ilaliman ng ating espiritu ay may nagsasabi, “Ito na nga.” Subali’t pagkatapos ang ating kaisipan ay nagsimulang magtanong, “Tama ba ito? Kung gayon nga, bakit hindi ito ginagawa ng mga espirituwal na higante?” Sa ilalim ng impluwensiya ng ating pinanggalingan, nagsimula tayong nagpagala-gala sa ilang. Gayunpaman, sa katahimikan ng gabi, may higit na malalim sa ating kaisipan na nanghihikayat sa loob natin na nagsasabing, “Ang buhay-ekklesia ay tama.” Sa gayong pagkakataon, mahirap matulog o gumawa nang maayos. Nakasumpong lamang tayo ng kapahingahan, nang isang araw ay dumating ang buháy na Salita ng Diyos upang paghiwalayin ang ating katauhan, inihahayag kung ano ang ating espiritu at kung ano ang ating kaluluwa. Ang buháy na salita ng Diyos ay dapat na tumagos sa ating katauhan at paghiwalayin ang lahat ng paghahalo ng kaluluwa at espiritu. Ang buhay-ekklesia ay lubusang nasa espiritu. Napakadali ang mapasa-relihiyon. Gayunpaman, upang makapasok sa buhay-ekklesia, kailangan tayong tusukin o palagusan ng tabak at mapaghiwalay ng buháy na salita ng Diyos. Ang salita lamang ng Diyos ang makapaghihiwalay ng ating kaluluwa sa ating espiritu. Ang ating kaluluwa, gaya ng papel na pandikit ng langaw, ay madikit. Kaya, madali para sa ating espiritu na mapadikit sa ating kaluluwa. Dahil dito, kailangan natin ang pagtutusok o pagpapalagos ng tabak at paghihiwalay ng buháy na salita ng Diyos. Hindi lamang natin ito naranasan simula nang pumasok tayo sa buhay-ekklesia, bagkus madalas din nating nararanasan ito pagkatapos nating makapasok sa buhay-ekklesia. Maraming beses, dumating ang Diyos at tinugon ng ating espiritu. Gayunpaman, nagkaroon din ng reaksiyon ang ating kaluluwa, pangunahing sa pamamagitan ng ating kaisipan. Maaaring magsalita ang Panginoon sa ating espiritu at magsabing, “Ipasailalim ninyo ang inyong sarili sa ekklesia.” Subali’t ang madikit na kaluluwa, na nagsasalita sa pamamagitan ng kaisipan, ay nagsasabing, “Mag-ingat ka. Huwag kang masyadong makinig sa ekklesia. Lahat ng mga nangungunang kapatid ay may mga pagkakamali katulad ng iba. Tingnan mo si kapatid Ganito-at-Ganoon. Mabuti siya, subali’t hindi siya ganap na mabuti.” Kapag ang ating kaisipan ay kumikilos nang ganito, kaagad tayong nagsisimulang magpagalagala. Tangi lamang kapag dumating ang maawain at tapat na Diyos taglay ang Kanyang tumatagos na buháy na salita saka natin masusumpungan ang kalayaan sa ating pagala-galang kaisipan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ang Bibliya. Kung ang Bibliya ay hindi buháy at nagpapasigla sa tuwing binabasa ito, mayroong mali sa atin. Bagama’t maraming Kristiyano ang nagtuturing at gumagamit sa Bibliya bilang isang aklat na naimprenta lamang, araw-araw dapat nating kunin ito sa isang buháy na paraan. I. ANG PAGDALOY NG BUHÁY NA DIYOS Ang buháy na salita ng Diyos ay ang pagdaloy ng buháy na Diyos. Idinadaloy nito ang buhay ng Diyos (Juan 1:4), ang liwanag ng Diyos (Awit 119:105,130), at maging ang Diyos Mismo (Juan 1:1). Dahil ang mga Kasulatan ay inihinga ng Diyos (2 Tim. 3:16, Gk.), ang salita ng Diyos sa mga Kasulatan ay ang pagdaloy ng Diyos. Dinadala nito ang buhay ng Diyos, ang liwanag ng Diyos, at maging ang Diyos Mismo patungo sa loob ng ating katauhan. II. BUHAY Yamang ang salita ng Diyos ay ang Kanyang pagdaloy, sa pagiging espiritu at buhay (Juan 6:63), ito ay buháy. Sa ating karanasan ang buong Bibliya ay hindi dapat maging mga patay na titik kundi sa halip ay buháy kagaya ng espiritu at buhay. III. GUMAGAWA Ang buháy na salita ng Diyos ay gumagawa. Ang anyo sa Ingles ng salitang Griyego na isinaling “gumagawa” sa bersikulo 12 ay masigla. Kaya, ang gumagawa rito ay nangangahulugang nakapagpapasigla o masigla. Ang buháy na Salita ng Diyos ay nakapagpapasigla sa loob natin upang makagawa ng para sa Diyos. IV. MATALAS KAYSA TABAK NA MAY DALAWANG TALIM Ang buháy na salita ng Diyos ay matalas kaysa alinmang tabak na may dalawang talim (Efe. 6:17), tumatagos sa ating katauhan, hinihiwalay ang ating kaluluwa mula sa ating espiritu, nakikilala ang mga iniisip at mga binabalak ng ating puso. Maraming beses, nakikilala ng salita ng Diyos ang ating mga halu-halong iniisip. Huwag ninyong isiping lahat ng mga iniisip ay nagmumula sa impyerno o yaong lahat ng mga binabalak ay nagmumula sa sarili. Ang ilang mga iniisip ay nagmumula sa mga kalangitan, at ang ilang mga binabalak ay para sa Diyos. Subali’t halos kadalasan, mayroon tayong isang paghahalo sa ating iniisip at mga binabalak. Kaya kailangan ang buháy, ang gumagawa, at matalas na salita upang tumagos tungo sa loob natin at kilalanin ang ating mga iniisip at mga binabalak, at inihahayag kung ano ang mula at para sa sarili at alin ang mula at para sa Diyos. Kung tayo ay nasa mga sarili lamang, hindi natin makikilala ang mga bagay na ito. Subali’t kapag naranasan na natin ang buháy na salita ng Diyos, madaling makilala ang mga iniisip na hindi mula sa Diyos at ang mga binabalak na mula kay Satanas. ANG MGA BAHAGI NG TAO Dinadala tayo nito sa mga bahagi ng tao. Ito ay tinalakay nang husto sa aklat na “The Economy of God” (Ang Ekonomiya ng Diyos) at sa pulyetong “The Parts of Man” (Ang mga Bahagi ng Tao). I. KATAWAN Ang ating katawan ay ang ating panlabas na sangkap at sa pamamagitan nito ay nakakaugnay natin ang panlabas at pisikal na daigdig. Binubuo ito ng lahat ng mga sangkap nito at ipinahihiwatig sa 4:12 ng mga kasukasuan at ng utak ng buto. II. KALULUWA Ang kaluluwa ay ang ating sarili mismo. Ito ay napatutunayan sa pamamagitan ng paghahambing ng Mateo 16:26 sa Lucas 9:25. Sinasabi sa Mateo 16:26 na, “Sapagka’t ano ang pakikinabangan ng tao kung makamtan niya ang buong sanlibutan, subali’t mawawala naman ang kanyang pangkaluluwang buhay? O ano ang ibibigay ng tao kapalit ng kanyang pangkaluluwang buhay?” Sinasabi sa Lucas 9:25 na, “Sapagka’t ano ang pakikinabangan ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan, datapuwa’t mawawala o mapapahamak ang kanyang sarili?” Dito makikita natin na ang ating kaluluwa ay ang ating sarili, ang ating katauhan, ang ating personalidad. Sa pagsunod sa Panginoon, dapat nating itatwa ang ating kaluluwa, ang ating sarili (Mat. 16:24, Lucas 9:23). Ang ating kaluluwa ay binubuo ng ating pag-iisip, damdamin, at pagpapasiya. Ipinahihiwatig ng Kawikaan 2:10 na kailangan ng kaluluwa ang kaalaman. Yamang ang kaalaman ay isang pangsyon ng pag-iisip, patutunayan nito na ang pag-iisip ay isang bahagi ng kaluluwa. Pagkatapos sinasabi sa Awit 139:14 na ang kaluluwa ay nakaalam. Ang pagkaalam ay isang pangsyon ng kaisipan, na nagpapatunay muli na ang kaisipan ay isang bahagi ng kaluluwa. Sinasabi sa Awit 13:2 na ang kaluluwa ay nagsasaalang-alang, o nagpapayo, na tumutukoy sa kaisipan. Ipinakikita ng Panaghoy 3:20 na ang pag-alaala ay sa kaluluwa. Mula sa mga bersikulong ito, nakikita natin na mayroong isang bahagi sa kaluluwa na nakaaalam, nagsasaalang-alang, at nakaalaala. Ang bahaging ito ay ang kaisipan. Ang ikalawang bahagi ng kaluluwa ay ang kapasiyahan. Sinasabi sa Job 7:15 na ang kaluluwa ay namimili. Ang pagpili ay isang pasiya na ginawa sa pamamagitan ng isang akto ng pagpapasiya. Pinatutunayan nito na ang kapasiyahan ay isang bahagi ng kaluluwa. Sinasabi sa Job 6:7 na ang kaluluwa ay tumatanggi. Ang mamili at tumanggi ay kapwa mga pangsyon ng kapasiyahan. Sinasabi sa 1 Cronica 22:19 na, “Inyong ilagak ang inyong kaluluwa upang hanaping sundin.” Katulad ng inilalagak natin ang ating mga kaisipan upang mag-isip, inilalagak naman natin ang ating mga kaluluwa upang humanap at sumunod. Mangyari pa, ito ay ang paggawa ng kaluluwa ng isang pasiya, na nagpapatunay na ang kapasiyahan ay isang bahagi ng kaluluwa. Isinasalin ng Awit 27:12, 41:2, at Ezekiel 16:27 ang Hebreong salitang kaluluwa na kapasiyahan. Ang panalangin na ginawa ng mang-aawit ay, “Huwag mo akong ibigay sa kalooban (kapasiyahan) ng aking mga kaaway.” Sa orihinal, ito ay nangangahulugang, “Huwag mo akong ibigay sa kaluluwa ng aking mga kaaway.” Nagpapatunay ito na ang kapasiyahan ay isang bahagi ng kaluluwa. Ang damdamin ay ang ikatlong bahagi ng kaluluwa. Ang damdamin ay may maraming aspekto: pag-ibig, pagkapoot, kagalakan, kapanglawan, atbp. Ang reperensiya sa pag-ibig ay matatagpuan sa 1 Samuel 18:1, Awit ng mga Awit 1:7, at Awit 42:1. Ipinakikita ng mga bersikulong ito na ang pag-ibig ay isang bagay ng kaluluwa, kaya pinatutunayan na sa loob ng kaluluwa ay may isang sangkap o pangsyon na gaya ng damdamin. Hinggil sa pagkapoot, maaari nating tingnan ang 2 Samuel 5:8, Awit 107:18 at Ezekiel 36:5. Na ang kagalakan, isang elemento ng damdamin, ay isang bahagi rin ng kaluluwa, ay makikita sa Isaias 61:10 at Awit 86:4. Pagkatapos naroroon ang bagay ng kapanglawan, isa pang kahayagan ng kaluluwa, na binabanggit sa 1 Samuel 30:6 at Hukom 10:16. Itinatatag ng mga bersikulong ito ang batayan upang patunayan ang tatlong bahagi ng kaluluwa. Ang kaisipan ang nangungunang bahagi, sinusundan ng kapasiyahan at ng damdamin. III. ESPIRITU Kung ang katawan ay ang ating panlabas na sangkap upang kaugnayin ang pisikal na mundo ang espiritu naman ay ang ating panloob na sangkap upang kaugnayin ang Diyos (Zac. 12:1; Job 32:8; Kaw. 20:27; Juan 4:24; Roma 1:9; Ezek. 36:26). Tayo ay isang tao, isang kaluluwa, na may dalawang sangkap—ang katawan sa panlabas at ang espiritu sa panloob. Ang espiritu ay isang kumpletong yunit na binubuo ng tatlong bahagi o pangsyon: budhi, pakikipagsalamuha, at intuwisyon. Lahat tayo ay pamilyar na sa pangyson ng budhi, na ito ay ang makadama ng kung ano ang tama at mali at ang kumondena o humatol. Madali ring maunawaan ang pakikipagsalamuha. Ang pakikipagsalamuha ay ang ating pakikipag-usap sa Diyos. Sa loob ng ating espiritu ay mayroong tayong isang pangsyon na ginagawang posible para sa atin na makaugnay ang Diyos. Gayunpaman, hindi napakadaling maunawaan ang intuwisyon. Ang intuwisyon ay nangangahulugang magkaroon ng isang tuwirang pandama o kaalaman. May gayong isang tuwirang pandama sa ating espiritu, anuman ang dahilan, mga pagkakataon, o pumapaligid-na-pangyayari. Ang intuwisyon ay isang tuwirang pandama ng Diyos at isang tuwirang kaalaman mula sa Diyos. Kaya, ang espiritu ay nakikilala sa pamamagitan ng budhi, pakikipagsalamuha, at intuwisyon. Na ang budhi ay isang bahagi ng espiritu ay pinatutunayan sa pamamagitan ng paghahambing ng Roma 9:1 sa Roma 8:16. Sa isang banda ang Espiritu Santo ay sumasaksi kasama ng ating espiritu. Sa isa pang banda, ang ating budhi ay sumasaksi kasama ang Espiritu Santo. Nagpapatunay ito na ang budhi ay isang pangsyon ng ating espiritu. Ang Awit 51:10 ay nagsasalita ng tungkol sa “isang matuwid na espiritu sa loob ko”—yaon ay, isang espiritu na matuwid. Yamang ang pagkaalam ng tama at mali ay may kaugnayan sa budhi, pinatutunayan din ng bersikulong ito na ang budhi ay nasa espiritu. Ano ang espirituwal na batayan sa pagsasabing ang pakikipagsalamuha
ay nasa espiritu? Sinasabi sa Juan 4:24 na dapat nating sambahin ang
Diyos sa ating espiritu. Ang sambahin ang Diyos ay ang kaugnayin ang
Diyos at makipagsalamuha sa Kanya, pinatutunayan na ang pangsyon ng
pagsamba o pakikipagsalamuha ay nasa ating espiritu. Sa Roma 1:9, sinasabi
ni Apostol Pablo na, “Pinaglilingkuran ko ang Diyos sa aking espiritu.”
Ang paglingkuran ang Diyos ay isa ring uri ng pakikipagsalamuha sa Diyos.
Pinatutunayan din nito na ang sangkap para sa pakikipagsalamuha ay nasa
ating espiritu. Sinasabi sa Lucas 1:47 na, “Ang espiritu ko ay
nagagalak sa Diyos,” nangangahulugang kaugnay ng pantaong espiritu
ang Diyos. Muli, ang pakikipagsalamuha sa Diyos ay isang pangsyon sa
espiritu. Sinasabi sa 1 Corinto 6:17 na, “Ang nakaugpong sa Panginoon
ay kaisang espiritu Niya.” Ang tunay na pakikipagsalamuha ay nangangahulugang
tayo ay naging kaisang espiritu ng Panginoon. Ang pakikipagsalamuhang
ito ay nasa espiritu. Ang ating espiritu ay ang pinakamalalim na bahagi ng ating katauhan, isang espirituwal na sangkap na sa pamamagitan nito ay nakakaugnay natin ang Diyos. Sa ating espiritu tayo ay naisilang-na-muli (Juan 3:6). Sa ating espiritu nananahan at gumagawa ang Espiritu Santo (Roma 8:16). Sa ating espiritu tayo ay nagtatamasa kay Kristo sa Kanyang biyaya (2 Tim. 4:22; Gal. 6:18). Kaya, ang sumulat ng aklat ng Hebreo ay nagpayo sa mga Hebreong mananampalataya na huwag mag-atubili sa paggala ng kanilang kaluluwa, kundi magpatuloy tungo sa kanilang espiritu upang makabahagi at makapagtamasa sa makalangit na Kristo. IV. PUSO Ang ating espiritu ay ang sangkap na pinang-uugnay natin sa Diyos, samantalang ang puso ay ang sangkap na pinang-iibig natin sa Diyos (Marcos 12:30). Ang ating espiritu ay nakikipag-ugnay, tumatanggap, nagtataglay at nagdaranas ng Diyos. Gayunpaman, kinakailangan nito na ibigin muna ng ating puso ang Diyos. Ang puso ay hindi isang hiwalay na bahagi na karagdagan pa sa kaluluwa at sa espiritu, kundi binubuo ng lahat ng bahagi ng kaluluwa kasama ang budhi, ang unang bahagi ng espiritu. Ito ay binubuo ng budhi, ng kaisipan para sa mga iniisip, ng kapasyahan para sa mga binabalak, at ng damdamin. Ang pangunahing bahagi ng tao sa kanyang buong katauhan ay hindi hihigit pa sa tatlo. Bilang isang tao, mayroon tayong katawan, kaluluwa, at espiritu. Wala tayong isang ikaapat at hiwalay na bahaging tinatawag na puso. Ano ang batayan natin sa Kasulatan sa pagsasabing ang kaisipan, kapasiyahan, damdamin, at budhi ang bumubuo ng puso? Ang Hebreo 4:12 at Genesis 6:5 ay nagsasalita tungkol sa mga iniisip ng puso. Yamang ang mga iniisip ay nasa kaisipan, ang kaisipan ay isang bahagi ng puso. Na ang kapasiyahan ay isang bahagi ng puso ay pinatutunayan ng Gawa 11:23, na nagsasalita ng tungkol sa “kapasyahan ng puso” o “kapasyahan sa puso.” Ang kapasyahan (paglayon) ay isang pangsyon ng kapasyahan, ipinakikita na ang kapasiyahan ay bahagi rin ng puso. Ang Hebreo 4:12 ay nagsasalita ng tungkol sa mga binabalak ng puso. Ang mga binabalak ay tumutugma sa mga layunin, na pawang sa kapasiyahan. Pinatutunayan muli rito na ang kapasiyahan ay bahagi ng puso. Sinasabi sa Juan 16:22 na ang puso ay nagagalak. Ang magalak ay isang elemento ng damdamin sa ating kaluluwa, nguni’t dito ay sinasabihan tayo na ang puso ay nagagalak. Kaya, ang damdamin ay bahagi rin ng puso. Sa Juan 16:6, ang Panginoon ay nagsasalita ng kalumbayan na pumupuno sa mga puso ng mga disipulo, muling pinatutunayan na ang damdamin ay natatagpuan sa puso. Hinggil sa budhi, sinasabi sa Hebreo 10:22 na ang ating mga puso ay winisikan mula sa isang masamang budhi. Ang budhi ay may malaking kinalaman sa puso. Kung magkakaroon tayo ng isang dalisay na puso, dapat tayong magkaroon ng isang budhing walang kasalanan. Ang ating budhi ay dapat na mawisikan upang tayo ay magkaroon ng isang dalisay na puso. Pinatutunayan din ito ng 1 Juan 3:20, na nagsasalita ng tungkol sa pagkondena sa atin ng ating puso. Yamang ang mangondena ay isang pangsyon ng budhi, pinatutunayan ng bersikulong ito na walang alinlangang ang budhi ay isang bahagi ng puso. Kaya mayroon tayong sapat na batayan sa Kasulatan upang patunayan na ang tatlong bahagi ng kaluluwa at ang unang bahagi ng espiritu ang bumubuo ng puso. V. ANG TATLONG BAHAGI NG TAO TUMUTUGMA Ang tatlong bahagi ng tao ay tumutugma sa tatlong bahagi ng templo ng Diyos. Ang templo ng Diyos, o tabernakulo, ay binubuo ng tatlong bahagi: ang labas na looban, ang Dakong Banal, at ang Dakong Kabanal-banalan. Sinasabi sa 1 Corinto 3:16 na tayo ang templo ng Diyos. Ang ating katawan ay tumutugma sa labas na looban: ang ating kaluluwa, na panloob, ay tumutugma sa Dakong Banal; at ang ating espiritu, ang kaloob-loobang bahagi ng ating katauhan, ay tumutugma sa kaloob-loobang bahagi ng templo ng Diyos, ang Dakong Kabanal-banalan. Sa ating puso ay naroroon ang kaisipan na may mga iniisip at ang kapasiyahan na may mga binabalak. Ang mga iniisip ay nakakaapekto sa mga binabalak at isinasagawa naman ng mga balak ang mga iniisip. Ang buháy na salita ng Diyos ay may kakayahang kilalanin ang mga iniisip ng ating kaisipan at ang mga binabalak sa ating kapasiyahan. Ang sinipi ng sumulat mula sa salita ng Diyos sa mga kapitulo tatlo at apat ay nakapaghahantad kung ano ang mga iniisip at mga binabalak ng mga Hebreong mananampalataya habang sila ay nag-aatubili sa hakbangin ng kanilang kaligtasan. Ngayon mauunawaan na natin kung bakit nagsalita ang sumulat ng Hebreo sa 4:12 na ang buháy na salita ng Diyos ay tumatagos sa atin, naghihiwalay ng ating espiritu mula sa ating kaluluwa at nakakikilala ng mga iniisip at binabalak ng ating puso. Natanto niya na ang mga nag-aatubiling Hebreong Kristiyano ay nagpapagala-gala sa kanilang kaluluwa at nagpapabaya na sa kanilang espiritu. Subali’t ang bagong tipan ay lubusang isang bagay sa ating espiritu, hindi sa ating kaluluwa. Ang bagong tipan ay lubusang makalangit, hindi makalupa. Ang mga bagay na makalupa ay kabilang sa pisikal na katawan at sa kaisipan. Ang Hudaismo ay makalupa. Bilang isang makalupang relihiyon, bumabagay ito sa pag-iisip ng ating natural na kaisipan. Ang bagong tipan, sa kaligtasan, ay makalangit at kabilang sa espiritu. Upang mahipo ang mga makalangit na bagay, dapat ay nasa espiritu tayo. Sinasabi sa Efeso 2:6 na tayo ay nakaupong kasama si Kristo sa sangkalangitan. Subali’t kung tayo ay nasa ating kaisipan, hindi natin kailanman mararanasan ang sangkalangitan. Sa ating kaisipan, maaari nating mabisita sa isip ang iba’t ibang lugar sa lupa, subali’t hindi natin nahihipo ang sangkalangitan. Upang mahipo ang sangkalangitan, dapat ay nasa ating espiritu tayo. Pinupulaan tayo ng ilan sa pagsigaw sa mga pagpupulong, subali’t alam nating mga may karanasan kung bakit tayo sumisigaw. Kung hindi tayo sisigaw, tayo ay mananatili sa kaisipan. Pagkatapos lamang ng isang maiksing pagsigaw, tayo ay nasa sangkalangitan na sapagka‘t nakabaling na tayo mula sa kaisipan tungo sa espiritu. Bagama’t ako ay isang taong hindi madaling maeksayted, paminsan- minsan, may pangangailangan akong sumigaw. Kung hindi ako sisigaw, ako ay mapapasa mababang bartolina ng sarili at pangangatuwiran. Paano natin mahihinto ang ating mga makadiyablong pangangatuwiran? Sa pamamagitan ng pagpapalaya ng ating espiritu sa pagsigaw ng mga papuri sa Panginoon. Paminsan-minsan, kapag hindi ako makatulog sa gabi, sumisigaw ako nang tahimik at ako ay napapalaya sa aking mga iniisip at kaagad ako ay nakatulog. Ang pinakamagaling na paraan para mahipo ang mga kalangitan ay ang sumigaw. Sa aklat ng Hebreo mayroon tayong pinto ng langit. Sa aklat na ito mayroon tayong ekklesia bilang Bethel, ang tahanan ng Diyos na may Kristo bilang ang makalangit na hagdan. Kung saan naroroon ang Bethel, naroroon ang pinto ng langit kasama si Kristo, ang makalangit na hagdan, inuugpong ang lupa sa langit at dinadala ang langit sa lupa. Saan natin matatamasa ang ganoong kamangha-manghang tanawin? Sa ating espiritu. Ngayon ang pinto ng langit ay nakaugpong sa ating espiritu. Sinasabi sa Efeso 2:22 na ang tahanan ng Diyos ngayon sa lupa ay nasa ating espiritu, at sinasabi sa 2 Timoteo 4:22 na si Kristo; ang makalangit na hagdan, ay sumasaating espiritu. Kaya, ang ating espiritu ay kaisa ng pinto ng langit. Hindi na tayo dapat mag-atubili sa ating kaisipan kundi mapasa ating espiritu kung saan mayroon tayong tahanan ng Diyos, ang makalangit na Kristo, at pinto ng langit. Napakahirap para sa kaninuman sa atin ang hindi maapektuhan ng mga nakakahawang mikrobyo ng sanlibutan ngayon. Subali’t mayroon tayong isang lugar ng kublihan mula sa mga mikrobyo ng sanlibutan—ang ating espiritu. Sa isang pakahulugan, ang ating espiritu ang ating kublihan ngayon ay isang mataas na tore. Gaya ng tinukoy na natin sa nakaraang mensahe, ang buhay-ekklesia ay ang ating kublihan sapagka’t ang ekklesia ay tahanan ng Diyos sa ating espiritu. Habang tayo ay nasa mabagyong karagatan, maraming kaisipan ang maaaring dumating. Paano tayo makatatakas sa bagyo at makapupunta sa kublihan? Sa pamamagitan lamang ng pagbaling sa espiritu. Paano natin matatagalan ang mga usap-usapan (rumors) at ang negatibong usapan? Sa pamamagitan lamang ng pagtungo sa ating espiritu, kung saan naroroon ang ekklesia, ang tahanan ng Diyos, at ang makalangit na hagdan. Ang ekklesia ay isang ospital. Sa ospital, lahat ng mga mikrobyo ay pinapatay at lahat ng bagay ay nililinis. Gayundin, sa ekklesia, lahat ng mga makademonyong mikrobyo ay pinapatay. Ang mga ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon ay napakalulusog. Upang makapanatiling malusog, dapat tayong patuloy na magsanay ng ating espiritu. Kung ikaw ay naimpeksiyon ng ilang negatibong pag-iisip at nanatili sa iyong kaisipan, ikaw ay magkakasakit. Subali’t kung babaling ka sa iyong espiritu, ang mga mikrobyo ay mamamatay at ikaw ay magiging malusog at malakas sa buhay-ekklesia. Parang sinasabi ng sumulat ng Hebreo na, “Mahal kong mga Hebreong kapatid, dapat kayong bumalik mula sa inyong kaluluwa patungo sa inyong espiritu sa pamamagitan ng buhay na salita, magiging malusog ka at walang mga suliranin. Mga kapatid, nag-aatubili kayo sa inyong kaluluwa at dapat kayong pumunta sa espiritu. Kapag kayo ay nasa espiritu na, kayo ay mapapasa tahanan ng Diyos at matatamasa ninyo ang lahat ng mga kayamanan ng pinto ng langit.” Hindi madaling maunawaan ang bahaging ito ng Banal na Salita sapagka’t nangangailangan ito ng mabigat na karanasan sa panig natin. Sa loob ng mga taon, nabagabag ako ng biglang pagbanggit ng sumulat hingil sa buháy na salita ng Diyos at sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu. Hindi ko maunawaan ito. Sa katapus-tapusan, isinaalang-alang ko ang aking karanasan. Natanto ko na sa tuwing mayroon tayong mga suliranin sa ekklesia, ito ay palaging dahil sa mga iniisip sa ating kaisipan. Kaya, kailangan natin ang buháy na salita upang tumagos sa kailaliman ng ating katauhan, hinihiwalay ang ating kaluluwa mula sa ating espiritu. Sa gayon hindi tayo papanig sa makadiyablong kaluluwa kundi sa makalangit na espiritu. Kung gagawin natin ito, kaagad nating masusumpungan ang ating mga sarili sa buhay-ekklesia. Bawa’t isa sa buhay-ekklesia ay nagkaroon na ng ilang mga suliranin sa ekklesia. Maaaring hindi natin gusto ang isang partikular na matanda (elder) o ang isang kapatid na lalake o kapatid na babae, iniisip na sila ay hindi kwalipikado, masyadong matapang, masyadong mayabang. Ano ang makapagliligtas sa atin mula sa mga gayong iniisip? Ang buháy na salita na tumatagos sa kailaliman ng ating katauhan at naghihiwalay ng ating espiritu mula sa ating kaisipan. Kapag ang ating makadiyablong kaisipan ay nahahantad, ideklara natin na mahal natin ang lahat ng mga kapatid na lalake at babae sapagka’t lahat sila ay kaibig-ibig sa espiritu. Kapag tayo ay nasa ating kaisipan na iniisip ang tungkol sa mga kapatid na lalake at babae, wala ni isa sa kanila ang kaibig-ibig. Iniisip natin na tayo lamang ang mabubuti. Gaano nating kailangan ang buháy na salita upang ihiwalay ang ating kaluluwa mula sa ating espiritu nang sa gayon tayo ay mapasa buhay-ekklesia! Ito ang paraan upang makapasok sa Sabbath na kapahingahan ngayon. At ito rin ang paraan upang manatili sa Sabbath at hindi suwayin ito. Ang suwayin o hindi ipangilin ang Sabbath ay ang lisanin ang buhay-ekklesia. Yaong mga nagpapabaya sa buhay-ekklesia, nililisan ang Sabbath ngayon, ay makapagpapatotoo na walang kapahingahan sa labas ng ekklesia. Sa espiritu natin natatamasa ang kapahingahan ng ekklesiang Sabbath. Ito ang dahilan kung bakit ang 4:12 ay inilagay kung saan ito naroroon sa aklat ng Hebreo. Walang makakikilala sa mga iniisip at mga binabalak
ng ating puso na gaya ng buháy na salita ng Diyos. Bago dumating
ang buháy na salita, iniisip natin na tayo ay tama at lubusang
para sa Panginoon. Subali’t kapag ang salita ay tumatagos sa ating
kalaliman, nakikita natin na ang ating mga iniisip at binabalak, mahirap
manatili sa ekklesiang Sabbath. Ang ekklesiang Sabbath ay nakasalalay
sa pagtagos, sa paghihiwalay, at sa pagkilala ng buháy na salita
ng Diyos. Sa pamamagitan nito tayo ay nakapapasok, nakapananatili, at
nakatutupad sa Sabbath ng buhay-ekklesia.
|