PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE DALAWAMPU’T ANIM

ANG TATLONG YUGTO NG KALIGTASAN

 

Ayon sa buong pahayag ng Bibliya, ang pagliligtas ng Diyos ay may tatlong yugto. Ito ay isang bagay ng unti-unting proseso.

I. SA MGA ISRAELITA

Ang kaligtasan na nilayon ng Diyos upang mabahagi ng mga anak ni Israel ay may kaugnayan sa tatlong lugar: ang Ehipto, kung saan sila inilabas; ang ilang, kung saan sila gumala; at ang Canaan, kung saan sila pumasok. Ang kasaysayan nila sa tatlong lugar na ito ay sumasagisag sa tatlong yugto ng kanilang pakikilahok sa ganap na pagliligtas ng Diyos. Ang mga anak ni Israel ay hindi nakabahagi ng buong pagliligtas ng Diyos sa isang lugar.

A. Kaligtasan mula sa Ehipto

Sa Ehipto, ang mga Israelita ay nakilahok sa unang yugto ng pagliligtas ng Diyos. Noong panahon ng Paskua, naranasan nila ang nagtutubos ng dugo ng kordero (Exo 12:7) at ang nagtutustos na laman ng kordero (Exo. 12:8) at naligtas sila mula sa matuwid na hatol ng Diyos. Nang sila ay lumabas sa Ehipto at tumawid ng Dagat na Pula, naligtas sila mula sa pang-aalipin at pagmamalupit ng mga Ehipcio. Pagkatapos tawirin ang Dagat na Pula, sila ay naging mga napalaya at nakawalang tao. Sa pakahulugang ito, silang lahat ay naligtas. Walang sinumang makapagtatatwa na naligtas sila mula sa paghahatol ng Diyos at mula sa panggagapos, pagmamalupit, at pang-aalipin ng mga Ehipcio. Gayunpaman, ikatlong bahagi lamang ng ganap na pagliligtas ng Diyos ang kanilang nabahagi. Bagama’t naligtas sila mula sa paghahatol ng Diyos at sa pang-aalipin ni Faraon, paano naman ang walang hanggang layunin ng Diyos? Paano naman ang kahayagan at pamamahala ng Diyos? Nang panahong yaon, wala pang dibinong kahayagan o dibinong pamamahala sa mga anak ni Israel. Ang tabernakulo ay hindi pa naitatayo, at ang dibinong pamahalaan ng Diyos ay hindi pa naitatatag sa lupa. Bagama’t ang mga anak ni Israel ay naligtas na mula sa Ehipto, kailangan pa nilang maranasan ang dalawa pang yugto ng pagliligtas ng Diyos para sa katuparan ng walang hanggang layunin ng Diyos.

B. Kaligtasan habang nasa Ilang

Pagkatapos maligtas ng mga Israelita sa Ehipto kung saan sila kumain ng Kordero ng Paskua at ng tinapay na walang lebadura, naranasan nila ang kaligtasan habang nasa ilang. Bagama’t nagkaroon sila ng isang matamis na pagtatamasa kay Kristo, na sinasagisag ng kordero sa Ehipto, yaon ay unang yugto pa lamang, ang simula. Kailangan nilang magtamasa, makibahagi, at makaranas ng higit pang Kristo, katulad ng isinasagisag ng manna at ng batong binubukalan ng buháy na tubig. Pagkalabas mula sa Ehipto, dinala sila ng Diyos sa ikalawang yugto, na isinasagisag ng ilang. Sa ilang natamasa nila ang nagtutustos na manna (Exo. 16:31-32) at ang tumitighaw na tubig (Exo. 17:6).

Dahil sa impluwensiya ng nakalipas na pagtuturo, sa tuwing naririnig natin ang salitang ilang, iniisip natin na ito ay isang masamang salita. Bagama’t ito ay hindi isang mabuting salita, hindi naman ito lubusang masama. Kung kukunsultahin ninyo ang mapa, makikita ninyo na ang mga anak ni Israel ay hindi makapupunta sa mabuting lupain mula sa Ehipto nang hindi daraan sa ilang. Ang ilang ay masama sapagka’t ang mga anak ni Israel ay hindi direktang nagtungo sa Canaan kundi gumala rito nang mahigit sa tatlumpu’t walong taon. Ang pag-aaksaya ng panahong yaon ang nagsanhi sa ilang na maging napakasama. Gayunpaman, kung tumawid sila ng Dagat na Pula at dumaan sa ilang na direktang patungo sa mabuting lupain, malamang na ang ilang ay naging isang mabuting salita. Na ang ilang ay hindi naman lubusang masama ay pinatutunayan ng katotohanang ang mga Israelita ay nagtamasa roon ng manna at ng tubig mula sa bato, na kapwa mga sagisag ni Kristo.

C. Kaligtasan tungo sa loob ng Canaan

Pagkatapos gumala sa ilang, ang mga anak ni Israel ay tumawid ng Ilog Jordan at pumasok sa mabuting lupain ng Canaan, ang ikatlong yugto ng kanilang kaligtasan. Dito, sa ikatlong yugto, sa mabuting lupain, higit pa silang nagtamasa sa kordero, sa tinapay na walang lebadura, sa manna, at sa tubig—natamasa nila ang mayamang bunga ng lupain ng Canaan. Bagama’t araw-araw ay kumakain sila ng manna sa ilang sa loob ng halos apatnapung taon, kaagad pagkapasok nila sa mabuting lupain, tumigil ang manna at nagsimula silang magtamasa sa mayamang bunga ng nagpapaloob-ng-lahat na lupain (Jos. 5:11-12). Ang kordero ng Paskua, ang makalangit na manna, ang buháy na tubig, at ang bunga ng mabuting lupain ng Canaan ay pawang mga sagisag ng iba’t ibang aspekto ng mga kayamanan ni Kristo. Kung ang mga anak ni Israel ay naligtas lamang sa Ehipto, hindi sana nila kailanman natikman ang manna. Kung hindi sila nakapasok sa lupain ng Canaan, hindi sana nila kailanman natamasa ang mayamang bunga ng mabuting lupain. Aleluya sa mayamang pagtatamasa kay Kristo sa iba’t ibang yugto ng kaligtasan!

Sa ikatlong yugto ng kanilang kaligtasan, ang kaligtasan tungo sa loob ng Canaan, ang mga Israelita ay pumasok sa kapahingahan (Deut. 12:9). Ang lahat ng mayamang pagtatamasa kay Kristo sa tatlong yugto ng kaligtasan ay para sa pagsakop sa mabuting lupain at sa pagtatayo ng templo upang magkaroon ng kahayagan ang Diyos at ng dibinong pamahalaan ng Diyos sa gitna ng mga tao sa lupa. Ang ganap na pagliligtas ng Diyos kasama ang mayamang pagtatamasa kay Kristo ay para sa kahayagan at kaharian ng Diyos. Ang kaligtasan mula sa Ehipto, habang nasa ilang, at patungo sa mabuting lupain ay lubusang para sa kahayagan at kaharian ng Diyos. Katulad ng nakita na natin, kung saan naroroon ang kahayagan at kaharian ng Diyos, naroroon ang Sabbath na kapahingahan. Nang pinunô ng Diyos ng kaluwalhatian ang Kanyang tahanan, ang templo, ang buong bayan Niya ay namahinga sa Kanyang presensiya. Yaon ay isang Sabbath sa Diyos at sa Kanyang naligtas na bayan. Samakatuwid, malinaw nating nakikita na ang tatlong yugto ng pagliligtas ng Diyos ay para sa Kanyang kahayagan at kaharian nang sa gayon ang Diyos ay magkaroon ng kapahingahan kasama ang Kanyang mga naligtas na tao.

Katulad ng tinukoy na natin, ang ganap na pagliligtas ng Diyos, na nilayon Niya para sa mga anak ni Israel, ay kinabibilangan ng pagtutubos sa pamamagitan ng kordero ng Paskua, paglabas sa Ehipto, pagpapakain ng makalangit na manna, pagtighaw-ng-uhaw ng tubig na buháy mula sa bato, at pagbabahagi ng mga kayamanan ng mabuting lupain ng Canaan. Ang lahat ng mga Israelita ay nakabahagi sa kordero ng Paskua, sa makalangit na manna, at sa tubig na buháy, subali’t doon sa mga nakabahagi sa paglabas sa Ehipto, tanging sina Josue at Caleb lamang ang nakapasok sa mabuting lupain at nakabahagi rito; ang lahat ay nabuwal sa ilang (Blg. 14:30; I Cor. 10:1-11). Bagama’t ang lahat ay natubos, tanging ang dalawang mandaraig, sina Josue at Caleb, ang nakatanggap ng gantimpala ng mabuting lupain.

Ang kordero ng Paskua, ang makalangit na manna, ang buháy na tubig, at ang mabuting lupain ng Canaan ay pawang mga sagisag ng iba’t ibang aspekto ni Kristo. Ayon sa inilarawan ng mga anak ni Israel, hindi lahat ng mga mananampalataya na natubos sa pamamagitan ni Kristo ay makababahagi kay Kristo bilang isang gantimpala sa kanila bilang kanilang kapahingahan, kanilang kasiyahan, kapwa sa panahon ng ekklesia at sa darating na kaharian. Tanging yaon lamang mga, pagkatapos matubos, ay masigasig na maghahanap kay Kristo ang makababahagi. Ito ang dahilan kung bakit si Apostol Pablo, bagama’t ganap na natubos, ay naghabol pa rin tungo sa gol upang matamo niya si Kristo bilang gantimpala (Fil. 3:10-14). Sa Filipos 3, sinasabi sa atin ni Pablo na siya ay dating nasa Hudaismo subali’t alang-alang kay Kristo, binitawan niya ito (bb. 4-9). Dito sa aklat ng Hebreo, tinatanganan ng manunulat ang gayunding konsepto sa paghihikayat sa mga Hebreong mananampalataya na iwaksi ang Hudaismo at maghabol tungo kay Kristo upang hindi nila maiwala ang gantimpala.

II. SA MGA BAGONG TIPANG MANANAMPALATAYA

A. Kaligtasan mula sa Sanlibutan

Ayon sa sagisag ng kaligtasan ng mga anak ni Israel, ang kaligtasan ng mga bagong tipang mananampalataya ay nasa tatlong yugto rin. Una, nararanasan natin ang kaligtasan mula sa sanlibutan. Tayo ay inaring-matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Hesus (Roma 3:22-25) at inihiwalay sa sanlibutan (Gal. 1:4; 6:14). Kung ang sinuman ay hindi nakagawa ng Kanyang paglabas sa sanlibutan, hindi pa niya nakukumpleto ang unang yugto ng kanyang kaligtasan. Ang kaligtasan na inaaalok sa Kristiyanidad ay pangunahing isang kaligtasan na may pag-aaring-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, subali’t walang paglabas. Ngayon may milyun-milyong mga tunay na Kristiyano na inaring-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa pamamagitan ng dugo ni Kristo subali’t nasa sanlibutan pa rin. Kailangan nila ng isang paglabas. Pinupuri natin ang Panginoon na tayo ay wala na sa sanlibutan, na kinabibilangan ng relihiyon. Tayo ay nasa labas na ng Hudaismo, Katolisismo, at Protestantismo.

B. Kaligtasan sa pamamagitan ng Kaluluwa

Ang ikalawang yugto ng ating kaligtasan ay kaligtasan sa pamamagitan ng kaluluwa, na kinabibilangan ng pagiging napaging-banal (Roma 6:19, 22) at pagiging natransporma (Roma 12:2). Marami ang nag-iisip na ang salitang kaluluwa ay hindi isang mabuting salita. Hindi natin ito dapat sabihin. Ang kaluluwang ito ay maaaring napakabuti at napakasama. Ipinahahayag ng Bagong Tipan na pagkatapos nating maaring-matuwid at maisilang-na-muli, kailangan nating mapaging-banal at matransporma. Noong mga nakaraang taon, ginawang malinaw na ang transpormasyon, kabilang na ang pagpapaging-banal, ay patungkol sa ating kaluluwa. Ang ating kaluluwa, yaon ay, ang ating katauhan, ay dapat mapaging-banal at matransporma, malalinan ng lahat ng kung ano si Kristo. Ang pinaka esensiya, elemento, at substansiya ni Kristo sa ating espiritu ay dapat kumalat patungo sa ating espiritu. Walang alinlangnan, ang dibinong esensiya ni Kristo ay naitanim tungo sa ating espiritu. Ngayon dapat nitong tigmakan at lalinan ang ating kaluluwa hanggang ang kaluluwa ay ganap na matransporma ng Kanyang dibinong elemento. Ang transpormasyon ay hindi lamang basta isang pagbabago; nangangahulugan ito na ang dibinong esensiya ni Kristo ay napaloob na sa atin. Ginamit ni Andrew Murray ang salitang “hinabi,” sinasabing mayroong (elemento ni) Kristo na naihabi, katulad ng tela, tungo sa loob natin. Noong mga unang taon ng ating ministeryo, ginamit din natin ang ganitong pagpapahayag bilang isang paglalarawan. Bagama’t hindi ito mali, hindi tayo makatatagpo ng gayong isang terminolohiya sa Bibliya. Sa halip, ginagamit ng Bibliya ang mga salitang paghahalo o inihalo.

Ang Levitico 2:4, na nagsasalita ng tungkol sa handog na pagkain, ang nagsasabi na ang pinong harina ay hahaluan ng langis. Ang salitang “hinalo,” isang terminolohiya sa Bibliya, ay higit na mainam kaysa sa terminolohiyang “hinabi.” Isaalang-alang ang larawan ng handog na pagkain sa Levitico 2. Ang pinong harina ay hinaluan, yaon ay, tinigmakan at nilalinan ng langis. Sa kalaunan, ang pinong harina ay natransporma, hindi sa pamamagitan ng pagbabago ng sarili nito kundi sa pamamagitan ng paghahalo ng langis dito. Ang pinong harina ay sumasagisag sa pagka-tao at ang langis ay sumasagisag sa pagka-diyos. Ang intensiyon ng Diyos sa Kanyang ekonomiya ay yaong ang ating pagka-tao ay maihalo sa Kanyang pagka-diyos. Tayo, ang pinong harina, at Siya, ang langis, ay paghahaluin. Kapag ang pinong harina ay naihalo sa langis, kapwa ang pinong harina at langis ay mayroon pa ring sari-sariling substansiya. Gayundin, sa paghahalo ng pagka-diyos sa pagka-tao, ang substansiya ng pagka-tao at pagka-diyos ay kapwa nananatili, subali’t ang dalawang substansiyang ito ay naihalong magkasama bilang isang entidad. Ito ay isang kamangha-mangha at malinaw na larawan ng paghahalo ng Diyos sa atin. Ang paghahalong ito ay ang ating transpormasyon.

Ano ang transpormasyon? Hindi ito isang pagtutuwid ng moralidad ni isang pagbabago sa asal na pang-etika. Ang transpormasyon ay nangangahulugang ang ating pagka-tao ay nililinis muna ng nagtutubos na dugo ng Panginoon at pagkatapos ay hinahaluan ng langis na pamahid—ang Espiritu Santo—hanggang sa tayo ay napaging-banal, nagawang banal, kapwa sa pamposisyon at pandisposisyon. Sa yugtong ito, ang ikalawang yugto ng ating kaligtasan, tinatamasa natin si Kristo bilang ang makalangit na manna at bilang ang buháy na tubig, bilang ang Espiritung nagbibigay-buhay na nagmumula sa bato na si Kristo Mismo. Sa yugtong ito ng transpormasyon, natatamasa natin si Kristo sa isang higit na mayaman at higit na subhektibong paraan. Pinupuri natin ang Panginoon na nitong mga nakaraang taon, maraming banal sa pagbabawi ng Panginoon ang nadala sa katunayan ng gayong isang transpormasyon. Bagama’t nagkaroon ng ilang panlabas na pag-aayos at pagtutuwid, ang tiwala natin ay hindi rito kundi sa kamangha-manghang nagtatranspormang gawain ng Panginoon. Sinasabi sa 2 Corinto 3:18 na, “Nguni’t tayong lahat na walang talukbong ang mukha, na tumitingin at umaaninag gaya ng isang salamin sa kaluwalhatian ng Panginoon, at natatransporma tungo sa gayunding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, na gaya ng mula sa Panginoong Espiritu” (Gk.). Kailangan nating lahat ang transpormasyong ito. Aleluya, tayo ngayon ay dumaraan sa ikalawang yugto ng ating kaligtasan!

Ang tunay na buhay-ekklesia ay puno ng transpormasyon. Ako ay higit na nahihikayat sa transpormasyong nagaganap sa gitna ng mga kabataan sa mga ekklesia. Ang mga ekklesia ay nagpapatuloy. Hindi natin kailangang ituwid ang mga banal nang husto, bagama’t kailangan nating alagaan ang mga kabataan sa paraan ng buhay. Nakikita natin ang mga kabataan sa ekklesia na natatransporma sa pamamagitan ng dibinong buhay. Anong kamangha-manghang transpormasyon!

C. Kaligtasan tungo sa Espiritu

Ang ikatlong yugto ng ating kaligtasan ay kaligtasan tungo sa ating espiritu. Kailangang lisanin nating lahat ang ilang at tawirin ang ilog patungo sa ating espiritu, kung saan natin tinatamasa si Kristo bilang ating buhay (Roma 8:10; 2 Tim. 4:22) at kung saan tayo dapat mamuhay at lumakad (Roma 8:4; Gal. 5:16, 25). Dito, sa espiritu, mayroon tayong tirahan ng Diyos, makalangit na hagdan, at pinto ng langit. Samakatuwid, nasa ating espiritu ang kahayagan ng Diyos kasama ang kaharian ng Diyos. Dito tinatamasa natin ang Sabbath ng makalangit na kapahingahan.

III. TUMUTUGMA SA MGA KARANASAN
SA TABERNAKULO (TEMPLO)

A. Mga Karanasan sa Labas na Looban

Yamang ang tabernakulo at ang templo ay may tatlong bahagi, ang tatlong yugto ng pagliligtas ng Diyos ay tumutugma sa mga karanasan sa tabernakulo at sa templo. Una, mayroon tayong mga karanasan sa labas na looban, kung saan tayo tinubos sa dambana (Lev. 4:7) at hinugasan sa hugasan (Exo. 30:18-21). Ang paghuhugas sa hugasan ang tunay na pagtawid ng ilog. Tumutugma ito sa ating kaligtasan mula sa sanlibutan.

B. Mga Karanasan sa Dakong Banal

Ikalawa, mayroon tayong mga karanasan sa Dakong Banal, kung saan tayo ay pinakain ng tinapay na handog (Exo. 25:30), niliwanagan ng ilawan (Exo. 25:37), at tinanggap sa pamamagitan ng dambana ng insenso (Exo. 30:7). Tumutugma ito sa transpormasyon sa ating kaluluwa.

C. Mga Karanasan sa Dakong Kabanal-banalan

Ikatlo, mayroon tayong karanasan sa Dakong Kabanal-banalan, kung saan natin natatamasa ang presensiya ng Diyos (Exo. 25:22) at nababahagi ang Shekinah na kaluwalhatian ng Diyos. Dito, sa Dakong Kabanal-banalan, tayo ay nasa tirahan ng Diyos. Dito tayo ay nasa Sabbath na kapahingahan. Tumutugma ito sa kaligtasan tungo sa ating espiritu.

IV. ANG SITUWASYON NG MGA HEBREONG MANANAMPALATAYA

Ang mga Hebreong mananampalataya ay naligtas na sa unang yugto subali’t nag-aatubili sa ikalawang yugto. Sila ay gumagala sa kaluluwa sa pamamagitan ng pag-iisip sa kaisipan at nasa panganib na umurong pabalik sa unang yugto. Ang aklat ng Hebreo ay isinulat upang bigyan sila ng babala at upang hikayatin silang magpatuloy at pumasok sa ikatlong yugto—tungo sa mabuting lupain (Heb. 4:11) at tungo sa Dakong Kabanal-banalan sa espiritu (10:19-20). Ang pumasok sa kapahingahan sa mabuting lupain ay ang pumasok sa buhay-ekklesia na umaasang makapasok sa darating na kaharian. Ang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan ay ang mapasa espiritu. Ang pagpasok sa Sabbath na kapahingahan at tungo sa wastong buhay-ekklesia ay lubusang isang bagay sa ating espiritu. Ngayon ang trono ng Diyos at ang Dakong Kabanal-banalan, na kapwa nasa mga kalangitan, ay nakaugpong sa ating espiritu. Kaya, ang ating espiritu ay isang napakahalagang dako. Dito, sa ating espiritu, mayroong tayong tirahan ng Diyos, ng makalangit na hagdan, ng pinto ng langit, ng trono ng Diyos, at ng Dakong Kabanal-banalan. Dito, sa espiritu, natatamasa natin ang buhay-ekklesia at tayo ay nasa pangkasalukuyang Sabbath na magdadala sa atin tungo sa Sabbath na kapahingahan sa darating na kaharian.

Sa 4:11 sinabi ng manunulat, “Magsipagsikap nga tayong makapasok sa kapahingahang yaon, baka ang sinuman ay mahulog sa gayunding halimbawa ng pagsuway.” Sapagka’t ang kapahingahan na tinalakay sa bahaging ito ng Salita ay ang nagpapaloob-ng-lahat na Kristo, kaya ang mahulog mula rito ay ang mahulog mula kay Kristo (Gal. 5:4, Gk. “naputol na ang pakikipag-ugnayan ninyo kay Kristo”). Sa Galacia, ang panganib ay yaong ang mga taga-Galaciang mananampalataya ay matangay sa pagkaalipin sa kautusan mula sa kalayaan ng biyaya (Gal. 5:1-4). Pinayuhan sila ni Pablo na magsitibay sa kalayaan ng biyaya, yaon ay, hindi maputol ang pakikipag-ugnayan kay Kristo. Dito sa Hebreo, ang panganib ay yaong ayaw iwaksi ng mga Hebreong mananampalataya ang kanilang lumang relihiyon na ayon sa kautusan at magpatuloy sa pagtatamasa kay Kristo bilang kanilang kapahingahan. Kung nanatili pa rin sila sa kanilang lumang relihiyon, yaon ay, sa Hudaismo, hindi sila nakaabot kay Kristo, na kapahingahan nila. Masigasig silang hinikayat ng manunulat ng aklat na ito na magpatuloy kay Kristo bilang mga kasama Niya tungo sa kapahingahan upang sila, bilang mga kabahagi Niya, ay makapagtamasa kay Kristo bilang kapahingahan nila.

Ang Hebreo 3:7 hanggang 4:11 ay tumutukoy sa mga anak ni Israel na nahuhulog palayo sa pagpasok sa mabuting lupain. Nakita na natin na ukol sa kanila ay may tatlong lugar—ang Ehipto, ang ilang, at ang lupain ng Canaan—na ang kasaysayan nila sa tatlong lugar na ito ay sumasagisag sa tatlong yugto ng pakikibahagi nila sa ganap na pagliligtas ng Diyos, at yaong ito ay isang sagisag natin, na mga Bagong Tipang mananampalataya, sa ating pakikibahagi sa ganap na pagliligtas ng Diyos. Sa unang yugto, natanggap natin si Kristo at tayo ay natubos at napalaya mula sa sanlibutan. Sa ikalawang yugto, sa panahon ng ating pagsunod sa Panginoon, tayo ay naging mga taong pagala-gala. Ang paggalang ito ay palaging nagaganap sa ating kaluluwa. Sa ikatlong yugto, tayo ay nakikibahagi at nagtatamasa kay Kristo sa isang ganap na paraan. Ito ay nararanasan sa ating espiritu. Nang hinabol natin ang mga kasiyahan sa mga materyal at makasalanang bagay, tayo ay nasa sanlibutan, na isinasagisag ng Ehipto. Kapag tayo ay nagpapagala-gala sa ating kaluluwa, tayo ay nasa ilang. Ang ilang kung saan nagpagala-gala ang mga Israelita ay sumasagisag sa ating kaluluwa. Kapag natatamasa natin si Kristo sa ating espiritu, tayo ay nasa Canaan. Nang ang mga Israelita ay gumagala sa ilang, palagi silang nagbubulong-bulong, nangangatuwiran at naninisi. Yaon ay tiyak na sa kanilang kaluluwa, hindi sa kanilang espiritu. Subali’t sina Josue at Caleb ay nanalig sa salita ng Diyos, sumunod sa Panginoon, at nagtumulin tungo sa gol. Ito ay tiyak na hindi sa kanilang kaluluwa, kundi sa kanilang espiritu. Ang mga tumanggap ng aklat na ito, ang mga Hebreong mananampalataya, ay nagnais malaman noong panahong yaon kung ano ang dapat nilang gawin sa kanilang lumang maka-Hudyong relihiyon. Ang katanungang ito sa kanilang isipan ay isang paggala sa kanilang kaluluwa, hindi isang pagdaranas kay Kristo sa kanilang espiritu. Kaya, sinasabi ng manunulat ng aklat na ito na ang salita ng Diyos, yaon ay, ang sinipi mula sa Lumang Tipan, ay makatatagos gaya ng isang matalas na tabak na may dalawang talim tungo sa loob ng kanilang pagala-gala at inihihiwalay ang kanilang kaluluwa mula sa kanilang espiritu.

Gaya ng kung papaanong ang utak ng buto ay natatago sa kailaliman ng mga kasukasuan, ay gayundin naman ang espiritu sa kailaliman ng kaluluwa. Ang paghihiwalay ng utak ng buto mula sa mga kasukasuan ay humihiling ng pagbabasag ng mga kasukasuan. Sa gayunding prinsipyo, ang paghihiwalay ng espiritu sa kaluluwa ay humihiling ng pagbabasag ng kaluluwa. Ang kaluluwa ng mga mananampalatayang Hebreo, kalakip ang pagala-galang kaisipan, na nag-alinlangan sa paraan ng pagliligtas ng Diyos at nagsaalang-alang ng sarili nitong kapakinabangan, ay kinakailangang mabasag sa pamamagitan ng buháy, gumagawa at tumatagos na salita ng Diyos upang ang kanilang espiritu ay maihiwalay sa kanilang kaluluwa. Kaya, pinayuhan ng manunulat ng aklat na ito ang mga Hebreong mananampalataya na huwag mag-atubili sa paggala sa kanilang kaluluwa, na kaluluwang dapat nilang itatwa, kundi magtumulin tungo sa kanilang espiritu upang makibahagi at magtamasa sa makalangit na Kristo upang sila ay makabahagi sa kahariang kapahingahan ng pamumuno ni Kristo sa isang libong taon. Kung sila ay mag-aatubili sa paggala ng kanilang kaluluwa, malamang na hindi nila makukuha ang gol ng Diyos at magdurusa ng pagkawala ng ganap na pagtatamasa kay Kristo at sa kapahingahan ng kaharian.

 

Mga Nilalaman