PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE DALAWAMPU’T PITO

ISANG DAKILANG MATAAS NA SASERDOTE
AT
ANG TRONO NG BIYAYA

ISANG DAKILANG MATAAS NA SASERDOTE

 

Ang aklat ng Hebreo ay isang aklat ng mga paghahambing. Sa mga naunang mensahe nakita natin ang tatlong paghahambing: ang mga paghahambing sa pagitan ng ating Diyos at ng Diyos ng mga Hudyo, sa pagitan ni Kristo at ng mga anghel, at sa pagitan ni Kristo at ni Moises. Ngayon dumako tayo sa isa pang bahagi sa aklat na ito (4:14-7:28) kung saan matatagpuan natin ang isa pang paghahambing—ang paghahambing sa pagitan ni Kristo at ni Aaron. Ang ating Diyos ay higit na ekselente kaysa sa Diyos na sinasamba ng mga Hudyo, at ang ating Kristo ay nakahihigit sa mga anghel, kay Moises, at kay Aaron. Kagaya ng nakita na natin, sa bawa’t seksiyon ng Hebreo ay may isang babala. Ang unang babala ay nasa 2:1-4 at ang ikalawa ay sa 3:7 hanggang 4:13. Sa bahaging ito ay mayroon tayong ikatlong babala, na natagpuan sa 5:11 hanggang 6:20.

Sa mga naunang kapitulo nakita natin na si Kristo ay ang Anak ng Diyos, ang anak ng Tao, ang Pinuno ng ating kaligtasan, at ang Apostol. Ang lahat ng ito ay nagsasanhi sa Kanyang maging kwalipikadong maging ating Mataas na Saserdote. Sa Bibliya, wala nang higit pang kamangha-mangha o ekselente kaysa kay Kristo bilang ating Mataas na Saserdote. Nanggaling Siya sa Diyos at naghahain ng Diyos sa atin. Bago Siya dumating, wala tayong anumang bagay ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos at tayo ay mga tao lamang na walang kinalaman sa Kanya. Dumating Siya hindi lamang bilang ating Tagapagligtas at Manunubos bagkus bilang atin ding Mataas na Saserdote. Ang mga titulong Tagapagligtas at Manunubos ay nauunawaan ng karamihan sa mga tao sa isang mababaw na paraan. Kung ang nalalaman lamang natin ukol kay Kristo ay bilang ating Tagapagligtas at Manunubos, makikilala lamang natin Siya sa isang mababaw na paraan. Dapat tayong magpatuloy upang makilala Siya bilang ang Pinuno ng ating kaligtasan, ang Apostol, at ang Mataas na Saserdote. Bagama’t maraming mga Kristiyano ang nakatatanto na si Kristo ang ating Mataas na Saserdote, kakaunti ang nakaaalam kung ano ang tunay na kahulugan nito. Kung aalamin natin kung ano ang kahulugan ng maging ating Mataas na Saserdote si Kristo, dapat nating lubusang talakayin ang buong aklat ng Hebreo.

Sinasabi sa Hebreo 4:14, “Yaman ngang tayo ay may isang dakilang Mataas na Saserdote, na dumaan sa mga kalangitan, si Hesus na Anak ng Diyos, pakaingatan natin ang ating pagkakilala.” Ang Panginoong Hesus unang-una ay isinugo sa atin mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao (2:14) upang maging Apostol natin (3:1), Pinuno natin, Lider natin (2:10), ang Isang nakahihigit kay Moises (3:3), at ang ating tunay na Josue (4:8) upang dalhin tayo, ang Kanyang mga kasama, (1:9; 3:14), tungo sa kaluwalhatian at kapahingahan (2:10; 4:11). Pagkatapos Siya ay bumalik mula sa atin patungo sa Diyos sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muli at pag-akyat-sa-langit (5:5-6) upang maging Mataas na Saserdote natin upang panagutan tayo sa presensiya ng Diyos at upang tustusan ang lahat ng ating mga pangangailangan (2:17-18; 4:15).

Ang mismong Kristo na kailangan natin at taglay natin ngayon sa Sabbath na kapahingahan ng buhay-ekklesia ay ang ating Mataas na Saserdote. Ang isang mataas na saserdote, sa wastong pananalita, ay wala sa lansangan ni sa ilang kundi nasa Dakong Kabanal- banalan. Nasaan ang ating Kristo ngayon? Siya ay patuloy na nasa Dakong Kabanal-banalan. Ang ating Mataas na Saserdote ay wala sa dambana na naghahandog ng mga hain, ni wala sa Dakong Banal na naghahanda ng dulang ng tinapay, nagsisindi ng mga ilawan, at nagsusunog ng insenso. Siya ay nasa Dakong Kabanal-banalan. Karamihan sa mga Kristiyano ay mayroon lamang isang Kristong nasa dambana, yaon ay, isang Kristong nasa krus. Maraming mga himno ang nagsasalita tungkol sa Kristong napako-sa-krus. Ang ilang Kristiyano ay mayroon lamang isang Kristong nasa Dakong Banal. Ang pinakamataas na naabot nila sa kanilang espirituwal na paghahanap ay yaong isang Kristong naghahanda ng dulang ng tinapay, nagsisindi ng ilawan, at nagsusunog ng insenso sa Dakong Banal. Nakaligtaan nila ang Mataas na Saserdote sa Dakong Kabanal-banalan. Ang pangunahing pangsyon ng ating Mataas na Saserdote ngayon ay hindi sa dambana ni sa Dakong Banal kundi sa Dakong Kabanal-banalan, kung saan naroroon ang presensiya at Shekinang kaluwalhatian ng Diyos. Oo, minsan Siya’y nasa krus, subali’t, kagaya ng ipinahayag ng 1:3, ang gawain Niya sa krus ay natapos na. Huwag ninyo kailanmang sabihin sa Kanya na bumalik doon para gawin ito muli. Ngayon, natapos na ang Kanyang gawain, Siya ay nakaupo sa kanan ng Diyos sa mga kalangitan. Wala nang lugar na mas malapit pa sa Diyos kaysa rito. Ang aklat ng Hebreo ay isinulat upang tulungan tayong magsilapit sa Kristong ito na ngayon ay nasa presensiya ng Diyos.

Ang Kristong nasa Dakong Kabanal-banalan ay hindi lamang ating Tagapagligtas, Manunubos, Apostol, o Pinuno ng kaligtasan; Siya ang ating Mataas na Saserdote. Ano ang ginagawa Niya roon sa Dakong Kabanal-banalan? Inihahain Niya ang Diyos sa atin. Kagaya ng nakita na natin sa isang naunang mensahe, ang pangunahing pangsyon ng Mataas na Saserdote ay ang ihain ang Diyos sa mga taong hinirang ng Diyos. O, gaano natin kailangan ang ating Mataas na Saserdote na nasa Dakong Kabanal-banalan na maghain ng Diyos sa atin! Dapat nating kalimutan ang ating kapaligiran, mga kahinaan, mga suliranin, at maging ating mga sarili at alalahanin lamang na sa ngayon, si Hesu-Kristo ay ang ating Mataas na Saserdote sa Dakong Kabanal-banalan. Hangga’t mayroon tayong isang Mataas na Saserdote, taglay na natin ang lahat ng kailangan natin.

Ayon sa Lumang Tipan, sa tuwing pumupunta ang mataas na saserdote sa presensiya ng Diyos sa Dakong Kabanal-banalan, dala-dala niya sa kanyang mga balikat ang dalawang batong onix kung saan nakaukit ang mga pangalan ng mga anak ni Israel (Exo. 28:9-12). Suot din niya ang pektoral kung saan nakalagay ang labindalawang mahahalagang bato na naukitan ng mga pangalan ng mga anak ni Israel (Exo. 28:15-30). Nangangahulugan ito na ang bayan ng Israel ay nasa balikat at dibdib ng mataas na saserdote. Yamang ang balikat ay sumasagisag sa kalakasan at ang dibdib ay sumasagisag sa pag-ibig, ang bayan ng Diyos ay nasa kalakasan at nasa pag-ibig ng mataas na saserdote. Kapag ang mataas na saserdote ay nasa Dakong Kabanal-banalan, dinadala niya ang buong bayan ng Diyos kasama niya. Sa mata ng Diyos, nang siya ay naroroon, ang buong bayan ng Diyos ay kasama niyang naroroon. Gayundin, kapag tumitingin ang Diyos kay Kristo, ang ating Mataas na Saserdote sa Dakong Kabanal-banalan, nakikita Niya tayo sa Kanyang balikat at dibdib. Gaano natin kailangang makita ang pangitaing ito! Dinadala tayo ng ating Mataas na Saserdote sa Dakong Kabanal-banalan sa mga kalangitan at isinusuot tayo sa harapan ng Diyos. Sa ngayon tayo ay nasa Kanyang balikat at nasa Kanyang dibdib sa Dakong Kabanal-banalan. Tayo ay naroroong kasama Niya sa Shekinang kaluwalhatian ng Diyos.

Habang dinadala tayo ni Kristo sa harapan ng Diyos sa Dakong Kabanal-banalan, inihahain Niya ang Diyos sa ating katauhan. Nang manalangin si Apostol Pablo sa Panginoon na, hinihiling sa Kanyang alisin ang tinik (2 Corinto 12:7-8), sinabi ng Panginoon na, “Ang Aking biyaya ay sapat sa iyo, sapagka’t ang Aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan (2 Corinto 12:9). Parang sinasabi ng Panginoon, “Pablo, hindi Ko aalisin ang tinik, subali’t ibabahagi Ko ang Aking Sarili sa iyo bilang biyaya. Kapag ginawa Ko ito, malalaman mo kung gaano Ako kahalaga at kasapat; at ang Aking Sarili ay higit na maidadagdag sa loob mo.” Ang karanasang ito kay Kristo bilang ating mataas na Saserdote na nagdadala sa atin sa Kanyang balikat at dibdib at naghahain ng Diyos sa atin ay isang karanasan sa Dakong Kabanal-banalan, kung saan natin tinatamasa ang Diyos Mismo at ang lahat ng Kanyang mga kayamanan. Kapag naranasan natin ito, mahirap sabihin kung nasaan tayo o kung ano ang nangyayari. Ang masasabi lamang natin ay yaong nasa balikat at dibdib tayo ng ating Mataas na Saserdote at naghahain Siya ng isang bagay na nakaaaliw at nakapagpapalakas tungo sa loob natin. Marahil ang masasabi lamang natin ay, “May natanggap ako mula sa Panginoon, subali’t hindi ko ito mailarawan o mapangalanan.” Ang karanasang ito kay Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ay ang pinakamataas na karanasan at pagtatamasa. Tayong lahat ay dapat matutong manatili rito sa Kanyang mga balikat at sa Kanyang dibdib sa Dakong Kabanal-banalan. Ito ay isang karanasan sa ikatlong yugto ng ating kaligtasan na tumutugma sa mga karanasan sa Dakong Kabanal-banalan. Hindi tayo dapat makuntento na manatiling mga Kristiyanong nasa labas na looban; ni hindi dapat maging mga Kristiyanong nag-aatubili sa Dakong Banal. Dapat tayong magpatuloy tungo sa Dakong Kabanal-banalan kung saan naroroon ang presensiya at Shekinang kaluwalhatian ng Diyos.

Ang karanasang ito kay Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ay walang alinlangang nasa mga kalangitan. Gayunpaman, ito rin ay nasa ating espiritu at nasa ekklesia sapagka’t ang ekklesia ngayon ay ang tahanan ng Diyos sa ating espiritu. Si Kristo, ang makalangit na hagdanan na nagdurugtong ng langit sa lupa at nagdadala ng langit pababa sa lupa, ay nasa ating espiritu. Sa pamamagitan ng tahahan ng Diyos at ng makalangit na hagdanan, ang Dakong kabanal-banalan sa mga kalangitan ay naiuugpong sa ating espiritu. Isaalang-alang ang paglalarawan ukol sa elektrisidad. Sa pamamagitan ng pagdaloy ng elektrisidad, naiuugnay sa ating bahay ang planta ng kuryente. Ang elektrisidad ay kapwa nasa “generator” sa planta ng kuryente at nasa ating mga tahanan. Kung wala ang pagdaloy na ito ng elektrisidad, ang planta ng kuryente ay malayo mula sa ating mga tahanan. Subali’t sa pamamagitan ng pagdaloy ng elektrisidad, ang dalawang ito ay nagiging isa. Gayundin, ang langit ay tunay na malayo sa ating espiritu. Subali’t ang kamangha-manghang Kristo ay kapwa nasa mga kalangitan at nasa ating espiritu. Sinasabi sa Roma 8:34 na si Kristo ay nasa kanan ng Diyos na namamagitan para sa atin, at sinasabi sa Roma 8:10 na si Kristo rin ay nasa loob natin. Hindi ito dalawang Kristo, ang isa na nasa mga kalangitan at ang isa na nasa loob natin, ni hindi rin ito isang bagay ng isang Kristo sa dalawang magkaibang panahon. Kagaya ng pagkakaugnay ng elektrisidad sa planta ng koryente sa ating mga bahay, gayundin ang pagkakaugpong ng Kristong nasa ikatlong kalangitan sa ating espiritu. Higit Siyang kamangha-mangha kaysa sa daloy ng elektrisidad. Kung sa pagdaloy ng elektrisidad dalawang lugar ang napag-iisa, gaano pa kaya ang ating kamangha-manghang Kristo na kapwa maaaring nasa mga kalangitan gayundin sa ating espiritu.

I. DAKILA

Sinasabi rin sa bersikulo labing-apat na si Hesus, ang Anak ng Diyos, ay isang dakilang Mataas na Saserdote. Ayon sa ating karanasan, ang salitang dakila rito ay nangangahulugang ekselente, kamangha-mangha, maluwalhati, at lubhang kapita-pitagan. Ang Intsik na salin ng Bibliya ay nagsasabing mayroon tayong isang kapita-pitagan at maluwalhating Mataas na Saserdote. Si Kristo ngayon ay gayong isang ekselente, kahanga-hanga, kamangha-mangha, maluwalhati, at lubhang kapita-pitagang Mataas na Saserdote na hindi mailalarawang lubos ng pantaong salita. Bagama’t hindi natin masumpungan ang sapat na salita sa anumang lexicon, ang karanasan ng pagiging nasa Kanyang mga balikat at nasa Kanyang dibdib sa Dakong Kabanal-banalan ang nagsasabi sa atin na Siya ay isang dakila at kahanga-hangang Mataas na Saserdote.

A. Sa Kanyang Persona

Ang ating Mataas na Saserdoteng, si Kristo, ay dakila unang-una sa Kanyang Persona. Siya ang Anak ng Diyos, ang Diyos Mismo (1:5, 8). Siya rin ang Anak ng Tao, tao mismo (2:6). Siya, bilang kapwa Diyos at tao, ay may dibinong kalikasan at pantaong kalikasan. Hindi lamang Niya alam ang mga bagay ng Diyos at ang mga bagay ng tao; Siya rin ay nasa mga bagay ng Diyos at mga bagay ng tao. Walang ibang mataas na saserdote ang naging katulad Niya.

B. Sa Kanyang Gawain

Ikalawa, ang ating Mataas na Saserdoteng, si Kristo, ay dakila sa Kanyang gawain. Nagawa na Niya ang paglilinis ng at pagpapalubag-loob para sa ating mga kasalanan (1:3; 2:17). Naalis na Niya ang kasalanan at nalutas na ang suliranin ng kasalanan. Natikman na Niya ang kamatayan, hindi lamang para sa bawa’t tao bagkus para rin sa lahat ng mga bagay (2:9). Sa pamamagitan ng pagtikim sa kamatayan, nasakop at natalo Niya ito. Hindi Siya mapigilan ng kamatayan (Gawa 2:24, 27). Nilipol din Niya ang Diyablo na may kapangyarihan ng kamatayan (2:14). Sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus, pinawalang-bisa ni Kristo si Satanas, ang kapangyarihan ng kamatayan. Sa pamamagitan ng pagsakop sa kamatayan at paglipol sa Diyablo, pinalaya Niya tayo mula sa pagkaalipin sa kamatayan (2:15). Hindi lamang Niya tayo pinalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan bagkus pati rin sa pagkaalipin sa kamatayan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, napasakdal Siya upang maging Pinuno ng ating kaligtasan (2:10). Nakipagbaka Siya sa labanan at nakapasok sa kaluwalhatian. Bilang ang Tagapagbunsod (Pioneer), dinadala Niya tayo sa gayunding landas patungo sa kaluwalhatian. Ngayon nangangalaga Siya sa sambahayan ng Diyos kagaya ng ginawa ni Moises (3:5-6). Bilang ang Tagapagtayo ng bahay, tiyak na alam Niya kung paano pamahalaan ito. Ngayon dinadala rin Niya tayo sa kapahingahan, kagaya ng ginawa ni Josue (4:8-9). Ibinigay na Niya sa atin ang Sabbath na kapahingahan sa kapanahunan ng ekklesia, at dadalhin Niya tayo sa Sabbath na kapahingahan sa kapanahunan ng kaharian. Bilang ating Mataas na Saserdote, Siya ay dakila sa lahat ng mga kamangha-mangha at ekselenteng gawain Niya, na hindi kailanman naisagawa ng sinumang mataas na saserdote sa Lumang Tipan.

C. Sa Kanyang Natamo

Ang ating Mataas na Saserdote, si Kristo, ay dakila rin sa Kanyang natamo. Ang natamo Niya ay napakataas na nakapasok Siya sa Dakong Kabanal-banalan sa mga kalangitan at naputungan ng kaluwalhatian at karangalan (6:19; 9:24; 2:9). Wala na Siya sa lupa na nakasuot ng putong na tinik; ngayon Siya ay nasa pinakamataas na kalangitan na nakasuot ng putong ng kaluwalhatian. Walang mataas na saserdote ang nakahihigit sa Kanya sa Kanyang natamo; sa ganito ay walang sinumang maaaring ihambing sa Kanya.

II. DUMAAN SA MGA KALANGITAN

Ang ating Mataas na Saserdoteng, si Kristo, na dakila sa Kanyang Persona, kwalipikasyon, gawain, naisagawa, at natamo, ay dumaan sa mga kalangitan (4:14). Pagkatapos Niyang mapako-sa-krus at bago Siya mabuhay-na-muli, si Kristo ay naglakad sa Hades, nagkaroon ng isang magandang pamamasyal. Bagama’t sinubukan ni Satanas at ng lahat ng mga kapangyarihan ng kamatayan na pigilan Siya, sa oras ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, bumangon Siya mula sa libingan (Gawa 2:24, 27). Pagkatapos, habang umaakyat Siya sa langit, nadaig Niya ang “gravitation” ng lupa. Sinikap ng mga demonyong hadlangan Siyang makaalis ng lupa, subali’t nagkaroon Siya ng kamangha-manghang paglisan. Pagkatapos umakyat Siya sa mga kalangitan. Habang dumaraan Siya sa himpapawid, ang masasamang espiritu, ng mga pinuno at mga awtoridad, ay nagsikap na hawakan Siya at pigilan Siya, subali’t inalis Niya ang mga ito, gumagawa ng isang hayag na pagtatanghal sa buong sansinukob. Ito ang kahulugan ng Colosas 2:15 na nagsasabing inalis ni Kristo “ang mga pinuno at ang mga awtoridad” at “ginawa silang isang hayag na pagtatanghal, na nagtatagumpay Siya sa kanila” (Gk.). Sa bersikulong ito, nakikita natin ang tatlong pangunahing punto: na inalis ni Kristo ang mga pinuno at ang mga awtoridad; na ginawa Niya silang isang pagtatanghal; at yaong nagtagumpay Siya sa kanila. Ngayon, pagkabangon mula sa Hades; pagkaalis sa mga pinuno at sa mga awtoridad at pagkadaan sa mga kalangitan, Siya ngayon ay nakaupo sa trono sa kanan ng Diyos kung saan Siya ay namamahingang nagtatamasa ng isang Sabbath. Subali’t ninanais Niyang makita na ang lahat ng Kanyang mga sangkap (members) ay mapasa Kanyang Sabbath na kapahingahan. Ang paraan upang makapasok sa Kanyang Sabbath ay sa pamamagitan ng pagtatamasa sa Kanya bilang ating Mataas na Saserdote. Kagaya ng makikita natin, kailangan lamang nating magsilapit sa trono ng biyaya kung saan Siya nakaupo at magsitanggap ng awa at makasumpong ng biyaya. Kapag ginawa natin ito, kaagad tayong nasa Sabbath na kapahingahan ng buhay ekklesia, naghihintay sa Kanya para sa nakahihigit na darating na Sabbath. Purihin Siya!

III. TINUKSO SA LAHAT NG MGA PARAAN

Bilang ating Mataas na Saserdote, si Kristo ay tinukso sa lahat ng mga paraan gaya natin, gayunpaman ay walang kasalanan (4:15). Yamang Siya ay tinukso, Siya ay kwalipikado at makasasaklolo sa atin na mga tinutukso (2:18). Sa lahat ng mga pagsubok sa Kanya, hindi Siya kailanman nadungisan ng kasalanan. Nagdusa Siya ng mga pagsubok nang hindi nahihipo ng kasalanan. Siya ay tunay na nasangkapan upang tulungan tayong malampasan ang mga pagsubok at mailayo sa anumang pagkasalabid ng kasalanan.

IV. NAKIKISIMPATIYA SA ATING MGA KAHINAAN

Bilang ang Isang tinukso sa lahat ng mga paraan gaya natin, ang ating Mataas na Saserdoteng, si Kristo, ay maaaring makisimpatiya sa ating mga kahinaan (4:15). Madali Siyang mahipo ng nadarama nating mga kahinaan at kaagad na pumapasok tungo sa isang pakikipagdusang kasama natin sa ating mga kahinaan. Anuman ang mga nangyayari sa atin at anumang pagdurusa mayroon tayo, nadarama Niya itong kasama natin at nakikisimpatiya sa atin.

ANG TRONO NG BIYAYA

I. ANG TRONO NG DIYOS,
IPINAHIHIWATIG NG PAMPALUBAG-LOOB NA TAKIP

Pagkatapos ng paghahayag sa ating Mataas na Saserdote, hinihikayat tayo ng sumulat na “magsilapit nga tayong may kalakasaang-loob sa trono ng biyaya, upang tayo ay magtamo ng awa at makasumpong ng biyaya sa panahon ng pangangailangan.” (4:16). Ang trono ng biyaya ay walang alinlangang ang trono ng Diyos na nasa langit (Apoc. 4:2). Ang trono ng Diyos ay ang trono ng awtoridad sa buong sansinukob (Dan. 7:9; Apoc. 5:1) kung saan nakaupo ang Diyos upang kontrolin at pamunuan ang sansinukob. Ito ang trono ng pamahalaan ng Diyos. Subali’t sa atin, ang mga mananampalataya, ito ay ang trono ng biyaya, na ipinahihiwatig ng takip-ng-pampalubag-loob (ang luklukan ng awa) sa ibabaw ng kaban ng patotoo (Exo. 25:17-21; Roma 3:25) sa Dakong Kabanal-banalan (Heb. 9:3, 5) na nawisikan ng dugo ni Kristo (Lev. 16:15; Heb 9:12). Dito kinakatagpo at kinakausap ng Diyos ang Kanyang bayan (Exo. 25:21-22). Kapag dumudulog tayo sa trono ng biyaya sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, nakikipagtagpo tayo sa Diyos at nakikipag-usap sa Kanya.

II. ANG TRONO NG DIYOS AT ANG KORDERO

Ang trono ng biyaya sa Hebreo 4 ay ang trono ng awtoridad sa Apocalipsis 4 na nagiging ang trono ng Diyos at ng Kordero sa Apocalipsis 22:1 at 2, kung saan lumalabas ang ilog ng tubig ng buhay na maningning gaya ng kristal. Ang ilog na ito ay umaagos sa buong lunsod ng Bagong Herusalem. Sa dakong ito ng ilog ay lumalago ang puno ng buhay, inihahayag na ang mayamang Kristo kasama ang buháy na Espiritu ay umaagos mula sa trono ng biyaya. Ano ang biyaya? Ito ay ang umaagos na ilog kung saan lumalago ang puno ng buhay. Sa mga di-mananampalataya at mga demonyo, ang trono ng Diyos at ng Kordero ay isang trono ng awtoridad; sa atin, ito ay ang trono ng biyaya. Sa tuwing lumalapit tayo sa tronong ito, mayroon tayong pandama na may umaagos upang diligan at tustusan tayo. Ito ay biyaya. Tiyak na makaiinom at makakakain tayo ng panustos na ito.

III. TAHANAN NG DIYOS SA ATING ESPIRITU

Sinasabi sa atin ng Hebreo 4:16 na “magsilapit nga tayong may kalakasang-loob sa trono ng biyaya.” Yamang ang trono ng biyaya ay nasa mga kalangitan, paano tayo makalalapit dito? Ayon sa pundamental na pagtuturo, dapat tayong maghintay hanggang sa mamatay tayo at mapunta sa langit. Subali’t papaano tayo makalalapit dito habang tayo ay nasa lupa pa? Ang lihim ay nasa bersikulo 12 ng parehong kapitulo na nagsasabi ng tungkol sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu sa pamamagitan ng buháy at gumagawang salita ng Diyos. Kagaya ng nakita na natin, ang mismong Kristong nakaupo sa trono ng biyaya sa langit (Roma 8:34) ay narito rin ngayon sa atin (Roma 8:10), yaon ay, sa ating espiritu (2 Tim. 4:22), kung saan naroroon ang tahanan ng Diyos (Efe. 2:22—ang “sa pamamagitan ng Espiritu” ay dapat isaling “sa espiritu”). Kung si Kristo ay nasa ating espiritu, kapwa ang Ama at ang Espiritu ay nasa atin ding espiritu (Juan 14:20, 23; Roma 8:16). Ang Tres-unong Diyos ay nasa ating espiritu. Sa Bethel, ang bahay ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, na siyang pintuan ng langit, si Kristo ay hagdanan na nag-uugnay ng lupa sa langit at nagdadala ng langit sa lupa (Gen. 28:12-17; Juan 1:51). Bagama’t ang trono ng biyaya ay nasa mga kalangitan, dinala ng kamangha-manghang Kristo ang ikatlong langit sa ating espiritu, ang pinakadako kung saan naroroon ang tahahan ng Diyos sa lupa ngayon. Ang ating espiritu ay maaaring tawaging ang Bethel sa ngayon. Ayon sa Genesis 28, unang-una ang Bethel ay isang lugar at ikalawa ang tahahan ng Diyos. Kapwa ang lugar at ang bato ay tinawag na Bethel. Ayon sa prinsipyo, kung saan naroroon ang tahahan ng Diyos, naroroon ang makalangit na hagdanan at ang pintuan ng langit. Si Kristo, ang kamangha-manghang Isa na pumarito sa atin mula sa Diyos, na nagsagawa at nagtamo nang labis, at Siyang ating Pinuno, Apostol, at Mataas na Saserdote, ay pumarito sa ating espiritu, ginagawa itong pintuan ng langit. Ngayon madali na para sa ating magsilapit sa trono ng biyaya, sapagka’t ito ay nasa pintuan. Habang ang trono ng biyaya ay nasa mga kalangitan, ito ay nauugpong sa ating espiritu sa pamamagitan ni Kristo.

Ang paglapit sa trono ng biyaya ay lubusang isang bagay sa ating espiritu. Kung tayo ay nasa pag-iisip, napakahirap para sa ating makapasok sa Dakong Kabanal-banalan. Kung tayo ay maka-kaluluwang tao na nag-aatubili sa ilang ng ating kaluluwa, tayo ay magiging malayo sa Dakong Kabanal-banalan. Yamang ang ating espiritu ay dako ng tahanan ng Diyos ngayon, ito ang pintuan ng langit kung saan si Kristo ang hagdanang nag-uugpong sa atin, na mga taong nasa lupa, sa langit, at nagdadala ng langit sa atin. Sa tuwing bumabaling tayo sa ating espiritu, pumapasok tayo sa pintuan ng kalangitan at hinihipo ang trono ng biyaya sa langit sa pamamagitan ni Kristo bilang ang makalangit na hagdanan. Para rito, kailangan natin ang buháy na salita ng Diyos upang tumagos sa kailailaliman ng ating katauhan at maghiwalay ng ating espiritu sa ating pagala-galang kaisipan. Hangga’t tayo ay nasa ating espiritu, mayroon tayong pintuan (gate) ng langit. Sa loob ng pintuan (gate) ay naroroon ang trono ng biyaya. Saglit lamang ang pagpasok sa Dakong Kabanal-banalan, sapagka’t walang distansiya sa pagitan nito at ng ating espiritu. Kapag sinasabi natin mula sa kaila-ilaliman ng ating katauhan na, “O Panginoong Hesus,” kaagad tayong nasa Dakong Kabanal-banalan, nahihipo ang trono ng biyaya. Gaano nating kailangang mahipo ang trono ng biyaya!

IV. NAGTATAMO NG AWA AT NAKASUSUMPONG NG BIYAYA

Kapag lumapit tayo sa trono ng biyaya, tayo ay “nagtatamo ng awa at nakasusumpong ng biyaya sa panahon ng pangangailangan.” Ang awa ng Diyos at ang Kanyang biyaya ay kapwa kahayagan ng Kanyang pag-ibig. Kapag tayo ay nasa isang kaawa-awang kalagayan, ang Kanyang awa ang unang dumarating sa atin at nagdadala sa isang situwasyon kung saan tayo ay mapapapaburan ng Diyos ng Kanyang biyaya. Sinasabi ng Lucas 15:20-24 na nang Makita ng ama ang alibughang anak na pabalik, kinahabagan niya ito. Ito ay awa, ipinahahayag ang pag-ibig ng ama. Pagkatapos ay dinamtan siya ng pinakamahusay na kasuotan at pinakain siya ng pinatabang guya. Ito ay biyaya, na naghahayag din ng pag-ibig ng ama. Higit ang maaabot ng awa ng Diyos kaysa biyaya at ito ang nagsisilbing tulay sa puwang na namamagitan sa gitna natin at ng biyaya ng Diyos. Kadalasan, dahil sa ating kaawa-awang kalagayan, dapat muna tayong makatamo ng awa bago makasumpong ng biyaya. Lumalapit tayo sa trono ng biyaya katulad ng mga pulubi, na may pagkakatulad sa alibughang anak na lumalapit sa kanyang ama. Ang isang pulubi, kagaya ng alibughang anak, ay nangangailangan ng awa. Kapag tayo ay nasa isang mahirap na kalagayan at may nagbigay sa atin, yaon ay awa. Subali’t kapag tayo ay nasa isang kwalipikadong kalagayan at may nagbigay sa atin, yaon ay biyaya. Maraming beses na tayong nakalapit sa trono ng biyaya na mayroon tayong pandama na tayo ay kaawa-awa at nagsabing, “Ama, hindi ako karapat-dapat sa anumang bagay.” Subali’t sinabi ng Ama na, “Walang kuwenta yaon. Ikaw ay hindi karapat-dapat, subali’t Ako ay maawain. Ang Aking awa ay umaabot sa iyo, ginagawa kang kwalipikado, at inaayusan ka. Dinaramtan ka nito ng pinakamahusay na kasuotan.” Pagkatapos matamo ang awa ng Ama, kaagad nating nararamdaman na para tayong mahalagang tao. Pagkatapos kwalipikado na tayong maupo at magtamasa sa pinatabang guya. Ito ay biyaya. Ito ay hindi lamang basta isang doktrina bagkus isang bagay na napatunayan ng ating karanasan.

Sino ang nasa trono ng biyaya? Hindi lamang ang Diyos bagkus pati na rin ang Kordero, ang Manunubos. Sa kamangha-manghang trono ng biyaya, ang Diyos ay nakaupo, at sa Kanyang kanan ay ang Manunubos, ang ating Mataas na Saserdote. Na ang trono ay hindi lamang ang trono ng Diyos bagkus ang trono ng Diyos at ng Kordero ay nangangahulugang ang Diyos na nasa Kordero ay nagdadaloy ng Kanyang Sarili palabas bilang biyaya para sa ating katamasahan. Hindi na natin kailangang gumawa ng anumang bagay. Kailangan lamang nating magsilapit, magbukas, at magtamo ng awa at makasumpong ng biyaya sa panahon ng pangangailangan. Araw-araw, ang saklolong nanggagaling sa biyayang ito ay talagang napapanahon; palagi itong bago at angkop na angkop sa ating situwasyon at pangangailangan. Ang tunay na buhay-Kristiyano ayon sa Hebreo ay isang buhay na hindi lamang lumalapit sa trono ng biyaya bagkus nananahanan din sa Dakong Kabanal-banalan sa harapan ng trono, patuloy na nagtatamo ng awa at nakasusumpong ng biyaya. Ito ang buhay na kailangan natin ngayon. Kung, sa pamamagitan ng awa ng Panginoon, ang mahahalagang puntong ito ay nailalin sa atin, hindi na tayo magiging kagaya ng dati.

Ang awa at biyaya ng Diyos ay palaging laan sa atin. Gayunpaman, kailangan nating matamo at masumpungan ang mga ito sa pamamagitan ng pag-eesanyo ng ating espiritu na dumulog sa trono ng biyaya at hipuin ang ating Mataas na Saserdote na Siyang nakikisimpatiya sa atin sa lahat ng ating mga kahinaan. Sa pamamagitan ng salitang ito, hinihikayat ng manunulat ng aklat na ito ang mga napapagal na mananampalatayang Hebreo na magsipagtamo ng awa at mangakasumpong ng biyaya sa panahon ng pangangailangan upang sila ay maituwid (12:12).

 

Mga Nilalaman