|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE DALAWAMPU’T WALO ANG MATAAS NA SASERDOTE AYON
Sa mensaheng ito kailangan nating makita na ang Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec ang sanhi ng walang hanggang kaligtasan. Narinig na ba ninyo na ang walang hanggang kaligtasan ay may isang sanhi, pinagmulan, at may-akda? Ang ating Mataas na Saserdoteng, si Kristo, ang sanhi ng walang hanggang kaligtasang ito. Kagaya ng makikita natin, hindi Siya isang Mataas na Saserdote ayon sa makalumang sistema ng mga saserdote, ang orden ni Aaron, kundi ayon sa orden ni Melquisedec. ANG MATAAS NA SASERDOTE AYON I. NAKAHIHIGIT KAY AARON Si Aaron ay hindi kumuha ng karangalan para sa kanyang sarili kundi siya ay tinawag at itinalaga ng Diyos na maging mataas na saserdote (5:4, 1). Ito ay lalong totoo ukol kay Kristo. Hindi Niya niluwalhati ang Kanyang Sarili upang maging isang Mataas na Saserdote; Siya ay itinalaga ng Diyos sa Kanyang pagkabuhay-na-muli, ayon sa orden ni Melquisedec (bb. 5-6). Si Aaron, bilang ang mataas na saserdote, ay namahala sa mga bagay na nauukol sa Diyos para sa mga tao (b. 1). Si Kristo ay nakahihigit sa kanya sa pamamahala sa lahat ng ating mga kaso sa harap ng Diyos. Si Aaron ay naghandog kapwa ng mga kaloob at mga haing patungkol sa mga kasalanan sa sagisag para sa mga tao at para sa kanyang sarili (bb. 1, 3). Subali’t inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili bilang hain patungkol sa kasalanan sa realidad. Sa 5:2 sinabihan tayo na ang isang mataas na saserdote ay “nakapagtitiis na may kahinahunan sa mga di-nakaaalam at mga nalilihis, yamang siya rin naman ay napaliligiran ng kahinaan.” Ang salitang Griyego ay nagpapahiwatig ng isang damdamin patungkol sa mga di-nakaaalam at nalilihis na hindi naman masyadong mahigpit o mapagpaubaya. Ito ay ang maging katamtaman o malumanay sa paghatol sa kanilang kalagayan. Ang kaisipan sa bersikulong ito ay isang pagpapatuloy ng kaisipan sa 4:15. Si Kristo bilang ating Mataas na Saserdote, bagama’t hindi napaliligiran ng kahinaan gaya ng mga mataas na saserdoteng mula sa mga tao, ay tinukso sa lahat ng paraan katulad natin. Kaya, sa pagsisimpatiya sa ating mga kahinaan, Siya ay nakapagtitiis na may kahinahunan sa atin, ang mga di-nakaaalam at mga nalilihis. II. NILUWALHATI NG DIYOS A. Sa pamamagitan ng Pagkabuhay-na-muli Bilang ang Mataas na Saserdote, si Kristo ay niluwalhati ng Diyos sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muli. Sinasabi sa Hebreo 5:5 na “hindi niluwalhati ni Kristo ang Kanyang Sarili upang maging Mataas na Saserdote, kundi Yaong nagsabi sa Kanya, Ikaw ay Aking Anak, sa araw na ito ay ipinanganak Kita.” Pinapalitan ng salitang niluwalhati sa bersikulong ito ang salitang karangalan sa nauunang bersikulo. Sa mataas na saserdoteng kinuha mula sa mga tao, ay mayroon lamang karangalan, isang bagay ng posisyon. Kay Kristo bilang ang Mataas na Saserdote, ay hindi lamang may karangalan, bagkus may kaluwalhatian din, hindi lamang ang kahalagahan ng Kanyang katayuan, bagkus maging ang karilagan din ng Kanyang Persona. Ang bersikulo 5 ay nagtataglay ng isang sipi mula sa Awit 2:7, na nagsasabing, “Ikaw ay Aking Anak, sa araw na ito ay ipinanganak Kita.” Ito ay tumutukoy sa pagkabuhay-na-muli ni Kristo (Gawa 13:33), na nagpapaging-dapat sa Kanya na maging ating Mataas na Saserdote. Upang si Kristo ay maging Mataas na Saserdote natin, kailangan Niyang makibahagi sa ating pagka-tao, gaya ng binanggit sa kapitulo 2:14-18, at pumasok sa loob ng pagkabuhay-na-muli na kalakip ang ganitong pagka-tao. Sa Kanyang pagka-tao maaaring makisimpatiya Siya sa atin at maging maawain sa atin (4:15; 2:17). Sa pagkabuhay-na-muli, kasama ng Kanyang pagka-diyos, kaya Niyang gawin ang lahat ng bagay para sa atin at maging tapat sa atin (7:24-25; 2:17). Sa 5:7 sinabihan tayo na si Kristo na “sa mga araw ng Kanyang laman…naghandog ng mga panalangin at mga daing na maymalakas na pag-iyak at mga pagluha roon sa may kapangyarihang makapagligtas sa Kanya palabas sa kamatayan.” Ang mga salitang “palabas sa kamatayan” dito ay hindi nangangahulugang hindi Siya pumasok sa loob ng kamatayan at hindi nagdusa ng kamatayan. Nangangahulugan ang mga ito na si Kristo ay nabuhay-na-muli palabas sa kamatayan. Bago Siya namatay, si Kristo ay nanalangin para rito at sinagot ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabangon sa Kanya mula sa mga patay. B. Sa Pag-akyat-sa-langit Ang bersikulo 6, na isang sipi mula sa Awit 110, ay nagsasabing, “Ikaw ay Saserdote magpakailanman ayon sa orden ni Melquisedec.” Ito ay tumutukoy kay Kristo sa Kanyang pag-akyat-sa-langit at sa pagluluklok sa trono (Awit 110:1-4), na karagdagan pa sa Kanyang pagkabuhay-na-muli, ay kuwalipikasyon para sa Kanya nang sa gayon Siya ay maging ating Mataas na Saserdote (7:26). Si Kristo ay hindi lamang nabuhay-muli mula sa mga patay, bagkus umakyat Siya sa kaitasan ng sansinukob. Sa naunang mensahe, tinukoy natin na nadaig ni Kristo ang “gravitation” ng lupa, dinaraig ang bumibigong pagsalakay ng mga demonyo sa lupa. Nang pumasok Siya sa himpapawid, gaya ng inihahayag sa Colosas 2:15, inalis Niya ang mga pinuno at ang mga awtoridad at ginawa silang isang hayag na pagtatanghal. Ang salitang Griyego na isinaling “inalis” ay nangangahulugang pagpagin kagaya ng sa isang “feather duster.” Nang si Kristo ay papaakyat sa himpapawid, dumating ang mga pinuno at mga awtoridad, na kagaya ng mga insekto upang hadlangan Siya sa pag-akyat. Ang Panginoong Hesus ay hindi nakipagbaka sa kanila; ipinagpag lamang Niya sila at ginawa silang isang hayag na pagtatanghal. Pagkatapos niyaon, umakyat Siya sa mga kalangitan kung saan Siya ngayon nakaupo sa kanan ng Diyos. Sa tuwing hinihipo natin Siya, hinihipo natin ang Isang nasa ibabaw ng lahat, at tayo rin ay nasa ibabaw ng lahat ng bagay. Ang atraksiyon ng lupa, ang mga demonyo, ang mga pinuno at mga awtoridad, at lahat ng negatibong bagay ay nadaig Niya. Gaano natin kailangang maranasan ang Kristong inihayag sa aklat ng Hebreo! C. Ayon sa Orden ni Melquisedec Si Kristo ang ating Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec (5:6). Ang orden ni Melquisedec ay higit na mataas kaysa sa orden ni Aaron. Ang orden ni Aaron ay para sa pagkasaserdote lamang sa loob ng pagka-tao, samantalang ang orden ni Melquisedec ay para sa pagkasaserdote kapwa ng pagka-tao at ng pagka-Diyos. Ito ay lubusang napaunlad sa kapitulo pito. D. Magpakailanman Si Aaron ay itinalaga sa karangalan upang maging mataas na saserdote sa loob lamang ng panahon na buháy siya, sapagka’t nahadlangan siya ng kamatayan na magpatuloy. Subali’t, bilang ang Anak ng Diyos, si Kristo ay itinalaga sa kaluwalhatian upang maging ating Mataas na Saserdote magpakailanman (b. 6). Sa Kanya ay walang pagpipigil ng kamatayan. Siya ay niluwalhati magpakailanman upang maging ating Mataas na Saserdote. III. ISANG SASERDOTENG KATULAD NI MELQUISEDEC Ayon sa Bibliya, mayroon lamang dalawang orden ng pagkasaserdote—ang orden ni Aaron at ang orden ni Melquisedec. Ang orden ni Melquisedec ay nauna kay Aaron. Ang pagkasaserdote ni Melquisedec ay hindi dumating kasama ng mga inapo ni Abraham kundi noon pang panahon ni Abraham mismo. Nakita na natin na si Adam ang pinuno ng nilikhang lahi at yaong si Abahram ay pinuno ng tinawag na lahi. Yamang ang nilikhang lahi na nasa ilalim ng pamumuno ni Adam at ay naging isang kabiguan, binigo ni Adam ang Diyos sa Kanyang walang hanggang layunin, sa di-kalaunan ay binitiwan ng Diyos ang nilikhang lahi. Sa panahon ng Babel, ang buong nilikhang lahi ay naging isang lupain ng Caldea. Mula sa panahon ni Nimrod, ang Caldea ay punô ng mga diyus-diyosan. Ang pagsamba sa mga diyus- diyosan ay tunay na salungat sa Diyos Mismo. Sapagka’t ang sangkatauhan sa ilalim ng pamumuno ni Adam ay naging isang lupain ng mga diyus-diyosan, hindi na posible maging para sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat na makagawa ng anumang bagay sa kanila. Bagama’t binitiwan Niya ang nilikhang lahi, hindi Niya kailanman mapapabayaan ang Kanyang walang hanggang layunin na nangangailangan ng tao para maisakatuparan ito. Samakatuwid ayon sa Kanyang ekonomiya, tinawag ng Diyos si Abraham mula sa natisod na nilikhang lahi, ginagawa siyang pinuno ng tinawag na lahi. Tayo, na mga hinirang ng Diyos, ay kabilang din sa tinawag na lahi. Lahat tayo ay minsang naging bahagi ng nilikhang lahi na kabilang sa “Caldea” sa ilalim ng pamumuno ni Adam. Lahat tayo ay lumabas mula sa lupaing mapagsamba sa mga diyus-diyosan. Nasaan kayo bago kayo naligtas? Kayo ay nasa isang lupain ng mga diyus-diyosan. Sa mga mata ng Diyos, lahat ng bagay, maging ito ay moral o imoral, etikal o di-etikal, mabuti o masama, mataas o mababa, ay isang diyus-diyosan. Purihin ang Panginoon, tinawag Niya tayo mula sa ating “Caldea!” Sinasabi sa Roma 8:29 at 30 na tayo ay nakilala nang una pa, itinalaga nang una pa, at tinawag ng Diyos. Ang pagtawag na ito ng Diyos ay hindi isang di-makahulugang bagay; ito ay isang mataas, makalangit na bagay, at dapat nating iakma ang ating mga sarili na maging karapat-dapat para rito. Ang pagtawag ng Diyos ay higit na mataas, higit na mayaman, at higit na mahalaga kaysa sa Kanyang paglikha. Aleluya, tayo ay mga bahagi ng tinawag na lahi! Ang ating amang si Abraham ay ang pinuno ng lahing ito. Ang pagkasaserdoteng dumating sa ama ng tinawag na lahi ay hindi yaong ayon sa orden ni Aaron kundi yaong ayon sa orden ni Melquisedec. Sinalubong ni Melquisedec si Abraham ng tinapay at alak, at binigyan siya ni Abraham ng ikapu (Gen.14:18-20). Si Melquisedec ay hindi pumunta kay Abraham upang tumanggap ng ikapu sa kanya, kundi upang maghain sa kanya ng tinapay at alak. Isang gabi, bago Niya iwan ang Kanyang mga disipulo, hinainan sila ng Panginoong Hesus ng tinapay at alak (Mat 26:26-27). Ang Bibliya ay kamangha-manghang di-pabagu-bago. Si Melquisedec ay naghain ng tinapay at alak kay Abraham, at ang Panginoong Hesus ay naghain ng tinapay at alak sa Kanyang mga disipulo. Hindi marami sa atin na nakikibahagi sa hapag ng Panginoon sa loob ng ilang taon na ang nakatanto na may kaugnayan ito sa pagkasaserdote ni Kristo ayon sa orden ni Melquisedec. Sa unang pagkakataong binanggit ang pagkasaserdote sa Bibliya, sinabihan tayong ang isang saserdote ay nagmula sa kataas-taasang Diyos at naghain ng tinapay at alak sa ama ng tinawag na lahi. Hindi natin alam kung saan nagmula si Melquisedec. Sa tala ng Bibliya, wala siyang mga magulang, walang talaangkanan, walang simula ng mga araw ni katapusan man ng buhay (Heb. 7:1-3). Basta na lamang siya dumating at umalis. Si Melquisedec ang hari ng Salem, na sinaunang kinaroroonan ng Herusalem. Ang “Salem” ay nangangahulugang kapayapaan, at ang “Jeru” ay nangangahulugang pundasyon. Kaya, ang Herusalem ay nangangahulugang “ang pundasyon ng kapayapaan.” Sa panahon ni Melquisedec, mayroong Salem subali’t hindi pa Herusalem; mayroong kapayapaan subali’t walang pundasyon ng kapayapaan. Sa unang pagkakataon na binanggit ng Bibliya ang pagkasaserdote, ito ay nagsasabi ng ukol sa isang kamangha-manghang persona na hari ng kapayapaan. Ang ikalawang aspekto ng kanyang titulo ay yaong ang hari ng katuwiran. Kung wala tayong katuwiran, hindi tayo magkakaroon ng kapayapaan, sapagka’t ang kapayapaan ay palaging nagmumula sa katuwiran. Kay Melquisedec, kapwa may katuwiran at kapayapaan. Batay sa katuwiran at kapayapaang ito, inihain niya ang tinapay at alak kay Abraham. Ano ang ating batayan sa pagpunta sa hapag ng Panginoon? Ito ba ay habag o awa? Hindi, ito ay katuwiran at kapayapaan. Ayon sa Roma 3, 4, at 5, ang katuwiran ay ibinilang sa atin at tayo ay inaring-matuwid na. Bilang resulta, nagtatamasa tayo ng kapayapaan. Binibigyan tayo ng Roma 3 at 4 ng katuwiran at pagkaaring-matuwid, at binibigyan tayo ng Roma 5 ng kapayapaan sa ilalim ng katuwiran. Batay sa katuwiran at kapayapaang ito, maaari nating tamasahin ang tinapay at ang alak sa hapag ng Panginoon. Ang Isang nagdala ng katuwiran at kapayapaan ay ang Isang naghahain ng tinapay at alak sa atin. Siya ang ating Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec. Ano ang kahalagahan ng tinapay at alak na ginagamit sa hapag ng Panginoon? Sinabi Mismo ng Panginoon patungkol sa tinapay na, “Ito ang Aking Katawan” (Mat. 26:26), at patungkol sa alak, “Ito ang Aking dugo” (Mat. 26:28). Ipinakikita nito na ang tinapay at alak na nasa hapag ay sumasagisag sa naprosesong Diyos, kumakatawan kay Kristo na, bilang ang pagsasakatawan ng Diyos, ay naproseso upang Siya ay maihain sa atin. Kung uunawain natin ang anumang aytem sa Bibliya, dapat nating isaalang-alang ang pinagmulan nito, ang dako kung saan unang binanggit ito sa mga Kasulatan. Ito ay ang pagpapanatili sa pangunahing prinsipyo ng unang pagbanggit. Bagama’t ang aklat ng Hebreo ay nagsasalita ng tungkol kay Melquisedec, upang atin Siyang makilala, dapat tayong sumangguni sa Genesis 14, ang dako kung saan unang binanggit si Melquisedec at ang pakasaserdote. Kapag iniisip ng mga Kristiyano si Kristo bilang kanilang Mataas na Saserdote, napakakaunti sa kanila ang bumabalik sa Genesis 14. Itinuturo tayo ng Hebreo 7 sa Genesis 14, ang panahon nang si Melquisedec, ang hari ng katuwiran at hari ng kapayapaan, ay kinatagpo si Abraham pagkatapos ng pagpatay sa mga hari. Bagama’t si Melquisedec ay isang hari, hindi siya dumating bilang isang hari kundi bilang ang saserdote ng kataas-tasang Diyos, nagtungo kay Abraham na may tinapay at alak. Sa wari ito ay payak at di-nakapananabik, subali’t ito ay malalim. Sa Bibliya ang tinapay ay tumutukoy sa panustos ng buhay. Sinabi ng Panginoong Hesus na, “Ako ang tinapay ng buhay” (Juan 6:35), nangangahulugang Siya ang tinapay mula sa langit na nagbibigay sa atin ng buhay. Sa Bibliya ang alak ay sumasagisag sa dugo na nagsasakatuparan ng katubusan upang mapawi ang ating kauhawan. Bilang mga natisod na tao, tayo ay nasa ilalim ng kondenasyon ng Diyos. Tayo ay uhaw sapagka’t ang apoy ng makatuwirang paghahatol ay nagliliyab sa loob natin. Yamang ang kauhawan natin ay nagmumula sa ating pagiging nasa ilalim ng kondenasyon ng Diyos, hindi ito mapapawi ng tubig. Ang ating kauhawan ay mapapawi lamang ng ilang likido ng buhay. Ang alak ay hindi tubig; ito ay isang likido ng buhay, nagmumula sa ubas, na isang bagay ng buhay. Pinili ng Panginoong Hesus ang alak upang sumagisag sa Kanyang nagtutubos na dugo, na sinasabing, “Uminom kayong lahat nito; sapagka’t ito ang Aking dugo ng kasunduan, na ibinibuhos para sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mat. 26:27-28). Ang pagdating ni Melquisedec upang maghain ng tinapay at alak kay Abraham, ang ama ng tinawag na lahi, ay sumasagisag sa pagdating ni Kristo upang maghain ng Kanyang Sarili sa atin bilang ang naprosesong Diyos. Siya ay naproseso sa krus upang maging panustos-buhay natin kasama ang nagtutubos na alak upang pawiin ang kauhawan natin sa ilalim ng kondenasyon ng Diyos. Siya ang nagtutubos na Diyos na nagbabahagi ng Kanyang Sarili sa loob natin para sa ating panustos at kasiyahan. Kapag binabanggit sa Bibliya ang mga saserdote ayon sa orden ni Aaron, sinasabi sa atin na sila ay hinirang at tinawag upang maghandog ng mga hain para sa kasalanan, hindi ang maghain ng tinapay at alak sa mga tao. Sila ay pangunahing naghain sa Diyos sa pamamagitan ng paghahandog sa Kanya ng mga kaloob at mga hain para sa mga kasalanan. Ang pagkasaserdote ayon sa orden ni Aaron ay pangunahing nangangalaga sa mga tao ng Diyos sa isang negatibong paraan. Subali’t ang mataas na saserdote ayon sa orden ni Melquisedec ay gumawa nang higit pa. Hindi siya nagtungo sa Diyos na may mga hain para sa kasalanan; nagmula siya sa Diyos na may tinapay at alak. Sa panahon ng Paskua, ang dugo ay pinahid at ang tinapay na walang lebadura ay kinain. Ang tinapay at alak na inihain sa atin ay ang mga kinalabasan ng Paskua. Ito ay nangangahulugang si Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ngayon ay naghahain sa loob natin niyaong nagmula sa Kanyang pagtutubos. Namatay Siya para sa atin, inihain ang Kanyang katawan at binububo ang Kanyang dugo. Ang lahat ng ito ay naisakatuparan bago Siya bumalik sa Diyos Ama. Ayon sa aklat ng Hebreo, inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili bilang ang natatanging hain para sa kasalanan at nilutas ang suliranin ng kasalanan nang minsan para sa lahat. Pagkatapos, dinala Niya ang Kanyang dugo tungo sa Dakong Kabanal-banalan sa mga kalangitan at iwinisik ito sa presensiya ng Diyos, sa gayon ay isinasakatuparan ang pagtutubos. Ngayon, kung ang pag-uusapan ay ang pagtutubos, wala nang gagawin pa si Kristo. Siya ay nakaupo sa kanan ng Diyos. Gayunpaman, kailangan pa rin Niyang maging ating Mataas na Saserdote, hindi ang magtungo sa Diyos kundi ang pumarito sa atin. Hindi Siya pumaparito sa atin upang tuusin ang ating mga kasalanan kundi upang maghain ng tinapay at alak, na sumasagisag sa Kanyang Sarili, na para sa ating panustos at kasiyahan, ay naproseso sa pamamagitan ng kamatayan at pagkabuhay-na-muli. Hinihigitan nito ang pagtutubos. Karamihan sa mga Kristiyano ngayon ay nagbibigay-pansin kay Kristo bilang kanilang Manunubos at Tagapagligtas, ang Isang nagbubo ng Kanyang dugo para sa kanila, naghandog ng Kanyang Sarili para sa kanila, at gumawa ng pampalubag-loob para sa kanilang mga kasalanan upang ang Diyos ay mapaglubag. Subali’t higit pa rito ang aklat ng Hebreo; tunay na nakatawid ito ng ilog. Ipinahahayag nito ang isang Kristong hindi na isang Manunubos lamang na naghahandog sa Diyos ng hain para sa kasalanan at nagbububo ng Kanyang dugo para sa ating mga kasalanan. Ang Kristong inihayag sa aklat na ito ay yaong Isa, na pagkatapos isakatuparan ang lahat ng ito, ay dumarating sa atin sa isang mahiwagang paraaan. Habang Siya ay nagtutungo sa ating espiritu, hindi Siya dumarating bilang ating Manunubos kundi bilang ating Mataas sa Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec. Hindi Siya pumaparoon upang maghandog ng anumang bagay para sa atin, kundi upang maghain ng Kanyang Sarili sa atin sa anyo ng tinapay at alak bilang ating pang-araw-araw na panustos at para sa ating kasiyahan. Maraming Kristiyano ang napakahina sapagka’t hindi nila tinatamasa ang panustos na ito. Bagama’t ang aklat ng Hebreo ay nasa kanilang mga kamay at mayroon silang mga salitang “Mataas na Saserdote” bilang isang katawagan sa kanilang talasalitaan, wala silang gaanong karanasan kay Kristo na naghahain ng Kanyang Sarili sa loob nila bilang ang Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec. Inihahayag ng aklat ng Hebreo na naisakatuparan na ni Kristo ang lahat ng bagay na hinihiling ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang Diyos at ang Manunubos ay kapwa may isang Sabbath na kapahingahan ngayon. Ayon sa aklat na ito, hindi gumagawa si Kristo para sa pagtutubos; Siya ay nakaupo sapagka’t natupad na Niya ang lahat ng kahilingan ng katuwiran, kabanalan, at kaluwalhatian ng Diyos. Ngayon, Siya ang namamahingang Kristo, at ang Diyos ay namamahinga sa Kanya, nagtatamasa ng Sabbath na kapahingahan. Kapag pumunta tayo sa buhay-ekklesia, tayo ay nakapagpapahinga at nakapagtatamasa rin ng Sabbath kasama Niya at ng Diyos. Inihahayag din ng aklat ng Hebreo na bagama’t nakumpleto na nitong namamahingang Kristo ang Kanyang gawain ng pagtutubos, Siya ay napaka-aktibo bilang ating Mataas na Saserdote, naghahain ng Kanyang Sarili tungo sa loob natin bilang ang naprosesong tinapay at alak para sa ating pang-araw-araw na panustos. Ito ang dahilan kung bakit si Kristo ay hindi ang Mataas na Saserdote ayon kay Aaron kundi ayon sa orden ni Melquisedec. Ngayon hindi Siya ang Mataas na Saserdoteng naghahandog ng hain; Siya ang Mataas na Saserdoteng naghahain ng tinapay at alak. Aleluya! Mayroon tayong katuwiran at kapayapaan, subali’t ang katuwiran at kapayapaan lamang ay hindi makasisiya sa atin; kailangan nating makakain at makainom. Kailangan natin ng pang-araw-araw na panustos. Kaya, batay sa katuwiran at kapayapaan ng Diyos, inihahain ng ating Melquisedec ang tinapay at alak upang ating makain at mainom. Tinubos na Niya tayo at ngayon ay pinakakain Niya tayo. Unang-una, kailangan natin ang pagkasaserdote ni Kristo katulad ng pagkakasagisag ni Aaron upang maghandog ng mga hain para sa kasalanan. Pagkatapos kailangan natin ang Kanyang pagkasaserdote ayon sa orden ni Melquisedec upang maghain ng panustos ng buhay sa atin. Ang maihain sa atin ang naprosesong Diyos bilang ating panustos ay ang tuparin ang walang hanggang layunin ng Diyos. Gayunpaman, ang paghahandog ng mga hain para sa kasalanan ay ang tuusin lamang ang negatibong situwasyon. Ang orihinal na layunin ng Diyos ay hindi ang tubusin tayo; ito ay ang ipamahagi at isagawa ang Kanyang Sarili sa loob natin. Yamang tayo ay natisod, kailangan Niyang sagipin tayo, tubusin tayo, at ipagkasundo tayo sa Diyos. Samantalang ito ang pangsyon ng Kanyang pagkasaserdoteng isinasagisag ni Aaron, ang Kanyang pagkasaserdote naman ayon sa orden ni Melquisedec ay para sa orihinal na layunin ng Diyos. Kung hindi tayo natisod, hindi na natin kakailanganin pa ang pagkasaserdoteng isinasagisag ni Aaron, subali’t kakailanganin pa rin natin ang pagkasaserdote ni Kristo ayon sa orden ni Melquisedec upang ihain ang Diyos sa atin. Ang tangi lamang nalalaman ng karamihan sa mga Kristiyano ay ang pagkasaserdote ni Kristo na isinasagisag ng pagkasaserdote ni Aaron para sa pakikipagkasundo. Hindi nila nakikita na ayon sa orden ni Melquisedec, inihahain ni Kristo ang Diyos sa atin. Subali’t ayon sa Hebreo, si Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ay hindi ang Isang pangunahing naghahandog ng hain para sa kasalanan, bagkus ay ang Isang naghahain ng tinapay at alak. Noong mga unang araw ng aking karanasan, kadalasan
sa tuwing lumuluhod ako upang manalangin, sinasabi kong, “Panginoon,
salamat sa Iyo sa pagiging Manunubos ko at sa pagbububo Mo ng Iyong
dugo para sa akin.” Nang panahong yaon hindi ko kailanman natanto
na makadudulog ako sa trono ng biyaya at matatamasa ang gayong positibong
Mataas na Saserdoteng naghahain ng tinapay at alak. Tuwing umaga ipinahahayag
ko ang mga kabiguan ng nakaraang araw, umaasang higit na magiging mabuti
ako sa araw na yaon. Subali’t ang araw na yaon ay natapos din
sa kabiguan at kinabukasan ng umaga muli akong magpapahayag. Ganito
nang ganito ang nangyari araw-araw. Kilala ko lamang si Kristo bilang
ang Mataas na Saserdote na isinasagisag ng orden ni Aaron. Pagkaraan
lamang ng maraming taon ko natutunan na makadudulog ako sa trono ng
biyaya at mahihipo ang ating Mataas na Saserdote na naghahain sa akin
ng tinapay at alak. Hindi ko kinakailangang magsikap upang maging matagumpay.
Kailangan ko lamang lumapit sa trono ng biyaya at tamasahin ang positibong
Mataas na Saserdote na naghahain ng tinapay at alak. Ito ang pinakamainam
na agahan. Sa tuwing nagtatamasa ako ng gayong agahan, ang buong maghapon
ko ay isang tagumpay. Kung kailangan natin ang isang pisikal na agahan
sa araw-araw, tuwing umaga kailangan din nating tamasahin si Kristo
bilang ating agahan. Ang pinakamainam na hapag-agahan ay ang trono ng
biyaya kung saan natatamasa natin si Kristo sa gayong isang positibong
paraan. Si Kristo ang ating Melquisedec ngayon. Gaano natin kailangan
magsilapit sa Kanya sa trono ng biyaya, sa Isang naghahain ng tinapay
at alak! Si Kristo, ang ating Mataas na Saserdote, ay ang Anak ng Diyos, na nabuuan upang maging ating Mataas na Saserdote hindi ayon sa kautusan ng isang makalamang utos kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na di-nasisira (7:16). Sa pagkakaroon ng mga kwalipikasyon ng Kanyang pagka-diyos at ng Kanyang nabuhay-na-muling buhay, Siya ay nakapaghahain ng naprosesong Diyos kasama ang dibinong pagpapala, hindi sa mga makasalanan kundi sa mga nakikipagbaka para sa kapakanan ng Diyos, kagaya ng ginawa ni Abraham (Gen. 14:18-20). ANG SANHI NG WALANG HANGGANG KALIGTASAN I. ANG WALANG HANGGANG KALIGTASAN Ang walang hanggang kaligtasang taglay natin sa loob ni Kristo (5:9) ay batay sa walang hanggang katubusan na naisagawa Niya para sa atin (9:12), na nakahihigit kaysa sa pansamantalang pagtutubos (atonement) na isinagawa ng mga saserdote ayon sa orden ni Aaron. Ang pansamantalang pagtutubos (atonement) na yaon ay nagtakip sa kasalanan subali’t hindi kailanman naalis ito; samantalang ang walang hanggang katubusan ni Kristo ay nag-aalis ng kasalanan, nilulutas ang suliranin ng kasalanan magpakailanman. Higit pa rito, ang walang hanggang pagliligtas ni Kristo ay hindi lamang isang obhektibong pagtutubos upang lutasin ang suliranin ng kasalanan sa negatibong panig, bagkus isa ring subhektibong pagliligtas upang iligtas tayo tungo sa Kanyang kasakdalan at kaluwalhatian sa positibong panig. Ang gayong isang walang hanggang kaligtasan ay hindi nalilimitahan ng panahon at lugar, subali’t sumasakop-sa-lahat kasama ang dibinong elemento at kalikasan. Ang dibinong elemento at kalikasan ni Kristo ay ang mga pangunahing bumubuo ng Kanyang walang hanggang pagliligtas, na hindi lamang nagliligtas sa atin mula sa mga pinakanegatibong bagay bagkus ay nagliligtas din sa atin tungo sa mga pinakapositibong bagay, maging tungo sa Diyos Mismo. Ang gayong pagliligtas ay sumasakop-sa-lahat, hindi nalilimitahan ng panahon at lugar. II. ANG SANHI A. Ang Persona ni Kristo bilang ang Mataas na
Saserdote Ang Mismong Persona ni Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec ay ang sanhi ng ating walang hanggang kaligtasan (5:6-10). Hangga’t ang gayong Isa ay kasama natin, hindi tayo kailanman magiging mahina. Siya ang sanhi ng walang hanggang kaligtasan, kung saan ang lahat ng mga epekto, benepisyo, at kinalabasan ay walang hanggan sa kalikasan, hinihigitan ang mga kondisyon at mga limitasyon ng panahon at lugar. Ilang kapatid na lalake ang nagtungo na sa akin na nagsasabing natatakot silang umuwi ng bahay sapagka’t ang kanilang mga asawa ay masasama ang ugali. Ilang mga kapatid na babae ang nagsabi ng gayundin hinggil sa kanilang asawa, sinasabing hindi na nila matagalan ang situwasyon sa bahay. Tila ba ang kanilang kaligtasan ay hindi walang hanggan at hindi nakaabot sa kapaligiran ng kanilang tahahan. Nang sabihin sa akin ng ilang kapatid na lalake na ayaw nilang bumalik sa kanilang lokalidad sapagka’t ang situwasyon sa ekklesia roon ay napakahirap, sinabi ko sa kanilang, “Kung ang inyong kaligtasan ay hindi mainam para sa inyong lunsod kung magkagayon ang kaligtasan ninyo ay hindi walang hanggang kaligtasan.” Saanman at saang lugar, mayroong tayong sanhi ng walang hanggang kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit hinihikayat ko ang mga nabigong kapatid na lalake at babae na umuwi ng bahay. Sinabi ko sa mga kapatid na babae, “Bakit natatakot kayo sa inyong asawa? Hindi siya isang tigre. Bumalik kayo at lunukin siya sa pamamagitan ni Kristo sa loob ng buhay.” Makapagpapatotoo ako sa inyo na maraming kapatid na babae ang nagsibalik at nilunok ang kanilang mga asawa sa pamamagitan ni Kristo sa loob ng buhay at dinala sila sa ekklesia bilang isang bihag. Huwag kayong matakot sa inyong asawang-babae o asawang-lalake, sapagka’t si Kristo, bilang ating Mataas na Saserdote ang sanhi ng inyong walang hanggang kaligtasan. Bagama’t mayroon tayong Kristo bilang Pinuno ng ating kaligtasan sa Hebreo 2, wala tayong sanhi ng walang hanggang kaligtasan hangga’t hindi tayo dumarako kay Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec sa Hebreo 5. Ang ating Kristo ay hindi lamang ang Josue ngayon; Siya rin ang ating walang hanggang Melquisedec. Bilang ating Josue, ang Pinuno ng kaligtasan, Siya ay nangunguna at sumusunod tayo sa Kanya. Bilang ating Melquisedec, ang sanhi ng walang hanggang kaligtasan, inihahain Niya ang Kanyang Sarili sa atin bilang tinapay at alak, at kinakain at iniinom natin Siya. Kapag pumupunta sa atin ang ating Melquisedec, hindi Siya pumupunta ng may mga hinihiling; pumupunta Siya ng may tinapay at alak. Pagod ba kayo? Siya ang inyong tinapay. Nauuhaw ba kayo? Siya ang inyong alak. Ating kainin Siya, inumin Siya, at tamasahin Siya bilang panustos natin. Sa tuwing pumupunta tayo sa hapag ng Panginoon, dinedeklara natin sa buong sansinukob na nabubuhay tayo sa pamamagitan ng pagkain sa dibinong tinapay at pag-inom sa dibinong alak bilang ating pang-araw-araw na panustos. Ito ang paraan ng ating pamumuhay. Hindi marami sa atin ang nagkaroon ng ganitong pagkakatanto sa hapag ng Panginoon. Nawa ay matulungan tayong makita na ang hapag ay sumasagisag na ang ating Kristo ngayon ay ang ating Melquisedec na naghahain sa atin ng tinapay at alak. Sasabihin kong muli na ito ang sanhi ng ating kaligtasan. B. Ang Karanasan kay Kristo sa Kanyang mga Pagdurusa
Si Kristo ay napasakdal upang maging ating Mataas na Saserdote sa pamamagitan ng Kanyang mga pagdurusa (5:8-10). Sa Kanyang walang hanggang kaligtasan, kailangan natin Siyang maranasan sa Kanyang mga pagdurusa. Kapag nararanasan natin Siya sa Kanyang mga pagdurusa, maliligtas din tayo tungo sa Kanyang kasakdalan. Ang karanasang ito kay Kristo sa Kanyang pagdurusa para sa kasakdalan ay sa pamamagitan ng pagtatamasa sa Kanya bilang ating Mataas na Saserdote. Tatalakayin natin ang bagay na ito nang detalyado kapag dumako na tayo sa kapitulo pito.
|