PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE TATLO ANG ANAK Ang Diyos ay mahiwaga. Siya ay lubusang isang hiwaga. Nguni’t ang hiwagang ito ay naipahayag ng pagsasalita ng Diyos. Kung walang dibinong pagsasalita, mananatiling hindi makikilala ang Diyos magpakailanman. Nguni’t ang ating Diyos ay hindi na mahiwaga. Hindi Siya isang hiwaga kundi isang kuwento. Ang kuwento tungkol sa Diyos ay lubusang isang bagay ng pagsasalita. Ang Diyos ay may kasaysayan, at ang Kanyang kasaysayan ay isang kuwento ng pagsasalita. Maisasalaysay natin ang kuwento tungkol sa Diyos. Ang kuwento tungkol sa Diyos ay isang bagay ng tuluy-tuloy na pagsasalita; yaon ay isang kasaysayan ng pagsasalita. Una, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng ilang tao na pinili at pinakilos Niya. Nagsalita Siya sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan nina Adam, Abel, Enos, Enoc, Noe at Abraham. Pagkatapos ni Abraham, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan nina Moises at marami pang ibang mga pinili—mga saserdote, mga hari, at mga propeta. Ang lahat ng mga nagsalita para sa Diyos, maging hari man o propeta, ay pinakilos ng Espiritu ng Diyos. Kaya, ang kasaysayan ng Diyos ay isang kasaysayan ng pagsasalita. Matapos makapagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng nakapakaraming uri ng tao, sa pamamagitan ng matataas at mabababa, may pinag-aralan at wala, mga hari at mga pastol, ang Kanyang pagsasalita ay hindi pa rin sapat. Gaano man nagamit ang mga taong ito upang magsalita para sa Diyos, ang kanilang pagsasalita ay hindi pa rin sapat. Kinakailangan pa ng Diyos Mismo na magsalita nang tuwiran. Kaya Siya ay dumating sa katauhan ng Anak. Sinasabi ng Hebreo 1:2 na ang Diyos ay nagsalita sa atin sa loob ng Anak. Ayon sa Salin sa Pagbabawi ng Hebreo, sa 1:1 ay may isang tiyak na pantukoy sa unahan ng salitang “propeta”. Gayunpaman, sa 1:2 ang tiyak na pantukoy sa unahan ng “Anak” ay nakahilig, ipinakikita na ang salitang ito ay wala sa tekstong Griyego, nguni’t ito ay kinakailangan sa wikang Ingles. Sa wikang Ingles ay mahirap sabihing, “Ang Diyos ay nagsalita sa atin sa loob ng Anak.” Sinasabi naman ng ilan sa mahuhusay na salin, “Ang Diyos ay nagsalita sa atin sa persona ng Anak.” Maging ang Amplified Version ay gumagamit ng pariralang “sa persona ng Anak.” Ito ay nangangahulugang ang Diyos Mismo ay nagsasalita sa persona ng Anak. Dati, Siya ay nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta; ngayon, Siya ay nagsasalita sa loob ng Anak. Dapat nating makita na ang Anak ay iba sa lahat ng mga propeta. Ang lahat ng mga propeta ay mga taong ginamit ng Diyos upang magsalita para sa Kanya, nguni’t ang Anak ay ang Diyos mismo na nagsasalita. Sinasabi ng bersikulo 2 na ang Diyos ay nagsasalita sa atin sa loob ng Anak, at sinasabi naman sa atin ng bersikulo 8 na ang Anak ay ang Diyos. Ipinakikita nito na nagsasalita ang Diyos sa loob ng Kanyang Sarili. Sa bersikulo 2, tila ba ang Diyos at ang Anak ay dalawa, dahil sinasabi nito na nagsalita ang Diyos sa loob ng Anak. Nguni’t sa beriskulo 8 ay malinaw na ang Anak at ang Diyos ay iisa, dahil tinawag na “O, Diyos” ang Anak.Ang sabihing ang Diyos ay nagsalita sa loob ng Anak ay nangangahulugang nagsasalita ang Diyos sa loob ng Kanyang Sarili. Sa apat na ebanghelyo, ang Anak ay dumating. Siya ay dumating upang isalita ang Diyos, hindi lamang sa pamamagitan ng malilinaw na salita, bagkus ay sa pamamagitan din ng kung ano Siya at kung ano ang Kanyang ginawa. Siya ang ganap na Salita ng Diyos at ang pagsasalita ng Diyos. Minsan Siya ay nagsasalita ng mga salita at minsan naman Siya ay nagsasalita sa pamamagitan ng pagkilos. Lahat ng kung ano Siya at lahat ng ginawa Niya ay nagpakita ng Diyos. “Walang taong nakakita kailanman sa Diyos; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, Siya ang naghayag sa Kanya.” (Juan 1:18). Ang Anak ang Salita, ang pagsasalita, ang kahayagan, at ang kahulugan ng Diyos. Kapag ang Anak ay nagsasalita, ang Kanyang Salita ay ang Espiritu (Juan 6:63). Sa katapusan, sa mga ekklesia, Siya ang nagsasalitang Espiritu. Sa simula ng bawa’t isa sa pitong sulat sa Apocalipsis 2 at 3, ang Anak ay nagsasalita, nguni’t sa katapusan ng bawa’t sulat, ang Espiritu ang Siyang nagsasalita sa mga ekklesia. Ang Diyos ay nagsasalita sa loob ng Anak, at kapag ang Anak ay nagsasalita sa mga ekklesia, Siya ang nagsasalitang Espiritu. Sa pamamagitan ng Kanyang pagsasalita ang mga ekklesia ay magiging kaisa Niya. Sa katapusan ng Apocalipsis ang Espiritu at ang ekklesia ay nagsasalita bilang isa (Apoc. 22:17). Ang Diyos ay nagsasalita sa loob ng Anak, ang Anak ay nagiging Espiritung nagsasalita, at ang nagsasalitang Espiritu ay kaisa ng ekklesia na nagsasalita para sa Diyos. Ito ang nagsasalitang kasaysayan ng ating Diyos, isang kasaysayan na nagsasalitang kuwento. Ang kuwentong ito na nagsasalita ay nakatala sa Bibliya. Ang buong Bibliya ay isang kasaysayan ng Diyos. Tulad ng nakita na natin, ang kasaysayang ito ay isang nagsasalitang kuwento. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pagsasalita. Nang kinaugnay Niya ang sangkatauhan noong panahon ng Lumang Tipan, ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pagsasalita sa mga propeta. Nang dumating Siya sa sangkatauhan sa kapanahunan ng Bagong Tipan, nagsalita Siya sa loob ng Anak, sa Persona ng Anak bilang Kanyang Salita. Paano naman Siya dumarating sa mga ekklesia ngayon? Sa pamamagitan ng pagsasalita bilang Espiritung nagsasalita. Sa pamamagitan ng pagsasalita bilang Espiritu, ginagawa Niyang kaisa ng Kanyang Sarili ang mga ekklesia. Sa katapusan, ang nagsasalitang kuwentong ito ay hindi lamang binubuo ng Kanyang Sarili, bagkus ng lahat ng mga ekklesia rin. Sa mga pagpupulong, ang buhay- ekklesia ay isang kuwentong nagsasalita. Tayo ay mga taong nagsasalita. Sa pamamagitan ng pagsasalitang ito ang Diyos ay nailalalin sa mga tao. Sa pamamagitan ng pagsasalitang ito napakaraming tao ang nalalalinan at nabababaran ng dibinong elemento. Ito ang buhay-ekklesia. Ito ang pagsasalita ng Diyos. Ang aklat ng Hebreo ay isang aklat ng pagsasalita ng Diyos. Ang pinakadiwa ng sulat sa mga Hebreo ay ang Diyos na nagsasalita sa loob ng Anak. Ang Diyos ay nagsasalita sa loob ng Anak, ang Anak ay nagsasalita bilang ang Espiritu sa mga ekklesia, at sa katapusan, ang Espiritu ay nagsasalita kasama ang ang ekklesia. Lubos na sa pamamagitan ng nagsasalitang kuwentong ito ang Diyos ay nadadala tungo sa tao at ang tao ay nadadala tungo sa Diyos. Ang Diyos at ang tao, ang tao at ang Diyos, ay nagkakaisa. Ito ang kahanga-hangang buhay-ekklesia. I. ANG KANYANG PERSONA Ngayon ay handa na tayong makita ang Anak. Ang unang kapitulo ng Hebreo ay naghahayag ng dalawang pangunahing bagay hinggil sa Anak—ang Kanyang persona at ang Kanyang gawa. A. Ang Ningning ng Kaluwalhatian ng Diyos Ang sumulat ng Sulat sa mga Hebreo, sa pagiging lubusang nasa inspirasyon ng Espiritu Santo, ay may karunungang nagsabi na ang Anak ang ningning ng kaluwalhatian ng Diyos (1:3). Ang ningning ng kaluwalhatian ng Diyos ay katulad ng pagliliwanag o ng kaningningan ng mga sinag ng araw. Ang Anak ay ang pagliliwanag, ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos. Maihihiwalay ba ninyo ang ningning mula sa kaluwalhatian? Ito ay tulad ng paghihiwalay ng pagliliwanag ng araw mula sa mga sinag ng araw. Hindi ito mangyayari, dahil ang pagliliwanag at ang mga sinag ay iisa. Tingnan ninyo ang halimbawa ng mga ilaw na de-kuryente. Masasabi ba natin na ang ilaw ay isang bagay at ang kuryente ay iba pang bagay? Hinding-hindi. Ang ilaw ay ang kahayagan ng kuryente. Ang kuryente ay isang hiwaga. Mayroon na bang nakakita sa kuryente? Bagama’t ito ay hiwaga, gayunpaman, ito ay isang realidad. Paano mong masasabi na ang kuryente ay nasa isang silid? Sa pamamagitan ng pagtingin sa mga ilaw. Ang ilaw ang siyang ningning ng kaluwalhatian ng kuryente. Gayundin, hindi natin dapat ituring na ang Anak ay hiwalay sa Diyos. Ang Anak ang siyang kahayagan ng Diyos Mismo. May mga tinatawag na Kristiyano na hindi nananampalatayang si Kristo ay Diyos. Yaon ang pinakagrabeng paglapastangan laban sa Panginoong Hesus. Ang ating Panginoon ay walang iba kundi ang Diyos. Siya ang Diyos Mismo. Nang ako ay nasa Maynila noong 1950, isang grupo ng mga Kristiyano raw na hindi nananampalatayang si Kristo ay Diyos ay napakamalaganap doon. Ang ilan sa kanilang mga tao ay bumaling sa pagbabawi ng Panginoon. Isang araw, apat na mga kinatawan mula sa grupong yaon ang nakipagkita sa akin: dalawang abugado, isang manggagamot, at isang guro. Dumating sila na dala ang kanilang mga Bibliya upang tangkaing talunin ako. Ang unang tanong na tinanong nila ay “Ginoong Lee, paano ninyong masasabi na si Kristo ay Diyos?” Sumagot ako, “Paano naman ninyong masasabi na si Kristo ay hindi Diyos?” Sagutin muna ninyo ako at pagkatapos ay sasagutin ko kayo. Sabihin nga ninyo kung saan masusumpungan sa Bibliya na si Kristo ay hindi Diyos? Sumagot sila, “Hindi kami makapagpapakita sa iyo ng bersikulo na nagsasabi na si Kristo ay hindi Diyos. Gayunpaman, hindi ka dapat manghula na si Kristo ay Diyos.” Sinabi ko sa kanila na hindi ako nanghuhula at tuloy binanggit ko ang Juan 1:1. Kaagad na sinabi nila, “Sinasabi ng bersikulong ito na ang Salita ay Diyos, nguni’t hindi nito sinasabi na si Kristo ay Diyos.” Sinabi ko, “Anong uri ng tao kayo? Mayroon ba kayong matinong pag-iisip? Sabihin ninyo sa akin, sino ang Salita?” Sumagot sila, “Ang Salita ay Salita. Ang Salita ay hindi si Kristo.” Pagkatapos ay sinabi ko, “Wala ba kayong bersikulo na nagsasabing ang Salita ay naging laman?” Tumugon sila, “Yaon ay laman. Yaon ay hindi si Kristo.” Sinabi ko, “Wala akong panahon sa ganitong uri ng pagbabaluktot. Ang sinasabi ninyo ay walang katuturan.” Bagama’t sinikap nilang magpakita sa akin ng makademonyong kapakumbabaan at humiling sa akin na pagpasensiyahan sila, sinabi ko, “Ayaw ko nang marinig kayo. Kayo ay nagsasalita ng mga walang kabuluhang bagay. Wala kayong matinong pag-iisip.” Nauunawaan ng bawa’t may matinong pag-iisip na noong pasimula ay ang Salita, na ang Salita ay Diyos, na ang Salitang ito ay naging laman, na ang lamang ito ay pinangalanang Hesus, at yaong si Hesus ay Diyos. Nguni’t ang sinasabi ninyo ay lubos na walang katuturan.” Sila ay nahantad at natalo. Ilan sa mga miyembro ng grupong yaon ang nakakita na wala sa kanila ang katotohanan, na ang taglay nila ay kasinungalingan. Dapat nating matanto na ang Panginoong Hesus ay Diyos. Huwag ninyong ituring na Siya ay iba pa kaysa sa Diyos. Siya ang Diyos. Kaya, sinasabi ng 1:3 na Siya ang ningning ng kaluwalhatian ng Diyos. B. Ang Hayag na Larawan ng Substansiya ng Diyos Ang Anak din ang hayag na larawan ng substansiya ng Diyos (1:30). Ang kaluwalhatian ay ang panlabas ng kahayagan at ang substansiya ay ang panloob na esensiya. Ang Diyos ay may Kanyang esensiya, Kanyang substansiya, gayundin ay may Kanyang anyo. Ang esensiya ng Diyos ay ang Kanyang substansiya. Halimbawa, ang isang lamesa ay may substansiya. May substansiya ito, ang kahoy. Ang kahoy ang esensiya ng lamesa. Gayundin, ang ating Diyos ay may substansiya. Mayroon Siyang substansiya gayundin ng kaluwalhatian. Wala tayong mga sapat na salita upang maipaliwanag ang mga bagay na ito. Masasabi lang natin na ang ating Diyos ay maluwalhati at may substansiya. Kung ang kaluwalhatian ng Diyos ang isasaalang-alang, ang Anak ang ningning ng kaluwalhatiang ito. Kung ang substansiya naman ng Diyos ang isasaalang-alang, ang Anak ang hayag na larawan ng substansiyang ito. Ang hayag na larawan ng substansiya ng Diyos ay tulad ng bakas ng isang tatak. Ang isang tatak ay may isang larawan. Kapag ang tatak ay idiniin sa papel, ang papel ay nagtataglay ng gayunding hayag na larawan. Ipagpalagay na ang tatak ay may mga titik na USA. Kapag ang tatak ay idiniin sa isang pirasong papel, ang papel ay magtataglay ng gayunding larawan tulad ng sa tatak. Ang Anak ay hindi lamang ang ningning ng kaluwalhatian ng Diyos, bagkus Siya rin ang bakas ng substansiya ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay yaong ang Anak ay ang Diyos na dumarating sa atin. Kapag ang tatak ay hawak ko sa aking kamay ang tatak ay naroroon. Kapag tinatatakan kita, ang tatak ay dumarating sa iyo. Saan ka man pumunta, taglay mo ang bakas ng tatak. Kapag ang Diyos ay hindi pumaparoon sa iyo, siya ay Diyos lamang. Kapag ang Diyos ay pumaparoon sa iyo, Siya ang Anak bilang bakas ng Kanyang substansiya. Ang ating Kristo ay ang Diyos na dumarating sa atin. Siya ang Diyos na umaabot sa atin. Paano tayo maaabot ng araw? Sa pamamagitan ng pagniningning ng mga sinag nito. Kung inaakala mong walang araw, dapat kang tumayo sa labas nang labinlimang minuto sa katanghaliang-tapat. Susunugin ka ng araw dahil naaabot ka ng mga sinag ng araw. Ibig sabihin nito ay naaabot ka ng araw. Sino ang Anak? Ang Anak ay ang Diyos na umaabot sa atin, ang Diyos na dumarating upang makiisa sa atin. Maraming beses na sinasabi ng mga tao, “Magpasikat tayo sa araw.” Matapos silang makapagpasikat sa araw, ang ilang elemento ng araw ay nailalin sa loob nila. Ito ay nangangahulugang ang araw ay umaabot sa kanila. Gayundin, si Kristo, ang Anak ng Diyos, ay ang Diyos Mismo na umaabot sa atin at dumarating sa atin. Mayroon tayong Diyos na umaabot sa atin, Diyos na dumarating sa atin. Ito ang ating kaligtasan, ang dakilang kaligtasang inihayag sa kapitulo dalawa. Ang ating dakilang kaligtasan ay ang Diyos na umaabot sa atin at dumarating sa atin. Ito ang Anak ng Diyos. C. Ang Diyos Mismo Inihahayag ng Hebreo 1:8 na ang Anak na Siyang ningning ng kaluwalhatian ng Diyos at ang hayag na larawan ng substansiya ng Diyos ay ang Diyos Mismo. Sinasabi naman ng bersikulo 8 hinggil sa Anak, “Ang Iyong trono, o Diyos.” Inihahayag nito na ang Anak ay ang Diyos Mismo. D. Ang Panginoon Inihahayag ng bersikulo 10 na ang Anak ay ang Panginoon, ang Manlilikha. “At, Ikaw Panginoon, nang pasimula, ang naglagay ng kinasasaligan ng lupa, at ang mga langit ay ang mga gawa ng Iyong mga kamay.” Si Kristo, ang Anak ng Diyos, ay ang Diyos Mismo, ang Panginoon din, ang Manlilikha. Huwag ninyong akalaing iba pa Siya sa Panginoon, ang Manlilikha. Siya ang Diyos at ang Panginoon, ang Manlilikha. II. ANG KANYANG GAWA Dumako tayo ngayon sa gawa ng Anak. Sa 1:2-3 ay dalawang kategorya ng gawa ng Anak ang inihayag: ang paglikha at ang pagtutubos. A. Sa Paglikha 1. Nilikha ang Sansinukob Noong Nakaraan Inihahayag ng Hebreo kapitulo isa na nilikha ng Anak ang mga kalangitan at ang lupa (1:2,10). Ang lahat ng mga bagay ay umiral sa pamamagitan ng Anak (Juan 1:3; Col. 1:16; 1 Cor. 8:6). Ang Anak ang Manlilikha ng sansinukob. 2. Inaalalayan ang Lahat ng mga Bagay sa Ngayon Matapos likhain ang lahat ng mga bagay, ang Anak ay naging Tagaalalay (1:3). Ang mundo ay nakalutang sa hangin. Walang mga haliging sumusuporta rito. Matapos likhain ni Kristo ang mundo, sinimulan na Niyang alalayan ito. Inaalalayan Niya ito sa pamamagitan ng salita ng Kanyang kapangyarihan. Kung tatanungin ninyo ang mga siyentipiko kung sino ang umaalalay sa mundo, sasabihin nilang may umaalalay rito. Ang mundo ay isa sa maraming planeta. Sinasabi sa atin ng mga astronomo na lahat ng mga planeta ay gumagalaw ayon sa sarili nitong landas. Kung ang mga ito ay gagalaw sa labas ng orbito, magkakaroon ng aksidenteng pangkalawakan. Sino ang umaalalay sa sansinukob? Ang Anak. Napadakali Niyang inaalalayan ang sansinukob. Wala Siyang ginagawa—nagsasalita lang Siya. Inaalalayan Niya ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng Salita ng Kanyang kapangyarihan. Ang Hebreo ay isang aklat hinggil sa salita ng Diyos. Sinasabi sa atin sa 11:3 na ang sansinukob ay naitatag ayon sa salita ng Diyos, at sa 1:3 naman ay nakikita natin na ang sansinukob ay inaalalayan ng salita ng kapangyarihan. Napakamakahulugan ng dibinong salita. Hindi lamang Manlilikha ang Anak, bagkus Siya rin ang Taga-alalay. Nilikha at inaalalayan Niya ang sansinukob sa pamamagitan ng Kanyang salita. 3. Mamanahin ang Lahat ng mga Bagay sa Hinaharap Noon, Siya ang Manlilikha; ngayon, Siya ang Tagaalalay; at sa hinaharap, Siya ang magiging Tagapagmana na magmamana ng lahat ng mga bagay (1:2). Ang araw, mundo, mga bagay sa kalawakan, mga bituin, galak siya—lahat ay Kanya. Ang lahat ng mga bagay ay para sa Kanya. Mamanahin Niya ang lahat ng mga bagay. Sa paglikha ng Diyos, Siya ang Manlilikha, ang Taga-alalay, at ang Tagapagmana. Ang lahat ng mga bagay ay mula sa Kanya, sa pamamagitan Niya, at tungo sa Kanya (Roma 11:36). B. Sa Pagtutubos 1. Nilinis ang mga Kasalanan Noong Nakaraan Sa pagtutubos ng Diyos ay mayroon ding tatlong yugto ng panahon. Una, nilinis ng Panginoon ang ating mga kasalanan noon (1:3). Hindi lamang Niya tinubos ang ating mga kasalanan, bagkus gumawa pa ng paglilinis ng mga ito. Ang pagtutubos-sa-kasalanan (atoning) ay nangangahulugang pagtatakip, nguni’t ang paglilinis (purification) ay nangangahulugang ang ating mga kasalanan ay nahugusan na. Sa sagisag na nasa Lumang Tipan, ang pagtutubos-sa-kasalanan ay nakapagtatakip lamang sa ating mga kasalanan (Awit 32:1), nguni’t hindi naaalis ang mga ito. Kaya ang mga saserdoteng nanunubos-ng-kasalanan ay nakatayo araw-araw, naghahandog ng gayunding mga hain, at hindi kailanman maka- uupo (Heb. 10:11). Datapuwa’t naalis na ng Anak ang kasalanan (Juan 1:29) at naisakatuparan na ang paglilinis ng mga kasalanan nang minsanan. Kaya, naupo na Siya magpakailanman (Heb. 10:10,12). Sa paningin ng Diyos, ang kasalanan ay tapos na. Sa paningin ng Diyos, sa buong sansinukob, ang kasalanan ay nahugasan na. Wala na dapat ang kasalanan sa loob ninyo, sa loob ng ekklesia o sa loob man ng inyong tahanan. Ang kasalanan ay nahugasan na, at ang paglilinis sa kasalanan ay naisakatuparan na. Nakumpleto na ng Anak ang gawaing ito noon. 2. Nakaupo sa Kanan ng Diyos sa Ngayon Ano ang ginagawa ng Anak ngayon? Siya ay nakaupo, namamahinga. Tinatamasa Niya ang ilang ekselenteng tanawin. Naka- upo siya sa kanan ng Diyos, pinapanood ang Kanyang mga mangingibig at mga tagapaghabol na maranasan ang paglilinis Niya ng kasalanan. Wala Siyang ginagawa doon—nakaupo lamang Siya. Hindi kukulangin sa limang ulit na sinasabi sa atin ng aklat ng Hebreo na ang Panginoong Hesus ay nakaupo (1:3, 13; 8:1; 10:12; 12:2). Wala na siyang gagawin. Hindi na Niya kailangang hugasan kang muli, dahil lubusan ka na Niyang nahugasan. Bago mo pa gawin ang iyong pagpapahayag, nahugasan ka na Niya. Sa katunayan, nahugasan ka na bago ka pa naisilang. Ngayon ay wala nang gagawin pa ang Panginoon. Ito ay lalong higit na mabuti kaysa sa gawain ng mga saserdote. 3. Naghihintay sa Pagsugpo sa mga Kaaway Ang Panginoon ay naghihintay na masugpo ang Kanyang mga kaaway. Mangyayari ito sa hinaharap. Wala nang kulang sa Panginoon maliban sa tuntungan. Mayroon Siyang trono at putong, nguni’t wala pa Siyang tuntungan. Hinihintay na lamang Niya ito. Magtiwala na isang araw ay makakamtan Niya ang tuntungang ito. Binibigyang-diin ng aklat ng Hebreo ang katotohanang naisakatuparan na ni Kristo ang lahat para sa Diyos at sa atin, wala nang itinirang anuman na gagawin pa natin. Ang pag-upo Niya sa kanan ng Diyos ay sumasagisag na ang Kanyang gawain ay naisakatuparan na at yaong Siya ay namamahinga roon, naghihintay lamang ng isang bagay—na gawin ng Diyos na tuntungan ng Kanyang mga paa ang Kanyang mga kaaway. Nakaupo Siya roon sa mga kalangitan, naghihintay sa isang tuntungan upang magkaroon Siya ng kumpletong pahinga. Sa Lumang Tipan, ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta, sa mga taong pinakilos ng Kanyang Espiritu (2 Ped. 1:21). Sa Bagong Tipan Siya ay nagsasalita sa loob ng Anak, sa loob ng persona ng Anak. Ang Anak ay ang Diyos Mismo(1:8), ang Diyos na nahayag. Ang Diyos Ama ay nakukubli; ang Diyos Anak ay nahahayag. Wala pang nakakita sa Diyos; ang Anak bilang ang Salita ng Diyos (Juan 1:1; Apoc. 19:13) at ang pagsasalita ng Diyos ang nagdeklara sa Kanya at naging Kanyang puspos na kahayagan, kapaliwanagan, at pagpapakahulugan (Juan 1:18). Ang Anak ang sentro, ang pinagtutuunan ng pansin, ng aklat ng Hebreo. Sa pamunuang-Diyos, Siya ang ningning ng kaluwalhatian ng Diyos at ang hayag na larawan ng substansiya ng Diyos. Sa paglikha, siya ang kaparaanan na sa kaninong pamamagitan ginawa ang sansinukob, ang kapangyarihang umaalalay sa lahat ng mga bagay at ang Tagapagmanang itinalagang magmana ng lahat ng mga bagay. Sa pagtutubos ay naisagawa na Niya ang paglilinis ng mga kasalanan at ngayon ay nakaupo sa kanang kamay ng Diyos na nasa mga kalangitan, naghihintay sa pagsugpo sa kanyang mga kaaway. Inihahayag ng aklat ng Hebreo ang kaibhan ng Lumang
Tipan sa Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay sa kautusan sa mga titik
at mga anyo; pantao, panlupa, pansamantala, at sa pamamagitan ng paningin,
nauuwi sa isang relihiyong tinatawag na Hudaismo. Ang Bagong Tipan ay
sa buhay espirituwal, makalangit, pangwalang-hanggan, at sa pamamagitan
ng pananampalataya, nakatuon sa isang Persona na Siya Anak ng Diyos.
|