|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE TATLUMPU ANG MADALA SA PAGGULANG ANG MADALA SA PAGGULANG
Ang aklat ng Hebreo ay isang aklat tungkol sa paggulang.Upang madala sa paggulang, kailangan nating tumawid sa ilog. Sa tuwing mayroon tayong isang kapansanan o hindi makapagpatuloy, yaon ang panahon upang tawirin natin ang ilog. Katulad ng mga anak ni Israel na tumawid sa Dagat na Pula at Ilog Jordan, dapat nating tawirin ang ilog kada ilog. Ano ang kahulugan ng maging may gulang? Sa buong itinagal ng mga taon, natutunan natin na kapag tayo ay nasa ating mga sarili o mapag-isa, tayo ay mga bata. Kung sinisikap nating magpakabanal, maging espirituwal, o magtagumpay, yaon ay pagiging bata rin. Ang tunay na paggulang ay hindi lamang sa ating espiritu, bagkus maging sa buhay-ekklesia rin. Ang buhay-ekklesia ang tanda ng ating pagiging may gulang. Bilang resulta ng aking pagtingin at pagmamatyag sa loob ng halos limampung taon, maipapatotoo ko na walang tunay na paggulang sa buhay sa labas ng ekklesia. Ang tunay na paggulang ay matatagpuan lamang sa buhay-ekklesia. Ang mga Hebreong mananampalataya na kung kanino ang aklat na ito ay isinulat ay nag-uurong-sulong sa kanilang buhay-Kristiyano. Sila ay nag-aatubili sa kanilang kaisipan kung sila ay magpapatuloy o babalik. Sa puntong yaon mismo, ang aklat na ito ay isinulat upang hikayatin silang magpatuloy. Ang pinakamagaling na paraan upang makapagpatuloy ay ang kalimutan ang lahat ng bagay. Kapag nakalimutan na natin ang lahat ng bagay, makapagpapatuloy na tayo. Maaaring gumugol tayo ng labis na panahon upang isaalang-alang ang ating kapaligiran, ang ating nakaraan, ang ating kinabukasan, at ang lahat ng bagay na kaugnay nito, subali’t maaaring ayaw nating gumugol ng isang oras sa pagpapatuloy. Maraming beses na, may mga mahal na banal na nagtutungo sa akin na nagtatanong hinggil sa nakaraan, sa pangkasalukuyan, at sa hinaharap, at ukol sa marami pang ibang bagay. Naging bantog ako sa hindi kailanman pagsagot sa kanilang mga tanong. Nakapagbigay lamang ako ng isang salita ng pagpayo: “Magpagtuloy. Huwag kayong magsalita at huwag ninyong alalahanin ang inyong nakaraan. Maging ang kasalukuyan ay kalimutan ninyo at huwag alalahanin ang kinabukasan. Kung gusto ninyo talagang magpatuloy, basta magpatuloy na lang kayo.” Yaong mga pinakamatagumpay sa pagpapatuloy ay yaong mga hindi nakakaalala ng anuman. Tingnan ninyo ang mga manlalaro sa isang takbuhan. Habang sila ay tumatakbo, wala silang panahong mag-isip ng anumang bagay. Isang bagay lamang ang alam nila—ang tumakbo sa takbuhan. Dito nakikita natin ang isang pangunahing prinsipyo. Kung ang sinuman sa atin ay nahulog mula sa tamang daan, o napatigil sa pagtakbo sa takbuhan at pagkatapos ay napainit upang mapagtuloy, hindi na siya dapat mag-atubili o magtanong. Dapat lamang siyang magpatuloy. Kapag marami sa mga kabataan ang napainit upang magpatuloy sa Panginoon, ang ilan sa kanila ay nag-aalala sa kung ano ang dapat nilang gawin bago sila makapagpatuloy, iniisip kung patatawirin sila ng Panginoon o masisiyahan sa kanila. Kung ganito kayo, magiging mahirap sa inyo ang makapagpatuloy sa Panginoon. Kung seryoso kayo sa Panginoon basta magpapatuloy lamang kayo sa Kanya. Kalimutan na ninyo kung patatawarin Niya kayo o masisiyahan Siya sa inyo. Huwag gumugol ng panahon upang alalahanin ang gayong mga bagay hanggang marating ninyo ang gol at matamo ang gantimpala. Huwag isipin kung kayo ay tama o mali—basta magpatuloy lamang. Ayon sa Hebreo 6, ang magpatuloy ay hindi nangangahulugang maglagay ng isa pang pundasyon. Ipagpalagay na ang mga kapatid-na-lalake na nagtatayo ng isang bahay-pulungan ay naglagay na ng pundasyon, subali’t nabigo at tumigil na sa paggawa. Pagkatapos silang mahikayat na magpatuloy sa paggawa ng bahay-pulungan, dapat pa ba silang magsimula sa umpisa at maglagay ng isa pang pundasyon? Hindi, yaon ay kahangalan. Kung ginawa nila yaon nang ilang ulit, ang buong kinaroroonan ng gusali ay mapupuno ng mga pundasyon. Wala ng mga pader, bubong o pagtatayo. Bagama’t ang paggawa ng gayon ay kahangalan, maraming Kristiyano, kabilang na ako, ang gumawa na ng ganitong bagay sa kanilang buhay-Kristiyano. Sa mga unang taon ng aking buhay-Kristiyano, marami akong inilagay na pundasyon. Pagkatapos akong mapanauli, unti-unti akong bababa muli. Pagkatapos, kapag muli akong napainit, sadya at lubusan akong babalik sa umpisa upang magsisi at magpahayag muli. Ito ang kahulugan ng “papagsisihing muli,” na maglagay muli ng “pundasyon ng pagsisisi.” Pagkaraan, muli akong maguguluhan at babalik upang magpahayag at magpahayag muli. Sa katapus-tapusan, napagod na ako rito, subali’t hindi ko alam ang aking gagawin. Isang araw, habang binabasa ko ang Hebreo kapitulo anim, natanto ko kung gaano ako kahangal. Hindi ko na kinakailangang pagsisihan pang-muli ang napagsisihan ko na o bumalik sa umpisa upang magpahayag nang mahaba. Kailangan ko lamang magpatuloy. Karamihan sa mga tinatawag na pagpapanauli sa Kristiyanidad ngayon ay nagpapainit lamang sa mga tao upang bumalik at maglagay ng isa pang pundasyon nang paulit-ulit. Isang bantog na mangangaral ang dumarating at nagpapainit sa mga tao. Pagkaraan ng ilang buwan nagsisimula na silang bumaba, at isa pang mangangaral ang darating upang mapanauli silang muli. Sa tuwing ang mga tao ay napapanauli, naglalagay sila ng panibagong pundasyon nang paulit-ulit. Ito ang dahilan kung bakit kailangan nila ang Hebreo 6. Dapat nating kalimutan ang paglalagay ng panibagong pundasyon at magpatuloy na lamang. Huwag ninyong isipin kung patatawarin kayo ng Panginoon o hindi—magpatuloy lamang hanggang marating ninyo ang gol. Kapag kayo ay napainit upang magpatuloy sa Panginoon, hindi na ninyo kinakailangan ang gayong labis na pagsisisi. Ang pagsisisi ay lubhang nabigyang-pansin sa mapagpanauling Kristiyanidad ngayon. Halos bawa’t tagapagpanauli ay natuto ng isang kadalubhasaan—ang magpainit ng mga tao upang magsisi. Subali’t ngayon dapat kong sabihin sa inyo na hindi na ninyo kinakailangang magsisi nang labis. Ang Panginoon ay napapagod na sa inyong pagsisisi. Sa isang pakahulugan, ang Panginoon ay hindi na nasisiyahan sa napakaraming panalangin ng pagsisisi. Nais Niyang makita kayong nagpapatuloy, hindi nagsisisi sa parehong bagay nang paulit-ulit. Ang magpatuloy ay nangangahulugan lamang na tumawid ng ilog, ang magtungo mula sa isang panig patungo sa isa pa. Huwag magsalita o magsaalang-alang. Magpatuloy. Iwanan ninyo ang inyong mga lumang konsepto, pagkakaunawa, doktrina; at pagtuturo, at magpatuloy. Lalo kayong mabilis sa pagpapatuloy, lalong mainam. I. NILILISAN ANG SALITA NG PANIMULAIN Kung tayo ay magpapatuloy, dapat nating lisanin ang salita ng panimulain ng Kristo (6:1). Nangangahulugan ito na dapat nating lisanin ang yugto ng pundasyon, ang yugto ng gatas, at ang yugto ng sanggol. Kagaya ng nakita na natin sa naunang mensahe, ang salita ng panimulain ng Kristo ay ang gatas para sa mga sanggol kay Kristo. Upang makapagpatuloy, dapat nating lisanin ang mga doktrinang natanggap natin sa simula at hindi kumain ng pagkain ng sanggol. Dapat tayong magpatuloy mula sa yugto ng sanggol tungo sa paggulang sa pamamagitan ng pagkain sa pagkaing matitigas, na siyang salita ng katuwiran (5:13-14) na inihahain sa atin sa aklat na ito. II. HINDI MULING NAGLALAGAY NG PUNDASYON A. Nailagay na ang Pundasyon at Ang pundasyon ay nailagay na, at wala nang pangangailangang maglagay muli nito (6:1). Ang pundasyon ay binubuo ng anim (6) na bagay: pagsisisi sa mga patay na gawa, pananampalataya sa Diyos, pagtuturo tungkol sa mga pagbabautismo, pagpapatong ng mga kamay, pagkabuhay-na-muli ng mga patay, at walang hanggang paghuhukom (bb. 1-2). Ito ang pundasyon ng ating buhay-Kristiyano na nailagay sa simula nang tayo ay maligtas. Yamang ito ay nailagay na, hindi na natin kinakailangang bumalik upang pagsisihan ang mga bagay na napagsisihan na natin. Kung babalik tayo upang ulitin ang nakaraan nating pagsisisi, nangangahulugan ito na tayo ay bumabalik upang maglagay ng panibagong pundasyon. Kung pagkatapos mahulog palayo tayo ay bumalik at nagnais na magpatuloy sa Panginoon, hindi na natin kinakailangang ulitin ang nakaraan nating pagsisisi. Kailangan lamang nating magpatuloy. Gamitin nating muli ang paglalarawan ng gawain ng pagtatayo ng gusali (construction work). Kung ang paggawa sa isang bahay-pulungan ay napatigil pagkatapos ng paglalagay ng pundasyon wala nang pangangailangang maglagay ng panibagong pundasyon para sa higit pang pagtatayo. Ang mga manggagawa ay dapat lamang magtayo sa ibabaw ng pundasyong nailagay na. Maaari rin nating gamitin ang paglalarawan sa pagtakbo sa takbuhan. Kapag ang isang mananakbo ay bumagsak pagkatapos magsimula ang takbuhan, hindi na niya kinakailangang bumalik pa upang simulang muli ang takbuhin. Kailangan lamang niyang magpatuloy mula sa mismong lugar na pinagkabagsakan niya. Ang ating buhay-Kristiyano ay isang proyekto ng pagtatayo ng gusali (building project) at isang takbuhin (race). Kapag tayo ay bumagsak pagkatapos nating magsimula, hindi na natin kailangang bumalik sa umpisa at magsimulang muli; kailangan lamang nating magpatuloy mula sa kung saan tayo bumagsak. B. Ang Pagiging Hindi Posibleng Papagsisihing Muli Sinasabi sa bersikulo 4 na, “Sapagka’t hindi posible na papagsisihing muli yaong mga minsan nang naliwanagan, at nakalasap ng makalangit na kaloob, at naging mga nakabahagi ng Espiritu Santo.” Maraming Kristiyanong guro ang mali ang pagkakaunawa sa bersikulong ito at maraming nangangaral ang mali ang pagkakagamit nito. Ipinahahayag nila na sinasabi sa Hebreo 6 na kapag tayo ay nagkasala pagkatapos manampalataya sa Panginoon, imposible para sa atin ang makapagsisi at mapatawad. Hindi ito ang kahulugan ng bersikulong ito. Nangangahulugan ito na pagkatapos ninyong makapagsisi minsan at napainit upang magpatuloy sa Panginoon, hindi na ninyo kinakailangang magsisi pang muli. Sa mata ng Panginoon, imposible para sa inyo na magawa ito. Kapag nailagay na ang pundasyon, imposibleng ilagay muli ito. Yaong mga minsan nang naliwanagan, nakalasap ng makalangit na kaloob, naging mga nakabahagi ng Espiritu Santo, nakalasap ng mabuting salita ng Diyos at ng mga gawa ng kapangyarihan ng darating na kapanahunan, ay naglagay na ng pundasyon noong panahong sila ay manampalataya. Kapag sila ay nahulog palayo at bumalik, hindi na nila kailangang maglagay muli ng pundasyon. Dapat silang bumangon, magpatuloy, at madala sa paggulang. Hindi na kailangan ulitin ang kanilang pagsisisi, sapagka’t hindi imposible na pagsisihang muli” yaon. Ipinakikita ng bersikulo 1 na hindi na ito kinakailangan; sinasabi sa bersikulo 4 na hindi ito posible; at ipinakikita sa mga bersikulo 7 at 8 na hindi ito wasto. Kaya, ang bersikulong ito ay hindi nangangahulugan na imposible para sa isang mananampalataya ang mapatawad kapag siya ay nagkasala. Nangangahulugan ito na hindi na kailangan sa isang Kristiyano na nahulog na bumalik upang ulitin ang kanyang orihinal na pagsisisi. Sa mata ng Diyos, ito ay imposible. Ang makalangit na kaloob na binanggit sa bersikulo 4 ay tumutukoy sa pagbibigay ng Diyos ng mga makalangit na bagay, tulad ng Kanyang kapatawaran, katuwiran, dibinong buhay, kapayapaan, at kagalakan sa panahon ng ating pagsisisi at pananampalataya sa Panginoon. Ang salitang Griyego na isinaling “salita”: sa bersikulo 5 ay rhema, nangangahulugang ang kagyat na salita ng Diyos. Ang “mabuting salita ng Diyos” dito ay tumutukoy sa salita ng panimulain ng Kristo na binanggit sa bersikulo 1, na siyang gatas na nalasap ng mga mananampalatayang Hebreo nang sila ay manampalataya sa Panginoon. Ngayon ay kinakailangan nilang magpatuloy sa higit na malalim na salita, ang salita ng katuwiran (5:13), na sa pangunahin ay hindi tungkol sa pagtutubos ng Diyos kundi sa kaparaanan ng Kanyang ekonomiya, at siyang matigas na pagkain para sa kanila upang maabot ang paggulang (b. 1). Ang salitang “kapangyarihan” sa bersikulo 5 ay tumutukoy sa dibinong kapangyarihan, at ang “darating na kapanahunan” ay tumutukoy sa kapanahunan ng darating na kaharian. Ang dibinong kapangyarihan ng darating na kaharian ay ang panumbalikin, panibaguhin, at panauliin ang mga bagay na naging luma (Mat. 19:28). Sa sandali ng pagsilang-na-muli ng mga mananampalataya (Tito 3:5), nalasap nilang lahat ang dibinong kapangyarihang ito upang mapanumbalik, mabago, at mapanauli. Karamihan sa mga gurong Kristiyano ay nagsasabi na ang nahiwalay na binanggit dito ay isang huwad na Kristiyano. Subali’t paanong ang isang naliwanagan, nakalasap ng makalangit na kaloob, nakabahagi ng Espiritu Santo, at nakalasap ng mabuting salita ng Diyos at ng mga gawa ng kapangyarihan ng darating na kapanahunan ay magiging isang huwad na Kristiyano? Karamihan sa mga gurong Kristiyano, na hindi nakakakita ng bagay ng gantimpala at kaparusahan, ay nagkakamali nang labis dito. Ayon sa ibig sabihin ng nilalaman, ang gayong nahiwalay ay tiyak na isang tunay na Kristiyano. Hindi siya mapapahamak, subali’t, kagaya ng inihahayag ng bersikulo 8, magdurusa siya ng ilang kaparusahan. Kaya, kailangan niyang bumalik at magpatuloy. Upang makapagpatuloy, hindi na niya kailangang bumalik upang maglagay muli ng pundasyon, imposible para sa kanya na gawin ito, sapagka’t anuman ang kanyang gawin ay hindi ibibilang ng Diyos. C. Ipinapakong Muli ang Anak ng Diyos, Ang salitang “nahiwalay” sa bersikulo 6 ay tumutukoy sa mga Kristiyanong Hebreo na lumilihis sa dalisay na pananampalatayang Kristiyano sa pamamagitan ng pagbalik sa kanilang luma, nakaugalian, at maka-Hudaismong relihiyon. Sa prinsipyo, ito ay maaaring gamitin sa sinumang Kristiyano na humihiwalay sa tamang landas ng kaparaanan ng Diyos. Ang bersikulong ito ay nagsasabi rin ng “ipinapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Diyos, at inilalagay Siya sa hayag na kahihiyan.” Ang mga salitang “ipinapako” at “inilalagay” ay tumuturing sa pang-uring “muli” sa bersikulo 4. Ang papagsisihing muli ay nangangahulugang ulitin ang pagsisisi na napagsisihan na. Hindi na ito kailangan. Ang gawin ito ay nangangahulugang ipinapako nating muli ang Anak ng Diyos at inilalagay Siya sa hayag na kahihiyan. Kung sisikapin nating bumalik sa ating orihinal na pagsisisi, inilalagay muli natin ang pundasyon. Sa mga mata ng Diyos, ito ay ang ipakong muli ang Panginoon. Ang Panginoon ay ipinako na sa krus para sa atin, at sa ating orihinal na pagsisisi tinanggap na natin yaon. Kung babalik tayo sa ating orihinal na pagsisisi. Ipinapako natin Siyang muli at inilalagay Siya sa hayag na kahihiyan. Hindi natin ito dapat gawin. D. Pagiging Hindi Tama sa Paglalagay Muli ng Pundasyon Hindi tama ang maglagay muli ng pundasyon ng pagsisisi. Isang pag-aaksaya para sa kaninuman ang gawin ito. Hindi lamang magiging mali para sa mga kapatid na maglagay ng pundasyon para sa bahay-pulungan kapag ito ay nailagay na; ito ay magiging isang pag-aaksaya rin. Sa puntong ito kailangan nating basahin ang mga bersikulo 7 at 8. “Sapagka’t ang lupang iniinom ng ulang madalas na pumapatak dito, at tinutubuan ng mga halamang angkop sa mga yaong dahil sa kanila naman ito ay nilinang, ay nakikibahagi ng pagpapalang mula sa Diyos; datapuwa’t kung sinubulan ng mga tinik at mga dawag, ay dinidisapruba at malapit sa sumpa, at ang kanyang kahihinatnan ay ang masunog.” Yaong mga bumabalik upang ulit-ulitin ang kanilang orihinal na pagsisisi ay tulad ng lupang umiinom ng ulang pumapatak dito at hindi tinutubuan ng mga halamang angkop. Ang “ulan” sa bersikulo 7 ay tumutukoy pabalik sa limang kategorya ng mabubuting bagay na binanggit sa mga bersikulo 4 at 5. Ang tinutubuan ng mga halaman ay isang pagsasalarawan ng pagiging madala sa paggulang. Ang mga mananampalataya, bilang ang lupa, ay nilinang para sa kapakanan ng Diyos upang maibunga nila si Kristo, bilang ang halamang tumubo, hanggang paggulang. Sa pamamagitan nito sila ay nakikibahagi ng pagpapala mula sa Diyos. Si Kristo ang halamang angkop. Kung sa halip na ibunga si Kristo, ang isinibol natin ay mga tinik at mga dawag, yaon ay magiging isang pag-aaksaya. Ang isang di-mananampalatayang makasalanan ay isang tunay na sumpa, subali’t ang mga Kristiyanong may mga tinik at mga dawag ay malapit sa sumpa. Sa estriktong pananalita, ang mga tinik at mga dawag sa bersikulo 8 ay tumutukoy sa mga nakaugaliang bagay ng lumang relihiyon ng mga Kristiyanong Hebreo. Ang Griyegong salitang isinaling “dinidisapruba” ay maaari ring isaling “pinawawalang-karapatan” “ibinibilang na walang-halaga,” “di-tinatanggap,” “itinatakwil.” Kung ang sinumang mananampalataya ay hindi madadala sa paggulang, at sa halip ay umuurong pabalik sa mga lumang bagay, siya ay hindi aaprubahan ng Diyos. Minsang naligtas na ang mga mananampalataya, kailanman ay hindi na sila maaaring maging isang tunay na sumpa. Subali’t kung hindi tayo magpapatuloy na magpatubo ng Kristo bagkus ay manangan sa mga bagay na hindi nakalulugod sa Diyos tayo ay malapit sa sumpa ng pagdurusa ng parusa ng pampamahalaang pagtutuos ng Diyos. (Tingnan ninyo ito nang may pagsasaalang-alang sa pagdidisiplina ng pagpaparusa sa 12:7-8). Ito ay lubusang iba sa pagdurusa ng walang hanggang kapahamakan, na siyang tunay na sumpa. Ang lupa kailanman ay hindi masusunog, subali’t ang tumutubo rito ay maaaring masunog. Gayundin, ang mga mananampalataya ay hindi maaaring masunog kailanman subali’t lahat ng kanilang pinatutubong hindi ayon sa ekonomiya ng Diyos ay masusunog. Ang mga mananampalataya ay ang lupang bukirin ng Diyos. Anuman ang kanilang pinatutubong kahoy, damo, at dayami ay masusunog (1 Cor. 3:9, 12). Kapag ang lupa ay sinusunog, ito ay hindi nawawala; ito ay tinutuos. Ang bahaging ito ng Hebreo 6 ay isang salita ng katuwiran, hindi isang nababalutan-ng-asukal na salita na gustong marinig ng maraming Kristiyano. Hindi ko alam kung papaano ang pagsusunog na binanggit sa bahaging ito ng salita ng Diyos. Ang alam ko lamang ay sinasabi ito ng dalisay na salita ng Diyos sa atin. Ang salitang ito sa Hebreo 6 ay may pagkakahawig sa salita hinggil sa pagsusunog ng kahoy, damo, dayami at pagiging ligtas “lamang ay tulad sa pamamagitan ng apoy” sa 1 Cor. 3:12-15. Hindi ito ang salita ng biyaya, ang salita ng buhay, ni ang mabuting salita; ito ay isang seryoso at taimtim na salita—ang salita ng katuwiran. III. DINADALA SA PAGGULANG Hindi binuksan ng sumulat ang aklat na ito sa pagsasabi sa mga mananampalatayang Hebreo na magpatuloy. Bago niya sinabing “Hayaang madala tayo sa paggulang,” gumamit siya ng limang kapitulo upang talakayin ang maraming kamangha-manghang aytem. Ang paraan upang madala sa paggulang ay nasa limang kapitulong ito. A. Nakikibahagi kasama ni Kristo sa Kanyang mga Natamo Upang madala sa paggulang, kailangan nating makabahaging kasama ni Kristo sa Kanyang mga natamo (1:9; 3:14). Tayo ang Kanyang mga kasama at nakikibahagi tayo sa Kanyang pagpapahid. Ang paraan upang makabahaging kasama Niya sa Kanyang mga natamo ay sa pamamagitan ng pananampalataya. Hindi na nating kinakailangang labis na unawain yaon. Kailangan lamang nating manampalataya sa salita na siyang masayang balita para sa atin ngayon at magsabing, “Purihin ang Panginoon, ako ay Kanyang kasama. Mayroon akong katayuan at karapatang makibahagi kasama Niya sa Kanyang pagpapahid.” Huwag ninyong sabihing kulang kayo sa pandama ng pakikilahok sa Kanyang pagpapahid. Lalo ninyong sinasabi na wala kayong pakiramdam, lalong mababawasan ang inyong pakiramdam. Ang pananampalataya ay tumatawag sa mga bagay na hindi pa umiiral na umiiral na. Nananampalataya tayo sa kung ano ang sinasabi ng salita ng Diyos, nararamdaman man natin ito o hindi. Sinasabi ng salita ng Diyos na tayo ay isang kasama ni Kristo, at tungkol dito ay dapat nating sabihing, “Amen. Ako ay isang kasama ni Kristo.” Sinasabi rin ng salita ng Diyos na Siya ay pinahiran at yaong bilang mga kasama Niya, nakikibahagi tayo sa Kanyang pagpapahid. Tungkol dito dapat din nating sabihing, “Amen. Mayroon akong bahagi sa Kanyang pagpapahid.” B. Sinisikap na Makapasok sa loob ng Kung tayo ay dadalhin sa paggulang, dapat tayong magsipagsikap na makapasok sa natitirang Sabbath na kapahingahan (4:9; 11). Katulad ng nakita na natin, ang natitirang Sabbath na kapahingahan ngayon ay ang buhay-ekklesia. Hindi natin kailangan maging gayong kaabala hinggil sa darating na kaharian sa hinaharap; kailangan lamang nating mapasa buhay-ekklesia ngayon. Huwag ninyong sabihing, “Oo, noong mga nakaraang taon naging napakapabaya ko. Umaasa akong makakapasok pa rin ako sa kaharian sa hinaharap.” Kailangan ninyong kalimutan ang inyong nakaraan, hindi alalahanin ang hinaharap, at pumasok sa buhay-ekklesia ngayon. Ang kaaway ay tuso. Nangangamba ako na marami pa rin sa atin ang nagsasalita tungkol sa ating mga nakaraan at may mga inaasam para sa hinaharap. Kalimutan natin kapwa ang mga ito at magsikap at kumilos upang mapasa buhay-ekklesia at sa takbuhan ngayon. C. Nagsisilapit sa Trono ng Biyaya Kailangan din nating magsilapit sa trono ng biyaya upang magtamo ng awa at makasumpong ng biyaya (4:16). Upang lumago sa buhay, upang madala sa paggulang, kailangan natin kapwa ang awa at biyaya ng Diyos. Imposibleng lumago sa pamamagitan lamang ng ating mga sarili. Ang awa ng Diyos na umaabot nang malayo at sapat na biyaya ang makapagdadala sa atin sa paggulang. At ang paraan upang makatamo ng awa at makasumpong ng biyaya ay ang lumapit sa trono ng biyaya. Salamat sa Diyos na para sa atin ngayon, ang Kanyang trono ay ang trono ng biyaya. Lahat tayo ay kailangang magsagawa ng paglapit sa trono ng biyaya upang “tayo ay magtamo ng awa at makasumpong ng biyaya sa panahon ng pangangailangan.” D. Kinakain ang Pagkaing Matigas upang Tamasahin
si Kristo Kung lalago tayo tungo sa paggulang, kailangan nating iwanan ang pagkain ng sanggol, ang salita ng panimulain, at kumain ng pagkaing matigas, ang salita ng katuwiran, upang matamasa si Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec (5:9-10, 14). Natanggap na natin si Kristo bilang ating Manunubos at Tagapagligtas, at pumasok na Siya sa atin upang maging ating buhay. Ang Kristong ito na natanggap natin bilang ating buhay sa loob ay ang atin ding Mataas na Saserdote sa mga kalangitan ayon sa orden ni Melquisedec, na ang pangsyon ay hindi ang maghandog ng hain para sa kasalanan kundi ang maghain ng mga kayamanan ng Diyos para sa ating panustos. Upang lumago tungo sa paggulang kailangan nating tamasahin ang gayong Diyos na naghahain ng Kristo upang tayo ay makalahok sa mga kayamanan ng dibinong elemento. Ito ang pagkaing matigas, hindi ang pagkain ng sanggol. Karamihan sa mga Kristiyano ay nananatili sa pagkain ng sanggol, hindi nagnanais sa pagkaing matigas at hindi nagdaranas ng anumang Kristo bilang kanilang Melquisedec. Hinihikayat tayo ng aklat na ito na magpatuloy sa pamamagitan ng pagkain ng pagkaing matigas at pagtatamasa sa makalangit na Kristo upang makatanggap tayo ng mayamang elemento ng Diyos para sa ating paglago tungo sa paggulang. Ang simula ng kapitulo anim ay isang malakas na konklusyon na naghihikayat sa ating isagawa ang lahat ng ating narinig sa limang naunang kapitulo. Kung gagawin natin ito at magpapatuloy, maaabot natin ang gol at tayo ay gugulang. Gaano kapayak ito! Tayong lahat ay magpatuloy. PAGTAKAS TUNGO SA KANLUNGAN Ngayon dumako tayo sa pinakarurok ng lahat ng natalakay natin sa mga mensaheng ito—ang pagtakas tungo sa kanlungan kasama ang ankla at ang Tagapagpauna (6:9-20). I. ANG KANLUNGAN Ang bersikulo 18 ay nagsasalita ng “nagsitakas na nagsikanlong upang manangan sa pag-asang nalalagay sa ating unahan.” Narinig na ba ninyong ang Bagong Tipan ay nagsasabi sa ating magsitakas tungo sa isang kanlungan? Ang Griyegong salita na isinaling “nagsitakas na nagsikanlong” ay nangangahulugang tumakas nang masidhi; tumutukoy ito sa isang masidhing pagtakas. Ang Griyegong salita ay walang kahulugan ng kanlungan. Ang simpleng katumbas sa Ingles ay “nagsitakas.” Ang Griyegong salita ay ang parehong salitang ginamit sa Gawa 14:6, kung saan sinabihan tayo na tinakasan ni Pablo ang pang-uusig sa lunsod. Bagama’t hindi maling idagdag ang mga salitang “na nagsikanlong,” higit na magiging mainam kung hindi gagamitin ang mga ito. Hindi lamang tayo mga mananawid ng ilog; tayo rin ay mga tumatakas. Mula saan tayo tumatakas? Mula sa lahat ng bagay maliban kay Kristo at sa buhay-ekklesia. Dapat tayong tumakas mula sa sanlibutan, Hudaismo, Katolisismo, Protestantismo, at mula sa ating mga sarili. Dapat nating takasan ang mga “department stores,” ang pamamaraan ng kapanahunang ito, relihiyon, ang ating mga lumang konsepto, at bawa’t uri ng tradisyon. Dapat nating takasan ang anumang bagay na naglalayo sa atin at pumipigil sa atin mula kay Kristo. Tinitingnan ko ang isang bilang ng pagsasalin sa bersikulong ito. Ang ilang salin ay nagsasabing, “nagsitakas sa sanlibutan.” Dapat nating takasan ang ating lumang katayuan, ambisyon, at pag-ibig-sa-sarili. Dapat nating takasan ang lahat ng bagay. Walang alinlangang ninais ng sumulat ng aklat na ito na takasan ng mga mananampalatayang Hebreo ang Hudaismo, ang kanilang lumang relihiyon. Mapanganib para sa kanila ang manatili rito; kailangan nilang tumakas. Ang Griyegong salita para sa salitang takas ay nagpapahiwatig ng pagtakas upang pumasok sa isang ligtas na lugar. Ito ang dahilan kung bakit idinagdag ng mga tagapagsalin ang mga salitang “na nagsikanlong.” Parang sinasabi ng sumulat na, “Mga Hebreong Kristiyano, kayo ay nasa isang napakamapanganib na situwasyon at kailangan ninyong tumakas tungo sa isang ligtas na lugar.” Nasaan itong ligtas na lugar, itong kaligtasan, kung saan dapat tayong tumakas? Ito ay nasa ating espiritu, nasa ekklesia, at nasa mga kalangitan. Ano ang nasa mga kalangitan? Ang Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing. Ang mga Hebreong Kristiyano ay nasa panganib na mapigilan sa kampo. Kailangan nilang tumakas tungo sa loob ng tabing. Parang sinasabi ng sumulat na, “Tumakas kayo tungo sa loob ng tabing tungo sa Dakong Kabanal-banalan, tungo sa inyong espiritu. Huwag kayong manatili sa inyong nag-aatubiling kaluluwa. Takasan ninyo ang inyong gumagalang kaisipan. Tumakas kayo tungo sa inyong espiritu kung saan kayo ay magiging ligtas.” Bagama’t mahirap sabihin nang tiyak kung ano ang kanlungan, masasabi nating ito ay ang mga kalangitan kung saan naroroon ngayon ang Panginoong Hesus. II. ANG ANKLA Ayon sa ibig sabihin ng nilalaman ng 6:9-20, sa paggamit ng salitang “ankla,” inilalarawan tayong lahat ng manunulat bilang nasa isang mabagyong karagatan. Yamang tayo ay isang bangka na naglalayag sa isang mabagyong karagatan, kailangan natin ng isang ankla. Walang alinlangan, ang ligtas na lugar kung saan tayo dapat tumakas ay ang ating kublihan. Ang kublihang ito ay nasa ating espiritu, nasa buhay-ekklesia, at nasa Dakong Kabanal-banalan sa mga kalangitan kung saan naroroon ang Panginoong Hesus. Kung mananatili tayo sa kublihang ito, dapat ay mayroon tayong isang ankla. Ang ankla ay ang ating pag-asa (bb. 18-19), na binubuo ng dalawang bagay na di-mababago—ang pangako ng Diyos at ang sumpa ng Diyos (bb. 12-18). Ang pangako ng Diyos ay pinatutunayan ng Kanyang sumpa. Ang pangako ng Diyos ay ang salita ng Diyos, at ang sumpa ng Diyos ay ang Kanyang panghuling pagpapatunay. Sa pamamagitan ng pangako at sumpa ng Diyos, na kapwa di-mababago, taglay natin ang ating pananampalataya at pagtitiis, na nagmumula sa ating pag-asa na siyang ankla ng ating kaluluwa. Ang ating pag-asa, tulad ng isang matibay at matatag na ankla, ay ang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing at ang manatili rito, at tayo ngayon ay makakapasok na sa espiritu (10:19-20). Sa pamamagitan nitong ankla ng kaligtasan tayo ay napananatili sa Dakong kabanal-banalan. Kung wala ito, tayo ay maaaring mabagbag (1 Tim. 1:19). Dapat nating takasan ang anumang situwasyong kinaroroonan natin. Ang bawa’t situwasyon ay isang mabagyong karagatan. Ikaw ba ay mayaman? Ang iyong mga kayamanan ay isang mabagyong karagatan. Ikaw ba ay mahirap? Ang iyong kahirapan ay isang mabagyong karagatan. Ang sabihing ang bawa’t situwasyon ay isang mabagyong karagatan ay nangangahulugan lamang na matatalian ka nito, pinipigilan ka sa pagpasok sa kapahingahan ngayon. Ito ang panganib. Isaalang-alang ninyo ang sagisag ng mga anak ni Israel na lumabas ng Ehipto. Bagama’t maaaring dalawang milyon ang lumabas ng Ehipto, dalawa lamang sa kanila ang nakapasok sa kapahingahan. Ang iba ay nagambala. Hindi ba gayundin ang posibilidad na hinaharap natin ngayon? Wala ni isang bagay na hindi makatatali sa atin. Maging ang pagkamatanda sa ekklesia ay makakatali sa iyo. Mga matanda, dapat ninyong takasan ang pagkamatanda. Tayo ay mga tumatakas. Dapat din nating takasan ang sarili nating bansa at lokalidad. Isinama ng sumulat ang Kanyang sarili sa bagay na ito ng pagtakas, sapagka’t ginamit niya ang salitang “tayo” sa bersikulo 18. Pagkatapos niyang magsabi ng maraming mabubuting bagay sa mga naunang kapitulo, nagtapos siya sa salitang “takas.” III. ANG TAGAPAGPAUNA Sinasabi sa atin ngayon ng manunulat na si Kristo ay hindi lamang ang Pinuno ng ating kaligtasan, bagkus ang atin ding Tagapagpáuná. Ang Panginoong Hesus bilang ating Tagapagpáuná ang Siyang nangunang dumaan sa mabagyong karagatan at pumasok sa makalangit na kanlungan upang maging ating Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec. Bilang gayong Tagapagpáuná, Siya ang Pinuno ng ating kaligtasan (2:10). Bilang ang Tagapagpáuná, nabuksan Niya ang daan tungo sa kaluwalhatian, at bilang Pinuno Siya ay nakapasok na sa kaluwalhatian, sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing. Upang makapasok sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing, tinakasan ng Panginoon ang lahat ng bagay. Tinakasan Niya ang Kanyang ina. Tinakasan Niya ang Kanyang mga kapatid (Mat. 12:46-50). Tinakasan Niya ang Hudaismo at pumasok sa mga kalangitan, subali’t yaong pinasukan Niya ay “yaong nasa loob ng tabing.” Pumasok Siya sa presensiya ng Diyos. Tinakasan Niya ang lahat ng bagay upang makapasok sa presensiya ng Diyos sa loob ng tabing, kung saan natin inaankla ang ating pag-asa na may buong katiyakan (b. 19, 11). Pagkatapos talakayin ang napakaraming mensahe sa ating Pag-aaral-Pambuhay ng mga Hebreo, dapat natin bigyang-pansin ang isang bagay na ito—pagtakas. Dapat nating takasan ang lahat ng bagay sapagka’t ang lahat ng bagay ay isang panganib. Takasan ninyo ang inyong mga lumang konsepto. Takasan ninyo ang hindi ninyo pagbubuhay-ekklesia. Kung wala kayong buhay-ekklesia, kayo ay nasa isang mabagyong karagatan na walang isang ligtas na lugar. Ang inyong gumagalang kaisipan ay isang mabagyong karagatan. Tumakas kayo sa inyong espiritu at sa buhay-ekklesia upang magkaroon kayo ng isang ligtas na lugar. Ang pagtakas na ito ay ang tunay na pagtawid ng ilog. Nag-aalala ako na marami sa mga nagbabasa ng mensaheng ito ay hindi tatakas at tatawid ng ilog. Tayo ay tumakas patungo sa ating espiritu at sa buhay-ekklesia. Tayo ay tumakas papasok sa tabing, sa Dakong Kabanal-banalan.
|