|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE TATLUMPU’T ISA ANG MAKALANGIT NA MINISTERYO NG MAKALANGIT NA KRISTO Ang aklat ng Hebreo ay may dalawang pangunahing bahagi at ang dalawang bahaging ito ay batay sa dalawang aspekto ng pagkasaserdote ni Kristo. Unang-una, si Kristo ang Mataas na Saserdote ng Diyos na isinasagisag ni Aaron, at ikalawa Siya ang Mataas na Saserdote ayon sa orden ni Melquisedec. Ang ministeryo ni Kristo ay may dalawang pangunahing aspekto, ang isa na isinasagisag ni Aaron sa lupa at ang isa pa ay ayon sa orden ni Melquisedec sa kalangitan. I. ISANG PAGBALING SA AKLAT NG HEBREO Ayon sa gawain at ministeryo ni Kristo, ang aklat na ito ay may isang pagbaling sa 7:1, isang pagbaling mula sa lupa tungo sa langit. Hanggang sa katapusan ng kapitulo anim, ang pangunahing inihahayag ay ang gawain ni Kristo sa lupa na isinasagisag ng pagkasaserdote ni Aaron. Ang bahaging yaon ay ang salita ng pundasyon. Mula sa 7:1, ang ministeryo ni Kristo sa langit ayon sa orden ni Melquisedec ay inihahayag. Ang bahaging ito ay ang salita ng pagpapasakdal, na nagpapakita sa atin kung paanong ang nasa langit na Kristo ay nagministeryo sa tabernakulo sa langit. Ang paglilinis Niya ng mga kasalanan ay isinagisag ng gawain ni Aaron, samantalang ang pagluklok Niya sa kanan ng kamahalan sa kaitaasan (1:3) ay ayon sa orden ni Melquisedec (Awit 110:1, 4). Ang Kanyang gawain sa krus sa lupa na isinagisag ng gawain ni Aaron ay nagdudulot sa atin ng kapatawaran ng kasalanan. Ang Kanyang ministeryo sa trono sa langit ay nagtutustos sa atin upang madaig natin ang kasalanan. Ang Kanyang krus ay nagligtas sa atin palabas sa Ehipto; ang Kanyang trono ay nagdadala sa atin tungo sa loob ng Canaan. Bagama’t ang mga mananampalatayang Hebreo ay nakibahagi sa Kanyang gawain sa krus, kinakailangan nilang magpatuloy upang makapasok sa katamasahan ng Kanyang ministeryo sa trono. Maaari nating sabihin na ang kapatawaran ng kasalanan ay nasa unang palapag at ang pagdaig sa kasalanan ay nasa ikalawang palapag. Noong mga nakaraang siglo, napakaraming Kristiyano ang naghangad ng pagdaig sa kasalanan. Gayunpaman, kakaunti sa kanila ang nagtagumpay sa bagay na ito sapagka’t hinahanap nila ang isang bagay na mapasa ikalawang palapag samantalang sila ay nasa unang palapag. Paano kayo magkakaroon ng mga bagay ng ikalawang palapag samantalang hinahanap ang mga ito sa unang palapag? Ang kapatawaran ng kasalanan ay nasa unang palapag. Bawa’t ligtas na Kristiyano ay makapagpapatotoo na lubusan, matagumpay, ganap, at buong naranasan ang kapatawaran ng kasalanan. Subali’t dapat tayong nasa ikalawang palapag upang maranasan ang pagdaig sa kasalanan. Ang kapatawaran ng kasalanan ay may kaugnayan sa gawain ni Kristo sa lupa na isinagisag ng gawain ni Aaron. Ito ay nasa unang palapag. Ang pagdaig sa kasalanan ay may kaugnayan sa gawain ngayon ni Kristo sa langit ayon sa orden ni Melquisedec. Ito ay nasa ikalawang palapag. Ikaw ba ay nasa unang palapag o nasa ikalawang palapag? Nakatitiyak ako na ako ay nasa ikalawang palapag. Gaano kagila-gilalas na mapasa ikalawang palapag na tinatamasa hindi lamang ang kapatawaran ng kasalanan bagkus maging ang pagdaig sa kasalanan! Ang kasalanan ay nasa ilalim ng ating mga paa! Kung dadaigin ninyo ang isang bagay, ang bagay na yaon ay dapat na nasa ilalim ninyo. Bagama’t sa katawagan, sa pandinig ay katulad ng isang maliit na bagay ang salitain ang tungkol sa pagdaig sa kasalanan, sa karanasan ito ay kamangha-mangha. Gaano kabuti ang tamasahin ang pagdaig sa kasalanan! Kung nais ninyong magkaroon ng pagdaig sa kasalanan, dapat kayong pumunta sa ikalawang palapag upang maranasan ang makalangit na ministeryo ng makalangit na Kristo ayon sa orden ni Melquisedec. Kagaya ng nabanggit ko na, ang krus ni Kristo ay nagliligtas sa atin palabas sa Ehipto at ang kanyang trono ay nagdadala sa atin tungo sa loob ng Canaan. Nasaan ka—nasa Ehipto o nasa Canaan? Paano mo malalaman kung nasa Canaan ka? Madaling sabihin. Alam kong nasa loob ako ng Canaan sapagka’t wala na ako sa paligid ng krus kundi nasa paligid ng trono. Ang mga sermon, mensahe, pag-uusap, at pagsasalamuha ng karamihan sa mga Kristiyano ay nasa paligid ng krus. Bihira akong makarinig ng isang grupo ng mga Kristiyano na nagsasalamuha sa paligid ng trono. Ang Kristo ba ninyo ngayon ay nasa krus o nasa trono? Maipapatotoo ko sa inyo na ang aking Kristo ay nasa trono. Hindi ko Siya hinahanap sa krus; tinatamasa ko Siya sa trono. Ito ay kamangha-mangha. Ngayon ang ating Kristo ay wala na sa krus kundi nasa trono na. Ang Paskua sa Ehipto ay sumagisag kay Kristo na nasa krus. Subali’t ngayon ang ating Kristo ay nasa trono, at kung nasaan naroroon ang trono, naroroon ang Canaan. Tayo ay nasa Canaan. Tayo ay nasa Sabbath na kapahingahan sapagka’t ang ating Kristo ay nasa trono. Bagama’t tayo ay nakibahagi sa gawain ni Kristo sa krus, dapat tayo ngayong magpatuloy upang makapasok sa pagtatamasa ng Kanyang ministeryo sa trono. Ang Kristong kasama ko sa pangkasalukuyang ministeryo ay ang Kristong nasa trono. O, nawa ang katotohanang si Kristo ay nasa trono ngayon ay maranasan natin! Kailangan nating makita ang lahat ng mga detalye hinggil sa Kristong ito na nakaluklok. Kapag tinatamasa natin ang gayong Kristo, tayo ay nasa ikalawang palapag, sa Canaan, at sa paligid ng trono. Ang mensaheng ito ay nasa makalangit na ministeryo ng makalangit na Kristo. Kagaya ng nakita na natin, ang aklat ng Hebreo ay nagkaroon ng isang malaking pagbaling sa 7:1. Kakaunting mambabasa ng Hebreo ang nakakita sa puntong ito nang malinaw, subali’t sa pamamagitan ng awa at biyaya ng Diyos, ipinakita Niya sa atin ang pagbaling na ito. Ang kabigatan ko lamang sa mensaheng ito ay ang makintalan kayo sa pagbaling na ito. Nawa ay maiukit ng Espiritu Santo ang pagbaling na ito nang malalim tungo sa loob ng inyong espiritu. Ang pagbaling na ito ay hindi lamang basta isang doktrinal na pagbaling; ito ay isang pagbaling sa ating pagdaranas kay Kristo sa isang aktibong paraan, maging sa isang subhektibong obhektibong paraan (subjectively objective way). Sa susunod na mensahe ipaliliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng subhektibong obhektibo. Pansamantala, tandaan ninyo na sa 7:1 dapat tayong magkaroon ng isang pagbaling upang maranasan natin si Kristo sa isang subhektibong obhektibong paraan. A. Mula sa Labas na Loobang nasa Lupa Ang pagbaling na ito ay mula sa labas na loobang nasa lupa tungo sa Dakong Kabanal-banalan na nasa kalangitan (8:2; 9:11-12, 24). Nagpapaalala ito sa atin ng kaayusan ng mga kasangkapan sa tabernakulo. Una, naroroon ang labas na looban. Pagkatapos naroroon ang tabernakulo, na nahahati sa dalawang bahagi—ang Dakong Banal at ang Dakong Kabanal-banalan kung saan naroroon ang presensiya ng Diyos. Kaya, mayroong tatlong bahagi: ang labas na looban, ang Dakong Banal, at ang Dakong Kabanal-banalan. Ayon sa sagisag, kapwa ang labas na looban at ang Dakong Banal ay para sa Dakong Kabanal-banalan. Ang layunin sa pagpasok sa labas na looban ay ang makatungo sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng Dakong Banal. Kapwa ang labas na looban at ang Dakong Banal ay upang makalapit ang mga tao sa Dakong Kabanal-banalan. Ang labas na looban ay upang makapasok ang mga tao sa Dakong Kabanal-banalan, at ang Dakong banal ang pasukan ng Dakong Kabanal-banalan. Kung pupunta kayo sa labas na looban nang hindi pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan, wala kayong layunin. Kung mananatili kayo sa paligid ng dambana at sa hugasan sa loob ng isang mahabang panahon, wala kayong layunin at hantungan. Hindi ang dambana ni ang hugasan sa labas na looban ang gol. Ang gol ay ang Dakong Kabanal-banalan. Sa tuwing kayo ay nasa dambana o nasa hugasan dapat ninyong sadyain ang Dakong Kabanal-banalan. Kahit na kayo ay nasa Dakong Banal ay dapat ninyong sabihing, “Panginoon, hindi ako para sa lugar na ito. Dumaraan ako sa lugar na ito patungo sa Dakong Kabanal-banalan. Ang aking layunin, ang aking gol, ay ang Iyong Dakong Kabanal-banalan.” Una munang ipinakikita sa atin ng aklat ng Hebreo ang mga bagay sa labas na looban. Pagkatapos, simula sa 7:1, ibinabaling tayo nito sa Dakong Kabanal-banalan. Ito ang pagbaling mula sa labas na looban tungo sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng Dakong Banal. B. Mula sa Dambana para sa Kasalanan na nasa
Labas na Looban Ang pagbaling na ito ay mula rin sa dambana para sa kasalanan na nasa labas na looban tungo sa takip-ng-pampalubag-loob para sa biyaya (ang trono ng biyaya) na nasa Dakong Kabanal-banalan (13:10,12; 10:12; 4:16). Dito nakikita natin ang dalawang bagay—ang dambana at ang takip-ng-pampalubag-loob. Ang takip-ng-pampalubag-loob ay ang trono ng biyaya kung saan ang Diyos ay nakikipagtagpo sa atin, nagsasalita sa atin, at nakikipag-usap sa atin, at kung saan tayo ay kaisa ng Diyos sa Kanyang ekonomiya. Ang trono ng biyaya ay ang mismong lugar kung saan ang Diyos at tayo, tayo at ang Diyos, ay iisa. Ang dambana ay nasa labas na looban, at ang takip-ng-pampalubag-loob ay nasa Dakong Kabanal-banalan. Ang dambana ay sumasagisag sa krus, na mahal at mahalaga. Ang dambana ay mahal at mahalaga sapagka’t tinutuos nito ang ating mga kasalanan. Subali’t ito ay nasa labas na looban. Ang krus, kung saan ang suliranin ng kasalanan ay natuos ay nasa lupa pa rin, nasa unang palapag. Habang ang maraming Kristiyano ay patuloy na naookupahan ng krus sa labas na looban, ako’y alinlangan kung nahihipo nang wasto ng maraming Kristiyano ang takip-ng-pampalubag-loob oras-oras o maging araw-araw. kailangan nating lahat matutunang mahipo ang trono ng biyaya, ang takip-ng-pampalubag-loob, sa bawa’t sandali. Kailangan nating manalanging, “Panginoon, kailangan kong mahipo ang Iyong trono ng biyaya bawa’t minuto.” Ang trono ng biyaya ay ang lugar kung saan tayo dapat naroroon. Ang krus ay mabuti, subali’t hindi ito ang ating gol o hantungan. Hindi ito ang lugar kung saan tayo mananatili magpakailanman. Ang lugar kung saan tayo dapat manatili magpakailanman ay ang takip-ng-pampalubag-loob, ang trono ng biyaya. Nasaan kayo ngayon! Tayo ay nasa paligid ng takip-pampalubag-loob, sa paligid ng trono ng biyaya. Sa Bibliya, hindi tayo kailanman sinabihan na ang Diyos ay nagsasalita mula sa krus. Ayon sa Bibliya, saan natin naririnig ang tinig ng Diyos? Sa trono ng biyaya, ang orakulo sa Dakong Kabanal-banalan. Kung kayo ay nasa paligid pa rin ng krus, magiging mahirap para sa inyo ang marinig ang pagsasalita ng Diyos. Subali’t sa tuwing kayo ay nagsisilapit sa trono ng biyaya, sa takip-ng-pampalubag-loob, kaagad ninyong maririnig ang dibinong tinig. Maririnig ninyo ang tinig ng Diyos sapagka’t kayo ay nasa orakulo, sa trono ng biyaya. Dito natin naririnig ang pagsasalita ng Diyos, nakikita ang Kanyang mukha, at natatamasa ang kanyang presensiya. Dito tayo nagiging kaisa Niya sa Kanyang ekonomiya. Kaya ibinabaling tayo ng aklat ng Hebreo mula sa dambana na nasa labas na looban tungo sa dako ng orakulo ng Diyos na nasa Dakong Kabanal-banalan. Sa trono ng biyaya, hindi na ito isang bagay ng kasalanan.
Ang kasalanan ay nasa ilalim ng ating mga paa. Sa trono ng biyaya, ito
ay isang bagay ng biyaya. Kayo ba ay naookupahan pa rin ng kasalanan?
Kayo ba ay nasasalabid at ginugulo pa rin ng inyong galit? Kalimutan
ninyo ito. Bagama’t maaaring nagalit kayo sa inyong asawa kaninang
umaga, habang binabasa ninyo ngayon ang mensaheng ito, maaaring kayo
ay nasa trono ng biyaya. Mga ilang oras ang nakakaraan kayo ay nasa
ilalim ng kasalanan, subali’t ngayon kayo ay nasa biyaya at nasa
ibabaw ng kasalanan. Wala sa atin ang dapat pang maokupahan ng kasalanan.
Ang kasalanan ay tapos na. Lahat tayo ay kailangang maokupahan, mapunuan,
malalinan, at matigmakan ng biyaya. Aleluya sa biyaya! Kayo ba ngayon
ay nasa paligid ng krus o nasa trono ng biyaya? Kailangan nating maging
mga kapatid-na-lalake at babae na nasa paligid ng trono ng biyaya. C. Mula sa Kristong nasa Lupa Ang pagbaling na ito sa aklat ng Hebreo ay mula rin sa Kristong nasa lupa tungo sa Kristong nasa langit (7:26). Ang Kristong nararanasan at natatamasa natin ngayon sa araw-araw ay ang Kristong nasa kalangitan. Habang maraming Kristiyano ang nananabik na pumunta sa langit, tayo naman ngayon ay nagtatamasa sa Kristong nasa langit. Ibinabaling tayo ng Hebreo sa Kristong nasa lupa tungo sa Kristong nasa langit. D. Mula sa Nagbabatang Hesus Higit pa rito, ang pagbaling na ito ay mula sa nagbabatang Hesus na nasa landasin ng krus tungo sa naluwalhating Kristo na nasa trono ng Diyos (12:2; 13:12; 8:1). Maraming aklat ang naisulat na tungkol sa nagbabatang Hesus at tungkol sa landas ng krus. Maraming nananatili pa rin sa landas ang nangangailangan ng aklat ng Hebreo upang ibaling sila sa naluwalhating Kristo na nasa trono ng Diyos. Si Kristo ngayon ay nasa trono. II. ANG DALAWANG ASPEKTO NG PAGKASASERDOTE NI KRISTO A. Isinagisag ni Aaron sa Lupa Kakaunting Kristiyano ang nakaalam ng dalawang aspekto ng pagkasaserdote ni Kristo. Bagama’t maraming nakaalam na si Kristo ang ating Mataas na Saserdote, napakakaunti ang nakatatanto na mayroong dalawang aspekto sa pagkasaserdote ni Kristo. Ang unang aspekto ay ang pagkasaserdote ni Kristo na isinagisag ni Aaron sa lupa. Ito ay lubusang inihayag sa 5:1-5. B. Ayon sa Orden ni Melquisedec Ang ikalawang aspekto ng pagkasaserdote ni Kristo ay yaong ayon sa orden ni Melquisedec sa kalangitan (6:20; 7:1). Sa 6:20 nababasa natin na bilang ang Tagapagpauna, ang Panginoon ngayon ay nasa loob ng tabing, sa Dakong Kabanal-banalan sa kalangitan. Katulad ng nakita na natin, ang unang aspekto ng pagkasaserdote ni Kristo ay pangunahing para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang ikalawang aspekto ay pangunahing para sa pagdaig sa kasalanan. Inilalabas tayo ng unang aspekto mula sa Ehipto, at dinadala tayo ng ikalawang aspekto tungo sa loob ng Canaan. Sa krus, si Kristo ay isang Mataas na Saserdote na isinagisag ni Aaron. Ngayon dapat tayong magpatuloy upang makapasok sa ganap na pakikibahagi sa Kanyang pagkasaserdote ayon sa orden ni Melquisedec. Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng isang kumpletong pagdaig sa kasalanan at ang kasalanan ay lubusang mapasasailalim ng ating mga paa. Tayo ay mapapasa ikalawang palapag, sa Dakong Kabanal-banalan, walang kinalaman sa kasalanan subali’t patuloy na nagtatamasa ng biyaya. Ito ay lubos na may kaugnayan sa ikalawang aspekto ng ministeryo ni Kristo. III. ANG DALAWANG BAHAGI NG MINISTERYO NI KRISTO Batay sa dalawang aspekto ng pagkasaserdote ni Kristo, mayroong dalawang bahagi ang ministeryo ni Kristo—ang bahagi sa lupa at ang bahagi sa langit. Lubhang nakakainteresadong makita na sa kapwa bahagi ng ministeryo ni Kristo ay mayroong eksaktong labing-isang aytem. Ngayon, sa isang maikling paraan, kailangan nating isaalang-alang ang dalawang bahagi ng ministeryo ni Kristo. A. Ang Bahagi sa Lupa 1. Naghandog ng Kanyang Sarili sa Diyos Si Kristo ay naghandog ng Kanyang Sarili para sa ating mga kasalanan (7:27; 9:14, 26; 10:10, 12). Ang isang bagay na ginawa ng ating Panginoon sa Kanyang pansaserdoteng ministeryo ay ang ihandog ang Kanyang Sarili sa Diyos para sa ating mga kasalanan. Siya ang tunay na handog sa kasalanan, ang natatanging handog sa kasalanan. Mula nang itatag ang sanlibutan, si Kristo ang natatanging handog sa kasalanan (Apoc. 13:8). Bilang gayong isang handog, inihandog Niya ang Kanyang Sarili sa Diyos para sa ating mga kasalanan. Kung babasahin ninyo nang maingat ang aklat ng Hebreo, matutuklasan ninyo na inihahayag lamang nito si Kristo bilang ang handog sa kasalanan, hindi bilang anumang ibang uri ng handog. Sa aklat ng Hebreo, ang natatanging handog ay ang handog para sa kasalanan. Inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili sa Diyos para sa ating mga kasalanan nang minsan para sa lahat at hindi na Niya kailangan pang gawin itong muli. Ito ay naisakatuparan minsan para sa lahat magpasawalang-hanggan. Lahat tayo ay dapat na magdeklara at magpahayag ng mabuting balita na ang suliranin ng kasalanan ay nalutas na. Huwag ninyong pakinggan ang mga kasinungalingan. Maging ang inyong karanasan ay isang kasinungalingan. Ang kasalanan ay wala na rito. Dapat tayong magdeklarang lahat, “Ang kasalanan ay naalis na.” Ang paghahandog ni Kristo ng Kanyang Sarili ang nag-alis ng kasalanan. Kaya sinasabi sa Juan 1:29 na, “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” Gayunpaman, maraming Kristiyano ang hindi nakatatanto o naniniwala na naalis na ang kasalanan. Naniniwala ba kayo na naalis na ang kasalanan? Huwag kayong maniwala na ang kasalanan ay naririto pa. Kahit na kayo ay nagkaroon ng kabiguan o kasawian dapat ninyong sabihin kay Satanas na, “Satanas, hindi ako naniniwala sa iyo. Naniniwala ako sa Banal na Salita na nagsasabing naalis na ang kasalanan.” Dapat paniwalaan nating lahat ito. Dapat nating kalimutan ang ating mga karanasan at kung ano tayo, matibay na kunin ang salita ng Panginoon at ideklara sa kaaway o sa buong sansinukob, “Aleluya, ang kasalanan ay naalis na.” Ang kasalanan ay wala ng kinalaman sa akin sapagka’t inihandog na ni Kristo ang Kanyang Sarili sa Diyos upang alisin ito. 2. Gumawa ng Pampalubag-loob patungkol sa Ating mga Kasalanan Sa Kanyang ministeryo sa lupa, si Kristo ay gumawa rin ng pampalubag-loob patungkol sa ating mga kasalanan (2:17). Ang kasalanan, na naalis na, ay nagsanhi ng maraming kinalabasan. Ang lahat ng mga kinalabasang yaon ay naging mga suliranin sa pagitan natin at ng Diyos. kaya, noong alisin ni Kristo ang kasalanan, gumawa rin Siya ng pampalubag-loob sa Diyos para sa atin. Sa isang pakahulugan, pinapaglubag Niya ang loob ng Diyos para sa atin. Bagama’t maraming suliranin sa pagitan natin at ng Diyos, pinapaglubag ng handog sa kasalanan ni Kristo ang loob ng Diyos para sa atin. Ngayon wala ng suliranin sa pagitan natin at ng Diyos. Huwag ninyong bigyang-pansin ang inyong mga nararamdaman. Maaari ninyo pa ring maramdaman na may isang suliranin sa pagitan ninyo at ng Diyos, subali’t yaon ay isang kasinungalingan. Huwag kayong makinig dito. Sabihin ninyo sa kaaway na, “Ang kasalanan ay naalis na at napaglubag na ang loob ng Diyos.” Ang mga ito ay masasayang balita. Aleluya, ang kasalanan ay nawala na at ang Diyos ay narito! 3. Gumawa ng Paglilinis para sa Ating mga Kasalanan Si Kristo ay gumawa rin ng paglilinis para sa ating mga kasalanan (1:3). Si Kristo ay naghandog ng Kanyang Sarili para sa ating mga kasalanan, gumawa ng pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan, at gumawa ng paglilinis para sa ating mga kasalanan. Kung si Kristo ay naghandog lamang ng Kanyang Sarili para sa kasalanan at gumawa ng pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan nang hindi gumagawa ng paglilinis para sa mga ito, ang kanyang gawain ay hindi sana naging kumpleto. Subali’t ang Kanyang gawain ay ang pinakamahusay na paglilinis, sapagka’t naisagawa Niya ang paglilinis ng mga kasalanan. Sa mata ng Diyos, hindi lamang tayo pinatawad bagkus ay nilinis din. Ngayon mayroon tayong isang nalinis na budhi. 4. Nagpaging-banal sa Atin Si Kristo ay nagpaging-banal din sa atin sa pamamagitan ng paghahandog Niya ng Kanyang dugo (10:10, 14, 29; 13:12). Hindi lamang Niya nilinis ang ating mga kasalanan bagkus pinaging-banal din tayo, inihiwalay, ibinukod, patungo sa Diyos. Hindi ko binibigyang-halaga kung ano ang nararamdaman mo sa iyong sarili. Ayon sa pagkakaunawa ni Kristo, ikaw ay naihiwalay na, napaging-banal na. Hindi ka pag-aari ng lunsod na tinitirhan mo; ikaw ay pag-aari ng Diyos. Lahat tayo ay napaging-banal, naihiwalay tungo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo sa pamamagitan ng paghahandog Niya ng Kanyang dugo. Nang namatay si Kristo sa krus na naghahandog ng Kanyang Sarili para sa atin, inihiwalay Niya tayo tungo sa Diyos. Kapag narinig ninyo ito, maaaring sabihin ninyong, “Ayon sa karanasan ko ay hindi gayon.” Maghintay kayo. Maghintay kayo ng ilang taon, sa susunod na kapanahunan, o sa pinakamatagal, sa kawalang-hanggan, at makikita ninyo na kayo ay napaging-banal tungo sa Diyos. Sa Bagong Herusalem, tayo ay ibubukod tungo sa Diyos. Hindi ko lamang pinaniniwalaan ito para sa aking sarili bagkus para sa lahat ng anak ng Diyos. Huwag ninyong paniwalaan ang inyong pangkasalukuyang situwasyon, sapagka’t ito ay lubos na isang kasinungalingan. Paminsan-minsan sinasabi sa akin ng mga kapatid na ang isang ekklesia sa isang partikular na lugar ay hindi napakabuti. Ayaw kong masasabihan ng ganoon. Sa tuwing nakakarinig ako ng gayong balita, sa kailaliman ko sinasabi kong, “Nagkakamali ka. Bawa’t ekklesia ay kamangha-mangha.” Kung hindi natin ito paniniwalaan ngayon, paniniwalaan natin ito balang araw. Isang araw makikita natin na bawa’t ekklesia ay kamangha-mangha at ang bawa’t ekklesia ay naihiwalay, napaging-banal, tungo sa Diyos. Subali’t huwag hintayin ang kawalang-hanggan para paniwalaan ito. Paniwalaan ito ngayon. Kung hihintayin ninyo ang kawalang-hanggan upang paniwalaan ito, mapalalampas ninyo ang isang labis na pagtatamasa. Kung paniniwalaan ninyo ito ngayon, matatamasa ninyo ito. Anong masayang balita ang marinig na tayo ay naihiwalay tungo sa Diyos sa pamamagitan ng paghahandog ni Kristo ng Kanyang dugo! 5. Nagpasakdal sa Atin sa pamamagitan ng Kanyang Paghahandog Tayo ay pinasakdal ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog (10:14). Sa Griyego, ang salitang isinaling pinasakdal ay nangangahulugan ding kinumpleto. Tayo ay napasakdal at nakumpleto na ni Kristo. Gaano ka man kahina, kabata, o kabago, ikaw ay pinasakdal at kinumpleto na ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog. Ito ang ebanghelyo, ang masayang balita. 6. Ginanap ang isang Bagong Tipan Sa Kanyang ministeryo sa lupa, pinapaging-ganap ni Kristo ang isang bagong tipan para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang dugo (8:6; 9:14-15). Pagkatapos inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili bilang handog sa kasalanan at gumawa ng pampalubag-loob at paglilinis para sa ating mga kasalanan, pinapaging-ganap Niya ang bagong tipan para sa atin. Sa tipang ito, lahat ng mga naunang aytem ay kasama. Ang bagong tipang ito ay tinatakan ni Kristo ng Kanyang dugo. Kaya, ito ay isang tipang natatakan-ng-dugo. Sa ibang salita, nilagdaan Niya ang tipang ito ng dugo, hindi ng tinta. Walang sinumang makapagbabago nito. 7. Nagpamana sa Atin Pagkatapos gawing-ganap ni Kristo ang bagong tipan, nagtungo Siya sa langit, na nag-iiwan ng tipan para sa atin (9:16-17). Pagkatapos Niyang lumisan tungo sa langit, ang tipan ay kaagad na naging isang testamento, isang huling habilin. Ang salitang testamento ay isang matandang katawagan para sa modernong katawagang huling habilin. Ginawang-ganap ni Kristo ang isang tipan at ipinamana Niya sa atin ito bilang isang huling habilin, ang huling habilin ng ating minamahal na Isa na namatay para sa atin. 8. Nagbata ng Kamatayan para sa Lahat ng Bagay Sa krus, nagbata si Kristo ng kamatayan para sa lahat ng bagay (2:9). Hindi tayo dapat magbigay-pansin sa kasalanan lamang, sapagka’t dahil sa pagkatisod ni Adam, lahat ng bagay ng lumang paglikha ay walang kaayusan. Lahat ng mga bagay ay mali. Kaya, si Kristo ay nagbata ng kamatayan hindi lamang para sa atin bagkus para rin sa lahat ng bagay. Sinasabi sa Colosas 1:20 na sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, ipinagkasundo ni Kristo ang lahat ng bagay sa Diyos. Sapamamagitan ng kamatayan ni Kristo, lahat ng bagay ay dapat na nasa wastong kaayusan nito. Kailangan nating maniwala rito. 9. Nalipol ang Diyablo sa Krus Nalipol ni Kristo ang Diyablo (2:14). Ang Diyablo, ang nangungunang tagagawa ng gulo sa sansinukob, ay nalipol sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo. Paminsan-minsan kailangan ninyong paalalahanan si Satanas tungkol dito, sinasabi sa Kanyang, “Satanas, bakit ka pumarito upang abalahin ako? Ikaw ay nalipol na sa krus. Sino ang nagbigay sa iyo ng pahintulot na pumarito? Inuutusan kitang umalis.” Kailangan nating maniwala na ang Diyablo, ang nangungunang tagagawa ng gulo, ay nalipol na. 10. Nagpalaya sa Atin Mula sa Pagkaalipin Napalaya tayo ni Kristo mula sa pagkaalipin sa ilalim ng takot sa kamatayan (2:15). Hindi na natin kailangan pang matakot sa kamatayan, sapagka’t ang sakit ng kamatayan ay napawalang-bisa. Naisagawa ito ni Kristo sa krus bago Siya nagtungo sa trono. Si Satanas ay nalipol, ang kamatayan ay napawalang-bisa (2 Tim. 1:10), at tayo ay napalaya.
Sa kahuli-hulihan, pagkatapos tapusin ang lahat ng bagay, inihanda ni Kristo ang daan ng krus. Ngayon mayroon tayong isang haywey, (highway), isang malayang-daanan, (free way), na direktang patungo sa trono mula rito. Isang tuwid at pantay na haywey ang inihanda mula sa krus sa lupa tungo sa trono sa langit. Walang mga lubak o mga kurba sa haywey na ito. Ang daan mula sa krus patungo sa trono ay isang hayway, hindi isang baku-bakong daan. Kung sinasabi ninyong ang daan ay baku-bako, ito ay nangangahulugang wala kayong mapa ng aklat ng Hebreo. Taglay ninyo ang maling mapa. Ang mapa ninyo ay napakaluma, at kailangan ninyong bitiwan ito. Ayon sa bagong mapa, ang daan mula sa krus patungo sa trono ay isang haywey na inihanda sa pamamagitan ng nagdurusang Hesus at naluwalhating Kristo. Ngayon hindi natin nakikita si Kristong nagdurusa sa krus; nakikita natin Siyang naluwalhati sa trono. Nang si Esteban ay binabato upang mamatay, sa isang pakahulugan, siya ay nasa baku-bakong daan ng krus. Subali’t, sa ibang pakahulugan, siya ay nasa isang haywey. Nakita niya si Hesus na nakatayo sa kanan ng Diyos sa kaluwalhatian at ang kanyang mukha ay nagliliwanag katulad ng sa isang anghel (Gawa 7:55-56; 6:15). Si Esteban ay nasa haywey patungo sa trono. B. Ang Bahagi sa Langit 1. Nagbukas ng isang Daang Bago at Buhay tungo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan Ngayon dumako tayo sa bahagi ng ministeryo ni Kristo sa langit. Sa lupa, inihanda ni Kristo ang daan ng krus, at sa langit binuksan Niya ang isang daang bago at buháy tungo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan (10:19-20). Naghanda Siya ng haywey at nagbukas ng bagong daan tungo sa Dakong Kabanal-banalan. 2. Nilinis ang mga Kalangitan Nilinis ni Kristo ang mga kalangitan at ang mga bagay sa mga kalangitan sa pamamagitan ng Kanyang dugo. Bagamát maaaring hindi natin nakita ito, ito ay binanggit sa Banal na Salita. Hindi lamang tayo ang nangangailangan ng paglilinis sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, bagkus ang mga kalangitan at ang mga bagay sa mga kalangitan ay nangangailangan din nito, katulad ng tabernakulo at ng lahat ng mga bagay na patungkol dito ay winisikan at nilinis ng dugo ng hain. 3. Nagpatibay ng Bagong Tipan Sa pamamagitan ng pag-akyat sa mga kalangitan, si Kristo ay nagpatibay ng Bagong Tipan at nakasumpong ng walang hanggang katubusan (9:12). Pinagtibay ng Kanyang pag-akyat sa mga kalangitan ang bagong tipang nilubos Niya sa lupa. Doon, sa mga kalangitan, nakasumpong Siya ng walang hanggang katubusan para sa atin. 4. Nagkakamit ng isang Lalong Ekselenteng Ministeryo Si Kristo ay nakakamit ng isang lalong ekselenteng ministeryo (8:6). Ang ministeryo Niya sa trono ngayon ay lalong ekselente kaysa yaong sa mga Lumang Tipang saserdote sa tabernakulo. Ito ang Kanyang ministeryo sa Dakong Kabanal-banalan.
Bilang ang Tagapanagot at Tagapamagitan ng bagong tipan, si Kristo ang nagpapatupad ng tipan (7:22; 8:6; 9:15). Sa Griyego ang salitang tagapanagot ay kapwa nangangahulugang isang tagapaggarantiya at isang taong natatakdaan ng kontrata o tagapanagot. Si Kristo ang Tagapanagot ng bagong tipan, ang Isang nagpapatupad nito. 6. Bilang ang Tagaganap ng Bagong Testamento, Bilang ang Tagaganap ng Bagong Testamento, ginanap ni Kristo ang testamento (9:16-17). Si Kristo ang Tagapanagot ng tipan at Tagaganap ng testamento. Para sa huling habilin, kailangan ng isang tagaganap, isang gaganap nito. Sa Kanyang pag-akyat sa kalangitan, si Kristo ang Tagaganap ng tipan na ipinamana sa atin. 7. Bilang ang Mataas na Saserdote, Namamagitan
para sa Atin Si Kristo ang Mataas na Saserdote na namamagitan para sa atin at nagliligtas sa atin sa sukdulan (7:25-26). Ito ay hindi ayon sa orden ni Aaron sa lupa kundi ayon sa orden ni Melquisedec sa langit. 8. Bilang ang Makalangit na Ministro, Bilang ang makalangit na Ministro, si Kristo ay naghahain ng langit, buhay, at kapangyarihan tungo sa loob natin (8:2) upang makapamuhay tayo ng isang makalangit na buhay sa lupa. Ito ay hindi lamang ang iligtas tayo mula sa mga negatibong bagay bagkus ay upang ang tustusan din tayo ng makalangit na panustos ng dibinong buhay. 9. Bilang ang Nagpapabanal, Nagpapaging-banal
sa Atin Si Kristo rin ang nagpapabanal na nagpapaging-banal sa atin sa pamamagitan ng Kanyang banal na kalikasan at buhay (2:11). Pinapaging-banal Niya tayo ng Kanyang dugo sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog sa krus. Yaon ang obhektibo at pamposisyong pagpapaging-banal na isinagawa Niya para sa atin sa lupa. Ngayon pinapaging-banal Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang banal na kalikasan at buhay. Ito ang subhektibo at pandisposisyong pagpapaging-banal na isinasagawa Niya para sa atin sa kalangitan. 10. Bilang ang Tagapagpasakdal ng Pananampalataya,
Nagpapasakdal sa Atin Si Kristo ang Tagapagpasakdal ng pananampalataya (12:2). Bilang gayong isang Tagapagpasakdal, pinasasakdal Niya tayo sa loob ng pananampalataya para sa ating pang-araw-araw na buhay. Bilang ang Maykatha, ang Tagapanimula, ng ating pananampalataya, pinasimulan Niya ang pananampalataya rito sa lupa. Ngayon ay pinasasakdal Niya ang pananampalataya sa kalangitan para sa atin upang tayo ay makapamuhay at makalakad sa pamamagitan ng Kanyang pananampalataya. 11. Bilang ang Pinuno ng Ating Kaligtasan Si Kristo rin ang Pinuno ng ating kaligtasan na nagdadala sa atin tungo sa kaluwalhatian (2:10). Lahat ng ginagawa Niya sa langit ngayon ay upang dalhin tayo tungo sa Kanyang kaluwalhatian para sa ganap na kahayagan ng Diyos. Ito ang sukdulang gol ng walang hanggang plano ng Diyos. Lahat ng labing-isang aytem na ito ay ang lalong ekselenteng
ministeryo ni Kristo sa kalangitan ngayon.
|