|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE TATLUMPU’T DALAWA ISANG MAHARLIKANG MATAAS NA SASERDOTE,
Sa nakaraang mensahe, sinabi natin na ang ating Kristo ay subhektibong obhektibo (subjectively objective). Ano ang ibig sabihin nito? Ito ay isang bagay na lubhang kapanapanabik. Isang gabi, noong 1968, isang kapatid-na-lalake ang nagsabi sa akin, “Kapatid Lee, sa buong Estados Unidos., ang mga mangangaral, mga pastor, at mga ministro ay kung ilang taon nang nagsasabi sa mga tao na tumingin sa Panginoon na nasa langit. Subali’t mula nang dumating ka sa bansang ito ay sinasabi mo sa mga tao na bumaling sa kanilang espiritu upang makaugnay ang Panginoon. Ito ay lubusang kakaiba. Tila ba may dalawang direksiyon.” Oo, walang alinlangan, mayroon nitong dalawang direksiyon. Katulad ng tinukoy natin sa nakaraang mensahe, ang Panginoon ngayon ay wala na rito sa lupa kundi nasa trono sa langit. Walang alinlangan tungkol dito. Subali’t kung ang Panginoon ay nasa trono lamang sa langit, paano Siya matataglay ng mga tao sa lupa bilang kanilang buhay? Kung Siya ay nasa langit lamang, magiging napakalayo naman Niya sa atin upang maging buhay natin Siya at pang-araw-araw na panustos ng buhay natin. Paano ang Panginoon, na sa katunayan ay obhektibo, ay magiging subhektibo sa atin sa ating pang-araw-araw na buhay? Ito ang suliranin. Ang lihim sa kasagutan sa tanong na ito ay nasa aklat ng Hebreo. Ang lihim na ito sa aklat ng Hebreo ay nasa 4:12, na nagsasalita ng tungkol sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu. Sa wari ay biglang ipinapasok ng sumulat ang puntong ito nang walang malinaw na kadahilanan. Ang kapitulo apat ay tumatalakay sa Sabbath na kapahingahan. Kung magsasalita ayon sa doktrina, sa wari ay walang kaugnayan ang Sabbath na kapahingahan sa ating pantaong espiritu. Ang Sabbath na kapahingahan ay ang Sabbath na kapahingahan, at ang ating pantaong espiritu ay ang ating pantaong espiritu. Ang dalawang bagay na ito ay tila magkalayo sa isa’t isa. Subali’t ang 4:14 ay nagpapatuloy sa pagsasabing mayroon tayong “isang dakilang Mataas na Saserdote na dumaan sa mga kalangitan, si Hesus na Anak ng Diyos,” at ang bersikulo 16 ay nagsasabi sa atin na “magsilapit nang may kalakasang-loob sa trono ng biyaya.” Ang isang dakilang Mataas na Saserdote ay nasa trono sa langit. Paano natin Siya mahihipo? Paano natin Siya mararanasan? Sinasabi sa atin ng sumulat ng Hebreo na “magsilapit.” Kailangan kong magsabi ng isang salita tungkol sa pariralang ito. Ginamit ito nang maraming beses sa Hebreo: “magsilapit sa trono ng biyaya” (4:16); “magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan” (10:22); “nagsisilapit sa Diyos” (7:25; 11:6). Kailangan nating magsilapit sa tatlong bagay: sa Dakong Kabanal-banalan, sa trono ng biyaya, at sa Diyos Mismo. Huwag umurong pabalik—sa halip ay magsilapit. Sa Griyego, ang salitang magsilapit (come forward) ay isang salita lamang. Karamihan sa mga bersiyon ay isinasalin itong magsadya (approach), dumulog (draw near), o lumapit (come near). Gayunpaman, ayon sa pinakamahusay na Griyegong “lexicon,” ang pangunahing kahulugan ng salitang ito ay ang magsilapit. Kailangan nating unawain ang pumapaligid-na-pangyayari ng aklat ng Hebreo. Gaya ng malinaw na atin ng nakita, ang mga tumatanggap ng aklat na ito, ang mga Hebreong mananampalataya, ay nasa panganib ng pag-urong pabalik. Sila ay nag-aatubili at nag-aalinlangan at ang aklat ng Hebreo ay isinulat upang hikayatin silang magsilapit. Hindi sila sinabihan ng sumulat na magsidulog subali’t magsilapit. Nangangahulugan ito na ang sumulat ay nasa isang partikular na dako at nais niyang ang kanyang mga mambabasa ay magsilapit sa dakong kinaroroonan niya. Kaya sinabihan niya silang magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan, sa trono ng biyaya, at sa Diyos. Nasaan ang Diyos? Siya ay nasa trono ng biyaya. Nasaan ang trono ng biyaya? Ito ay nasa Dakong Kabanal-banalan. Nang panahong isinulat ang aklat na ito, ang sumulat ay naroroon sa Dakong Kabanal-banalan, na tinatawag ang mga Hebreong kapatid na magsilapit. Sa puntong ito mayroong tayong isang suliranin. Nasaan ang Dakong Kabanal-banalan at ang trono ng biyaya? Ayon sa ating karanasan, masasabi nating ang mga ito ay nakaugpong sa ating espiritu. Kung ang mga ito, ang Dakong Kabanal-banalan at ang trono ng biyaya ay nakaugpong sa ating espiritu, kung gayon, walang alinlangan na ang Diyos ay maaaring nasa ating espiritu, sapagka’t ang Diyos ay nasa trono ng biyaya. Hanggang ang Dakong Kabanal-banalan at trono ng biyaya ay nakaugpong sa ating espiritu, ang Diyos ay nasa ating espiritu. Kung tatanungin ninyo ang maraming Kristiyano kung nasaan ang Dakong Kabanal-banalan at ang trono ng biyaya, sasabihin nilang ang mga ito ay nasa langit. May isang matibay na batayan sa Bibliya sa pagsasabi nito. Kung magsasalita tayo ayon sa doktrina, ang sabihin ito ay lubusang tama. Gayunpaman, kailangan nating itanong ang katanungang ito: Kung ang trono ng biyaya ay nasa langit at tayo ay nasa lupa, paano tayo makalalapit dito? Para sa ating mga nasa lupa ngayon, mayroon bang paraan upang mahipo ang trono ng biyaya sa langit? Ayon sa kanilang teolohiya, maraming Kristiyano ang walang paraang mahipo ang trono ng biyaya ngayon. Ang trono ng biyaya ay napakalayo sa kanila. Ang Dakong Kabanal-banalan sa langit ay napakalayo rin. Oo, kung magsasalita ayon sa doktrina, walang alinlangan na ang Dakong Kabanal-banalan at ang trono ng biyaya ay nasa langit. Yamang tayong lahat ay nasa lupa, paano natin mapapasok ang Dakong Kabanal-banalan at mahihipo ang trono ng biyaya ngayon? At ngayon si Kristo ay nasa trono rin sa kalangitan sa pang-obhektibo. Paano itong obhektibong Kristo ay magiging ating subhektibong karanasan? Ayon sa mga obhektibong pagtuturo, walang paraan. Ang Bibliya ay nagsasalita ng tungkol sa isang dako na tinatawag na Bethel, ang tahanan ng Diyos (Gen. 28:19). Sa dakong ito ay may hagdan na nag-ugnay sa lupa at langit (Gen 28:12), at sa hagdang ito ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog. Ipinakikita nito na inuugnay ng hagdan ang lupa sa langit at ang langit sa lupa. Sa pagitan ng lupa at langit ay may napakaraming pagpaparoon at pagpaparito (a great deal of traffic), katulad ng ipinakikita ng pagmamanhik-manaog ng mga anghel. Ang daloy ng trapiko na ito ay hindi masusumpungan saanmang dako sa lupa maliban sa isang espesyal na dako—Bethel, ang tahanan ng Diyos. Maari nating gamitin ang elektrisidad bilang isang paglalarawan ng daloy ng trapiko sa pagitan ng lupa at langit. Ang isang planta ng koryente ay maaaring malayo mula sa inyong tahahan, subali’t sa pagitan ng inyong tahanan at ng planta ng koryente ay may isang daloy ng trapiko ng elektrisidad. Dinadala ng mga kawad ang elektrisidad buhat sa planta ng koryente patungo sa inyong tahanan. Gayundin naman, mayroong daloy ng trapiko sa pagitan ng lupa at langit. Si Kristo ang hagdan na nagsanhi ng daloy ng trapikong ito. Sa ibabaw ng hagdang ito ay may labis na pagmamanhik-manaog, labis na paglisan at pagdating. Ang hagdang ito ay nasa tahanan ng Diyos. Gayunpaman, lahat ng ito ay pawang doktrina pa lamang. Nasaan ang tahanan ng Diyos sa lupa ngayon? Pagkatapos pag-aralan ang Bibliya sa loob ng maraming taon, nasumpungan ko sa katapus-tapusan na sa ngayon, ang Bethel, ang tahanan ng Diyos, ay nasa ating espiritu. Sinasabi sa Efeso 2:22 na tayo “ay itinatayo nang sama-sama upang maging isang tahanan ng Diyos sa espiritu.” Ang ekklesia ngayon ay ang tirahan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ito ay nasa ating espiritu. Kapag tayo, ang mga tao ng ekklesia, ay nagtitipon nang sama-sama sa loob ng ating espiritu, ang tahanan ng Diyos, ang Bethel, ay naririto. Kaagad-agad, ang mismong dakong yaon ay nag-uugnay sa langit, sapagka’t may isang hagdan na nag-uugnay sa lupa sa langit at nagdadala ng langit pababa sa lupa. Kusang-kusa, mayroong tayong daloy ng trapiko sa pagitan ng lupa at langit. Gayunpaman, sa tuwing tayo ay lumilisan sa ating espiritu at tumutungo sa ating kaisipan o mga damdamin, ang Bethel ay nawawala. Nasaan ang Bethel ngayon? Ito ay nasa ating espiritu. Ang Bethel, ang tahanan ng Diyos, ay nasa ating espiritu, ang ating espiritu ang mismong dako kung saan inuugnay tayo ni Kristo, ang makalangit na hagdan, na nag-uugnay sa langit at dinadala ang langit sa atin. Ayon sa pahayag na ito at ayon sa ating karanasan, masasabi natin nang may katapangan na ang Dakong Kabanal-banalan at ang trono ng biyaya ay nakaugnay sa ating espiritu. Ito ang dahilan kung bakit sinabihan tayo ng sumulat ng Hebreo sa 4:12 na unang-una, dapat nating maranasan ang paghihiwalay ng ating espiritu mula sa ating kaluluwa at yaong, kasunod nito, makalalapit tayo sa Dakong Kabanal-banalan, sa trono ng biyaya, at sa mismong Diyos na nasa trono ng biyaya sa Dakong Kabanal-banalan. Ang lihim ng karanasang ito ay ang paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu. Si Kristo ba ay obhektibo sa atin? Oo, sa katunayan, Siya ay obhektibo. Gayunpaman, Siya ay subhektibong obhektibo sa atin. Subali’t hindi natin kailangan pumunta sa langit upang maranasan Siya. Habang tayo ay nasa lupa ngayon, maaaring maranasan natin sa ating espiritu ang Kristong nasa langit. Si Kristo ay obhektibo, subali’t ang ating nararanasang Kristo ay subhektibo. Mayroon tayong subhektibong karanasan ng obhektibong Kristo. Paano mailalalin ang obhektibong Kristo sa ating subhektibong karanasanan? Sa pamamagitan ng makalangit na hagdan na nag-uugnay sa atin sa langit at nagdadala ng langit sa atin. Paano bang ang obhektibong elektrisidad na nasa malayong planta ng kuryente ay magagamit nang subhektibo sa ating mga tahanan? Sa pamamagitan ng mga kawad na nagdadala ng kuryente mula sa planta ng koryente patungo sa ating mga tahanan. Sa katunayan, ang elektrisidad ay obhektibong nasa planta ng kuryente, subali’t sa paggamit, ito ay subhektibong nasa ating mga tahanan. Sa gayong paraan, mararanasan natin nang subhektibo ang obhektibong Kristo. Habang tayo ay nasa lupa, mararanasan natin ang Kristong nasa langit. Ito ay kamangha-mangha. Araw-araw, nararanasan ko ang mismong Kristo na nasa langit. Bagama’t Siya ay obhektibo, sa aking karanasan Siya ay subhektibo. Nasaan si Kristo ngayon? Ang katanungang ito ay hindi masasagot sa isang simpleng paraan. Dapat nating sabihin na, sa katunayan, si Kristo ay obhektibong nasa kalangitan, subali’t, sa ating karanasan, Siya ay subhektibong nasa ating espiritu. Sa ganitong paraan, ang obhektibong Kristong nasa langit ay nagiging ating subhektibong karanasan sa ating espiritu. Sa nakaraang mensahe nakita natin na kailangan nating mapasa ikalawang palapag ng pagdaranas kay Kristo. Nasaan ang ikalawang palapag? Ito ay nakaugpong sa ating espiritu. Dahil ang ikalawang palapag na ito ay nakaugpong sa ating espiritu dapat tayong bumaling sa ating espiritu upang maranasan ang mismong Kristo na nasa langit. I. ISANG MAHARLIKANG MATAAS NA SASERDOTE Ang Kristong nasa langit na mararanasan natin nang subhektibo sa loob ng ating espiritu ay pangunahing ang Mataas na Saserdote. Ang aklat ng Hebreo ay nakatuon sa makalangit na Kristo, at ang pangunahing punto ukol sa makalangit na Kristong ito ay yaong Siya ang Mataas na Saserdote. Ang pangunahing punto rito ay hindi yaong si Kristo ang Tagapagligtas o Manunubos kundi yaong Siya, bilang ang makalangit na Kristo, ay ang Mataas na Saserdote. Ito ang dahilan kung bakit ang aklat ng Hebreo ay pangunahing tungkol sa pagkasaserdote ni Kristo. Pakitandaan ang mga sumusunod na pahayag: ang tuon ng Hebreo ay ang makalangit na Kristo, ang pangunahing punto ng makalangit na Kristo ay yaong Siya ang Mataas na Saserdote, at ang Hebreo ay pangunahing tungkol sa pagkasaserdote ni Kristo. Sa gitna ng karamihan sa mga Kristiyano, ang pagkasaserdote ni Kristo ay masyadong napababa. Sa tuwing ang karamihan sa mga Kristiyano ay nagsasalita tungkol kay Kristo bilang ating Mataas na Saserdote, humahawak pa rin sila sa konseptong Siya ang Mataas na Saserdoteng naghahandog ng mga hain sa Diyos para sa ating mga kasalanan. Mangyari pa, tama ito. Subali’t ito ay nasa negatibong panig. Si Kristo bilang ang Mataas na Saserdoteng naghahandog ng mga hain sa Diyos para sa ating mga kasalanan ay isinasagisag ni Aaron. Yaon ay noong nakalipas. Ngayon, si Kristo ay hindi na naghahandog ng mga hain para sa ating mga kasalanan kundi naghahain ng Diyos sa atin bilang ating panustos. Noong nakalipas, si Kristo ay naghandog ng mga hain sa Diyos para sa ating mga kasalanan katulad ng isinasagisag ni Aaron. Ngayon Siya ay naghahain ng Diyos sa atin bilang ating panustos ayon sa orden ni Melquisedec. Ito ay pinatutunayan ng pagtungo ni Melquisedec kay Abraham (Gen. 14:18-22). Ang unang pagbanggit ng salitang saserdote sa Bibliya ay kay Melquisedec. Si Melquisedec ay saserdote ng Kataas-taasang Diyos. Bilang ang saserdote ng Kataas-taasang Diyos, si Melquisedec ay hindi naghandog ng mga hain sa Diyos para sa kasalanan ni Abraham; siya ay naghain ng tinapay at alak sa kanya. Katulad ng ipinakikita ng mga sagisag ng hapag ng Panginoon sa Bibliya, ang tinapay at alak ay sumasagisag sa naprosesong Diyos bilang ating panustos. Ang ating Mataas na Saserdote, si Kristo, ay hindi ayon sa orden ni Aaron na naghahandog ng mga hain sa Diyos; Siya ay ayon sa orden ni Melquisedec na naghahain ng Diyos na dumaan-sa-maraming-hakbangin sa atin. Sino tayo? Hindi na tayo mga dukhang makasalanan kundi matatagumpay na mandirigma. Nang si Melquisedec ay nagtungo kay Abraham, si Abraham ay hindi isang kaawa-awang makasalanan, na nagsusumamong, “O, saserdoteng Melquisedec, maawa ka sa akin. Tingnan mo kung gaano ako kamakasalanan. Kailangan mong pangalagaan ang aking mga kasalanan. Ang situwasyon ko ay napakadukha. Kailangan mong dalhin ang lahat ng mga handog sa Diyos para sa akin.” Si Abraham ay wala sa gayong situwasyon. Nang dumating si Melquisedec sa kanya, si Abraham ang matagumpay, ang mandirigma, ang manlilipol. Kalilipol lamang ni Abraham kay Chedorlaomer at ng ibang mga hari (Gen. 14:17). Si Abraham ay isang matagumpay na mandirigma na maraming samsam. Ano kayo—mga dukhang makasalanan o matatagumpay na mandirigma? Nagagalak akong sabihin na sa buhay-ekklesia hindi tayo mga kaawa-awang makasalanan kundi matatagumpay na mandirigma. Wala na tayo kay Aaron sa aklat ng Levitico; tayo ay na kay Melquisedec na sa Genesis 14. Hindi na natin taglay si Aaron, sapagka’t si Aaron ay nakaraan na. Tayo ngayon ay na kay Melquisedec. Ang ating Kristo ngayon ay lubhang nakahihigit kay Aaron. Sa aklat ng Levitico kailangan nating purihin si Aaron, subali’t kapag dumako na tayo sa Hebreo, dapat nating sabihin na si Aaron ay nakaraan na. Sa aklat ng Hebreo, si Melquisedec ang ating Mataas na Saserdote. Ayaw nating manatili sa Levitico kundi bumalik sa simula sa Genesis. Ito ay isang tunay na pagbabawi. Bumalik tayo sa Genesis 14 kung saan nakikita natin na ang saserdote ay hindi naghahandog ng mga hain para sa mga kaawa-awang makasalanan kundi naghahain ng tinapay at alak sa mga maluwalhatiang nagtagumpay. Gaano tayo magiging kasaya, kung bago tayo matulog sa gabi, si Melquisedec ay darating upang maghain sa atin ng tinapay at ng alak sapagka’t sa buong maghapon, nakalipol tayo ng maraming Chedorlaomer. Kailangan nating lumipol ng ilang Chedorlaomer sa buong maghapon. Kailangang lipulin ang Hudaismo, Katolisismo, Protestantismo, at napakaraming negatibong bagay. Kung lumilipol tayo ng maraming kaaway sa araw, sa gabi magkakaroon tayo ng mga samsam. Pagkatapos ang ating Melquisedec ay darating at magsasabing, “Napagod ka ba pagkatapos ng iyong pananagumpay? Narito ang tinapay at alak, ang Diyos na dumaan-sa-maraming-hakbangin para sa iyong pagtatamasa.” Ito ang ministeryo ng saserdote ng Kataas-taasang Diyos na dumarating hindi upang maghandog ng mga handog sa kasalanan para sa mga kaawang-awang makasalanan kundi upang maghain ng Diyos sa mga matagumpay na mandirigma. Sabihin ninyo sa akin ang totoo, nakita na ba ninyo nang una na mayroong tayong gayong Mataas na Saserdote? Hindi ko kailanman nakita ito nang ako ay nasa relihiyon. A. Ang Hari ng Katuwiran Ang Mataas na Saserdoteng ito ay mula sa ibang orden, hindi mula sa orden ni Aaron kundi mula sa orden ni Melquisedec. Si Melquisedec ay isang hari, at ang kanyang pangalan ay nangangahulugang ang hari ng katuwiran. Sa Isaias 32:1 nakikita natin na ang titulong hari ng katuwiran ay tumutukoy din sa Panginoong Hesus. Si Kristo ang Hari ng katuwiran, ang Melquisedec ngayon. Bilang Hari ng katuwiran, ginawa ni Kristo ang lahat ng bagay na wasto sa Diyos at sa bawa’t isa. Ipinagkasundo Niya ang tao sa Diyos at pinaglubag-ang-loob ng Diyos para sa atin. Ang katuwiran ay humahantong sa kapayapaan (Isa. 32:17). Sa pamamagitan ng Kanyang katuwiran naibunga ni Kristo ang bunga ng kapayapaan. B. Ang Hari ng Kapayapaan Si Melquisedec din ang hari ng Salem, na nangangahulugang ang hari ng kapayapaan, sumasagisag na si Kristo ay Hari rin ng kapayapaan (Isa. 9:6). Bilang ang Hari ng kapayapaan sa pamamagitan ng katuwiran, si Kristo ay nagdala ng kapayapaan sa pagitan natin at ng Diyos. Sa loob ng kapayapaan, isinasakatuparan Niya ang ministeryo ng Kanyang pagkasaserdote, inihahain ang Diyos sa atin para sa ating katamasahan. C. Mula sa isang Maharlikang Lipi Si Aaron ni ang Kanyang mga inapo ay hindi kailanman naging isang hari. Sila ay mga saserdote lamang. Hindi sila mula sa maharlikang lipi kundi mula sa lipi ng saserdote. Ang maharlikang lipi ay ang lipi ng Juda, at ang lipi ng mga saserdote ay ang lipi ng Levi. Si Kristo ay nagmula sa lipi ng Juda (7:13-14). Kaya hindi natin Siya dapat ihanay kay Aaron, sapagka’t hindi Siya kabilang sa lipi ni Aaron. Si Kristo ay isang maharlikang Saserdote. D. Pinagsasama ang Pagkahari Si Kristo ay ang Mataas na Saserdote, subali’t ang Kanyang katayuan ay yaong sa isang hari. Habang isinasagawa Niya ang Kanyang katungkulan bilang isang Saserdote, Siya ay isang Hari. Siya ang Hari upang maging Saserdote; kaya ang Kanyang pagkasaserdote ay makahari, maharlika (1 Ped. 2:9). Pinagsasama Niya ang pagkahari at ang pagkasaserdote (Zac. 6:13) para sa pagtatayo ng Diyos at para sa Kanyang kaluwalhatian. Ang pagkahari ni Kristo ay nagpapanatili ng isang mapayapang kaayusan sa pamamagitan ng katuwiran. Ang mapayapang kaayusan ay mahalaga para sa pagtatayo ng Diyos. Ang pagtatayo ng tahahan ng Diyos ay nasa isang situwasyon ng kapayapaan. Inihahain ng pagkasaserdote ni Kristo ang lahat ng panustos na kailangan para sa pagtatayo ng Diyos. Sa pamamagitan nito ang Kanyang kaluwalhatian ay nahahayag. Ang isang saserdote na naghahandog ng mga hain para sa mga kawawang makasalanan ay hindi kinakailangang maging isang hari. Upang magkaroon ng gayong isang saserdote, hindi ninyo kailangan ang isang hari ng katuwiran o isang hari ng kapayapaan. Subali’t, upang makapaghain ang Mataas na Saserdote ng naprosesong Diyos sa isang matagumpay na mandirigma, dapat Siya ay kapwa Hari ng katuwiran at Hari ng kapayapaan. Naniniwala ba kayo na bago dumating si Melquisedec kay Abraham at naghain ng naprosesong Diyos sa kanya, ang Diyos ay hindi dumating kay Abraham? Nasabi ko na sa gabi kailangan ninyong gumugol ng ilang panahong kasama ni Melquisedec. Subali’t hindi ito nangangahulugan na sa umaga at hapon ang Diyos ay hindi dumarating sa inyo. Sinasabi sa Genesis 14:20 na, “At purihin ang kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” Huwag isiping nalipol ni Abraham si Chedorlaomer at ang ibang mga hari nang nag-iisa. Hindi niya ito nagawa nang nag-iisa. Ayon sa Genesis 14:22, bago humayo si Abraham upang makipagbaka sa labanan, itinaas niya ang kanyang kamay sa Kataas-taasang Diyos. Nangangahulugan ito na bago siya nakipagbaka sa mga kaaway ay kinaugnay niya ang Diyos. Kaya hindi si Abraham ang lumipol sa mga kaaway kundi ang Diyos. Nang itinaas ni Abraham ang Kanyang kamay sa Diyos, ang situwasyon ay walang katuwiran at kapayapaan. Walang katuwiran sapagka’t si Lot at ang lahat ng pag-aari niya ay nabihag ng mga kaaway. Walang kapayapaan sapagka’t ang mga kaaway ay hindi nagagapi. Subali’t habang si Abraham ay humahayo upang makipagbaka sa labanan, nagtiwala siya sa Diyos. Pagkatapos lipulin ni Abraham ang mga kaaway at dumating si Melquisedec upang salubungin siya, nagkaroon ng katuwiran at kapayapaan. Sino ang nagdala nitong katuwiran at kapayapaan? Si Melquisedec, ang saserdote ng Kataas-taasang Diyos. Habang nililipol ni Abraham si Chedorlaomer at ang ibang mga hari, maaaring nanalangin si Melquiesedec. Maaaring sa pamamagitan niya ay nadala ang katuwiran at kapayapaan. Naniniwala ba kayong habang nakikipagbaka si Abraham, si Melquisedec ay natutulog? Naniniwala ba kayong pagkatapos makamit ni Abraham ang tagumpay, bigla na lamang nagising si Melquisedec at dumating na nagmamadali upang maghain ng tinapay at alak kay Abraham? Hindi ako naniniwala rito. Naniniwala ako na habang nakikipagbaka si Abraham sa mga kaaway, si Melquisedec ay nananalangin para sa kanya. Sinagot ng kataas-taasang Diyos ang mga panalangin ni Melquisedec at ibinigay ang mga kaaway ni Abraham sa kanyang mga kamay. Pagkatapos ng pamamagitang ito at ng pananagumpay ni Abraham, si Melquisedec ay nagpakita. Marahil sinabi niyang, “Abraham, kumusta ka na? Alam kong nasa mabuti kang kalagayan sapagka’t nananalangin ako para sa iyo. Napagod ka ba? Dumating ako upang maghain ng tinapay at alak sa iyo.” Kung babasahin ninyong muli ang Hebreo 7, makikita ninyo na ang Kristong naghahain bilang ang Mataas na Saserdote ay ang namamagitang Isa (interceding One). Habang nakikipagbaka kayo sa araw, nanlilipol ng mga negatibong bagay, si Kristo, ang Mataas na Saserdote, ay namamagitan para sa inyo. Ito ay malinaw na binanggit sa 7:25. Sa pagtatapos ng araw, kapag natapos na ninyo, ang inyong pakikipagbaka at natapos na Niya ang Kanyang pamamagitan, darating Siya sa inyo na may tinapay at alak upang makipagsaya sa inyo. Ito ang ating Mataas na Saserdote. Habang nakikipagbaka ang mananagumpay, si Melquisedec ay nagmamasid at namamagitan. Nakita niya ang pananagumpay ni Abraham at alam niya kung kailan pupunta na may tinapay at alak. Hindi na kinakailangang sabihin sa atin ng Bibliya ang ilang bagay sapagka’t kapag nakita na ninyo ang harapan, tiyak na alam na ninyo ang likuran. Kapag nakita ninyo ang harapan ng aking mukha, may alam na kayo hinggil sa likuran ng aking ulo. Marahil ang naghahain na Melquisedec ay ang namamagitang mataas na saserdote rin. Ito ang uri ng Mataas na Saserdoteng taglay natin ngayon kay Kristo. Ang ating Mataas na Saserdote, si Kristo, ay hindi ayon sa orden ni Aaron kundi ayon sa orden ni Melquisedec. Si Aaron ay nakaraan na. Nalulungkot akong sabihin na maraming Kristiyano pa rin ang tumatangan sa nakaraang Aaron. Subali’t gaano karaming Kristiyano ang may pang-kasalukuyang Melquisedec. Kakaunti lamang. Kailangan nating maokupahan kasama ng pang-kasalukuyang Melquisedec. Si Melquisedec ay hindi isang Mataas na Saserdote para sa layunin ng paghahandog ng mga hain sa Diyos para sa ating mga kasalanan kundi para sa paghahain ng naprosesong Diyos bilang biyaya tungo sa loob natin. Ngayon ang kasalanan ay tapos na at ang biyaya ay naririto. Ang kasalanan ay nawala na at ang pagtatamasa ng Diyos ay dumating. Hindi na ito isang bagay ng paghahandog ng mga hain para sa kasalanan kundi ng paghahain ng tinapay at alak para sa ating pagtatamasa. Ito ang pagkasaserdote sa aklat ng Hebreo. Habang napakaraming Kristiyano ang nanatili pa rin kay Aaron, kailangan tayong mabawi pabalik sa Genesis 14. Ang Hebreo ay isang pagpapatuloy ng Genesis14. Sa pagitan ng dalawang aklat na ito ay may isang tulay—ang Awit 110. Ang Awit 110 ay tulay na nagdadala sa atin mula sa Genesis 14 hanggang sa aklat ng Hebreo, nilalampasan ang aklat ng Levitico. Ang aklat ng Hebreo, na tungkol sa makalangit na Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ay maraming ulit na sumasangguni sa Awit na ito. Bago ihain ng ating Melquisedec ang naprosesong Diyos sa atin, siya ay namamagitan para sa atin, nananalangin na kunin natin ang ating tabak at lipulin ang mga kaaway. Dapat nating lipulin ang sarili, ang natural na kaisipan, ang marahas na damdamin, ang matigas na pagpapasiya at ang iba pang mga kaaway. Habang nililipol natin ang mga kaaway, Siya ay namamagitan para sa atin. Pagkatapos ng ating paglipol, papalitan Niya ang Kanyang pamamagitan ng paghahain ng tinapay at alak. Ang wastong buhay-Kristiyano ay ang lipulin ang mga kaaway sa araw at ang tamasahin ang paghahain ng ating Melquisedec ng tinapay at alak sa gabi. Sa pagtatapos ng bawa’t araw, kapag naisagawa na ang paglipol at pamamagitan, Siya at tayo, tayo at Siya, ay magkakaroon ng masayang oras ng pagtatamasa ng tinapay at alak sa loob ng katuwiran at kapayapaan. Si Melquisedec ang hari ng katuwiran at ang hari ng kapayapaan. Pagkatapos niyang dumating, nagkaroon ng katuwiran at kapayapaan. Sa gayong isang kapaligiran at kundisyon ng katuwiran at kapayapaan naghain si Melquisedec ng tinapay at alak sa mananagumpay. Gayundin sa ngayon. Kailangan nating makipagbaka para sa katuwiran, at ang katuwiran ay hahantong sa kapayapaan. Sa katapus-tapusan, ang ating kapaligiran at kondisyon ay mapupuno ng katuwiran at kapayapaan, at ang ating Melquisedec ay magpapakita upang magkaroon ng isang masayang oras kasama natin. Ito ang ministeryo ng ating maharlikang Mataas na Saserdote. II. WALANG HANGGAN (PERPETUAL) Ang ating maharlikang Mataas na Saserdote ay walang hanggan, magpakailanman, walang simula o katapusan. Sinasabi ng Hebreo 7:3 tungkol kay Melquisedec “na walang ama, walang ina, walang talaangkanan, at walang simula ng mga araw ni katapusan man ng buhay, datapuwa’t ginawang katulad ng Anak ng Diyos, ay nanatiling saserdote magpakailanman.” Ayon sa Genesis 14, si Melquisedec ay bigla na lamang nagpakita at pagkatapos ay nawala. Sa wari ay wala siyang pagdating o paglisan, walang simula ng mga araw ni katapusan man ng buhay. Sapagka’t ang ating Melquisedec ay walang hanggan, wala Siyang talaangkanan. Ang lahat ng mahahalagang tao sa Genesis ay may talaangkanan, subali’t si Melquisedec ay wala. Sa dibinong pagsulat, makapangyarihang hindi nagbigay ang Espiritu Santo ng tala ng simula ng mga araw o ng katapusan ng kanyang buhay upang siya ay maging isang wastong sagisag ni Kristo bilang ang walang hanggang Isa upang maging ating Mataas na Saserdote magpakailanman. Ito ay katulad ng paglalahad sa Ebanghelyo ni Juan tungkol sa Anak ng Diyos, na bilang walang hanggan, ay walang talaangkanan (Juan 1:1). Subali’t bilang ang Anak ng Tao, si Kristo ay may talangkaanan (Mat. 1:1-17; Lucas 3:23-38). Ito ay isang Kristo na makahari at maharlikang Mataas na Saserdote na naghahain sa atin ng naprosesong Diyos bilang ating pang-araw-araw na panustos. Siya ang walang hanggang Isa, ang palagiang Isa, ang magpakailanmang Isa, na walang simula ng mga araw ni katapusan ng buhay. Maaaring dumating Siya sa atin sa gabi at, habang nararanasan natin Siya, sa wari Siya ay mawawala. Hindi siya kailanman nagpapaalam sa atin, at hindi tayo kailanman nagpapaalam sa Kanya. Subali’t paggising natin kinaumagahan masusumpungan nating naroroon pa rin Siya. Sa Kanya ay walang pagdating o paglisan. Siya ay nananatiling Mataas na Saserdote magpakailanman. III. DAKILA A. Pinagbibigay ng Ikapu si Abraham Ang ating Mataas na Saserdote, si Kristo, ay dakila, higit na dakila kaysa kay Aaron at sa lahat ng mga saserdoteng Levitico. Siya ay higit ding dakila kaysa kay Abraham. Ito ang katibayang nagbigay si Abraham ng ikapu ng mga pinakamagagaling na samsam kay Melquisedec (7:4, 6; Gen. 14:20). Nang magbigay si Abraham ng ikapu kay Melquisedec, ang mga saserdoteng Levitico, bilang mga inapo ni Abraham na nasa kanyang balakang, ay nagbigay din ng ikapu sa kanya sa pamamagitan ni Abraham. Samakatuwid, lahat ng saserdoteng Levitico ay higit na nakabababa kay Melquisedec, at ang orden ni Aaron ay higit na mababa kaysa kay Melquisedec. B. Pinagpala si Abraham Pinagpala ni Melquisedec si Abraham (7:6). Sinasabi sa bersikulo 7 na, “Datapuwa’t walang anumang pagtatalo, ang higit na nakabababa ay pinagpala ng higit na nakatataas.” Ipinakikita rin nito ang pagkadakila ni Melquisedec. Higit siyang dakila kay Abraham at siya ay pinagpala niya kasama ng Diyos bilang pagpapala (Gen. 14:19). C. Nauna kay Abraham Si Kristo ay malaong-malaon na (ancient), lubhang higit na malaon kaysa kay Abraham. Pinatutunayan ito sa Juan 8:58: “Sinasabi sa kanila si Hesus, katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo bago pa umiral si Abraham, ay Ako Nga.” Sa pamamagitan nito nakikita natin na si Kristo ay higit na dakila kaysa kay Abraham. Bago si Abraham, si Kristo ay naroroon na. Si Kristo ay hindi luma, subali’t Siya ay malaon na (ancient). Bilang ating Melquisedec, si Kristo ay higit na malaon at higit na dakila kaysa kay Abraham. Kaya, higit Siyang dakila kaysa sa lahat ng saserdoteng ayon sa orden ni Aaron. Ang ating Mataas na Saserdoteng si Kristo, ay hindi ngayon naghahandog ng mga hain para sa kasalanan kundi naghahain ng naprosesong Diyos sa mga matagumpay na mandirigma. Ito ang maharlikang pagkasaserdote sa aklat ng Hebreo.
|