PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE TATLUMPU’T TATLO

ISANG DIBINONG MATAAS NA SASERDOTE,
BUHAY AT MAKAPAGLILIGTAS

I. ISANG DIBINONG MATAAS NA SASERDOTE

 

Ang Hebreo 7, isang kapitulo hinggil sa pagkasaserdote ni Kristo, ay nagpapapahayag ng dalawang aspekto ng pagkasaserdote ni Kristo. Ang unang aspekto ay ang maharlikang (makaharing) pagkasaserdote, at ang ikalawang aspekto ay ang dibinong pagkasaserdote. Katulad ng nakita natin sa nakaraang mensahe, si Kristo ay isang maharlikang saserdote. Ang Kanyang katayuan ay panghari, maharlika. Bagama’t Siya ay isang Mataas na Saserdote, hindi Siya nagmula sa lipi ng mga saserdote kundi nagmula sa lipi ng mga hari—ang Juda. Ang Kanyang katayuan ay ang pagkahari at ginagawa Siyang isang makaharing saserdote.

Ang pagkahari ay may kaugnayan sa katuwiran at kapayapaan sapagka’t ang pagkahari ay isang uri ng pamumuno at awtoridad. Upang mapanatili ang katuwiran at kapayapaan, kailangan natin ang awtoridad. Kung si Kristo ay maghahain sa atin ng naprosesong Diyos bilang ating tinapay at alak, dapat ay may isang kapaligiran na puno ng katuwiran at kapayapaan. Sa tuwing pumupunta tayo sa hapag ng Panginoon, kailangan natin ng malalim na pandama na tayo ay nasa isang kundisyon ng katuwiran at kapayapaan. Ipagpalagay na sa kabaligtaran, patuloy tayong nakikipaglaban sa isa’t isa. Sa gayong kalagayan, walang katuwiran at kapayapaan, at walang paghahain ng tinapay at alak sa atin. Upang maihain sa atin ang naprosesong Diyos bilang ating pagtatamasa, lahat ng bagay sa pagitan natin at ng Diyos at ng pagitan natin at sa isa’t isa ay dapat na maayos. Kapag ang lahat ng bagay ay wasto, magkakaroon ng kapayapaan, at sa loob ng kapayapaan, ihahain sa atin ni Kristo ang naprosesong Diyos. Ang katuwiran at kapayapaan ay nagmumula sa Kanyang pagkahari, sapagka’t kapag ang Hari ay naririto, walang makikipag-away. Lahat ng bagay ay magiging mapayapa. Pinananatili ng pagkahari ni Kristo ang isang kaayusan ng katuwiran at kapayapaan. Ang Kanyang makaharing katayuan ay para sa layunin ng pagpepreserba ng isang matuwid at mapayapang kaayusan.

Ang ikalawang aspekto ng pagkasaserdote ni Kristo sa Hebreo 7 ay ang dibinong pagkasaserdote. Ang pagiging makahari ni Kristo ay isang bagay ng katayuan, subali’t para sa Kanya na maging dibino ay isang bagay ng pagkakabuo (constituent), isang bagay ng pagkakaroon Niya ng mahalaga at pangunahing elemento na bumubuo sa Kanya upang maging gayong mataas na Saserdote. Ang pagiging dibino ni Kristo ay tumutukoy sa Kanyang kalikasan. Ang pagkahari ni Kristo ay ayon sa kanyang maharlikang katayuan at dibino ayon sa Kanyang dibinong kalikasan. Siya ay makahari sapagka’t Siya ay isang Hari at Siya ay dibino sapagka’t Siya ay ang Anak ng Diyos. Si Kristo, ang Anak ng Diyos, ay hindi lamang may pagkahari bagkus ay may pagka-diyos din. Samantalang pinanatili ng Kanyang pagkahari ang isang kondisyon na puno ng katuwiran at kapayapaan upang maihain Niya sa atin ang naprosesong Diyos para sa ating pagtatamasa, binubuuan naman Siya ng Kanyang pagka-diyos na maging isang Mataas na Saserdote na buháy at punô ng buhay upang maipagpatuloy Niya ang Kanyang pagkasaserdote magpakailanman.

Ang pagka-diyos ay ang kalikasan at buhay ni Kristo. Bilang gayong dibinong persona na punô ng pagka-diyos, Siya ang buháy na Isa. Kay Kristo bilang ang makaharing Mataas na Saserdote ay walang di-pagkamakatuwiran o kaguluhan kundi katuwiran at kapayapaan. Kay Kristo bilang ang dibinong Mataas na Saserdote, walang kamatayan. Sinakop, pinasuko at nilulon Niya ang kamatayan. Bakit walang kamatayan sa ating dibinong Mataas na Saserdote? Sapagka’t Siya ay buhay. Si Kristo ay dibino. Ang pagka-diyos ang pinaka esensiya, kalikasan, elemento, at kabuuan Niya. Nilulutas ng Kanyang makaharing katayuan ang lahat ng mga suliranin at pinananatili ang isang mapayapang kapaligiran. Subali’t Siya ay dibino at hindi lamang makahari. Yamang si Kristo ay dibino, saanman Siya naroroon ay walang kamatayan. Saanman Siya naroroon ay may pagkabuhay-na-muli at ang kamatayan ay nalululon. Saanman naroroon si Kristo ay walang kamatayan. Ang pagkasaserdote ni Kristo ay ang kawalan ng kamatayan. Narinig na ba ninyo na ang pagkasaserdote ni Kristo ay ang kawalan ng kamatayan? Ang liwanag ay ang kawalan ng kadiliman, sapagka’t sa tuwing naroroon ang liwanag, ang kadiliman ay tiyak na wala. Gayundin naman, ang presensiya ni Kristo ay nangangahulugang ang kawalan ng kamatayan.

Bakit ang presensiya ni Kristo ay nangangahulugang ang kawalan ng kamatayan? Sapagka’t Siya ay dibino. Ang pagka-diyos ay ang nilalaman ng Kanyang pagkasaserdote. Ang Kanyang pagkasaserdote ay binubuo ng Kanyang pagka-diyos. Kung paanong ang kahoy ay ang elemento ng isang lamesa, gayundin naman ang pagka-diyos ay ang elemento ng pagiging Mataas na Saserdote ni Kristo. Kapag dumarating ang Kanyang ministeryo, nangangahulugan ito ng kawalan ng kamatayan. Sa isang banda, ang pagkasaserdote ni Kristo ay ang kawalan ng kamatayan; sa isang banda, ito ay ang presensiya ng buhay. Kaya, ang pagkasaserdote ni Kristo ay ang kawalan ng kamatayan at ang presensiya ng buhay. Bilang ang makaharing Mataas na Saserdote, inihahain ni Kristo sa atin ang naprosesong Diyos, at bilang ang dibinong Mataas na Saserdote, saanman Siya naroroon, ang buhay ay naroroon. Ang Kanyang pagkasaserdote ay ang pagkakaroon ng buhay.

Nabigyang-pansin na ba ninyo ang dalawang aspekto ng pagkasaserdote ni Kristo sa kapitulong ito—ang makaharing aspekto at ang dibinong aspekto? Marahil ay iniisip ninyo kung paano natin mapatutunayan na mayroong nitong dalawang aspekto. Ito ay madaling gawin. Sa 7:2 mayroon tayong Hari ng katuwiran at Hari ng kapayapaan, at sa 7:28 mayroon tayong “Anak, na pinasakdal magpakailanman.” Ang Anak ng Diyos ay itinalagang maging Mataas na Saserdote, at ang Anak ng Diyos ay tiyak na dibino. Kaya, sa umpisa ng kapitulong ito mayroon tayong Hari at sa katapusan ay mayroon tayong Anak ng Diyos. Bagama’t gumugol ako ng maraming panahon sa kapitulong ito, hindi ko ito maunawaan hanggang isang araw ay nakuha ko ang dalawang salitang pagkahari at dibino. Nang makita ko na ang unang bahagi ay ang makaharing aspekto at ang ikalawang aspekto ay ang dibinong aspekto, ang buong katipulo ay naging malinaw.

Ang kamangha-manghang Mataas na Saserdoteng ito ayon sa orden ni Melquisedec ay nabuuan “hindi ayon sa kautusan ng utos na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na di-nasisira,” (b. 16) sapagka’t “ang kautusan ay walang napasakdal” (b. 19). Sapagka’t ang kautusan ay walang napasakdal, kailangan nating sabihin sa kautusan na, “Kautusan, ikaw ay bale wala. Hindi ka pinakinabangan ninuman. Kautusan, lumayo ka sa akin.” Ang ating Mataas na Saserdote ay hindi nabuuan sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng isang buhay na di-nasisira. Sino Siya? Siya ang Anak ng Diyos. Maaari rin ninyong sabihin sa kautusan na, “Mahal na kautusan, maihahambing mo ba ang iyong sarili sa Anak ng Diyos? Sa loob ng maraming taon ay nalinlang mo ako, akala ko ay mahalaga ka, sa katunayan pala ay bale wala ka naman. Ngayon, kautusan, mayroong akong buhay!” Mayroon tayong buhay ng Panginoon, ang buhay na Siyang Anak ng Diyos Mismo.

Ang Anak ng Diyos ay hindi simple, sapagka’t mayroon Siyang dalawang aspekto. Nalalaman lamang ng karamihan sa mga Kristiyano na ang Anak ng Diyos ay ang Bugtong na Anak, subali’t sinasabi ng Bibliya na Siya rin ang Panganay na Anak. Ang Bugtong na Anak ay isang aspekto, at ang Panganay na Anak ay isa pang aspekto. Ang Bugtong na Anak, na umiral mula sa walang hanggang nakalipas, ay mayroong lamang pagka-diyos. Ang Panganay na Anak, na ayon sa Awit 2 at Gawa 13:33 na ipinanganak noong araw ng pagkabuhay-na- muli, ay kapwa may pagka-diyos at pagka-tao. Noong araw ng pagkabuhay-na-muli, ang taong si Hesus ay ipinanganak upang maging ang Anak ng Diyos. Wala itong kaugnayan sa aspekto ng Kanyang pagiging Bugtong na Anak kundi sa aspekto ng Kanyang pagiging ang Panganay na Anak.

Huwag ninyong isipin na ito ay basta lamang isang bagay ng doktrina. Ito ay may kaugnayan sa mga kwalipikasyon ni Kristo bilang ang Mataas na Saserdote. Bagama’t ang Bugtong na Anak ay kamangha-mangha, mayroon lamang Siyang pagka-diyos, walang pagka-tao, na mahalaga para Siya ay maging ating Mataas na Saserdote. Sinasabi sa bersikulo 28 na ang Anak ng Diyos ay napasakdal magpakailanman, pinatutunayan na ang Anak ng Diyos dito ay hindi lamang nangangahulugang ang Bugtong na Anak bagkus maging ang Panganay na Anak din. Hindi na kinakailangan ng Bugtong na Anak ng Diyos ang pagpapasakdal sapagka’t Siya ay pangwalang-hanggang sakdal. Subali’t, upang Siya ay maging ang Panganay na Anak ng Diyos, kinakailangan Niya ang lubhang pagpapasakdal. Kinakailangan Niya ang pagka-tao sa Kanyang pagiging laman at mamuhay sa lupa sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, na dumaraan sa lahat ng karanasan ng pantaong pamumuhay. Pagkatapos, kinailangan Niyang dumaan sa kamatayan, tinitikman, dinadaig, sinusupil, at nilululon ang kamatayan. Pagkatapos niyaon, kinailangan Niyang lumabas ng kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muli. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, Siya bilang ang Panganay na Anak ng Diyos na may pagka-tao, ay lubusang napasakdal. Ngayon hindi lamang Siya ang walang hanggang Bugtong na Anak ng Diyos, bagkus naging ang napasakdal na Panganay na Anak ng Diyos din. Kaya, Siya ay pinasakdal na ng kumpleto, lubusang sinangkapan, higit pa sa kwalipikado na maging ating dibinong Mataas na Saserdote.

Paano naging gayong Mataas na Saserdote si Kristo? Sa paraan ng pagiging laman ng Kanyang pagka-Diyos tungo sa pagka-tao, pamumuhay sa lupa, pagtungo sa kamatayan, at paglabas mula sa kamatayan tungo sa pagkabuhay-na-muli. Sino Siya ngayon? Siya ang Anak ng Diyos sa dalawang aspekto, ang mga aspekto ng bugtong na Anak at ng Panganay na Anak. Ngayon Siya ay tao at dibino. Sa pagdaan sa pagiging-laman, pantaong pamumuhay, kamatayan, at pagkabuhay-na-muli, Siya ay lubusang nasangkapan at naging kwalipikado para sa dibinong pagkasaserdote. Sa Mataas na Saserdoteng ito, hindi lamang walang pagkamakasanlibutan o kasalanan, bagkus ganap na walang kamatayan. Ang kamatayan ay lubusang nalulon ng Kanyang dibinong buhay.

Si Kristo ay nabubuhay magpakailanman. Hindi Siya mapipigilan ng kamatayan sa pagpapatuloy bilang Mataas na Saserdote. Lahat ng mga saserdoteng Levitico ay nabuhay hanggang sa isang tiyak na edad at pagkatapos ay namatay. Pinigilan sila ng kamatayan upang makapagpatuloy bilang mga saserdote. Pagkatapos mamatay ng unang mataas na saserdote, siya ay hinalinhan ng ikalawa, na hinalinhan naman ng ikatlo sapagka’t pinigilan sila ng kamatayan na makapagpatuloy sa gawain ng pagiging mataas na saserdote. Hindi na kailangang sabihin na hindi nailigtas ng mga saserdoteng yaon ang iba; ni hindi nga nila nailigtas ang kanilang mga sarili. Lahat sila ay walang pag-asa. Subali’t ang pagkasaserdote ni Kristo ay iba. Samantalang ang pagkasaserdote ni Aaron ay nagagapi pa rin ng kamatayan, ang pagkasaserdote ayon sa orden ni Melquisedec, na binubuo ng elemento ng buhay, ay ang kawalan ng kamatayan. Ang buhay na bumubuo nito ay dumaan sa kamatayan at lumulon sa kamatayan. Ang buhay na ito ay di-nasisira. Paano natin malalaman na ang buhay na ito ay di-nasisira? Sapagka’t ito ay nasubok na ng lahat ng bagay at ng bawa’t uri ng situwasyon. Ito ay nasubok ng ina ni Hesus sa laman, ng lahat ng miyembro ng Kanyang pamilya sa laman, ng lahat ng pagdurusa ng Kanyang pantaong buhay, at ng lahat ng panunukso ng Diyablong si Satanas. Sa katapus-tapusan, ito ay sinubok ng kamatayan, ng libingan, ng Hades, at ng kapangyarihan ng kadiliman. Ang buhay na ito ay nasubok na ng lahat ng bagay, at walang makapupuksa dito. Ito ay lubusang di-nasisira. Ang ating Mataas na Saserdote ay binubuo ng elemento ng gayong isang buhay na di-nasisira.

Ang makaharing pagkasaserdote ni Kristo ay para sa ministeryo at ang Kanyang dibinong pagkasaserdote ay para sa pagliligtas. Sinasabi sa bersikulo 25 na, “Dahil dito rin naman Siya ay may kakayahang magligtas sa sukdulan sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, palibhasa ay lagi Siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila” Bakit Siya may kakayahang magligtas sa sukdulan? Sapagka’t Siya ay buháy at sapagka’t Siya ang buhay na di-nasisira. Walang makapupuksa sa Kanya. Bagama’t mayroon akong pusong iligtas kayong lahat, gayunpaman ay madali akong masira at matapos. Subali’t maililigtas tayo ni Kristo sa sukdulan sapagka’t ang Kanyang pagkasaserdote ay binubuo ng isang buhay na di-nasisira. Anuman ang ating situwasyon o kondisyon na kinatatagpuan natin sa ating mga sarili, maaari nating sabihin kay Satanas, “Satanas, gawin mo na ang magagawa mo. Ipadala mo ang lahat ng iyong mga hukbo sa akin. Hindi ako natatakot sa kanila, sapagka’t mayroon akong dibinong pagkasaserdote upang mangalaga sa akin.” Ano itong dibinong pagkasaserdote? Ito ang nagliligtas sa kapangyarihan ng buhay na di-nasisira. Kung ang ministeryo ng makaharing Mataas na Saserdote ay ang maghain sa atin ng naprosesong Diyos para sa ating pagtatamasa, hindi ang maghandog ng mga hain sa Diyos para sa ating mga kasalanan, ang pangunahing gawain ng dibinong Mataas na Saserdote ay ang iligtas tayo.

A. Isang Pagpapalit ng Pagkasaserdote

1. Mula sa Orden ni Aaron
tungo sa Orden ni Melquisedec

Sa bersikulo 12, sinabihan tayo na ang pakasaserdote ay pinalitan. Unang-una, napalitan ito mula sa orden ni Aaron tungo sa orden ni Melquisedec (bb. 11, 15, 17). Sa Lumang Tipan, ang pagkasaserdote ay ayon sa orden ni Aaron, na palaging nauudlot ng kamatayan. Sa bagong tipan, ang pagkasaserdote ay napalitan tungo sa orden ni Melquisedec na magpakailanman.

2. Mula sa Pansaserdoteng Lipi ni Levi
tungo sa Pangharing Lipi ni Juda

Ang pagkasaserdote ay napalitan din mula sa pansaserdoteng lipi ni Levi tungo sa pangharing lipi ni Juda (bb. 13-14). Sa Lumang Tipan, ang Levi ang lipi ng mga saserdote at ang Juda ang lipi ng mga hari. Ang pagiging mula sa lipi ni Juda ng Panginoon ay nagsanhi ng isang pagpapalit sa pagkasaserdote at napagsama ang pagkasaserdote at ang pagkahari sa iisang lipi (Zac. 6:13), katulad ng nakikita kay Melquisedec na kapwa mataas na saserdote at hari (b. 1).

3. Mula sa mga Tao tungo sa Anak ng Diyos

Ipinakikita ng bersikulo 28 na ang pagkasaserdote ay napalitan din mula sa mga tao tungo sa Anak ng Diyos. Lahat ng tao na mga saserdote sa Lumang Tipan ay marurupok, namamatay, subali’t ang Anak ng Diyos ay walang hanggan, nabubuhay magpakailanman. Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos at ang Panganay na Anak ng Diyos bilang mismong buhay na bumubuo sa pagkasaserdote ng bagong tipan. Ang pagkasaserdote ay napalitan mula sa mga tao tungo sa gayong Isa, sa Bugtong na Anak at Panganay na Anak ng Diyos. Sa gayong Isa mayroon tayong pagka-Diyos na naging laman at pagka-taong naitaas. Sa gayong Isa mayroon tayong pantaong pamumuhay, ng nagpapaloob-ng-lahat na kamatayan, at ng pagkabuhay-na-muli. Sa gayong Isa mayroon tayong dibinong kapanganakan ng Panganay na Anak ng Diyos, ang kapanganakan na nagbunga ng maraming anak ng Diyos. Sa bagong tipan, ang pagkasaserdote ay napalitan tungo sa gayong Isa.

4. Kinakailangan ang Pagpapalit ng Kautusan

Sinasabi sa bersikulo 12 na, “Sapagka’t sa pagpapalit ng pagkasaserdote, kinakailangang palitan din naman ang kautusan.” Sa pagkasaserdote ng lumang tipan, may isang lumang kautusan. Ngayon, sa pagkasaserdote ng bagong tipan, mayroong dapat isang bagong kautusan. Kaya kinakailangan ang pagpapalit ng kautusan.


a. Mula sa Kautusan ng mga Titik
tungo sa Kautusan ng Buhay

Ang pagpapalit na ito ng kautusan ay mula sa kautusan ng mga titik tungo sa kautusan ng buhay kung saan si Kristo ay naging isang buháy at Mataas na Saserdote magpakailanman (b. 16). Si Kristo ay naging Mataas na Saserdote hindi ayon sa kautusan ng mga titik kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na di-nasisira. Ang pagkasaserdote ni Kristo sa bagong tipan ay hindi isang bagay ng mga titik kundi ng buhay. Bilang ating Mataas na Saserdote, inaalagaan tayo ni Kristo ngayon ng Kanyang buhay na di-nasisira. Gayunpaman, marami pa ring Kristiyano ang nagnanais bumalik sa kautusan ng mga titik sa kabilang pampang ng ilog. Sa pamamagitan ng kaawaan ng Panginoon, natawid na natin ang ilog mula sa kabilang pampang, sa panig ng mga titik, patungo sa kabilang pampang, ang panig ng buhay. Sa ganitong di-nasisira, walang hanggang buhay tayo nakikibahagi at nagtatamasa sa pagkasaserdote ni Kristo ngayon.

b. Mula sa Mahina at Walang Kapakinabangang Utos
tungo sa isang Lalong Magaling na Pag-asa

Sinasabi sa mga bersikulo 18 at 19 na, “Sapagka’t tunay ngang may pag-aalis ng unang utos dahil sa kahinaan at kawalan ng kapakinabangan nito, (sapagka’t ang kautusan ay walang napasakdal), at may pagpapasok ng isang lalong magaling na pag-asa, na sa pamamagitan nito ay nagsisilapit tayo sa Diyos.” Ang utos, o ang mga regulasyon ng kautusan hinggil sa maka-Leviticong pagkasaserdote ay pinawalang-bisa dahil sa kahinaan nito sa mga titik. Ang utos ay hindi isang bagay ng buhay kundi isang patay na utos sa mga titik; kaya ito ay walang kapakinabangan. Dahil sa kahinaan ng tao, ang kautusan ay walang napasakdal (Roma 8:3).

Pinawawalang-bisa ng pagpapalit ng kautusan ang lumang kautusan at ipinapasok ang isang lalong magaling na pag-asa. Ano itong lalong magaling na pag-asa? Ito ay ang pagkasaserdote sa buhay. Ang pag-asang ito ay pangunahing nakasasalay sa buhay, ang buhay na di-nasisira. Sapagka’t ang pagkasaserdoteng nangangalaga sa atin ay nasa gayong buhay, tayo ay punô ng pag-asa. Kapag nararamdaman ninyong kayo ay mahina at itinuturing na ang damdaming yaon ay isang kasinungalingan, nagpapakita itong kayo ay punô ng pag-asa. Kapag sinabi sa iyo ng iyong asawang-babae na ikaw ay mahina, kailangan mong sabihing, “Yaon ay isang kasinungalingan. Mahal na asawa, maghintay ka muna. Ako ay magiging isang malakas na mandirigma kagaya ni Abraham. Ako ay punô ng pag-asa dahil sa pagkasaserdote ng aking Melquisedec.” Kung sasabihin mo ito, nangangahulugan ito na ikaw ay punô ng pag-asa. Ang lalong magaling na pag-asang ito ay ang pagkasaserdote sa buhay. Hangga’t mayroong buhay, mayroong pag- asa. Tanging ang isang patay na tao lamang ang walang pag-asa. Hangga’t tayo ay buháy, mayroong isang sukat ng pag-asa. Pinawawalang-bisa ng pagpapalit ng kautusan ang mga patay na titik at ipinapasok ang pag-asa sa buhay. Huwag mabigo—mayroon tayong isang lalong magaling na pag-asa. Mayroon tayong isang pagkasaserdote ng buhay na di-nasisira.

Maraming beses na, sinabi sa akin ng mga tao, “Kapatid Lee, kailanman ay hindi ka namin nakita na ikaw ay nababagabag. Wala ka bang mga pagsubok o mga kaguluhan sa iyong buhay-Kristiyano?” Sa pinakakaunti mayroon akong mga kaguluhan na kasing dami ng sa kaninuman. Ang kakaiba lamang ay yaon hindi ako naniniwala sa mga kaguluhan sa loob ko. Naniniwala ako sa aking pag-asa. Mayroong isang lalong magaling na pag-asa sa loob ko. Lahat tayo ay may gayong pag-asa sapagka’t ang kautusan na kung saan ang pagkasaserdoteng nangangalaga sa atin ay nabuo, ay napalitan na mula sa mahina at walang kapakinabangang utos tungo sa isang buhay na di-nasisira.

B. Ang Bugtong na Anak ng Diyos Gayundin
ang Panganay na Anak ng Diyos
na Nagiging ang Mataas na Saserdote

Ang pagiging Bugtong na Anak ng Diyos at pagiging Panganay na Anak ng Diyos ni Kristo ay kapwa mga kwalipikasyon para Siya ay maging Mataas na Saserdote (b. 28). Siya ay naging ating Mataas na Saserdote na mayroon nitong dalawang kwalipikasyon. Ang pagiging Mataas na Saserdote ni Kristo tungo sa atin ay nakasalalay kapwa sa Kanyang pagiging ang Bugtong na Anak ng Diyos at ang Panganay na Anak ng Diyos.

1. Nabuuan Ayon sa Kapangyarihan
ng isang Buhay na Di-nasisira

Si Kristo ay hindi nabuuang Mataas na Saserdote ayon sa mga walang kapangyarihang titik ng kautusan kundi ayon sa makapangyarihang elemento ng isang buhay na di-nasisira (b. 16). Walang nakalilipol sa buhay na ito. Ito ay isang walang katapusang buhay, bilang ang walang hanggan, dibino, di-nilikhang buhay, at buhay ng pagkabuhay-na-muli na dumaan sa pagsubok ng kamatayan at ng Hades (Gawa 2:24; Apoc. 1:18). Sa pamamagitan ng gayong buhay nakapaghahain si Kristo sa atin ngayon bilang ating Mataas na Saserdote. Kaya nga, Siya ay may kakayahang magligtas sa sukdulan (b. 25). Si Kristo bilang ating Mataas na Saserdote ay ang buháy na Anak ng Diyos Mismo. Siya ay makapangyarihan. Sa isang banda, Siya ay nasa langit; sa kabilang banda, Siya ay nasa ating espiritu. Sa pagitan ng dalawang ito, ng langit at ng ating espiritu, mayroong daloy ng trapiko sa makalangit na hagdanan sapagka’t ang Kanyang pagkasaserdote ay patuloy na dumadaloy mula sa trono patungo sa ating espiritu. Hindi ito dumadaloy ng may kaalaman kundi ng may kapangyarihan ng isang buhay na di-nasisira.

2. May Panunumpa ng Diyos

Bilang ang Bugtong na Anak at ang Panganay na Anak ng Diyos, si Kristo ay naging ang Mataas na Saserdote na may panunumpa ng Diyos (bb. 20-21, 28). Wala ni isa sa mga Leviticong saserdote ang naitatag na may panunumpa ng Diyos. Ayon sa Awit 110, sumumpa ang Diyos na gawin si Kristong isang Saserdote magpakailanman ayon sa orden ni Melquisedec. Sa Hebreo 7, sinipi ng sumulat ang sumpang yaon mula sa Awit 110. Ito ay lubhang matimbang, nagpapatunay na ang pagiging dibinong Mataas na Saserdote ni Kristo ay nilubos sa pamamagitan ng panunumpa ng Diyos.

3. Pinasakdal Magpakailanman

Sa bersikulo 28 nakikita natin na si Kristo ay pinasakdal magpagkailanman. Nabanggit na natin na, bilang ang Bugtong na Anak ng Diyos, hindi na kinakailangan ni Kristo ang pagpapasakdal. Gayunpaman, upang maging ang Panganay na Anak ng Diyos, kinakailangan Niya ang pagpapasakdal. Pagkaraan ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, Siya ay pinasakdal magpakailanman. Ngayon Siya ay nakumpleto, lubusang pinasakdal, at higit pa sa kwalipikado upang maging ating Mataas na Saserdote magpasawalang hanggan. Makapagtitiwala tayo sa Kanya nang lubos sapagka’t Siya ay lubhang pinasakdal.

4. Nagiging Tagapanagot ng isang Lalong Mabuting Tipan

Sinasabi sa bersikulo 22 na, “Gayundin naman si Hesus ay naging Tagapanagot ng isang lalong mabuting tipan.” Si Kristo ay naging Tagapanagot ng isang lalong mabuting tipan batay sa Kanyang pagiging Mataas na Saserdote na nabubuhay at nananatili magpakailanman. Sa Griyego ang salitang-ugat na isinaling tagapanagot ay nangangahulugang isang kamay o isang paa, isang sangkap ng katawan. Ang kahulugan dito ay yaong ang isang sangkap ng katawan ay nagsasanla ng sarili nito sa katawan. Halimbawa, maaaring isanla ng kamay ko ang sarili nito sa braso ko upang gawin ang lahat ng bagay para sa braso ko. Ang naisanlang ito ay ang garantiya. Ang salitang tagapanagot sa bersikulong ito ay nangangahulugang ipinrenda ni Kristo ang Kanyang Sarili sa bagong tipan at sa ating lahat. Siya ang isang natatakdaan ng kontrata, (bondsman), ang garantiya na gagawin Niya ang lahat ng bagay na kinakailangan para sa pagsasakatuparan ng bagong tipan.

Kapag naisangla na ng kamay ang sarili nito sa braso, ito ay nagiging tagapanagot upang gumarantiya na gagawin nito ang lahat ng bagay para sa braso. Kahit na ayaw gumawa ng kamay ng mga bagay para sa braso, dapat pa rin nitong gumawa dahil naisangla na nito ang sarili sa braso. Mangyari pa, hindi kailanman hindi magiging laan si Kristo na gumawa ng mga bagay-bagay para sa atin. Subali’t kahit na ayaw Niya, huli na para tumanggi Siya, sapagka’t naisangla o naiprenda na Niya ang Kanyang Sarili sa bagong tipan at sa ating lahat na nasa ilalim ng bagong tipan. Dapat Niyang gawin ang lahat ng bagay para sa atin.

Ang kaisipang ito ay malalim at lubusang isang bagay ng buhay. Hindi ba ninyo natatanto na isinanla na ng inyong pisikal na buhay ang sarili nito sa inyo? Gusto man o hindi ng inyong pisikal na buhay na gumawa ng mga bagay para sa inyo, kailangang gawin nito ang mga yaon sapagka’t isinanla na nito ang sarili rito. Kaya ang inyong pisikal na buhay ay ang mismong tagapanagot na gagawin nito ang lahat ng bagay para sa inyo. Gumagawa ito ng isang kasunduan (bond) upang gawin ito.

Sa gayunding paraan, isang kasunduan o garantiya (bond) ang nilagdaan ni Kristo. Sa anong paraan ito nilagdaan? Sa paraang ipinrenda ni Kristo ang Kanyang Sarili sa bagong tipan at sa atin. Walang posibilidad para sa Kanya na magbago ang Kanyang isip. Huli na ang lahat. Nauunawaan man natin ito o hindi, o gusto man Niya o hindi, dapat Niyang gawin ito sapagka’t naiprenda na Niya ang Kanyang Sarili. Kaya, Siya ang Tagapanagot ng bagong tipan. Ang prendang ito ay lubos na nakasalalay sa Kanyang dibinong pagkasaserdote.

Bagama’t naisangla na ng aking kamay ang sarili nito sa braso ko, ang aking kamay ay nalilimitahan sa kakayahan nito. Maaaring makabitbit ito ng isang aklat subali’t hindi makabuhat ng isang mabigat na mesa. Subali’t walang limitasyon kay Kristo. Ang prenda Niya ay hindi nalilimitahan. Ang mismong Kristo na nagprenda ng Kanyang Sarili sa atin ay hindi nalilimitahan. Gagawin Niya ang lahat at magagawa Niya ang lahat para sa atin. Siya ang kwalipikado at may kakayahan na Tagapanagot. Siya ay palaging laan at naririyan, na tinutupad ang anumang Kanyang ginarantiyahan.
Ipagpalagay na hiniling sa iyo ng isang kaibigan na lumagda sa isang sangla para sa kanya sa kanyang bangko. Kung malalaman ng manedyer ng bangko na mayroon ka lamang kaunting dolyar, hindi ka niya pahihintulutang lumagda sa prenda, kahit na mangako kang magiging tapat sa pagtupad ng prendang yaon. Subali’t si Kristo ay may bilyun-bilyong pagkukunan. Nang iprenda Niya ang Kanyang Sarili, ibinilang niyaon ang lahat ng bagay. Kaya, ang bagong tipan, ang tipan na ginawa sa kautusan ng buhay ay hindi kailanman mabibigo sapagka’t si Kristo ang Tagapanagot ng tipang ito. Lahat ng bagay na kabilang dito ay matutupad. Hindi tayo ang tumutupad nito kundi ang ating Tagapanagot. Si Kristo ay hindi lamang ang Tagapagpasakdal ng bagong tipan; Siya rin ang Tagapanagot, ang prenda na ang lahat ng nakapaloob dito ay maisasakatuparan.

II. BUHAY

Si Kristo ay may kakayahan dahil Siya ay buháy (b. 25). Siya ay laan at nananaig din dahil Siya ay buháy. Lahat ng bagay na nagagawa Niya ay nakasalalay sa isang bagay—na Siya ay buháy.

A. Nagpapatuloy Magpakailanman
Na Hindi Napipigilan ng Kamatayan

Dahil siya ay buháy, maipagpapatuloy ni Kristo ang Kanyang pagkasaserdote magpakailanman nang hindi napipigilan ng kamatayan (bb. 23-24). Noong panahon ng Lumang Tipan, lahat ng mga saserdote ay pinigilan ng kamatayan na magpatuloy sa kanilang pagkasaserdote, subali’t hindi kailanman mapipigilan ng kamatayan si Kristo, ang Isang nabubuhay magpakailanman, sa pagpapatuloy sa Kanyang pagkasaserdote.

B. Hindi Mapapalitan

Ang pagkasaserdote ni Kristo ay hindi mapapalitan; hindi ito mababago. Kung ano Siya, Siya ay minsang gayon para sa lahat at magpakailanman. Siya ay “Siya rin kahapon, at ngayon, at magpakailanman” (13:8), at gayundin ang Kanyang pagkasaserdote.

III. MAKAPAGLILIGTAS

A. Sa Sukdulan

Sinasabi sa atin ng bersikulo 25 na si Kristo ay makapagliligtas sa atin sa sukdulan. Ang salita na isinaling sukdulan ay nangangahulugan ding buong-buo, ganap, sakdal, sa lahat ng mga panahon at sa kawalang-hanggan, at hanggang sa wakas. Sapagka’t nabubuhay Siya magpakailanman ng walang anumang pagbabago, si Kristo ay makapagliligtas sa atin sa sukdulan sa hangganan, sa panahon, at sa lugar. Kapwa sa hangganan, sa panahon, at sa lugar, ang pagliligtas Niya sa atin ay umaabot sa sukdulan.

B. Namamagitan para sa Atin

Si Kristo ay makapagliligtas sa atin sapagka’t namamagitan Siya para sa atin. Bilang ating Mataas na Sarserdote, inaayos Niya ang ating kaso sa Kanyang pamamagitan para sa atin. Humaharap Siya sa Diyos para sa atin, nananalangin para sa atin nang tayo ay maligtas at lubusang madala tungo sa walang hanggang layunin ng Diyos. Maaaring sabihin ninyo na kailanman ay hindi ninyo natanto na namamagitan Siya para sa inyo. Hindi na ninyo kailangang tantuin ito. Anong buti ang magagawa nito kung natanto ninyo ito? Huwag ninyong sikaping tantuin ang Kanyang pamamagitan. Mamahinga lamang kayo rito, magtiwala rito, at tamasahin ito. Magkaroon kayo ng katiyakan na ang inyong dibinong Mataas na Saserdote ay patuloy na namamagitan para sa inyo. Sinasabi sa akin ng karanasan ko na maraming beses na, ako ay naligtas sa pamamagitan (by) ng Kanyang pamamagitan (intercession). Mayroon tayong isang magpakailanman, palagian, at walang hanggang Tagapamagitan.

Ang ating dibinong Mataas na Saserdote ay namamagitan para sa atin nang palagian, nalalaman natin kung papaano napakadaling bumagsak, at kung paanong kapag tayo ay bumagsak ay ang manatili sa ating bagsak na kalagayan. Sa malaon at madali, tayo ay pagtatagumpayan, gagapiin, at ililigtas ng Kanyang pamamagitan. Kung hindi ito mangyayari ngayon o bukas, maaaring mangyari ito sa susunod na taon, sa susunod na kapanahunan, o sa pinakamatagal, sa bagong langit at bagong lupa. Lahat tayo ay lubusang magagapi at maililigtas ng Kanyang pamamagitan. Inatasan Siya ng Diyos na mangalaga sa atin, at ngayon inaalagaan Niya tayo sa pamamagitan (by) ng Kanyang pamamagitan (intercession) para sa atin. Bagama’t maaaring nalimutan na ninyo na tumawag kayo sa Kanyang pangalan, hindi Niya ito kailanman malilimutan. Siya ay namamagitan para sa inyo at ililigtas Niya kayo sa sukdulan.

C. Nararapat sa Atin

1. Banal, Walang Sala, Walang Dungis,
Nahihiwalay sa mga Makasalanan

Sinasabi sa bersikulo 26 na “ang gayong mataas na Saserdote ay nararapat sa atin, banal, walang sala, walang dungis, nahihiwalay sa mga makasalanan.” Si Kristo ay banal, walang sala, walang dungis, at nahihiwalay sa mga makasalanan. Bilang gayong sakdal na Isa, tiyak na nararapat Siya sa atin. Tayo na may isang natisod at nasirang kalikasan ay nangangailangan ng gayong isang Mataas na Saserdote upang iligtas tayo sa lahat ng panahon.

2. Lalong Mataas Pa kaysa sa mga Kalangitan

Sinasabi rin sa bersikulo 26 na Siya ay “naging lalong mataas pa kaysa sa mga kalangitan.” Sa Kanyang pag-akyat-sa-langit, si Kristo ay “dumaan sa mga kalangitan” (4:14). Ngayon hindi lamang Siya nasa langit (9:24) bagkus Siya ay naging “lalong mataas pa kaysa sa mga kalangitan,” “sa kaiba-ibabawan ng buong sangkalangitan” (Efe. 4:10) din. Gaano kataas ang inyong mga suliranin? Mayroon ba kayong suliranin na lalo pang mataas kaysa sa mga kalangitan? Sapagka’t ang ating Mataas na Saserdote ay lalong mataas pa kaysa sa mga kalangitan nasasagip Niya tayo at naililigtas sa sukdulan.

3. Naghandog ng Kanyang Sarili para sa Ating mga Kasalanan
Minsan para sa Lahat

Sinasabi sa bersikulo 27 na ang ating Mataas na Saserdote ay “hindi nangangailangang maghandog araw-araw ng mga hain, gaya niyaong mga mataas na saserdote, unang-una para sa kanyang sariling mga kasalanan at pagkatapos para sa mga kasalanan ng bayan; sapagka’t ito ay ginawa Niyang minsan magpakailanman, nang Kanyang ihandog ang Kanyang Sarili.” Hindi ito tumutukoy sa kung ano ang ginagawa ngayon ni Kristo kundi sa kung ano ang ginawa Niya noong nakaraan. Tinitiyak sa atin ng bersikulong ito na hindi na tayo kailanman kailangang mabagabag muli ng kasalanan, sapagka’t inihain na ni Kristo ang Kanyang Sarili para sa mga kasalanan nang minsan para sa lahat. Ngayon, sa trono, isinasagawa Niya ang Kanyang pagkasaserdote magpakailanman. Gaano kakamangha-mangha ito na mayroong tayong gayong isang makahari at dibinong Mataas na Saserdote!