| PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE TATLUMPU’T APAT ANG BUHAY NA DI-NASISIRA
Ang mensaheng ito ay tungkol sa buhay na di-nasisira, ang buhay na siyang esensiya, elemento, at bumubuo ng dibinong pagkasaserdote ni Kristo. Ang sabihing makahari ang pagkasaserdote ni Kristo ay hindi mahirap maunawaan sapagka’t ang lohika noon ay hindi ganoong kalalim. Subali’t ang sabihing ang dibinong pagkasaserdote ni Kristo ay binubuo ng buhay, may buhay bilang elemento, esensiya, bumubuo at nilalaman nito, ay napakalalim. Ang lohika rito ay lubhang malalim. Katulad ng tinukoy ko sa naunang mensahe, ang dibinong pagkasaserdote ni Kristo ay ang kawalan ng kamatayan. Bago natin isaalang-alang ang bagay ng buhay na di-nasisira, kailangan ko pang magsalita ng tungkol sa dibinong pagkasaserdote ni Kristo bilang ang kawalan ng kamatayan. Ayon sa mga Kasulatan, mayroong tatlong aspekto ng pagkasaserdote: ang aspekto ng pagkasaserdote ni Aaron, ang aspekto ng makaharing pagkasaserdote, at ang aspekto ng dibinong pagkasaserdote. Ang aspekto ng pagkasaserdote ni Aaron ay para sa paghahandog ng mga hain sa Diyos para sa ating mga kasalanan. Kaya, ang pagkasaserdote ni Aaron ay pangunahing patungkol sa handog sa kasalanan. Ang makaharing aspekto ng pagkasaserdote ay para sa paghahain ng naprosesong Diyos sa atin bilang ating panustos ng buhay. Ang aspekto ng dibinong pagkasaserdote ay para sa pagliligtas sa atin sa sukdulan. Kaya, mayroon tayong tatlong salita upang ilarawan ang tatlong aspekto ng pagkasaserdote: paghahandog para sa aspekto ni Aaron, paghahain para sa makaharing aspekto, at pagliligtas para sa dibinong aspekto. Nilulutas ng paghahandog ang suliranin ng kasalanan, ipinamamahagi ng paghahain ang naprosesong Diyos sa atin bilang pang-araw-araw na panustos, at sinasagip tayo ng pagliligtas sa sukdulan. Sinasagip tayo ng pagliligtas ng dibinong pagkasaserdote lalung-lalo na mula sa kamatayan at sa lahat ng kapaligiran ng kamatayan. Kung nilulutas ng pagkasaserdote ni Aaron ang suliranin ng kasalanan, inihahain naman ng makaharing pagkasaserdote ang Diyos sa atin, hindi bilang pinagtutuunan ng ating pagsamba kundi bilang ating pagtatamasa para sa ating pang-araw-araw na panustos. Sa tuwing binabanggit ninyo ang Diyos sa karamihan sa mga Kristiyano, iniisip nila Siya bilang pinagtutuunan ng kanilang pagsamba. Subali’t pansamantala, dapat nating kalimutan ito. Kapag binanggit natin ang Diyos, dapat nating isipin Siya bilang ang Isa na dnaproseso at naibahagi sa atin upang maging ating pang-araw-araw na panustos. Wala nang bubuti pang pagsamba sa Diyos kaysa sa pagtatamasa sa Kanya bilang inyong panustos. Bagama’t nais ninyong lugurin Siya, maaring sabihin Niyang, “Anak huwag mong gawin ito. Gusto kong maging tinapay at alak na kinakain at iniinom mo. Lalo mo Akong kinakain at iniinom, lalo mo Akong sinasamba.” Ang pagkain at pag-inom sa Diyos ang pinakamabuting pagsamba. Ang pagsamba na nakasisiya sa puso ng Diyos sa sukdulan ay yaong tinatamasa natin Siya bilang ating panustos. Na ang tao ay dapat kumain at uminom ng Diyos ay ang orihinal at panimulang layunin ng Diyos sa Kanyang walang hanggang plano (Gen. 2:9-10). Sa walang hanggang plano ng Diyos, ninais ng Diyos na ipamahagi ang Kanyang Sarili sa loob ng tao upang maging lahat-lahat ng tao upang ang tao ay maging Kanyang ganap na kahayagan. Ang layuning ito ay maisasagawa lamang ng makaharing pagkasaserdote ni Kristo, na naghahain sa atin ng naprosesong Diyos bilang ating pang-araw-araw na panustos. Gayunpaman, bago ito naisagawa, ay pumasok ang kasalanan. Kaya, kinakailangang malutas ang suliranin ng kasalanan. Subali’t ang paglutas sa suliranin ng kasalanan ay hindi sinadya ng Diyos upang matupad ang Kanyang walang hanggang layunin; idinagdag lamang ito sa kalaunan dahil sa pagpasok ng kasalanan na nagsanhi ng pagkatisod ng tao. Dahil sa pagkatisod ng tao, pumasok ang kasalanan upang biguin at sirain ang layunin ng Diyos na maghain ng Kanyang Sarili sa loob ng tao bilang pang-araw-araw na panustos ng tao. Yamang dinala ni Satanas ang kasalanan upang biguin ang layunin ng Diyos, kinailangang malutas ang suliranin ng kasalanan. Kaya, may pangangailangan sa pagkasaserdote ni Aaron, na ipinasok upang lutasin ang suliranin ng kasalanan. Sa pamamagitan nito, makikita natin na ang pagkasaserdote ni Aaron ay hindi isang bahagi ng panimulang intensiyon ng Diyos kundi idinagdag lamang sa kalaunan. Winawalang-bahala ng maraming Kristiyano ang makaharing pagkasaserdote at itinuon na ang pansin sa pagkasaserdote ni Aaron, nalilimutan ang mga panimulang bagay at nagbibigay-pansin sa naidagdag lamang sa kalaunan. Nilulutas ng pagkasaserdote ni Aaron ang kasalanan, samantalang tinutupad naman ng makaharing pagkasaserdote ang walang hanggang layunin ng Diyos. Inalis ng pagkasaserdote ni Aaron ang kasalanan at dinala papasok ng makaharing pagkasaserdote ang Diyos bilang ating biyaya. Bakit may pangangailangan sa ikatlong aspekto ng pagkasaserdote, ang dibinong pagkasaserdote? Bagama’t tapos na ang kasalanan, nagsanhi ito ng isang pambihirang resulta—kamatayan. Ayon sa Roma 5, ang kinalabasan ng kasalanan ay kamatayan. Hindi natin dapat unawain ang kamatayan ayon sa makitid na pananaw ng ating pantaong konsepto. Ayon sa pinakamalawak na pagkaunawa sa kamatayan sa Bibliya, ang kamatayan ay kinabibilangan ng kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagdaing, paghibik at pagkasira. Nasisira ang lahat ng bagay. Ikaw ay mayroong isang malakas na pangangatawan, subali’t sa nalalapit na hinaharap ito ay masisira. Ang bagay ng kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagkagapos, paghibik, at pagkasira ay lubusang napaunlad at sinaklaw sa Roma 8. Sa Roma kapitulo 5, mayroong kasalanan at kamatayan. Sa Roma kapitulo 8 mayroong walang-kabuluhan, pagkabulok, pagkagapos, paghibik, at pagkasira. Ang buong sansinukob ay narumihan na ng kamatayan, na resulta ng kasalanan na pumasok sa pamamagitan ni Adam, ang ulo ng lumang paglikha. Ano ang polusyon (pollution) na nagmumula sa kamatayan, ang resulta ng kasalanan? Ito ay pagkabulok, kawalang-kabuluhan, pagkasira, at pagdaing. Ang Roma 8:22 ay nagsasabi na ang sangnilikha ay sama-samang humihibik. Bakit ang mga tao ngayon ay mayroong napakaraming laro (sports) at kaaliwan? Sapagka’t sila, kasama ang buong nilikha, ay maysakit at dumaraing. Bawa’t tao ay dumaraing sa kanilang kaila-ilaliman. Yamang gustong takasan ng mga tao ang pagdaing na ito, sila ay sumasayaw o nakikibahagi sa ibang makasanlibutang kaaliwan. Lahat ng mga kaaliwang ito ay mga droga, na katulad ng opio, na nag-aalis ng pakiramdam ng sakit. Subali’t ang opio ay hindi nakagagaling; dinodroga lamang kayo nito. Ang pagsasayaw at lahat ng mga laro at kaaliwan ay mga droga. Kapag ang mga tao ay umuuwi ng bahay mula sa pagsasayaw o mula sa isang pagtatanghal ng laro, nasusumpungan nila na ang panloob na pagdaing ay naroroon pa rin. Ang tanging bagay na nabago ay yaong nadroga sila. Ang edukasyon ay isa ring droga. Bagama’t naabot na ninyo ang pinakamataas na digri, kapag nakapagtapos na kayo, sasabihin ninyong, “Ano ito?” at ihahagis ninyo ang inyong diploma. Ang pagdaing na ito ay isa sa mga kinalabasan ng kamatayan. Dahil sa mga kinalabasan ng kamatayan, kailangan natin ang dibinong pagkasaserdote, na siyang pagkakaroon ng buhay at kawalan ng kamatayan. Kapag binisita ninyo ang mga tahanan ng ilang mga mahal na banal sa ekklesia, ang makikita lamang ninyo ay kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagdaing, at pagkasira. Kung ito ang situwasyon sa inyong tahanan, nangangahulugan ito na may kakulangan sa dibinong pagkasaserdote sa inyong tahanan. Kung ang tahanan ninyo ay puno ng dibinong pagkasaserdote ni Kristo, naroroon ang kawalan ng kamatayan at ang pagkakaroon ng buhay. Wala ng kawalang kabuluhan, pagkabulok, pagdaing, at pagkasira. Kabaligtaran sa konsepto ng maraming Kristiyano, ang Hebreo 7:25 ay hindi nangangahulugang ililigtas tayo ni Kristo mula sa mga bagay na gaya ng pagsusugal; ito ay pangunahing nangangahulugang ililigtas Niya tayo mula sa lahat ng ating pagkabulok, kawalang-kabuluhan, pagdaing, at pagkasira. O, kailangan nating maligtas sa sukdulan! Kapag pumunta kayo sa aking tahanan, dapat ay may pagpupuri, realidad, pagtatayo, at paglago, hindi pagdaing, kawalang-kabuluhan, pagkabulok, at pagkasira. Ang maligtas mula sa mga kinalabasang ito ng kamatayan ay ang kahulugan ng maligtas sa sukdulan. Hindi ito ang pagliligtas ng Tagapagligtas kundi ang pagliligtas ng dibinong pagkasaserdote. Ang Griyegong salita na isinaling sukdulan sa 7:25 ay katulad ng salitang ugat ng Griyegong salita para sa kasakdalan. Kaya, ang maligtas sa sukdulan ay nangangahulugang maligtas tungo sa kasakdalan. Patungo sa anong uri ng kasakdalan tayo inililigtas ni Kristo? Tungo sa Kanyang kasakdalan. Ang mailigtas sa sukdulan ay ang madala tungo sa kasakdalan ni Kristo. Ang dibinong Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao, namuhay sa lupa, dumaan sa kamatayan, nabuhay-na-muli, at lubusang napasakdal magpakailanman. Nangangahulugan ito na sa Kanyang kasakdalan ay walang pagdaing, kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagkagapos, o pagkasira. Sa loob ni Kristo, ang napasakdal na Anak ng Diyos, ang Isa na nabuhay-na-muli at napataas, ay walang pagdaing. Sa palagay ba ninyo, sa loob Niya ay may kawalang-kabuluhan, pagkagapos, pagkabulok, o pagkasira? Hindi, Siya ay ganap na malaya sa mga bagay na ito. Ang kawalang-kabuluhan, pagdaing, pagkasira, pagkagapos, at pagkabulok ay pawang mga bunga (by-products) ng kamatayan. Si Kristo, ang napasakdal na Isa, ay nakapagliligtas sa atin mula sa lahat ng bunga ng kamatayang ito at makapagdadala sa atin tungo sa loob ng Kanyang kasakdalan. Sa kamangha-manghang kasakdalang ito, walang kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagkagapos, pagdaing, o pagkasira. Ito ang pagliligtas sa sukdulan, ang pagliligtas tungo sa kasakdalan. Ito ang pagliligtas ng dibinong pagkasaserdote ni Kristo. Habang si Kristo ay nasa lupa, nilutas Niya ang mga suliranin ng kasalanan at kamatayan. Katulad ng nakita na natin sa mensahe tatlumpu’t isa, ang gawain ni Kristo na isinagisag ng pagkasaserdote ni Aaron ay nasa unang palapag lamang, at ang ministeryo ng Kanyang makaharing pagkasaserdote ay nasa ikalawang palapag. Tayo ngayon ay nasa ikalawang palapag na nagtatamasa sa Kanyang makaharing pagkasaserdote. Hindi nilulutas ng makaharing pagkasaserdote ang suliranin ng kasalanan. Ang kasalanan ay tapos na, at wala ng paghahandog para sa kasalanan. Ito ang ibig ipakahulugan ng 10:26 nang sabihin nitong “wala nang haing natitira pa para sa mga kasalanan.” Dito, sa ikalawang palapag, nagtatamasa tayo sa makaharing pagkasaserdote ni Kristo kung saan inihahain Niya ang Diyos bilang ating pagtatamasa para sa ating pang-araw-araw na panustos. Habang tinatamasa natin ang Kanyang makaharing pagkasaserdote, nakikibahagi tayo sa dibinong pagkasaserdote na nagbabawas at lumululon ng lahat ng mga bunga ng kamatayan. Habang tinatamasa natin ang Diyos na inihahain tungo sa atin bilang ang naprosesong Isa, nakikibahagi tayo sa dibinong pagkasaserdote na nagbabawas, nag-aalis at lumululon sa lahat ng bunga ng kamatayan katulad ng kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagkagapos, pagdaing, at pagkasira. Sa araw-araw, mayroon sa loob natin ng isang pagbabawas, isang paglululon, ng ating pagdaing at kawalang-kabuluhan. Lalo tayong nakikibahagi sa dibinong pagkasaserdote ni Kristo, lalong nababawasan ang ating pagdaing. Lalo tayong nagtatamasa sa Kanyang dibinong pagkasaserdote, lalong nababawasan ang ating pagbubuntong-hininga. Hindi na tayo magbubuntong-hininga—sisigaw na tayo. Ang kapansin-pansing katangian ng mga pang-kristiyanong pagpupulong ay ang kanilang pagbubuntong-hininga. Ang maririnig ninyo lamang sa mga pagpupulong ay pagbubuntong-hininga. Nang dumating tayo sa buhay-ekklesia at nagsimulang magsabi ng “Amen,” tayo ay sinabihang, “Hindi kayo dapat magsabi ng amen nang napakalakas o sumigaw ng aleluya. Dapat panatilihin ninyo ang disenteng kaayusan.” Yaong mga palaging nagbubuntong-hininga sa mga pagpupulong nila ay ni wala sa unang palapag kundi nasa silong. Sumisigaw tayo sa ating mga pagpupulong dahil tayo ay napataas sa ikalawang palapag. Lalo tayong nagtatamasa sa dibinong pagkasaserdote ni Kristo, lalong mababawasan ang ating pagbubuntong-hininga at lalo tayong mapapasigaw. Maraming Kristiyano ang nagtataglay lamang ng pagkasaserdote ni Aaron. Sa pagpapahayag nila ng ebanghelyo, nanatili sila sa antas ng pagkasaserdote ni Aaron. Purihin ang Panginoon na nasa ngayon ang ating antas ay naiangat sa makaharing pagkasaserdote at dibinong pagkasaserdote! Ang dibinong pagkasaserdote ay binubuo ng buhay na di-nasisira. Kaya makapagliligtas ito sa atin sa sukdulan mula sa mga bunga ng kamatayan tungo sa kasakdalan ni Kristo. Ayon sa Roma 8, ang huling hakbang ng gawain ng Diyos sa atin ay ang luwalhatiin tayo. Ano ang kahulugan ng maluwalhati? Ito ay ang lubusang malalinan ng dibinong pagkasaserdote. Kung kailan tayo lubos nalalinan ng dibinong pagkasaserdote, yaon ang ating magiging pagluluwalhati. Ang maluwalhati ay ang maligtas din sa kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagkagapos, pagdaing, at pagkasira. Ito ang eksaktong kahulugan ng pagluluwalhati sa Roma 8, ang ganap na pagka-anak, ang katubusan ng ating katawan. Ang katubusan ng ating katawan ay ang pagiging nabagong-anyo nito palabas sa kawalang-kabuluhan, pagkabulok, at pagkasira tungo sa isang yugto kung saan ito ay kumpletong napupuno ng dibinong pagkasaserdote. Yaon ang ating magiging pagluluwalhati. Ang pagkasaserdote ni Aaron ay nasa Roma 3 at 4, ang makaharing pagkasaserdote ay nasa Roma 6 at nasa unang bahagi ng Roma 8, at ang dibinong pagkasaserdote ay nasa kalagitnaan at huling bahagi ng Roma 8. Ang Hebreo 7 hindi tumutugma sa Roma 3 at 4; unang-una ito ay tumutugma sa Roma 6 at unang bahagi ng Roma 8, at sa katapus-tapusan, tumutugma ito nang ganap sa kalagitnaan at huling bahagi ng Roma 8 na tumatalakay sa pagluluwalhati at sa ating kaligtasan mula sa kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagkagapos, at pagkasira tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian. Tayo ngayon ay nasa daan patungo sa kasakdalan; tayo ay nasa ilalim ng proseso ng pagpapasakdal. Bilang ating Tagapagpauna, si Kristo ay nakapasok na sa kumpletong kasakdalang yaon, at tayo ay dadalhin doon. Tayo ay maliligtas sa sukdulan. Ang maligtas sa sukdulan ay ang madala tungo sa kumpletong kasakdalan ni Kristo kung saan walang kawalang-kabuluhan, pagkabulok, pagkagapos, pagkasira, o pagdaing. Ang iligtas tayo sa ganitong paraan ay ang ministeryo ng dibinong pagkasaserdote. Kapag dumako tayo sa Hebreo 8, makikita natin na ito ang lalong ekselenteng ministeryo na sinalita noon. Ang lalong ekselenteng ministeryo ay ang ministeryo ng makaharing pagkasaserdote at dibinong pagkasaserdote. Ang makaharing pagkasaserdote ay para sa pagtatayo ng Diyos. Ayon sa Zacarias 6:12-13, pinagsasama ni Kristo, bilang ang Haring Saserdote, ang pagkahari at ang pagkasaserdote para sa layunin ng pagtatayo ng templo ng Panginoon. Kaya, ang makaharing pagkasaserdote ay para sa pagtatayo ng ekklesia, sapagka’t ang makaharing pagkasaserdote ang nagpapanatili ng kaayusan ng katuwiran at kapayapaan. Ang gayong kaayusan ng katuwiran at kapayapaan ay nagbibigay ng pagkakataoon upang magpatuloy ang gawaing pagtatayo ng Diyos. Habang itong ministeryo ng makaharing pagkasaserdote ay nagaganap, ang dibinong pagkasaserdote na binubuo ng elemento ng buhay na di-nasisira ay pumapasok upang bawasan ang lahat ng mga bunga ng kamatayan. Ngayon kailangan nating makita kung ano itong buhay na di-nasisira, ang elemento ng dibinong pagkasaserdote. I. ANG BUHAY NG DIYOS Unang-una, itong buhay na di-nasisira ay ang buhay ng Diyos. Itong katagang “ang buhay ng Diyos,” ay minsan lamang ginamit sa buong Bibliya, sa Efeso 4:18, na nagsasabing, “Palibhasa ay napadilim ang kanilang pang-unawa, nangahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso.” Kung ang mga di-mananampalataya ay nangahiwalay, nangaputol mula sa buhay ng Diyos, tayo ay nakadugtong, nakaugpong dito, sapagka’t ipinrenda ng Diyos ang Kanyang buhay sa loob ng ating katauhan. Ang Ingles na salita para rito ay “articulated,” nangangahulugan na ang isang sangkap ng katawan ay ipinrenda sa isa pang sangkap. Ang kamay, halimbawa, ang iginarantiya sa braso. Hindi lamang ito isang pamposisyon na bagay kundi isang bagay ng buhay. Yamang ang buhay ng Diyos ay iginarantiya sa ating katauhan, hindi na tayo hiwalay sa buhay ng Diyos. Sinasabi sa 1 Corinto 6:17, “Ang nakaugpong sa Panginoon ay kaisang espiritu Niya.” Hindi isang maliit na bagay na ipinrenda ng buhay ng Diyos ang Sarili nito tungo sa loob ng ating katauhan. Naniniwala ako na ito ay pauunlarin pa nang higit ng Panginoon sa buhay-ekklesia sa mga darating na taon. Dapat nating kalimutan ang lahat ng mga pantaong pagtuturo na nagsasabing kailangan natin ang mga mabuting asal at kaugalian at bigyang-pansin ang tunay na kailangan natin—ang buhay ng Diyos. Ang buhay na ito ay ang dibinong buhay. Sagutin mo ako, ikaw ba ay tao o dibino? Ang paraan upang sagutin ang katanungang ito ay ang sabihing, “walang alinlangan, ako ay isang tao, subali’t ako ay isang tao na may dibinong buhay.” Dapat tayong gumawa ng isang deklarasyon sa mga anghel; “Mga anghel, hindi ba ninyo alam na mayroon akong dibinong buhay? Mga anghel, wala kayong dibinong buhay, subali’t ako’y mayroon. Mayroon akong buhay ng inyong Manlilikha.” Mayroon tayong dibinong buhay! Wala ng mas bubuti pa sa buhay. Sa buong sansinukob, ang pinakamainam na aytem ay buhay. Kung aalisin ninyo ang buhay sa lupa, ang planetang ito ay magiging isang kapanglawan. Ang kariktan, kaaliwalasan, at kagandahan ng lupa ay pawang nagmumula sa isang bagay—buhay. Kung walang buhay sa lupa, ang planetang ito ay magiging walang kahulugan. Ngayon mayroon tayong pinakamataas na buhay, hindi ang buhay ng halaman, ni ang buhay ng hayop, ni ang maka-anghel na buhay, ni maging ang pantaong buhay—mayroon tayong dibinong buhay! Kung nakita natin ito, mawawala tayo sa ating mga sarili sa kagalakan at kapurihan. II. ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN Ang buhay na di-nasisira ay ang buhay na walang hanggan din (Juan 3:16). Ano ang kahulugan ng katagang walang hanggan? Maraming beses, ang King James Version ay nagsasabing buhay na walang katapusan (everlasting life) sa halip na buhay na walang hanggan (eternal life), subali’t nawala ng pagsasaling ito ang punto. Ang buhay na walang hanggan ay hindi lamang buhay na walang katapusan, bagama’t ang bagay ng pagiging walang katapusan ay kabilang dito. Ang buhay na walang hanggan ay isang “super” na buhay, isang buhay na walang simula o katapusan, isang buhay na walang limitasyon sa panahon at lugar. Ang buhay na walang hanggan ay napakataas na hindi ito maipaliwanag, lumalampas ito nang higit sa ating pang-unawa. Ang dibinong pagkasaserdote ni Kristo ay binubuo ng isang buhay na kagaya nito. III. ANG BUHAY NA DI-NILIKHA Itong buhay na di-nasisira ay ang buhay na di-nilikha (Juan 1:4). Bawa’t uri ng buhay, mula sa maka-anghel na buhay hanggang sa buhay-halaman, ay isang buhay na nilikha. Ang buhay na di-nasisira lamang ang di-nilikha. Bagama’t ito ay di-nilikha, ito ay lumilikha. Ang buhay na ito ay palaging lumilikha ng bagay na positibo sa ating buhay-ekklesia, buhay-pamilya, at buhay-Kristiyano. Araw-araw, maaari nating matamasa itong lumilikha, subali’t di-nilikhang buhay. Ito ang buhay natin ngayon. IV. ANG BUHAY NA SI KRISTO MISMO Itong buhay na di-nasisira ay si Kristo Mismo (Juan 14:6a; 1 Juan 5:12; Col. 3:4a). Anumang bagay na mababa kaysa kay Kristo, na Siyang Diyos Mismo, ay hindi ang buhay na di-nasisira. Ang buhay na di-nasisira ay hindi lamang may mga pangsyon at mga kakayahan—ito ay may isang kamangha-manghang Persona. Kailangan nating maranasan ang buhay na ito sa araw-araw. V. ANG BUHAY NA NASUBOK NA Ang buhay na di-nasisira ay nasubok na sa pantaong pamumuhay ni Kristo (Juan 18:38; 19:4, 6). Ang buhay na ito ay nasubok sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon ni Kristo sa lupa. Sa katapusan ng panlupang buhay ng Panginoon, si Pilato, isang gobernador ng Emperyo Romano, ay gumawa ng tatlong pagsubok, at sa katapusan ng bawa’t pagsubok ay idineklara niyang, “Ako ay walang masumpungang kasalanan sa Kanya.” Makasusumpong ba kayo ng isa pang tao na masasabihan ng inyong budhi na wala siyang kasalanan? Bagama’t mahal na mahal ako ng aking mahal na asawa, kailangan niyang aminin na nakakasumpong siya ng kamalian sa akin. Naniniwala ako na bawa’t asawang-babae ay nakasumpong ng kamalian sa kanyang asawa. Bagama’t wala sa ating makatatagal sa pagsubok, nakatagal ang Panginoong Hesus sa bawa’t pagsubok. Ang uri ng buhay na mayroon tayo ngayon ay isang buhay na nakadaan na sa bawa’t pagsubok. Ang buhay na ito ay sakdal. VI. ANG BUHAY NA DUMAAN SA KAMATAYAN Ang buhay na di-nasisira ay isang buhay na dumaan sa kamatayan (Apoc. 1:18). Ang kamatayan ay makapangyarihan. Kapag ito ay dumating, walang makapipigil dito. Sa buong sansinukob mayroon lamang isang bagay na higit na makapangyarihan kaysa sa kamatayan—ang dibinong buhay. Ang buhay sa realidad, ang tunay na buhay, hindi ang buhay na anino, ay higit na makapangyarihan kaysa sa kamatayan. Ano ang higit na makapangyarihan—kadiliman o liwanag? Ang liwanag ay higit na makapangyarihan kaysa sa kadiliman sapagka’t sa tuwing ito ay nagliliwanag, nadaraig nito ang kadiliman. Ano ang higit na makapangyarihan—buhay o kamatayan? Purihin ang Panginoon na ang buhay ay higit ng makapangyarihan kaysa kamatayan. Ito ang dahilan kung bakit nalampasan ng buhay ang kamatayan. Ang buhay na ito ay hindi lamang bahagyang dumaan sa kamatayan; dumaan ito sa kamatayan katulad ng isang turista sa isang pamamasyal. Pagkaraang mamatay ng Panginoong Hesus sa krus, namasyal Siya sa rehiyon ng kamatayan. Pagkaraang bisitahin ang rehiyon ng kamatayan at makapamasyal, ang Panginoon ay lumakad palabas sa kamatayan. Walang magawa ang kamatayan sa Kanya. Hindi ito dapat basta maging isang pandoktrinang kaalaman sa atin. Dapat nating makita na ang mismong buhay na dumaan sa kamatayan ay atin na ngayon; ito ay nasa atin na ngayon. VII. ANG BUHAY NA DI-MAPIGILAN NG KAMATAYAN Ang buhay na di-nasisira ay isang buhay na di-mapigilan ng kamatayan (Gawa 2:24). Nang si Kristo ay nasa Hades, habang namamasyal sa rehiyon ng kamatayan, pinalakas ng kamatayan ang lahat ng kapangyarihan nito upang pigilan Siya, subali’t walang magawa ang kamatayan. Bagama’t sinikap ng kamatayang pigilan Siya, hindi nito magawa sapagka’t higit na makapangyarihan ang buhay kaysa sa kamatayan. Tayong lahat ay kapwa may kamatayan at buhay sa loob natin. Maging ang inyong pagkagalit o pagkalungkot sa mga kapatid ay kamatayan. Ang kawalan ninyo ng kakayahang magpuri, manalangin, o magpangsyon sa mga pagpupulong ay kamatayan din. Hindi kailanman sinasabi ng buhay na, “Hindi ko kaya.” Sa diksiyunaryo ng buhay walang gayong salitang “Hindi ko kaya.” Palaging sinasabi ng buhay “Kaya ko. Kaya kong gawin ang lahat ng bagay, makapagpapangsyon ako, makapananalangin, makasisigaw, makapagsasabi ako ng amen at makapagpupuri ako.” Sa tuwing sinasabi ninyong “Kaya ko,” yaon ay buhay. Sa tuwing sinasabi ninyong, “Hindi ko kaya,” yaon ay kamatayan. Mula ngayon, sa buhay-ekklesia, dapat nating iwasang magsabi ng “Hindi ko kaya.” Kung hinihilingan kang magsalita, dapat kang sumagot ng, “Aleluya, magagawa ko ito. Walang suliranin.” Sa tuwing sinasabi ng isang kapatid na “Hindi ko kaya,” dapat natin siyang paalalahanan na yaon ay kamatayan. Sinasabi ng kamatayan na, “Hindi ko kaya,” subali’t sinasabi ng buhay na, “Kaya ko.” Walang imposible sa buhay. Ang buhay ay makagagawa ng kahit na anong bagay. Magagawa ng buhay na mahalin ng mga kapatid sa mga ekklesia lokal ang isa’t isa sa sukdulan, sa kasakdalan. Sa Isaias 6:8 sinabi ng Panginoon na, “Sino ang susuguin Ko, at sinong yayaon sa ganang amin?” Sumagot si Isaias na propeta, “Narito ako; suguin Mo ako.” Kung maririnig natin ang Panginoong nagtatanong sa atin, “Sino ang susuguin Ko?” hindi natin dapat sabihing, “Hindi, Panginoon, hindi ako;” dapat nating sabihing, “Panginoon, narito ako—suguin mo ako.” Kung ang lahat ng ekklesia lokal ay mapapasa loob ng buhay, ang buhay-ekklesia ay magiging higit na mataas kaysa sa mga kalangitan. Umaasa ako na sa lalong madaling panahon ang mga ekklesia ay maging ganito. Nawa lahat ng mga ekklesia ay mapasa loob ng buhay! VIII. ANG PAGKABUHAY-NA-MULING BUHAY Ang buhay na di-nasisira ay ang pagkabuhay-na-muling buhay (Juan 11:25). Ano ang pagkakaiba ng buhay sa pagkabuhay-na-muling buhay? Ang buhay ay hindi pa nasubok ng kamatayan; hindi pa ito nakadaan sa kamatayan. Ang pagkabuhay-na-muling buhay ay buhay na nasubok na at nakadaan na sa kamatayan, pinatutunayan na walang magawa ang kamatayan dito. Ang ating buhay ngayon ay ang pagkabuhay-na-muling buhay, ang buhay na nakadaan sa kamatayan at nakapagpatunay na hindi ito mapipigilan ng kamatayan. IX. ANG BUHAY NA SIYANG ESPIRITU Ang buhay na di-nasisira ay ang buhay na Siyang Espiritu (Roma 8:2). Ang Roma 8:2 ay nagsasalita ng tungkol sa Espiritu ng buhay. Kung saan naroon ang buhay, naroroon ang Espiritu sapagka’t ang Espiritu ay ang esensiya, realidad, aktuwalidad, at praktikalidad, ng buhay na ito. Kapag mayroon kayong buhay, mayroon kayong Espiritu, at kapag mayroon kayong Espiritu, mayroon kayong buhay. Ang buhay at ang Espiritu ay hinding-hindi kailanman mapaghihiwalay. X. ANG NAGLILIGTAS NA BUHAY NI KRISTO Ang buhay na di-nasisira ay ang nagliligtas na buhay ni Kristo (Roma 5:10). Bilang gayong nagliligtas na buhay, makapagliligtas ito sa atin sa sukdulan. Sinasabi sa Roma 5:10 na tayo ay naipagkasundo sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo at mangaliligtas sa pamamagitan ng nagliligtas na buhay ni Kristo. XI. ANG NAGHAHARING BUHAY Ang buhay na ito ay ang naghaharing buhay din (Roma 5:17). Hindi lamang tayo inililigtas sa loob ng buhay, bagkus tayo ay naghahari rin sa loob ng buhay. Mayroon tayong isang buhay na nagluluklok sa atin, na naglalagay sa atin sa trono bilang isang hari. Ito ang naghaharing buhay. XII. ANG BUHAY NG PUNO NG BUHAY Ang buhay na di-nasisira ay ang buhay ng puno ng buhay (Gen. 2:9; Apoc. 2:7; 22:2, 14). Ang puno ng buhay ay ang buhay sa pasimula, sapagka’t sa simula ng Bibliya ay may puno ng buhay. Ang puno ng buhay na ito ay magiging ang buhay din sa kawalang-hanggan. Sa Genesis 2, mayroon tayong buhay sa pasimula, at sa Apocalipsis 22, mayroon tayong buhay na pangwalang-hanggan. Ang buhay na ito, ang buhay na walang hanggan na walang pasimula o katapusan ay ang buhay ng puno ng buhay.
Ang buhay na di-nasisira ay isang buhay na walang pagkasira subali’t palaging kasama ng walang pagkasira (2 Tim. 1:10). Kung saan naroroon ang buhay na ito ay walang pagkasira. Ang pagkasira ay isang bunga ng kamatayan, subali’t ang dibinong pagkasaserdote, bilang nabubuuan ng buhay na di-nasisira, ay nagbabawas ng lahat ng pagkasira. XIV. ANG BUHAY NA DI NALILIPOL, Ang buhay na di-nasisira ay di-nalilipol (Heb. 7:16). Hindi ito kailanman malilipol. Ang ilang timpladang kimiko ay maaaring matunaw sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ito sa isang partikular na likido, subali’t walang makalilipol sa buhay na di-nasisirang ito. Mananatili itong ganito magpakailanman. Ito ang uri ng buhay na mayroon tayo sa loob natin at maaaring matamasa natin ngayon. Ang buhay na ito ay tinatawag na buhay na di-nasisira sapagka’t walang makapupuksa rito o makalilipol dito. Kung susunugin ninyo ito o bubuhusan ng tubig, mananatili pa rin ito. Kung papatayin ninyo ito, lalo pa itong mabubuhay. Kung ilalagay ninyo ang buhay na ito sa libingan, ang libingan ay sasabog, at kung ilalagay ninyo ito sa Hades, mawawalan ng kapangyarihan ang Hades upang pigilan ito. Yamang mayroon tayo nitong kamangha-manghang buhay sa loob natin, dapat nating tigilan ang pagdaing at pagtingin sa ating mga kahinaan. Ang buhay na ating natanggap ay isang buhay na di-nasisisra, at walang anumang bagay sa lupa, sa langit, o sa impyerno (hell) ang makatutuos dito. Ito ang buhay na bumubuo sa dibinong pagkasaserdote. Ang dibinong pagkasaserdote ni Kristo ay binubuo ng gayong kamangha-manghang buhay. Ito ang dahilan kung bakit ang dibinong pagkasaserdote ay nakapagliligtas sa atin sa sukdulan, inililigtas tayo mula sa lahat ng mga bunga ng kamatayan tungo sa loob ng kasakdalan ni Kristo—ang pagluluwalhati.
|