PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE TATLUMPU’T LIMA

ISANG MAKALANGIT NA MINISTRO
NA MAY ISANG LALONG EKSELENTENG MINISTERYO

 

Sa mensaheng ito, dumako tayo sa paksa ng isang makalangit na Ministro na may isang lalong ekselenteng ministeryo. Pagkatapos ng mga naunang mensahe hinggil sa makaharing pagkasaserdote at dibinong pagkasaserdote ni Kristo, tiyak na tayo ay handa na, nasangkapan na, at naiposisyon na rin upang pakinggan ang mensaheng ito. Nakita na natin ang dalawang bahagi ng ministeryo ni Kristo. Ang maka-Aarong bahagi sa lupa at ang makahari at dibinong bahagi sa langit. Hindi isang maliit na bagay para sa atin ang maging malinaw hinggil sa dalawang aspektong ito ng ministeryo ni Kristo. Taglay ang pagkaunawang ito bilang ating pumapaligid-na-pangyayari, hindi mahirap unawain ang bagay na ito ng makalangit na Ministro na may isang lalong ekselenteng ministeryo.

Gayunpaman, bago tayo dumako sa bagay na ito nais kong magsalita pa hinggil sa paghahambing sa pagitan ng Hebreo at Roma. Ang kasalanan at kamatayan ay kapwa binanggit sa Roma 5 at 8. Sinasabi sa Roma 8:2 na ang kautusan ng Espiritu ng buhay sa loob ni Kristo Hesus ang nagpalaya sa atin sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan, ang 8:3 ay nagsasabi na ang Diyos ay kinondena ang kasalanan sa laman, sinasabi sa 8:6 na ang kaisipang inilagak sa laman ay kamatayan. Kapag dumako tayo sa kalagitnaan at huling bahagi ng Roma 8, hindi na binabanggit ang kasalanan at kamatayan kundi ang paghibik, kawalang-kabuluhan, kabulukan, pagkagapos, na mga bunga ng kamatayan. Isang bagay ang madaig ang kasalanan at kamatayan at isa pang bagay, isang napakahalagang bagay, ang alisin itong mga bunga ng kamatayan.

Sa Roma 3 hanggang 8, makikita natin ang tatlong hakbang ng pang-ekonomiyang pagliligtas ng Diyos: pag-aaring-matuwid, pagpapabanal, at pagluluwalhati. Ang pag-aaring-matuwid ay may kaugnayan sa katuwiran ng Diyos, ang pagpapabanal sa kabanalan ng Diyos, at ang pagluluwalhati sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang katuwiran, kabanalan, at kaluwalhatian ng Diyos ay pawang may mga kahilingan sa atin. Upang tayo ay ganap at sukdulang maligtas, kailangan nating matugunan ang lahat ng kahilingang ito. Natutugunan ng pag-aaring-matuwid ng Diyos ang mga kahilingan ng Kanyang katuwiran, natutugunan ng pagpapabanal ng Diyos ang mga kahilingan ng Kanyang kabanalan at natutugunan ng pagluluwalhati ng Diyos ang mga kahilingan ng Kanyang kaluwalhatian.

Ang pang-ekonomiyang na pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang upang ariing-matuwid tayo o pakabanalin tayo bagkus ay upang luwalhatiin din tayo. Katulad ng natukoy na natin sa huling mensahe, ang maluwalhati ay ang malalinan nang lubusan ang ating katauhan ng dibinong pagkasaserdote ni Kristo. Kapag ang ating buong katauhan ay nalalinan at natigmakan ng Kanyang dibinong pagkasaserdote, yaon ang ating magiging pagluluwalhati, ang huling hakbang ng pagliligtas ng Diyos. Sa panahong yaon, tatamasahin natin ang ganap na pagka-anak, na malulubos sa pamamagitan ng pagtutubos ng ating katawan (Roma 8:23). Hindi tayo inililigtas ng pagluluwalhati mula sa mga kasalanan o maging mula sa kamatayan; inililigtas tayo nito mula sa mga bunga ng kamatayan, mula sa paghibik, kawalang-kabuluhan, kabulukan, pagkagapos, at pagkasira. Hinihiling nitong mga bunga ng kamatayan na tayo ay maligtas sa sukdulan, at magagawa ito ni Kristo. Ang sukdulang kaligtasan ay hindi lamang tayo sinasagip mula sa kasalanan at kamatayan bagkus inaalisan at nilululon din ang lahat ng mga bunga ng kamatayan. Kapag ang lahat ng mga bunga ng kamatayan ay nalulon na, yaon ang panahon ng pagkahayag ng mga anak-na-lalake ng Diyos sa kaluwalhatian (Roma 8:19). Sa panahong yaon, hindi lamang ang mga anak ng Diyos bagkus maging ang buong sangnilikha rin ay mapapalaya mula sa pang-aalipin ng pagkagapos ng kawalang-kabuluhan at kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian (Roma 8:21). Kapag tayo ay naligtas na sa sukdulan, tayo ay madadala na sa kumpletong kasakdalan. Ito ang kahulugan ng maluwalhati.

Sinasabi sa Roma 8:30 na, “At yaong itinalaga Niya nang una pa ay Kanyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-matuwid naman Niya; at ang mga inaring-matuwid ay niluwalhati rin naman Niya.” Makikita natin mula sa bersikulong ito na ang pagluluwalhati ay ang pagliligtas sa sukdulan. Ang pagluluwalhating ito ay ang kahulugan ng Hebreo 7:25, na nagsasabing si Kristo ay may kakayahang magligtas sa atin sa sukdulan. Itong sukdulang pagliligtas ay pagluluwalhati, at ang pagluluwalhati ay nangangahulugang iligtas tayo mula sa mga bunga (by-products) ng kamatayan. Sa panahon ng pagluluwalhati, wala ng paghibik, pang-aalipin, pagkagapos, kawalang-kabuluhan, kabulukan, o pagkasira. Sino ang gumagawa nitong pagliligtas sa atin sa sukdulan? Ang ating Melquisedec, ang makahari at dibinong Mataas na Saserdote.

Dalawang bersikulo lamang sa Bibliya, ang Hebreo 7:25 at Roma 8:34, ang nagsasabi sa atin na si Kristo ay namamagitan para sa atin, at ang dalawang bersikulong ito ay magkatugma. Ayon sa Roma 8, si Kristo ay hindi namamagitan upang ariing-matuwid ang mga kawawang makasalanan—ang pag-aaring-matuwid ay nasa Roma 4—subali’t Siya ay namamagitan para tayo ay maluwalhati. Tumutugma ito sa pamamagitan sa Hebreo 7:25, sapagka’t dito, si Kristo ay namamagitan para sa atin upang tayo ay maligtas sa sukdulan. Ang maligtas sa sukdulan ay katumbas ng pagluluwalhati. Kaya, ang mga kapitulong ito ay kapwa nagsasabi sa atin ng parehong bagay. Kung wala ang Hebreo 7, hindi nating kailanman matatanto na ang namamagitang Kristo ay ang makahari at dibinong Mataas na Saserdote. Kung walang Hebreo 7, maaaring isipin natin, na ayon sa Roma 8, na ang namamagitang Kristo ay ang Tagapagligtas lamang. Subali’t ang namamagitang Kristo ay higit pa sa Tagapagligtas—Siya ang makahari at dibinong Mataas na Saserdote, ang makalangit na Ministro. Ngayon alam na natin kung sino ang makalangit na Ministro—ito ay ang ating Melquisedec.

Ang ministeryo ni Melquisedec ay hindi ang iligtas ang mga makasalanan. Kung ikaw ay isa pa ring makasalanan, kailangan mo ang ministeryo ni Kristo na isinasagisag ni Aaron. Subali’t hindi na tayo mga kahabag-habag na makasalanan, tayo ay mga mandirigma, nilalabanan ang mga bunga ng kamatayan. Si Chedorlaomer na pinatay ni Abraham, ay hindi kumakatawan sa kasalanan kundi sa mga bunga ng kamatayan. Nang malaman ni Abraham na nabihag si Lot, ang pagkabihag na yaon ay isang bagay ng mga bunga ng kamatayan. Lahat ng matanda sa mga ekklesia ay dapat na maging mga pumapatay na matanda. Kapag ang mga matanda ay pumupunta sa mga pagpupulong at nakita na marami sa mga mahal na kapatid ang nabihag ni Chedorlaomer, dapat nilang patayin ang haring yaon. Huwag pagsabihan o kondenahin ang mga kapatid na nabihag kundi patayin si Chedorlaomer, ang mga bunga ng kamatayan na bumihag sa mga kapatid at gumagapos sa kanila. Kung gagawin ninyo ito, ang ating Melquisedec ay darating, at tatamasahin ninyo ang Kanyang ministeryo.

Maraming Kristiyano ang hindi nakauunawa sa Hebreo 7 at 8 sapagka’t pinananatili nila ang katayuan ng pagiging mga kahabag-habag na makasalanan. Wala ni isa sa kanila ang Abraham na pumapatay. Dapat nating patayin ang lahat ng mga bunga ng kamatayan na binanggit sa Roma 8; dapat nating patayin ang paghibik, kawalang-kabuluhan, pagkagapos, pang-aalipin, kabulukan at pagkasira. Paano natin mapapatay ang mga bungang ito ng kamatayan? Sa pamamagitan (through) ng pamamagitan (intercession) ng ating Mataaas na Saserdote. Habang pinapatay natin si Chedorlaomer at ang lahat ng bunga ng kamatayan, Siya ay namamagitan para sa atin. Ito ang ministeryo ng ating Mataas na Saserdote, ang makalangit na Ministro, ngayon.

Nakikita na ang isang larawan ng ministeryong ito sa kaso ng paglalabanan sa pagitan ng Israel at ni Amalek (Exo. 17:8-13). Itinaas ni Moises ang kanyang kamay (yaon ay nananalangin) sa taluktok ng burol at nakipagbaka si Josue sa gitna ng labanan. Habang nananalangin si Moises, pinapatay ni Josue ang kaaway. Gayundin naman, naniniwala ako na habang pinapatay ni Abraham ang mga hari, si Melquisedec ay nananalangin para sa kanya. Sa gayunding paraan, habang pinapatay natin ang mga bunga ng kamatayan, si Kristo ang ating makalangit na Ministro na may isang lalong ekselenteng ministeryo, ay nasa langit na namamagitan para sa atin.

Ano ang lalong ekselenteng ministeryo ni Kristo ngayon? Ito ay ang mamagitan para sa mga nakikipaglaban (fighters). Ang pamamagitan ni Kristo ay katulad ng isang malakas na motor na nagpapalakas sa isang makina upang ito ay tumakbo. Paano madadala ang enerhiya sa makina? Sa pamamagitan ng motor. Kapag umandar ang motor, ang enerhiya ay nailalalin sa makina. Sa gayunding paraan, ang namamagitang Kristo sa mga kalangitan ay inihahatid ang makalangit na enerhiya sa loob natin.

Isaalang-alang ninyong muli ang kaso ng pagkakagapi ni Abraham sa mga hari. Ipagpalagay na kayo si Abraham na nakarinig ng balita na si Lot ay nabihag. Kung yaon ay nangyari sa atin, malamang na natakot tayo sa kamatayan at malamang na nagtungo tayo sa loob ng tolda at nanalanging, “O, Panginoon, kaawaan at ingatan Mo kami. Huwag Mong pahintulutang pumunta rito ang mga hari.” Subali’t nang marinig ni Abraham ang balita, parang sinabi niyang,” Binihag nila ang kapatid kong si Lot! Hindi mahalaga sa akin kung gaano karami ang kanilang tao—taglay ko ang Kataas-taasang Diyos, at lalabanan ko ang mga hari at sasagipin si Lot.” Si Abraham at ang kanyang tatlong daan at labing-walong tao ay matapang sapagka’t sila ay napalakas sa pamamagitan (by) ng pamamagitan (intercession) ni Melquisedec. Sila ay napalakas ng isang makalangit, at pansansinukob na motor. Nang dumating si Melquisedec upang pagpalain si Abraham, pinagpala niya ang Kataas-taasang Diyos sa pagdadala ng mga kaaway ni Abraham sa kanyang mga kamay (Gen. 14:20). Sa ibang salita, sinasabi ni Melquisedec kay Abraham na ang kanyang tagumpay ay ang resulta ng kanyang pamamagitan sa Kataas-taasang Diyos para sa kanya.

Kailangan nating magkaroon ng isang mataas na pangitain ng lalong ekselenteng ministeryo ni Kristo. Hindi ito isang mababang ministeryo para sa mga kahabag-habag na makasalanan, ito ay isang mataas na ministeryo para sa mga matagumpay na mandirigma, para sa mga matagumpay ng Diyos, ang mga wastong inapo ni Abraham. Hindi ito ang pagkasaserdoteng matatagpuan natin sa Levitico kundi ang pagpapatuloy ng pagkasaserdote na makikita natin sa Genesis 14.

Binubuksan ng Panginoon ang Kanyang Salita sa atin upang tayo ay maging mga mandirigmang katulad nina Abraham at ng kanyang tatlong daan at labing-walong tao. Kailangan nating makipagbaka sa labanan, pinapatay ang lahat ng bunga ng kamatayan. Hindi na natin dapat panghawakan ang obhektibong pananaw na, paglipas ng panahon, tayo ay maluluwalhati at lahat ng mga anak-ng-lalake ng Diyos ay mahahayag at madadala sa kalayaan ng kaluwalhatian. Sa Roma 8, makikita natin ang pamamagitan ni Kristo sa langit gayundin ang paghibik sa buong sansinukob. Ang buong sansinukob ay humihibik para sa kalayaan, humihibik na mapalaya mula sa mga bunga ng kamatayan. Ito ang situwasyon ngayon: taglay natin ang pamamagitan ng ating Melquisedec sa kalangitan at ang paghibik sa buong sansinukob. Ngayon, kailangan ng Diyos na makahanap ng mga tao sa lupa upang maging Kanyang makinang gumagawa upang dalhin yaong maluwalhating kalayaan. Sino ang mga tao na sa pamamagitan nila ay gumagawa ang Diyos upang madala papasok ang pagluluwalhati? Tayo.

Itong maluwalhating kalayaan ay dapat munang madala sa loob ng ating katauhan. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng ating namamagitang Melquisedec. Ang motor sa ikatlong kalangitan ang nagpapalakas ng makina sa lupa: gumagawa ito ng maraming “pam, pam, pam” sa ating espiritu. Paminsan-minsan, ang pagsasalin ng Panginoon ng enerhiya mula sa motor sa kalangitan ay napakalakas na hindi na mataglay ng aking sarili. Sa tuwing lumuluhod ako upang manalangin sa aking silid-tulugan, nadarama ko ang “pam, pam, pam,” ang pagbibigay-kapangyarihan, ang pagpapalakas mula sa pamamagitan ng Panginoon. Hayaang hintayin at makita ng relihiyosong tao ang resulta ng pagpapalakas ng makalangit na motor. Huwag isipin na ang pagbabawi ng Panginoon ay basta lamang isa pang uri ng pang-Kristiyanong gawain. Hindi, ito ay ang gawaing naisagawa ng “pam, pam, pam” na ang enerhiya ay nailalin sa loob natin sa pamamagitan ng makalangit na kapangyarihan (dynamo). Sa tuwing nananalangin tayo para sa pagbabawi ng Panginoon mayroong tayong damdamin na ang Panginoon ay nagbibigay-kapangyarihan sa atin mula sa loob. Ito ang dahilan kung bakit tayo, ang mga kasama ng Panginoon sa Kanyang pagbabawi, ang mga pinaka-agresibong Kristiyano sa ibabaw ng lupa ngayon. Ang makalangit na ministeryo ni Kristo ay hindi isang ministeryo na tumitingin sa mga kahabag-habag na makasalanan; ito ang lalong ekselenteng ministeryo na nagpapatakbo sa ekonomiya ng Diyos.

Mayroon akong lubos na katiyakan na ang makalangit na Ministro ay naghahain sa atin. Maraming beses na, habang isinusulat ko ang mga tala para sa Salin sa Pagbabawi sa Hebreo, ang makalangit na elektrisidad ay dumarating sa aking panulat, at ako ay nagkaroon ng isang bagong pangitain ng mga bagay sa Bibliya. Bagama’t ang Bibliya ay nasa lupa na sa loob ng maraming siglo, kakaunting Kristiyano, kung mayroon man, ang nakakita ng mga bagay na nakikita natin ngayon. Higit ba tayong ismarte sa kanila? Hindi. Ang ating nakikita ay ang resulta ng pamamagitan ng makalangit na Ministro. Ito ang dahilan kung bakit ang inihahain natin ngayon ay lubhang na kakaiba sa masusumpungan sa relihiyon ngayon. Kung itatabi ko ang ipinakikita sa akin ng Panginoon at ang ginagawa Niya sa loob ko, sasabog ako. Dapat kong sabihin sa mga tao ang tungkol sa Kanyang makalangit na ministeryo. Nakita ko na ang makaharing pagkasaserdote ng Panginoon at alam ko na ang Panginoon ay namamagitan para sa atin at naghahain sa atin. Mayroon tayong gayong makalangit na Ministro na may isang lalong ekselenteng ministeryo.

I. ISANG MAKALANGIT NA MINISTRO

A. Isang Mataas na Saserdote na Nakaupo sa Trono
ng Kamahalaan sa mga Kalangitan

Sinasabi sa Hebreo 8:1 na mayroong tayong isang “Mataas na Saserdote, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalaan sa mga kalangitan.” Ito ang makalangit na Kristo, ang makahari at dibinong Mataas na Saserdote, ang ating Melquisedec ngayon. Ang ating Mataas na Saserdote ay hindi nakatayo sa lupa upang isagawa ang gawain ng pagtutubos; Siya ay nakaupo sa trono ng Kamahalaan sa mga kalangitan. Ang pag-upo Niya roon ay nagpapakita na ang gawain ng pagtutubos ay naisagawa na Niya, na Siya ngayon ay nasa kaluwalhatian sa kamahalan ng Pamunuang-Diyos sa mga kalangitan, at yaong Siya ay namamagitan nang nakapapahinga para sa pagpapasakdal ng mga tinubos Niya. Ito ay hindi gawain ng pagkasaserdote ni Aaron kundi ang ministeryo ng makahari at dibinong pagkasaserdote. Hindi Siya ang ating Aaron na nakatayo sa lupa kundi ang ating Melquisedec na nakaupo sa mga kalangitan, maging sa trono ng Diyos na may dibinong kamahalan.

B. Naghahain sa Tunay na Tabernakulo na nasa Langit
na Nakaugpong sa Ating Espiritu

Sa ekonomiya ng Diyos, tatlong bagay ang palaging pinagsasama: ang tabernakulo, o ang santuwario, ang pagkasaserdote, at ang kautusan. Ang tatlong bagay na ito, na iisa, ay pinagsasama-sama para sa pagsasakatuparan ng ekonomiya ng Diyos. Noong panahon ng Lumang Tipan, walang makapaghihiwalay sa tatlong bagay na ito sa isa’t isa. Gayundin sa ngayon. Mayroon tayong santuwario, na kapwa nasa langit at nasa ating espiritu, ang pagkasaserdote, at ang lalong mabuting kautusan ng buhay. Ang santuwario, pagkasaserdote, at kautusan na tinatamasa natin ngayon ay lalong mabuti kaysa sa lumang santuario, pagkasaserdote, at kautusan. Ang mga lumang bagay na yaon ay isang anino lamang. Ang mga bagong aytem na ito na ating tinatamasa ngayon ay ang realidad ng anino.

Sinasabi sa Hebreo 8:2 na si Kristo ay isang “Ministro ng mga dakong banal, maging ng tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.” Si Kristo ay naghahain sa tunay na tabernakulo na nasa langit na nakaugpong sa ating espiritu. Bilang ating Mataas na Saserdote sa mga kalangitan, dinadala tayo ni Kristo tungo sa loob ng langit, mula sa labas na loobang nasa lupa patungo sa loob ng Dakong Kabanal-banalang nasa mga kalangitan, na nakaugpong sa ating espiritu sa pamamagitan Niya bilang makalangit na hagdanan (Gen. 28:12, Juan 1:51). Ang mga saserdote na nasa lupa ay naglingkod sa anino (Heb. 8:5), subali’t pinaglilingkuran nitong Ministro na nasa langit ang realidad. Anuman ang nagawa ng mga saserdote na nasa lupa sa Lumang Tipan ay isang anino ng mga tunay na bagay na darating. Ang gawain nila sa lupa ay walang anumang bagay na naisagawa. Ang ginawa nila sa lupa ay naglingkod lamang sa isang anino ng realidad, subali’t anuman ang inihahain nitong Ministro na nasa langit sa Bagong Tipan ay ang realidad. Pinaglilingkuran ng Kanyang lalong ekselenteng Ministeryo na nasa langit ang realidad ng mga makalangit na bagay sa dibinong pamamahagi.

II. ISANG LALONG EKSELENTENG MINISTERYO

Ang ministeryo ng mga saserdote na nasa lupa sa Lumang Tipan ay mabuti, subali’t ang ministeryo ni Kristo, ang ating Mataas na Saserdote, na nasa langit sa Bagong Tipan ay lalong ekselente. Ito ay lalong ekselente sa mga sumusunod na aspekto:

A. Bilang ang Tagapamagitan ng isang Lalong Magaling na Tipan
na Isinabatas sa Lalong Mabubuting Pangako

1. Ang Tagapamagitan

Sa pagkasaserdoteng ito ngayon ay mayroong tayong isang Tagapamagitan, isang tao na nagtutungo sa pagitan ng Diyos at natin. Ang Tagapamagitang ito ay ang Tagaganap din, ang Isa na tumutupad sa huling habilin, sa testamento. Si Kristo, bilang ang Tagapamagitan, ay ang Tagaganap sa loob ng pagkabuhay-na-muli ng bagong tipan, ang bagong testamento na Kanyang ipinamana sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan.

2. Isang Lalong Magaling na Tipan

Ang tipan na isinabatas para sa atin at ipinamana sa atin bilang ang bagong testamento sa pamamagitan ni Kristo ay isang lalong magaling na tipan. Ang lalong magaling na tipang ito ay hindi lamang isinabatas sa lalong mabubuting pangako ng isang lalong magaling na kautusan, ang panloob na kautusan ng buhay (8:10-12), bagkus ito ay nalubos din ng lalong mabubuting hain ni Kristo (9:23), na nagsakatuparan pa sa atin ng walang hanggang katubusan (9:12), at ng lalong magaling na dugo ni Kristo na naglilinis ng ating budhi (9:14). Bilang ang Mataas na Saserdote ng lalong magaling na tipang ito, si Kristo, ang walang hanggang Anak ng buháy na Diyos, ay naghahain sa pamamagitan ng lalong ekselenteng ministeryo (8:6) sa lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo (9:11).

3. Lalong Mabubuting Pangako

Ang lalong magaling na tipang ito ay isinabatas sa lalong mabubuting pangako (8:6). Ang lalong mabubuting pangako, na ipinagkaloob sa Jeremias 31:31-34 at sinipi sa 8:8-12 at 10:16-7, ay dalawang bagay—ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang kautusan ng buhay.

Sa ilalim ng lumang tipan ay walang kapatawaran ng mga kasalanan, tanging pagtatakip lamang ng mga kasalanan. Sa bagong tipan hindi lamang tayo may pagtatakip ng mga kasalanan bagkus may kapatawaran ng mga kasalanan. Sa bagong tipan ngayon mayroong din tayong kautusan ng buhay, hindi ang kautusan ng mga titik.

B. Upang Isagawa ang Lalong Magaling na Tipan

1. Ginagawang Mabisa ang mga Katunayan
sa Bagong Tipan

Bilang ating makalangit na Ministro na may isang lalong ekselenteng ministeryo, isinasagawa ni Kristo ang lalong magaling na tipan. Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng paggawa sa mga katunayan ng bagong tipan na mabisa. Katulad ng makikita natin sa kalaunan, bawa’t katunayan sa bagong tipan ay ginagawang mabisa ng makalangit na Ministro na may Kanyang lalong ekselenteng ministeryo.

2. Ginaganap ang mga Pamana
sa Bagong Testamento

Ginaganap ni Kristo, ang makalangit na Ministro, ang mga pamana sa Bagong Tipan. Anuman ang katunayan sa tipan ay isang pamana sa testamento. Ano ang pakakaiba ng mga katunayan sa mga pamana? Ang mga katunayan ay tumutukoy sa ilang mga bagay na naisagawa na subali’t hindi pa naitatalaga hanggang ang mga ito ay naipamana. Pagkatapos maipamana ang mga naisagawang katunayan, kaagad silang nagiging mga pamanang itinalaga para sa atin. Ito ang pagkakaiba ng isang tipan sa isang testamento; anuman ang nasa isang tipan ay isang katunayan, subali;t anuman ang nasa isang testamento ay isang pamana. Ang mga katunayan sa tipan ay naging mga legal na itinalaga para sa atin ngayon bilang mga pamana sa huling habilin, sa testamento. May apat na katunayan ang bagong tipan na pawang naging mga pamana sa bagong testamento: ang pampalubag-loob para sa ating kalikuan at ang pagpapatawad sa ating mga kasalanan; ang pamamahagi ng kautusan ng buhay; ang pagpapalang matamo ang Diyos at maging ang Kanyang bayan; at ang panloob na kakayahang makilala ang Panginoon. Makikita natin nang higit na malinaw ang lahat ng aytem na ito sa mga susunod na mensahe.