PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE TATLUMPU’T ANIM

ANG BAGONG TIPAN

 

Pagkatapos ng limang naunang mensahe, tayo ngayon ay kwalipikado nang makaunawa sa bagong tipan. Sa mensaheng ito, kailangan natin makita kung ano ang bagong tipan.

Ang Diyos ay may isang walang hanggang layunin na may Kanyang dibinong intensiyon. Ang intensiyon ng Diyos ay simple lamang na ipamahagi ang Kanyang Sarili sa loob natin at isagawa ang Kanyang Sarili sa loob natin bilang ating buhay at ating lahat-lahat hanggang sa katapus-tapusan Siya at tayo, tayo at Siya, ay naihalong magkasama at tayo ay naging Kanyang kahayagan sa buong sansinukob. Sa prosesong ito, ang pagka-Diyos ay inilalalin sa pagka-tao, at ang pagka-tao ay inihahalo sa pagka-Diyos. Ang Diyos ay Diyos, subali’t Siya ay naging tao. Tayo ay mga tao, subali’t mayroon tayong buhay at kalikasan ng Diyos. Ito ay isang maiksing kahulugan ng walang hanggang layunin ng Diyos.

Bago naisagawa ng Diyos ang layuning ito, sinanhi ni Satanas na matisod ang tao at ang marami sa mga maka-anghel na nilalang. Sa isang pakahulugan, nagsanhi ito sa Diyos ng isang malaking suliranin, subali’t, sa isang pakahulugan, nagbigay ito sa Kanya ng isang magandang pagkakataon upang ipakita ang Kanyang karunungan. Una, sa negatibong panig, sapagka’t pumasok ang kasalanan bilang isang hadlang sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos, kinailangan ng Diyos na lutasin ang lahat ng mga suliraning may kaugnayan sa kasalanan at alisin ang kasalanan. Ikalawa, sa panig na positibo, inilagay ng Diyos ang Kanyang Sarili sa loob natin bilang ating buhay. Ang buhay na ito ay dapat na ngayong mapaunlad tungo sa mga kautusan na nagreregula na ibinahagi sa bawa’t panloob na bahagi ng ating katauhan. Inilagay ng Diyos ang Kanyang Sarili bilang buhay sa loob ng ating espiritu, at mula sa ating espiritu pinauunlad Niya ang dibinong buhay na ito tungo sa mga kautusan na lumalaganap sa lahat ng ating mga panloob na bahagi. Ikatlo, ayon sa kautusan ng buhay na ito, ang Diyos ay ang ating Diyos at tayo ang Kanyang bayan. Ikaapat, kapag ang buhay na ito ay pumasok sa atin at napaunlad tungo sa mga kautusan na ipinamamahagi sa ating buong katauhan, ang buhay na ito na may mga kautusan nito ay nagbibigay sa atin ng isang kusang-kusa at kaagad-agad na panloob na kakayahang makilala ang Diyos sa paraan ng buhay. Ito ay hindi ang makilala ang Diyos sa pamamagitan ng kaalaman, sa pamamagitan ng pagiging naturuan; ito ay ang makilala Siya sa pamamagitan ng panloob na kakayahan ng buhay. Upang maisagawa ng Diyos ang Kanyang walang hanggang layunin, kinailangan Niyang gawin ang apat na bagay: alisin ang kasalanan; ilagay ang Kanyang Sarili bilang buhay sa loob ng ating espiritu at paunlarin ang buhay na ito tungo sa mga kautusan na ibinabahagi sa ating buong katauhan; gawin ang Kanyang Sarili na ating Diyos at gawin tayong Kanyang bayan ayon sa kautusan ng buhay; at ipagkaloob sa atin ang panloob na kakayahan upang makilala Siya sa loob ng buhay sa isang kusang paraan.

Bago gawin ng Diyos ang apat na bagay na ito, ipinangako muna Niya sa Kanyang bayan na gagawin Niya silang gayon sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa kanila. Ang isang tipan ay isang biblikal na katawagan para sa tinatawag nating isang kontrata o isang kasunduan. Ang nilalaman ng kontratang ito ay yaong tinitiyak ng Diyos sa atin na aalisin Niya ang ating mga kasalanan, na ilalagay Niya ang Kanyang Sarili bilang buhay sa loob ng ating espiritu at pauunlarin ang buhay na ito tungo sa mga kautusan sa ating mga panloob na bahagi, yaong Siya ay magiging Diyos sa atin at yaong tayo ay magiging Kanyang bayan ayon sa kautusan ng buhay, at yaong tayo ay magkakaroon ng kusang panloob na kakayahan upang makilala Siya. Ang apat na bagay na ito ay ang nilalaman ng dibinong kontrata. Ito ang bagong tipan.

Bakit tinawag itong bagong tipan? Sapagka’t bago naisabatas at napalubos ang bagong tipan, gumawa ang Diyos ng isang luma. Bakit gumawa muna Siya ng isang luma? Sapagka’t lahat ng mga bagay sa bagong tipan ay napakamahiwaga at napakahirap unawain (abstract). Kung gumawa kaagad ang Diyos ng gayong bagong tipan, maaaring ang mga tao ay hindi makintalan nito o hindi maunawaan ito. Tinuturuan tayo ng Diyos sa paraang katulad ng sa isang guro ng kindergarden na nagtuturo sa mga maliit na bata sa kanyang klase. Halimbawa, bago ituro sa mga bata ang salitang aso, ipinakikita sa kanila ng guro ang isang larawan ng isang aso. Una naroon ang isang larawan at pagkatapos ang malinaw na salita. Gayundin, ibinigay muna ng Diyos sa atin ang larawan at pagkatapos sinabi Niya sa atin ang tunay na bagay. Ang lumang tipan ay isang larawan. Sa lumang tipan, naroon ang pagtatakip ng kasalanan subali’t hindi ang kapatawaran ng mga kasalanan. Isinaanino muna ng pagtatakip ng kasalanan sa lumang tipan ang kapatawaran ng kasalanan sa bagong tipan. Sa lumang tipan naroon ang lumang kautusan, ang kautusan ng mga titik. Ang kautusan ng mga titik sa lumang tipan ay isang anino ng kautusan ng buhay sa bagong tipan. Higit pa rito, sa lumang tipan sinabi ng Diyos sa Kanyang bayan na Siya ay magiging Diyos nila ayon sa kautusan ng mga titik at yaong sila ay magiging bayan Niya ayon din sa kautusan ng mga titik. Ngayon, sa bagong tipan, ang Diyos ay hindi ating Diyos ayon sa kautusan ng mga titik kundi ayon sa kautusan ng buhay, at tayo ay Kanyang bayan din ayon sa kautusan ng buhay. Higit pa rito, sa lumang tipan, ang mga tao ay tinuruang kilalanin ang Diyos sa pamamagitan ng kaalaman sa kautusan, subali’t sa bagong tipan tayo ay nakakilala sa Diyos sa pamamagitan ng panloob na kakayahan ng buhay. Ang apat na aytem ng bagong tipan ay pawang matatagpuan sa lumang tipan sa paraan ng mga anino, hindi sa paraan ng realidad. Ngayon sa bagong tipan mayroon tayong tunay na bagay na kahalili sa mga anino.

Bago ako nagpunta upang makita kayo, nagpadala ako sa inyo ng aking litrato. Bagama’t kamukhang-kamukha ko ang nasa litrato, hindi ako ito mismo; ito ay isang larawan ko lamang. Kapag ako, ang buháy na persona, ay nagpunta upang makita kayo, tiyak na hinahalinhan ng presensiya ko ang litrato. Kung ako ay pumunta at hindi ninyo ako pinapansin at sa halip ay patuloy ninyong pinahahalagahan ang aking litrato, magiging lubhang napakamangmang naman ninyo.

Habang isinasaalang-alang natin ang mga bagay ng luma at bagong tipan, dapat nating malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng isang pangako, isang sumpa, isang tipan, at isang testamento. Ang isang pangako ay isang pangkaraniwang salita na isinalita ng Diyos na nangangako sa inyong may gagawin siya para sa inyo. Ang isang sumpa (oath) ay isang pagpapatibay ng isang pangkaraniwang salita. Pinagtibay ng Diyos ang Kanyang pangkaraniwang salita ng pangako sa pamamagitan ng Kanyang sumpa (6:13, 17). Kapag ang pangako ay napagtibay ng isang sumpa, kaagad itong nagiging isang tipan. Ang natanggap natin mula sa Diyos ay hindi basta isang pangkaraniwang salita bilang isang pangako kundi isang tipan, isang kontrata, na pinagtibay ng sumpa ng Diyos at tinatakan ng Kanyang pagka-Diyos. Mas napagtitibay ng isang tipan ang kasunduan ng dalawang partido kaysa sa basta pangako lamang. Sa nagpapatibay (binding) na tipang ito, mayroong apat na bagay na hindi na mga pangako kundi mga naisagawang katunayan na. Ang lahat ng mga katunayang ito ay malinaw na inisa-isa sa tipan. Ang Isa na gumawa ng tipan ay namatay upang ang tipan ay maging isang maipamanang huling habilin; yaon ay, isang testamento. Ngayon ang tipan ay hindi basta isang tipan kundi isang testamento na ipinamana ng Isa na nagsabatas ng tipan. Sa ipinamanang testamentong ito, ang apat na naisagawang aytem ay naging mga pamana. Kaya, hindi na natin kailangang maghintay para sa pagsasagawa ng mga bagay na ito o manalangin na maging tapat ang Diyos na maalaala ang Kanyang pangako at tuparin ang Kanyang salita. Hindi natin kailangang manalangin sapagka’t ang lahat ay naisagawa na. Bawa’t isa sa apat na aytem ay isang naisagawang katunayan na naipamana sa atin. Ang apat na aytem na ito ay hindi lamang mga pangako at mga katunayan bagkus mga pamana rin upang manahin natin, malahukan natin, at matamasa. Ang mayroon tayo ngayon ay hindi isang pangako o basta isang tipan, bagkus isang testamento, isang huling habilin, na isang napaunlad na tipan. Ang isang napaunlad na tipan ay isa na ipinamana kasama ang mga naisagawang katunayan, na mga natupad na pangako. Kapag ang pangako ay natupad, ito ay nagiging tipan, at kapag ang tipan ay naipamana, ito ay nagiging testamento. Sa pangako mayroon tayong mga bagay na naipangako, sa tipan mayroon tayong mga naisagawang katunayan, at sa testamento mayroon tayong mga naisagawang katunayan na naipamana bilang mga pamana. Huwag manalangin na tuparin ng Diyos ang mga pangako Niya o yaong ibigay Niya sa inyo ang mga katunayan. Lahat ng mga pangako ay naging mga naisagawang katunayan, at lahat ng mga naisagawang katunayan ay naipamana na sa atin. Dapat ay simple lamang nating kunin at tamasahin ang mga ito.

Atin muling isaalang-alang ang apat na pangako na naging mga naisagawang katunayan at mga pamana. Ang unang aytem ay yaong ang kasalanan ay naalis. Subali’t ipagpalagay na ang kasalanan ay bumalik. Ano ang gagawin ninyo? Luluhod ba kayo at mananalangin, “O Panginoon, tuparin Mo ang Iyong pangako. Panginoon, nangako Ka sa akin na tutuusin Mo ang kasalanan, at ngayon dumating ang kasalanan upang guluhin ako. Panginoon, tuparin Mo ang Iyong salita, ang pangako Mong tuusin ang kasalanan.” Ang Panginoon ay hindi kailanman tutugon sa ganitong uri ng panalangin. Ito ang dahilan kung bakit lalo ninyong hinihiling sa Panginoon na tuusin ang inyong pagkakagalit, lalo kayong nagagalit. Sa tuwing nananalangin kayo sa ganitong paraan, hindi kayo sasagutin ng Panginoon. Ano ngayon ang dapat nating gawin kung dumating ang kasalanan upang guluhin tayo? Basta sabihin sa kasalanan, “Kasalanan, saan ka nanggaling? Hindi mo ba alam na inalis ka na?” Ang pag-aalis ng kasalanan ay isang pamana sa testamento. Simple lamang na ideklarang gayon nga. Napakakaunting Kristiyano ang may ganitong uri ng pananampalataya. Kahit na ako ay nakatanggap na ng ganitong pangitain, maraming beses pa rin akong nanalangin, “O Panginoon, alalahanin Mo ang aking pagkagalit. Napakahirap, Panginoon, na madaig ko ito. Panginoon, hindi ba nangako Kang tutulungan ako?” Bagama’t sa wari ito ay isang mabuting panalangin, sa katunayan ito ay isang mangmang na panalangin.

Ang ikalawang pamana sa bagong tipan ay yaong inilagay ng Diyos ang Kanyang buhay sa loob natin at yaong ang buhay na ito ay umuunlad tungo sa maraming kautusan sa ating mga panloob na bahagi. Hindi ito isang pangako kundi isang katunayan na naisagawa at naipamana sa atin bago pa tayo ipinanganak. Bago naibahagi ng ating mga magulang ang kanilang pisikal na buhay sa loob natin, naibahagi na ng Diyos ang Kanyang buhay sa loob natin. Naniniwala ba kayo rito? Ang naisagawang katunayang ito ay naipamana na sa atin ni Kristo bilang ating mana. Kailangan nating lahat na makita ito. Kung hindi pa ninyo nakikita ang lunsod ng Anaheim, magkakaroon kayo ng kahirapang maniwala sa naririnig ninyo tungkol sa lunsod, subali’t kapag napuntahan mo na ang Anaheim at nakita mo mismo ang lunsod, imposibleng hindi ninyo paniniwalaan ang nakita ninyo. Gayundin, kailangan nating lahat na makita ang mga pamana sa atin. Aleluya, ang kasalanan ay naalis na, at bago tayo ipinanganak ang dibinong buhay ay nailagay na sa loob natin! Hindi lamang nailagay sa loob natin ang dibinong buhay, bagkus ito ay napaunlad tungo sa mga kautusan sa bawa’t bahagi ng ating katauhan.

Ang ikatlong pamana ay yaong ang Diyos ay magiging Diyos sa atin at yaong tayo ay magiging isang bayan sa Kanya. Ang mga bagay na ito ay kapwa ayon sa kautusan ng buhay. Sa lumang tipan ang Diyos ay Diyos sa Kanyang bayan ayon sa panlabas na kautusan ng mga titik, at ang Kanyang bayan ay isang bayan sa Kanya ayon din sa kautusan ng mga titik. Subali’t sa bagong tipan ang pagiging Diyos sa atin ng Diyos at ang pagiging bayan natin sa Kanya ay ayon sa panloob na kautusan ng buhay. Ito ay isang bagay ng panloob na buhay, hindi isang bagay ng panlabas na kaalaman. Sa bagong tipan pinakikitunguhan tayo ng Diyos hindi ayon sa mga panlabas na regulasyon kundi ayon sa mga panloob na kautusan ng buhay, at tayo ay namumuhay kasama Niya hindi ayon sa kaalaman sa mga titik kundi ayon sa pandama ng buhay.

Ang ikaapat na pamana ay ang panloob na kakayahang makilala ang Diyos. Naniniwala ba kayong mayroon tayong panloob na kakayahang makilala ang Diyos? Paano ninyo patutunayan sa akin na mayroon tayong gayong panloob na kakayahan? Hindi ito mapatutunayan ng doktrina, subali’t mapatutunayan ito ng ating karanasan. Halimbawang ang isang kapatid-na-babae ay nag-“shopping” at nakakita ng maraming aytem na ibinebenta. Nang siya ay pabili na ng isang partikular na aytem, mayroon sa loob niyang nagsasabi, “Huwag mong hipuin iyan. Hindi iyan gusto ng Diyos.” Nang magpatuloy siya sa pagpili ng ibang aytem, mayroon sa loob niyang nagsasabi, “Hindi rin iyan gusto ng Diyos.” Naniniwala ako na halos bawa’t kapatid-na-babae ay may ganitong karanasan, nagpapakita na bawa’t kapatid-na-babae ay may panloob na kakayahang makilala ang Diyos. Hindi ninyo maitatanggi na mayroon kayong ganitong kakayahan.

Alam din ng mga kapatid-na-lalake sa kanilang karanasan na mayroon silang ganitong kakayahang makilala ang Diyos. Tayong mga kapatid-na-lalake ay may kakatwang pag-uugali na ipagtanggol ang ating mga sarili. Kahit ano pa ang inyong edad, hangga’t kayo ay isang lalake, nais ninyong ipagtanggol ang inyong sarili. Ang isang mabuting asawang-babae ay isa na natutong ang lihim ng kanyang asawa ay palaging ang ipagtanggol ang kanyang sarili at hindi kailanman matatalo sa kaso, kahit na wala siyang kasong ikatatalo. Kung ikaw ay isang matalinong asawang-babae, hindi mo lalabanan ang iyong asawa, sapagka’t walang asawang-lalake na matatalo sa kaso. Subali’t sa tuwing tayong mga kapatid-na-lalake ay nagpipilit na ipagtanggol ang ating mga sarili, ang dibinong presensiya ay kaagad nawawala, at alam natin na ang gayong pagtatanggol-sa-sarili ay hindi sa Diyos. Hindi natin kailangan ang anumang pagtuturo ayon sa kautusan ng mga titik upang malaman ito; mayroon tayong isang panloob na kakayahang makilala ang Diyos sa loob ng buhay.

Bagama’t ang lahat ng apat na aytem na ito ay naisagawa at naipamana sa atin bago tayo ipinanganak, wala tayong karanasan sa mga ito bago tayo nanampalataya sa Panginoong Hesus. Mula noong araw na manampalataya tayo sa Panginoong Hesus, lahat ng apat na bagay na ito ay nailalin sa atin. Isang araw sinabi natin, “O Panginoong Hesus, Ikaw ang aking Tagapagligtas. Nananampalataya ako sa Iyo. Salamat sa Iyong dugo at sa Iyong paghuhugas.” Pagkatapos manalangin nang ganito, lahat ng apat na aytem ng bagong tipan ay naging realidad sa atin.

I. ANG LUMANG TIPAN

A. May Kapintasan

Upang makita ang bagong tipan, dapat muna nating makita ang lumang tipan. Sinasabi sa Hebreo 8:7, “Sapagka’t kung ang unang tipang yaon ay walang kapintasan, wala nang pangangailangang maghanap pa ng ikalawa.” Ang lumang tipan ay may kapintasan sapagka’t ito ay mahina at walang pakinabang (7:18). Bakit ito walang pakinabang? Sapagka’t ito ay isa lamang litrato ng realidad at hindi mismo ang realidad. Higit pa rito, ang lumang tipan ay walang napasakdal (7:19). Ang lumang tipan ay walang mapasakdal sapagka’t ito ay isang anino lamang. Halimbawang ipadala ko sa inyo ang aking litrato at naniwala kayo rito at sinabi rito, “Kapatid Lee, magsalita ka sa akin. Hindi mo ba alam na mahal kita? Bakit hindi mo ako mahalin? Ano ba ang nangyayari sa iyo, Kapatid Lee? Marami na akong nasabi sa iyo, subali’t ayaw mong magsalita sa akin.” Gaano kamangmang para sa atin ang magsabi nang ganito sa isang litrato. Subali’t marami sa mga maka-Hudyo ang ganiton kamangmang, nakikitungo sa larawan, ang lumang tipan, at naghihintay ng labis na kapalit mula rito. Gayunpaman, ipinropesiya ng propeta Jeremias na magkakaroon ng isang lalong magaling na tipan (Jer. 31:33-34). Ang propesiya ni Jeremias ay nangyari dahil sa kapintasan, kahinaan, at kawalan ng kapakinabangan na natagpuan sa lumang tipan.

B. Nagiging Luma at Tumatanda

Tinutukoy ang lumang tipan, sinasabi sa Hebreo 8:13, “Sa pagsasabing bago, ginawa Niyang luma ang una. Datapuwa’t ang nagiging luma at tumatanda ay malapit nang lumipas.” Nang ipropesiya ni Jeremias ang parating na bagong tipan, ipinakikita niyaon na ang lumang tipan ay naging luma at matanda. Marahil ay natanto ni Jeremias ang kahinaan at kawalan ng kapakinabangan ng tipan at malalim na nagkaroon ng kabigatan hinggil sa bagay na ito. Kaya nagkaroon ang Diyos ng pagkakataon na dumating at sabihin sa pamamagitan niya, “Narito, dumarating ang mga araw, sinasabi ng Panginoon, at Ako ay gagawa ng isang bagong pakikipagtipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda” (8:8). Yaon ay maaaring naging isang malaking pang-aaliw kay Jeremias. Hindi lamang matanda na ang lumang tipan, bagkus malapit na rin ito sa pagkawala at sa katapus-tapusan ay pinawalang-bisa at inalis. Labis akong nasisiyahan para sa mga kapatid nating Hebreo sa gitna natin sapagka’t wala na sila sa matandang lumang tipan kundi nasa nagpapanariwang bagong tipan.

II. ANG BAGONG TIPAN

A. Isang Lalong Magaling na Tipan

Si Kristo ang Tagapamagitan ng isang lalong magaling na tipan (8:6). Ang bagong tipan ay lalong magaling kaysa sa lumang tipan, katulad ng ang realidad ng isang tao ay higit na magaling kaysa sa kanyang litrato. Ang lumang tipan, katulad ng isang litrato, ay mayroon lamang panlabas na anyo, subali’t ang bagong tipan, katulad ng tunay na tao, ay may panloob na buhay kasama ang lahat ng realidad nito. Ang lumang tipan ay walang buhay, subali’t ang bagong tipan ay nabuuan ng buhay na di-nasisira. Lahat ng bagay sa bagong tipan ay lalong magaling kaysa sa mga bagay sa lumang tipan sapagka’t lahat ng bagay sa bagong tipan ay ang realidad. Kaya, ito ay isang lalong magaling na tipan.

B. Isinabatas sa Lalong Mabubuting Pangako

Ang bagong tipan ay isinabatas sa lalong mabubuting pangako. Ang mga pangakong ito ay ibinigay sa Jeremias 31:31-34 at sinipi sa Hebreo 8:8-12 at sa 10:16-17. Sa mga pangakong ito naroroon ang kautusan ng buhay, hindi ang kautusan ng mga patay na titik naroroon ang pagpapala na mataglay natin ang Diyos at maging Kanyang bayan, naroon ang panloob na kakayahang makilala ang Diyos. Ang lahat ng tatlong bagay na ito ay sa dibinong buhay na naibahagi tungo sa loob natin sa pagsisilang-na-muli ng Diyos. Higit pa rito, sa lalong mabubuting pangakong ito, naroroon ang kapatawaran ng mga kasalanan, hindi lamang ang pagtatakip ng mga kasalanan sa ilalim ng kautusan ni Moises. Ang kapatawaran ng mga kasalanan, maging ang pag-alis ng mga kasalanan, ay lalong mabuti kaysa ang pagtatakip ng kasalanan, na hindi naaalis ang mga kasalanan. Dahil sa pamamahagi ng buhay at kapatawaran ng mga kasalanan, ito ay naging ang lalong mabubuting pangako.

C. Pinapalitan ang Lumang Tipan

Pinalitan ng bagong tipan ang lumang tipan (8:7, 13). Kapag ang tunay na tao ay dumarating, pinapalitan niya ang kanyang litrato, sapagka’t pinapalitan ng realidad ang larawan, ang anino. Ang lumang tipan ay may kapintasan at naging luma, matanda, at malapit nang lumipas, at ang bagong tipan ay napalabas upang palitan ito. Ngayon walang kabuluhan para sa kaninuman ang manatili pa sa lumang tipan.

D. Ang mga Nilalaman

1. Pamamahagi ng Kautusan ng Buhay

a. Iisang Kautusang Nagiging Maraming Kautusan

Ano ang mga nilalaman ng bagong tipan? Kabilang sa mga nilalaman ang apat na bagay, ang una ay ang pamamahagi ng kautusan ng buhay. Sinasabi sa bersikulo 10, “Sapagka’t ito ang tipan na Aking ipakikipagtipan sa sambahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon: Ipamamahagi Ko ang Aking mga kautusan sa kanilang kaisipan, at sa kanilang mga puso ay Aking isusulat ang mga ito.” Sa Jeremias 31:33, ang pinagmumulan ng siping ito, ang salitang mga kautusan ay pang-isahan, nagpapatunay na ito ay iisang kautusan na lumalaganap upang maging maraming kautusan. Ang isang kautusan na sa kalaunan ay umuunlad patungo sa pagiging maraming kautusan ay ang kautusan ng buhay (Roma 8:2). Bawa’t buhay ay may isang kautusan. Lalong mataas ang buhay, lalong mataas ang kautusan nito. Ang dibinong buhay na ating natanggap mula sa Diyos ay ang pinamakataas; kaya nga, taglay nito ang pinakamataas na kautusan, ang kautusang tinutukoy dito. Sa pamamagitan ng pamamahagi ng Kanyang dibinong buhay tungo sa loob natin, inilalagay ng Diyos ang pinakamataas na kautusang ito sa loob ng ating espiritu, kung saan nagmumula ang pagpapalaganap nito tungo sa ating mga panloob na bahagi, gaya ng ating kaisipan, damdamin, at pagpapasiya at nagiging ilang kautusan. Alam natin lahat ito sa pamamagitan ng karanasan. Nang tayo ay tumawag sa pangalan ng Panginoon, ang dibinong buhay ay pumasok sa ating espiritu. Unti-unti, habang tayo ay lumalago sa buhay na ito, nagkakaroon ang buhay na ito ng pagkakataong umunlad mula sa ating espiritu tungo sa lahat ng ating mga panloob na bahagi. Kapag ang buhay na ito ay umuunlad tungo sa ating mga panloob na bahagi, magkakaroon ng isang kautusan sa bawa’t bahagi upang pamahalaan tayo. Maraming kautusan ang umunlad mula sa isang kautusan ng buhay na yaon.

Ang kautusang ito ng buhay ay naiiba sa kautusan ng mga titik. Pinamamahalaan tayo ng kautusan ng buhay mula sa loob sa pamamagitan at ayon sa elemento ng buhay nito, samantalang pinamamahalaan tayo ng kautusan ng mga titik mula sa labas sa pamamagitan at ayon sa mga patay na titik. Ang kautusan ng mga patay na titik ay nakasalalay sa mga panlabas na pagtuturo, subali’t ang kautusan ng buhay ay nakasalalay sa panloob na kamalayan, ang panloob na pandama ng buhay. Yamang tayong lahat, dakila man o maliit, ay nagtataglay ng ganitong kautusan ng buhay, hindi natin kailangan ang mga panlabas na pagtuturo ayon sa kautusan ng mga titik (8:11).

b. Naibahagi tungo sa loob ng Ating mga Panloob na Bahagi

Ang kautusan ng buhay ay naibahagi tungo sa loob ng ating espiritu at mula sa ating espiritu lumalaganap ito tungo sa ating kaisipan at tungo sa lahat ng ating mga panloob na bahagi (b.10). Sa Jeramias 31:33, ang “mga panloob na bahagi” ay ginamit para sa “kaisipan.” Nagpapatunay ito na ang kaisipan ay isa sa mga panloob na bahagi. Isa rin itong pagpapaliwanag ng katagang mga panloob na bahagi. Ang mga panloob na bahagi ay kinabibilangan ng kaisipan, ng damdamin, at ng pagpapasiya, na bumubuo sa puso na binanggit sa kasunod na sugnay sa bersikulo 10.

c. Nakasulat sa Ating mga Puso

Sinasabi rin sa bersikulo 10 na isusulat ng Panginoon ang Kanyang mga kautusan sa ating mga puso. Una, ipinamamahagi ng Diyos ang Kanyang mga kautusan tungo sa loob natin; pagkatapos isinusulat Niya ang mga ito sa atin. Ginagawa Niya ang pagsusulat sa panahon ng ating mga pagdaranas sa kautusan ng buhay. Lalo nating nararanasan ang kautusan ng buhay, lalong maisusulat ang mga kautusan nito sa iba’t ibang bahagi ng ating puso. Ang mga ito ay mailalaman sa iba’t ibang bahagi ng ating panloob na katauhan sa pamamagitan ng ating mga karanasan.

2. Ang Pagpapalang Mataglay ang Diyos
at Maging Kanyang Bayan

Ang ikalawang aytem ng bagong tipan ay ang pagpapalang mataglay ang Diyos at maging Kanyang bayan. Ang huling bahagi ng bersikulo 10 ay nagsasabi, “Ako ay magiging Diyos nila, at sila ay magiging bayan Ko,” Sa bagong tipan mayroon tayong pribilehiyong mataglay ang Diyos bilang ating Diyos at maging Kanyang bayan—ang paggawa ng buhay para tayo makabahagi sa pagtatamasa ng Diyos sa loob ng pakikipagsalamuha sa Kanya. Ang mga tao sa ilalim ng lumang tipan ay may Diyos ayon sa Sampung Utos. Ang Diyos ay Diyos sa kanila ayon sa lumang kautusan ng mga titik, at sila ay Kanyang bayan din ayon sa kautusan ng mga titik. Subali’t ngayon ang ating Diyos ay Diyos sa atin hindi ayon sa mga titik kundi ayon sa panloob na buhay, at tayo ay Kanyang bayan hindi ayon sa anumang nakasulat na mga regulasyon kundi ayon din sa panloob na buhay. Yaong ang Diyos ay Diyos sa atin at tayo ay isang bayan sa Kanya ay ayon sa kautusan ng buhay. Ang kaugnayan ng Diyos sa atin ngayon ay lubos na nababatay sa kautusan ng buhay; ito ay isang kaugnayan sa buhay. Kaya ngayon hindi na natin kailangan lumakad nang ayon sa kaalaman sa kautusan ng mga titik kundi ayon sa kamalayan sa kautusan ng buhay.

Halimbawa, napakahirap makahanap ng isang bersikulo sa Bagong Tipan na nagsasabi sa atin kung anong oras gusto ng Diyos tayo bumangon sa umaga. Paano nga natin malalaman kung anong oras tayo babangon? Hindi natin ito malalaman sa pamamagitan ng anumang regulasyon ng mga titik sa panlabas kundi ayon sa panloob na buhay. Kapag sumapit ang bukas ng umaga, sasabihin sa atin ng panloob na buhay kung anong oras ang gusto ng Diyos na tayo ay bumangon. Kung hindi tayo babangon sa oras na yaon, makakaligtaan natin ang presensiya ng Diyos. Isa pang halimbawa ang tungkol sa pagpapagupit ng buhok. Dapat matanto ng lahat ng mga kabataan na tayo ay bayan ng Diyos. Bilang bayan ng Diyos, paano natin gugupitin ang ating buhok? Yamang ang katagang pagpapagupit ng buhok (haircut) ay hindi matatagpuan sa Bibliya, paano natin malalaman kung gaano kaikli o kung gaano kahaba dapat ang gupit ng ating buhok? Malalaman natin ito sa pamamagitan ng kautusan ng buhay. Kung susunod tayo ayon sa panloob na kautusan ng buhay, malalaman natin kung gaano dapat kaikli o kahaba ang ating buhok.


3. Panloob na Kakayahan ng Pagkilala sa Panginoon

Sa bagong tipan naroroon din ang pangsyon ng kautusan ng buhay kung saan nakikilala natin ang Diyos sa panloob na paraan ng buhay. Sinasabi sa bersikulo 11, “At sa anumang paraan hindi na kinakailangang turuan ng bawa’t isa ang kanyang kababayan, at ng bawa’t isa ang kanyang kapatid, na sasabihing, kilalanin mo ang Panginoon, sapagka’t Ako ay makikilala ng lahat, mula sa kaliit-liitan hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila.” Wala nang pangangailangan sa mga panlabas na pagtuturo, sapagka’t nakikilala natin ang Panginoon sa pamamagitan ng pandama ng buhay. Ang ilan ngayon ay sumasalungat sa atin sa pagsasabing hindi na natin kailangan ang mga pagtuturo. Hindi lamang tayo ang kanilang sinasalungat; sinasalungat nila ang Bibliya. Ang banal na Bibliya ang nagsasabing hindi na natin kailangan ang mga pagtuturo sapagka’t mayroon tayong panloob na pandama ng buhay.

Sa bersikulong ito ay dalawang salitang Griyego ang ginamit para sa mga salitang “kilalanin” at “makikilala:” ang una ay ginosko, na tumutukoy sa panlabas, at obhektibong kaalaman; ang ikalawa ay oida, tumutukoy sa panloob, at subhektibong kamalayan. Sa Juan 8:55 ay sinasabihan ng Panginoong Hesus ang mga Fariseo na hindi nila napagkilala (ginosko) ang Diyos Ama (kahit man lamang sa panlabas at obhektibong kaalaman), subali’t Kanyang nakikilala (oida) ang Ama (maging sa panloob, at subhektibong kamalayan).

4. Pampalubag-loob para sa Ating mga Kalikuan
at Pagpapatawad sa Ating mga Kasalanan

Ang pinakahuli sa mga nilalaman ng bagong tipan ay kahabagan para sa ating mga kalikuan at kapatawaran ng ating mga kasalanan. Sinasabi sa Hebreo 8:12, “Ako ay magiging mahabagin sa kanilang mga kalikuan, at ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” Ang maging mahabagin ay ang gumawa ng pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan. Si Kristo ay gumawa ng pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan upang mapaglubag ang katuwiran ng Diyos, upang ipagkasundo tayo para mabigyang-kasiyahan ang kahilingan ng katuwiran ng Diyos (2:17). Ang Diyos ay mapagpalubag (mahabagin) sa atin sapagka’t si Kristo ay gumawa ng pampalubag-loob para sa mga kasalanan natin. Batay sa pampalubag-loob, na ito, pinatatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan. Sa 8:12 sinabihan tayo ng Panginoon na “ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” Dito makikita natin na kalilimutan ng Diyos ang ating mga kasalanan. Ang patawarin ay nangangahulugang kalimutan, sapagka’t ang paglimot sa mga kasalanan ay ang tunay na pagpapatawad sa mga kasalanan. Kung pinatatawad mo ako, nangangahulugan ito na dapat mong kalimutan ang aking mga pagkakamali. Kung walang pagkakalimot, ang pagpapatawad ay hindi tunay. Hindi lamang tayo pinatatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan bagkus kinalilimutan din ang ating mga kasalanan.

Sa bagong tipan ang pangunahing pagpapala ay ang pamamahagi ng dibinong buhay na nagdadala ng panloob na kautusan ng buhay, ang pagpapala na mataglay ang Diyos at ang maging Kanyang bayan, at ang panloob na kakayahan ng pagkilala sa Panginoon. Para gawin ito ng Diyos, kailangan Niyang maging mapaglubag sa ating kalikuan at kalimutan Niyang ang ating mga kasalanan. Ang pampalubag-loob para sa ating mga kalikuan at ang pagpapatawad sa ating mga kasalanan ang nagbibigay sa Kanya ng batayan na ibahagi ang Kanyang buhay sa loob natin. Pinatutunayan ito ng maliit na salitang “sapagka’t” sa bersikulo 12. Namamahagi Siya ng buhay sa atin, “sapagka’t” siya ay mapagpalubag (mahabagin) sa ating mga kalikuan at kinalilimutan Niya ang ating mga kasalanan. Ang orihinal na intensiyon ng Diyos para sa Kanyang walang hanggang layunin ay ang ibahagi ang Kanyang buhay tungo sa loob ng tao, subali’t pumasok ang kasalanan upang biguin ito. Upang maisagawa ang Kanyang orihinal na intesiyon, gumawa ng pampalubag-loob ang Diyos para sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ni Kristo at binigyan tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan upang maibahagi Niya ang dibinong buhay sa loob natin para sa katuparan ng Kanyang layunin. Dinadala ng dibinong buhay na ito ang kautusan ng buhay, ang ating kaugnayan sa Diyos sa buhay, at ang panloob na kakayahan ng pagkilala sa Panginoon. Sa bagong tipan, ang buhay kasama ang mga kayamanan nito ay naipasok na at ang kasalanan kasama ng pagka-makasalanan nito ay naalis na. Ito ang nilalaman ng bagong tipan. Purihin ang Panginoon!