|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE TATLUMPU’T WALO ANG PAGGAWA NG KAUTUSAN NG BUHAY I. ANG PAMANTAYANG TULARAN—
Ang walang hanggang layunin ng Diyos ay ang isagawa
ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin at gawin tayong katulad ng Kanyang
Panganay na Anak. Ang Panganay na Anak ng Diyos ang pamantayang tularan
(standard model) para sa ekonomiya ng Diyos. Ang pamantayang tularang
ito ay kapwa may pagka-Diyos at pagka-tao. Sa orihinal, Siya ang Bugtong
na Anak ng Diyos. Bilang ang Bugtong na Anak ng Diyos, Siya ang pagsasakatawan
ng Diyos, sapagka’t lahat ng nasa Pamunuang-Diyos ay naisakatawan
sa Kanya (Col. 2:9). Siya rin ang kahayagan ng Diyos (Heb. 1:3). Bilang
ang pagsasakatawan at kahayagan ng Diyos, Siya ay naging laman, nagdadala
ng pagka-Diyos tungo sa loob ng pagka-tao at nag-uugpong ng pagka-tao
sa pagka-Diyos. Subali’t bago ang pagiging laman, hindi pa kailanman
naiugpong ang pagka-Diyos sa pagka-tao. Mula noong araw ng Kanyang pagiging-laman,
nagkaroon sa sansinukob na ito ng isang kamangha-manghang Persona na
kapwa tao at dibino. Bilang ang Bugtong na Anak, si Kristo ay nasa kaluwalhatian na. Hindi ito nangangailangan ng pagluluwalhati. Gayunpaman, nang Siya ay mapasa lupa sa Kanyang pagka-tao, kinailangan Niyang maluwalhati. Kaya, tulad nang inihayag sa Juan 17:1, noong huling gabi ng Kanyang buhay sa lupa, Siya ay nanalangin, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin Mo ang Iyong Anak upang Ikaw ay luwalhatiin ng Anak.” Yamang Siya ay nasa kaluwalhatian na, bakit kinailangan pa Niyang maluwalhati? Bagama’t Siya ay nasa kaluwalhatian bilang ang Bugtong na Anak, yamang Siya ay nagsuot ng pagka-tao, ang pantaong bahagi ng Kanyang persona ay kinailangang maluwalhati, dumaan sa maraming hakbangin tungo sa kaluwalhatian. Sa Kanyang pagkabuhay-na-muli, si Kristo ay pumasok sa Kanyang pagluluwalhati (Lucas 24:26). Kakaunting Kristiyano ang nakatanto na sa sukdulan ang salitang pagpapasakdal sa Bagong Tipan ay nangangahulugang pagluluwalhati. Gaano ka man kasakdal, kung hindi ka pa naluluwalhati, hindi ka pa rin sapat. Inihahayag ng aklat ng Roma na sa ekonomiya ng Diyos, mayroon muna tayong pag-aaring matuwid, pagkatapos ay pagpapaging-banal, at sa katapus-tapusan ay pagluluwalhati. Hindi binabanggit ng Roma ang pagpapasakdal. Gayunpaman, ang pagluluwalhati at pagpapasakdal ay kapwa matatagpuan sa Hebreo. Ang Hebreo 2:9-10, na nagsasabing si Kristo, ang Pinuno o May-akda ng ating kaligtasan, ay pinutungan ng kaluwalhatian, ay tumutukoy kapwa sa pagpapasakdal at pagluluwalhati. Ang Kanyang pagpapasakdal ay ang Kanyang pagluluwalhati, ang mismong pagluluwalhati na inihayag sa Roma 8. Ayon sa Roma 8, ang huling hakbang ng pagliligtas ng Diyos ay ang luwalhatiin tayo, at ayon sa Hebreo 2, tayo ay dinadala sa kaluwalhatian sa pamamagitan ng May-akda o Pinuno ng ating kaligtasan. Sa trono, gayundin sa ating espiritu, ay may isang naluwalhating Tao, isang Taong ganap na napasakdal. Ilang banal, katulad nina John Wesley at ng mga kasama niya, ang nagsagawa ng tinatawag na walang-kasalanang kasakdalan (sinless perfection). Ayon sa konseptong walang-kasalanang kasakdalan, kung hindi ka nagsisinungaling o nagagalit at sa halip ay nagmamahal ka sa iba at mapagpakumbaba, natamo mo na ang kasakdalan. Subali’t ito ay isang napakababang konsepto ng kasakdalan. Nais kong ihambing ninyo ito sa kasakdalan ng naluwalhating Hesus. Ang kasakdalan ng naluwalhating Hesus ay yaong sa pagka-Diyos na naihalo sa isang pagka-tao na nabuhay-na-muli, napataas, at naluwalhati. Sa puntong ito nais kong ipakilala ang isang bagong salita—“sonized” (naging anak). Pagkaraan sa lahat ng mga pagsubok at pagkatapos na mabuhay-na-muli at napataas, ang pagka-tao ni Hesus ay na—“sonized” (naging anak). Ito ay nangangahulugan na ito ay nadala tungo sa dibinong pagka-anak. Kahit na si Kristo ay Anak ng Diyos, bago sa Kanyang pagkabuhay-na-muli Siya ay nabihisan ng pagka-tao, na walang kaugnayan sa Kanyang pagka-anak. Isang araw, dinala Niya ang pagka-taong ito, tungo sa loob, at palabas ng kamatayan, at ito ay nabuhay-na-muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng dibinong buhay ayon sa Espiritu ng kabanalan (Roma 1:4). Sa pamamagitan ng prosesong ito, ang Kanyang pagka-tao ay na—“sonized” tungo sa dibinong pagka-anak ng Diyos. Kaya, taglay ang Kanyang nabuhay-na-muli at napataas na pagka-tao, ipinanganak Siya sa pagkabuhay-na-muli bilang ang Panganay na Anak ng Diyos. Ito ang kahulugan ng Gawa 13:33: “Diyos...sa pagbangon kay Hesus, gaya ng nasusulat din sa ikalawang Awit, Ikaw ay Aking Anak; sa araw na ito ay ipinanganak Kita.” Ang gayong na—“sonized” na Isa ay ang pamantayang tularan ngayon. Ang pamantayang tularang ito ay nakatamo ng kasakdalan—isang kasakdalan na may pagka-Diyos, na may isang napataas na pagka-tao, at may lahat ng negatibong bagay na naging isang kasaysayan. Kailangan nating itingala ang ating mga mata at tingnan ang pamantayang tularang ito. Habang tinitingnan natin Siya, minamasdan natin ang Kanyang pagka-Diyos at ang Kanyang na—“sonized” na pagka-tao. Lahat ng negatibong bagay ay nasa kabilang panig na ngayon at naging isang kasaysayan na. Subali’t ang pamantayang tularan ay nasa pagluluwalhati at pagdadakila sa ginintuang panig ng ilog, kung saan walang kasalanan, kamatayan, Satanas, o iba pang negatibong bagay. Ngayon, mayroong isang Tao sa kaluwalhatian, isang Tao sa kasakdalan. Anong uri ng kasakdalan ang maihahambing dito? Ang tinatawag na walang-kasalanang kasakdalan ay nasa silong, samantalang itong maluwalhating kasakdalan ay nasa Dakong Kabanal-banalan. Ano ang pagpapasakdal? Ang pagpapasakdal ay pagluluwalhati. Sa pagpapasakdal na ito ay ang Tao na may pagka-Diyos, na may isang pagka-tao na na-”sonized” bilang ang Panganay na Anak ng Diyos at Siya ngayong nasa Kanyang pagluluwalhati. Sa Kanya, lahat ng negatibong bagay ay isang kasaysayan, naiwanan sa kabilang panig ng ilog. Ito ang pagpapasakdal at ito ang pagluluwalhati. Sa Bagong Tipan, ang pagluluwalhati ay katumbas ng pagpapasakdal. Si Kristo, ang pamantayang tularan, ay nasa gayong kasakdalan ngayon at tayo ay nasa daan. II. ANG PAGBUBUNGA NG MARAMING ANAK NG DIYOS Nang nabuhay-na-muli ang pamantayang tularang ito, naipanganak sa Kanyang pagka-tao upang maging ang Panganay na Anak ng Diyos, tayo ay ibinilang Niya (1 Ped. 1:3). Nang Siya ay ma-“sonized” sa Kanyang pagka-tao, sa Kanyang pagkabuhay-na-muli, tayo ay ipinanganak bilang mga anak ng Diyos. Kailangan nating limutin ang panahon. Walang orasan sa langit, at hindi magkakaroon ng mga relo sa kawalang-hanggan. Bagama’t maaaring hindi natin ito maunawaan, dapat ay simple lamang nating tanggapin ito. Ayon sa dalisay na salita ng Banal na Bibliya, nang si Kristo ay nabuhay-na-muli, ibinahagi Niya ang Kanyang Sarili sa loob natin bilang buhay, at tayo ay naipanganak-muli. Pagkatapos ibahagi ang Kanyang Sarili sa loob natin bilang buhay, si Kristo ay pumasok sa kasakdalan, sa kaluwalhatian, kung saan Siya ay naroroon na namamagitan para sa ating pagluluwalhati. Si Kristo ay namamagitan upang tayo ay maligtas sa sukdulan. Bagama’t nakarinig na ako ng maraming mensahe na nagsasabing si Kristo ay namamagitan para sa atin, ni isang mensahe ay wala akong narinig na nagsabing si Kristo ay namamagitan upang tayo ay madala sa kasakdalan. Ginagamit ng mga pastor ang Roma 8:34 at Hebreo 7:20 hinggil sa pamamagitan (intercession) ni Kristo upang aliwin yaong mga nasa paghihirap. Subali’t si Kristo ay hindi lamang namamagitan upang tayo ay maaliw. Ang gayong konsepto ng Kanyang pamamagitan ay napakababa. Si Kristo ay namamagitan upang tayo ay maluwalhati at maligtas tungo sa Kanyang kasakdalan. Ano ang kahulugan ng madala tungo sa kasakdalan ni Kristo? Ito ay ang alisin ang lahat ng epekto (by-products) ng kamatayan, ang lulunin ang lahat ng kawalang-kabuluhan, kabulukan, paghibik, at pagkasira. Si Kristo ay namamagitan upang ang gawaing ito ay maisakatuparan. Ang Kanyang pamamagitan (intercession) sa trono ang nagtutulak (motivates) sa binhi ng buhay na inihasik Niya sa loob natin noong panahon ng Kanyang pagkabuhay-na-muli. Ipagpalagay na nadaig ninyo ang bawa’t kasalanan. Kayo ay mapayapa, komportable, at walang suliranin kaninuman o sa anuman. Kung nakaabot na kayo sa ganoon, sa palagay ba ninyo kayo ay magiging maligaya, kuntento, at nasisiyahan? Ako ay tiyak na hindi. Ano ang kabutihan ng pagdaig lamang sa kasalanan at walang mga kahirapan? Kung ito lamang ang mayroon tayo, para tayong isang piraso ng blankong puting papel. Ito ba ang kahulugan at gol ng ating buhay? Ang ganitong uri ng kasakdalan ay walang kahulugan. Gayunpaman, ang kasakdalang inihayag sa Bagong Tipan ay ang maproseso ang ating buong katauhan tungo sa pagluluwalhati ni Kristo, ang matigmak at malalinan ang ating buong katauhan ng Kanyang napataas at naluwalhating pagka-tao. Ang pagdaig sa kasalanan, pagkakaroon ng pasensiya, pagmamahal sa iba—lahat ng ito ay nasa isang naiibang kategorya ng kasakdalan mula sa nahayag sa Bagong Tipan. Si Kristo ay namamagitan upang ang buhay na naihasik sa loob ng ating espiritu ay matulungang lumago, umunlad, at matigmakan ang lahat ng ating panloob na bahagi, hanggang sa tayo ay lubusan nang napuno ng Kanyang naluwalhati at napataas na pagka-tao. Kapag ito ay nakumpleto na, yaon ang magiging araw ng pagtutubos ng ating katawan, ng paghahayag ng mga anak na lalake ng Diyos, at ng kalayaan para sa buong sansinukob. Sa araw na yaon wala nang paghibik, kawalang- kabuluhan, pagkagapos o pagkabulok. Ito ang pagluluwalhati. III. ANG PAGGAWA NG KAUTUSAN NG BUHAY Ngayon dumako tayong muli sa kautusan ng buhay. Isinasagawa ng kautusan ng buhay si Kristo, ang pamantayang tularan, tungo sa bawa’t bahagi ng ating katauhan, nilalalinan ang ating mga panloob na bahagi ng lahat ng kung ano Siya. Ito ang tinatawag ng Bagong Tipan na transpormasyon. Sinasabi sa Roma 12:2, “Huwag kayong magsiayon sa kapanahunang ito, kundi matransporma kayo sa pamamagitan ng pagpapabago ng inyong kaisipan, upang mapatunayan ninyo sa pamamagitan ng pagsubok kung ano ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” Paano mapababago ang ating kaisipan? Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng kautusan ng buhay na naglalalin sa atin ng kung ano ang pamantayang tularan at ginagawa tayong isang pagpaparami, isang kopya Niya. Higit pa rito, sinasabi sa 2 Corinto 3:18, “Nguni’t tayong lahat na walang talukbong ang mukha, na tumitingin at umaaninag gaya ng isang salamin sa kaluwalhatian ng Panginoon, ay natatransporma tungo sa gayunding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, na gaya ng mula sa Panginoong Espiritu.” Ito ang kinalabasan ng paggawa ng kautusan ng buhay sa loob natin. Sa katapus-tapusan, katulad ng sinasabi ng Roma 8:29 na iwawangis tayo ng paggawa ng kautusan ng buhay sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos. Lahat ng kapatid ng Panganay na Anak ay maiwawangis sa Kanya. Ang Panganay na Anak ng Diyos, ang pamantayang tularan, ay nasa pagpapasakdal at nasa pagluluwalhati sa ngayon, subali’t wala pa tayo roon. Tayo ay nasa daan at nasa ilalim ng proseso. Habang ang Panganay na Anak ay namamagitan para sa atin, tutulungan ng Kanyang pamamagitan ang ating panloob na binhi ng buhay na umunlad, lumago at tigmakan ang ating katauhan upang tayo ay matransporma at mawangis sa Kanyang larawan at sa sukdulan ay madala tungo sa Kanyang kasakdalan at pagluluwalhati. Ito ay nagmumula sa paggawa ng kautusan ng buhay. IV. ANG PANLOOB NA PANDAMA NG BUHAY Habang ang kautusan ng buhay ay gumagawa sa loob natin, mayroon tayong isang higit na malalim na kamalayan ng buhay. Lubhang mabisang ineengganyo (motivates) ng Kanyang pamamagitan ang ating panloob na binhi. Paano natin malalamang naenganyo ang ating panloob na binhi? Sa pamamagitan ng ating panloob na pandama, ng ating panloob na kamalayan. Bagama’t nararamdaman ninyong pagod na pagod kayo upang dumalo sa isang partikular na pagpupulong ng ekklesia, hindi kayo patutulugin ng binhi sa loob. Sa pamamagitan ng panloob na “pam, pam, pam,” ng pagpapasigla ng makalangit na pamamagitan, natatanto ninyo na dapat kayong pumunta sa pagpupulong na yaon. Paminsan-minsan, kapag naakit tayo sa mga makasanlibutang bagay, hindi tayo binibigyan ng kapahingahan ng panloob na “pam, pam, pam,” at nasusumpungan natin ang ating mga sarili na ginagawa ang ninanais ng Panginoon. Anong kaawaan ito. Mayroon akong lubos na katiyakan na sa mga darating na taon, ang makalangit na “pam, pam, pam” ay magsasagawa nang malaki sa pagbabawi ng Panginoon. Hindi na tayo masisiyahan sa nakita natin noong nakaraan. Ang ministeryong ito ay magiging higit na mataas at mayaman. Gagamitin ng Panginoon ang mga ekklesia at ang mga mensahe upang tipunin nang sama-sama ang mga tunay na naghahanap sa Kanya upang maging Kanyang patotoo sa buong mundo. Lahat ng bagay sa Bibliya hinggil sa ekklesia ay matutupad bago bumalik ang Panginoon. Sa kailaliman natin, lahat tayo ay may pandama na walang ibang makasisiya sa atin maliban dito sa pamantayang tularan. Hindi tayo liligaya hangga’t hindi tayo nalalalinan Niya. Ito ay isang malakas na katibayan na Siya ay namamagitan upang tayo ay maluwalhati, upang madala tungo sa Kanyang kasakdalan. V. ANG SAMA-SAMANG PAGPAPARAMI Ang walang hanggang layunin ng Diyos ay ang magkaroon ng isang grupo ng mga anak bilang Kanyang sama-samang kahayagan. Una, ang Kanyang Bugtong na Anak ay dumaan sa proseso at pumasok sa kaluwalhatian, nagiging ganap na napasakdal upang maging pamantayang tularan, ang Panganay na Anak ng Diyos, para sa kahayagan ng Diyos. Mula noong pag-akyat-sa-langit ni Kristo, ang Diyos ay gumagawa upang magkaroon ng isang malakihang pagpaparami (mass reproduction) na pamantayang tularan na yaon, ang Kanyang Panganay na Anak. Sa loob ng mga siglo, kakaunting Kristiyano ang nakakita nito, at bilang resulta, naantala ang Panginoon. Bagama’t milyun-milyon ang mga Kristiyano sa lupa ngayon, kakaunti ang mga pagpaparami ng pamantayang tularan. Sa Kanyang pagbabawi, pinararami ng Panginoon ang pamantayang tularan, lubhang gumagawa sa gitna natin upang gawin ang bawa’t isa sa atin na katulad ng Panganay na Anak. Ito ang kahulugan ng mapasakdal. Para sa pagpapasakdal, kailangan natin ng pagka-Diyos, isang napataas, nabuhay-na-muling pagka-tao, at ng tumatapos na pagkapako-sa-krus. Dapat kabilang sa ating pagpapasakdal ang tumatapos na pagkapako-sa-krus ni Kristo, sapagka’t inilalagay ng Kanyang nagpapaloob-ng-lahat na kamatayan ang lahat ng negatibong bagay sa kabilang panig ng ilog bilang isang kasaysayan. Kailangan din natin na ang bawa’t panloob na bahagi ng ating pagka-tao ay matigmakan ng lahat ng kung ano Siya. Maging ang pinakamaliit na bahagi ng ating pagka-tao ay dapat malalinan Niya. Ang lahat ng ito ay mga elemento ng ating pagpapasakdal. Kapag ang lahat ng ito ay nailalin sa atin, magkakaroon tayo ng isang ganap na transpormasyon at lubusan tayong mawawangis sa Kanyang larawan. Ito ay pagluluwalhati, pagpapasakdal, at ang pagpaparami, ang kopya, ng tularang Anak. Ang pinakamahalagang punto sa lahat ng ito ay ang kautusan ng buhay, ang paggawa ng dibinong buhay sa loob natin. Ang kautusan ng buhay, na siyang likas at kusang paggawa ng dibinong buhay, ay gumagawa na ng isang nagpapasakdal na gawain sa loob natin, unti-unti tayong sinasalinan ng pagka-Diyos, inaalis ang lahat ng negatibong bagay, at ipinamamahagi ang lahat ng kung ano si Kristo sa loob ng ating katauhan. Sa ibang salita, sa pamamagitan ng kautusan ng buhay, tayo ay binabago, tinatransporma, at iwinawangis ng Panginoon sa Kanyang larawan. Kapag ang prosesong ito ay nakumpleto, Siya ay darating upang tubusin ang ating katawan, binabagong-anyo ang ating hamak na katawan tungo sa maluwalhating isa (Fil. 3:21). Tayo ngayon ay nasa ilalim ng proseso ng paggawa ng kautusan ng dibinong buhay. Ang kautusan ng buhay ay gumagawa ngayon upang baguhin tayo mula sa loob. Sinasabi sa atin ng Efeso 4:22-24 na mapabago sa espiritu ng ating kaisipan upang mahubad natin ang lumang tao at maibihis ang bagong tao. Ayon sa Efeso 2:15, ang bagong tao ay ang ekklesia. Ang ibihis ang bagong tao ay ang ibihis ang ekklesia. Ang bagong tao ay ang praktikal na buhay-ekklesia, ang sama-samang pagpaparami ng pamantayang tularan. Tayo ngayon ay nasa prosesong pinababago sa espiritu ng ating kaisipan, at unti-unting ibinibihis ang bagong tao. Itong pagpapabago ng ating kaisipan at pagbibihis ng bagong tao, ang ekklesia, ay ang kinalabasan ng paggawa ng kautusan ng buhay. |