PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE TATLUMPU’T SIYAM

ANG SAGISAG NG LUMANG TIPAN
AT ANG REALIDAD NG BAGONG TIPAN


Sa mensaheng ito dumako tayo sa Hebreo 9:1-15, isang sipi ng Kasulatan na napakahirap maunawaan. Sa 9:1-3 nakita natin na mayroong dalawang tabernakulo. Sinasabi sa Heb. 9:1, “Noon nga, ang unang tipan ay nagkaroon ng mga ordinansa ng paglilingkod, at ng santuario nito, isang santuario ng sanlibutang ito.” Ang santuario rito ay ang buong tabernakulo (Exo. 25:8-9), kabilang ang unang tabernakulo na tinatawag na Dakong banal (b. 2) at ang ikalawang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan (b. 5). Sinasabi sa bersikulo 2, “Sapagka't inihanda ang isang tabernakulo, ang una, na kinaroroonan ng patungan-ng-ilawan at ng dulang, at ng mga tinapay na handog, na tinatawag na Dakong Banal.” Nang mabasa ko ang bersikulong ito noong nakaraan, ako ay nabagabag. Ayon sa kaalaman ko sa Exodo, may isa lamang tabernakulo. Kung may isa lamang tabernakulo, paano nakapagsabi ang bersikulong ito ng “ang una”? Sa pamamagitan ng katawagang “Dakong Banal” sa bersikulong ito, mauunawaan natin na ang unang tabernakulo ay yaong bahagi ng natatanging tabernakulo na tinawag na Dakong Banal. Sinasabi sa bersikulo 3, “At sa likod ng ikawalang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.” Ang Dakong Kabanal-banalan ay ang ikalawang tabernakulo. Kaya, mayroon tayong unang tabernakulo, ang Dakong Banal, at ang ikalawang tabernakulo, ang Dakong Kabanal-banalan. Itong dalawang tabernakulo ay mga sagisag ng dalawang tipan. Ang Dakong Banal ay isang sagisag ng lumang tipan at ang Dakong Kabanal-banalan ay isang sagisag ng bagong tipan. Bagama't mahirap matanto ang tunay na kahulugan ng mga tipang ito, madaling maunawaan ang mga ito kung isasaalang-alang natin ang tabernakulo. Ayon sa 9:2, sa Dakong Banal, ang sagisag ng lumang tipan, naroon ang patungan-ng-ilawan at ang dulang. Ang ikalawang bagay na ito ay mabuti, subali't malayo sila sa presensiya ng Diyos. Bagama't ang isang tao ay makasusumpong ng tustos at kaliwanagan sa patungan-ng-ilawan, wala siyang paraan upang makaugnay ang Diyos. Wala sa Dakong banal ang presensiya ng Diyos ni ang paraan upang dumulog sa Kanyang presensiya. Higit pa rito, walang orakulo sa Dakong Banal, walang lugar para sa dibinong pagsasalita ng Diyos. Kung saan naroon ang orakulo, naroroon ang pagsasalita ng Diyos. Subali't sa Dakong Banal ay walang dibinong pagsasalita. Higit pa rito, walang pakikipagtagpo sa Diyos sa Dakong Banal. Ang pinakamataas na pagpapala ay ang makipagtagpo sa Diyos. Gayunpaman, walang sinumang nasa Dakong Banal ang makapagsasabing naroroon siya na nakikipagtagpo sa Diyos, sapagka't walang paraan na makatagpo Siya sa Dakong Banal. Kaya, patungkol sa Dakong Banal, may apat na wala: walang presensiya ng Diyos, walang paraan upang makaugnay ang Diyos, walang orakulo para sa pagsasalita ng Diyos, at walang pakikipagtagpo sa Diyos. Ito ay isang tunay na larawan ng relihiyon ngayon. Noong kayo ay nasa mga denominasyon, mayroon ba kayong presensiya ng Diyos o ng paraang makadulog sa Kanyang presensiya? Mayroon ba kayong orakulo kung saan naroroon ang dibinong pagsasalita? Bagama't may isang pulpito at pagsasalita ng isang teologo, walang orakulo na may dibinong pagsasalita. Paano naman ang tungkol sa pakikipagtagpo sa Diyos? Bagama't ang Dakong banal ay mabuti at dito ay magkakaroon tayo ng panustos at kaliwanagan, walang presensiya ng Diyos, walang paraan upang dumulog sa Kanyang presensiya, walang dibinong pagsasalita, at walang pakikipagtapo sa Diyos. Gaano kahabag-habag!

Kailangan nating tandaan na ang aklat ng Hebreo ay isinulat sa mga Hebreong Kristiyano na nag-aatubili sa Dakong Banal. Hindi nila malaman kung magsisilapit sila sa Dakong Kabanal-banalan o uurong pabalik mula sa Dakong Banal patungo sa labas na looban. Nangangahulugan ito na sila ay nasa hangganan sa pagitan ng lumang tipan at ng bagong tipan. Ang sumulat ng Hebreo ay kamangha-mangha at puno ng pasensiya; hindi siya sumulat nang mababaw kundi sa isang napakalalim na paraan. Ang pagsulat niya ay napakalalim na noong nakaraang labinsiyam na siglo. Karamihan sa kanyang mga mambabasa ay hindi lubusang nakatanto sa sinasabi niya. Nakita na natin na ang Dakong Kabanal-banalan ay sumasagisag sa bagong tipan. Ano ang nasa Dakong Kabanal-banalan? Ang Hebreo 9:4 ay nagsasalita patungkol sa Dakong Kabanal-banalan na may isang gintong dambana. Ang gintong dambana, na siyang dambana ng insenso, ay wala sa Dakong Kabanal-banalan, kundi kabilang ito sa Dakong Kabanal-banalan. Pansinin na hindi nito sinasabing ang dambana ng insenso ay nasa Dakong Kabanal-banalan, kundi yaong taglay ng Dakong Kabanal-banalan ang dambana ng insenso. Ano ang pangsyon ng dambana ng insenso? Ibinibigay dito ang paraan upang makadulog sa presensiya ng Diyos. Ang dambana ng insenso ay sumasagisag sa wastong panalangin kasama ni Kristo sa loob ng pagkabuhay-na-muli bilang ang insenso para sa ating pagtanggap. Kaya, ito ang pagpasok sa presensiya ng Diyos. Noong ako ay nasa relihiyon bilang isang kabataan, tinuruan akong manalangin, Ama namin sumasalangit Ka, sambahin ang ngalan Mo, Bagama't labis kaming nanalangin sa gayong paraan, hindi kami kailanman nakapasok sa Dakong Kabanal-banalan. Sa katunayan, lalo kaming nanalangin nang gayon, lalo kaming nanatili sa labas na looban, o maging sa labas ng labas na looban. Hindi yaon ang karanasan ng dambana ng insenso. Kapag tayo ay nananalangin sa pangalan ng Panginoon kasama Siya bilang ang samyo ng pagkabuhay-na-muling kamangyan, kaagad tayong nakapapasok sa Dakong Kabanal-banalan.

Sa 9:4 nakikita natin na nasa Dakong Kabanal-banalan din ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroon ng sisidlang ginto na may lamang manna, at ng tungkod ni Aaron na umusbong at ng mga tapyas na bato ng tipan. Sa ibabaw ng kaban ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa pampalubag-loob na takip (b. 5). Dito sa Dakong Kabanal-banalan hindi lamang tayo may pagpasok sa presensiya ng Diyos bagkus may presensiya mismo ng Diyos. Sa ibabaw ng kaban ay may takip na tinatawag na pampalubag-loob na takip, na siyang dako ng dibinong orakulo ng pagsasalita ng Diyos. Dito tayo ay may pagsasalita ng Diyos. Dito natin nakakatagpo ang Diyos at dito tayo nagkakaroon ng pakikipagsalamuha at pakikipag-ugnayan sa Kanya. Ito ang bagong tipang isinagisag ng Dakong Kabanal-banalan.

Kailangan nating lahat na isaalang-alang kung saan tayo naroroon. Tayo ba ay mga Kristiyanong nasa isang dako kung saan may ilang sukat ng pagtutustos at pagliliwanag subali't walang pagpasok sa presensiya ng Diyos, walang presensiya ng Diyos, walang pagsasalita ng Diyos, at walang paraan upang makatagpo ang Diyos? Tayo ba ay nasa dakong yaon o nasa dako kung saan napakadaling makadulog sa presensiya ng Diyos, magkaroon ng Kanyang pagsasalita, at makatagpo at makapagsalamuha sa Kanya? Kung kayo ay nasa dakong ito, kung gayon kayo ay nasa Dakong Kabanal-banalan. Ang dalawang tabernakulo ay hindi lamang mga sagisag ng dalawang tipan bagkus mga sagisag din ng dalawang kapanahunan, dalawang pamamahagi ang lumang tipang pamamahagi at ang bagong tipang pamamahagi. Kung kayo ay nasa Dakong Banal, nangangahulugan ito na kayo ay nasa lumang kapanahunan, nasa lumang pamamahagi. Kung kayo ay nasa Dakong Kabanal-banalan, kayo ay nasa bagong kapanahunan nasa bagong pamamahagi. Sa puntong ito kailangan nating basahin ang mga bersikulo 8 at 9. Na sa ganito ay ipinakikita ng Espiritu Santo, ang daan ng papasok sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi naihahayag habang natatayo pa ang unang tabernakulo, na isang sagisag ng pangkasalukuyang panahon, na ayon dito ay inihahandog ang mga kaloob at ang mga hain, na kung budhi ang pag-uusapan, ang mga ito ay walang kakayahang magpasakdal sa naglilingkod. Ang salitang nasa simula ng bersikulo 9 ay tumutukoy sa tabernakulong binanggit sa bersikulo 8. Ang tabernakulong ito ay isang sagisag ng pangkasalukuyang panahon, isang tipan ng isang kapanahunan, isang pamamahagi." Ang pangkasalukuyang panahon ay nangangahulugang bagong tipang kapanahunan, hindi ng lumang tipang kapanahunan na naroroon noon (then present) katulad ng ipinakikita ng mga salitang kasalukuyang panahon sa pagsasalin ng King James. May iba't ibang pagsasalin ng bersikulo 9. Ang pangkasalukuyang Panahon ay isinasalin ng iba na noong panahong yaon (the time then present), itinuturing na tumutukoy ito sa lumang tipang kapanahunan. Subali't ayon sa Griyego, ang tabernakulo ay isang sagisag ng pangkasalukuyang panahon, na siyang bagong tipang kapanahunan. Sa pamamagitan ng isang bersikulong ito, nakatitiyak tayo na ang Dakong Banal ay isang sagisag ng isang kapanahunan. Sa prinsipyong ito, ang Dakong Kabanal-banalan ay dapat na isa ring sagisag ng isang kapanahunan.

Ang Dakong Banal ay isang sagisag ng lumang tipan, na sumasakop sa buong lumang tipang kapanahunan. Sa katapus-tapusan, ang lumang tipan at ang lumang tipang kapanahunan ay iisa at pareho. Kapag ang isang tao ay nasa ilalim ng lumang tipan siya ay nasa lumang tipang kapanahunan. Kapag siya ay napasa bagong tipan, siya ay napasa bagong tipang kapanahunan. Ang tipan at ang kapanahunan ay iisa; hindi sila mapaghihiwalay. Kung walang kapanahunan, walang praktikal na pagsasagawa ng tipan. Ang Dakong Banal, na sumasagisag sa lumang tipan, ay sumasagisag sa lumang tipang kapanahunan. Ngayon ang puntong mahirap maunawaan ay ito: ang natatanto ngayon sa bagong tipang kapanahunan ay lubusang isang sagisag sa lumang tipang kapanahunan. Sa lumang tipang kapanahunan ay may mga anino, subali't sa bagong tipang kapanahunan ay may mga realidad. Sa lumang tipang kapanahunan mayroong pagtatakip sa mga kasalanan, na isang sagisag ng pagpapatawad sa mga kasalanan. Sa lumang tipang kapanahunan ay may kautusan ng mga titik, na isang sagisag ng kautusan ng buhay sa bagong tipang kapanahunan. Sa lumang tipang kapanahunan, ang Diyos ay Diyos sa Kanyang bayan at ang Kanyang bayan ay isang bayan sa Kanya ayon sa nakasulat na kautusan. Yaon ay isang sagisag na sa ngayon sa bagong tipang kapanahunan, ang Diyos ay Diyos sa atin at tayo ay isang bayan sa Kanya ayon sa kautusan ng buhay. Higit pa rito, sa lumang tipang kapanahunan tinuturuan ng mga saserdote ang mga taong makilala ang Diyos ayon sa kautusan ng mga titik. Yaon ay isang anino ng panloob na kakayahan na makilala ang Diyos sa buhay ayon sa kautusan ng buhay. Kaya, lahat ng bagay sa bagong tipang kapanahunan ay isinasagisag ng mga aytem sa lumang tipang kapanahunan. Ang Dakong Banal ay isang sagisag ng lumang tipan at gayundin, ito ay isa ring sagisag ng bagong tipang kapanahunan. Subali't hindi sinasabi ng Bibliya na ang Dakong Kabanal-banalan ay isang sagisag ng bagong tipang kapanahunan. Sa prinsipyo, ang dalawang tabernakulo ay kapwa mga sagisag ng dalawang kapanahunan. Gayunpaman, sa katunayan, ang Dakong Kabanal-banalan ay hindi isang sagisag kundi isang realidad. Tanging ang Dakong Banal lamang ang isang sagisag ng pangkasalukuyang kapanahunan. Kaya, ang mensaheng ito ay pinamagatang Ang Sagisag ng Lumang Tipan at ang Realidad ng Bagong Tipan.

I. ANG UNANG TABERNAKULO—ANG DAKONG BANAL,
SUMASAGISAG SA LUMANG TIPAN BILANG ISANG SAGISAG

Katulad ng nakita na natin, isinasagisag ng unang tabernakulo, ang Dakong Banal, na ang lumang tipan ay isang sagisag (9:1-2, 6, 8-10). Yamang ang Dakong Banal ay isang sagisag ng lumang tipan, isinagisag nito na ang lumang tipan ay isang sagisag ng bago. Kaya, ang buong Dakong Banal ay isang tipo, isang sagisag, hindi ang realidad.

A. Ng Sanlibutang Ito

Ang unang tabernakulo ay sa sanlibutang ito, sa paglikhang ito (9:1). Sa kabuuan ito ay materyal, hindi espirituwal, at ito ay nasa lupa, wala sa langit. Ito ay isang pansamantalang sagisag, hindi ang permanenteng realidad.

B. May mga Ordinansa ukol sa Laman

Ang unang tabernakulo ay may mga ordinansa ukol sa laman (9:10). Wala sa mga ordinansang ito ang nasa espiritu o ayon sa espiritu. Bawa't isa sa mga ito ay may kaugnayan sa laman. Sapagka't ang mga ito ay sa mga titik sa panlabas, hindi sa buhay sa panloob, makapagbibigay lamang ang mga ito ng isang porma sa mga sumasamba, hindi ng kahit katiting na sukat ng buhay.

C. Walang Kakayahang Magpasakdal sa mga Naglilingkod

Ang unang tabernakulo bilang isang sagisag ng lumang tipan ay walang kakayahang magpasakdal sa mga naglilingkod (9:9). Sapagka't ito ay hindi espirituwal at walang buhay, hindi ito makapagpasakdal sa mga naglingkod sa Diyos sa pamamagitan nito. Inihantad nito ang mga pagkukulang ng mga naglilingkod sa Diyos, subali't hindi ito makapagpasakdal sa kanila ng mga tunay na bagay ng buhay sa espiritu.

D. Isang Talinghaga, isang Sagisag ng Bagong Tipan

Ang unang tabernakulo ay isang talinghaga, isang sagisag ng bagong tipan. Hindi ito ang realidad kundi isang tipo lamang, isang sagisag, ng realidad. Gayunpaman, pinanghawakan ng mga Hudyo ang sagisag bilang ang tunay na bagay. Dapat natin itong sabihin sa kanila. Sila ay mapag-isip at nangangailangan ng ganitong uri ng tulong. Gayundin, ang mga Hebreong mananampalataya ay hindi malinaw hinggil dito noong panahon nila at nangailangan din ng tulong ukol sa bagay na ito.

E. Ang Daan Papasok sa Dakong Kabanal-banalan, sa Bagong Tipan,
Hindi Pa Naihahayag Hanggang sa Panahon ng Repormasyon

Sinasabi sa bersikulo 8 na nang panahong yaon, ang daan papasok sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa naihahayag habang natatayo pa ang tabernakulo. Nang panahong yaon, ang daan papasok sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa naihahayag habang natatayo pa ang unang tabernakulo ay nangahulugang ang daan papasok sa bagong tipan ay hindi pa nabubuksan. Kapag dumako na tayo sa 10:19-20, makikita natin na isang daang bago at buhay ang kabubukas pa lamang. Ito ang daan papasok sa Dakong Kabanal-banalan, patungo sa bagong tipan. Katulad ng nakita na natin, ang unang tabernakulo, ang Dakong Banal, ay sumasagisag sa lumang tipan, at ang ikalawang tabernakulo, ang Dakong Kabanal-banalan, ay sumasagisag sa bagong tipan. Ngayon ang tabing na nagsasara sa Dakong Kabanal-banalan ay nahapak sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo (Mat. 27:51) yamang ipinako na nito ang laman (Heb. 10:20; Gal. 5:24), at ang daan papasok sa Dakong Kabanal-banalan ay nahayag. Kaya, hindi natin kinakailangang manatili sa Dakong Banal, na siyang lumang tipan, na nasa kaluluwa; kinakailangang pumasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan, na siyang bagong tipan, na nasa espiritu. Ito ang gol ng aklat na ito. Parang sinasabi ng sumulat sa kanyang mga mambabasa, “Mga kapatid na Hebreo, hindi na kayo dapat manatili sa lumang tipan. Mayroon na kayo ngayong isang bagong daan upang makalabas sa lumang tipan at makapasok sa bagong tipan.” Ang konsepto ng sumulat sa aklat ng Hebreo ay yaong ang Dakong Kabanal-banalan at ang bagong tipan ay iisa; ang Dakong Kabanal-banalan ay ang bagong tipan. Kapag pumasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan, nangangahulugan ito na pumasok tayo sa bagong tipan, at kapag pumasok tayo sa bagong tipan, nangangahulugan ito na pumasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan.

Napakakaunting mga Kristiyano ang nakakita nito o nakasumpong ng susing ito. Sa kabila ng maraming beses na nilang pagbasa sa kapitulong ito, hindi nila naunawaan kung ano ang sinasabi nito. Subali't nasumpungan natin ang susi, na yaong ang Dakong Kabanal-banalan ay ang bagong tipan at yaong ang bagong tipan ay ang Dakong Kabanal-banalan. Kapag pumasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan, tayo ay nasa bagong tipan. Sa bagong tipan mayroon tayong pamamahagi ng kautusan ng buhay. Sa bagong tipan ang Diyos ay ating Diyos at tayo ang Kanyang bayan ayon sa kautusan ng buhay. Sa bagong tipan mayroon tayong panloob na kakayahang makilala ang Diyos at ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Kung pagsasama-samahin nating lahat ito, masusumpungan natin na tayo ay nasa presensiya ng Diyos, sa Kanyang orakulo, at nakikipagtagpo sa Diyos at nakikipagsalamuha sa Kanya. Ito ang tipan na may kautusan ng buhay.

II. ANG IKALAWANG TABERNAKULO—ANG DAKONG KABANAL-BANALAN, SUMASAGISAG SA BAGONG TIPAN BILANG ANG REALIDAD

Isinasagisag ng ikalawang tabernakulo, ang Dakong Kabanal-banalan, na ang bagong tipan ay isang realidad, hindi isang sagisag (bb. 3-5, 7-8, 10-12). Maging noong lumang tipang kapanahunan, ang Dakong Kabanal-banalan ay hindi isang sagisag. Ito ay isang realidad sapagka't ang shekinang kaluwalhatian, presensiya, at pagsasalita ng Diyos ay naroon. Doon kinatagpo ng Diyos ang Kanyang bayan. Gayunpaman, sa lumang tipang kapanahunan hindi lahat ng tao ay makapapasok sa Dakong Kabanal-banalan, sapagka't ang daan ng pagpasok dito ay hindi pa naihahayag. Ang Dakong Banal ay isang sagisag. Ang patungan-ng-ilawan at hapag ba sa Dakong Banal ay tunay? Hindi, sila ay kapwa mga larawan. Subali't ano naman ang shekinang kaluwalhatian at pagsasalita ng Diyos sa Dakong Kabanal-banalan? Ang mga ito ay mga realidad. Bagama't ang daan papasok sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi naihayag sa lumang tipang kapanahunan, ito ay naihayag ngayon. Kaya, hindi na tayo dapat manatili sa Dakong Banal; dapat tayong magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan. Kapag tayo ay pumasok sa Dakong Kabanal-banalan, tayo ay nasa bagong tipan, tinatamasa ang lahat ng mga pamana ng bagong tipan, na naging isang testamento. Ang mga pamanang ito ay kinabibilangan ng presensiya ng Diyos, pagsasalita ng Diyos, at pakikipagtagpo at pakikipagsalamuha ng Diyos sa atin. Habang nakikipagsalamuha tayo sa Diyos, inilalalin at isinasalin Niya ang Kanyang Sarili sa atin. Ito ang realidad ng bagong tipan. Natatanto ba ninyo na sa ngayon tayo ay naririto sa Dakong Kabanal-banalan? Nakita na ba ninyo na tayo ngayon ay nasa orakulo na tinatamasa ang presensiya ng Diyos? Aleluya, natawid natin ang ilog! Nilisan natin ang Dakong Banal sa kabilang panig at tayo ngayon ay nasa ginintuang panig sa Dakong Kabanal-banalan. Ito ang aklat ng Hebreo.

A. Ang Lalong Malaki at Lalong Sakdal na Tabernakulo—
Ang Lalong Magaling na Tipan

Sinasabi sa bersikulo 11 na dumating si Kristo na isang Mataas na Saserdote ng mabubuting bagay na narito na, sa pamamagitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo. Ang lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo ay ang lalong magaling na tipan. Ang Dakong Kabanal-banalan at ang bagong tipan, na siyang lalong magaling na tipan, ay iisa.

B. Hindi sa Nilikhang Sanlibutang ito,
Hindi Gawa ng Kamay ng Tao

Ang ikalawang tabernakulo, ang Dakong Kabanal-banalan, ay hindi gawa ng kamay, yaon ay, hindi sa nilikhang sanlibutang ito (b. 11). Ito ay ginawa ng Diyos at makalangit at walang hanggan.

C. Isang Repormasyon, ang Realidad ng Lumang Tipan,
Pagtutuwid ng mga Bagay

Ang bersikulo 10 ay nagsasalita ng tungkol sa panahon ng pagtutuwid ng mga bagay. Ang pariralang ito ay maaari ring isaling repormasyon. Sa lumang tipang kapanahunan, walang naituwid; halos lahat ng bagay ay magulo. Ang panahon ng pagtutuwid sa mga bagay ay naganap nang si Kristo ay dumating sa unang pagkakataon upang tuparin ang lahat ng mga anino ng Lumang Tipan, nang sa gayon ay mahalinhan ang lumang tipan ng isang bagong tipan. Itinuwid na ni Kristo ang lahat ng bagay sa wastong kalagayan nito. Nangangahulugan ito na nagkaroon ng isang wastong pagsasaayos, isang wastong pagkakasunud-sunod. Kaya nga, ito ay isang repormasyon. Ito ay naiiba sa pagpapanumbalik sa Gawa 3:21, na magaganap sa ikalawang pagparito ni Kristo.

1. Si Kristo Dumating na Isang Mataas na Saserdote
ng Mabubuting Bagay na Narito na

Ang repormasyon ay nakasalalay sa unang pagparito ni Kristo. Siya ay dumating na isang Mataas na Saserdote ng mabubuting bagay na narito na (b. 11). Ang Kanyang unang pagparito ay pangunahing para Siya ay maging ang Mataas na Saserdote. Ang lahat ng bagay ay naitutuwid ng buhay sa loob ng espiritu sa pamamagitan ng Kanyang pagkasaserdote, ang makahari at dibinong pagkasaserdote na isinasagawa Niya ngayon sa lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo bilang isang lalong ekselenteng ministeryo. Ang mabubuting bagay na narito na ay ang mga bagay na inihain ng makahari at dibinong pagkasaserdote ni Kristo.

2. Si Kristo Pumasok na Minsan Magpakailanman
sa Dakong Kabanal-banalan at Nakamtan ang Isang Walang Hanggang Katubusan,
Nilulubos ang Bagong Tipan

Sinasabi sa bersikulo 12, ni hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga besirong baka, kundi sa pamamagitan ng Kanyang Sariling Dugo, ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Kabanal-banalan na nakamtan ang walang hanggang katubusan. Sa lumang tipan, ang dugo ng mga kambing at mga besirong baka ay gumawa lamang ng pagtubos para sa mga kasalanan ng mga tao (Lev. 16:15-18); kailanman ito ay hindi nagsakatuparan ng katubusan (redemption) para sa kanilang mga kasalanan, sapagka't imposible na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan (Heb. 10:4). Sa Hebreo, ang salitang-ugat para sa pagtubos (atonement) ay nangangahulugang takip. Kaya nga, ang pagtubos ng kasalanan (atonement) ay nangangahulugang takpan, hindi alisin ang mga kasalanan. Yamang si Kristo bilang ang Kordero ng Diyos ay nag-alis ng kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29) sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Sarili sa krus bilang hain para sa mga kasalanan nang minsan para sa lahat (Heb. 9:14; 10:12), ang Kanyang dugo na Kanyang iwinisik sa tabernakulong nasa langit (12:24), ay nagsagawa ng walang hanggang katubusan para sa atin, maging ng katubusan ng mga pagsalansang sa ilalim ng unang tipan, ang lumang tipan (9:15), na mga pagsalansang na tinakpan lamang ng dugo ng hayop. Kaya nga, tayo ay tinubos ng mahalagang dugo ni Kristo (1 Ped. 1:18-19).

a. Si Kristo, Nagdandog ng Kanyang Sarili sa Diyos
sa Pamamagitan ng Walang Hanggang Espiritu

Sinasabi sa bersikulo 14, Gaano pa kaya ang dugo ni Kristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay naghandog ng Kanyang Sarili na walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating budhi mula sa mga patay na gawa upang magsipaglingkod sa buhay na Diyos. Sa krus, inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili sa Diyos sa loob ng katawan ng tao (10:5, 10), na ang katawang ito ay nalilimitahan ng panahon. Subali't ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, na ang Espiritung ito ay walang hanggan, hindi nalilimitahan ng panahon. Kaya nga, sa mata ng Diyos, si Kristo bilang ang Kordero ng Diyos ay pinatay buhat nang itatag ang sanlibutan (Apoc. 13:8). Ang paghahandog Niya ng Kanyang Sarili ay minsan magpakailanman (Heb. 7:27), at ang kautusang naisagawa sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay walang hanggan (9:12), nagtataglay ng walang hanggang bisa. Ang kinasasaklawang panahon ng Kanyang Katubusan ay ganap na sumasakop sa kinasasaklawang panahon ng kasalanan.


b. Ang Kanyang Dugo, Naglilinis ng Ating Budhi
Mula sa mga Patay na Gawa Upang Magsipaglingkod sa Buhay na Diyos

Nililinis ng dugo ni Kristo ang ating budhi upang ating mapaglingkuran ang Diyos na buhay. Ang paglingkuran ang Diyos na buhay ay nangangailangan ng isang budhing nalinis-ng-dugo ni Kristo. Ang sumamba sa loob ng patay na relihiyon o ang maglingkod sa anumang patay na bagay maliban sa Diyos ay hindi humihiling na ang ating budhi ay malinis. Ang budhi ang pangunahing bahagi ng ating espiritu. Ang Diyos na buhay na ninanais nating paglingkuran ay palaging dumarating sa ating espiritu (Juan 4:24) sa pamamagitan ng paghipo sa ating budhi. Siya ay matuwid, banal, at buhay. Ang ating narumhang budhi ay kinakailangang malinis upang mapaglingkuran natin Siya sa buhay na paraan. Ang sumamba sa Diyos sa ating pag-iisip nang makarelihiyon ay hindi nangangailangan nito.

Ang bersikulo 14 ay nagsasalita ng tungkol sa mga patay na gawa at sa buhay na Diyos. Dahil sa tayo ay mga patay (Efe. 2:1; Col. 2:13), anumang ating ginawa, masama o mabuti man, ay mga patay na gawa sa harapan ng Diyos na buhay. Ang Hebreo ay hindi isang aklat na nagtuturo ng relihiyon, kundi isang aklat na nagpapahayag sa Diyos na buhay (3:12; 9:14; 10:31; 12:22). Upang makaugpong ang Diyos na buhay na ito, kailangan nating gamitin ang ating espiritu (4:12) at magkaroon ng espiritung may budhing nalinis-ng-dugo. Ang dugo ni Kristo ay ibinuhos para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan (Mat. 26:28). Ang bagong tipan ay naisagawa sa pamamagitan nito (Heb. 10:29; Lucas 22:20). Isinagawa nito ang walang hanggang katubusan para sa atin (Heb. 9:12; Efe. 1:7; 1 Ped. 1:18-19), at binili ang ekklesia para sa Diyos (Gawa 20:28). Nililinis tayo nito mula sa ating mga kasalanan (Apoc. 1:5; 1 Juan 1:7), nililinis ang ating budhi (Heb. 9:14), pinababanal tayo (13:12), at nagsasalita ng lalong mabuti para sa atin (12:24). Sa pamamagitan ng dugong ito, pumapasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan (10:19) at dinaraig si Satanas na tagapag-akusa (Apoc. 12:10-11). Samakatuwid, ito ay mahalaga at nakahihigit kaysa sa dugo ng mga kambing at mga toro (9:12-13). Kinakailangan nating pahalagahan ang dugong ito at huwag itong ituring na karaniwan gaya ng dugo ng hayop. Kung gagawin natin ito, magdurusa tayo ng kaparusahan ng Diyos (10:29-31).

3. Si Kristo Bilang ang Tagapamagitan ng Bagong Tipan,
ang Tagaganap ng Bagong Testamento

Sinasabi sa bersikulo 15, At dahil dito Siya ang Tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa pamamagitan ng isang kamatayang ukol sa ikatutubos ng mga pagsalansang na nasa ilalim ng unang tipan, ang mga tinawag ay magsitanggap ng pangako ng walang hanggang pamana. Si Kristo ang tagapamagitan ng bagong tipan at ang Tagaganap ng bagong testamento. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, isinagawa ni Kristo ang bagong tipan. Sa Kanyang kamatayan, iniwan Niya itong bagong tipan sa atin bilang isang ipinamanang testamento, isang itinalagang habilin. Ngayon sa Kanyang pagkabuhay-na-muli, bilang ang Tagapamagitan ng bagong tipan, Siya ang Tagaganap ng bagong testamento, ginaganap ang naisagawa sa bagong tipan at naipamana sa bagong testamento.

a. Upang Tuparin ang Bagong Tipan
at upang Ganapin ang Bagong Testamento

Nakita na natin na lahat ng pangako ng Diyos ay naging mga naisagawang katunayan sa bagong tipan sa pamamagitan ng nagtutubos na gawain ni Kristo, at yaong lahat ng mga naisagawang katunayang ito ay naging mga pamana sa bagong testamento. Bilang ang Tagapamagitan ng bagong tipan, tinutupad ngayon ni Kristo sa loob ng pagkabuhay-na-muli ang bagong tipan, at bilang ang Tagaganap ng bagong testamento ginaganap Niya ang bagong testamento upang ang lahat ng pamana ng mga naisagawang katunayan ay maging mabisa para sa atin at nang tayo ay magkaroon ng ganap na pagtatamasa ng mga ito.

b. Upang ang mga Tinawag na Banal ay Magsitanggap ng Pangako
ng Walang Hanggang Pamana

Ngayon, sa Kanyang lalong ekselenteng ministeryo na may Kanyang makahari at dibinong pagkasaserdote, tinutupad ni Kristo bilang ang Tagapamagitan ang bagong tipan, at bilang ang Tagaganap ay ginaganap ang bagong testamento upang ang mga tinawag na banal ay magsitanggap ng pangako ng walang hanggang pamana (b. 15). Ano ang walang hanggang pangako? Ito ay ang Diyos Mismo kasama ang lahat ng kung ano Siya, mayroon Siya, nagawa Niya, at gagawin pa. Ang lahat ng ito ay ang ating walang hanggang pamana para sa ating pagtatamasa. Ang paraan para mamana natin ito ayang bagong tipan. Ang pangako ng walang hanggang pamana ay batay sa walang hanggang pagtutubos ni Kristo, hindi sa ating gawa. Ito ay naiiba sa pangako sa 10:36, na nakasalig sa ating pagtitiis at paggawa sa kalooban ng Diyos. Ang walang hanggang pamana sa pangako rito ay sa pamamagitan ng walang hanggang pagtutubos ni Kristo, samantalang ang malaking gantimpala (10:35) sa pangako sa 10:36 ay para sa ating pagtitiis at paggawa ng kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang nagtutubos na gawain, ikinuha tayo ni Kristo nitong ipinangakong walang hanggang pamana. Ngayon sa Kanyang pagkabuhay-na-muling buhay dinadala Niya tayo, ang mga tinawag at tinubos, tungo sa loob ng pakikilahok sa lahat ng mga kayamanan nitong walang hanggang pamana, ayon sa bagong testamento sa bagong tipang daan, yaon ay, sa daan ng Dakong Kabanal-banalan.