PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE APAT

SI KRISTO BILANG ANG ANAK NG DIYOS—BILANG DIYOS
NAKAHIHIGIT SA MGA ANGHEL

Ang aklat ng Hebreo ay isang aklat ng mga paghahambing. Inihahambing nito ang ekonomiya ng Diyos sa loob ni Kristo sa mga bagay sa Lumang Tipan. Marami sa mga mananampalatayang Hebreo, kung kanino isinulat ang aklat na ito, ang nagpahalaga sa pananampalataya kay Kristo at sa kaligtasan sa loob ni Kristo, nguni’t pinahalagahan din nila ang kanilang dating relihiyong pinanggalingan, na itinatag ng Diyos ayon sa Lumang Tipan. Hindi naman ito yaong sa mga bansa (heathen) o pagano. Hindi naman ito isang imbensiyon ng imahinasyon ng tao; itinatag ito ayon sa mga orakulo ng Diyos. Sinabihan ng Diyos ang kanilang mga ninuno na iayos ang mga seremonya at mga ritwal ng templo at ang paglilingkod na pan-levitiko. Samakatuwid, ito ay iniutos, ipinatatag at pinagpala ng Diyos. Sa ganitong pinanggalingan nagmula ang mga mananampalatayang Hebreo. Nguni’t yamang mayroon din silang nakita kay Kristo, sila ay nagulumihanan. Ganito rin ang ating mararamdaman kung tayo ay nasa kanilang sitwasyon. Ang mga mananampalatayang Hebreo ay nababagabag ng dalawang katapusang ito—si Kristo at ng kanilang dating pinanggalingan. Kapwa ay sa Diyos at ngayon ay kailangan nilang mamili sa dalawang yaon. Ang mga mananampalatayang Hebreo ay nag-aatubili sa gitna (bridge). Hindi pa nila nalisan ang kabilang dako, bagkus ay nasa gilid ng hangganan. Sila ay tinawag upang magpatuloy, upang tawirin ang ilog, upang tumawid. Wala naman silang kinalaman sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, dahil ang banal na templo ay itinayo para sa layuning sambahin ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa pan-levitikong paglilingkod, ang mga saserdote ay naghahandog ng mga haing itinalaga ng Diyos at nagsusunog ng mga kamangyan tulad ng Kanyang hinihiling. Mahirap para sa mga mananampalatayang Hebreo na ganap na iwan ito. Hawak-hawak nila ang dalawang dulong ito ng kanilang dalawang kamay, tangan-tangan si Kristo sa isang kamay at ang relihiyon ng kanilang mga ninuno sa kabila. Ito ang pumapaligid-na-pangyayari (background) ng kanilang sitwasyon.

Karagdagan dito, hinaharap nila ang mga problema sa kanilang kapaligiran. Isang pang-uusig ang naitatag laban sa kanila. Bagama’t mahal nila ang kanilang dating relihiyon, nanguna ang mataas na saserdote ng relihiyong yaon na usigin sila, ginagawang napakalinaw ng kanilang sitwasyon. Marahil ay sinabi niya sa kanila, “Kung gusto ninyong maging Israelita, manatili kayo sa amin. Kalimutan ninyo si Kristo at ang mga Kristiyano. Kung gusto ninyong sumama sa mga Kristiyano, dapat ninyong iwan kami. Lumayas kayo! Ni hindi namin kayo papayagang mamuhay kasama namin.” Iyan ang sitwasyon ng mga mananampalatayang Hebreo nang isulat ang aklat ng Hebreo sa kanila.

Sa sulat na ito ay nakikita natin ang karunungan ng Espiritu ng Panginoon. Hindi Niya sila pinagwikaan. Walang espiritu ng pagwiwika (rebuking Spirit), walang salita ng pagwiwika, at walang tono ng pagwiwika. Ang pagwiwika (rebuking) ay hindi gaanong tumatalab. Pinili ng Panginoong Espiritu ang pinakamagaling na paraan upang matulungan sila—ang paraan ng paghahambing. Ang pinakamagaling na paraan upang matulungan ang ating mga anak ay ang bigyan sila ng isang paghahambing. Hayaan ninyong ihambing nila ang puti sa itim, si Kristo sa relihiyon, ang ekklesia sa sanlibutan, ang langit sa impyerno, at pagkatapos ay hayaan silang mamili. Ito ang paraang ginamit ng sumulat ng aklat na ito. Sa isang ganap na paraan, inilahad niya kung ano ang nasa ekonomiya ng Diyos, ipinakikita ang kahigitan ni Kristo kung ihahambing sa kanilang dating relihiyon. Ang relihiyong iyon ang nagsilbing maitim na pumapaligid-na-pangyayari (background). Kung walang itim na larawan sa likuran (background) ang puti ay hindi nagmimistulang napakaputi. Upang maipakita ang pagkaputi ng puti ay kinakailangan mo ng isang maitim na pondo. Tandaan ninyo ang prinsipyong ito: sa aklat ng Hebreo ay laging may paghahambing.

Anu-ano ang mga pangunahing aytem sa Hudaismo, ang mga bagay na tinatanganan ng mga ninunong Hudyo bilang mga kayamanan? Sa Hudaismo, ang nakaugalian at tunay na relihiyong binuo at itinatag ayon sa Lumang Tipan, ang pangunahing aytem ay ang Diyos. Ang Diyos ang kanilang kapurihan (Roma 2:17). Walang ibang relihiyon kung saan may gayong Diyos ang mga tao. Ang Budismo, halimbawa, ay walang katuturan at hindi dapat tawaging relihiyon. Tinutulungan ng relihiyon ang mga tao na sumamba sa Diyos, maglingkod sa Diyos, at kumilos sa isang gawing makasisiya sa Diyos. Walang Diyos sa Budismo, isang piping Buddha lamang. Ayon sa Budismo, ang bawa’t isa ay maaaring maging Buddha. Itinuturo ng Budismo na kung kikilos ka nang wasto, sa kahulihulihan ay magiging Buddha ka. Ito ay lubusang makademonyo.

Gayundin, ang mga pagtuturo ni Confucius ay hindi dapat ituring na relihiyon. Hindi kailanman nagturo si Confucius ng relihiyon. Ang kanyang pagtuturo ay pawang mga bagay na pang-etika lamang. Sa kanyang pagtuturo hinggil sa etika at moralidad, ilang beses lamang nabanggit ni Confucious ang Diyos. Pinayuhan lamang niya ang mga tao na huwag magkasala sa Diyos, dahil, kung magawa nila ito, wala silang paraan na mapatawad.

Isasaalang-alang naman natin ngayon ang Islam. Ang Koran, ang banal na aklat ng Islam ay isang paghuhuwad (counterfeit) ng Lumang Tipan. Tuso ito. Binabanggit nito ang Diyos at naglalaman ng kasaysayan ng Genesis. Nguni’t ito sa kabuuan ay isang panghuhuwad. Ang tunay at totoong Diyos ay nasa relihiyong Hudaismo, dahil ito ang tunay at kinaugaliang relihiyon. Sa isang pakahulugan, mayroon silang tunay na Diyos. Ang Diyos na ito ang kanilang ipinagmamapuri. Kahit ngayon ipinagmamapuri pa rin ng Hudaismo ang Diyos nito.

Ikalawa, ang Hudaismo ay may mga anghel. Ang lahat ng mga paganong relihiyon ay may mga demonyo. Walang paghahambing sa pagitan ng mga anghel at ng mga demonyo. Ipinakikita ng Bibliya na ang mga anghel ay napakalapit sa Diyos. Nang nagpakita ang Panginoon kay Abraham, nagpakita Siya kasama ang dalawang anghel (Gen. 18:1-2). Magkakamukhang-magkakamukha sila. Sa ganito makikita natin kung gaano kataas ang mga anghel. Maging ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel (Gawa 7:53; Gal. 3:19). Kaya ipinagmamapuri sila ng relihiyong Hudaismo.

Ikatlo, ipinagmamapuri ng relihiyong Hudaismo si Moises kung kanino ibinigay ang kautusan ng Diyos. Sa halos bawa’t lipi, lalo noong mga unang panahon, ay may mga namumukod na pinuno. Nguni’t siya ang pinakapangunahing pinuno sa lahat ng mga pinunong tao. Walang mga isinulat ang maihahambing sa kanyang mga isinulat. Hindi na kailangang tingnan pa ang lahat ng mga aklat ng Pentateuch na isinulat ni Moises, sapat nang maipakita ng isa lamang, ang Deuteronomio. Hindi maihahambing ang aklat na ito; nasa ikatlong langit ito. Ang lahat ng mga iba pang mga aklat na labas sa Bibliya ay nasa ibabaw ng lupa o nasa pinakamalalim na Hades (lowest hell). Ang mga isinulat ni Moises ay matataas. Gustung-gusto ko ang lahat ng mga aklat na kanyang isinulat, lalo na ang Deuteronomio na napakatamis at napakagiliw. Anong kalaliman ang naroroon sa limang aklat na isinulat ni Moises! Ang mga aklat na ito ay mga minang ginto. Lalo mong hinuhukay ang mga ito, mas maraming kayamanan ang iyong matatagpuan. Hindi maarok ang mga ito. Kaya’t nagmamapuri ang lahat ng mga Hudyo kay Moises. Ang ikapat na aytem ay ang pagkasaserdoteng taglay ni Aaron, ang nakatatandang kapatid na lalake ni Moises, bilang ang ulo. Si Moises ay hindi isang saserdote; siya ay isang apostol ng Lumang Tipan. Si Aaron ay isang mataas na saserdote. Si Moises ay isinugo mula sa Diyos tungo sa mga tao, at si Aaron ay nagmumula sa mga tao pabalik naman sa Diyos. Isinasagisag ni Moises si Kristo na nagmumula sa Diyos patungo sa mga tao, at isinasagisag naman ni Aaron si Kristo na nagmumula sa mga tao patungo sa Diyos. Ang mga Hudyo ay may gayong pagkasaserdote na naglilingkod sa Diyos at nangangalaga sa mga pangangailangan ng mga tao sa presensiya ng Diyos.

Sa isang pakahulugan, hindi lamang ang mga saserdote ang tagapaghain, bagkus mga abogado rin sa makalangit na korte. Anong galing ng mayroon kang abogado na patuloy na nangangalaga sa iyong kaso. Ang mga Hudyo ay may kanilang mga pansaserdoteng abogado. Ngayon, kung walang abogado ang mga tao, wala silang proteksiyon, nguni’t kung sila ay nasa ilalim ng pangangalaga ng isang magaling na abogado, mapapayapa sila. Ang mga pagano ay walang abogado na mangangalaga sa kanila sa harapan ng Diyos, nguni’t ang mga Hudyo ay may mga saserdote bilang mga abogado nila sa harapan ng Diyos. Ang mga saserdoteng iyon ay naglingkod sa Diyos at nangalaga sa mga kaso ng mga anak ni Israel. Kaya, maipagmamapuri ng mga Hudyo ang kanilang saserdote.

Ang ikalima at pinakahuling pangunahing aytem na maipagmamalaki ng Hudaismo ay ang lumang tipan na ginawa ng Diyos sa mga Hudyo. Ang mga Hudyo ay ang mga tao ng Diyos ayon sa tipan ng Diyos na ginawa alinsunod sa kautusan ng Diyos. Sila ang mga taong pinakipagtipan ng Diyos. Walang ibang tao sa lupa ang may gayong dibinong pakikipagtipan upang maging mga tao sila ng Diyos ayon sa mga pagnanais at kahilingan ng Diyos. Ang mga Hudyo lamang ang may gayong dibinong pagkikipagtipan upang sila ay maging mga partikular na tao ng Diyos. Kaya pinanghahawakan nila ito bilang isang kayamanan at ipinagmamapuri ito.

Ang layunin ng aklat ng Hebreo ay ang ipakita sa mga mananampalatayang Hudyo ang kahigitan ng ekonomiya ng Diyos sa Hudaismo. Sa Hudaismo, ang ipinagmamapuri ay ang Diyos, ang mga anghel, si Moises, si Aaron ang mataas na saserdote, at ang lumang tipan kasama ang mga paglilingkod nito. Ginagamit ng sumulat ang limang aytem na ito bilang batayan sa paghahambing. Una niyang ipinakikita na sa ekonomiya ng Diyos ang unang pinakahigit na bagay ay hindi lamang ang Diyos, bagkus ang Diyos na nahayag, yaon ay, ang Diyos Anak (1:2, 3, 5, 8-12). Pagkatapos, nagpapatuloy siyang ihayag na si Kristo ay nakahihigit sa mga anghel (1:4-2:18), kay Moises (3:1-6), kay Aaron (4:14-7:28), at yaong ang bagong tipan ng buhay na ginawa Niya ay nakahihigit sa lumang tipan ng mga titik (8:1-10:18).

Ang unang paghahambing na inilalahad ng aklat na ito ay ang paghahalintulad sa Diyos sa Kanyang pagliligtas at sa Diyos sa relihiyon ng mga Hudyo. Ang relihiyon ng mga Hudyo ay may tunay na Diyos, nguni’t sa Hudaismo Siya ang nakakubling Diyos. Sa pagliligtas ng Diyos, sa kabaligtaran, ang Diyos ay nahayag. Ang nahayag na Diyos na ito ay ang Diyos Anak. Ang Diyos Anak ang kahayagan ng Diyos. Nang si Apostol Juan ay nasa maka-Hudyong relihiyon bago siya maligtas, hindi niya masabing, “Nakita namin ang Kanyang kaluwalhatian.” Nguni’t nang isulat niya ang kanyang ebanghelyo, sinabi niyang sa pasimula ay ang Salita, ang Salita ay Diyos, ang Salita na Siyang Diyos na naging laman, at nakita nating lahat ang Kanyang kaluwalahtian. Sa Juan 1:18 ay nagpatuloy si Juan sa pagsasabing walang sinumang nakakita sa Diyos, kundi “ang bugtong na Anak ang Siyang naghayag sa Kanya.” Sa kanyang sulat, sinabi ni Juan na ating narinig, nakita, at nahipo ang Isang ito na naghahayag sa Diyos bilang ating buhay (1 Juan 1:1). Ito ang Diyos sa Kanyang pagliligtas. Ang Diyos sa Hudaismo ay tunay nguni’t nakakubli. Ang Diyos sa Kanyang pagliligtas ay nahayag.

Sa Lumang Tipan ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta nguni’t hindi kailanman inihayag ang Kanyang Sarili. Sa Bagong Tipan, yaon ay, sa pagliligtas ng Diyos, ang Diyos ay nagsasalita sa loob ng Anak na Siyang Salita ng Diyos, pagsasalita ng Diyos, at ang Diyos Mismo. Isinasalita Niya ang Diyos, idinideklara ang Diyos, at inihahayag ang Diyos. Noong unang panahon, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ng di-tuwiran, nguni’t ngayon ay nagsasalita Siya sa loob ng Anak ng tuwiran.
Nang si Pedro ay nasa bundok ng pagbabagong-anyo kasama ang Panginoon at nakita sina Moises at Elias, pinanghawakan pa rin niya ang lumang konsepto at inihanay sina Moises at Elias sa Anak ng Diyos (Mat. 17:1-8). Kailangan niyang matutunan na ang lumang pamamaraan ng pagsasalita ng Diyos ay tapos na. Wala ng Moises at wala ng Elias—tanging ang Anak ng Diyos na lamang. Kinakailangan ni Pedro na tawirin ang ilog at pakinggan ang Anak. Ang Anak ngayon ang namumukod-tanging Salita ng Diyos, ang namumukod-tanging pagsasalita ng Diyos. Siya ang pagdedeklara at kahayagan ng Diyos. Hindi lamang Siya nagsasalita para sa Diyos—isinasalita Niya ang Diyos. Siya ang ningning ng kaluwalhatian ng Diyos at ang hayag na larawan ng substansiya ng Diyos. Siya ang Diyos na nahayag. Ang Diyos sa Kanyang pagliligtas ay lalong higit kaysa sa Diyos ng maka-Hudyong relihiyon. Doon, ang kanilang Diyos ay nakakubli; dito, ang Diyos ay nahayag.

Ang Anak na kung kaninong nagsasalita ang Diyos ay ang mismong Isa na lumikha ng mga kalangitan at ng lupa (1:10). Siya ay walang iba kundi ang Diyos na Manlilikha. Siya rin ang Isa na umaalalay sa buong sansinukob. Inaalalayan Niya ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng Kanyang kapangyarihan (1:3). Siya rin ang pinahirang Isa, ang Isa na itinalagang Tagapagmana ng buong nilikhang sansinukob (1:2). Ang itinalagang Tagapagmanang ito ay ang Diyos Mismo (1:8). Ang Diyos na ito ay walang iba kundi ang Diyos ng mga Hudyo, nguni’t Siya ay higit pa sa Diyos ng mga Hudyo. Walang nakakita kailanman sa Diyos ng mga Hudyo, nguni’t para sa atin, ang mga wastong Hebreo, ang Diyos ay inihayag, nahayag, nahipo, natanggap, naangkin, at naranasan araw-araw.

Sa pagbabawi ng Panginoon ay mayroon tayong mga kapatid na mga Hudyo na naging mga Hebreo. Bago sila napunta sa pagbabawi ng Panginoon alam nilang lahat ang tungkol sa Diyos, nguni’t hindi nila Siya natamasa. Sa kanilang relihiyon, mayroon silang Diyos sa terminolohiya lamang; wala silang Diyos sa kanilang karanasan. Ngayon Siya ay taglay nila sa karanasan.

Sa pagsisimula ng kanyang sulat, ipinahiwatig ng sumulat ng Hebreo na ang Diyos ng mga tunay na Hebreo ay lalong higit sa Diyos sa lumang maka-Hudyong relihiyon. Hindi lamang Siya Diyos Ama, bagkus Diyos Anak din. Ang mga konseptong ito kapwa ay matatagpuan sa Isaias 9:6. “Sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake....at ang Kanyang pangalan ay tatawaging... ang walang hanggang Ama.” Isang Anak na lalake ang ibinigay sa atin, nguni’t ang Kanyang pangalan ay tinatawag na walang hanggang Ama. Ang Ama ay ang Anak ngayon na ibinigay sa atin. Ang Ama sa Kanyang katauhan, at ang Anak sa Kanyang pagiging naibigay. Sa Kanyang pagiging Diyos, Siya ang Ama, at sa pagiging naibigay sa atin, Siya ang Anak. Tulad ng malinaw na inihahayag ng Isaias 9:6, sa pagiging naibigay, Siya ang Anak, nguni’t Siya ay tinatawag na walang hanggang Ama. Ang Ama ay para sa Kanyang katauhan, at ang Anak sa Kanyang pagiging naibigay upang abutin tayo, upang kamtin natin sa ating karanasan. Kung Siya ay Ama lamang, hindi natin Siya kailanman matatanggap o matatamasa. Purihin Siya at Siya ang Anak na ibinigay sa atin. Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak sa atin (Juan 3:16). Ang Anak ay dibinong kaloob mula sa Diyos at ang dibinong kaloob na ito ay ang Diyos Mismo. Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Sarili sa atin bilang dibinong kaloob sa loob ng Anak.

Ang ating Diyos ay ang Diyos na nahayag, ang Diyos na umaabot sa atin, na Siyang natanggap natin, na Siyang naranasan natin, na Siyang nagiging katamasahan natin sa araw-araw. Ito ang ating Diyos. Tiyak na ang Diyos na ito ay higit kaysa sa Diyos ng Hudaismo. Ang Diyos na ito ay si Hesus, ang Anak ng Diyos, ang Diyos Mismo. Siya ang kahayagan ng Diyos, ang Diyos na umaabot sa atin, ang Diyos na natanggap, naranasan, natamasa at naangkin natin.

Ngayon kailangan nating makita ang Anak bilang kahayagan ng Diyos ay lalong higit na mataas kaysa sa mga anghel. Siya ay nakahihigit sa mga anghel. Hindi lamang nakahihigit ang Diyos sa pagliligtas kaysa sa mga anghel, bagkus maging ang Diyos sa Hudaismo ay lalong nakahihigit sa kanila dahil ang mga anghel ay Kanyang mga tagapaglingkod. Ang mga anghel ay mga hangin at ningas ng apoy (1:7). Huwag ninyong isiping gayong katataas ang mga anghel. Marahil marami sa inyo ang nagnanais na maging anghel. Makikita natin na ang mga anghel ay hindi lamang mas mababa kay Kristo; sila ay mas mababa rin sa atin. Maging noong panahon ng Lumang Tipan, ang Diyos ay lalong nakahihigit sa mga anghel. Nagamit lamang sila sa Kanyang layunin. Samakatuwid, hindi maikakailang ang ating Kristo, ang Anak ng Diyos, ay lalong nakahihigit pa sa mga anghel kaysa sa Diyos ng Hudaismo. Ang mga anghel, na gaya ng mga hangin at ningas ng apoy, ay ang mga nilikha lamang, samantalang ang Anak ang Manlilikha. Bilang mga nilikha, ang mga anghel ay lalong mababa kaysa sa Anak, at bilang ang Manlilikha, ang Anak ay lalong nakahihigit sa mga anghel.

I. ANG ANAK—ISANG HIGIT NA EKSELENTENG PANGALAN

Ang Anak ay may isang higit na ekselenteng pangalan kaysa sa mga anghel. Sinasabi ng bersikulo 1:4, “Na Naging higit na lalong mabuti kaysa sa mga anghel, yamang Siya ay nagmana ng higit na ekselenteng pangalan kaysa sa kanila.” Ang higit na ekselenteng pangalang ito ay ang Anak, na lubos na ipinaliliwanag sa mga sumusunod na bersikulo ng kapitulong ito. “Sapagka’t kailanman ay kanino nga sa mga anghel Niya sinabi, “Ikaw ay Aking Anak; sa araw na ito ipinanganak Kita? At muli, Ako ay magiging Kanyang Ama, at Siya ay magiging Aking Anak?” (1:5). Sinasabi naman ng Roma 1:4 na si Kristo “ay itinalagang Anak ng Diyos sa kapangyarihan ayon sa Espiritu ng kabanalan, mula sa pagkabuhay-na-muli ng mga patay.” Ang paglabas Niya sa kamatayan ang pagtatalaga na Siya ang Anak ng Diyos. Si Kristo ay itinalaga at ideneklarang Anak ng Diyos. Natanggap Niya ang gayong ekselenteng pangalan.

II. SA PAGKABUHAY-NA-MULI

Sa pagkabuhay-na-muli naideklara si Kristo na maging Anak ng Diyos na nakahihigit sa mga anghel. Ang pagkabuhay-na-muli ay nangangahulugang isang bagong panimula; ito ay nangangahulugang pagsibol. Tinutukoy ng bersikulo 3 ang Kanyang kamatayan sa pagsasabing, “nang magawa na ang paglilinis ng mga kasalanan.” Ipinakikita naman ng bersikulo 5 ang Kanyang pagka-buhay-na-muli kung saan Siya ipinanganak na Panganay na Anak ng Diyos (Gawa 13:33) bilang isang panimula ng isang bagong kapanahunan, ang kapanahunan ng ekklesia na binubuo ng marami Niyang mga kapatid na ipinanganak ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay-na-muli.

III. SA PAG-AKYAT-SA-LANGIT

Binabanggit din ng Hebreo 1 ang pag-akyat-sa-langit ni Kristo; na sumusunod sa Kanyang pagkabuhay-na-muli. Sinabi ng bersikulo 13, “Subali’t kailanman ay kanino sa mga anghel Niya sinabi, Lumuklok Ka sa Aking kanan, hanggang sa ang Iyong mga kaaway, ay gawin Kong tuntungan ng Iyong mga paa?” Maliwanag na ito ay tumutukoy sa pag-akyat-sa-langit. Sa Kanyang pag-akyat-sa-langit si Kristo, bilang ang umakyat-sa-langit na Anak ng Diyos, ay lalong nakahihigit sa mga anghel. Wala na Siya sa loob ng libingan o sa ibabaw ng lupa; Siya ay nasa “kanan ng Kamahalan sa kaitaasan” (1:3). Ito ang Kanyang pag-akyat-sa-langit kung saan Siya ay itinalaga sa Kanyang tungkuling isakatuparan ang walang hanggang layunin ng Diyos, yaon ay, itayo ang ekklesia at dalhin ang Kanyang maraming kapatid sa kaluwalhatian.

IV. SA IKALAWANG PAGDATING

Si Kristo, matapos maupo sa trono sa Kanyang pag-akyat-sa-langit, ay naghihintay na mapasuko ang Kanyang mga kaaway bilang Kanyang tuntungan. Pagkatapos Siya ay babalik. Bilang Anak ng Diyos, Siya ay nakahihigit din sa mga anghel sa Kanyang ikalawang pagdating. Tumutukoy dito ang bersikulo 6, “At sa muli Niyang pagdala sa Panganay sa pinanahanang lupa, Kanyang sinasabi, At sambahin Siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.” Paano natin malalaman na tumutukoy ang bersikulong ito sa ikalawang pagdating? Dahil binabanggit nito si Kristo bilang ang Panganay. Sa Kanyang unang pagdating, Siya ang bugtong na Anak ng Diyos (Juan 1:14). Sa pamamagitan ng hakbangin ng pagka-buhay-na-muli, ang bugtong na Anak ay naging “Panganay sa maraming mga magkakapatid” (Roma 8:29). Sa pagbanggit sa Panganay malalaman natin na tumutukoy ang bersikulong ito sa Kanyang pagbabalik. Sa ikalawa Niyang pagdating Siya ay magiging ang Panganay. Nang dinala Siya ng Diyos sa lupa noong una, Siya ang bugtong na Anak, nguni’t sa muli Niyang pagdala sa Kanya sa pinananahanang lupa, Siya ay magiging ang Panganay. Sa mga panahong yaon ang lahat ng mga anghel ay sasamba sa Kanya.

V. SA KAHARIAN

Sumusunod sa pagbabalik ni Kristo ay ang Kanyang kaharian. Siya, bilang ang darating na Panganay na Anak ng Diyos, ay magiging nakahihigit sa mga anghel sa Kanyang kaharian. Sinasabi ng bersikulo 8, “Nguni’t tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang Iyong trono, O Diyos, ay magpakailanpaman, at ang setro ng pagkamatuwid ay ang setro ng Iyong kaharian.” Dito, ang Anak ay tinawag na “O, Diyos.” Ito ay isang matibay na katibayan na ang Anak ay Diyos. Tiyakang ang Diyos ay nakahihigit sa mga anghel. Ipinahihiwatig din ng bersikulong ito na ang trono ng Anak ay ang walang hanggang trono ng Diyos. Samakatuwid, ang Kanyang kaharian ay dapat ding maging kaharian ng Diyos. Ito ang mga kahanga-hangang bagay kung saan, sa kaharian, si Kristo ay nakahihigit sa mga anghel.

VI. SA KAWALANG-HANGGAN

Pagkatapos ng kaharian ay ang kawalang-hanggan. Inihahayag ng mga bersikulo 10 hanggang 12 na magiging nakahihigit si Kristo sa mga anghel sa kawalang-hanggan. Sinasabi ng bersikulo 10, “At, Ikaw Panginoon, nang pasimula, ang naglagay ng kinasasaligan ng lupa, at ang mga langit ay ang mga gawa ng Iyong mga kamay.” Ito ay tumutukoy sa Kanyang paglikha. “Sila ay mapaparam, datapuwa’t Ikaw ay mananatili; at silang lahat ay malulumang gaya ng isang kasuotan” (b. 11). Ito ay nangangahulugang ang lumang nilikha ay matatapos at yaong ang bagong langit at bagong lupa ay ipapasok. “Subali’t Ikaw ay mananatiling Ikaw, at ang Iyong mga taon ay hindi matatapos” (b. 12). Ito ay nangangahulugang Siya ang magiging walang hanggang Isa sa kawalanghanggan. Bilang ang Manlilikha at ang walang hanggang Isa Siya ay nakahihigit sa mga anghel, ang mga nilikha Niya.

Anong bahagi ng Salita ang Hebreo kapitulo isa! Nagbibigay ang kapitulong ito sa atin ng isang salaysay ni Kristo mula sa kawalang-hanggang lumipas hanggang sa kawalang-hanggang hinaharap. Siya ang mismong Diyos noong kawalang-hanggang lumipas (b. 8); Siya ang Manlilikha ng lupa at ng mga kalangitan (bb. 10, 2); Siya ang Tagaalalay ng lahat ng mga bagay (b.3); Siya ang Tagapagmana ng lahat ng bagay (b.2). Siya ay naging laman para sa katubusan sa pamamagitan ng pagkapako-sa-krus (b.3); Siya ay ipinanganak bilang ang Anak ng Diyos sa pagkabuhay-na-muli para sa pamamahagi ng buhay sa maraming anak ng Diyos (b.5); Siya ang bugtong na Anak ng Diyos na darating muli (b.6); Siya ang magiging Hari na nasa trono na may setro sa loob ng kaharian (bb. 8-9); at Siya ay mananatili magpakailanman sa kawalang-hanggang hinaharap (b.12). Sinasakop ng maikling kapitulong ito ang kalawakan ng kung ano si Kristo mula sa kawalang-hanggang lumipas hanggang sa kawalang-hanggang hinaharap. Ito ang ating Kristo. Gaanong nakahihigit Siya sa mga anghel!

 

Mga Nilalaman