|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE APATNAPU ANG MGA KARANASAN KAY KRISTO Sa mensaheng ito kailangan nating makita ang mga karanasan kay Kristo na inilalarawan ng pagkakaayos ng mga kasangkapan ng tabernakulo. Iniisip ng maraming Kristiyano na mararanasan lamang natin si Kristo bilang ating Tagapagligtas at Tagapag-ingat. Ayon doon sa mga nagkaroon ng mga karanasang Pentecostal, si Kristo ay isang Tagapagpagaling at isang Tagagawa ng mga himala. Para sa kanila, ang padaranas kay Kristo ay isang bagay ng pagsaksi sa mga himala. Subali't si Kristo ay lubusang mahiwaga, at ang ating mga karanasan sa Kanya ay mahiwaga rin at napakahirap bigyan ng kahulugan. Salamat sa Diyos at ito ay malinaw na inilalarawan sa Kanyang Banal na Salita sa pamamagitan ng pagkakaayos ng mga kasangkapan sa tabernakulo, ang Kanyang pinananahang lugar. Ang pagkakaayos na ito ay may tatlong bahagi: ang labas na looban (outer court) ang Dakong Banal (Holy Place), at ang Dakong Kabanal-banalan (Holy of Holies). Sa bawa't bahagi ay may kasangkapan. Maraming guro ng Bibliya ang sumasang-ayon na ang buong tabernakulo kasama ang mga nilalaman nito ay isang detalyeng larawan ni Kristo. Nang pag-aralan ko ang sagisag ng tabernakulo bilang isang kabataan, nasabihan ako na ito ay isang larawan ni Kristo, subali't hindi ako naturuan na ito rin ay isang larawan ng ating mga karanasan kay Kristo. Sa buong itinagal ng mga taon, sa aking karanasan, unti-unti kong natanto na ang pagkakaayos ng mga kasangkapan ng tabernakulo ay nagpapakita ng ganap na kahulugan sa ating mga karanasan kay Kristo. Sa mensaheng ito, hindi tayo nagbibigay-halaga sa pag-aaral ng sagisag na binigyang-pansin ng mga gurong Brethren mahigit sa isang siglo na ang nakaraan. Ang pagbabawi ngayon ay hindi isang pagbabawi ng mga pagtuturo ng sagisag kundi isang pagbabawi ng mga karanasan kay Kristo na inilarawan sa mga sagisag. Kailangan nating makapasok sa mga karanasan kay Kristo gaya ng ipinakikita sa pagkakaayos ng mga kasangkapan sa pinananahanang lugar ng Diyos. I. SA LABAS NA LOOBAN—SA ISANG PANLABAS NA PARAAN Sa labas na looban ay ang tansong dambana at ang tansong hugasan. Ang mga ito ay kapwa sumasagisag sa mga karanasan kay Kristo sa isang panlabas na paraan. A. Sa Tansong Dambana Sa tansong dambana, na sumasagisag sa krus (Exo. 40:29), pangunahin tayong nakikilahok kay Kristo bilang ating handog sa kasalanan at bilang lahat ng iba pang mga handog din (Heb. 13:10, 12; 10:12). Sa prinsipyo, nilulutas ng mga handog ang ating mga suliranin sa Diyos, lubusan tayong ipinagkakasundo sa Kanya at ginagawang matuwid at payapa ang ating situwasyon sa Diyos. Sa pamamagitan ng krus ni Kristo, tayo ay matuwid sa Diyos at sa isa't isa. Bilang ating handog sa kasalanan, nilutas ni Kristo ang suliranin ng kasalanan, at bilang ating handog sa kapayapaan, gumawa Siya ng kapayapaan sa pagitan natin at ng Diyos at sa isa't isa. Kaya, sa pamamagitan ng mga handog na inihandog ni Kristo sa krus, ang ating kundisyon ay yaong sa katuwiran at kapayapaan. Ito ang unang karanasan na natatamasa natin kay Kristo sa panlabas. B. Sa Tansong Hugasan Pagkatapos ng dambana ay ang hugasan, na sumasagisag sa paghuhugas ng Espiritu. Ang dambana at ang hugasan ay kapwa gawa sa tanso. Sa sagisag, ang tanso ay sumasagisag sa matuwid na paghahatol ng Diyos. Ang paghuhugas ng Espiritu ay batay sa kahatulang binata ni Kristo para sa atin. Sa tansong hugasan (Exo. 40:30-32) nakikibahagi tayo sa paghuhugas ng Espiritu, na batay sa pagtutubos ni Kristo (Tito 3:5). Bagama't naranasan na natin si Kristo bilang ang mga handog, bago tayo makalapit sa presensiya ng Diyos, kailangan din nating mahugasan, malinisan ng Espiritu. Ito rin ay panlabas. II. SA DAKONG BANAL—SA ISANG PANLOOB NA PARAAN Pagkatapos magkaroon ng dalawang uri ng mga karanasan sa labas ng looban, kwalipikado na tayong pumasok sa tabernakulo. Una, pumapasok tayo sa Dakong Banal, kung saan ang mga karanasan natin kay Kristo ay bumabaling mula sa panlabas tungo sa panloob. Dito, sa Dakong Banal, nararanasan natin si Kristo sa isang panloob na paraan. A. Sa Dulang ng Tinapay Kapag pumasok tayo sa Dakong Banal, ang unang aytem ng mga kasangkapan ay ang dulang ng tinapay (Exo. 40:22-23), na sumasagisag kay Kristo bilang ating panustos ng buhay (Juan 6:35, 57). Sa dulang ng tinapay, labindalawang tinapay ang nakatanghal. Ang bilang na labindalawa ay sumasagisag sa walang hanggang kakumpletuhan at kasakdalan. Si Kristo ang ating walang hanggang tinapay. Ang ating panloob na pagtatamasa sa Kanya sa dulang ng tinapay ay pangwalang-hanggan. B. Sa Patungan-ng-ilawan Pagkatapos ng dulang ng tinapay ay ang patungan-ng-ilawan (Exo. 40:24-25), kung saan nararanasan natin si Kristo bilang ang nagliliwanag na ilaw ng buhay (Juan 1:4; 8:12). Na ang karanasan ng patungan-ng-ilawan ay kasunod ng karanasan ng dulang ng tinapay ay nagpapakita na ang liwanag ay nagmumula sa ating pagtatamasa kay Kristo bilang ating panustos ng buhay. Kapag tinatamasa natin si Kristo bilang ating pagkain, mayroon tayong liwanag sapagka't ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao (Juan 1:4). Ang liwanag na ito ay hindi nagmumula sa kaalaman kundi mula sa buhay na tinatamasa natin. Kung ang dulang ng tinapay ay may labindalawang tinapay, ang patungan-ng-ilawan naman ay may pitong ilawan. Ang pito ay isa ring bilang ng kakumpletuhan, subali't hindi ito isang bilang ng walang hanggang kakumpletuhan. Ito ang bilang ng kakumpletuhan sa pampanahunang pagkilos ng Diyos, nagpapakita ng isang kakumpletuhan sa pagkilos ng Diyos. Sa pangwalang-hanggan, tayo ay magkakaroon ng panustos ng buhay, subali't ang layunin ng patungan-ng-ilawan ay ang sanhiin ang mga tao ng Diyos na kumilos at gumawa sa kapanahunan ng kadiliman. Ito ay para sa pampanahunang pagkilos ng Diyos. Sa Kanyang ekonomiya at pamamahagi, ang Diyos ay may Kanyang pagkilos at paggawa na nangangailangan ng pagliliwanag ng dibinong ilaw. Ang pagliliwanag na ito ay kumpleto. Kung wala ang pagliliwanag ng ilaw hindi tayo makakikilos o makagagawa ng anumang bagay sa ekonomiya ng Diyos. Habang tinatamasa natin si Kristo bilang ating buhay, ang buhay na ito ay nagiging ang ilaw na sa pamamagitan nito, kumikilos at gumagawa tayo sa ekonomiya ng Diyos. Pinatutunayan ito ng ating karanasan. Una, tinatamasa natin si Kristo bilang buhay at bilang ang panustos ng buhay. Pagkatapos ang buhay na ito ay nagliliwanag sa loob natin, at alam natin kung paano kumilos at gumawa. Ito ang karanasan kay Kristo bilang liwanag sa panloob. C. Sa Dambana ng Insenso Ang huling aytem ng kasangkapan sa Dakong Banal ay ang gintong dambana, na siyang dambana ng insenso. Ang dambana ng insenso, patungan-ng-ilawan, at dulang ng tinapay ay bumubuo ng isang triyanggulo. Ang dulang ng tinapay ay nasa hilaga, ang patungan- ng-ilawan sa timog, at ang dambana ng insenso sa pagitan nila sa kanluran, malapit na malapit sa tabing na naghihiwalay. Sa dambana ng insenso nakikibahagi tayo kay Kristo bilang ang matamis na insenso patungo sa Diyos para sa pagtanggap ng Diyos sa atin (Efe. 1:6). Tinanggap tayo ng Diyos dahil kay Kristo, hindi dahil sa kung ano tayo. Ito ang dahilan kung bakit tayo dapat manalangin sa Diyos sa loob ng pangalan ni Kristo. Kung nananalangin tayo sa loob, sa pamamagitan, at kasama ng ating mga sarili, ang ating panalangin ay hindi kailanman tatanggapin. Si Kristo bilang ang katanggap-tanggap at matamis na insenso ay dapat maidagdag sa ating panalangin. Ang ating panalangin ay katulad ng isang insensaryo at si Kristo ay katulad ng mabangong insenso na inilagay sa loob ng insensaryo. Kapag tayo ay nananalangin sa loob at kasama si Kristo, si Kristo bilang insenso ay naihahalo sa ating panalangin habang umaakyat ito sa Diyos. Ang insensong ito ay nagiging ang elemento na gumagawa sa ating katauhan, at sa ating panalangin na katanggap-tanggap sa Diyos. Ang karanasang ito ay higit na panloob, tumutukoy sa pinaka panloob na mga karanasan sa Dakong Kabanal-banalan. Bagama't ang dambana ng insenso ay wala sa Dakong Kabanal-banalan, ginagabayan at dinadala tayo nito sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Ito ay nasa Dakong Banal subali't ang pangsyon nito ay para sa Dakong Kabanal-banalan. Kaya, ito ay higit na panloob kaysa sa dulang ng tinapay at sa patungan-ng-ilawan. Tungkol sa kinatatayuang dako ng dambana ng insenso, tila may di-pagkakaayon sa pagitan ng pagkakabanggit nito sa Lumang Tipan at sa pagkakabanggit nito sa Bagong Tipan. Ang Exo. 30:6 ay nagsasabi na ang dambana ng insenso ay inilagay sa harap ng tabing, yaon ay sa labas ng tabing. Ito ay maliwanag na nagsasaad na ang dambana ng insenso ay nakalagay sa Dakong Banal na nasa labas ng tabing, hindi sa Dakong Kabanal-banalan na nasa loob ng tabing. Nguni't ang Hebreo 9:4 ay nagsasabi na ang Dakong kabanal-banalan ay may dambana ng insenso. Kaya, karamihan sa mga guro ng Kristiyanidad at mga mambabasa ng Bibliya ay nag-akala na maaaring nagkaroon ng ilang pagkakamali o nagkaroon ng pagkakamali sa balarila (misconstruction). Nang ipinaliliwanag ko ang aklat ng Hebreo sa isang grupo ng mga mananampalataya noong 1937, ako ay naguluhan din sa ukol sa bagay na ito at nag-akalang isang pagkakamali o maling pagkakabuo sa balarila ang naganap. Nagkunsulta ako sa maraming aklat, kabilang na ang isa na nagsasabing ang bersikulo 4 ay hindi tumutukoy sa dambana ng insenso, kundi sa insensaryo ng insenso. Sinasabi nito na noong mga unang araw ang insensaryo ng insenso ay palaging nakalagay sa labas ng tabing subali't unti-unti itong napapunta sa Dakong Kabanal-banalan. Ang aklat na ito ay may ilang batayan para sa interpretasyon nito sapagka't ang Griyegong salita para sa dambana sa bersikulo 4 ay maaari ring isaling insensaryo. Subali't dito, dapat itong tumukoy sa dambana ng insenso, hindi sa insensaryo, sapagka't ayon sa tala ng Lumang Tipan, walang insensaryo ng insenso sa Dakong Banal o sa Dakong Kabanal- banalan. Kamakailan, habang isinusulat ko ang mga tala para sa Salin sa Pagbabawi ng Hebreo, binigyan ako ng Panginoon ng isang malinaw at kumpletong pahayag tungkol sa bagay na ito. Walang pagkakamali o maling balarila sa bersikulo 4. Ang tila di-pagkakaayon ay may isang napakaespirituwal na pagpapakahulugan ayon sa mga sumusunod na punto. Ang Lumang Tipang tala ng kinatatayuang dako ng dambana ng insenso ay nagpapahiwatig ng pinakamalapit na kaugnayan ng dambana ng insenso sa kaban ng patotoo na sa ibabaw nito ay mga pampalubag-loob-na takip kung saan kinatagpo ng Diyos ang Kanyang bayan. Ayon sa Hebreo, sinasabi sa Exo. 30:6, “At iyong ilalagay (ang dambana ng insenso) sa harap ng tabing na nasa siping ng kaban ng patotoo, sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na Aking pakikipagtagpuan sa iyo. Dapat tayong maging napakaingat sa pagbabasa ng bersikulong ito. Ang dambana ng insenso ay inilagay sa harap ng tabing, yaon ay, nasa ibabaw ng kaban ng patotoo. Ang King James Version ay nagsasabing sa may kaban, subali't ang wastong pagsasalin ay dapat na nasa ibabaw ng kaban. Ang pantukoy na ginamit dito ay gumagawa ng malaking pagkakaiba. Ang pantukoy na sa may ay nangangahulugang ang tabing ay naghihiwalay sa kaban mula sa dambana ng insenso, samantalang ang pang-ukol na nasa ibabaw ay nangangahulugang ang tabing ay hindi naghihiwalay kundi nagtatakip lamang sa kaban. Hindi inihiwalay ng tabing ang dambana ng insenso mula sa kaban; tinakpan nito ang kaban. Kaya, ang paglalagay ng dambana ng insenso sa harap ng tabing ay katulad ng paglalagay nito sa harap ng kaban. Maging ang Exo. 40:5 ay nagsasabing ang dambana ng insenso ay nakalagay sa harap ng kaban ng patotoo na hindi binabanggit ang naghihiwalay na tabing na nakatayo sa pagitan nila. Kaya, ang dambana ng insenso ay nasa harap ng kaban. Ayon sa ekonomiya ng Diyos, ang nagtatakip na tabing ay hindi iiral nang pangwalang-hanggan; ito ay aalisin. Nang ang Panginoong Hesus ay mapako sa krus, ang tabing na ito ay inalis. Ayon sa walang hanggang ekonomiya ng Diyos, ang tabing ay hindi na dapat naroroon. Sa isang pakahulugan, ito ay naroon hindi bilang isang naghihiwalay na tabing kundi bilang isang nagtatakip na tabing. Hindi ito ibinilang, sapagka't nakatalaga itong maalis. Kapag ang tabing ay naalis, ang dambana ng insenso ay nasa harapan ng kaban. Nang isulat ang aklat ng Hebreo, ang tabing ay wala na. Walang tabing sa mga mata ng Diyos. Higit pa rito, makikita natin sa Apocalipsis 8:3 na ang gintong dambana ay nasa harapan ng trono ng Diyos. Walang naghihiwalay na tabing. Kaya, maging sa Exodo 40:3 at 21, sa mata ng Diyos, ang tabing ay hindi isang naghihiwalay na tabing. Simple lamang nitong tinakpan ang kaban nang pansamantala, hindi pangwalang-hanggan. Ang 1 Hari 6:22 (ASV) ay nagsasabi na ang “dambana (ng insenso)...na nauukol sa sanggunian.” Ang “sanggunian” dito ay nangangahulugang “dako ng pagsasalita” ng Diyos, tumutukoy sa Dakong Kabanal-banalan, ang kaban ng patotoo kasama ang pampalubag-loob-na-takip, kung saan nagsalita ang Diyos sa Kanyang bayan. Kaya nga, ipinakita na ng Lumang Tipan na ang dambana ng insenso ay nabibilang sa Dakong Kabanal-banalan. (Bagaman ito ay nasa Dakong Banal, ang pangsyon nito ay para sa kaban ng patotoo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Sa araw ng pagtubos, kapwa ang dambana ng insenso at ang pampalubag-loob-na-takip ng kaban ng patotoo ay winisikan ng parehong dugo para sa pagtutubos Exo. 30:10; Lev. 16:15-16). Kaya nga, sa Exodo 26:35 tangi lamang ang dulang ng tinapay at ang patungan-ng-ilawan ang binanggit bilang nasa Dakong Banal, hindi ang dambana ng insenso. Ang dambana ng insenso ay may kaugnayan sa panalangin (Lucas 1:10-11), at sa Hebreo ipinakita sa atin na ang manalangin ay ang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan (10:19) at dumulog sa trono ng biyaya, na isinasagisag ng takip ng pampalubag-loob sa ibabaw ng kaban ng patotoo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Ang ating panalangin, kadalasan, ay nagsisimula sa ating kaisipan, na isang bahagi ng ating kaluluwa, na isinasagisag ng Dakong Banal subali't ang ating panalangin ay palaging naghahatid sa atin tungo sa loob ng ating espiritu na isinasagisag ng Dakong Kabanal-banalan. Dahil sa lahat ng mga puntong ito, kinakailangang ibilang ng sumulat ng aklat na ito ang dambana ng insenso sa Dakong Kabanal-banalan. Hindi sinasabi ng bersikulo 4 na ang gintong dambana ay nasa loob ng Dakong Kabanal-banalan, gaya ng patungan-ng-ilawan at ng dulang na naroon sa Dakong Banal, kundi yaong ang Dakong Kabanal-banalan ay may-isang gintong dambana, yamang ito ay nabibilang sa Dakong Kabanal-banalan. Ang konseptong ito ay umaangkop sa nais bigyang-diin ng aklat ng Hebreo na tayo ay kailangang magpatuloy mula sa kaluluwa (isinasagisag ng Dakong banal) tungo sa espiritu (isinasagisag ng Dakong Kabanal-banalan). Ang dambana ng insenso ay nabibilang sa panloob na templo—ang dako kung saan nagsasalita ang Diyos, yaon ay, ang Dakong Kabanal-banalan. Ang dambana ng insenso ay sumasagisag kay Kristo sa loob ng Kanyang pagkabuhay-na-muli bilang ang matamis at mabangong insenso, kung saan ay iginagawad ng Diyos ang Kanyang kaaya-ayang pagtanggap sa atin. Tayo ay nananalangin kasama ang gayong Kristo upang makaugnay ang Diyos nang sa gayon ang Diyos ay malugod na magsalita sa atin. Tayo ay nakikipag-usap sa Diyos sa ating panalangin na may Kristo bilang ang matamis na insenso, at ang Diyos ay nagsasalita sa atin sa matamis na samyo ng insensong ito. Ito ang pag-uusapa sa loob ng matamis na pagsasalamuha natin at ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo bilang ang mabangong insenso. Ngayon mauunawaan na natin itong tila di-pagkakaayon. Katulad ng nakita na natin, sa katunayan ay wala talagang di-pagkakaayon. Ayon sa Lumang Tipan, ang dambana ng insenso ay kabilang sa Dakong Kabanal-banalan. Bagama't ito ay nasa Dakong Banal, hindi ito kabilang sa Dakong Banal kundi sa Dakong Kabanal-banalan. Kaya, sinasabi sa Hebreo na ang Dakong Kabanal-banalan ay may dambana ng insenso, hindi yaong ang dambana ng insenso ay nasa Dakong Kabanal-banalan. Habang nararanasan natin ang dambana ng insenso sa ating panalangin, madalas tayong nagsisimula sa ating kaisipan at nadadala tungo sa loob ng espiritu. Ngayon madali na sa atin ang madala tungo sa loob ng espiritu sapagka't ang tabing ay naalis na. III. SA DAKONG KABANAL-BANALAN— A. Sa Kaban ng Patotoo Pagkatapos ng Dakong Banal ay ang Dakong Kabanal-banalan. Sa Dakong Kabanal-banalan nararanasan natin si Kristo sa kaloob-loobang paraan. Unang-una, sa kaban ng patotoo (Exo. 40:20-21), nakikibahagi tayo kay Kristo bilang ang pagsasakatawan ng Diyos para sa patotoo ng Diyos (Col. 2:9; Heb. 1:3a). Sa katunayan, ang salitang patotoo rito ay nangangahulugang ang kautusan ng Diyos, ang sampung utos, na inilagay sa loob ng kaban. Yamang ang kautusan ay ang patotoo ng Diyos, ang kaban na kung saan ito inilagay ay tinawag na kaban ng patotoo. Ayon sa ating natural na konsepto, iniisip natin na ang kautusan ay isang bagay na namamahala sa atin at gumagawa ng mga pangangailangan at mga kahilingan sa atin. Gayunpaman, sa Bibliya, ang kautusan ay pangunahing hindi para sa mga regulasyon kundi para sa isang patotoo ng kung ano ang Diyos. Ang Diyos ay dalisay, ang Diyos ay pag-ibig, ang Diyos ay banal, ang Diyos ay liwanag, atbp. Sapagka't ang kautusan ay ginawa ayon sa kung ano ang Diyos at naghahayag sa Diyos, ito ay ang patotoo ng Diyos. Anumang uri ng kautusan ay ang kahayagan ng isang gumagawa nito, ang mambabatas. Ang kaban ng patotoo ay isang sagisag ni Kristo, ang tunay na patotoo ng Diyos na siyang pagsasakatawan at kahayagan ng lahat ng kung ano ang Diyos. Sa Dakong Kabanal-banalan, sa pinakapanloob na bahagi ng tahanan ng Diyos, nararanasan natin si Kristo bilang ang kaban ng patotoo ng Diyos. Dito natin natatamasa si Kristo bilang ang pagsasakatawan at kahayagan ng lahat ng kung ano ang Diyos, hindi lamang bilang ang Manunubos, ang panustos ng buhay, at ang ilaw ng buhay, kundi bilang ang lahat ng kung ano ang Diyos. Ang mga kayamanan at ang kapuspusan ng mismong Pamunuang-Diyos ay ang pagtatamasa natin dito kay Kristo. Wala sa ating karanasan kay Kristo ang higit na mayaman at higit na mataas kaysa rito. Dito kay Kristo nakikibahagi tayo sa dibinong elemento, sa mga dibinong katangian, at maging sa dibinong kahayagan ng ating Diyos. B. Sa loob ng Kaban ng Patotoo 1. Tinatamasa si Kristo Sa loob ng kaban ng patotoo tinatamasa natin si Kristo sa tatlong aspekto. Unang-una, tinatamasa natin Siya bilang ang natatagong manna (Exo. 16:33-34). Ang natatagong manna ay nasa sisidlang ginto, sumasagisag sa ating karanasan kay Kristo bilang ating panustos ng buhay sa pinakamalalim na paraan, higit na malalim kaysa sa isinasagisag ng dulang ng tinapay sa Dakong Banal. Nang ang mga anak ni Israel ay gumala sa ilang, kinain nila ang panlabas at hayag na manna, subali't ngayon kinakain natin ang panloob, at natatagong manna sa Dakong Kabanal-banalan, ang natatagong manna sa sisidlang ginto sa kaban. Ito ang ipinangakong manna sa mandaraig sa Apocalipsis 2:17. Ang hayag na manna ay pagkain para sa lahat ng taong nasa labas ng tahanan ng Diyos na gumagala sa ilang, samantalang ang natatagong manna ay para sa taong nananatili sa kaloob-loobang bahagi ng tahanan ng Diyos, hindi na gumagala sa kaluluwa kundi nananahan sa presensiya ng Diyos sa loob ng espiritu. Para sa pagtatamasa ng Kristo bilang gayong isang pinakamalalim na panustos, kailangan nating madaig ang lahat ng mga panlabas na kabiguan, makatawid sa lahat ng makasanlibutan, makalaman at makakaluluwang hadlang, at makapasok tungo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan ng Diyos. 2. Tinatamasa si Kristo Sa loob ng Kaban ng patotoo naroroon din ang umusbong na tungkod, sumasagisag sa ating karanasan kay Kristo sa Kanyang pagkabuhay-na-muli bilang pagkatanggap sa atin ng Diyos upang magkaroon ng awtoridad sa ministeryong ipinagkaloob-ng-Diyos (Blg. 17:3, 5, 8, 10). Ito ay higit na malalim kaysa sa karanasan kay Kristo bilang ang insenso para sa pagtanggap sa atin ng Diyos. Ang umusbong na tungkod ni Aaron ay sumasagisag sa pagkabuhay-na-muling-buhay. Kung saan naroroon ang pagkabuhay-na-muling buhay, naroroon ang awtoridad. Kaya, ang umusbong na tungkod ay nangangahulugang awtoridad sa loob ng pagkabuhay-na-muling buhay para sa ministeryong ipinagkaloob-ng-Diyos sa atin. Ang mga Israelita ay nagtatalu-talo tungkol sa kung sino ang may awtoridad na kumakatawan sa Diyos. Nang pausbungin ng Diyos ang tungkod ni Aaron, isinagisag nito na sa loob ng pagkabuhay-na-muli, siya ay binigyan ng awtoridad na kumatawan sa Diyos, upang maging itinalagang awtoridad ng Diyos. Gayundin sa ngayon. Ang mga matanda at mga tagapaghain ng dibinong salita ay dapat na magkaroon ng awtoridad na nagmumula sa pagkabuhay-na-muling buhay. Ang dambana ng insenso ay sumasagisag sa pagkatanggap sa atin ng Diyos sa loob ni Kristo, samantalang ang umusbong na tungkod ay hindi lamang sumasagisag kay Kristo bilang pagkatanggap sa atin ng Diyos kundi kay Kristo rin bilang ang awtoridad na ibinigay sa atin ng Diyos sa loob ng Kanyang pagkabuhay-na-muling buhay. Sa loob ng kaban, sa Dakong Kabanal-banalan, yaon ay, sa loob ng mismong Kristo na Siyang pagsasakatawan at kahayagan ng Diyos, tinatamasa natin si Kristo bilang ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa atin sa loob ng Kanyang pagkabuhay-na-muling buhay. Dito walang natural o nasa loob ng ating mga sarili lahat ng bagay ay nasa loob ng pagkabuhay-na-muli, nasa natatagong Kristo. Dito ang nabuhay-na-muli at natatagong Kristo ay nagiging ang awtoridad na ibinigay sa natin ng Diyos sa loob ng Kanyang pagkabuhay-na-muling buhay, na umusbong, maging sa malamig na kadiliman, na walang anumang elemento ng kamatayan. Para sa buhay-ekklesia ngayon, kailangan natin ang karanasan ng gayong isang umuusbong na tungkod, ang nabuhay-na-muli at natatagong Kristo. 3. Tinatamasa si Kristo Sa loob ng kaban ng patotoo, si Kristo ay nararanasan din bilang ang mga tapyas ng tipan, ang mga tapyas ng patotoo, ang sampung utos, yaon ay bilang ating panloob na kautusan ng buhay, nagpapatotoo, nagbibigay-liwanag at namamahala sa atin ayon sa dibinong kalikasan ng Diyos (Heb. 8:10). Nakita na natin na ang kautusan ng sampung utos ay ang patotoo ng Diyos. Ito ay isa lamang larawan, isang anyo, hindi ang realidad ng lahat ng kung ano ang Diyos. Subali't ang panloob na kautusan ng buhay, na si Kristo Mismo bilang ang patotoo ng Diyos, ay ang tunay na patotoo ng Diyos. Kapag itong panloob na kautusan ng buhay ay nagpapatotoo, nagbibigay-liwanag at namamahala sa atin ayon sa dibinong kalikasan ng Diyos, inilalalin nito ang dibinong kalikasan, mga dibinong katangian ng Diyos tungo sa loob ng ating katauhan, iwinawangis tayo sa larawan ng Diyos upang ihayag at ikatawan natin Siya. Ang huling punto sa ating mga karanasan kay Kristo ay yaong ang dibinong kalikasan ng Diyos ay naibahagi tungo sa loob ng ating katauhan upang gawin tayong katulad ng Diyos sa kalikasan at kahayagan. Ang pangsyon ng panloob na kautusan ng buhay ay ang tigmakan at lalinan tayo sa pamamagitan ng paglalalin sa atin ng mga elemento ng Panganay na Anak ng Diyos, ang pamantayang tularan, ginagawa tayong isang kopya ng pamantayang tularan upang ang Diyos ay magkaroon ng isang sama-samang kahayagan ng Kanyang Sarili upang matupad ang Kanyang walang hanggang layunin. Ito ang sukdulang kaganapan ng mga karanasan kay Kristo. Hindi tayo dapat manatili sa dambana, sapagka't yaon ay ang panimulang punto pa lamang ng ating mga karanasan kay Kristo. Dapat tayong magsilapit hanggang marating natin ang sukdulang karanasan, ang panloob na kautusan ng buhay, ang pokus ng lahat ng mga karanasan kay Kristo sa ekonomiya ng Diyos. Sa negatibo, ang panloob na kautusan ng buhay, na siyang kusang paggawa ng dibinong buhay, ay pumapatay sa maka-Adam na elemento sa loob natin, at, sa positibo, ay nagtutustos sa atin ng lahat ng mga elemento ni Kristo. Habang gumagawa sa loob natin ang panloob na kautusan ng buhay, ang maka-Adam na elemento ay patuloy na nababawasan at naalis at ang elemento ni Kristo, ang dibinong elemento, ay unti-unting naidaragdag sa loob ng ating katauhan. Itong paglalabas ng lumang elemento at pagdaragdag ng bagong elemento ay isang metabolikong transpormasyon. Sa katapus-tapusan, tayo ay magiging eksaktong katulad ni Kristo. Si Kristo ay dumaan sa isang proseso upang makapasok tungo sa loob ng Kanyang kasakdalan at kaluwalhatian. Ngayon inuulit Niya ang prosesong ito sa loob natin, dinadala tayo tungo sa loob ng Kanyang kasakdalan at kaluwalhatian. Ito ang proseso ng buhay-Kristiyano at ito ang dapat nating maging pang-araw-araw na karanasan. Kapag nagbubukas tayo ng ating mga sarili sa Panginoon at nagsasabi, “Panginoong Hesus, iniibig Kita at nais kong okupahin Mo ako, angkinin ako, at gawin akong kaisa Mo,” Ang dibinong buhay, na inihasik tungo sa loob ng ating katauhan sa panahon ng pagkabuhay-na-muli ni Kristo, ay kusang gagawa. Ang paggawang ito ay magdadala ng isang lubusang transpormasyon, at tayo ay maiwawangis sa larawan ng Panganay na Anak ng Diyos. Tayo ay ganap na masa-“sonized” at madadala tungo sa kasakdalan at kaluwalhatian ni Kristo. Habang nagaganap ang prosesong ito sa loob natin at gumagawa ang panloob na kautusan ng buhay sa bawa't bahagi ng ating katauhan, si Kristo ay nahuhubog sa loob natin (Gal. 4:19). Ito ang pinakalihim na hiwaga sa buong sansinukob. Sa katapus-tapusan ang Diyos ay mailalalin sa loob ng tao at ang tao ay maihahalo sa Diyos. Ang Diyos at tao, tao at Diyos, ay magiging iisang entidad. Ito ang ekklesia sa ngayon at ang Bagong Herusalem sa kinabukasan. Ito ang dibinong ekonomiya. Gaano tayo pinagpala na makita ito! Tunay na tayo ay espesyal na tao. Sa larawan ng tabernakulo, makakakita tayo ng mga bilang na tig-tatatlo. Unang-una, mayroong tatlong bahagi: ang labas na looban, ang Dakong Banal, at ang Dakong Kabanal-banalan. Pangalawa, mayroong tatlong aytem sa Dakong Banal ang dulang ng tinapay, ang patungan-ng-ilawan, at ang dambana ng insenso. Kapag dumako tayo sa Dakong Kabanal-banalan, nakikita natin sa loob ng kaban ng patotoo ang isa pang grupo ng tatlo: ang natatagong manna, ang umusbong na tungkod, at ang tapyas ng patotoo. Sa bawa't grupo ng tatlo, ang ikatlong aytem ang pinakamahalaga. Sa labas na looban, Dakong Banal, at Dakong Kabanal-banalan, ang pinakamahalaga ay ang Dakong Kabanal-banalan. Sa ikalawang tatlo, ang dulang ng tinapay, ang patungan-ng-ilawan, at ang dambana ng insenso, ang pinakamahalaga ay ang dambana ng insenso. Sa ikatlong tatlo, ang natatagong manna, ang umusbong na tungkod, at ang tapyas ng patotoo, ang pinakamahalaga ay ang tapyas ng patotoo, sumasagisag sa panloob na kautusan ng buhay. Ang huli at ganap na karanasan kay Kristo na inilalarawan ng pagkakaayos sa mga kasangkapan ng tabernakulo ay ang panloob na kautusan ng buhay. Sinasabi ng Roma 8:2 na ito ang kautusan ng Espiritu ng buhay. Ang karanasan ni Kristo ay nagsisimula sa krus at nagtatapos sa Espiritu. Maging ang Tres-unong Diyos, ang Ama, Anak, at Espiritu, ay nagtatapos sa Espiritu. Ang Ama ay malayo sa atin, ang Anak ay malapit sa atin, at ang Espiritu ay dumarating tungo sa loob natin. Bagama't maaaring naririyan ang Anak at Ama, kung wala ang Espiritu, hindi natin Sila mararanasan. Lahat ng mga karanasan sa Tres-unong Diyos ay nakasalalay sa kaganapan ng Espiritu. Ang panloob na kautusan ng buhay ay ang paggawa ng Espiritu na Siyang Espiritu ng buhay. Ang Diyos ay Espiritu (Juan 4:24). Si Kristo, bilang ang huling Adam, ay ginawang isang Espiritung nagbibigay-buhay (1 Cor. 15:45b); kaya nga, Siya ngayon ang Espiritu (2 Cor. 3:17). Ang ikatlo ng Tres-unong Diyos ay ang Espiritu. Lahat ng ating mga karanasan sa Tres-unong Diyos ay dapat mapasukdol sa Espiritu. Higit pa rito, ang labas na looban ay tumutugma sa ating katawan, ang Dakong Banal sa ating kaluluwa, at ang Dakong Kabanal-banalan sa ating espiritu. Sa tatlong bahaging ito, ang espiritu ang pinakamahalaga. Sa katapus-tapusan, ang ganap na punto ng karanasan kay Kristo ay ang Espiritu ng Tres-unong Diyos sa pantaong espiritu ng tao na may tatlong bahagi. Ang panloob na kautusan ng buhay na isinasagisag ng tapyas ng patotoo sa loob ng kaban ng patotoo sa Dakong Kabanal-banalan ay simple lamang na tumutukoy sa Espiritu ng Tres-unong Diyos na gumagawa sa pantaong espiritu ng may-tatlong-bahaging tao. Ito ay katulad ng pagsasaksi ng Espiritu sa ating espiritu (Roma 8:16). Lahat ng tunay na Kristiyano ay nanggaling na sa dambana “ang krus ni Kristo.” Nagpapasalamat tayo sa Diyos para rito. Subali't maraming Kristiyano ang nagpupumilit na manatili sa dambana, nagnanais na tumigil sa krus magpasawalang-hanggan. Kung sasabihin ninyo sa kanila na ngayon si Kristo ay ang Espiritu, sasabihin nilang kayo ay erehe. Kapag sinasabi natin na dapat tayong bumaling at maging nasa espiritu, tayo ay inaakusahan na nagsasagawa ng mistisismo. Gaanong katerible ang gayong akusasyon! Maraming tao ang nagsasabi, “Hindi ba sapat na ang krus? Hindi ba ang dugo ng Panginoon ay mahalaga?” Pinahahalagahan natin ang krus at ang dugo katulad ng pagpapahalagang ginagawa ng lahat ng mga Kristiyano, kung hindi man higit pa sa ginagawa nila. Subali't ito ay elementarya; ito ay ang ABC lamang. Kung titingnan natin ang larawan ng mga kasangkapan sa tabernakulo, makikita natin na dapat tayong magsilapit (come forward). Dapat nating sabihin sa lahat ng mga Kristiyano na magsilapit (come forward). Huwag basta na lamang lumapit sa hugasan, kung saan mayroon kayong mga paghuhugas ng espiritu. Magsilapit sa pagdaranas sa mayamang panustos ng pagkain sa dulang ng tinapay at sa pagbibigay-liwanag ng patungan-ng-ilawan. Subali't may higit pa rito. Dapat tayong magsilapit sa dambana ng insenso na nagdadala sa atin tungo sa Dakong Kabanal-banalan. Ang ating dambana ng insenso ngayon ay ang ating panalangin na kasama si Kristo. Maraming beses, nagsisimula tayong manalangin sa ating kaisipan, subali't dinadala tayo ng ating panalangin sa loob ng ating espiritu, sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Sa loob ng Dakong Kabanal-banalan ay ang kaban. Ang una sa tatlong aytem sa kaban ay ang natatagong manna. Patungkol sa natatagong manna, mayroong tatlong panakip: ang tabernakulong tumatakip sa kaban, ang kaban na tumatakip sa sisidlang ginto, at ang sisidlang ginto na tumatakip at nagtataglay sa natatagong manna. Dito sa sisidlang ginto tinatamasa natin si Kristo sa pinakatagong paraan. Hindi lamang ito nasa Dakong Kabanal-banalan at nasa kaban bagkus nasa sisidlang ginto rin. Ano ang sisidlang ginto? Ito ay ang dibinong kalikasan ng Tres-unong Diyos na nagtataglay ng Kristo, ang pamantayang tularan, bilang ating panustos ng buhay. Gaano kalalim ang kaisipang ito! Kapag tinatamasa natin si Kristo bilang ating panustos ng buhay sa gayong isang tago at mahiwagang paraan, mararanasan natin ang tungkod na umuusbong na may awtoridad sa loob ng pagkabuhay-na- muli. Kung tayo ay magiging isang tunay na tagapaghain ng Salita o isang tunay na matanda sa ekklesia, kailangan nating magkaroon ng ganitong uri ng awtoridad sa loob ng pagkabuhay-na-muling buhay ni Kristo. Dinadala tayo ng umusbong na tungkod sa sukdulang aytem ng ekonomiya ng Diyos” ang panloob na kautusan ng buhay (isinagisag ng tapyas ng patotoo), ang paggawa ng Tres-unong Diyos sa loob natin. Ang panloob na kautusan ng buhay ay gumagawa sa loob natin, naglalalin ng elemento ng Diyos tungo sa ating katauhan at ginagawa tayong isang sama-samang pagpaparami ng pamantayang tularan. Sa ganitong paraan, matataglay ng Diyos ang katuparan ng Kanyang walang hanggang layunin. Ito ang ninanais ng Diyos ngayon. |