PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE APATNAPU’T ISA

ANG BAGONG TIPAN (NEW COVENANT)
AT ANG BAGONG TESTAMENTO

Sa mensaheng ito tatalakayin natin ang dalawang mahahalagang bagay—ang bagong tipan at ang bagong testamento. Sa Griyego, parehong salita ang ginamit para sa tipan at testamento. Kung isinalin itong tipan o testamento ay nakasalalay kung ang taong gumanap ng tipan ay buháy o patay. Kung ang tagapagpaganap ay nabubuhay pa, ang tipan ay nananatiling isang tipan. Nguni’t kapag ang tagapagpaganap ay namatay na, ang tipan ay kaagad nagiging isang testamento. Ang isang tipan ay isang kasunduan na nagtataglay ng ilang pangako upang maisagawa ang ilang bagay para sa mga taong ginawan ng tipan, samantalang ang isang testamento ay isang habilin na naglalaman ng ilang mga naisagawang bagay na ipinamana sa tagapagmana. Ang bagong tipan na napalubos ng dugo ni Kristo ay hindi basta isang tipan, kundi isang testamento na mayroon ng lahat ng bagay na naisagawa sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo na ipinamana sa atin. Ang katagang testamento ay ang katumbas ng modernong katagang habilin (will). Maraming magulang, kapag alam na nilang malapit na silang mamatay, ang gumagawa ng isang habilin kung saan iniiwanan nila ang iba’t ibang bagay sa kanilang mga anak. Ang habilin ay magiging mabisa lamang pagkatapos mamatay ng gumawa ng habilin. Sa simpleng pananalita ang isang tipan at ang isang testamento ay pareho, subali’t kapag ang gumawa ng tipan ay buháy, ito ay isang tipan, at kapag siya ay namatay na, ito ay nagiging isang testamento, isang habilin. Ang Bibliya ay binubuo ng dalawang habilin—ang Lumang Tipan, ang lumang habilin, at ang Bagong Tipan, ang bagong habilin. Ang Bibliya ay pangunahing hindi isang aklat ng mga pagtuturo; ito ay isang habilin.

I. ANG BAGONG TIPAN

A. Isang Lalong Magaling na Tipan

Ang bagong tipan, na isinabatas ng Panginoong Hesus, ay lalong magaling kaysa sa lumang tipan na ginawa sa pamamagitan ni Moises. Sa lumang tipan, lahat ng mga bagay ay mga anino, samantalang sa bagong tipan lahat ng mga bagay ay realidad. Lahat ng mga bagay sa lumang tipan ay natupad at natanto na sa bagong tipan. Kaya nga, ang bagong tipan ay ang lalong magaling na tipan (7:22; 8:6).

B. Isinabatas sa Lalong Mabubuting Pangako

Ang bagong tipan ay isinabatas sa lalong mabubuting pangako (8:6), na ibinigay sa Jeremias 31:31-34. Sa lalong mabubuting pangakong ito, katulad ng nakita na natin sa mga nakaraang mensahe, apat na pangunahing bagay ang natalakay—ang panloob na kautusan ng buhay, ang pagpapala ng Diyos bilang ating Diyos at tayo bilang bayan ng Diyos, ang panloob na kakayahang makilala ang Panginoon, at ang kapatawaran ng mga kasalanan. Sa apat na pangunahing bagay na ito, ang panloob na kautusan ng buhay ang pokus. Ang lumang tipan ay ginawa sa panlabas na kautusan ng mga titik, samantalang ang bagong tipan ay isinabatas sa panloob na kautusan ng buhay na ito. Ang lumang tipan ay sa mga titik; ang bagong tipan ay sa buhay.

C. Naisagawa ng lalong Mabubuting Hain
at ang Dugo na Nagsasalita ng Lalong Mabubuting Bagay

Sinasabi sa Hebreo 9:23, “Kaya nga, kinakailangang ang mga anyo ng mga bagay na nasa sangkalangitan ay malinisan ng mga ito, nguni’t ang mga bagay mismo na nasa langit ay kinakailangang malinisan ng lalong mabubuting hain kaysa rito.” Ang tabernakulo at ang lahat ng mga bagay na nauukol dito ay winisikan at nilinis ng dugo ng mga kambing at toro (9:21-23). Yaon ay isang sagisag na nagpapakita na ang mga bagay na nasa langit ay kinakailangang malinis ng dugo ng lalong mabubuting hain, na siyang si Kristo bilang mga hain (7:27; 9:14, 28; 10:10, 12, 14). Ang langit at ang lahat ng mga bagay na nasa langit ay narungisan ng pagrerebelde ni Satanas at ng mga natisod na anghel na sumunod sa kanya sa kanyang pagrerebelde laban sa Diyos. Kaya, ang lahat ng mga bagay na nasa langit ay kinakailangang malinis. Isinagawa ni Kristo ang paglilinis na ito sa pamamagitan ng Kanyang Sariling dugo nang Siya ay pumasok sa langit (9:12).

Ang bagong tipan ay naisagawa ng lalong mabubuting hain at ng dugo na nagsasalita ng lalong mabubuting bagay. Inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili bilang isang hain (9:14; 10:12). Ang isang haing ito, sa pagkakita mula sa iba’t ibang aspekto nito, ay maituturing na maraming uri ng hain. Sapagka’t si Kristo ang walang hanggang Anak ng buháy na Diyos ay nagkatawang tao upang maging Anak ng Tao na naghandog ng Kanyang Sarili sa Diyos sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, ang Kanyang mga hain ay lalong mabuti kaysa yaong sa mga hayop. Ang mga haing hayop ay mga anino lamang na hindi kailanman makapag-aalis ng mga kasalanan (10:11), subali’t ang Kanyang mga hain ay tunay at nag-aalis ng kasalanan nang minsan magpakailanman (9:26), sa gayon ay kinamtan ang walang hanggang katubusan para sa atin (9:12). Sinabi sa bersikulo 22 na “kung walang pagbububo ng dugo ay walang kapatawaran.” Kung walang kapatawaran ng kasalanan ay walang daan upang mabigyang—kasiyahan ang kahilingan ng katuwiran ng Diyos nang sa gayon sa pamamagitan nito ay matupad ang tipan. Subali’t ang dugo ni Kristo ay naibubo na para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang bagong tipan ay napagtibay sa pamamagitan ng Kanyang dugo (Mat. 26:28). Sinabihan tayo sa 12:24 na ang dugo ni Kristo ay “nagsasalita ng lalong mabuti kaysa sa dugo ni Abel.” Ang dugo ni Kristo ay ang nagsasalitang dugo, nagsasalita sa Diyos para sa pagpapatawad, pag-aaring-matuwid, pakikipagsalamuha, at katubusan. Tulad ng naihayag sa Hebreo, ang mahalagang dugong ito ay nagsasalita sa Diyos para sa atin upang sa pamamagitan nito ang bagong tipan ay maitatag. Kaya nga, ito ay tinatawag na dugo ng walang hanggang tipan (10:29; 13:20).

D. Pagkakaroon ng isang Mataas na Saserdote
na may isang Lalong Ekselenteng Ministeryo

Sa lumang tipan, ang mataas na saserdote ay isang mortal na tao, at ang kanyang ministeryo ay isang anino ng mabubuting bagay na darating. Subali’t ang bagong testamento ay may isang Mataas na Saserdote na Siyang walang hanggang Anak ng Diyos na may isang lalong ekselenteng ministeryo (8:1-13). Sa kanya ay walang paghadlang ng kamatayan. Ang Kanyang ministeryo ay ang ministeryo ng makahari at dibinong pagkasaserdote sa langit, naghahain, sa pamamagitan ng Kanyang pamamagitan, ng dibinong buhay kasama ang lahat ng mga kayamanan nito bilang ating pang-araw-araw na panustos upang dalhin tayo tungo sa Kanyang kasakdalan at pagluluwalhati.

II. ANG BAGONG TESTAMENTO

A. Pangako ng Diyos

Ang Pangako ng Diyos ay ang salita ng Diyos na sinasalita Niya. Ang Diyos ay nagsasalita ng maraming iba’t ibang uri ng mga salita. Maaari Niya tayong utusang gumawa ng isang partikular na bagay. Ang utos na yaon ay ang salita ng Diyos, subali’t hindi ito ang pangako ng Diyos. Kapag ang Diyos ay nagsasalita sa gayong isang paraan na nangangako Siyang magbigay, gumawa, o maging isang bagay sa atin, yaon ay isang pangako. Katulad ng nakita na natin, ang pangako ng Diyos sa bagong tipan ay nasa Jeremias 31:31-34 at kinabibilangan ng apat na pangunahing bagay. Ang salitang pangako ng Diyos ay sinisiguro ng Kanyang katapatan (Heb. 10:23; 11:11). Ang katapatan ng Diyos ang garantiya ng Kanyang sinasalita bilang isang pangako.

B. Tipan ng Diyos

Ang tipan ng Diyos ay isinabatas sa pangako ng Diyos (8:6). Ang isang pangako ay isang pangkaraniwan, ordinaryong salita na walang pagpapatunay. Sa Bibliya, pagkatapos gawin ng Diyos ang Kanyang pangako, tinatakan Niya ito ng isang sumpa. Sumumpa Siya sa pamamagitan ng Kanyang pamunuang-Diyos na ang Kanyang pangako ay napagtibay. Kapag ang Kanyang pangako ay napagtibay ng isang sumpa, kaagad itong nagiging tipan na tinatakan ng Diyos. Sinasabi sa Hebreo 6:16 na sa lahat ng mga pagtatalo, ang isang sumpa ang siyang katapusan bilang pagpapatunay. Kung babasahin ninyo nang maingat ang Lumang Tipan, makikita ninyo na ang mga pangako ng Diyos ay tinatakan ng Kanyang sumpa. Na ang mga pangako ay naging isang tipan ay nangangahulugang hindi posibleng mabago ang mga ito. Kapag ang mga pangako ay napatunayan na ng sumpa ng Diyos, dahil sa nagawa nang hindi mababago, wala nang posibilidad ng pagsisisi o pagbabago. Ang pangako ay natatakan na; hindi na ito isang pangako kundi isang tipan na pinatunayan ng sumpa ng Diyos.

Pagkatapos gawin ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa Lumang Tipan, pinatutunayan ang mga ito sa pamamagitan ng Kanyang sumpa (Gen. 22:16-18; Awit 110:4), dumating ang Panginoong Hesus at isinagawa ang lahat ng ipinangako ng Diyos. Sa pamamagitan ng gawain ng Panginoon sa lupa, bawa’t aytem ng pangako ng Diyos ay naging isang naisagawang katunayan. Halimbawa, sa Jeremias 31 nangako ang Diyos na patatawarin ang ating mga kasalanan. Ginawa ito ng Panginoong Hesus, gumawa ng pampalubag-loob para sa ating mga kasalanan sa krus bilang katuparan ng pangako ng Diyos. Bago namatay sa krus ang Panginoong Hesus, ito ay isang pangako. Pagkatapos Niyang mamatay sa krus; ang ipinangakong aytem na yaon ay naging isang naisagawang katunayan. Kaya nga, ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay hindi na isang pangako kundi isang naisagawang katunayan ng kasaysayan. Ang ipinangakong tipan ng Diyos ay naisagawa bilang ang bagong tipan sa pamamagitan ng kamatayan ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang dugo (9:18-23; Mat. 26:28; Lucas 22:20). Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, lahat ng mga pangako ay naging mga naisagawang katunayan.

Pagkatapos ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli, ang Panginoon ay umakyat sa mga kalangitan, iniwanan tayo ng tipan na isinagawa Niya sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Nang iwanan Niya ang tipang ito sa atin, kaagad itong naging isang testamento, isang bagong testamentong ipinamana sa atin (9:16-17). Sa testamentong ito ang mga naisagawang katunayan ay hindi basta mga katunayan; ang lahat ng mga ito ay naging mga pamana. Una, mayroon tayong mga pangako; ikalawa, ang mga pangako ay naging mga katunayan; at ikatlo, ang mga katunayan ay naging mga pamana. Sa pamamagitan ng kamatayan at pagkabuhay-na-muli ng Panginoon, lahat ng mga pangako ay natupad at naging mga naisagawang katunayan. Pagkatapos iwanan ng Panginoon itong bagong tipan sa atin, kaagad itong naging isang testamento, isang huling pamana, naglalaman ng lahat ng naisagawang katunayan bilang mga pamana sa atin. Yamang naisagawa na ng Panginoon ang lahat, nagtungo Siya sa makalangit na trono kung saan Siya ngayon namamahingang nakaupo. Bilang ating Mataas na Saserdote sa kalangitan, ang Panginoon ang Tagapanagot nitong lalong mabuting tipan (7:21-22).

Apat na yugto ang kinailangan para sa pagsasagawa ng bagong testamento: una, salita ng Diyos; ikalawa, pangako ng Diyos; ikatlo; ang bagong tipan; at kahuli-hulihan, ang bagong testamento. Hindi lamang tayo mayroong salita ng Diyos, pangako ng Diyos, at bagong tipan; mayroon din tayong bagong testamento, ang huling habilin. Ang Bibliya ay isang huling habilin kung saan lahat ng bagay ay hindi lamang nabanggit, naipangako, at naisakatuparan bagkus naipamana rin. Higit pa rito, ginaganap ng Panginoon sa loob ng pagkabuhay-na-muli kung ano ang Kanyang ipinamana. Simple lamang na pasalamatan natin Siya sa lahat ng mga pamana. Kung gagawin natin ito, nagbubukas nang maluwag sa Kanya nang sa gayon maganap Niya ang lahat ng ninanais Niyang ganapin, magkakaroon ng isang pangmaramihang reproduksiyon ng pamantayang tularan, ang panganay na Anak ng Diyos, para sa isang sama-samang kahayagan ng Diyos. Ito ang makalangit na pangitain na dapat nating makitang lahat.