|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE APATNAPU'T DALAWA ANG DALAWANG PAGPAPAKITA NI KRISTO Tayong mga Kristiyano ngayon ay kinakailangang makapasok sa aklat ng Hebreo. Nagpapasalamat ako sa Diyos, na sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mayroong isang gayong grupo ng mga nag-aatubiling Hebreong Kristiyano sa unang siglo. Kung wala sila, malamang na hindi kailanman lumabas ang aklat ng Hebreo. Huwag ninyong isiping ang aklat ng Hebreo ay para sa kanila lamang. Higit nating kailangan ang aklat na ito ngayon kaysa sa kanila noong panahon nila. Sa mga nakaraang labing-isang mensahe, natapos na tayo sa mga kapitulo pito, walo, at siyam. Kung hihilingan ko kayong magsulat ng isang konklusyon sa mga kapitulong ito, masusumpungan ninyong lubhang mahirap ito. Subali't sa katapusan ng kapitulo siyam, ang aklat ng Hebreo ay mismong nagbibigay sa atin ng isang buod, isang konklusyon, nitong tatlong kapitulo. Ang konklusyong ito ay pinakabagay na tatalakayin natin sa mensaheng ito—ang dalawang pagpapakita ni Kristo at ang nasa pagitan ng mga ito (interval between them). Ang tatlong bagay na ito, ang dalawang pagpapakita ni Kristo at ang nasa pagitan ay ang bumubuo sa ekonomiya ng Diyos. Naging mahirap para sa maraming Kristiyano ang maunawaan ang tunay na kahulugan ng dalawang pagpapakita ni Kristo. Ang dalawang pagpapakita ni Kristo ay tumutukoy sa Kanyang dalawang pagdating. Si Kristo ay minsang dumating at Siya ay darating muli. Sa mahabang panahon sa pagitan ng dalawang pagpapakita ni Kristo sa sanlibutan, nanatili Siya sa presensiya ng Diyos. Halos dalawang libong taon ng nakakaraan mula nang unang pagpapakita ni Kristo. Bagama't para sa atin ito ay isang mahabang panahon, para sa Kanya ito ay wala pang dalawang araw (2 Ped. 3:8). Kailangan nating makita ang kahulugan ng dalawang pagpapakita ni Kristo at ang nasa pagitan ng dalawang pagpapakitang ito. Bago ang huling pagpapakita ni Kristo, naroroon ang plano ng Diyos, pangako ng Diyos, at isang sagisag, isang larawan, ng ekonomiya ng Diyos, subali't maliban sa paglikha ng Diyos, walang anumang naisagawa. Kapag gumawa tayo ng isang bahay-pulungan, maaari rin tayong magkaroon ng isang plano at isang modelo ng gusali. Gayunpaman, ang magkaroon lamang ng mga bagay na ito ay hindi nangangahulugang mayroong isang aktuwal na gusali. Bago ang pagkakatawang-tao ni Kristo, ang mga taong tulad nina Abraham, at David ay dumating at umalis, subali't walang anumang naisagawa para sa ekonomiya ng Diyos. Bagama't naroroon ang modelo ng tabernakulo kay Moises at ang templo kay Salomon, walang anumang tunay na naisagawa hanggang sa unang pagdating ni Kristo. A. ANG UNANG PAGPAPAKITA NI KRISTO Kinakailangan ni Kristo ang tatlumpu't tatlo at kalahating taon upang makumpleto ang Kanyang unang pagpapakita. Sa tatlumpu't tatlo at kalahating taong yaon, lahat ng kinakailangan para sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos ay naisagawa. Isinagawa Niya kung ano ang kailangan ng Diyos at kung ano ang kailangan natin. A. Upang Alisin ang Kasalanan sa pamamagitan
ng Paghahandog ng Kanyang Sarili Ang unang pagpapakita ni Kristo ay upang alisin ang kasalanan. Sinasabi sa bersikulo 26, na "minsan siyang nahayag sa katapusan ng mga kapanahunan upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang Sarili. Ang mga salitang Griyego na isinaling "Katapusan ng mga kapanahunan” ay maari ring isaling "kakumpletuhan ng mga kapanahunan” o "wakas ng mga kapanahunan.” Dito ito ay nangangahulugang ang wakas ng kapanahunan ng lumang tipan, samantalang ang kaganapan ng kapanahunan sa Mateo 28:2 (Gr.) ay tumutukoy sa pagtatapos ng kapanahunan ng ekklesia. Si Kristo ay “itinalaga nga nang una” para sa atin “bago itinatag ang sanlibutan” (1 Ped. 1:20), at Siya ay “pinatay buhat nang itatag ang sanlibutan” (Apoc. 13:8). Sa katunayan, ang pagkapatay sa Kanya ay naganap nang minsan magpakailanman sa kaganapan ng mga kapanahunan, nang Kanyang inihandog ang Kanyang Sarili sa Diyos sa Kanyang unang pagpapakita para sa pag-aalis ng kasalanan. Inalis ni Kristo ang kasalanan mga labinsiyam at kalahating siglo na ang nakararaan. Bago Niya isinagawa ito, ang mga saserdote ay naghandog ng handog sa kasalanan araw-araw. Subali't hindi yaon ang aktuwal na pag-alis ng kasalanan; ito ay isa lamang sagisag, isang larawan. Ang tunay na pag-alis ng kasalanan ay naisagawa ni Kristo minsan magpakailanman sa krus. Marahil ipinanganak kayo dalawampu o tatlumpung taon na ang nakararaan, at sa buhay ninyo nakagawa kayo ng maraming kasalanan, katulad ng pagnanakaw at pagsisinungaling. Subali't ang pag-aalis ng kasalanan ay naisagawa labinsiyam at kalahating siglo na ang nakararaan, matagal na bago pa kayo nakagawa ng anumang mga kasalanan. Kaya, ang pag-aalis ng kasalanan ay isang pamana. Una, ito ay isang pangako; ikalawa, ito ay itinalaga nang una pa sa pamamagitan ng pagtatakip ng mga kasalanan; sa katapus-tapusan, ang pangako at ang anino ay ganap na natupad sa pamamagitan ni Kristo sa krus nang ihandog Niya ang Kanyang Sarili bilang ang hain para sa mga kasalanan nang minsan magpakailanman. Siya ay “inihandog nang minsan upang pasanin ang mga kasalanan ng marami” (9:28, 14; 10:12). Kaya, sa mata ng Diyos, ang kasalanan ay wala na at naging isang kasaysayan. Huwag maniwala kay Satanas, sa inyong mga damdamin, o sa inyong mga kabiguan. Ang mga ito ay mga kasinungalingan. Dapat ninyong sabihin sa kanila, “Ang kasalanan ay inalis na ni Kristo sa Kanyang unang pagpapakita.” B. Para sa Pagsasagawa Ang unang pagpapakita ni Kristo ay para rin sa pagsasagawa ng isang walang hanggang katubusan. Sinasabi sa Hebreo 9:1 na "sa pamamagitan ng Kanyang Sariling dugo” Siya ay “pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Kabanal-banalan na nakamtan ang walang hanggang katubusan.” Isinagawa ito ni Kristo noong alisin Niya ang mga kasalanan. Kaya, ang walang hanggang katubusan ay isang pamana rin. C. Para sa Kaganapan ng Bagong Tipan Ang unang pagpapakita ni Kristo ay para rin sa kaganapan ng bagong tipan (Mat. 26:28). Sa pamamagitan ng pag-aalis ng kasalanan at pagsasagawa ng walang hanggang katubusan, pinasukdol ni Kristo ang bagong tipan. Kaya, ang bagong tipan ay isa ring pamana. D. Para sa Pamana ng Bagong Testamento Sa katapus-tapusan, ang unang pagpapakita ni Kristo ay para sa pamana ng bagong testamento (9:1-17). Nakita natin na nang ang bagong tipan ay ipinamana, ito ay naging ang bagong testamento. Sa Kanyang unang pagpapakita, isinagawa ni Kristo ang lahat ng bagay, inilagay ang lahat ng Kanyang isinagawa sa isang huling habilin, at iniwanan ang Kanyang huling habilin sa atin. Sa huling habiling ito mayroon tayo ng lahat ng bagay na isinagawa ni Kristo bilang mga pamana sa atin. Yamang lahat ay naisagawa na, hindi na Niya kailangan, ni tayo, na gumawa pa ng anuman. Kung mayroon tayong ganitong pangitain, makikita natin na sa loob ng tatlumpu't tatlo at kalahating taon ng Kanyang pagpapakita; isinagawa ni Kristo ang lahat ng bagay at inilagay ito sa isang habilin, sa isang bagong testamento. Huwag isiping ang Bagong Tipan (New Testament) ay isang aklat ng pangako o propesiya. Hindi, ang buong Bagong Tipan ay isang habilin. Kung ang habilin ng inyong lolo ay puno ng mga pangako at mga propesiya, maaring abutin ng walumpung taon bago matupad ito. Maaaring hindi kayo mabuhay nang matagal para matupad ang lahat ng mga yaon. Ito ang eksaktong daan ng pagkuha ng maraming Kristiyano sa Bagong Tipan. Ngayon maraming Kristiyano ang walang isang habilin; mayroon silang isang aklat ng pangako at propesiya. Naghihintay sila na matupad ang mga pangako at mga propesiya. Subali't tandaan, maging ang Apocalipsis, isang aklat ng propesiya, ay kabilang sa Bagong Tipan na isang habilin. Katulad ng natukoy ko sa nakaraang mensahe, maging sa isang aklat ng propesiya katulad ng Apocalipsis, marami sa mga pandiwa ang nasa pangnagdaang panahunan (past tense), ipinakikita na ang mga ito ay natupad at naisagawa na. Kailangan nating magkaroon ng isang malinaw na pangitain at makita na naisagawa na ni Kristo ang lahat ng bagay. Kung makikita natin ito, hindi na tayo magsusumikap sa anumang bagay, kundi mamamahinga na lamang sa lahat ng nagawa ni Kristo. Masaya ako sapagka't naisagawa na ni Kristo ang lahat ng bagay para sa akin. Pinagpala yaong nakakakita ng pangitaing naisagawa na ni Kristo ang lahat ng bagay para sa atin. Si Kristo ay nakaupo sa mga kalangitan sapagka't lahat ng gawain ay nagawa na. Hindi Siya nagpapagal o nagsusumikap kundi namamahingang nakaupo roon. Sa Bibliya, ang maupo ay nangangahulugang ang gawain ay tapos na. Lahat ng kailangan para makumpleto ang walang hanggang plano ng Diyos ay natupad na ni Kristo sa Kanyang unang pagpapakita. Lahat ng Kanyang naisagawa ay naipamana na sa atin sa bagong testamento bilang mga pamana sa atin. II. SA PAGITAN (INTERVAL) A. Pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan Pagkatapos Niyang maisagawa ang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli, si Kristo ay umakyat sa langit at pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa mga kalangitan. Sinasabi sa bersikulo 24, "Sapagka't hindi pumasok si Kristo sa mga dakong banal na ginawa ng kamay, kundi sa langit mismo.” Ang tabernakulo sa Lumang Tipan ay isang larawan ng tunay na isa sa mga kalangitan. Ang lupa ay ang labas na looban nitong tunay na tabernakulo. Pagkatapos Niyang matapos ang Kanyang gawain sa labas na looban, si Kristo, bilang ang Mataas na Saserdote, ay pumasok sa Dakong Kabanal-banalan ng tunay na tabernakulo. B. Nagpapakita sa Harapan ng Diyos Si Kristo ay pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa mga kalangitan upang magpakita sa harapan ng Diyos para sa atin (9:24). Yamang naisagawa na Niya ang lahat ng bagay sa lupa, Siya ngayon ay namamahingang nakaupo sa langit sa harapan ng Diyos. Ang tanging pagkakataon na sinabihan tayo na Siya ay nakatayo nang si Esteban ay binabato (Gawa 7:5-56). C. Naghahain sa Tunay na Tabernakulo Sa tunay na tabernakulo, si Kristo ay naghahain bilang ang Mataas na Saserdote (8:2). Ano ang ginagawa ni Kristo bilang ang Mataas na Saserdote? Siya ay namamagitan para sa atin upang lahat ng bagay na naisagawa Niya ay mailalin sa loob ng ating katauhan. Sa ilang mga nakaraang mensahe, nakita na natin itong bagay ng makalangit na pamamagitan ni Kristo. Maaalala natin kung paano dumating si Melquisedec upang maghain ng tinapay at alak kay Abraham pagkatapos niyang mamagitan para sa kanya sa likuran ng eksena. Gayundin, si Kristo, ang ating Melquisedec, ay palihim na namamagitan para sa lahat ng umiibig at naghahanap sa Kanya. Habang Siya ay namamagitan para sa atin sa mga kalangitan, siya rin ang nagpapaloob-ng-lahat at lumalaganap-sa-lahat na Espiritu. Ang nagpapaloob-ng-lahat na Esiritu ay gumagawa sa atin ayon sa makalangit na pamamagitan ni Kristo, ginaganyak ang kautusan ng buhay sa loob natin na kumilos at sinasanhi ang pamantayang tularan, ang Panganay na Anak ng Diyos, na mailalin sa loob ng ating katauhan. Ito ay nagaganap sa lupa ngayon. Ang sabihin ito, ay hindi ang manghula; ito ang pahayag ng Banal na Salita ng Diyos na nagliliwanag sa atin bilang isang makalangit na pangitain. Sa mga araw na ito, marami sa atin ang nasa ilalim ng pagliliwanag ng pangitaing ito. Ang pangitaing ito ay magiging isang namamahalang pangitain. Purihin ang Panginoon na si Kristo ay naghahain sa tunay na tabernakulo ngayon! D. Ginaganap ang Bagong Testamento Sa pagitan ng Kanyang una at ikalawang pagpapakita, ginaganap ni Kristo ang bagong testamento (8:6, 9:15, 12:24). Ang ganapin ang bagong testamento ay simple lamang na nangangahulugang ganyakin (motivate) ang kautusan ng buhay sa loob natin at gawing tunay sa ating katauhan ang bawa't pamana ng bagong habilin. Kapag nakita natin kung ano ang ginagawa ni Kristo sa atin ngayon, hindi na tayo magiging katulad ng dati. Ang ginagawa sa atin ni Kristo ay karapat-dapat sa walang hanggang pag-alala. Kapag tayo ay nasa kawalang-hanggan na, maaalala natin ang araw nang makita natin ang maluwalhating pangitain ng makalangit na ministeryo ni Kristo. Kapag ang ministeryong ito ay nakumpleto, si Kristo ay makikita sa ikalawang pagkakataon. III. ANG IKALAWANG PAGPAPAKITA NI KRISTO A. Hiwalay sa Kasalanan Sinasabi sa bersikulo 2¸ na si Kristo ay "pakikita sa ikalawang ulit na hiwalay sa kasalanan, sa mga nagsisipaghintay sa Kanya, sa ikaliligtas.” Ang ikalawang pagpapakita ni Kristo ay walang kinalaman sa kasalanan, sapagka't ang kasalanan ay naging isang kasaysayan na. Kung ang tao ay dapat mamatay nang minsan at mahatulan pagkatapos mamatay (b. 27), gayundin si Kristo ay namatay nang minsan upang pasanin ang mga kasalanan ng tao (b. 28, 1 Ped. 2:24) at nagdusa ng kahatulan sa krus para sa tao (Isa. 53:5, 11). Lubhang binibigyang-diin ng aklat na ito ang katunayan na ang kasalanan ay naalis na sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo sa Kanyang unang pagpapakita (9:26, 1 Juan 3:5). Ang Kanyang ikalawang pagpapakita ay hiwalay sa kasalanan, walang anumang kinalaman dito. B. Sa Ikaliligtas Sinasabi sa bersikulo 28, na si Kristo ay pakikita sa ikalawang ulit "sa ikaliligtas.” Ang "ikaliligtas” dito ay hindi tumutukoy sa kaligtasan mula sa impiyerno patungo sa langit. Ito ay may higit na malawak at higit na mataas na kahulugan, sinasakop ang mga sumusunod na aspekto: 1. Para sa Katubusan, ang Pagbabagong-anyo ng Ating Katawan Una sa lahat, ang Mismong kaligtasan na dadalhin sa atin ni Kristo sa Kanyang ikalawang pagpapakita ay para sa katubusan, ang pagbabagong-anyo ng ating katawan. Nang tayo ay maligtas, tayo ay isinilang-na-muli sa ating espiritu (Juan 3:6). Tayo ngayon ay nasa proseso ng pagiging natatransporma sa ating kaluluwa (Roma 12:2, 2 Cor. 3:18). Pagkatapos sa ikalawang pagdating ni Kristo para sa pagkukumpleto ng kaligtasan ng ating buong katauhan, babaguhing-anyo Niya ang ating masamang katawan tungo sa maluwalhating isa (Fil. 3:21). Yaon ang magiging katubusan ng ating katawan (Roma 8:23), ang unang aspekto ng pagpapakita ni Kristo “sa ikaliligtas” sa Kanyang ikalawang pagpapakita. 2. Para sa Paglaya mula sa Kawalang-kabuluhan
at Pang-aalipin Ang ikalawang aspekto ng kaligtasan sa pamamagitan ng ikalawang pagdating ni Kristo ay ang pagkalaya mula sa kawalang-kabuluhan at pang-aalipin ng kabulukan ng lumang sangnilikha tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos (Roma 8:1¸ 23). Ang buong lumang sangnilikha ay napasakop sa kawalang-kabuluhan at nasa ilalim ng pang-aalipin ng kabulukan. Maging tayong ligtas na at may pagtatamasa ng Espiritu ay nasa ilalim din ng kawalang-kabuluhan at pang-aalipin ng kabulukan ng lumang sangnilikha. Sa Kanyang ikalawang pagdating, palalayain tayo ni Kristo sa kawalang-kabuluhan at pang-aaliping ito at dadalhin tayo tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. 3. Para sa Ating Pagluluwalhati Sa Kanyang ikalawang pagdating, tayo ay luluwalhatian ni Kristo (Roma 8:17), yaon ay, dadalhin Niya tayo sa Kanyang kaluwalhatian upang tuparin ang salita sa Hebreo 2:10. Ang ating pagluluwalhati ang huling gol ng pagliligtas ng Diyos sa loob ni Kristo (Roma 8:2-30). Tayo ay hinirang, itinalaga-nang-una-pa, tinawag, at inaring-matuwid na. Ngayon tayo ay pinapaging-banal sa pamamagitan ng proseso ng transpormasyon sa buhay. Pagkatapos, sa Kanyang ikalawang pagpapakita, tayo ay luluwalhatiin at makararating sa huling gol ng pagliligtas ng Diyos sa loob ni Kristo. Ito ang ikatlong aspekto ng darating na pagliligtas ni Kristo. 4. Para sa Ganap na Pagka-anak Sa pagkasilang-na-muli, tayo ay ipinanganak ng Diyos at naging mga anak ng Diyos (Juan 1:1-13). Sa bagong kapanganakang ito natanggap natin ang dibinong pagka-anak sa ating espiritu (Roma 8:15). Pagkatapos nito, sinimulan nating tamasahin ang pagka-anak na ito sa pamamagitan ng transpormasyon ng ating kaluluwa. Lalo tayong natatransporma sa ating kaluluwa, lalo nating natatamasa ang pagka-anak na ibinigay sa atin sa ating espiritu. Ang pagka-anak na ito ay magiging ganap kapag ang ating katawan ng lumang sangnilikha ay nabagong-anyo tungo sa isang katawan ng bagong sangnilikha. Nangangahulugan ito na ang katubusan ng ating katawan ay ang ganap na pagka-anak ng ating bagong kapanganakan. Ito ang magiging ikaapat na aspekto ng pagliligtas ni Kristo sa Kanyang ikalawang pagpapakita. 5. Para sa Ganap na Pagtikim sa Diyos Ang pagliligtas ng Diyos sa loob ni Kristo ay ang isagawa ang Kanyang Sarili sa loob natin bilang ating pagtatamasa. Ibinigay na Niya sa atin ang Kanyang Espiritu sa ating espiritu bilang ang unang bunga para sa ating pagtatamasa (Roma 8:23). Itong unang bunga ng Espiritu ay ang paunang-tikim para sa ating pagtatamasa sa Diyos. Ang ganap na katamasahan ay dadalhin ng ikalawang pagpapakita ni Kristo para sa ating pagtatamasa. Kapag ang ating katawan ay nabagong-anyo at ang ating buong katauhan, espiritu, kaluluwa, at katawan, ay lubusan nang nalalinan ng dibinong elemento ng Tres-unong Diyos, matatamasa natin nang ganap ang Diyos. Yaon ang ating magiging ganap na katamasahan sa Diyos, ang huling aspekto ng darating na pagliligtas ng Diyos. Ang mismong kaligtasan na dadalhin sa atin ni Kristo
sa Kanyang ikalawang pagdating ay magiging isang gayong higit na malawak
at higit na mataas at tutupad sa huli at sukdulang gol ng nagpapaloob-ng-lahat
na pagliligtas ng Diyos sa loob ni Kristo. Bago ang Kanyang ikalawang
pagpapakita, si Kristo ay naghahain sa atin na may ganitong gol bilang
pananaw. Ang Kanyang lalong ekselenteng ministeryo sa kalangitan ngayon,
ang ministeryo ng Kanyang maka-hari at dibinong pagkasaserdote kasama
ang Kanyang makalangit na pamamagitan, ang nagtatayo ng gayong isang
kaligtasan. Kapag nakita na Niyang ang pagtatayo ng kamangha-manghang
kaligtasang ito ay naisagawa na, magpapakita Siya sa ikalawang pagkakataon.
Yaon ang Kanyang magiging ikalawang pagpapakita sa ekonomiya ng Diyos.
|