|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE APATNAPU’T TATLO ANG MGA HAIN NI KRISTO Maraming ulit na binabanggit sa atin ng aklat ng Hebreo na tinuos na ni Kristo ang kasalanan minsan magpakailanman (1:3; 2:17; 7:27; 9:26; 10:12). Ang muli’t muling pagkabanggit sa katunayan na, sa pamamagitan ng Kanyang hain inalis ni Kristo ang kasalanan, ay kinakailangan dahil sa lakas ng maka-Hudyong tradisyon noong mga sinaunang panahon. Ang alam lamang ng mga Hudyo ay ang magtungo sa dambana at maghandog ng hain para sa kasalanan. Araw-araw, ang mga hain para sa kasalanan ay inihahandog, ang mga ito ay taun-taon ding inihahandog sa araw ng pagtutubos (atonement). Kaya ang kaisipan ng mga sinaunang Hudyo ay okupado ng handog dahil sa kasalanan. Dahil sa lakas ng maka-Hudyong tradisyon hinggil sa handog dahil sa kasalanan, binibigyan tayo ng sumulat ng higit pang konklusyon sa 10:1-18 matapos na talakayin ang bagay ng pagsasagawa sa hain para sa kasalanan sa mga kapitulo pito, walo, at siyam. Ang pangunahing punto nitong karagdagang konklusyon ay yaong kailangang matanto ng mga Hebreong Kristiyano na wala sa mga haing inihandog ng mga Levitikong saserdote ang makapag-aalis ng kasalanan o makapagpapasakdal ng mga sumasamba. Maging ang kanilang Lumang Tipan ay paunang nagsabi (predicted) sa Isaias 53:10 at 12 na darating si Kristo upang maging hain para sa kasalanan, yaon ay, upang palitan at tapusin ang mga panlevitikong hain. Yamang ito ay nagawa na ni Kristo, ang namumukod-tanging hain, magiging kamangmangan para sa mga mananampalatayang Hebreo ang bumalik sa templo at maghandog muli ng hain para sa kasalanan. Ang kasalanan ay naalis na at naging isang kasaysayan. Kaya, ang 10:18, na nagsasalita hinggil sa mga kasalanan at mga katiwalian, ay nagsasabi, “kung saan may kapatawaran ng mga ito ay wala nang paghahandog pa na patungkol sa kasalanan.” Ito ay isang lohikal na konklusyon. Sa ekonomiya ng Diyos, ginawa ni Kristo ang dalawang pangunahing bagay: inalis Niya ang kasalanan, na dumating upang biguin ang walang hanggang layunin ng Diyos, at ibinahagi Niya ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin bilang ang dibinong buhay na gumagawa sa loob natin at lumalaganap sa lahat ng mga panloob na bahagi ng ating katauhan. Ang pangunahing kaisipan sa 10:1-18 ay yaong inalis na ni Kristo ang kasalanan, isinasagawa kung ano ang lahat ng hindi magawa ng mga panlevitikong hain. Pagkaalis sa kasalanan minsan magpakailanman, ibinahagi ngayon ni Kristo ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin bilang ang dibinong buhay, upang sa pamamagitan ng paggawa nitong dibinong buhay, tayo ay maging sama-samang pagpaparami (corporate reproduction) ng Kanyang Sarili. I. ANG KAUTUSAN MAY ISANG ANINO Ang kautusan ng Lumang Tipan ay hindi ang realidad; ito ay isang anino ng mabubuting bagay na darating (b. 1). Itong mabubuting bagay na darating ay kung ano si Kristo at kung ano ang ginagawa ni Kristo. Kung ano ang mayroon sa kautusan ay hindi nakapagsagawa ng anumang bagay. Si Kristo, ang realidad ng lahat ng mga anino sa Lumang Tipan, ang nakapagsagawa ng lahat ng bagay para sa ekonomiya ng Diyos. II. ANG KAUTUSAN, SA PALAGI AT Ang kautusan, sa palagi at taun-taong paghahain nito, ay hindi kailanman makapagpapasakdal sa mga nagsisilapit sa Diyos (bb. 1-2). Ang mga haing inihandog ayon sa kautusan ay hindi makapaglilinis sa budhi ng naghahandog mula sa mga kasalanan. Gaano man nila kadalas ihandog ang gayunding hain para sa kasalanan, ang kanilang budhi ay hindi kailanman mapapayapa at hindi sila kailanman mapasasakdal sa harapan ng Diyos. III. ANG MGA HAIN NG KAUTUSAN, Ang mga haing inihandog ayon sa kautusan ay hindi makapag-aalis ng mga kasalanan; sa halip, pinaaalalahanan nila ang mga tao hinggil dito. Bawa’t taon, sa araw ng pagtutubos (atonement), ang mga Hudyo ay nagpapaalalahanan hinggil sa kanilang mga kasalanan. Ang intensyon ng Diyos sa mga haing ito ng anino ay ang paalalahanan ang mga Hudyo na sila ay makasalanan at yaong kailangan nila si Kristo, ang Mesiyas, upang alisin ang kanilang mga kasalanan. Ayon sa intensyon ng Diyos, sa tuwing naghahandog sila ng hain para sa kasalanan, dapat silang tumitingin kay Kristo. Ang mga hain ng kautusan ay isa lamang pagpapaalala sa kanilang mga kasalanan, hindi isang panlinis sa mga ito. IV. IMPOSIBLENG ANG DUGO NG MGA HAYOP Sapagka’t ang mga hain ng kautusan ay isang anino, hindi ang realidad, imposible para sa dugo ng kanilang mga hayop na makapag-alis ng mga kasalanan (b. 4). Ang mahalagang dugo ni Kristo, ang tunay na hain para sa kasalanan, ay nag-aalis ng mga kasalanan. Kaya, walang-kabuluhan para sa mga mananampalatayang Hebreo ang bumalik sa Hudaismo upang maghandog muli ng mga hain para sa kasalanan. V. SI KRISTO DUMARATING NA MAY ISANG KATAWAN
Lahat ng mga haing inihandog ayon sa kautusan ay isang anino ni Kristo. Sa kaganapan ng panahon, si Kristo ay dumating na may isang katawan ng dugo at laman upang palitan ang mga hain ng kautusan. Sa laman, inihandog Niya ang Kanyang Sarili sa Diyos minsan magpakailanman upang alisin ang mga kasalanan. Sinasabi sa atin ng mga bersikulo 7, 9, at 10 na kalooban ng Diyos na alisin ang una, ang mga hain na hayop ng lumang tipan, upang ang ikalawa, ang hain ni Kristo ng bagong tipan ay maitatag upang palitan ang mga hain ng lumang tipan. Kaya, kamangmangan para sa mga mananampalatayang Hebreo ang bumalik upang maghandog ng mga hain hayop na napalitan na ni Kristo. VI. SI KRISTO, PINAPAGING-BANAL TAYO Bilang ang tunay na hain para sa mga kasalanan na nag-aalis ng mga kasalanan, pinapaging-banal tayo ni Kristo sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang katawan minsan magpakailanman (b. 10) Inihawalay tayo ng kasalanan mula sa Diyos, subalit inihiwalay tayo ni Kristo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtutubos at ibinalik tayo sa Diyos. Kaya, tayo ay pinapaging-banal ni Kristo minsan magpakailanman. VII. ANG MGA SASERDOTE NG KAUTUSAN, ARAW-ARAW
Sinasabi ng bersikulo 11, “At tunay nga na ang bawa’t saserdote ay araw-araw na nakatayo, naglilingkod at naghahandog ng mga hain, na kailanman ay hindi makapag-aalis ng mga kasalanan.” Ang mga saserdote sa lumang tipan ay nakatayo araw-araw at naghain ng gayunding mga hain nang madalas, dahil sa ang kanilang inialay ay hindi makapag-aalis ng mga kasalanan. Ang kanilang pagtayo ay isang tanda na ang pag-alis ng mga kasalanan ay hindi pa naisagawa. Ang pag-aalay ng Kanyang Sarili ang nagsagawa ng pag-aalis ng mga kasalanan. VIII. SI KRISTO NAKAUPO MAGPAKAILANMAN Samantalang ang mga lumang tipang saserdote ay araw-araw na nakatayong naghahandog ng gayunding mga hain ng paulit-ulit, inalis na ni Kristo ang kasalanan (9:26) sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Sarili sa Diyos bilang nag-iisang hain para sa kasalanan. Kaya nga, tulad ng sinasabi sa bersikulo 12, “Siya ay umupo magpakailanman sa kanan ng Diyos.” Ang Kanyang pag-upo sa langit ay isang tanda at patunay na ang pag-aalis ng mga kasalanan ay naisagawa na. Ang Kanyang pag-upo roon ay magpakailanman. Hindi na Niya kinakailangang gumawa ng anupaman para sa kasalanan, sapagka’t nagawa na Niya ito minsan magpakailanman. Ang Kanyang pag-upo magpakailanman pagkatapos na makapaghandog ng isang hain para sa kasalanan ay kabaligtaran ng araw-araw na pagtayo ng mga saserdote, na naghahandog ng madalas ng gayunding mga hain. IX. SA PAMAMAGITAN NG ISANG PAGHAHANDOG, Sinasabi sa bersikulo 14 na “sa pamamagitan ng isang paghahandog ay Kanyang pinasakdal magpakailanman ang mga pinapaging-banal.” Bagama’t ang ibang mga hain ay hindi kailanman nakapagpasakdal kaninuman, ang nag-iisang hain ni Kristo ang nagpasakdal sa atin magpakailanman. Sa pamamagitan ng isang paghahandog na yaon ni Kristo, hindi lamang tayo inihiwalay sa kasalanan at ibinalik sa Diyos, bagkus pinasakdal din sa harapan ng Diyos. X. ANG ESPIRITU SANTO NAGBIBIGAY-PATOTOO (TESTIFYING)
NA Sa puntong ito kailangan nating basahin ang bersikulo 15 hanggang 17. “At ang Espiritu Santo ay nagbibigay-patotoo rin naman sa atin; sapagka’t pagkasabi Niyang, Ito ang tipang gagawin Ko sa kanila, pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon: ilalagay Ko ang Aking mga kautusan sa kanilang mga puso, at sa kanilang kaisipan ay isusulat Ko ang mga ito; At pagkatapos ay sinabi Niya, At ang kanilang mga kasalanan at ang kanilang mga katiwalian ay hindi Ko na aalalahanin pa.” Sa bahaging ito ng salita, sinisikap ng sumulat na patunayan sa mga mananampalatayang Hebreo na wala nang pangangailangang maghandog pa ng hain para sa mga kasalanan, sapagka’t naisagawa na ni Kristo ang pag-aalis ng mga kasalanan. Ang suliranin ng kasalanan ay nalutas na. Ngayon, binibigyang-diin niya ang katunayang ito sa pamamagitan ng pagtutukoy na sa Jeremias 31:33 at 34, na sinipi niya sa kapitulo walo para sa panloob na kautusan ng buhay, ang Espiritu Santo ay nagpatotoo rin sa ganitong bagay. Sa Jeremias 31:33 at 34, pagkaraang sabihin ng Espiritu Santo na ilalagay ng Diyos ang Kanyang mga kautusan sa ating mga puso, sinabi Niya na hindi na aalalahanin pa ng Diyos ang ating mga kasalanan. Pinatutunayan nito na ang Espiritu Santo ay nagbigay patotoo na ang ating mga kasalanan ay naalis na at yaong ang suliranin ng kasalanan ay nalutas na. Hindi lamang sa Isaias 53:6,11, at 12 na may paunang sabi o prediksyon na papasanin ni Kristo ang ating mga kasalanan, bagkus sa Jeremias 31 ay may patotoo rin ng Espiritu Santo na ang ating mga kasalanan ay aalisin at hindi na aalalahanin pa ng Diyos ang alinman sa mga ito. Ayon sa ating natural na pagkaunawa sa bagong tipan, ang kapatawaran ng ating mga kasalanan ang unang aytem. Gayunpaman, ito ay ang huling aytem, at isang karagdagan nga lamang. Ang bagong tipan ay may pangunahing kinalaman sa tatlong bagay: sa kautusan ng buhay na nakasulat sa loob ng ating katauhan; sa Diyos bilang Diyos sa atin at tayo bilang isang bayan sa Kanya; at sa panloob na kakayahang kumikilala sa Diyos. Ang tatlong bagay na ito ay pangwalang-hanggan. Subalit ang ilang kapatid na umaalala pa sa kanilang mga kasalanan, ay maaaring magtanong, “ Paano na ang ating mga kasalanan? Kailangan nila ng isang karagdagang salita (supplement) na magsasabi sa kanilang maging mapayapa hinggil sa kanilang mga kasalanan, sapagka’t hindi na aalalahanin pa ng Diyos ang mga ito, sapagka’t ang lahat ng ito ay naalis na ng hain ni Kristo. Dito, sa kapitulo sampu, pagkatapos ulitin ang pangunahing aytem ng bagong tipan, ang kautusan ng buhay na binanggit sa kapitulo walo, sinasabi ng Espiritu na hindi na aalalahanin pa ng Panginoon ang ating mga kasalanan at mga kalikuan. Yamang hindi na aalalahanin pa ng Panginoon ang ating mga kasalanan kailanman, hindi rin natin dapat alalahanin pa ang mga ito. Subali’t mahirap para sa ating kalimutan ang ating mga kasalanan. Bagama’t pinatatawad at kinalilimutan ng Diyos ang ating mga kasalanan, at kahit na matanto natin na ang ating mga kasalanan ay pinatawad na, hindi natin malimutan ang mga ito. Ang pag-aalala sa ating mga kasalanan ay nasa malalim pa ring kamalayan ng ating katauhan. Ano ang kahulugan ng kalimutan ang ating mga kasalanan? Ito ay ang ituring ang ating mga sariling hindi kailanman nagkasala. Mula nang manampalataya kayo sa Panginoong Hesus, naituring na ba ninyo ang inyong mga sarili na walang kasalanan? Sa panig ng Diyos, itinuturing Niya tayong walang kasalanan. Kapag dumudulog tayo sa Kanya, na nagsasabi, “Ama, nais kong pagsisihan ang aking mga kasalanan, “maaari Niyang sabihin, “Ano ang sinasabi mo? Hindi ba isa ka sa mga anak Ko? Walang nagkasala sa Aking mga anak.” Ang patawarin ang mga kasalanan ay nangangahulugang kalimutan ang mga ito, ipagpalagay na hindi kailanman umiral ang mga ito. Hindi lamang pinatatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan; hindi na Niya inaalala pa ang mga ito. Hindi lamang sa Kanyang pamamahala (administration) naalis ang ating mga kasalanan, bagkus ang mga ito ay naglaho na rin sa Kanyang alaala. Sa kawalang hanggan sasabihin ng Ama, “Marami Akong anak na hindi kailanman nagkasala. Sa Aking dibinong alaala walang gayong bagay na tinatawag na kasalanan.” Ang Diyos lamang ang may ganitong uri ng paglimot. Lalo nating sinisikap limutin ang ating mga kasalanan, lalo nating naaalala ang mga ito. Maaaring naaalala mo pa rin ang araw nang nakawan mo ang iyong ama. Habang inaalala pa rin natin ito, kung dudulog tayo sa Ama hinggil dito, matutuklasan nating nalimutan na Niya ito. Aleluya! Natanto na ba ninyong tayong lahat ay may bahagi sa gayong kamangha-manghang kapatawaran? Gaano kagila-gilalas ito! Subali’t ito ay isa lamang karagdagan sa tatlong pangunahing aytem sa bagong tipan, na ang pinakamahalaga ay ang kautusan ng buhay. Ang Diyos ay ang ating Diyos, at tayo, ang Kanyang bayan, ay may panloob na kakayahang makilala Siya. Mula ngayon, dapat nating kalimutan ang ating mga kasalanan at huwag nang pag-usapan pa ang mga ito. Alinmang ekklesia lokal na pinag-uusapan pa rin ang kasalanan ay wala sa napapanahong katotohanan (not up-to-date). Hindi tayo dapat na maging ekklesia na ang pinag-uusapan ay kasalanan kundi isang ekklesia na ang pinag-uusapan ay ang kautusan ng buhay. Ang kasalanan ay isa na lamang kasaysayan at ang buhay ay naririto. Mayroon na tayo ngayong kautusan ng buhay sa loob natin. XI. WALA NANG PAGHAHANDOG PA NA PATUNGKOL SA KASALANAN Yamang naisagawa na ni Kristo ang hain para sa kasalanan at tinapos na ang mga ito, wala nang paghahandog pa na patungkol sa kasalanan (b. 18). Hindi ito nangangahulugan, katulad ng maling pagkakapaliwanag ng ilang Kristiyano sa bersikulong ito, na kapag tayo ay nagkasala pagkatapos na maligtas, wala ng paghahandog pa na patungkol sa kasalanan at yaong hindi na tayo mapapatawad. Nangangahulugan ito na yamang naisagawa na ni Kristo ang paghahandog patungkol sa kasalanan minsan magpakailanman at tinapos na ito, wala nang pangangailangan pang maghandog ng anumang hain patungkol sa kasalanan. Ito ay isang malakas na salita sa mga sinaunang Hebreong Kristiyano na nagbalak bumalik sa kanilang lumang kinaugalian ng paghahandog ng paghahain patungkol sa kasalanan. Nalaman na dapat nila na ang paghahandog para sa kasalanan ay naisagawa na tinapos na ni Kristo. Ang pangangailangan nila ay hindi ang bumalik sa anino ng mga hayop na handog, kundi ang magsilapit sila upang makabahagi sa nabuhay-na-muling Kristo at matamasa ang lahat ng Kanyang naisagawa para sa kanila sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Sarili sa Diyos. Ngayon kailangan din nating makita na ang ating mga kasalanan ay naalis na sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo at yaong ang suliranin ng kasalanan ay nalutas na minsan magpakailanman. Yamang ang kasalanan ay tapos na at naging isang kasaysayan na lamang, hindi tayo dapat na mabahala nito. Ang ating pansin ay dapat na maibaling sa Kristong nasa krus tungo sa Kristong nasa mga kalangitan. Dapat nating matamasa ang makalangit na Kristo bilang ating buhay at lahat na kailangan natin sa pagsunod sa Kanya at pagtakbo sa makalangit na takbuhan. Kapag natatamasa natin ang Kristong nasa mga kalangitan, tayo ay tunay na nasa ilalim ng bagong tipan (new covenant) na nakikilahok sa lahat ng mga pamana ng bagong tipan (new testament). Ito ang gol ng aklat na ito.
|