|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE APATNAPU’T APAT MAGSILAPIT SA DAKONG KABANAL-BANALAN Sa mensaheng ito dumako tayo sa isang napakaseryoso at tapat na bahagi ng aklat ng Hebreo (10:19-39). Ang mga kapitulo pito, walo, at siyam, at unang labing walong bersikulo ng kapitulo sampu ay lubhang nakakatuwa (exciting). Gayunpaman, simula sa 10:19 ang sumulat ay naglalahad ng isa pang babala. Maraming Kristiyano ang hindi nakauunawa sa kung ano ang tinalakay sa babalang ito. Sa mensaheng ito, dapat nating makita nang malinaw ang hinggil sa bagay na ito. Ang babalang ito, ang ikaapat sa Hebreo, ay isang babala na magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan at huwag uurong pabalik sa Hudaismo. Sa kapitulo siyam nakita natin ang dalawang tabernakulo na sumasagisag sa dalawang tipan at dalawang kapanahunan. Naroon ang panganib ng hindi paglapit sa ikalawang tabernakulo kundi pag-urong pabalik sa una. Dapat nating lisanin ang unang tabernakulo, ang unang tipan, at ang unang kapanahunan, at magpatuloy upang pumasok sa ikalawang tabernakulo, tungo sa loob ng ikalawang kapanahunan o pamamahagi. Dapat tayong magpatuloy sa Dakong Kabanal-banalan, pumasok sa bagong tipang pamamahagi, at mabuhay sa bagong tipang kapanahunan. Pagkatapos maglahad ng isang kumpletong larawan ng mga bagay na ito, ang sumulat ay lubhang alalang-alala na ang mananampalatayang Hebreo ay hindi magpapatuloy. Kaya, binigyan niya sila ng isang babala, sinasabi sa kanila ang panganib ng paurong pabalik sa Hudaismo at hindi paglapit sa bagong tipan (new testament). Parang sinasabi niya, “Mga mananampalatayang Hebreo, magsilapit kayo mula sa kung saan kayo nag-aatubili. Kung hindi kayo magsisilapit, malalagay kayo sa panganib na umurong pabalik.” Ang paglapit ay lubhang kabaligtaran ng pag-urong pabalik. Isang teribleng bagay ang umurong pabalik! Sapagka’t ang umurong pabalik ay isang kakila-kilabot na bagay, dapat nating tingnan itong ika-apat na babala sa isang napakaseryosong paraan. Unang-una, nais kong magsalita hinggil sa pariralang “magsilapit.” Ang pariralang ito ay apat na beses ginamit sa Hebreo hinggil sa tatlong bagay. Sa 4:16 sinabihan tayo na magsilapit sa trono ng biyaya; sa 7:25 at 11:6 sinabihan tayo na magsilapit sa Diyos; at sa 10:22, sinabihan tayo na magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan. Sa 10:22, mangyari pa, ang pariralang “Dakong Kabanal-banalan” ay dapat na nasa mga letrang pahilig (italics), sapagka’t hindi ito matatagpuan sa original na tekstong Griyego. Gayunpaman, kung isasaalang-alang ninyo ang nilalaman simula sa bersikulo labinsiyam, makikita na ang kahulugan ay tiyak na magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan. Ang King James Version ng 10:22 ay nagsasabing “lumapit,” subali’t hindi nito sinasabi sa atin kung ano ang lalapitan natin. Pagkaraan ng maraming pag-aaral, dumating ako sa konklusyon na ang pinakamagandang pagsasalin ng Griyegong salita ay hindi “pumarito” (come), “ lumapit” (draw near) o “dumulog” (approach to) katulad ng pagsasalin ng ilang bersyon; ang pinakamagandang pagsasalin ay “magsilapit” (come forward). Dapat tayong magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan, sa trono ng biyaya, at sa Diyos Mismo. Ang Diyos ay nasa trono ng biyaya, at ang trono ng biyaya ay nasa Dakong Kabanal-banalan. Ito ang eksena ng bagong tipang kapanahunan. Saanman tayo naroroon, dapat tayong magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan, sa trono ng biyaya ng Diyos, at sa Diyos. Kapag ginawa natin ito, tayo ay nagsisilapit sa bagong kapanahunan, sa bagong ekonomiya, pamamahagi, at pamamahala kung saan at sa pamamagitan ng mga ito tinutupad ng Diyos ang Kanyang layunin. Ang walang hanggang layunin ng Diyos ay matutupad lamang sa pamamagitan ng Diyos na naupo sa trono ng biyaya sa Dakong Kabanal-banalan sa bagong tipang kapanahunang ito. Ang paglapit ay hindi lamang basta isang bagay ng ating kaligtasan o ng ating pagluluwalhati; ito ay para sa pagsasakatuparan ng walang hanggang layunin ng Diyos. Ang tayo ay maligtas o maluwalhati ay isang maliit na bagay, subali’t ang maisakatuparan ang walang hanggang layunin ng Diyos ay isang dakilang bagay. Salamat sa Diyos at ibinilang Niya tayo rito. Ang ating paglapit at pagtatamasa sa bagong tipan (new testament) ay lubusang para sa Kanya at sa Kanyang layunin. Ito ay para mahayag Siya at para maisakatuparan ang Kanyang walang hanggang layunin. Nangangailangan ito ng apat na bagay: Diyos na nasa trono, trono ng biyaya, ang Dakong Kabanal-banalan, at ang bagong tipang kapanahunan. Kung alinman sa apat na aytem na ito ang mawawala, imposible para sa Diyos na matupad ang Kanyang layunin. Gaano kaseryoso nito! Hindi lamang mga pagano at mga Hentil ang malayo sa apat na bagay na ito, kundi maging ang mga Hudyo na may lumang tipan, ay malayo rin sa mga ito. Higit pa rito, maraming Kristiyano ngayon ang malayo rin sa apat na aytem na ito. Kaya, mayroong pagtawag na magsilapit. Nagpapasalamat tayo sa Diyos na ngayon ang langit ay malinaw sa itaas natin at nauunawaan natin na ang magsilapit ay nangangahulugang magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan, sa trono ng biyaya, at sa Diyos, at yaong nangangahulugang magsilapit sa bagong tipang pamamahagi. Nasaan kayo? Kayo ba ay nasa dambana pa rin na tinitingnan ang Isang pinutungan ng mga tinik, o hinihipo ninyo ang trono ng biyaya sa Dakong Kabanal-banalan na tinitingnan ang Isang pinutungan ng kaluwalhatian? Gaano natin kailangang magsilapit! Ang paglapit ay ang pangunahing punto ng aklat ng Hebreo at napakahalagang makita natin lahat ito. Kapag nakita na natin ito, hindi na tayo dapat na lumisan dito. I. ANG UNANG TABERNAKULO, ANG DAKONG BANAL,
Ang unang tabernakulo, yaon ay, ang Dakong Banal, ay isa lamang larawan, hindi ang realidad. Katulad ng nakita na natin, lahat ng mga bagay sa Dakong Banal, katulad ng dulang ng tinapay at ng patungan-ng-ilawan, ay mga sagisag ni Kristo, hindi ang realidad. II. ANG IKALAWANG TABERNAKULO, ANG DAKONG KABANAL-BANALAN,
GINAGAWANG REALIDAD Ang ikalawang tabernakulo, na siyang Dakong Kabanal-banalan, ay ginagawang realidad ng bagong tipang (new testament) pamamahagi (9:3, 8, 10). Ang Dakong Kabanal-banalan ay isang realidad. Ito ay ginagawang realidad ng bagong tipang pamamahagi kung saan natin nararanasan ngayon ang realidad nito. Ang presensya ng Diyos, ang shekinang kaluwalhatian ng Diyos, ang pakikipagtagpo ng Diyos sa tao, at pagsasalita ng Diyos, na nasa Dakong Kabanal-banalan ay pawang tunay. Hindi sila mga sagisag kundi mga realidad na lubusang natanto at natamasa natin sa bagong tipang (new testament) pamamahagi. III. ANG LUMANG TIPANG KAPANAHUNAN AY TINAPOS Ang lumang tipang kapanahunan ay tinapos ng kamatayan ni Kristo, at ang bagong tipang pamamahagi ay pinasinayaan (inaugurated) ng Kanyang pagkabuhay-na-muli at pag-akyat-sa-langit. Sa Kanyang pag-akyat-sa-langit, Siya ang “Mataas na Saserdote ng mabubuting bagay na narito na” (9:11). Siya ngayon ay naghahain sa “lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo” sa kalangitan upang ganapin ang bagong tipan para sa ekonomiya ng Diyos. IV. ANG DAAN PAPASOK SA DAKONG KABANAL-BANALAN
Sinasabi sa besikulo 19, “Mga kapatid, yamang may katapangan ngang makapasok sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng dugo ni Hesus.” Ngayon ang Dakong Kabanal-banalan ay nasa langit na kinaroroonan ng Panginoong Hesus (9:12, 24). Paano tayo makapapasok dito samantalang tayo ay naririto pa sa lupa? Ang lihim ay ang ating espiritu na tinukoy sa 4:12. Ang mismong Kristong nasa langit ay nasa ating espiritu rin ngayon (2 Tim. 4:22). Siya bilang ang makalangit na hagdan (Gen. 28:12; Juan 1:51), ang nag-uugpong ng ating espiritu sa langit at naghahatid ng langit sa loob ng ating espiritu. Kaya nga, sa tuwing tayo ay bumabaling sa ating espiritu, tayo ay pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan. Dito ay nakikipagtagpo tayo sa Diyos na nasa trono ng biyaya. Pumapasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng “daang bago at buháy, na Kanyang itinalaga para sa atin sa pamamagitan ng tabing, yaon ay, ang Kanyang laman” (b. 20). Ang daan patungo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan ay nabuksan na. Ayon sa Griyego, ang salitang “bago” sa bersikulong ito ay nangangahulugang “kapapatay pa lamang”. Sa pamamagitan ng pagkamatay ni Kristo sa krus, ang daan ay “kapapatay pa lamang” para sa atin. Ano ang pinatay? Hindi lamang ang laman kundi ang buong lumang nilikha. Sa bersikulong ito, ang tabing, na Kanyang laman, ay sumasagisag sa lumang nilikha, kabilang na tayo. Sa tabing ay naroroon ang querubin (Exo. 26:31) na sumasagisag sa mga nilalang (Ezek. 10:15). Nang ang tabing ay mahapak, ang querubin ay nahapak din, ay sumasagisag na nang ang laman ni Kristo, na sinasagisag ng tabing, ay ipinako-sa-krus, lahat ng mga nilikha ay ipinako rin sa krus kasama ng Kanyang laman. Ang laman na ito ay pinatay. Ayon sa Mateo 27:51, nang mamatay ang Panginoong Hesus ang tabing ay nahapak mula itaas hanggang ibaba, nangangahulugang hindi ito hinapak ninuman na nasa lupa kundi ng Diyos na nasa mga kalangitan. Ang lumang nilikha ay pinatay at isang bago at buháy na daan papasok sa Dakong Kabanal-banalan ang nabuksan. Ngayon sa pamamagitan ng nahapak na tabing ng laman at ng dugo ni Hesus ay makapapasok na tayo sa Dakong Kabanal-banalan. Ang Kanyang kamatayan at Kanyang dugo ay laan para sa atin ngayon. Ang tabing sa bersikulo 20 ay ang ikalawang tabing (9:3) sa loob ng tabernakulo na, gaya nang nakita na natin, ay sumasagisag sa laman ni Kristo. Nang ang laman ni Kristo ay naipako-sa-krus, ang tabing na ito ay nahapak, sa gayon ay nagbubukas ng daan para sa atin na mga hiwalay sa Diyos, na sinasagisag ng puno ng buháy (Gen. 3:22-24) na makapasok sa loob ng Dakong Kabanal-banalan upang makaugpong Siya at matanggap Siya bilang ang puno ng buhay para sa ating pagtatamasa. Ito rin ay nagpapahiwatig na yamang ang ating lumang tao ay naipakong kasama ni Kristo, tayo ay nagkaroon ng bukas na daan upang makaugnay at matamasa ang Diyos sa loob ng ating espiritu bilang ating buhay at panustos ng buhay. V. MAY KATAPANGANG Sa pamamagitan ng lalong mabubuting hain ni Kristo, mayroon tayong katapangang makapasok sa loob ng Dakong Kabanal-banalan (9:23; 10:19). Hindi isang maliit na bagay ang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan, sapagka’t doon mismo ang Diyos ay nakaupo sa trono ng biyaya. Upang makapasok sa gayong dako, dapat tayong magkaroon ng katapangan, at nagkaroon tayo nito sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo at ng Kanyang dugo. Sa pamamagitan ng kamatayan ng Panginoon at ng Kanyang dugo, mayroon tayong katapangang makapasok sa Dakong Kabanal-banalan anumang oras natin nais, hindi katulad ng mataas na saserdote sa Lumang Tipan, na makapapasok lamang dito minsan sa isang taon. VI. MAY ISANG DAKILANG SASERDOTE Sinasabi sa bersikulo 21 na mayroon tayong “isang dakilang Saserdote na namamahala sa bahay ng Diyos.” Ito ay malalim. Nakita na natin na tayo ang bahay ng Diyos (3:6). Subali’t kung tayo ay nasa labas-na-looban, wala tayong wastong katayuan upang maging bahay ng Diyos. Upang maging ang bahay ng Diyos dapat tayong magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan, sapagka’t tanging doon lamang na si Kristo, ang ating mataas na Saserdote, ay namamahala sa bahay ng Diyos. Yamang ang Dakong Kabanal-banalan ay nakaugpong sa ating espiritu, tayo ay magiging ang bahay ng Diyos lamang kapag tayo ay nasa espiritu. Kung tayo ay babaling mula sa ating espiritu patungo sa ating laman, hindi na tayo ang bahay ng Diyos kundi isang bahay ng mga alakdan at mga ahas. Kapag ang mga Kristiyano ay nag-aaway at nagtatalo sa isa’t isa, hindi sila ang ekklesia, ang bahay ng Diyos; sila ay mga alakdan at mga ahas. Bagama’t sila ay maaaring ligtas, hindi sila namumuhay sa ligtas na buhay kundi sa buhay ng alakdan. Ayon sa Efeso 2:22 ang tahanan ng Diyos ay nasa espiritu, kung tayo ay namumuhay na gaya ng mga alakdan, hindi natin kailanman matatamasa ang presensya ni Kristo. Tangi sa Dakong Kabanal-banalan lamang sa espiritu namamahala si Kristo, na ating Mataas na Saserdote, sa bahay ng Diyos. VII. NAGSISILAPIT SA DAKONG KABANAL-BANALAN Tayo ay magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan (b. 22), yaon ay, sa bagong tipang pamamahagi. Ang Dakong Kabanal-banalan ay hindi lamang tumutukoy sa isang lugar, kundi nangangahulugan ding isang tipan, isang kapanahunan at isang pamamahagi. Sa kapitulo siyam nakita natin nang malinaw na ang tabernakulo ay hindi lamang basta isang lugar kundi isang simbolo rin ng isang tipan, isang kapanahunan. Ang pagtawag upang magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan ay kinabibilangan ng paglapit sa bagong tipan at sa kapanahunan. Dapat tayong magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang ating puso ay winisikan mula sa isang masamang budhi at ang ating katawan ay nahugasan sa dalisay na tubig. Upang makalapit tayo sa Dakong Kabanal-banalan, ang ating puso ay dapat na maging tapat, ang ating pananampalataya ay dapat na may lubos na katiyakan, ang ating budhi ay dapat na nawisikan, at ang ating buong katauhan ay dapat na nahugasan. Hindi natin dapat ito ituring na isang magaang bagay. Dapat tayong maging lubhang seryoso sa bagay na ito. VIII. INIINGATANG MATIBAY ANG PAGKAKILALA SA
Ang “ating pag-asa” (b. 23) ay tumutukoy kay Kristo at sa lahat ng ating mababahagi sa loob Niya. Siya ang ating pag-asa ng kaluwalhatian (Col. 1:27). Ang katubusan ng ating katawan, na isasagawa Niya sa Kanyang pagpapakita, ay atin ding pag-asa. Maging sa ngayon, Siya, bilang ating di-nasisirang buhay, ay ang ating pag-asa, anuman ang ating situwasyon. Bilang ating Mataas na Saserdote na may lalong ekselenteng ministeryo ng Kanyang makahari at dibinong pagkasaserdote, Siya ang ating pag-asa sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa Kanyang pamamagitan para sa atin, pinangangalagaan Niya tayo at naililigtas tayo sa sukdulan. Ito ang ating pinaniniwalaan. Ito ang ating pagkakilala. Dapat nating pangalagaang matibay itong ating pagkakilala ng walang anumang pag-aalinlangan sa ating pananampalataya upang tayo ay makalapit upang makapasok sa Dakong Kabanal-banalan para matamasa ang makalangit na Kristo. IX. NANGAG-AALAGAAN SA ISA’T ISA Para sa wastong buhay-ekklesia, kailangan nating mangag-alagaan sa isa’t isa (b. 24). Ang humiwalay sa iba ay ang gumawa ng pagpapatiwakal sa buhay-ekklesia. Ang mangag-alagaan sa isa’t isa ay ang dagdagan ang buhay sa paghihikayat sa pag-iibigan at mabubuting gawa. Ang mabubuting gawa rito at sa 13:21 ay ang mabubuting bagay na sa mata ng Diyos, ay pangunahing may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng Kanyang layunin. Kung nangag-aalagaan tayo sa isa’t isa sa ganitong paraan, mananatili tayo sa buhay-ekklesia. X. HINDI PINABABAYAAN ANG EKKLESIA UPANG MAGKASALA NANG SADYA Ngayon dumako tayo sa isang mahalagang punto. Binabalaan ng sumulat ang mananampalatayang Hebreo na huwag pabayaan ang ekklesia upang magkasala nang sadya, yaon ay, ang bumalik sa Hudaismo upang maghandog ng hain para sa mga kasalanan na tinapos na (bb. 25-26, 18). Sinasabi sa mga bersikulo 25 at 26, “Hindi pinababayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangaghikayatan sa isa’t isa, at lalo na kung inyong nakikitang ang araw ay nalalapit na. Sapagka’t kung ating sinasadya ang ating pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang lubos na pagkaalam sa katotohanan, wala nang haing natitira pa para sa mga kasalanan.” Para sa mga mananampalatayang Hebreo na umurong pabalik sa Hudaismo at maghandog muli ng hain para sa mga kasalanan ay ang gumawa ng isang bagay na tinapos na ng Diyos. Sa kinalalagyang kapanahunan at sitwasyon ng mga mananampalatayang Hebreo, ang pabayaan ang kanilang pagkakatipon ay ang pabayaan ang bagong tipang paraan ng pakikipag-ugnay sa Diyos, pabayaan ang ekklesia at ang bumalik sa kanilang lumang relihiyon—Hudaismo. Lalabagin ng kanilang pagpapabaya sa kanilang pagkakatipon ang administrasyon ng biyaya ng Diyos, sa gayon ay mabubuo ang isang mabigat na kasalanan sa harap ng Diyos. Ito ay ang “sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang lubos na pagkaalam sa katotohanan.”Ang katotohanan dito ay tumutukoy sa mga bagay na inihayag sa mga naunang kapitulo at bersikulo, na nagbibigay sa mga mananampalatayang Hebreo ng isang lubos na pagkaalam na pinawalang-bisa na ng Diyos ang lumang tipan at itinatag na ang bagong tipan. Ang sadyaing magkasala ay nangangahulugang pabayaan ang pakikipagtipon sa ekklesia. Ang mga mananampalatayang Hebreo ay inatasan na iwanan ang Hudaismo at manatili sa ilalim ng bagong tipan. Kung sila ay babalik pa rin sa Hudaismo, kanilang pababayaan ang pakikipagtipon sa ekklesia. Ito ay bumubuo ng isang sinasadyang kasalanan sa mga mata ng Diyos pagkatapos matanggap ang lubos na pagkaalam sa katotohanan, pagkatapos malaman na itinakwil na ng Diyos ang Hudaismo na binuo ayon sa lumang tipan, at naitatag ang bago at buháy na paraan ng pakikipag-ugnay sa Diyos ayon sa bagong tipan. Sinasabi sa bersikulo 26 na “wala nang haing natitira pa para sa mga kasalanan” para sa mga nanadyang magkasala.” Kung pababayaan ng mga mananampalatayang Hebreo ang ekklesia at babalik sa Hudaismo, ayon sa ekonomiya ng Diyos ay wala nang haing natitira pa para sa kasalanan, sapagka’t ang lahat ng mga hain ng lumang tipan ay lubusan ng hinalinhan ni Kristo bilang ang natatanging hain. Yamang si Kristo ay minsan magpakailanmang naghandog ng Kanyang Sarili bilang ang tunay na hain para sa ating mga kasalanan (7:27; 10:10, 12), ang hain para sa kasalanan ay inihinto na (10:2), na inalis na ni Kristo (10:9). Maraming gurong Kristiyano ang nagbibigay ng maling pakahulugan sa bersikulo 26, na sinasabing kung sinasadya nating magkasala pagkatapos na maligtas ang ating mga kasalanan ay hindi pa mapapatawad sapagka’t wala nang hain pa para sa kasalanan. Ang pakahulugang ito ay terible! Katulad ng nakita na natin, ang sadyang kasalanan na binanggit dito ay ang pagpapabaya sa ekklesia at pag-urong sa lumang tipan pagkatapos malaman na pinawalang-bisa ito ng Diyos at nagtatag ng isang bagong tipan. Ang pabayaan ang ekklesia upang magbalik sa Hudaismo upang maghandog ng hain para sa kasalanan na wala nang gayong anumang bagay pa ay isang sinasadyang kasalanan sa mga mata ng Diyos. A. Yumuyurak sa anak ng Diyos Sinasabi sa bersikulo 29 na, “Gaano kayang kahigpit na parusa, sa akala ninyo, ang nauukol na ihatol, doon sa yumurak sa Anak ng Diyos.” Sa bagong tipan ay hinalinhan ng Anak ng Diyos ang lahat ng mga hain ng lumang tipan. Kung ang mga mananampalatayang Hebreo ay babalik sa Hudaismo upang maghandog ng alinmang hain, sa katunayan, kanilang yinuyurakan ang Anak ng Diyos. Kanilang hinahamak Siya, winawalang bahala Siya, at inilalagay Siya sa ilalim ng Kanyang mga paa. B. Inaaring isang Karaniwang Bagay Ang bersikulo 29 ay nagsasalita hinggil sa pag-aari sa dugo ng tipan na di-banal. Kung ang mga mananampalatayang Hebreo ay babalik sa Hudaismo upang ihandog ang mga lumang hain at umasa sa dugo ng mga pinatay na hayop, sa katunayan kanilang inari ang mahalagang dugo ni Kristo na isang karaniwang bagay. Ito ay magiging lubhang pagmamata sa namumukod tanging gawain ng pagtutubos ni Kristo. Yamang ang dugo ng hayop ay pangkaraniwan, ito ay maihahandog nang paulit-ulit. Gayunpaman, kung pagkatapos matanggap si Kristo, ang mga mananampalatayang Hebreo ay bumalik sa Hudaismo upang maghandog uli ng mga hain para sa kasalanan, ginagawa nilang katulad ng dugo ng mga hayop ang dugo ni Kristo. Ito ay isang insulto kay Kristo. C. Umaalipusta sa Espiritu ng Biyaya Binabanggit din ng bersikulong ito ang pag-aalipusta sa Espiritu ng biyaya. Sa ilalim ng bagong tipan, sa pamamagitan ng nagtutubos na dugo ni Kristo, ang mga mananampalatayang Hebreo ay mga nakabahagi ng Espiritu Santo (6:4), ang Espitritu ng biyaya. Kung sila ay bumalik sa Hudaismo upang maghandog ng mga hain ng mga kasalanan, ito ay magiging laban sa gawain ng Espiritu ng biyaya na nanahanan sa kanila at gumagawa sa kanila at naalipusta ng kanilang sinasadyang kasalanan. Ang Espiritu ng biyaya ay hindi kailanman sasang-ayon dito at maaaring may gawin sa loob nila. Ito ay seryoso. XI. HUWAG UMURONG PABALIK SA HUDAISMO Sa mga bersikulo 38 at 39, sinabi ng sumulat sa mga mananampalatayang Hebreo na mabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, at huwag umurong pabalik sa kapahamakan. Para sa mga mananampalatayang Hebreo na umurong pabalik sa Hudaismo ay ang umurong pabalik sa kapahamakan, na hindi ang walang hanggang kapahamakan kundi ng kaparusahan ng Diyos na buháy (bb. 29-31). Ang kapahamakang binanggit dito ay ang kaparusahan, gaya ng mga binanggit sa mga bersikulo 27 hanggang 31, para roon sa mga nagpapabaya sa bagong tipan at babalik sa Hudaismo, sa gayon niyuyurakan ang Anak ng Diyos, inaari ang mahalagang dugo ni Kristo na karaniwan tulad ng dugo ng hayop, at inaalipusta ang Espiritu ng biyaya. Sa ngayon, dapat nating maunawaang lahat itong ika-apat na babala. Ang ekonomiya ng Diyos ay nailahad na nang malinaw. Nakita na natin ang lumang daan at ang bagong daan at huwag umurong pabalik sa luma. Ang umurong sa lumang daan pagkatapos ng gayong malinaw na salita ay ang gumawa ng gayong isang sinasadyang kasalanan. Sa panahong isinulat ang aklat na ito, ang umurong pabalik ay nangangahulugang pabayaan ang bagong tipang ekklesia at bitawan ang bagong tipang pamamahagi at ekonomiya ng Diyos. Ito ay hindi isang maliit na bagay; ito ay napakaseryosong sinasadyang kasalanan. Binalaan sila ng sumulat na kung gagawa sila ng gayong bagay, magdurusa sila ng kaparusahan. Ayon sa ekonomiya ng Diyos, lahat ng mga lumang hain ay itinigil na at ang lumang daan ay sinarhan na. Kung ang mga mananampalatayang Hebreo ay umurong pabalik sa lumang daan upang maghandog ng mga hain ayon sa kautusan, yaon ay magiging walang kabuluhan, sapagka’t ayon sa mga mata ng Diyos, ang gayong bagay ay itinigil na. Ito ang tamang kahulugan ng babalang ito. Gayunpaman, maraming Kristiyano ang nagbigay rito ng maling pakahulugan, sinasabi na kung kayo ay nagkasala pagkatapos na maligtas, kayo ay nagkakasala nang sadya at walang posibilidad na mapatawad ang inyong mga kasalanan. Sa ilalim ng liwanag ng Panginoon, nakita natin na ang sadyang magkasala ay ang bitawan ang ekonomiya ng Diyos at bumalik sa lumang daan ng tradisyunal na relihiyon. Dito, sa katapusan ng panahon, inilahad sa atin ng Panginoon ang Kanyang napapanahong (up-to-date) ekonomiya. Alam natin kung ano ang lumang daan at kung ano ang bagong daan. Ang lumang daan ay sinarhan na, at ang bagong daan ay kapapatay pa lamang (freshly slain). Alang-alang sa pagbabawi ng Panginoon at sa ekonomiya ng Diyos, dapat tayong magsilapit upang tahakin ang bagong daan.
|