PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE APATNAPU’T LIMA

HINDI WALANG HANGGANG KAPAHAMAKAN,
KUNDI PAMPANAHUNANG KAPARUSAHAN

Ang mensaheng ito na pinamagatang “Hindi Walang Hanggang Kapahamakan, Kundi Pampanahunang Kaparusahan,” ay mahalaga upang magkaroon tayo ng isang pangunahing pundasyon sa pagbabawi ng Panginoon. Ang katagang pampanahunang kaparusahan ay hindi matatagpuan sa ibang mga pang-Kristyanong aklat o mensahe, sapagka’t ito ay isang bagong kataga sa pagbabawi ng Panginoon. Ang katagang ito ay mahalaga sapagka’t napagkakamalan ng maraming Kristiyano na ang bagay ng pampanahunang kaparusahan ay ang walang hanggang kapahamakan. Ayon sa Bagong Tipan, ang mga ito ay malinaw na magkahiwalay o magkaibang bagay, na walang kinalaman sa isa’t isa. Ang walang hanggang kapahamakan ay para sa mga di-mananampalataya, samantalang ang pampanahunang kaparusahan ay para lamang sa mga mananampalataya. Maraming kaguluhan ang sinanhi ng paghahalo (mixing together) ng dalawang bagay na ito.

Sa Kristiyanidad ngayon, mayroong dalawang pangunahing pagtuturo ng teolohiya hinggil sa kaligtasan. Ang isang pagtuturo ay nagsasabing ang kaligtasan ay walang hanggan. Ayon sa pagtuturong ito, kapag tayo ay naligtas na, tayo ay ligtas na magpasawalang hanggan, anuman ang gawin natin pagkatapos nating maligtas. Ang kaligtasan ay hindi na kailanman mawawala. Sinasabi ng ikalawang pagtuturo na kung hindi tayo mag-iingat pagkatapos maligtas, maaaring mawala tayong muli. Karamihan sa mga tinawag na kabanalang iglesiya (holiness churches) ay kabilang sa pagtuturong ito, naniniwalang ang isang tao ay maaaring maligtas at mawala nang paulit-ulit. Sapagka’t ang kaligtasan nila ay tumataas at bumababang katulad ng isang “elevator,” maaari nating tawagin ang konseptong ito ng kaligtasan na “elevator” na kaligtasan. Minsan, noong ako ay wala pang tatlumpung taong gulang, isang mangangaral ang dumating sa aming bayan na nagsasabing maaari tayong maligtas sa umaga at mawala muli sa gabi ring iyon, at pagkatapos sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapahayag ng ating mga kasalanan maaari tayong maligtas muli kinaumagahan. Nang marinig ko ito, may katapangan kong sinabi sa mga banal sa bayang yaon na ito ay walang-katuturan (non-sense) at yaong ang ating Diyos ay hindi kailanman magbibigay sa atin ng gayong kaligtasan.

Sa wari, yaong nag-aaral at natuturo ng “elevator na kaligtasan” ay may ilang batayan sa Bibliya; sa katunayan, wala naman silang batayan. Para sila yaong mga nakakita ng titik “C,” at dahil sa malabong paningin, ay napagkamalan itong “G”. Nakagawa sila ng isang malaking pagkakamali sa pagpapaliwanag ng ilang sipi sa Bibliya. Ginagamit nila ang mga bersikulong nagsasabi ng tungkol sa pampanahunang kaparusahan upang suportahan ang kanilang paniniwala na ang isang ligtas na Kristiyano ay maaaring mawalang muli. Yaong mga sumusunod sa pagtuturong ito ng teolohiya ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang katiyakan. Kung sila ay nasa itaas kapag sila ay namatay, kung ang kaligtasan ang pag-uusapan, sila ay maliligtas magpakailanman. Subali’t kung sila ay nasa ibaba, sila ay mawawala magpakailanman. Anong uri ng ebanghelyo ito? Terible ito!

Gayunpaman, mali ring ituro na anuman ang inyong gawin pagkatapos ninyong maligtas ay hindi magkakaroon ng suliranin at patuloy kayong maliligtas. Ayon sa pagtuturong ito, hangga’t mayroon tayong katiyakan na ligtas na tayo magpasawalang hanggan, ayos na ito. Kailangan nating mabasyo at bitiwan ang pagtuturo ng dalawang grupo ito (theological school) at tingnan kung ano ang sinasabi ng dalisay na salita ng Diyos hinggil sa bagay na ito.

I. ANG KASEGURADUHAN (SECURITY) NG WALANG HANGGANG KALIGTASAN
NG DIYOS PARA SA MANANAMPALATAYA

Ang pagliligtas ng Diyos ay walang hanggan. Kapag natanggap na natin ito, segurado (secured) na ito magpasawalang hanggan. Pinatutunayan ito ng labing-isang bagay.

A. Ng Kalooban ng Diyos

Ang walang hanggang kaligtasan ng Diyos ay siniseguro ng kalooban ng Diyos. Sinasabi ng Efeso 1:5 na tayo ay itinalaga-na-noong-una-pa ayon sa kalooban ng Diyos at sinasabi sa Juan 6:39 na ang kalooban ng Ama ay yaong walang mawala sa mga ibinigay Niya sa Anak. Ito ang kalooban ng Diyos hinggil sa ating kaligtasan. Ang kalooban ng Diyos ay higit na matatag at matibay kaysa sa isang batong malaki. Bagama’t ang langit at lupa ay maalis, ang kalooban ng Diyos ay nananatili kailanman. Hindi ito taas-baba gaya ng isang “elevator.”

B. Ng Pagpipili at Pagtawag ng Diyos

Ang kaligtasan ng Diyos ay siniseguro o ginagawang tiyak (secured) ng pagpili at pagtawag ng Diyos. Tayo ay hinirang Niya, pinili Niya, bago itinatag ang sanlibutan (Efe. 1:4). Hindi tayo ang pumili sa Kanya kundi Siya ang pumili sa atin (Juan 15:16), at ang Kanyang pagpili ay hindi ayon sa mga gawa, kundi sa Kanya na tumatawag (Roma 8:30), hindi ayon sa ating mga gawa kundi ayon sa Kanyang Sariling layunin (2 Tim. 1:9). Ang Kanyang pagtawag ay di-mababawi (irrevocable). Hindi Niya kailanman pagsisisihan o panghihinayangan ang pagtawag sa atin. Ang Kanyang pagpili at pagtawag ay walang kinalaman sa ating mga gawa; ang ating mga gawa ay hindi kilanman makaaapekto sa mga ito, sapagka’t ang mga ito ay hindi na mababago. Ang pagpipili at pagtawag ng Diyos, na pinasimulan Niya, hindi natin, ay kapwa ang kaseguruhan ng ating kaligtasan.

C. Ng Pag-ibig at Biyaya ng Diyos

Ang kaligtasan na natanggap natin sa Diyos ay tinitiyak din ng Kanyang pag-ibig at biyaya. Hindi sa tayo ang umibig sa Kanya, kundi Siya ang umibig sa atin, at nagsugo ng Kanyang Anak na pampalubag-loob hinggil sa ating mga kasalanan (1 Juan 4:10). Walang anumang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos (Roma 8:38-39). Tayo ay nagbabago, subali’t ang pag-ibig ng Diyos ay di-nagbabago. Higit pa rito, hindi tayo iniligtas ng Diyos ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa Kanyang biyaya na ibinigay sa atin sa loob ni Kristo Hesus bago pa ang mga panahong walang hanggan (2 Tim. 1:9). Ang ating mga gawa ay maaaring madalas mabigo subali’t ang biyaya ng Diyos hindi nabibigo. Ang ating kaligtasan ay hindi siniseguro ng ating mga gawa, kundi ng nananaig na biyaya ng Diyos na nagmula sa Kanyang di-nagbabagong pag-ibig.

D. Ng Katuwiran ng Diyos

Ang walang hanggang kaligtasan ay tinitiyak ng katuwiran ng Diyos na nahahayag mula sa pananampalataya (Roma 1:16-17). Para sa pagpapakita ng Kanyang katuwiran, kailangan tayo ay ariing-matuwid ng Diyos, at tayo ay inaring-matuwid Niya na nananampalataya sa Panginoong Hesus (Roma 3:26). Ang matuwid na Diyos ang nag-aaring-matuwid sa atin (Roma 8:33). Ang Kanyang katuwiran ay ang Kanyang patibayan ng Kanyang luklukan (Awit 89:14). Ang Kanyang luklukan ay nakatatag magpakailanman at walang makakagigiba nito. Ang ating kaligtasan, na siniseguro ng katuwiran ng Diyos, ay di-nayayanig katulad ng luklukan ng Diyos.

E. Ng Tipan ng Diyos

Ang ating kaligtasan ay tinitiyak ng Diyos. Tayo ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bagong Tipan (Heb. 8:8-13). Tiyak na naisatipan na isusulat Niya ang kautusan ng buhay sa loob natin at hindi na kailanman aalalahanin pa ang ating mga kasalanan. Bilang ang tapat na Diyos, hindi na kailanman sisirain ang Kanyang tipan (Awit 89:34). Hindi lamang ang Kanyang katuwiran bagkus ang Kanyang katapatan ang nagtatali sa Kanya. Kaya, ang Kanyang tipan at ang Kanyang katapatan ay isang seguridad ng ating kaligtasan.

F. Ng Kapangyarihan ng Diyos

Ang seguridad ng walang hanggang pagliligtas ng Diyos ay sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Diyos. Sinasabi ng Panginoong Hesus na ang Kanyang Ama ay dakila kaysa sa lahat, at walang sinumang makaaagaw sa atin sa kamay ng Ama (Juan 10:29). Ang Diyos Ama ay higit na makapangyarihan higit sa anumang bagay. Siya ay may makapangyarihang bisig at malakas ang Kanyang kamay (Awit 89:13). Walang makapag-aalis sa atin mula sa Kanyang kamay.

G. Ng Buhay ng Diyos

Ang ating kaligtasan ay magpasawalang hanggang tinitiyak ng buhay ng Diyos. Sinabi ng Panginoon, “Sila ay binigyan Ko ng walang hanggang buhay, kailanman ay hindi sila malilipol” (Juan 10:28). Naniniwala ba kayo na mababawi pa ang walang hanggang buhay kapag ito ay naibigay na sa atin? Ang sabihing kapag tayo ay naligtas na ay maaari pa rin tayong mawala muli ay nangangahulugang ang walang hanggang buhay na ibinigay sa atin ay maibabalik. Ito ay lubusang di-lohikal (illogical). Kapag mayroon tayong walang hanggang buhay, hindi na tayo kailanman malilipol.

H. Ng Diyos Mismo

Ang ating kaligtasan ay tinitiyak ng Diyos Mismo. Tayo ay hinirang, itinalaga noong una pa, tinawag, inaring-matuwid, nilinis at iniligtas ng Diyos. Sa Kanya ay walang anino ng pag-iiba (Santiago 1:17); Siya ay hindi nababago (Mal. 3:6). Pagkatapos makagawa ng labis para sa atin upang tayo ay maligtas, sa palagay ba ninyo ay magbabago ang Diyos sa bagay na ito? Makaaapekto ba ang ating situwasyon o kondisyon sa kalikasan ng Diyos? Mababago ba nito ang paggawa ng Diyos? Hindi, ito ay imposible. Ang ating kaligtasan ay siniseguro ng Mismong Diyos na hindi nagbabago.

I. Ng Pagtutubos ni Kristo

Ang ating kaligtasan ay tinitiyak ng pagtutubos ni Kristo. Si Kristo ay namatay para sa atin (Roma 8:34), at ang katubusan na naisagawa sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay isang walang hanggang katubusan (Heb. 9:12). Sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Sarili nang minsan sa Diyos, tayo ay pinasakdal Niya at nagresulta sa ating walang hanggang kaligtasan (5:9). Kaya, naililigtas Niya tayo sa sukdulan, hindi lamang sa hangganan bagkus sa panahon din (7:25).

J. Ng Kapangyarihan ni Kristo

Ang ating walang hanggang kaligtasan ay tinitiyak din ng kapangyarihan ni Kristo. Sa Juan 10:28 at 29 tinitiyak sa atin ng Panginoon na hindi lamang ang kamay ng Ama ang nag-iingat sa atin mula sa paglipol bagkus pati na rin ang Kanyang kamay. Ang Ama ay malakas at Siya ay makapangyarihan. Walang sinumang makaaagaw sa atin sa kamay ng Ama ni sa kamay Niya. Tayo ay iniingatan ng dalawang dibinong kamay, ang kamay ng pag-ibig ng Ama at ang kamay ng biyaya ng Anak, na kapwa makapangyarihang makapag-iingat sa atin.

K. Ng Pangako ni Kristo

Sa katapus-tapusan, ang ating kaligtasan ay siniseguro ng pangako ni Kristo. Sinasabi ng Panginoong Hesus, “Ang lahat ng ibinigay sa Akin ng Ama ay magsisilapit sa Akin, at ang pumarito sa Akin sa anumang paraan ay hindi Ko itataboy” (Juan 6:37). Dito makikita natin na ipinangako ng Panginoon na hindi Niya kailanman tatanggihan o itatakwil ang sinumang lumapit sa Kanya. Lahat ng mga bersikulong ito ay lubhang malinaw at tiyak, nagbibigay ng isang solidong pundasyon para sa katiyakan ng ating kaligtasan. Walang makapagpapawalang-bisa sa mga malinaw na bersikulong ito. Kaya, lahat ng mga anak ng Diyos ay maaaring magkaroon ng wastong pananampalataya upang manampalataya na ang Kanyang pagliligtas ay magpasawalang hanggan.

Yaong mga naniniwalang maaaring mawala sa isang ligtas na tao ang kanyang kaligtasan ay tumutingin sa mga bersikulong gaya ng Hebreo 10:29, na nagsasabing “Gaano kayang kahigpit na parusa, sa akala ninyo, ang nauukol na ihatol, doon sa yumurak sa Anak ng Diyos, at nag-aring di-banal sa dugo ng tipang nagpabanal sa kanya, umalipusta sa Espiritu ng biyaya?” Dapat nating talakayin ang bersikulong ito nang maingat. Nagsasabi ito ng tungkol sa isang ligtas na tao, sapagka’t binabanggit nito ang isang napabanal sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Nguni’t ang gayong isa ay maaaring karapat-dapat sa mahigpit na parusa sapagka’t niyurakan niya ang Anak ng tao, inaring di-banal ang dugo ni Kristo, at inalipusta ang Espitritu ng biyaya. Walang alinlangan, ang Espiritu ng biyaya ay mabiyayang gumagawa sa loob niya, subali’t hindi niya pinakinggan ito.

Upang maunawaan ang bersikulong ito, dapat nating isaalang-alang ang ibig sabihin ng nilalaman simula sa bersikulo 25 na nagsasabi ng tungkol sa “hindi pinababayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba.” Katulad ng nakita na natin, ang pabayaan ng mga mananampalatayang Hebreo ang pagkakatipon ay nangangahulugang pinabayaan nila ang ekklesia upang bumalik sa Hudaismo upang maghandog muli ng mga hain at hayop. Pagkatapos ang bersikulo 26 ay nagsasabi ng tungkol sa pagkakasala nang sadya “pagkatapos na ating matanggap ang lubos na pagkaalam sa katotohanan.” Katulad ng natukoy na natin sa bagay na inihayag sa mga naunang kapitulo at bersikulo, na nagbibigay sa mga mananampalatayang Hebreo ng isang lubos na pagkaalam na pinawalang-bisa na ng Diyos ang lumang tipan at itinatag ang bagong tipan. Kung pagkatapos na matanggap ang kaalamang ito ay bumalik pa rin sila upang maghandog ng mga hain para sa mga kasalanan, sila ay nagkakasala nang sadya. Alam natin na ayon sa ekonomiya ng Diyos, wala nang haing natitira pa para sa kasalanan, sapagka’t ang lahat ng mga hain ng tinapos na sa pamamagitan ng natatanging hain ni Kristo. Sa pagsasaalang-alang sa bersikulo 29 sa ibig sabihin ng nilalaman nito, makikita na tumutukoy ito sa isang tunay na ligtas na tao. Lahat ng mga Hebreong Kristiyano ay ligtas, nguni’t nasa panganib sila ng pagpapabaya ng Kristiyanong pagtitipon, yaon ay pagpapabaya sa ekklesia, at pagbalik sa Hudaismo. Kung nagawa nila ito, karapat-dapat sila sa ilang pagpaparusa. Kahit na sinasabi ng bersikulong ito na ang ligtas na tao ay maaaring mawala, gaya ng pagkakapaliwanag niyaong mga sumusunod na ikalawang pagtuturo. Siguradong hindi ito tumutukoy sa walang hanggang kapahamakan kundi sa isang uri ng kaparusahan sa mga mananampalataya.

II. ANG WALANG HANGGANG KAPAHAMAKAN PARA SA MGA DI-MANANAMPALATAYA

Ang “mahigpit na parusa” sa 10:29 ay naiiba sa pagdurusa sa pangalawang kamatayan (Apoc. 20:6, 14; 21:8). Ang pagdusahan ang pangalawang kamatayan ay ang mapahamak sa dagat-dagatang apoy magpasawalang hanggan, yaon ay, ang magdusa ng walang hanggang kapahamakan. Ito ay napakaterible. Ang ilan ay nakikipagtalo ng walang gayong walang hanggang kapahamakan, nagsasabing ang Diyos ay pag-ibig at hindi na makita na ang Kanyang mga nilalang ay magdusa sa dagat-dagatang apoy magpasawalang hanggan. Subali’t tila nalilimutan nila ang Apocalipsis 14:10-11; 19:20; 20:10, 14-15 at 21:8. Sinasabi sa atin ng mga bersikulong ito na ang mga nawala, ang mga napahamak, ay magdurusa sa dagat-dagatang apoy magpasawalang hanggan. Ang Diyos ay Diyos. Kapag Siya ay umibig, Siya ay tunay na umiibig. Subali’t kung Siya ay mabagsik, Siya ay tunay na mabagsik. Yamang nahaharap sa gayong teribleng walang hanggang kapahamakan ang mga di-mananampalataya, tiyak na kailangan nila ang ebanghelyo.

III. ANG PAMPANAHUNANG PAGPAPARUSA
PARA SA MGA KABIGUAN NG MGA MANANAMPALATAYA

A. Ang Pagdidisiplina o ang Pagkakastigo ng Diyos

Bagama’t ang mga mananampalataya ay hindi mawawala, maaari silang magdusa ng ilang pampanahunang pagpaparusa para sa kanilang mga kabiguan (10:29). Sa mga araw na ito, narinig nating lahat ang pagtawag upang magsilapit at huwag umurong pabalik. Hindi sila mawawala, subali’t tutuusin sila ng Diyos, pasasailalim sa ilang pampanahunang pagdidisiplina. Sa Bibliya, ang pampanahunang pagpaparusa ay tinatawag na kastiguhin, pagdidisiplina o pagkakastigo. Ang pagpaparusa ng Diyos ay ang Kanyang pagdidisiplina. Kapag pinarusahan ng mga magulang ang kanilang mga anak, hindi ito nangangahulugang permanente na silang pinalayas. Sa halip, dinidisiplina ng mga magulang ang kanilang mga anak na may mabuting intensyon. May alam akong isang mag-asawang Kristiyano na binabalaan ang kanilang mga anak tungkol sa kanilang mga pampaaralang gawain. Sinabi nila sa kanilang mga anak na ang lahat ay naihanda na nila para sa kanila at responsabilidad nila ang magpakabuti sa paaralan. Kung katapusan ng pasukan at nakakuha sila ng markang “A,” tatanggap sila ng isang malaking gantimpala, subali’t kung sila ay bumagsak, ilalagay sila sa isang madilim na silid nang isang araw. Tinupad ng mag-asawang Kristiyano ang kanilang salita. Sa katapusan ng pasukan, ang bata na nakakuha ng markang “A” ay tumanggap ng isang gantimpala, samantalang yaong bumagsak ay tumanggap ng ilang parusa. Isa sa mga magulang ang nagdisiplina sa kanya, na lumuluha pa man ding nagsabi “Anak mahal kita subali’t kailangan kong gawin ito. Dapat kang pumasok sa silid na yaon nang isang araw at nang walang anumang kakainin.” Siya ay hindi nila itinapon. Ang madilim na silid na yaon ay ni hindi isang pansamantalang bilangguan—yaon ay isang maliit na silid ng pag-ibig. Ang mga magulang ng bata ay nagpakita ng mga pinakamainam na pag-ibig para sa kanya at sa sumunod na semestre, nakakuha rin siya ng mga markang “A” sa paaralan. Ito ay isang paglalarawan ng pampanahunang pagpaparusa.

Ang ating Ama sa langit ay mapagmahal at matalino. Sa palagay ba ninyo, palagi Niya tayong hahayaang mabigo? Mangyari pa ay hindi. Ano ngayon ang gagawin Niya kapag nabigo tayo? Bibigyan Niya tayo ng isang mapagmahal na pagdidisiplina at ilalagay tayo sa isang madilim na silid ng pag-ibig sa loob ng isang panahon. Doon, sa kadiliman, ang Kanyang mga anak ay didisiplinahin para sa kanilang ikabubuti.

B. Ang Ilan sa Kapanahunang Ito

Lahat ng magagaling na gurong Kristiyano ng Bibliya ay naniniwalang kinakastigo ng Diyos ang Kanyang mga anak. Sa Hebreo 12:5-11, mayroon tayong isang babala patungkol sa atin. Sinasabi sa mga bersikulo 5 at 6 na, “At inyong lubusang nilimot ang iniaral na nakikipagmatuwiran sa inyong tulad sa mga anak; anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang pagdidisiplina ng Panginoon, ni manlupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan Niya; sapagka’t dinidisiplina ng Panginoon ang Kanyang iniibig, at hinahampas ang bawa’t anak na Kanyang tinatanggap.” Ang salitang ito ay pangunahing tumutukoy sa pagdidisiplina ng Diyos sa kapanahunang ito. Ikaw ba ay isang anak ng Diyos? Kung ikaw nga, ikaw ay maaaring hampasin. Sinasabi sa bersikulo 7 na, “Kaya nagtitiis para sa disiplina; pinakikitunguhan kayo ng Diyos na tulad ng sa mga anak; sapagka’t alin ngang anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Nang isulat ang aklat na ito, ang mga mananampalatayang Hebreo ay nagdurusa ng pagkastigo. Sila ay pinakikitunguhan ng Diyos ng tulad sa mga anak. Bagama’t nadidisiplina ko ang sarili kong mga anak, hindi ko kailanman madidisiplina ang mga bata sa lansangan, sapagka’t sila ay hindi ko mga anak at wala akong kinalaman sa kanila. Ang bersikulo 8 nagpapatuloy, “Datapuwa’t kung wala kayong natanggap na disiplinang nabahagi ng lahat ng anak, sa gayon kayo ay mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak.” Kung wala tayong pagdidisiplina ng Ama, tayo ay mga anak sa labas. “Bukod dito, tayo ay nagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo ay disiplinahin at sila ay ating iginagalang; hindi ba lalong dapat tayong pasakop sa Ama ng mga espiritu, at sa gayon ay mabuhay? Sapagka’t tunay ngang dinidisiplina nila tayo ng ilang araw ayon sa kanilang minagaling; ngunit Siya ay sa kapakinabangan natin, upang tayo ay makabahagi ng Kanyang kabanalan” (bb. 9-10). Yamang ang kabanalan ay kalikasan ng Diyos, ang makabahagi ng kabanalan ng Diyos ay ang makabahagi ng Kanyang kalikasan. Ang pananatili ng mga mananampalatayang Hebreo sa Hudaismo ay ang pagiging hindi naibukod, hindi banal. Kinakailangan nilang maibukod tungo sa bagong tipan ng Diyos upang sila ay makabahagi ng banal na kalikasan ng Diyos. Para sa layuning ito, ang pag-uusig ay pinukaw upang disiplinahin sila nang sa gayon ay maibukod sila mula sa pagiging karaniwan tungo sa pagiging banal.

C. Ang Ilan sa Susunod na Kapanahuhan

Bagama’t lahat ng mga pundamental na guro ng Bibliya ay naniniwalang kinakastigo ng Diyos ang Kanyang mga anak, halos lahat sila ay nagsasabing ang kanyang pagkastigo ay sa kapanahunang ito lamang, hindi sa darating na kapanahunan, sinasabing tayo ay hindi kailanman kakastiguhin ng Diyos pagkatapos nating mamatay. Subali’t wala akong makitang ganitong pagtuturo sa Bibliya. Malinaw na inihayag ng Lucas 12:45-48 na kapag bumalik na ang Panginoong Hesus, kakastiguhin Niya ang Kanyang mga di-tapat na alipin. Sa luklukan ng paghahatol ni Kristo, lahat ng mga mananampalataya ay hahatulan hinggil sa kung paano sila namumuhay at kung ano ang nagawa nila pagkatapos na maligtas. Pagkatapos ang kahatulan ay gagawin kung sila ay tatanggap ng pagkastigo o hindi. Ito ay katulad ng katapusan ng pasukan kung saan ipinakikita ng mga anak sa kanilang mga magulang ang isang tala ng kanilang mga marka, at nagpapasiya ang mga magulang kung tatanggap ang kanilang mga anak ng premyo o isang parusa. Sa pagbabalik ng Panginoon, tayong lahat ay magpapakita ng ating tala sa Kanya, at Siya ay magpapasiya kung ano ang ating tatanggapin. Ang pagdidisiplina ng Diyos ay hindi lamang sa kapanahunang ito bagkus maging sa darating na kapanahunan din. Katulad ng natukoy na natin, ang susunod na kapanahunan ay kabilang pa rin sa lumang langit at lumang lupa. Kaya, maging ang darating na kapanahunan ng kaharian ay magiging isang panahon para tuusin ng Ama ang Kanyang mga anak.

Ang binabanggit sa 10:27-31 bilang isang babala ay hindi tumutukoy sa walang hanggang kapahamakan para sa mga di-mananampalataya kundi sa pampanahunang pagpaparusa ng Diyos sa Kanyang mga anak na hindi sumusunod sa Kanyang mga salita. Dapat tayong makatiyak na kapag nasa atin na ang kaligtasan ng Diyos, hindi na ito kailanman mawawala sa atin. Gayunpaman, kung hindi natin bibigyang-halaga ang salita ng Diyos, tayo ay parurusahan. Ang maparusahan ng Diyos ay hindi ang kamuhian Niya. Sa halip, ito ay isang tanda na iniibig tayo ng Diyos Ama. Dinidisiplina Niya ang Kanyang mga iniibig, hindi sila pinakikitunguhan na tulad sa mga anak sa labas kundi bilang mga mahal na tunay na anak. Tiyak na didisiplinahin tayo ng Ama.

Gaano natin dapat pasalamatan ang Panginoon na binuksan Niya ang Kanyang ekonomiya sa atin at binigyan Niya tayo ng mga babala upang makapagpatuloy tayo sa Kanyang ekonomiya! Kung hindi natin bibigyang-pansin ang mga babala ng Diyos, tayo ay parurusahan. Ang panahon ng ating kaparusahan ay lubusang nasa sa Kanya, wala sa atin. Ang mga magulang ang nakaaalam kung ano ang pinakamabuting panahon na tuusin ang kanilang mga anak. Pinagpapasyahan nila kung tutuusin kaagad nila o maghihintay muna. Gayundin, alam ng ating Ama ang tamang panahon upang tuusin tayo, kung sa panahong ito o sa darating na panahon. Malinaw at tiyak na ipinahahayag ng Lucas na 12:45-48; 19:22-26; Mateo 24:48-51; at 25:26-30 na kapag bumalik na ang Panginoong Hesus, tutuusin Niya ang Kanyang mga di-dapat na alipin.

Sa ngayon, dapat na malinaw na tayo na ang kaligtasang natanggap natin mula sa Diyos ay tiyak na magpasawalang-hanggan. Gayunpaman, dapat tayong maging maingat hinggil sa ating paraan ng pakikitungo sa Diyos pagkatapos nating maligtas, lalung-lalo na pagkatapos makatanggap ng lubos na pagkaalam ng katotohanan katulad ng pagkakabigay sa atin sa mga mensaheng ito sa Hebreo. Kung hindi tayo natutulungan ng mga mensaheng ito na makapagpatuloy, ang mga ito kung gayon ay magiging kapaki-pakinabang sa inyong kapakanan. Kung alam na natin ang kalooban ng Panginoon subali’t hindi ito ginagawa tayo ay papaluin pa nang higit. Subali’t kung hindi natin alam ang kalooban ng Panginoon at hindi ito gagawin, hindi tayo gaanong papaluin. Sinasabi sa Lucas 12:48, “Ngunit ang hindi nakaalam, subali’t gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga palo, ay tatanggap ng kaunting latay. Nguni’t sa sinumang binigyan ng marami, marami ang hihingin sa kanya; at sa kanya na marami ang pinagkatiwala, higit ang hihingin nila sa kanya.” Kung wala kayong puso upang makapagpatuloy sa Panginoon, higit na makabubuting wala kayong nalalaman. Subali’t hindi na tayo mga ignorante. Nawa bigyan nating lahat ng pansin ang babalang magsilapit at huwag umurong pabalik. Nawa ang ating panalangin ay maging, “Panginoong Hesus, tulungan Mo akong lumapit (come forward).”