PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE APATNAPU’T ANIM

ANG GANTIMPALA NG KAHARIAN AT
ANG PAGTATAMO NG KALULUWA

Sa ikaapat na babala sa aklat ng Hebreo (10:19-39), dalawang mahahalagang bagay ang binanggit—ang mahigpit na parusa (b. 29) at ang malaking gantimpala (b. 35). Ang dalawang pariralang ito ay kapwa mabigat at makahulugan; ang mga ito ang mga susi sa ikaapat na babalang ito. Ang sumulat ng sulat na ito ay hindi nagbibigay-pansin sa ating kaligtasan, sapagka’t ayon sa kanyang isinulat, ito ay pangwalang-hanggang tiyak. Ginawang napakalinaw ng sumulat na inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili upang alisin ang kasalanan ng minsan magpakailanman (7:27; 9:26, 28) at yaong nakamtan Niya para sa atin ang isang pangwalang-hanggang kaligtasan (5:9). Yamang pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Kabanal-banalan, nakamtan Niya para sa atin ang isang walang hanggang katubusan (9:12). Alam ng sumulat na ang ating kaligtasan ay ganap, lubusan, at kumpletong nakasisiguro at tayo ay ligtas na magpasawalang-hanggan. Gayunpaman, lubha siyang nag-aalala kung ang kanyang mga mambabasa ay tatanggap ng isang malaking gantimpala o magdurusa ng kaparusahan.

Sa buong itinagal ng mga siglo, hindi nakikita ng karamihan sa mga Kristiyano ang kaparusahan gayundin ang gantimpala. Maraming aklat ang tumatalakay tungkol sa gantimpala, sinasabing kung tapat nating sinunod ang Panginoon at ginawa ang Kanyang kalooban, tayo ay tatanggap ng isang putong bilang isang gantimpala. Gayunpaman, mahirap makahanap ng isang aklat na nagsasabi tungkol sa kabilang panig—kaparusahan. Ayaw hipuin ng karamihan sa mga Kristiyanong manunulat ang paksang ito, sapagka’t magsasanhi ito ng kahirapan sa kanila. Gayunpaman, ang “mahigpit na parusa” ay binanggit sa 10:29, at hindi natin ito maiwawalang-bahala. Maaaring tayo ay magdusa ng isang mahigpit na parusa o tatanggap ng isang malaking gantimpala.

Ang ating Diyos ay patas (fair), matuwid at matalino. Alam Niya kung paano hawakan ang lahat ng bagay at kung paano pakitunguhan ang Kanyang mga anak. Bilang ating matalinong Ama, mayroon Siyang makatarungang paraan ng pakikitungo sa atin, na Kanyang mga anak: gagantimpalaan Niya ang mga tapat at masunurin at parurusahan ang mga di-tapat at di-masunurin. Ayon sa karamihan sa mga pagtuturo, sa wari ay yaong mga tapat lamang ang ginagantimpalaan ng Diyos subali’t hindi pinaparusahan ang mga di-tapat. Ito ay hindi lohikal. Ang ating Ama ay higit na matalino kaysa rito. Ang sabihin na gagantimpalaan Niya ang mga tapat at didisiplinahin Niya ang mga di-tapat ay lohikal. Ang ating Diyos ay lohikal at malayunin, hindi gumagawa ng anumang bagay nang walang kahulugan. Ang malinaw na salita sa Kanyang orakulo ay tiyakang nagsasabi na kung tayo ay tapat, gagantimpalaan Niya tayo, subali’t kung hindi, parurusahan Niya tayo.

Hindi tayo dapat mag-alala ukol sa ating kaligtasan. Dapat tayong magkaroon ng katiyakan na ito ay walang hanggang segurado ayon sa Kanyang banal na salita. Gayunpaman, ang tanong ay ito: Paano tayo susunod sa Panginoon pagkatapos nating maligtas? Ikikilos ba natin ang ating mga sarili ayon sa kautusan ng buhay? Tayo ba ay magsisilapit sa Dakong Kabanal-banalan o waring pabalik sa Dakong Banal at maging sa labas na looban? Ito ay nasa atin. Kung magsisilapit tayo, tatanggap tayo ng isang gantimpala. Subali’t kung uurong tayo pabalik, magdurusa tayo ng kaparusahan, sapagka’t sinira natin ang pamahalaan ng Diyos at sinuway natin ang Kanyang kalooban. Tayong lahat ay dapat magsilapit sa ikalawang tipan at sumisid sa bagong tipang ekonomiya ng Diyos, nililimot ang ating mga kasalanan at iniuukol ang ating buong pansin sa kautusan ng buhay na gagawin tayong Kanyang pagpaparami (reproduction). Kung bibigyang-pansin natin ito, tiyak na pagpapalain Niya tayo. Nguni’t kung hindi natin bibigyang-pansin ito, sa halip uurong tayo pabalik, paparusahan Niya tayo ayon sa babala Niya. Isang seryosong bagay ang sirain ang pamahalaan ng Diyos. Kung ginagawa natin ito, sinusuway ang kautusan ng buhay, magdurusa tayo ng isang mahigpit na parusa kaysa roon sa mga sumuway sa kautusan ng mga titik. Kailangang makintalan tayo ng malalim ng bagay na ito “mahigpit na parusa” at ng “malaking gantimpala.” Marahil kailangan nating guhitan ang mga salitang ito sa Bibliya bilang isang paalala ng kanilang kahalagahan. Kinatawan ng mga salitang ito ang ating hinaharap na destinasyon. Alin sa dalawa—mahigpit na parusa o isang malaking gantimpala?

Hindi nakatitiyak ang Apostol Pablo kung mayroon siyang gantimpala hanggang sa katapusan ng kanyang buhay. Nang isalat niya ang aklat ng 1 Corinto, lubha siyang nag-aalala na maaari siyang ma-disaprubado sa makalangit na takbuhan (9:24-27). Maging nang isulat niya ang aklat ng Filipos, naghahabol pa rin siya tungo sa gol para sa gantimpala (Fil. 3:14). Tanging sa 2 Timoteo 4:7 at 8, na isinulat bago ang kanyang pagkamartir, lamang nagkaroon ng katiyakan na ang putong ng katuwiran ay sa kanya. Huwag kayong makatiyak na kayo ay nakatamo na ng gantimpala. Hindi pa ninyo natatapos ang inyong takbuhin.

Tayong lahat ay dapat na maging malinaw hinggil sa apat na salita: kaligtasan, kapahamakan, gantimpala, at kaparusahan. Ang gantimpala ay hindi ang kaligtasan; ito ay isang bagay na idinaragdag dito. Ang kaligtasan ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, samantalang ang gantimpala ay ayon sa buhay at gawa pagkatapos nating maligtas. Kung paanong ang gantimpala ay naiiba sa kaligtasan, gayundin ang kaparusahan ay naiiba sa kapahamakan. Katulad ng natukoy na natin, ang kapahamakan ay para sa mga di-ligtas habang ang kaparusahan ay para sa mga mananampalataya. Kaya, ang kaparusahan dito ay isang bagay na lubusang naiiba sa kapahamakan. Tayo ay ligtas na magpakailanman at hindi na kailanman mapapahamak. Ang mga mananampalataya ay may dalawang pagpipilian—kaligtasan o kapahamakan. Tayo na mga ligtas, ay dapat ding magsaalang-alang sa dalawang posibilidad—pagtanggap ng isang gantimpala o pagdurusa ng ilang pagpaparusa. Lahat ng mga banal sa pagbabawi ng Panginoon ay dapat na maging malinaw hinggil dito, sapagka’t ito ay isang bagay ng ekonomiya ng Diyos, isang bagay ng paraan ng pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak.

I. ANG WALANG HANGGANG KALIGTASAN

A. Sa Biyaya sa Pamamagitan ng Pananampalataya

Katulad ng malinaw na inihayag ng Efeso 2:8, ang walang hanggang kaligtasan ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, walang kinalaman sa ating mga gawa. Anuman ang ating nagawa, anuman ang ating ginagawa, at anuman ang ating gagawin ay hindi maka-aapekto sa ating kaligtasan. Ito ay lubhang isang biyaya ng Diyos sa pananampalataya sa Panginoong Hesus.

B. Hindi sa Pamamagitan ng mga Gawa

Ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng mga gawa (Efeso 2:9; Roma 11:6). Hindi ito nakasalalay sa kung ano ang ating ginagawa, kung ano tayo, ni kung paano natin ikilos ang ating mga sarili. Sapagka’t ito ay sa biyaya sa pamamagitan ng ating pananampalataya, hindi na ito sa pamamagitan ng ating mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi na biyaya.

C. Ang Naligtas ay Hindi na Kailanman Malilipol

Ang naligtas ay hindi na kailanman malilipol. Huwag bigyang-pansin ang pagtuturo na nagsasabing tayo ay maaaring maligtas at mawala nang muli’t muli. Ang Juan 10:28 at 29 ay isang malakas na salita ng paniniyak na ang mga naligtas ay hindi na kailanman malilipol. Sinabi ng Panginoong Hesus, “At sila ay binibigyan Ko ng walang hanggang buhay, at kailanman ay hindi sila malilipol, at walang sinumang aagaw sa kanila sa Aking mga kamay. Ang Aking Ama na nagbigay ng mga tupa sa Akin ay lalong dakila kaysa sa lahat, at walang sinumang makaaagaw sa kanila sa kamay ng Aking Ama.” Ang buhay na ating natanggap ay ang buhay na walang hanggan na walang makapupuksa. At mayroong dalawang kamay na humahawak sa atin, ang kamay ng kapangyarihan ng Panginoon at ang kamay ng biyaya ng Ama kung saan walang sinumang makaaagaw sa atin. Ang ating kaligtasan ay pangwalang hanggang siniseguro ng buhay na walang hanggan at ng dalawang kamay.

D. Ang Naligtas ay Maaaring Hindi Makatanggap ng Gantimpala
Kundi Magdusa ng Kalugihan

Inihahayag ng 1 Corinto 3:15 na ang naligtas ay maaaring hindi makatanggap ng isang gantimpala kundi “malulugi; gayunpaman siya ay maliligtas, lamang ay tulad sa pamamagitan ng apoy.” Kailangan nating bigyan ng hustong pansin ang bersikulong ito at ang ibig sabihin ng nilalaman nito. Sinasabi sa bersikulo 8, “Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawa’t isa ay tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang sariling pagpapagal.” Ipinakikita ng bersikulong ito na rito, hindi ito isang bagay ng kaligtasan kundi ng gantimpala. Sa bersikulo 12 makikita natin ang dalawang kategorya ng mga materyales na maaari nating gamitin sa pagtatayo: ginto, pilak, at mahahalagang bato—ang produkto ng kautusan ng buhay; kahoy, damo, at pinaggapasan—ang produkto ng laman. Ang mga bersikulo 13 at 14 ay nagpapatuloy, “Ang gawa ng bawa’t isa ay maihahayag; sapagka’t ang araw ang magsasaysay, dahilan sa ito ay inihahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawa’t isa kung ano yaon. Kung ang gawa ng sinuman na kanyang itinayo sa ibabaw niyaon ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.” Muli, hindi ito isang bagay ng kaligtasan kundi ng gantimpala. Kapag ang gawa ng isang tao ay natupok, siya ay malulugi, subali’t hindi siya magdurusa ng kapahamakan. “Siya ay maliligtas, lamang ay tulad sa pamamagitan ng apoy.” Lubhang maingat si Pablo sa pagsusulat sa bersikulong ito. Sinabi niya na maaari tayong malugi subali’t maliligtas pa rin. Sapagka’t maaari nating isipin na yamang maliligtas pa rin tayo ay wala nang suliranin, sinabi ni Pablo na tayo ay “maliligtas, lamang ay tulad sa pamamagitan ng apoy.” Hindi ko na kailangang ipaliwanag ang bersikulong ito. Basta tanggapin na lamang ninyo ito nang ganoon. Tiyak na hindi isang mabuting bagay ang maligtas ng “tulad sa pamamagitan ng apoy.” Hindi ko alam kung anong uri ng apoy yaon, sabali’t ayaw kong dumaan doon.

Ang sinasabi natin dito ay ang dalisay na salita ng Diyos. Katulad ng maling sinabi ng iba, hindi ito ang Katolikong doktrina ng purgatoryo. Yaon ay makadiyablo. Ang ginagawa natin dito ay sinisipi lamang ang dalisay na salita ng Diyos. Hindi tayo dapat pumulot at mamili ng mga bersikulo sa Bibliya ayon sa ating mga panlasa. Gusto ng bawa’t isa ang Juan 3:16 at marami ang nagsulat nito sa isang kwadro (scroll) na isinasabit sa dingding ng kanilang tahanan. Subali’t hindi ako kailanman nakakita ng isang kwadrong ang nakasulat doon ay ang 1 Corinto 3:15. Ang kapitulo tatlo ng 1 Corinto ay tungkol sa pagtatayo ng ekklesia. Sa ngayon ang Diyos ay may isa lamang pinagkakaabalahan—ang pagtatayo ng ekklesia. Kung tayo ay wasto sa Diyos sa bagay na ito, tayo ay tatanggap ng gantimpala. Kung hindi, tayo ay magdurusa ng kalugihan subali’t maliligtas “lamang ay tulad sa pamamagitan ng apoy.”

Ginagamit ng Hebreo 10:35 ang salitang “gantimpala,”at nagsasalita ang 10:27 tungkol sa “mababangis na apoy.” Higit pa rito, sinasabi sa 12:29 na “ang Diyos natin ay isa ring apoy na namumugnaw.” Hindi tinutuos nitong namumugnaw na apoy ang mga tapat, kundi ang mga di-tapat, at hindi ito para sa gantimpala kundi para sa kaparusahan. Katulad ng nakita na natin, ang gayong kaparusahan ay walang kinalaman sa walang hanggang kapahamakan. Dapat nating palaging makita (discern) ang kaibhan ng kaparusahan sa kapahamakan, katulad ng malinaw na pagkaalam (discern) natin sa kaibhan ng gantimpala sa kaligtasan.

II. ANG GANTIMPALA NG KAHARIAN

Ang gantimpalang binanggit sa bersikulo 35 ay ang gantimpala ng kaharian sapagka’t ibibigay ito sa atin para sa ating pagtatamasa sa darating na kaharian, hindi sa kapanahunang ito. Ngayon sa buhay-ekklesia, ang kaharian ay isang pagsasanay. Kung tayo ay tapat sa pagsasanay ng kaharian ngayon, tayo ay gagantimpalaan ng kaharian ng bilang isang pagtatamasa sa darating na kapanahunan. Pagkatapos, ito ay magiging gantimpala ng kapanahunan.

A. Sa Pamamagitan ng Katuwiran

Ang walang hanggang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya, subali’t ang gantimpala ng kaharian ay sa pamamagitan ng katuwiran. Sa 2 Timoteo 4:8, sinasabi ni Pablo na isang putong ng katuwiran, ang simbulo ng gantimpalang ito, hindi isang putong ng biyaya, ang natataan sa kanya. Kaya sa bersikulo 18 ng gayunding kapitulo, mayroon siyang katiyakan na ililgtas siya ng Panginoon tungo sa Kanyang makalangit na kaharian. Ito ay dahil sa kanyang katapatan sa pagsunod at paglilingkod sa Panginoon. Ang Panginoon, ang “matuwid na Hukom,” ang magbibigay sa kanya ng gantimpalang ito ng kaharian ayon sa Kanyang katuwiran hindi ayon sa Kanyang biyaya.

B. Ayon sa Gawa

Ang gantimpala ng kaharian ay magiging ayon sa ating mga gawa. Sa Mateo 16:27, ang Panginoong Hesus ay nagsabi na sa Kanyang pagbabalik, gagantimpalaan Niya tayo ayon sa ating mga gawa. Sa Apocalipsis 22:12 sinabi Niya, “Narito Ako ay madaling pumaparito, at ang Aking gantimpala ay nasa Akin upang gawaran ang bawa’t isa ayon sa kanyang gawa.” Katulad ng nakita na natin, sinasabi sa 1 Corinto 3:8 na tayo ay gagantimpalaan ayon sa ating pagpapagal. Ang walang hanggang kaligtasan ay walang kinalaman sa ating mga gawa, subali’t ang gantimpala ng kaharian ay lubusang ayon sa ating mga gawa na mayroon tayo sa pamamagitan ng buhay ng Panginoon pagkatapos na maligtas.

C. Pinagpapasyahan sa Pamamagitan ng Luklukan ng Paghahatol Ni Kristo

Ang gantimpalang ito ay pagpapasyahan sa pamamagitan ng luklukan ng paghahatol ni Kristo. Sinasabi sa 2 Corinto 5:10, “Sapagka’t tayong lahat ay kinakailangang mahayag sa luklukan ng paghahatol ni Kristo, upang tumanggap ng kaukulang ganti ang bawa’t isa para sa mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa ginawa niya, maging mabuti o masama.” Ang luklukan ng paghahatol ni Kristo ay itatatag sa Kanyang muling pagbabalik. Sa luklukan ng paghahatol, hahatulan ng Panginoong Hesus ang lahat ng Kanyang mananampalataya. Wala sa mga di-ligtas ang hahatulan sa panahong yaon, sapagka’t silang lahat ay hahatulan sa puting trono pagkaraan ng isang libong taon (Apocalipsis 20:11-15). Doon, sa luklukan ng paghahatol ni Kristo, ang pagpapasya ay gagawin hinggil sa kung anong gantimpala ang ating tatanggapin—ang pagtatamasa sa kaharian o ilang pagpaparusa.

D. Ibibigay sa Atin sa Pagbabalik ng Panginoon

Ang gantimpalang ito ay ibibigay sa atin sa pagbabalik ng Panginoon. Sa 1 Corinto 4:5 sinasabi ni Pablo, “Kaya nga huwag muna kayong magsihatol ng anuman bago pa dumating ang Panginoon, na Siyang magdadala sa kaliwanagan ng mga bagay na nalilihim sa kadiliman, at naghahayag naman ng mga haka ng mga puso; at kung magkagayon ang bawa’t isa ay tatanggap ng papuring mula sa Diyos.” Sa Kanyang pagbabalik, hahatulan ng Panginoon ang lahat ng bagay at gagantimpalaan Niya ang bawa’t isa sa Kanyang mga mananampalataya. Dapat tayong magbigay-pansin sa babala sa bersikulong ito. Sa Kanyang pagbabalik, ang Panginoon ang “magdadala sa kaliwanagan ng mga bagay na nalilihim sa kadiliman, at maghahayag naman ng mga haka ng puso.” Sa ngayon, maitatago natin ang mga bagay ng kadiliman at ang mga haka ng puso. Subali’t ang lahat ng ito ay madadala sa kaliwanagan at mahahayag sa pagbabalik ng Panginoon. Pagkatapos, lahat tayo ay tatanggap ng isang gantimpala na naaayon.

E. Tatamasahin sa Darating na Kaharian

Ang gantimpala ng kaharian ay tatamasahin sa darating na kaharian. Ang Mateo 25:31 at 23 ay kapwa nagsasabi, “Magaling, mabuti at tapat na alipin; naging tapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon.” Ayon sa ibig sabihin ng nilalaman ng Mateo, ang pumasok sa kagalakan ng Panginoon ay ang pumasok sa darating na kaharian. Ang mga tapat na alipin ay makikilahok sa kagalakan ng Panginoon sa kaharian bilang isang positibong gantimpala.

F. Pakikilahok sa Darating na Sabbath na Kapahingahan

Ang gantimpala ng kaharian ay ang makilahok sa darating na Sabbath na kapahingahan. Katulad ng nakita na natin sa mga nakaraang mensahe, itong darating na Sabbath na kapahingahan ay magiging ang kagalakan at paghahari ni Kristo sa darating na isang libong taon (Heb. 4:9; Apoc. 20:4-6). Doon sa isang libong taong kaharian, makikibahagi tayo sa kagalakan ni Kristo at makikilahok tayo sa Kanyang paghahari bilang mga hari.

G. Si Pablo Nagpagal para sa Gantimpalang Ito

Si Pablo ay nagpagal para sa gantimpalang ito. Sa 1 Corinto 9:24-27, sinasabi sa atin na tumatakbo siya sa takbuhan para sa gantimpala. Pagkatapos sa Filipos 3:13 at 14, siya ay tumatakbo pa rin sa takbuhan. Noon lamang panahon bago siya namartir niya nalaman nang tiyak na ang gantimpala ay naghihintay sa kanya at ang putong ng katuwiran ay nakahanda na para sa kanya at para sa lahat ng nagsisiibig sa pagpapakita ng Panginoon (2 Tim. 4:7-8).

H. Tinitigan ni Moises ang Gantimpalang Ito

Sapagka’t handa si Moises na pagdusahan ang kadustaan ni Kristo, tatanggap siya ng gantimpala ng kaharian (Heb. 11:26). Hindi siya pinayagang makapasok sa kapahingahan ng mabuting lupain dahil sa kanyang kabiguan sa Meriba (Blg. 11:12-13; Deut. 4:26-27; 32:50-52). Subali’t siya ay makakasama ni Kristo sa kaharian (Mat. 16:28-17:3). Sa pagtukoy rito, tiyak na nilayon ng sumulat na hikayatin ang mga mambabasa, na nagdurusa sa pang-uusig dahil kay Kristo, na sumunod kay Moises sa pamamagitan ng pagtuturing sa kadustaan ni Kristo na higit na malaking kayamanan kaysa sa mga kayamanang nawala sa kanila at sa pamamagitan ng pagtingin ng palayo tungo sa gantimpala.

I. Bilang Karagdagan sa Walang Hanggang Kaligtasan

Ang gantimpala ng kaharian ay karagdagan sa walang hanggang kaligtasan na binabanggit sa 5:9. Batay sa walang hanggang pagtutubos ni Kristo (9:12), ang walang hanggang kaligtasan ay ibinigay na sa atin nang walang bayad at pangwalang hanggan ayon sa walang hanggang pagpili ng Diyos sa atin. Yaon ay walang hanggang segurado. Gayunpaman, pagkatanggap sa walang hanggang kaligtasang ito, isang suliranin ang kung paano natin ikilos ang ating mga sarili. Kaya, ayon sa karunungan ng Diyos, bilang karagdagan sa walang hanggang kaligtasang ito, isang gantimpala ang ipinangako bilang isang pagganyak (incentive) sa atin upang tayo ay maging tapat sa ating pamumuhay sa pamamagitan ng Panginoon at sa ating paggawa para sa kanya.

Ang walang hanggang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya, walang kinalaman sa ating gawa (Efe. 2:8-9), samantalang ang gantimpala ng kaharian ay para sa ating mga gawa pagkatapos nating maligtas (1 Cor. 3:8-14). Maaaring hindi tayo makatanggap ng gantimpala ng kaharian kahit na tayo ay ligtas, sapagka’t wala tayong gawa na maaaprubahan ng Panginoon (1 Cor. 3:15). Ang mga mananapalatayang Hebreo ay inatasan dito na huwag palampasin ang gantimpala ng kaharian—ang darating na Sabbath na kapahingahan, ang pagtatamasa kay Kristo, at ang paghaharing kasama ni Kristo sa darating na kapanahunan.

J. Ang Pangako na Naiiba Mula sa Pangako
ng Walang Hanggang Mana

Ang gantimpala ng kaharian ay ang pangakong binanggit sa 10:36, naiiba mula sa pangako sa 9:5. Ang pangako sa 10:36 ay ang pangako ng Sabbath na kapahingahan na binanggit sa 4:9, kung saan makikibahagi tayo sa paghahari ni Kristo sa darating na kaharian. Yaon ang magiging gantimpala na binabanggit sa bersikulo 35 para sa ikaliligtas ng ating kaluluwa na binanggit sa bersikulo 39. Ito ay nakabatay sa ating pagtitiis at paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang pangako sa 9:15 ay ang pangako ng walang hanggang mana na batay sa walang hanggang katubusan. Ang walang hanggang mana ng pangako sa 9:5 ay sa pamamagitan ng walang hanggang pagtutubos ni Kristo, samantalang ang malaking gantimpala (b. 35) sa pangako sa 10:36 ay para sa ating gantimpala sa kalooban ng Diyos.

Ang kalooban ng Diyos na binanggit sa 10:36 ay ang tahakin ng mga mananampalatayang Hebreo ang bagong tipang daan (bb. 19-23) at manatili sa ekklesia (b. 25), hindi umurong pabalik sa Hudaismo (bb.38-39) kundi magtiis sa pag-uusig (bb. 32-34). Dahil dito ay kanilang matatanggap ang pangako ng isang malaking gantimpala sa pagbabalik ng Panginoon. Ang pangako ng walang hanggang mana ay kabilang sa walang hanggang kaligtasan ng Diyos. Ang pangakong matatagpuan sa 10:36 ay ang gantimpala para sa mga mandaraig, samantalang ang walang hanggang mana para sa lahat ng mga mananampalataya na nakatanggap ng walang hanggang kaligtasan.

Ang bersikulo 34 ay nagsasabi ng tungkol sa “isang pag-aaring lalong mabuti at tumatagal.” Ang pag-aaring ito na lalong mabuti at tumatagal ay “walang hanggang mana” at ang “manang hindi nasisira at walang dungis at di-kumukupas, na inilaan sa mga kalangitan” (1 Ped. 1:4). Sa ilalim ng lumang tipan, ang mga Hudyo ay nagmana ng mga panlupang bagay bilang kanilang pag-aari; subali’t sa ilalim ng bagong tipan, ang mga mananampalataya ay nagmana ng mga makalangit na kayamanan bilang kanilang pag-aari. Ang lalong mabuti at tumatagal na pag-aaring ito ay isang napakalaking pagganyak sa mga mananampalatayang Hebreo upang batahin ang pagkawala ng mga panlupang bagay.

Ang bersikulo 39 ay nagsasabi tungkol sa pag-urong pabalik sa kapahamakan. Para sa mga mananampalatayang Hebreo na umurong pabalik sa Hudaismo ay ang umurong pabalik sa kapahamakan na hindi ang walang hanggang kapahamakan, kundi ang kaparusahan ng Diyos na buhay. Ang kapahamakang binanggit dito ay ang kaparusahan, gaya ng binanggit sa mga bersikulo 27 hanggang 31, na darating doon sa mga taong magpapabago sa bagong tipan at babalik sa Hudaismo, sa gayon ay niyuyurakan ang Anak ng Diyos, inaari ang mahalagang dugo ni Kristo na karaniwan tulad ng dugo ng hayop, at inaalipusta ang Espiritu ng biyaya. Kung ang gantimpala ng kaharian ay isang positibong gantimpala, ang kaparusahan naman ay negatibo.

III. ANG PAGTATAMO NG KALULUWA

Ang bersikulo 39 ay nagsasabi ngtungkol sa “ikatatamo ng kaluluwa.” Ang Griyegong salita sa isinaling “ikatatamo (gaining)” ay maaari ring isaling “ikakaliligtas (saving),” “ikapapangalaga (preserving),” “ikaaari (possessing).” Napakakaunting Kristiyano ang nakaiintindi sa kahulugan ng pariralang ito. Tinutukoy ng ilan na ito ay para sa kaligtasan mula sa impiyerno (hell). Ito ay hindi eksakto. Ang pagtatamo ng kaluluwa ay naiiba sa kaligtasan ng ating espiritu. Sa 1 Corinto 5:5, na nagsasalita hinggil sa isang makasalanang kapatid na aalisin sa ekklesia, sinabi ni Pablo na, “ang ganyan ay ibigay kay Satanas sa ikawawasak ng kanyang laman, upang ang espiritu ay maligtas sa kaarawan ng Panginoon.” Maging ang isang natisod at makasalanang kapatid ay maliligtas ang espiritu sapagka’t ang kaligtasan ng espiritu ay walang hanggan. Gayunpaman, ang pagtatamo ng kaluluwa ay kundisyonal. Hindi na natin kailangan pang maging mga makasalanan upang maiwala ang kaluluwa. Kahit na tayo ay umurong lang mula sa ekonomiya ng Diyos, maiwawala na rin natin ito. Karamihan sa mga Kristiyano ay may isa lamang kaisipan—patungo sa langit o patungo sa impyerno, ang maligtas o mapahamak. Subali’t ang Bibliya at ang ating matalinong Ama ay hindi ganoon kasimple. Maraming paraan ang ating Ama sa pagtutuos sa atin. Katulad ng makikita natin, itong pagtatamo ng kaluluwa ay may kaugnayan sa gantimpala ng kaharian.

A. Upang ang Ating Buong Katauhan ay Magtamasa
sa Darating na Sabbath na Kapahingahan

Ang pagtatamo ng kaluluwa ay ang sanhiin ang ating buong katauhan na magtamasa sa darating na Sabbath na kapahingahan, yaon ay, ang makibahagi sa kagalakan at kaluwalhatian ni Kristo sa darating na kaharian (4.9). Ang ating katauhan ay may tatlong bahagi – espiritu, kaluluwa, at katawan (1 Tes. 5:23), at ang ating kaluluwa ay naiiba sa ating espiritu. Sa sandaling tayo ay manampalataya sa Panginoong Hesus at mangaligtas, ang ating espiritu ay isinilang na muli ng Espiritu ng Diyos (Juan 3:6). Subali’t kinakailangan tayong maghintay hanggang ang Panginoong Hesus ay bumalik upang matubos, maligtas, at mabagong anyo ang ating katawan (Roma 8:23-25; Fil. 3:21). Tungkol sa pagliligtas at pagtatamo ng ating kaluluwa, ito ay nakasalalay sa kung paano natin ito tinutubos sa pagsunod sa Panginoon pagkatapos na tayo ay matubos at maisilang-na-muli. Kung maiwawala natin ito para sa kapakanan ng Panginoon, ito ay maililigtas natin (Mat. 16:25; Lucas 9:24; 17:33; Juan 122:25; 1 Ped. 1:9), at ito ay maliligtas o matatamo sa pagbabalik ng Panginoon (Heb. 10:37). Ito ang magiging gantimpala (10:35) ng kaharian sa mga mandaraig na mga tagasunod ng Panginoon (Mat. 16:22-28).

B. Isang Malaking Gantimpala para sa Ating Pagdurusa
sa Pagsunod kay Kristo

Ang matamo ang ating kaluluwa sa darating na kapanahunan ay magiging isang malaking gantimpala (b. 35) para sa ating pagdurusa sa pagsunod kay Kristo sa kapanahunang ito. Kung pinahahalagahan natin ang katamasahan ng ating kaluluwa, ang mga pansikolohiyang kasiyahan, at hindi sumusunod nang tapat kay Kristo ngayon, magdurusa tayo ng pagdidisiplina ng Panginoon sa darating na kapanahunan. Kung handa tayong maiwala ang pagtatamasa ng ating kaluluwa sa kapakanan ng Panginoon ngayon, mapapasaatin ang ganap na pagtatamasa sa Panginoon para sa ating buong katauhan, lalung-lalo na para sa ating kaluluwa, sa darating na kapanahunan. Yaon ay magiging isang gantimpala para sa ating pagdurusa ngayon.

C. Nakasalalay sa Ating Pagwawala ng Kaluluwa
sa Kapanahunang Ito para sa Kapakanan ng Panginoon

Ang pagtatamo ng kaluluwa ay nakasalalay sa ating pagwawala nito para sa kapakanan ng Panginoon. Sa mga Ebanghelyo, maraming beses nang sinasabi sa atin ng Panginoon na kung sa kapanahunang ito ay iwawala natin ang ating mga kaluluwa para sa Kanyang kapakanan at para sa ebanghelyo, matatamo natin ito sa Kanyang pagbabalik sa susunod na kapanahunan (Mat. 16:25; Lucas 9:24; 17:33). Bagama’t ang mga bersikulong ito ay lubhang pamilyar sa napakaraming banal, kakaunti ang tunay na nakaaalam ng tunay na kahulugan ng mga ito. Bilang mga tao, mayroon tayong isang espiritu, subali’t tayo ay isang kaluluwa. Ang isang tao ay isang kaluluwa. Ang iwala ang ating kaluluwa sa kapanahunang ito, ay nangangahulugang magdusa para sa kapakanan ng Panginoon at para sa kagalakan ng ebanghelyo. Kapag tayo ay nagdurusa, ang ating buong katauhan ay nagdurusa. Nangangahulugan ito na iwinawala natin ang ating kaluluwa. Yaong mayayaman at nakaririwasa ngayon, nagtatamasa ng kanilang pisikal na buhay, ay may pagtatamasa sa kanilang kaluluwa. Kakaunting Kristiyano ang handang magbayad ng halaga upang estriktong makasunod sa Panginoon, sapagka’t ayaw nilang magdusa sa kanilang kaluluwa. Nais nilang tamasahin ang buhay nila ngayon, nagnanais ng magagarang kotse, malalaking bahay, at maraming makasanlibutang bagay. Ayaw nilang maiwala ang kanilang kaluluwa.

Ang iwala ang ating kaluluwa sa kapanahunang ito ay ang magdusa para sa kapakanan ng Panginoon sa isang pantaong paraan. Kung susundan natin ang ating Panginoon ngayon, tiyak na magdurusa tayo para sa Kanyang kapakanan. Sapagka’t ikaw ay isang tapat at matuwid na tagasunod ni Hesu-Kristo, maaaring hindi ka bigyan ng iyong mga guro ng mas mataas na marka, at maaaring hindi ka makatanggap ng pag-angat sa iyong trabaho. Maraming gayong bagay ang may kaugnayan sa pagwawala sa ating kaluluwa. Ang destinasyon natin sa kapanahunang ito ay ang iwala ang ating kaluluwa at ang lahat ng ating pantaong pagtatamasa. Ang pagwawala ng ating kaluluwa ngayon ang kahilingan (condition) ng ating pagtatamo nito sa ating susunod na kapanahunan. Ang matamo ang ating kaluluwa sa susunod na kapanahunan ay ang makapasok sa kagalakan ng paghahari ng Panginoon. Ayon sa talinghaga sa Mateo 25, sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga tapat na alipin, “Pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon.” Ang pumasok sa kagalakan ng Panginoon ay ang pumasok sa Kanyang paghahari sa darating na kaharian. Ang kapanahunang ito ay upang tayo ay magdusa; ang susunod na kapanahunan naman ay para sa ating pagtatamasa.

Dito sa dalawang huling mensahe, malinaw nating nakita ang mga bagay ng pampanahunang kaparusahan, ang gantimpala ng kaharian, at ang pagtatamo ng kaluluwa. Ang kaparusahang pagdurusahan ng mga talunang Kristiyano ay ang pagkawala ng kaluluwa. Kung sa kapanahunang ito ay tinatamo ninyo ang inyong mga kaluluwa, hindi handang magbayad ng halaga upang sundan ang Panginoon, maiwawala ninyo ang inyong kaluluwa sa pagbabalik ng Panginoon. Yaon ay isang magiging isang tunay na kaparusahan. Habang ang mga mandaraig ay pumapasok sa kagalakan at paghahari ng Panginoon, kayo ay isasa-isantabi. Ang iwala ang ating kaluluwa sa darating na kapanahunan ay hindi nangangahulugang tayo mismo ay mawawala. Ito ay nangangahulugang hindi makasama sa pagtatamasa at paghahari ni Kristo kapag Siya ay naghari sa mga bansa sa darating na isang libong taong kaharian. Yaong mga nagtatamo ng kanilang kaluluwa sa kapahununang ito at magwawala nito sa susunod ay hindi makakasama ni Kristo sa darating na kapanahunan ng kaharian. Kung maiwawala natin ang ating mga kaluluwa sa kapanahunang ito para sa kapakanan ng Panginoon, matatamo natin ito sa susunod at makapapasok kayo sa kagalakan at paghahari ng Panginoon, na may ganap na pagtatamasa ng pantaong buhay habang tayo ay kasama Niya sa paghahari sa mga bansa. Ito ay isang malaking gantimpala.

Nais ko ngayong magsalita pa nang higit hinggil dito sa gantimpala. Ang Bibliya ay lubhang hindi nagbabago hinggil dito. Ang pagtanggap ng gantimpala ay hindi lamang basta paggawa ng mabubuting gawa, pagluluwalhati sa Diyos, at pagtanggap ng isang premyo sa pagbabalik ng Panginoon. Sa isang pakahulugan, ito ang ating natural na konsepto ng gantimpala. Kailangan natin ngayong tingnan ang bagay na ito sa ibang paraan.

Ang pagtatamo ng kaluluwa ay katumbas ng isang pagpapasakdal, at ang pagpapasakdal ay katumbas ng pagluluwalhati. Ang maluwalhati, ang mapasakdal, at ang matamo ang ating kaluluwa sa susunod na kapanahunan ay pawang tumutukoy sa isang bagay—ang gantimpala. Ano nga ang gantimpala? Ito ang gol ng pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ng Diyos ay may gol. Ang gol na ito ay hindi yaong pupunta sa langit. Ang gol ng pagliligtas ng Diyos ay ang gawin tayong katulad ng Kanyang Panganay na Anak. Sinasabi sa Roma 8:29 na tayo ay “itinalaga naman Niya noong una pa na mapawangis sa larawan ng Kanyang Anak, upang Siya ang maging Panganay sa maraming magkakapatid.” Dito makikita natin ang gol ng Diyos—na ang Kanyang maraming anak, na maraming kapatid ni Kristo, ay mapawangis sa larawan ng Kanyang bugtong na Anak. Ang Diyos ay gumagawa ngayon upang dalhin ang maraming anak tungo sa kaluwalhatian, yaon ay, ang dalhin ang lahat ng ligtas tungo sa pagluluwalhati ng Panganay na Anak ng Diyos. Hindi tayo iniligtas ng Diyos na may gol na tayo ay pupunta sa langit, kundi yaong tayo ay matransporma at mawangis sa larawan ng Kanyang Anak upang ang Diyos ay magkaroon ng isang sama-samang kahayagan ng Kanyang Sarili magpasawalang-hanggan. Ito ang gol ng pagliligtas ng Diyos.

Sa Kanyang paunang pagkakita, nakita ng Diyos na marami sa Kanyang mga pinili na makikipagtulungan sa Kanya, hindi magbibigay sa Kanya ng pagkakataon na isagawa ang gol ng Kanyang pagliligtas. Kaya sa Kanyang karunungan, nagpasiya Siyang gawin ang gol ng Kanyang pagliligtas na isang gantimpala sa mga pinili at naligtas. Kung walang kahinaan, kakulangan, o kabiguan sa panig ng mga naligtas, wala ng pangangailangan ang Diyos na gawing isang gantimpala ang gol ng Kanyang pagliligtas, sapagka’t ang sinumang naligtas ay aabot sa gol na yaon. Subali’t yaon lamang nakikipagtulungan sa Kanya ang aabot sa gol, at ang gol na yaon ay magiging gantimpala sa kanila.

Isaalang-alang ang halimbawa ng mga anak ni Israel. Ang layunin ng Diyos sa pagtawag, pagliligtas at paglalabas sa kanila sa Ehipto ay ang gawin silang kaharian ng mga saserdote (Exo. 19:4-6). Bawa’t Israelita ay dapat na maging isang saserdote. Subali’t nang dumating sila sa bundok Sinai, hindi sila nakaabot sa gol ng Diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa ginintuang baka. Kaagad ang gol ng pagkasaserdote ay naging isang gantimpala para sa isang angkan, ang angkan ni Levi, na tumayo sa panig ng Diyos. Bagama’t ang labing-isa pang angkan ay hindi naglaho, hindi sila nakaabot sa gol ng pagliligtas ng Diyos. Ang pagkasaserdote, na gol para sa bawa’t angkan, ay naging isang gantimpala para sa isang lamang angkan.

Ang prinsipyo ay katulad din sa atin ngayon. Ang gol ng Diyos ay ang gawin tayong lahat na katulad ng Kanyang Panganay na Anak. Kung tayo ay nakikipagtulungan sa Diyos, gagawa Siya sa loob natin sa araw-araw, at araw-araw ay magtatamasa tayo kay Kristo sa sukdulan. Ito ang pinakamataas na pagtatamasa. Kung mayroon tayong ganitong pagtatamasa kay Kristo ngayon, kapag Siya ay dumating upang maghari tayo ay papasok sa paghahari bilang mga kasamang-hari (co-kings) at mga kasama (partners). Ito ang gol ng Diyos. Subali’t marami sa mga pinili ng Diyos ang hindi nakikipagtulungan sa Kanya sa gayong hangganan sa ngayon. Napapalampas nila ang ganap na pagtatamasa kay Kristo na maaari nilang makamtan ngayon. Bagama’t sila ay naligtas na, wala silang pagtatamasa kay Kristo, namumuhay sa araw-araw na gayundin na parang katulad niyaong mga walang Kristo. Bagama’t sila ay kay Kristo na, tinataglay nila Siya bilang kanilang buhay at tagapagligtas, hindi nila Siya binibigyan ng pagkakataon na mabuhay sa loob nila. Bilang resulta, napapalampas ang pagtatamasa kay Kristo ngayon at tiyak na hindi mararanasan ang pagtatamasa ng paghaharing kasama Niya sa isang libong taong kaharian. Dahil sa kanilang kapabayaan ngayon, hindi nila mararanasan ang gol ng pagliligtas ng Diyos sa darating na kapanahunan.

Yaong mga pinili ng Diyos na tumangging makipagtulungan sa Kanya ay hindi lamang mapapalampas ang pinakamataas na pagtatamasa kay Kristo ngayon at ang paghaharing kasama ni Kristo sa darating na kapanahunan, bagkus, sapagka’t lumabag sila sa kalooban ng Diyos at hindi sumunod sa Kanyang ekonomiya, sila ay Kaniya ring didisiplinahin. Ang disiplinang yaon, ang parusang yaon, ay dapat na maging isang babala sa kanila upang maghabol sa gol ng Diyos. Huwag mong sabihin sa iyong sarili, “Kung ako ay tamad at hindi makaabot sa gol ng Diyos, handa kong pagdusahan ang Kanyang disiplina. Pagkatapos ng pagdidisiplinang yaon ang lahat ay tapos na.” Hindi ito totoo. Matapos mapasailalim sa kaparusahan ng Diyos, kailangan mo pa ring maabot ang Kanyang gol. Sa malao’t madali, lahat ng pinili ng Diyos ay kailangang makaabot sa Kanyang gol. Halimbawang mayroon akong dalawang anak sa eskuwelahan. Ang isa sa kanila ay nakatanggap ng isang ekselenteng marka at nagtapos; ang isa ay hindi pumasa at hindi nakapagtapos. Dahil dito siya ay dinisiplina at inilagay sa isang silid ng isang araw. Sa palagay ba ninyo na pagkatapos niyang magdusa ng isang sandali ay hindi na niya kailangang mag-aral? Hindi, dapat din siyang maghabol sa Kanyang mga aralin. Ang layunin ng pagdidisiplina ay upang pilitin siyang mag-aral. Pagkatapos maparusahan, dapat pa rin siyang magbasa, mag-aral at tapusin ang lahat ng kanyang aralin; kung hindi, hindi siya makapagtatapos sa eskwelahan. Ang eskwelahan ay mapagpasensiya. Kung hindi siya papasa sa susunod na semestre, kailangan niyang gawin ito sa susunod. Ang intensyon ng mga magulang ay yaong ang lahat ng kanilang anak ay gumawa ng kanilang gawain sa eskwelahan at tumanggap ng isang gantimpala sa katapusan ng semestre, na magtamasang kasama nila bilang kasiyahan para sa kanilang kaluluwa. Subali’t maiwawala ng mga masuwaying bata ang gantimpalang ito, madidisiplina at sa kalaunan ay hihilinging tapusin ang kanilang mga aralin. Hindi sila bibitiwan ng kanilang mga magulang hangga’t hindi nila nakukumpleto ang gawain sa eskwelahan at makapagtapos. Ang punung-guro ng makalangit na eskwelahan ay napakapasensiyoso. Maghihintay Siya hanggang ang bawa’t mag-aaral sa Kanyang eskuwelahan ay magtapos at maitayo tungo sa Bagong Herusalem. Dapat abutin ng bawa’t mananampalataya ang Bagong Herusalem, ang sukdulang gol ng Diyos.

Ngayon ay dapat malinaw na tayo hinggil sa mga bagay ng gantimpala at kaparusahan. Ang pagliligtas ng Diyos ay may isang gol, dapat nating maabot lahat ito. Hindi nakikita ng karamihan sa mga Kristiyano kung ano ang gol ng Diyos sa Kanyang pagliligtas. Subali’t sa pamamagitan ng Kanyang awa, ang pangitain at pahayag ng gol ng pagliligtas ng Diyos ay ginawang napakalinaw. Tayong lahat ay dapat na makaabot dito sa pinakamataas na pagtatamo, ang gol na siyang gantimpala ng Diyos para sa mga tapat sa Kanya. Kung hindi tayo tapat sa Diyos, hindi natin mararanasan ang Kanyang gol sa darating na kapanahunan at magdurusa tayo ng ilang kaparusahan upang disiplinahin tayo nang sa gayon ay maabot natin ito. Para sa mga makaaabot sa gol sa ganitong paraan, hindi ito magiging isang gantimpala. Gaano natin dapat pasalamatan ang Panginoon sa Kanyang karunungan sa paggawa sa gol ng Kanyang pagliligtas na isang gantimpala. Ito ay isang malaking pagganyak para sa atin sa pagsunod sa Panginoon. Nawa tayong lahat ay sumunod sa Kanya hanggang sa isang antas kung saan tayo ay madadala sa gol ng Diyos at yaong ang Kanyang gol ay magiging ating gantimpala.