|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE APATNAPU’T PITO ANG NAMUMUKOD-TANGING DAAN NG PANANAMPALATAYA
Ang Hebreo, Roma, at Apocalipsis ay ang tatlong pinakamahusay ang pagkakabuong mga aklat sa Bagong Tipan. Sa tatlong ito, ang Hebreo ang pinakamahusay kung ang pagkakabuo (composition) ang pag—uusapan. Sa unang sampung kapitulo ng Hebreo, mayroon tayong isang malinaw, masusi at kumpletong paghahambing sa pagitan ng ekonomiya ng Diyos at relihiyon ng tao. Itong relihiyon na gawa ng tao ang bumibigo sa mga tao ng Diyos na magpatuloy ayon sa Kanyang ekonomiya. Dahil sa kabiguang ito, ang aklat ng Hebreo ay isinulat. Pagkatapos maglahad ng isang masusing paghahambing ng Hudaismo sa ekonomiya ng Diyos, ang aklat na ito ay nag-aatas sa lahat ng mananampalatayang Hebreo, na nasa panganib ng pag-urong pabalik, na mamuhay, lumakad at magpatuloy “sa pamamagitan ng paningin” (10:38-30), yaon ay, “hindi sa pamamagitan ng paningin” (2 Cor. 5:7). Pagkatapos, sa kapitulo labing-isa, nagpapatuloy ito sa pagbibigay ng kahulugan sa isang makasaysayang paraan kung ano ang pananampalataya. Halimbawang nagmamaneho ka ng isang sasakyan at napadako ka sa isang sangang-daan kung saan may dalawang karatula, isang nagsasabing ang kalsada ay sarado na at ang isa ay nagsasabing ang kalsada ay bukas. Papasok ba kayo sa kalsadang isinara na? Kung ginawa mo ito, may panganib ng pagkawala ng iyong buhay. Higit na mas mainam na pumasok sa bukas na daan. Ang malinaw na paghahambing na ibinigay sa unang kapitulo ng Hebreo ay isang karatula para sa ating pagmamaneho, ipinakikita kung anong daan ang nakasarado at anong daan ang nakabukas. Sa lumang daan ay may isang karatulang nagsasabing—Sarado, Tinapos na. Sa bagong daan ay may isa ring karatulang nagsasabing—Bukas, Kapapatay pa Lamang (Freshly Slain). Ang pagkakaibang ito ang pagtatapos nitong sampung kapitulo. Pagkatapos maglahad ng gayong pagkakaiba, sinabi sa atin ngayon ng sumulat na kunin itong bukas, kapapatay pa lamang na daan (freshly slain way)—ito ay sa pamamagitan ng natatanging daan ng pananampalataya. Bago isaalang-alang itong bagay ng pananampalataya, nais kong magsalita pa ng hinggil sa pagtatamo ng kaluluwa. Sinasabi sa Hebreo 10:39, “Ngunit hindi tayo nabibilang doon sa mga umuurong pabalik sa kapahamakan, kundi nabibilang doon sa mga may pananampalataya sa ikatatamo ng kaluluwa.” Ang Bibliya ang pinaka hindi nagbabagong aklat. Bagama’t marami itong aspekto at gumagamit ng ibang kataga, ang sentrong punto nito ay palaging hindi nagbabago. Ang mga katagang pagluluwalhati, pagpapasakdal, at ang pagtatamo ng kaluluwa ay pawang tumutukoy sa iisang bagay. Katulad nang nakita na natin, ang pagluluwalhati ay pagpapasakdal at ang pagpapasakdal ay pagtatamo ng kaluluwa. Tayo ang mga tagasunod ni Kristo ngayon. Kung susundin natin Siya ayon sa ekonomiya ng Diyos, dapat tayong magbayad ng halaga. Sa pantaong pagsasalita, upang makasunod sa Panginoon, dapat nating iwala ang mga pangkaluluwang pagtatamasa at ang makasanlibutang aliw. Ang iwala ang gayong bagay ay ang kahulugan ng iwala ang ating kaluluwa. Kung hindi tayo handang magbayad ng halaga upang iwala ang ating kaluluwa sa ngayon, nangangahulugang ayaw nating iwala ang anumang mga pangkaluluwang pagtatamasa o mga makasanlibutang aliw sa kapanahunang ito, hindi natin bibigyan ng anumang pagkakataon ang kautusan ng buhay na isagawa si Kristo sa loob natin. Ang iwala ang ating kaluluwa ngayon ay nangangahulugang binibigyan natin ang kautusan ng buhay ng pagkakataon na isagawa si Kristo sa loob ng ating katauhan. Nangangahulugan ito na hindi natin pinahahalagahan ang pamimili, pagpapabahay (housing), pagkain, pananamit, o anupamang uri ng aliwan, at pinahahalagahan lamang natin ang pagsasagawa ng kautusan ng buhay sa loob natin. Tayong lahat ay dapat na magsabi, “Handa akong magbayad ng anumang halaga upang ang kautusan ng buhay ay magkaroon ng pagkakataong isagawa si Kristo sa bawa’t bahagi ng aking katauhan.” Ito ang kahulugan ng mapasakdal. Ito ay para rin sa ating pagluluwalhati. Ang ating pagluluwalhati sa hinaharap ay ang pagtatamo ng ating kaluluwa. Kaya, ang pagpapasakdal, pagluluwalhati, at ang pagtatamo ng kaluluwa ay pawang tumutukoy sa iisang bagay. Sa 10:39 sinasabi ng sumulat, “hindi tayo nabibilang doon sa mga umurong pabalik sa kapahamakan.” Sapagka’t tayo ay nalinisan na ng mahalagang dugo ng Panginoon, naisilang-na-muli, at pinanahanan na ng Espiritu Santo, tayo ay magandang materyal para sa ekonomiya ng Diyos, at naisagawa na nang kautusan ng buhay si Kristo tungo sa loob natin. Kung hindi tayo magbayad ng halaga para rito at uurong pabalik, tayo ay handang mapapahamak bilang magandang materyal para sa ekonomiya ng Diyos, bilang materyal kung saan ang kautusan ng buhay ay makagagawa. Kung tayo ay magsisilapit, mananatili tayong magandang materyal upang maisagawa ng kautusan ng buhay si Kristo tungo sa ating buong katauhan. Sinisira ng pag-urong pabalik ang magandang materyal sa pamamagitan ng pangkaluluwang pagtatamasa, mga makasanlibutang aliw, at mga makarelihiyong gawain. Ang Griyegong salita na isinaling “napahamak” ay ang parehong salita para sa pagkasira. Nangangahulugan ito na kung bilang magandang materyal para sa pagsasagawa ng kautusan ng buhay, ay umurong kang pabalik mula sa ekonomiya ng Diyos, ikaw ay ganap na masisira kung ang pag-uusapan ay hinggil sa pagiging materyal. Noong mga nakaraang taon, marami akong pag-urong mula sa napapanahong (up-to-date) ekonomiya ng Diyos. Bagama’t nakita na nila ang pangkasalukuyang ekonomiya ng Diyos, hindi sila handang magbayad ng halaga para rito. Sila ay umurong at napahamak. Dapat tayong maging maingat hinggil dito. Ang mapahamak ay nangangahulugang inililigtas natin ang ating kaluluwa ngayon at iwawala ito sa hinaharap. Ito ay nangangahulugan ding ipagbili ang ating karapatan sa pagkapanganay ng pagluluwalhati, binibitiwan ang ating karapatan sa ganap na pagpapasakdal. Yaong mga magwawala ng kanilang kaluluwa sa hinaharap ay yaong mga hindi nagbibigay ng halaga sa kanilang pagpapasakdal, pagluluwalhati, at pagtatamo ng kanilang kaluluwa sa hinaharap. Pinahahalagahan lamang nila ang kanilang mga pangkaluluwang pagtatamasa ngayon. Kung handa tayong magbayad ng halaga upang iwala ang ating kaluluwa ngayon, matatamo natin ang ating kaluluwa at mapasasakdal at maluluwalhati tayo sa hinaharap. Bilang isang panghihikayat sa mga mananampalatayang Hebreo ngayon na magpatuloy ukol sa bagay na ito, sa katapusan ng kapitulo sampu, sinabi ng sumulat na tayo ay “nabibilang doon sa mga may pananampalataya sa ikatatamo ng kaluluwa.” Pagkatapos maglahad ng isang masusing paghahambing ng Hudaismo sa ekonomiya ng Diyos, inutusan ng sumulat ng Hebreo ang mga mananampalatayang Hebreo na magpatuloy sa pamamagitan ng pananampalataya. Kaagad pagkatapos nito ay sumunod ang kapitulo labing—isa, na tumatalakay sa natatanging daan ng pananampalataya. I. ANG NAMUMUKOD-TANGING DAAN NG PANANAMPALATAYA A. Upang Tanggapin ang Salita ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng Pananampalataya Sa aklat na ito ang pananampalataya ay unang binanggit sa mga kapitulo tatlo at apat. Sa 4:2 makikita natin ang pananampalataya ay ang namumukod-tanging daan upang tanggapin ang salita ng ebanghelyo. Ang wastong ebanghelyo ay ang ebanghelyo ng mga pamana (gospel of bequests). Kung ang sinuman ay tatanggap ng ebanghelyo ng mga pamana, dapat siyang magkaroon ng pananampalataya. Halimbawang may isang magbibigay sa iyo ng isang dokumento na nagsasaad ng isang malaking halaga ng salapi na nakadeposito sa iyong kwenta sa bangko (bank account). Upang matanggap ang dokumentong ito, dapat kang magkaroon ng pananampalataya. Kung wala kang pananampalataya, iyong sasabihin, “Ito ay isang pirasong papel lamang. Wala itong anumang kahulugan sa akin.” Kapag nagpapahayag tayo ng ebanghelyo, dapat nating lalinan ang mga tao ng pananampalataya sa isang hangganan na pinaniniwalaan nila ang anumang sinasabi natin sa kanila. Ang mga tao ay dapat magkaroon ng pananampalataya kung tatanggap sila ng ebanghelyo. B. Upang Kunin ang Diyos sa Pamamagitan ng Pananampalataya Ang Hebreo 6:1 ay nagsasabi ng tungkol sa “pananampalataya sa Diyos.” Sapagka’t hindi natin nakikita ang Diyos dapat natin Siyang kunin sa pamamagitan ng pananampalataya. Bagama’t ang Diyos ay dakila at kamangha-mangha, sinasabi ng ilang tao, para sa akin, bale-wala ang Diyos.” Kung mayroon tayong pananampalataya, ang Diyos ay lahat; kung tayo ay walang pananampalataya, Siya ay bale-wala sa atin. Sa tuwing inihahain natin ang Diyos sa mga tao, dapat natin silang malalinan ng pananampalataya; kung hindi, anuman ang ihain natin sa kanila ay magiging walang-kabuluhan. Upang makamtan ng mga tao ang Diyos, dapat silang magkaroon ng pananampalataya. C. Upang Makapasok sa Kapahingahan sa Pamamagitan ng Pananampalataya Ang Hebreo 4:3, na nagsasalita ng tungkol sa Sabbath na kapahingahan, ay nagsasabi, “Tayong nagsisisampalataya ay nagsisipasok sa kapahingahang yaon.” Ang ating paraan upang makapapasok sa Sabbath na kapahingahan ay sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang sinumang hindi nananampalataya ay hindi makakapasok dito. Para sa bagay na ito, dapat nating ensayuhin ang ating pananampalataya. D. Upang Manahin ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya Ang pananampalataya ay namumukod-tanging daan upang manahin natin ang mga pangako ng Diyos (6:12). Sa mga Kasulatan, binigyan tayo ng Diyos ng maraming pangako. Upang manahin ang mga pangakong ito, kailangan nating malalinan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Yamang karamihan sa mga bagay na ipinangako ng Diyos ay hindi pa nakikita o inaasahan pa lamang, kailangan natin ang pananampalataya upang masubstansya ang mga ito. E. Upang Pakaingatan ang Pasimula ng Katiyakan
Upang maingatan ang pasimula ng katiyakan (tiwala) nang matibay hanggang sa katapusan, dapat tayong magkaroon ng pananampalataya (3:14). Ang salitang “katiyakan” sa 3:14 ay nangangahulugang praktikal at aktuwal na pananampalataya, na mayroon tayo noong simula pa. Dapat nating ingatan itong praktikal at aktuwal na pananampalataya nang matibay hanggang sa katapusan, katulad ng ginawa natin noong pasimula. F. Upang Magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan
Dapat tayong magsilapit sa Dakong Kabanal-banalan at sa bagong tipang pamamahagi ng Diyos sa lubos na katuparan ng pananampalataya (10:22). Sa mga mensaheng ito marami na tayong nasabi tungkol sa ekonomiya ng Diyos. Kung isasara natin ang ating mga mata ng pananampalataya, hindi magkakaroon ng anumang bagay, at lahat ng ating nasabi ay magiging walang kabuluhan. Subalit kung eensayuhin natin ang ating pananampalataya, makikita natin kung gaano ang mayroon sa ekonomiya ng Diyos. Kung wala tayong pananampalataya ang lahat ng bagay ay wala. Nguni’t kung mayroon tayong pananampalataya, mayroong malaking kayamanang nag-aabang sa atin. Sa mensaheng ito nakita natin ang kautusan ng buhay. Dapat tayong magpatuloy sa pangitaing ito, hindi sa kaalaman sa relihiyon. G. Upang ating Ingatang Matibay ang Pagkakakilala
sa ating Pag-asa Ang ating pag-asa ay si Kristo. Ang Kanyang di-nasisirang buhay, na naibahagi sa loob natin kasama ang kautusan ng buhay nito na kumikilos, at ang Kanyang makahari at dibinong pagkasaserdote, kung saan naihahain Niya ang lahat ng mga kayamanan ng Diyos tungo sa loob natin, ay ang atin ding pag-asa. Ito ang dapat nating pagkakakilala. Kailangan nating ensayuhin ang ating pananampalataya na ingatang matibay itong pagkakakilala sa ating pag-asa ng hindi nag-aalinlangan. Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya natin matatanto ang pagkakakilala sa ating pag-asa sa loob ni Kristo. H. Upang Mabuhay sa Pamamagitan ng Pananampalataya
sa Pagdurusa Ang tahakin ang bagong tipang daan ng Diyos at ang sumunod sa Panginoon sa paraang ito ay nagsasanhi sa atin ng maraming pagdurusa sa mga materyal na bagay. Para rito, pinangakuan tayo ng Diyos ng isang malaking gantimpala (b.35) upang sa lupa ngayon tayo ay makapamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin. Ang buhay na sumusunod sa Panginoon sa ekonomiya ng Diyos ay isang buhay ng pananampalataya. I. Upang Matamo ang Kaluluwa sa Pamamagitan ng Pananampalataya Ang matamo ang kaluluwa sa darating na kapanahunan ng kaharian ay humiling na magkaroon tayo ng pananampalataya (10:39; 1 Pet. 1:9). Kung hindi natin bibigyang halaga ang mga pagtatamasa ngayon kundi ang sa darating na araw, dapat tayong magkaroon ng pananampalataya. Higit pa rito, kung tayo ay nakasisiguro na magkakaroon ng isang bagay na nakahihigit sa hinaharap at sulit naman na isakripisyo ang mga pagtatamasa at mga aliw ngayon upang makamit ito dapat tayong magkaroon ng pananampalataya. Katulad nang makikita natin, ang pananampalataya ay ang katibayan ng mga bagay na hindi nakikita. Sapagka’t hindi natin nakikita ang hinaharap, paano natin malalaman na may isang maluwalhating kinabukasan sa unahan natin? Nalalaman natin ito sa pamamagitan ng ating pananampalataya. Sa kaibuturan ko, ako ay ganap na kumbinsido na may isang maluwalhating kinabukasan na naghihintay sa akin. Ang katibayang ito ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya. J. Ang Babala Hinggil sa Isang Pusong Masama
Sa 3:12 at 19 tayo ay binabalaan hinggil sa pagkakaroon ng isang pusong masama na walang pananampalataya. Sa mga mata ng Diyos, walang isa na kasing sáma ng isa na hindi nananampalataya sa Kanya. Ang pusong di-nananampalataya ay pinakamasamang puso. Walang higit na nakaiinsulto sa Diyos kaysa sa ating kawalan ng pananampalataya, walang higit na nakapagpaparangal sa Kanya kaysa sa ating pananampalataya. Dapat nating sampalatayanan ang anumang sinasabi ng Diyos sa Kanyang salita. Kung ang ating puso ay hindi nananampalataya sa salita ng Diyos, sa Kanyang mga mata ito ay isang pusong masama na walang pananampalataya. II. ANG KAHULUGAN NG PANANAMPALATAYA A. Ang Pananampalataya Bilang ang Pagsusubstansiya ng mga Bagay na Inaasahan Ngayon dumako tayo sa kahulugan ng pananampalataya. Bagama’t ang pananampalataya ay natatanto sa loob ng ating katauhan, mahirap itong bigyan ng kahulugan. Ang pananampalataya ay pananampalataya lamang. Subali’t ang sumulat ng Hebreo, sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu Santo, ay nagsabi, “Ang pananampalataya ay ang pagsusubstansiya ng mga bagay na inaasahan, ang katibayan ng mga bagay na hindi pa nakikita” (11:1). Yamang ang pananampalataya ay ang pagsusubstansiya ng mga bagay na inaasahan, ito ang katiyakan, pagtitiwala, pagpapatibay, realidad, esensiya, nagtataguyod na batayan ng mga bagay na inaasahan, ang pinagsasaligan na nagtataguyod sa mga bagay na inaasahan. Ang salitang Griyego na isinaling “pagsusubstansiya” rito ay ang parehong salita sa “substansiya” sa 1:3, “katiyakan” sa 3:14, at pagtitiwala” (na nalalaman na ito ay nakapatong sa isang tiyak na saligan) sa 2 Cor. 11:17 (KJV). Ito ay maaari ring isaling pagpapatibay, realidad, esensiya (tumutukoy sa tunay na kalikasan ng mga bagay na salungat sa panlabas na anyo nito), pinagsasaligan, o nagtataguyod na batayan. Ginagamit ng King James Version ang “substansiya” sa halip na “pagsusubstansiya” sa bersikulong ito. Subali’t ang kahulugan dito ay hindi yaong sa solidong bagay. Ang salitang Griyego ay nagpapahiwatig ng pagkilos (action) at dapat gawing isang pandiwang makangalan (gerund), isang pandiwang pangngalan. Ang papel na kung saan ang mensaheng ito ay nakaimprenta ay isang substansiya. Subali’t sa pamamagitan ng paghawak dito ng inyong kamay, nasusubstansiya ninyo ito. Nadarama ninyo, natatanto at nagkakaroon kayo ng ganap na kamalayan dito. Ito ay isang akto ng pagsusubstansiya. Ang pananampalataya ay hindi isang pagsusubstansiya; ito ay isang pagsusubstansiyang pagkilos. Ang magkaroon ng pananampalataya ay hindi ang magkaroon ng isang nasusubstansiyang elemento (subatantial element); ito ay ang magkaroon ng isang kakayahang makapagsubstansiya (substantial ability). Bagama’t ang ilang mga bagay ay hindi nakikita, naririnig, o nahihipo, gayunpaman sa loob natin ay mayroon tayong kakayahang isubstansiya ang mga ito. Ito ang pananampalataya. Sinasabi sa Bibliya na ang sinumang manampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:15). Kapag narinig natin ang salitang ito, nadarama natin na naghahatid ito ng isang bagay na tunay, bagama’t walang nakakikita o nakahihipo rito. Gayunpaman, ang pananampalataya sa loob natin ang nagsusubstansiya sa kung ano ang ipinahihiwatig sa salitang ito. Ang Bibliya ay isang habilin (will) na puno ng mga pamana. Gayunpaman, sasabihin ng isang di-mananampalataya na ito ay walang katuturan. Para sa kanya, ang Bibliya ay basta lamang isang aklat na mahirap unawain. Subali’t para sa atin, na mga hinirang ng Diyos, ang Bibliya ay isang aklat ng mga pamana. Kapag narinig natin ito, may isang bagay sa loob natin na tumutugon upang substansiyahin ito. Ang substansiyang ito ay tinatawag nating pananampalataya. Paano ninyo malalaman na tayo ay may buhay na walang hanggan? Paano ninyo nalalaman na ang Panginoong Hesus ay nasa inyong espiritu? Nalalaman natin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Hindi natin maipaliwanag ni maipakita sa mga tao na si Kristo ay nananahan sa ating espiritu. Bagama’t hindi natin ito maipakita sa iba, nasusubstansiya natin ito para sa ating mga sarili. Ang pagsusubstansiyang ito ay hindi isang maliit na bagay; ito ay katulad ng isang ikaanim na pandama (sixth sense). Bawa’t isa sa limang pandama natin ay may isang kakayahan na makapagsubstansiya. Halimbawa, sinusubstansiya ng ating ilong ang mga amoy at sinusubstansiya ng ating mga mata ang mga kulay. Ang pananampalataya ay isang tiyak at partikular na pandama na karagdagan sa ating limang pandama. Ito ang pandama na kung saan nasusubstansiya natin ang mga bagay na hindi nakikita o inaasahan pa lamang. 1. Ang buhay ng Mananampalataya Bilang Isang
Buhay ng mga Bagay Ang buhay ng mananampalataya ay isang buhay ng mga bagay na inaasahan, isang buhay ng mananampalataya na kasabay at nanatiling kasama ng pananampalataya. (1 Pet. 1:21; 1 Cor. 13:13; Roma 4:18). Ang mga di-mananampalataya, bilang walang Kristo, ay walang pag-asa (Efe. 2:12; 1 Tes. 4:13). Nguni’t tayo, ang mga mananampalataya kay Kristo ay ang mga tao ng pag-asa. Ang pagtawag na ating natanggap mula sa Diyos ay nagdadala sa atin ng pag-asa (Efe. 1:18; 4:4). Tayo ay isinilang-na-muli “tungo sa isang buháy na pag-asa” (1 Pet. 1:3).Ang ating Kristo, na nasa loob natin, ay ang “pag-asa nang kaluwalhatian” (Col. 1:27; 1 Tim. 1:1), na magreresulta sa pagtutubos, sa pagbabagong-anyo ng ating katawan sa kaluwalhatian (Roma 8:23-25). Ito ang “pag-asa ng kaligtasan” (1 Tes. 5:8), isang “pinagpalang pag-asa” (Tito 2:13), isang “mabuting pag-asa” (2 Tes. 2:16), “ang pag-asa sa buhay na walang hanggan” (Roma 1:2; 3:7), na siyang “pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 5:2), “ang pag-asa ng ebanghelyo” (Col. 1:23), “ang pag-asang natataan sa atin sa mga kalangitan” (Col 1:5). Dapat natin panatilihing palagi ang “pag-asang ito” (1 Juan 3:3), at “ipagmapuri ito” (Roma 5:2). Ang ating Diyos ay ang Diyos ng pag-asa (Roma 15:13), at “sa pamamagitan ng pagpapalakas-loob ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pag-asa” (Roma 15:4) “sa Diyos” sa lahat ng panahon (1 Pet. 1:21) at “mangagalak sa pag-asang ito” (Roma 12:12). Ang aklat na ito ng Hebreo ay nag-aatas sa atin na “ating pakaingatan ang kalakasang-loob at ang pagmamapuri sa pag-asa ng matibay hanggang katapusan” (b. 36), “magpakita ng gayon ding sigasig sa ikalulubos ng katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan” (6:11), at manangan sa pag-asang naglalagay sa ating unahan” (6:18). Ito ay nagsasabi sa atin na ang bagong tipan ay naghahatid ng “isang lalong magaling na pag-asa, na sa pamamagitan nito ay nagsisilapit tayo sa Diyos” (7:19). Ang buhay natin ay kinakailangang maging isang buhay ng pag-asa, na kasabay at nananatiling kasama ng pananampalataya (1 Pet. 1:21; 1 Cor. 13:13). Dapat nating sundan si Abraham “na sa kawalang pag-asa ay nananalig sa pag-asa” (Roma 4:18). 2. Ang Pananampalataya Sinusubstansiya ang mga
Bagay na Ang lahat ng bagay na ating inaasahan ay sinusubstansiya ng ating pananampalataya. Kung may pananampalataya, ang lahat ng ito ay tunay; kung walang pananampalataya, ang lahat ng ito ay pawang walang-kabuluhan. Kailangan nating kaugnayin ang Diyos para sa paglalalin Niya ng pananampalataya upang masubstansiya natin ang lahat ng mga ipinangako Niya bilang ating pag-asa. B. Ang Pananampalataya Bilang ang Katibayan ng mga Bagay na Hindi pa Nakikita Sinasabi sa bersikulo 1 na ang pananampalataya ay “ang katibayan ng mga bagay na hindi pa nakikita.” Ang salitang Griyego na isinaling “katibayan” ay maaari ring isaling “ebidensiya” o “pruweba”. Ang salitang katibayan ay nagpapahiwatig ng pagkilos. Kaya, ang pananampalataya ay hindi ang substansiya, kundi ang katibayan, pagkilos, ebidensiya, at pruweba ng mga bagay na hindi nakikita. Lahat ng mga bagay na inaasahan ay hindi nakikita (Roma 8:24-25). Kung anumang bagay ay nakikita hindi na kailangang asahan pa natin ito. Bilang mga tao ng pag-asa, hindi natin dapat iukol ang ating buhay sa “mga bagay na nakikita,” kundi sa “mga bagay na hindi nakikita; sapagka’t ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, bagama’t ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan (2 Cor. 4:18). Kaya, “magsisilakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin” (2 Cor. 5:7). Nilalayon natin ang Dakong Kabanal-banalan at ang Bagong Herusalem, na alinman sa mga ito ay hindi makikita. Gayunpaman, mayroon tayong ganap na katibayan nitong mga bagay na hindi nakikita. Tinitiyak sa atin ng pananampalataya ang mga bagay na hindi nakikita, nakukumbinsi tayo sa hindi natin nakikita. Kaya, ito ang ebidensiya, ang katibayan ng mga bagay na hindi natin nakikita. Ang pananampalataya, na siyang paraan upang matanto at matamasa ang mga bagay ng Diyos, ay hindi isang bagay ng ating natural na katauhan. Ito ay isang dibinong katangian na inilalin sa atin. Ang wastong pananampalataya ay ang dibinong elemento maging ang Diyos Mismo, na nailalin sa ating katauhan bilang ang kakayahan na masubstansiya ang mga bagay na hindi natin nakikita. Itong nailalin na elemento ay ang ating kakayahang sumubstansiya. Kapag kinakaugnay natin ang Diyos at nakikinig sa Kanyang salita, ang kakayahang sumubstansiya na nailalin sa ating katauhan ng Diyos Mismo ay kusang-kusa na nagsisimulang matanto ang mga bagay ng Diyos, ang mga bagay na inaasahan, at ang mga bagay na hindi nakikita, at simple lamang tayong manampalataya. Gaya ng nakita na natin, ang pananampalataya ay isang espesyal na pandama na karagdagan sa natural na pandama na nagmula sa ating natural na pagkasilang. Ang pandamang ito ang nagsusubstansiya sa mga bagay ng Diyos, ng mga bagay na hindi natin nakikita. Yamang ang buhay-Kristiyano ay ang buhay ng pag-asa at sa buhay nila ito nilalayon ang mga bagay na hindi nakikita. Kailangan pa natin ng higit na pagsasalin at paglalalin ng Diyos upang magkaroon tayo ng kakayahan, ng pananampalataya, na masubstansiya ang mga bagay na inaasahan at upang magkaroon ng katibayan ng mga bagay na hindi pa nakikita.
|