PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE APATNAPU’T WALO

ANG KASAYSAYAN NG PANANAMPALATAYA
AT ANG MGA SAKSI NITO

Ang Hebreo 11 ay isang kapitulo tungkol sa pananampalataya kasama ang kasaysayan nito. Magmula sa mga bersikulo 3 hanggang 40, naglalahad ito ng isang maikling kasaysayan ng pananampalataya—mula sa paglikha ng Diyos, patuloy sa lahat ng mga henerasyon ng mga hinirang na tao ng Diyos, hanggang sa lahat ng mga bagong tipang mananampalataya, na mapasusukdol sa Bagong Herusalem sa kawalang-hanggan—upang patunayan ng mga naghahanap sa Diyos ang namumukod-tanging daan upang matanggap ng mga naghahanap sa Diyos ang Kanyang pangako at matahak ang Kanyang daan. Habang binibigyang-inspirasyon Niya ang pagsusulat ng mga kapitulong ito, ang Espiritu ay tiyak na may isang gayong pananaw. Ang bawa’t isang kabilang sa kasaysayan ng pananampalatayang ito ay isang saksi. Kaya, ang Hebreo 11 ay hindi lamang isang kapitulo tungkol sa pananampalataya kasama ang kasaysayan nito, bagkus kasama rin ang mga saksi nito. Ang salitang “saksi” rito ay tumutukoy sa tao na nagpapatotoo, hindi sa patotoo. Sa Griyego ang salita para sa saksi ay katulad ng salita para sa martir. Bawa’t saksi ay isang martir, nagdurusa ng pagkamartir para sa patotoo ng pananampalataya. Sa kapitulong ito nakababasa tayo ng maraming martir (bb. 32-39). Ang ilan ay binato at ang iba ay nilagari ng pahati. Sa mensaheng ito, isasaalang-alang natin ang kasaysayan natin ang kasaysayan ng pananampalataya, higit na nagtutuon ng pansin sa pagtatapos ng kasaysayang ito, na lubhang may kaugnayan sa atin.

I. SA PAG-UNAWA SA PAGTATATAG
NG SANSINUKOB SA PAMAMAGITAN NG SALITA NG DIYOS

Sinasabi sa bersikulo 3, “Sa pamamagitan ng pananampalataya ay natatalastas natin na ang sansinukob ay naitatag sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa’t ang nakikita natin ay hindi umiral mula sa mga bagay na nakikita.” Ang mga iskolar ay gumugol ng maraming panahon sa pagtatangkang malaman kung paano natin naitatag ang sansinukob. Ang lahat ng kanilang mga panukala ukol dito ay walang katuturan. Ang sansinukob ay naitatag sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Ang Diyos ay nagsalita at ito ay umiral. Hindi natin nalalaman ito sa pamamagitan ng ating limang pandama; nalalaman natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya, sa pamamagitan ng ating nagsusubstansiyang pandama.

II. KAY ABEL, NAGHANDOG
NG ISANG LALONG MABUTING HAIN

Sinasabi sa bersikulo 4, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Abel ay naghandog sa Diyos ng lalong mabuting hain kaysa kay Cain, na sa pamamagitan nito, natamo niya ang patotoo na siya ay matuwid , na nagpapatotoo ang Diyos sa kanyang mga kaloob, at sa pamamagitan nito, bagama’t patay na siya ay nagsasalita pa.” Ayon sa tipolohiya, ang lalong mabuting hain ni Abel ay isang sagisag ni Kristo na Siyang tunay na “lalong mabuting hain” (9:23). Sa ating pagbabasa ng Hebreo, makikita natin na tanging si Kristo Mismo ang lalong mabuting hain. Sa pamamagitan ng pananampalataya, inihandog ni Abel ang gayong isang mabuting hain.


III. KAY ENOC, INILIPAT
UPANG HINDI MAKITA ANG KAMATAYAN

Sinasabi sa bersikulo 5, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Enoc ay inilipat upang hindi makita ang kamatayan, at hindi nasumpungan, sapagka’t siya ay inilipat ng Diyos. Sapagka’t bago siya inilipat ay natamo niya ang patotoo na siya ay kalugud-lugod sa Diyos.” Si Enoc ay hindi lamang inilipat mula sa kamatayan kundi mula sa pagkakita sa kamatayan.

IV. KAY NOE, NAGHANDA NG ISANG ARKA
PARA SA KALIGTASAN

Sinasabi sa bersikulo 7, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Noe, nang bigyang-babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang arka para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan, na sa pamamagitan nito ay kinondena niya ang sanlibutan at naging tagapagmana ng katuwirang ayon sa pananampalataya.” Isaalang-alang ang situwasyon ni Noe: habang nagtatayo siya ng isang arka para sa isang bahang darating, walang sinumang naniwala sa kanya. Ang langit ay maaliwalas at walang sinumang nag-aalala na may bahang darating. Gayunpaman, nasusubstansiya ang darating na baha sa pamamagitan ng pananampalataya, itinayo ni Noe ang arka.

V. KAY ABRAHAM

Si Abraham ay tinawag na ama ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng pananampalataya, tumalima siya sa pagtawag ng Diyos na lisanin ang kanyang bayang sinilangan, nanahan bilang isang dayuhan sa lupang pangako (bb. 8-9). Si Abraham ay tumalima sa Diyos at pumaroon sa Caldea “na hindi nalalaman kung saan siya paroroon.” Ito ay nagbigay sa kanya ng madalas na pagkakataon upang ensayuhin ang kanyang pananampalataya na magtiwala sa Diyos para sa kanyang kagyat na pangunguna, ginagamit ang presensya ng Diyos bilang Kanyang mapa. Sinasabi sa bersikulo 10 na sa pamamagitan ng pananampalataya, hinintay ni Abraham “ang lungsod na may pundasyon, na ang Arkitekto at Tagagawa ay ang Diyos.” Ito ay “ang lunsod ng buháy na Diyos, ang makalangit na Herusalem” (12:22), “ang Herusalem na nasa itaas” (Gal. 4:26), “ang banal na lungsod, ang Bagong Herusalem” (b. 16), at “ang tabernakulo ng Diyos” kung saan ang Diyos ay nananahan kasama ng mga tao magpasawalang-hanggan (Apoc. 21:13). Kung papaanong hinintay ng mga patriarka ang lunsod na ito, gayundin natin hinahanap ito (13:14).

Si Abraham ay kumilos din sa pamamagitan ng pananampalataya sa paghahandog kay Isaac, “na itinuring na maging sa gitna ng mga patay ay makakaya siyang buhaying-muli ng Diyos; mula riyan din naman ay muli niyang tinanggap siya sa isang halimbawa” (bb. 17-19). Ang bersikulo 12, na tumutukoy kay Abraham, ay nagsasabi, “Kaya naman may naisilang mula sa isa, at ang isang yaon ay tila patay na, tulad sa mga bituin sa langit sa karamihan, at gaya ng mga buhangin sa dalampasigan na di-mabilang. Ang mga bituin sa langit ay sumasagisag sa mga makalangit na inapo ni Abraham, ang mga inapo sa pananampalataya (Gal. 3:7, 19); samantalang ang “buhangin sa dalampasigan” ay sumasagisag sa kanyang mga panlupang inapo, ang mga inapo sa laman.

Ang bersikulo 13, na nagsasabi tungkol kay Abraham at sa iba pang patriarka, ay nagsasabi, “nangamatay ang lahat ng mga ito, na hindi nakamtan ang lahat ng mga pangako, nguni’t pagkatanaw sa kanila mula sa malayo at binati, at kanilang ipinahayag na sila ay pawang estranghero at manlalakbay sa ibabaw ng lupa.” Ang salitang Griyego na isinaling “manlalakbay” ay maaari ring isaling “mga patapon,” “mga itinapon mula sa sariling bansa.” Si Abraham ang kauna-unahang Hebreo (Gen. 14:13), isang mananawid-ilog, iniwan ang Caldea, ang isinumpang lupain kung saan sinasamba ang mga diyus-diyosan, tinawid ang baha, ang ilog ng Perath o Eufrates (Jos. 24:2-3), at dumating sa Canaan, ang mabuting lupa ng mga pagpapala. Nguni’t hindi siya tumira rito, sa halip siya ay naglakbay sa lupang pangako bilang isang manlalakbay, samakatuwid ay isang ipinatapon, isang itinapon mula sa sariling bansa, na nagnanasa ng isang lalong magaling na bayan, yaon ay, makalangit (b. 16), naghahanap ng isang lupain na kanilang sarili (b. 14). Ito ay maaaring nagpapahiwatig na siya ay handang tumawid sa iba pang ilog, mula sa panlupang panig tungo sa makalangit na panig. Sina Isaac at Jacob ay sumunod din sa kanya sa gayunding hakbang, namumuhay sa lupa bilang mga estranghero at manlalakbay at naghihintay sa itinayo-ng-Diyos na lunsod na may mga pundasyon (b. 10). Sa mga salita sa bersikulo 9 hanggang 16, ito ay maaaring nagpapahiwatig na ang manunulat ng aklat na ito ay naglayon na makintalan ang mga mananampalatayang Hebreo ng katotohanan na sila bilang mga tunay na Hebreo ay dapat sumunod sa kanilang mga ninuno, ibinibilang din ang kanilang mga sarili na mga estranghero at mga manlalakbay sa ibabaw ng lupa at umaasa sa makalangit na bayan, na lalong magaling kaysa sa panlupa.

VI. KAY SARA, NAGLIHI NG BINHI

Sinasabi sa bersikulo 11, “Sa pamamagitan din ng pananampalataya si Sara mismo ay tumanggap ng lakas upang maglihi ng binhi, bagama’t lipas na ang kanyang gulang, sapagka’t inari niyang tapat ang Nangako.” Si Sara ay naging isang matandang babae na tumigil na ang pangsyon; subali’t sa gitna ng kanyang situwasyon, nanampalataya siya sa salita ng Diyos.

VII. KAY ISAAC, PINAGPALA SINA JACOB AT ESAU

Sinasabi sa bersikulo 20, “Sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinagpala sina Jacob at Esau, maging tungkol sa mga bagay na darating.” Kung babasahin ninyo ang kasaysayan ni Isaac, makikita ninyo na siya ay isang hindi listong tao; napakapangkaraniwan, at walang anumang espesyal na bagay hinggil sa kanya. Gayunpaman, gumawa siya ng isang bagay na kamangha-mangha—pinagpala niya ang kanyang dalawang anak na lalake, sina Jacob at Esau. Bagama’t bulag niya silang pinagpala, ginawa niya ito sa pananampalataya.

VIII. KAY JACOB

Sinasabi sa bersikulo 21, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, pinagpala ni Jacob, nang mamamatay na siya, ang bawa’t isa sa mga anak ni Jose.” Nang pagpalain ni Jacob ang mga anak ni Jose, hindi lamang niya ito ginawa sa pamamagitan ng pananampalataya bagkus ng may napakalinaw na paningin din. Ang kanyang panloob na paningin ay lubhang malinaw. Nang tangkain ni Jose na palitan ang kanyang mga kamay, na hindi nalulugod na ang kanang kamay ni Jacob ay nakapatong kay Ephraim sa halip na nakapatong kay Manases na panganay, tumanggi si Jacob at sinabi, “Talastas ko, anak ko, talastas ko” (Gen. 48:15-19). Alam ni Jacob ang ginawa niya at pinagpala ang mga anak ni Jose sa pamamagitan ng pananampalataya.

Sinasabi rin ng bersikulo 21 na si Jacob ay “sumambang nakahilig sa puno ng kanyang tungkod.” Ito ay napakamakahulugan, sumasagisag na ipinahayag ni Jacob na siya ay isang manlalakbay, isang manlalakbay sa lupa (b. 13). Kapag tayo ay may tinitigilan na, hindi na natin kailangang magdala ng isang tungkod sa ating kamay, sapagka’t yaon ay isang tanda ng pagiging isang manlalakbay, hindi ng isang mananahan. Ang tungkod ni Jacob ay sumasagisag din na ang Diyos ang kanyang pastol, na nagpapastol sa kanya sa buong buhay niya (Gen. 48:15). Ito ang dahilan kung bakit ang pagsamba, pahilig sa puno ng kanyang tungkod, ay nakatala rito bilang isang bagay ng pananampalataya.

IX. KAY JOSE

Sinasabi sa bersikulo 22, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, naalala ni Jose, nang malapit na siyang mamamatay, ang tungkol sa paglabas sa Ehipto ng mga anak ni Israel, at nagbigay ng mga utos ukol sa kanyang buto.” Naalala ni Jose ang darating na paglabas ng mga anak ni Israel at inatasan silang dalhin ang kanyang mga buto palabas ng Ehipto at papasok sa Canaan. Nangangahulugang ito ng dakilang pananampalataya. Nang ang mga Israelita ay pumasok sa Canaan, dinala nila ang mga buto ni Jose sa mabuting lupa.

X. KAY MOISES

Sinasabi sa bersikulo 23, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Moises, nang ipinanganak, ay itinagong tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagka’t nakita nilang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari.” Itinago siya ng kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pananampalataya. Nang siya ay “lumaki na,” siya ay “tumangging matawag na anak ng anak-na-babae ni Faraon, na pinili pang pagmalupitang kasama ng bayan ng Diyos, kaysa magtamo ng pansamantalang katamasahan sa pagkakasala” (bb. 24-25). Ang salitang Griyego sa isinaling “pansamantala” sa bersikulo 25 ay maaari ring isaling “sa ilang sandali,” “panandalian,” “madaling lumipas,” “nagdaraan.” Noong panahon ni Moises ang matawag na anak ng anak-na-babae ni Faraon ay isang katamasahan sa buhay ng kaluluwa. Subali’t tinanggihan ito ni Moises, na sa halip ay pinili pang pagmalupitang kasama ng bayan ng Diyos kaysa magtamo ng madaling lumipas na katamasahan ng kasalanan. Ang katamasahan sa Ehipto, yaon ay, ang katamasahan sa sanlibutan, ay makasalanan sa mga mata ng Diyos. Ito ang katamasahan ng kasalanan, ng isang makasalanang buhay, at pansamantala, panandalian, madaling lumipas, nagdaraan.

Sa bersikulo 26 sinabihan tayo na itinuring ni Moises na “higit na malaking kayamanan ang kadustaan ni Kristo kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagka’t ang tinitigan niya ay ang gantimpala.” Noong ako ay bata pa, naguguluhan ng aking konsepto ukol sa oras (clock mentality), tinanong ko kung paano nagdusa si Moises ng kadustaan ni Kristo, gayong si Kristo ay hindi pa dumarating. Si Kristo bilang “ang Anghel ng Panginoon,” ay palaging kasama ng mga anak ni Israel sa kanilang mga kahirapan (Exo. 3:2, 7-9; 14:19; Blg. 20:16; Isa. 63:9). Higit pa roon itinuring ng Kasulatan si Kristo at ang mga Israel bilang isa (Osea 11:1; Mat. 2:15). Kaya nga, ang pagdusta sa kanila ay itinuring na Kanya ring kadustaan, at ang mga pagdusta ng mga yaong nandusta sa Diyos ay bumagsak din sa Kanya (Rom. 15:3). Ang mga mananampalataya sa Bagong Tipan, bilang mga tagasunod Niya, ay nagdadala ng Kanyang pagdusta (13:13) at dinudusta dahil sa Kanyang pangalan (1 Ped. 4:14). Si Moises, sa pagpili na mapagmalupitang kasama ng bayan ng Diyos (b. 25), ay nag-aari sa ganitong uri ng pagdusta, ang pagkadusta sa Kristo ng Diyos. Na nahihigit na mga kayamanan kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto sa palasyo ng Faraon, sapagka’t siya ay tumitig sa gantimpala.

Sapagka’t handang pagdusahan ni Moises ang pagkadusta ng Kristo, makatatanggap siya ng gantimpala ng kaharian. Siya ay hindi pinayagang makapasok sa kapahingahan ng mabuting lupa dahil sa kanyang pagkabigo sa Meriba (Blg. 20:12-13; Deut. 3:26-27; 32:50-52), subali’t siya ay makasasama ni Kristo sa kaharian (Mat. 16:28; 17:3). Sa pagtukoy rito, tiyak na nilayon ng manunulat na palakasin ang loob ng mga mananampalatayang Hebreo, na dumaranas ng pag-uusig sa kapakanan ni Kristo, na sundan si Moises sa pamamagitan ng pagtuturing sa pagkadusta ni Kristo ng mga nakahihigit na mga kayamanan kaysa sa mga bagay na naiwala nila at sa pamamagitan ng pagtitig sa gantimpala. Hindi natin alam kung sino ang nagsabi kay Moises tungkol sa gantimpala. Marahil ang mga magulang niya. Gayunpaman, may malaking pananampalatayang tinitigan niya ang gantimpala at nilisan ang Ehipto. Ang palasyo ni Faraon, ang maharlikang pagkaanak, ang makasanlibutang katamasahan at natamo, at lahat ng mga bagay sa Ehipto ay naroon sa harapan niya. Ayon sa kanyang paningin, ang mga bagay na ito ay tunay, subali’t ayon sa kanyang pananampalataya, ang mga ito ay hindi tunay. May isang bagay bukod dito—ang gantimpala—ang tunay sa kanyang nagsusubstansiyang pandama. Bagama’t noong panahong yaon ang gantimpala ay malayo sa kanya, tinitigan niya ito at nahikayat nitong itakwil ang lahat ng mga bagay sa Ehipto.

Sinasabi sa bersikulo 27 na sa pamamagitan ng pananampalataya, nilisan ni Moises ang “Ehipto na hindi natakot sa poot ng hari, sapagka’t siya ay matatag tulad sa nakikita Niyaong di-nakikita.” Nang panahong yaon, ito ay isang dakilang bagay. Ang malaking gantimpala ng yaon ay isang gayong pagganyak (incentive) sa kanya sa paglisan sa Ehipto. Ito ay isang buong larawan ng ating buhay ngayon. Ngayon, ang sanlibutan ay ang Ehipto at ang lahat ng maibibigay nito sa atin ay tangi lamang na isang palasyo. Subali’t sa ating pananampalataya, lahat ng mga ito ay isang kawalang-kabuluhan ng mga kawalang-kabuluhan. Isa lamang bagay ang realidad—ang darating na gantimpala.

Sinasabi sa bersikulo 28, “Sa pamamagitan ng pananampalataya ay itinatag niya ang Paskua at ang pagwiwisik ng dugo. Upang huwag lipulin ng manlilipol ang mga panganay.” Kailangan ni Moises ang pananampalataya upang itatag ang Paskua at ang pagwiwisik ng dugo. Kinakailangan din ni Moises ang pananampalataya upang masabi sa mga tao na maghanda ng kordero at ilagay ang dugo niyaon sa dalawang haligi ng mga pintuan at sa itaas ng mga pintuan. Pinarangalan ng Diyos ang pananampalataya ni Moises sa pagtatatag ng Paskua at pagwiwisik ng dugo. Hindi nakikita ang Paskua, na mangyayari pa lamang sa hinaharap, nasubstansiya ito ni Moises sa pamamagitan ng pananampalataya at kumilos ayon sa pagsusubstansiyang ito.

XI. SA MGA ANAK NI ISRAEL

Sinasabi sa bersikulo 29 na sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga anak ni Israel ay tumawid sa Dagat na Pula na gaya ng sa tuyong lupa, na nang subuking gawin ito ng mga Ehipcio ay pawang nangalunod.” Walang binanggit sa kapitulong ito tungkol sa apatnapung taong paggala ng mga anak ni Israel sa ilang, sapagka’t nang mga panahong yaon, wala silang anumang ginawa sa pamamagitan ng pananampalataya; sa halip, nang mga taong yaon, ginalit nila ang Diyos dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya (3:16-18). Maging ang pagtawid nila ng Ilog Jordan ay hindi itinala rito, sapagka’t ang pagtawid na yaon ay dahil sa pagkaantala na sinanhi ng kanilang kawalan ng pananampalataya. Hindi na sana kailangan yaon kung hindi sila nagkaroon ng kawalan-ng-pananampalataya na nag-alis ng karapatan sa kanila mula sa pagpasok sa mabuting lupa sa Kades-barnea (Deut. 1:19-46), pagkatapos na pagkatapos nilang nilisan ang Budok Sinai (Deut. 1:2). Kung noong sa Kades-barnea ay mayroon silang pananampalataya, nakapasok sana sila sa mabuting lupa nang mas maaga nang tatlumpu’t walong taon. Bagama’t sa katapus-tapusan natawid nila ang Ilog Jordan sa pamamagitan ng pananamapalataya, ang Espiritu Santo ay hindi gumawa rito ng tala nito sapagka’t hindi ito kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos.

Pagkalipas ng mga taon ng paggala sa ilang, sinabi sa bersikulo 30, “ Sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga pader ng Jerico ay bumagsak, pagkatapos na mapaligiran ng pitong araw.” Ang mga Israelita ay walang pinakamahusay na sandata nang paligiran nila ang pader ng Jerico. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pananampalataya, ginawa kung ano ang sinabi ng Diyos na gawin nila, at kinilala Niya ang kanilang pananampalataya.

XII. KAY RAHAB, TINANGGAP ANG MGA TIKTIK
AT HINDI NAPAHAMAK

“Sa pamamagitan ng pananampalataya, ang patutot na si Rahab ay hindi napahamak na kasama ng mga masuwayin, sapagka’t tinaggap niya ang mga tiktik nang mapayapa” (b. 31). Noong ako ay bata pa, gusto kong gamitin ang kuwentong ito sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Si Rahab ay nagtali ng isang panaling pula na sumasagisag sa dumadaloy na dugo ni Hesus (Jos. 2:18; 6:23). Sa pamamagitan ng pananampalataya, naligtas siya sa pagkalipol na pinagdusahan ng mga Cananeo.

XIII. KINA GIDEON, BARAC, SAMSON, JEFTE,
DAVID, SAMUEL, AT SA MGA PROPETA
GUMAGAWA NG MGA KAMANGHA-MANGHANG BAGAY

Sa pamamagitan ng pananampalataya, sina Gideon, Barac, Jefte, David, Samuel, at ang mga propeta ay gumawa ng mga kamangha-manghang bagay (bb. 32-39). Bagama’t gumawa sila ng mga kamangha-manghang bagay, marami rin sa kanila ang nagdusa ng pagkamartir. Ang Diyos ay gumawa ng mga himala para sa ilan sa kanila, subali’t hindi Niya ginawa ang gayong mga bagay para sa kanilang lahat. Huwag isipin na kapag mayroon kayong pananampalataya, palaging gagawa ng mga bagay ang Diyos para sa iyo. Maraming beses, ang pag-eensayo ng pananampalataya ay maghahatid lamang sa atin ng pagtatamasa sa katahimikan ng Diyos. Marahil kapag ang ilan ay binabato na sa kamatayan, sila ay nananalangin, “O Panginoon, iligtas Mo ako sa mga batong ito.” Sa halip, maaaring bigyan sila ng Panginoon ng isang mapayapang katahimikan, hindi gagawa ng anuman upang iligtas sila. Nang si Esteban ay minartir, hindi siya iniligtas ng Panginoon kundi binigyan siya ng isang matamis na katahimikan (Gawa 7:54-60). Ang magdusa ng pang-uusig nang walang anumang pagliligtas na nagmumula sa Panginoon ay nangangailangan ng malaking pananampalataya.

Ang katahimikan ng Diyos ay nakahihigit sa Kanyang mga himala. Ano ang mas nanaisin ninyo na magkaroon kayo—ang mga himala ng Diyos o ang Kanyang katahimikan? Kung tayo ay magiging tapat, karamihan sa atin ay magsasabing mas nanaisin natin ang mga himala ng Diyos. Nang ang Panginoong Hesus ay nakapako sa krus, sinabi ng mga umaalipusta sa Kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus,” at, “ Kung Siya ang Hari ng Israel, hayaang bumaba Siya sa krus at kami ay maniniwala sa Kanya.” (Mat. 27:40-42). Sa loob ng tatlo sa anim na oras na ang Panginoon ay nasa krus, naroroon ang katahimikan sa sansinukob. Sa wari ay wala ang Diyos, at ang mga umaalipusta at nanunungayaw ay nagsabi ng anumang gusto nilang sabihin. Yaon ay kanilang mundo at sila ang mga diyos noong panahong yaon. Ang Diyos ay mas madalas na manatiling tahimik kaysa sa gagawa ng mga himala. May mga pagkakataon na dapat nating lahat tamasahin ang katahimikan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.

Maraming martir ang nagpatotoo na tinamasa nila ang katahimikan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Hindi ko kailanman malilimutan na noong 1930, dalawang misyonero ang namartir sa Tsina. Sa araw ng kanilang pagkamartir, sinabi ng isa sa kanila, “Ang mukha ng bawa’t martir ay katulad ng mukha ng isang anghel.” Sinabi ng isa pa, “Kung mabubuhay ako nang minsan pa, ibibigay ko rin ito upang mamartir para sa Panginoon.” Hinayaan sila ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Habang binabasa natin ang kasaysayan ng pananampalataya na nakatala sa kapitulong ito, makikita natin na hindi lamang ito isang tala ng mga himala, bagkus isang tala rin ng katahimikan ng Diyos. Hindi Siya palaging kumikilos upang tulungan ang mga banal sa panlabas, kundi palaging hinahayaan silang tamasahin ang Kanyang katahimikan sa panloob.

Sinasabi sa bersikulo 35, “Ang iba ay namatay sa hampas, na ayaw tanggapin ang kanilang kalayaan, upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay-na-muli.” Ang lalong mabuting pagkabuhay-na-muli ay hindi lamang “ang unang pagkabuhay-na-muli” (Apoc. 20:4-6), “ang pagkabuhay-na-muli ng buhay” (Juan 5:28-29), bagkus maging ang “higit pang pagkabuhay-na-muli” (Fil. 3:11), ang ekstrang pagkabuhay-na-muli kung saan ang mga mandaraig ng Panginoon ay tatanggap ng gantimpala (b.26) ng kaharian, na siyang hinanap ni Apostol Pablo. Ang bersikulo 38, na nagsasalita ng tungkol doon sa mga nagtitiis ng gayong paghihirap sa pamamagitan ng pananampalataya, ay nagsasabing hindi karapat-dapat ang sanlibutan sa kanila. Itong mga tao-ng-pananampalataya ay mga ekstra-ordinaryong tao, nasa pinakamataas na kalagayan, na kung kanino ang pinasamang sanlibutan ay hindi karapat-dapat. Tangi lamang ang banal na lunsod ng Diyos, ang Bagong Herusalem, ang karapat-dapat sa kanila.

XIV. PASASAKDALIN NG MGA MANANAMPALATAYA
NG BAGONG TIPAN

A. Ang Dalawang Pamamahagi
sa Ekonomiya ng Diyos

Sinasabi sa bersikulo 40, “Sapagka’t ang Diyos ay naghanda ng lalong mabuting bagay para sa atin, na bukod sa atin, sila ay hindi magiging sakdal.” Ang bersikulong ito ay nagpapahiwatig ng isang malaking bagay. Wala ni isa sa mga saksi ng pananampalataya ang napasakdal. Lahat sila ay kailangang mapasakdal ng mga mananampalataya ng bagong tipan. Sa ekonomiya ng Diyos ay may dalawang bahagi: ang pamamahagi ng lumang tipan ng mga anino at ang pamamahagi ng bagong tipan ng mga realidad. Yamang ang bagong tipang pamamahagi ng realidad kung saan naroon tayo ay lalong mabuti kaysa sa lumang tipang pamamahagi ng mga anino kung saan naroroon ang mga saksi ng pananampalataya, kailangan nila tayo para sa kanilang pagpapasakdal.

Ang bersikulo 40 ay nagsasalita tungkol sa “lalong mabuting bagay para sa atin.” Ang salitang Griyego na isinaling “lalong mabuti” ay nangangahulugang higit na malakas, higit na makapangyarihan, higit na marangal, at higit na dakila; kaya nga, nakahihigit. Ito ay ginamit ng labintatlong ulit sa aklat na ito: ang higit na mabuting Kristo (1:4). Isang lalong magaling na pag-asa (7:19), isang lalong mabuting tipan (7:22-8:6), lalong mabubuting pangako (8:6), lalong mabubuting hain (9:23), isang pag-aaring lalong mabuti (10:34) isang lalong magaling na bayan (11:16), isang lalong mabuting pagkabuhay-na-muli (11:35), lalong mabuting bagay (11:40), at lalong mabuting pagsasalita (12:24) (Ang dalawa pang pagkakataon ay nasa 6:9 at 7:7, kung saan isinaling mataas.) Ang lahat ng lalong mabubuting bagay na ito ay katuparan at realidad ng mga bagay na tinamo ng mga banal sa Lumang Tipan sa mga uri, mga larawan, at mga anino. Ang pananaw ng Diyos noong panahong yaon ay ang mga bagay na darating sa bagong tipan patungkol sa atin, na siyang mga totoo at mga tunay na bagay, lalong mabuti, higit na malakas, higit na makapangyarihan, higit na marangal, at higit na dakila kaysa kanilang mga uri, mga larawan, at mga anino. Kinakailangan tayo ng mga banal sa Lumang Tipan, na mayroon lamang mga anino, para sa kanilang pagpapasakdal upang sila ay makabahagi sa mga tunay na bagay ng bagong tipan kasama natin. Kung gayon, bakit lilisanin ng mga mananampalatayang Hebreo ang mga tunay na bagay ng bagong tipan at babalik sa mga aninong lumang tipan?

Sinasabi sa bersikulo 40 na, “bukod sa atin, sila ay hindi magiging sakdal.” Kapwa ang pakikibahagi sa kaharian sa isang libong taon (Apoc. 20:4, 6), at ang pakikibahagi sa Bagong Herusalem sa kawalang-hanggan (Apoc. 20:2-3; 22:1-5) ay isang sama-samang bagay. Ang pangkahariang piging ay magiging kapwa para sa mga Lumang Tipan at Bagong Tipang mandaraig (Mat. 8:11). Ang pinagpalang Bagong Herusalem ay bubuuin kapwa ng mga banal ng Lumang Tipan at ng mga mananampalataya ng Bagong Tipan (Apoc. 21:12-14). Kaya, maliban sa mga Bagong Tipang mananampalataya, hindi matatamo ng mga banal sa Lumang Tipan ang ipinangako ng Diyos. Para sa pagkakamit at pagtatamasa ng mabubuting bagay ng pangako ng Diyos, kailangan nila ang pagpapasakdal ng mga Bagong Tipang mananampalataya. Ngayon sila ay naghihintay sa atin na magpatuloy upang sila ay mapasakdal.

B. Ang mga Banal sa mga Anino
ng Lumang Tipan Umaasang Makita ang mga Realidad
ng Bagong Tipan

Ang mga banal sa mga anino ng lumang tipan ay umaasang makita ang realidad ng bagong tipan (Mat. 13:16-17; Juan 8:56; 1 Ped. 1:10-12). Noong nakaraan, marami sa atin ang nag-akalang kamangha-mangha ang mabuhay noong panahon ng Lumang Tipan. Naturuan tayo na sina Abraham, Moises, Josue, David, Elias, at iba pang mga Lumang Tipang banal ay mga namumukod-tanging tao at yaong makabubuti para sa atin ang mabuhay sa kanilang kapanahunan kaysa sa pangkasalukuyang kapanahunan. Noong ako ay bata pa, ninais kong mabuhay noong mga araw ng Lumang Tipan. Gayunpaman, ang konseptong ito ay nasa kadiliman. Nabubuhay tayo sa isang higit na mabuting kapanahunan at ating narinig, naranasan, at nabahagi ang higit na mabubuting bagay kaysa sa mga bagay sa lumang tipang kapanahunan. Nais makita ng mga banal sa mga anino ng lumang tipan ang mga realidad ng mga kapanahunan kung saan tayo nabubuhay. Sinasabi sa Mateo 13:17, “Maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi narinig.” Maging si Abraham ay umasang makita ang realidad ng bagong tipan (Juan 8:56). Higit pa rito, ipinahayag ng mga propeta ang biyaya na dumating sa atin. Ang kanilang inihain ay hindi para sa kanilang mga sarili kundi para sa atin (1 Ped. 1:10-12). Lahat ng mga banal sa Lumang Tipan, kabilang na sina David at Salomon, ay hindi para sa kanilang mga sarili kundi para sa atin. Lahat ng mayroon sila ay isang anino ng realidad na tinatamasa natin ngayon.

C. Ang mga Mananampalataya sa mga Realidad
ng Bagong Tipan
Nakahihigit kaysa sa mga Banal
sa mga Anino
ng LumangTipan

Ang mga mananampalataya sa mga realidad ng bagong tipan ay nakahihigit kaysa sa mga banal sa mga anino ng lumang tipan. Pinatutunayan ito ng Mateo 11:11, isang dakilang bersikulo. “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, sa gitna ng mga ipinanganak ng mga babae ay walang bumangong higit na dakila kaysa kay Juan Bautista; subali’t ang pinakamaliit sa kaharian ng mga kalangitan ay higit na dakila kaysa kay Juan. Yamang si Juan Bautista ay higit na dakila kaysa kay Abraham at tayo ay higit na dakila kaysa kay Juan, kung gayon, tayo rin ay higit na dakila kaysa kay Abraham. Lahat ng mga banal sa Lumang Tipang kapanahunan ay naghihintay sa mga realidad ng Bagong Tipang kapanahunan, subali’t wala ni isa sa kanila ang nakakita ng anuman sa realidad na ito. Sa pagitan nitong dalawang kapanahunan ay may isang panahon ng paglilipat (transitory period) na tumagal ng halos tatlo at kalahating taon. Sa loob nitong panahon ng paglilipat, dumating si Juan Bautista at nakita si Kristo, na hinintay na ng lahat ng mga banal sa Lumang Tipan. Sapagka’t nakita Siya ni Juan, si Juan ay higit na dakila kaysa sa kanilang lahat. Bagama’t nakita ni Juan si Kristo, hindi siya nakapasok kay Kristo. Subali’t tayo, ang mga Bagong Tipang mananampalataya, ay nasa loob ni Kristo. Umaasa si Abraham na makita si Kristo, nakita ni Juan si Kristo, subali’t tayo ay nasa loob ni Kristo. Kaya, yamang tayo ay higit na malapit kay Kristo, tayo ay higit na dakila kaysa kay Abraham at Juan Bautista. Hindi lamang tayo malapit kay Kristo—tayo ay nasa loob ni Kristo at si Kristo ay nasa loob natin. Masasabi pa natin na kasama si Apostol Pablo na, “Sapagka’t sa ganang akin ang mabuhay ay si Kristo” (Fil. 1:21). Tayo ay higit na dakila kaysa kina Abraham, David, Salomon, at sa lahat ng mga Lumang Tipang banal, sapagka’t sila ay nasa mga anino. Hindi lamang tayo nasa realidad—tayo ang realidad. Dahil dito, ang mga banal sa Lumang Tipan ay hindi mapasasakdal kung wala tayo. Kung wala tayo, hindi sila kailanman makapapasok sa mga pagtatamasa sa mga realidad na hinahanap nila.

Kung ineensayo natin ang ating nagsusubstansyang pananampalataya, madarama natin na sina Abraham, David, Salomon, at lahat ng mga mandaraig na banal ay nagmamatyag sa atin katulad ng mga nanonood ng isang larong “football.” Sila ay nagbubunyi para sa atin at hinihikayat tayong manalo sa laro. Ang pagtatamasa nila ng realidad ay nakasalalay sa atin. Ito ang tamang kahulugan ng bersikulo 40, na nagsasabi, “bukod sa atin, sila ay hindi magiging sakdal.” Katulad nang ipinakita sa bersikulo 39, hindi natamo ng mga banal sa Lumang Tipan ang pangako sapagka’t ang Diyos ay naghanda ng “lalong mabuting bagay para sa atin.” Silang lahat ay naghihintay sa atin. Maging ang Apostol Pablo at ang lahat ng Bagong Tipang martir ay naghihintay sa atin. Sila, ang mga naunang mandaraig, ay naghihintay sa kapuspusan ng mga mandaraig. Ang bilang ng mga mandaraig ay hindi pa natutupad. Isang araw, ang kaganapan ng bilang na yaon ay maaabot. Kaya, ang bersikulo 40 ay isang napakalakas na paghihikayat sa lahat ng mga nag-aatubuling Hebreong mananampalataya na magsilapit at punuin ang kakulangan sa bilang ng mga mandaraig.

Sa Kanyang ekonomiya, hindi nilayon ng Diyos na magkaroon ng isang indibiduwal na kahayagan. Ninais Niyang magkaroon ng isang sama-samang kahayagan. Ang kahayagang ito ay nangangailangan ng isang kumpletong bilang ng mga mandaraig. Tanging Diyos lamang ang nakaaalam kung ano ang bilang na ito.Hangga’t hindi ito naaabot, hindi makararating ang panahon, at ang naunang mandaraig ay kailangan pa ring maghintay sa atin. Anong responsabilidad mayroon tayo! Sila ay handa na, subali’t tayo ay hindi pa. Tunay na tayo ay nasa mga huling araw. Hindi lamang tayo higit na dakila kaysa kay Juan Bautista, tayo ay higit na dakila kaysa sa lahat ng mga martir noong mga unang siglo, sapagka’t higit tayong mahalaga kaysa sa kanila. Makararanas tayo ng higit kaysa sa kanila sapagka’t sila ay nasa simula at tayo ay narito sa kaganapan. Ang kaganapan ay palaging higit na mayaman, higit na dakila, at higit na mataas kaysa sa simula. Hindi lamang isang maliit na bagay na tayo ay nasa pagbabawi ng Panginoon ngayon. Tayo ay nabubuhay sa panahon ng kaganapan ng ekonomiya ng Diyos, at napakaraming naunang mandaraig ang umaasang makita ang ating pagkukumpleto. Tiyak na tayo ang pinaka pinagpalang tao sa sansinukob, sapagka’t mayroon tayong ginintuang pagkakataon na makabahagi sa pagsasakatuparan ng walang hanggang layunin ng Diyos.

XV. ISANG ULAP NG MGA SAKSI

Sinasabi sa Hebreo 12:1, “Kaya nga, yamang may isang napakalaking ulap ng mga saksing kumukubkob sa atin, isinasantabi ang bawa’t pasan, at ang kasalanang madaling sumalabid sa atin, atin din namang takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harap natin.” Ang ulap ay para sa pangunguna sa mga tao upang sundan ang Panginoon (Blg. 9:15-22), at ang Panginoon ay nasa loob ng ulap upang makasama ng mga tao (Exo. 13:21-22). Ang mga anak ni Israel ay sumunod sa Panginoon sa pamamagitan ng haligi at nagtamasa sa presensya ng Panginoon sa loob ng haligi ng ulap. Lahat ng mga saksi ng pananampalataya, maging ang mga martir ng pananampalataya, ay isang ulap. Sa pamamagitan nitong ulap ng mga saksi, sinusundan natin ang Panginoon at tinatamasa ang Kanyang presensya.