PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE APATNAPU’T SIYAM

ANG MAYKATHA AT TAGAPAGPASAKDAL NG PANANAMPALATAYA

I. ANG MGA BANAL NG LUMANG TIPAN
MGA SAKSI LAMANG NG PANANAMPALATAYA

Sa mensaheng ito dumako tayo sa Maykatha at Tagapagpasakdal ng pananampalataya (12:2). Ang mga banal ng Lumang Tipan ay mga saksi lamang ng pananampalataya. Wala sa kanila ang maykatha, pinagmulan, tagapagpasakdal, o tagatapos ng pananampalataya. Sa bersikulo 1 ng kapitulong ito ang mga saksi ng pananampalataya, ay itinuturing bilang “isang ulap ng mga saksing kumukubkob sa atin.” Ang Panginoon ay nasa loob ng ulap upang makasama ang Kanyang bayan (Exo. 13:21-22). Ang mga anak ni Israel ay sumunod sa Panginoon ayon sa galaw ng ulap. Kung saan naroroon ang ulap, naroroon din ang Panginoon. Higit pa rito, ang ulap ay para sa pangunguna sa mga tao upang sundan ang Panginoon. Kung mayroon kayong isang pusong naghahanap sa Panginoon at binasa ninyo ang Hebreo 11, kaagad kayong magkakaroon ng pandama na sa pamamagitan ng mga tao ng pananampalataya, mapasasainyo ang presensya ng Panginoon at ang Kanyang pangunguna. Kung mayroon kayong ulap, mapasasainyo ang Panginoon. Subali’t kung mawawala ninyo ang ulap, mawawala rin sa inyo ang Panginoon. Lahat ng mga tao ng pananampalataya, ang mga tao ng ekklesia, ay ang ulap. Ang pinakamabuting paraan upang mahanap ang presensya ng Panginoon ay ang mapasa ekklesia. Kung ang sinuman ay naghahanap sa pangunguna ng Panginoon, dapat niyang sundan ang ulap, ang ekklesia. Ang Panginoon ay nasa loob ng ulap, nangangahulugang Siya ay kasama ng mga tao ng pananampalataya. Yamang tayo ang mga tao ng pananampalataya, tayo ay ang ulap ngayon, at ang mga tao ay makasusunod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa atin. Yaong mga naghahanap sa Kanya ay makasusumpong ng Kanyang presensya sa atin. Ang Panginoon ay naroroon kung nasaan tayo, at kung nasaan tayo ay ang direksyon kung saan kumikilos ang Panginoon sa mga araw na ito.

II. TANGING SI HESUS ANG MAYKATHA
AT TAGAPAGPASAKDAL NG PANANAMPALATAYA

A. Ang Maykatha ng Pananampalataya

Tanging si Hesus ang Maykatha at Tagapagpasakdal ng pnanampalataya. Katulad ng nakita na natin, ang mga banal ng lumang tipan ay mga saksi lamang ng pananampalataya, subali’t si Hesus ang Maykatha at Tagapagpasakdal ng pananampalataya. Ang salitang Griyego na isinaling “Maykatha” ay maaari ring isaling “Tagapanimula,” “Tagapag-umpisa,” “Lider,” “Tagapagbunsod,” “Tagapagpauna.” Ito ang parehong salita sa Griyego na ginagamit para sa Pinuno sa 2:10. Si Hesus ang Maykatha ng pananampalataya; Siya ang Tagapasimula, ang Tagapag-umpisa, ang pinagmulan, at ang sanhi ng pananampalataya. Ang Maykatha ay ang Tagapanimula at ang Tagapag-umpisa; pagkatapos Siya ang pinagmulan at ang sanhi. Yamang ang Maykatha ay ang Tagapanimula, Siya rin ang Tagapagbunsod at Tagapagpauna. Kaya nga, Siya rin ang Lider at ang Pinuno. Kung pagsasama-samahin natin ang lahat ng titulong ito, mayroon tayong isang sapat na pagbibigay-kahulugan kay Hesus bilang ang Maykatha ng pananampalataya.

Kailangan natin si Hesus bilang ang Maykatha ng pananampalataya sapagka’t, ayon sa ating likas na tao, wala tayong anumang kakayahang manampalataya. Sa ating sarili ay wala tayong pananampalataya. Ang pananampalatayang mayroon tayo na nagsanhi sa ating tayo ay maligtas ay “hindi sa iyong sarili; ito ay kaloob ng Diyos” (Efe. 2:8). Ating “natamo” itong “mahalagang pananampalataya” sa pamamagitan ng kaloob ng Diyos (2 Ped. 1:1). Kapag tayo ay tumitinging umaasa kay Hesus, Siya, bilang ang “Espiritung nagbibigay-buhay” (1 Cor.15:45), ay naglalalin ng Kanyang Sarili, kasama ang Kanyang nananampalatayang elemento. Pagkatapos, kusang-kusang sisibol ang kakayahang manampalataya sa ating katauhan, at magkakaroon tayo ng pananampalataya upang makapanampalataya sa Kanya. Hindi ito mula sa ating sarili, kundi mula sa Kanya na nagbabahagi ng Kanyang Sarili tungo sa loob natin bilang ang nananampalatayang elemento upang manampalataya para sa atin. Kaya, Siya Mismo ang ating pananampalataya. Nabubuhay tayo sa pamamagitan Niya bilang ating pananampalataya (Gal. 2:20), hindi sa pamamagitan ng ating pananampalataya.

Si Hesus ang Maykatha at ang Tagapanimula ng pananampalataya, sa pangunahin (mainly) ay sa Kanyang buhay at sa Kanyang landas sa lupa. Inumpisahan ng Panginoong Hesus ang pananampalataya nang Siya ay naririto sa lupa. Ang buhay na ipinamuhay Niya ay isang buhay ng pananampalataya, at ang landas na nilakaran Niya ay isang landas ng pananampalataya. Sa Kanyang buhay at landas, inumpisahan Niya ang pananampalataya. Kaya, Siya ang Maykatha ng pananampalataya.

Bilang ang Tagapagbunsod at Tagapagpauna, binuksan ni Hesus ang daan ng pananampalataya. Kung babasahin ninyong muli ang apat na Ebanghelyo, makikita ninyo na ang Kanyang buhay ay isang nagbubukas na buhay, isang buhay na nagbukas sa daan ng pananampalataya. Saanman Siya pumunta, tila baga may isang bundok o isang ilog na bumibigo sa Kanya. Subali’t hakbang kada hakbang, binubuksan Niya ang daan ng pananampalataya. Kung mayroon tayong ganitong pananaw sa pagbabasa ng mga Ebanghelyo, makikita nating ang Mismong Hesus na Siyang Tagapanimula ng pananampalataya ay palaging nagbubukas ng daan ng pananampalataya, inaalis ang puwang at inaalis ang mga bundok katulad ng manggagawa ng isang lansangang-bayan (highway). Yamang binubuksan na Niya ang daan ng pananampalataya, Siya rin ang Tagapagbunsod at Tagapagpauna sa landas ng pananampalataya.

Bilang ang Tagapagbunsod at Tagapagpauna ng pananampalataya, si Hesus ay ang Lider at ang Pinuno rin ng pananampalataya. Binuksan na Niya ang daan ng pananampalataya, at bilang ang Tagapagpauna, ay kinuha ang pangunguna upang ibunsod ito. Kaya nga, bilang ang Pinuno, may kakayahan Siyang dalhin tayo (carry us through) sa landas ng pananampalataya sa Kanyang mga bakas. Habang tayo ay tumitingin sa Kanya, bilang ang Tagapanimula ng pananampalataya sa Kanyang buhay at sa Kanyang landas sa lupa, at bilang ang Tagapagpasakdal ng pananampalataya sa loob ng Kanyang kaluwalhatian at sa Kanyang trono na nasa kalangitan, isinasalin at inilalalin Niya sa loob natin ang pananampalataya na Kanyang nilikha at pinasakdal.

B. Ang Tagapagpasakdal ng Pananampalataya

Si Hesus ay ang Tagapagpasakdal din ng pananampalataya. Ang salitang Griyego na isinaling “Tagapagpasakdal” ay maaari ring isaling “Tagatapos” o “Tagakumpleto.” Si Hesus ay ang Tagatapos din, ang Tagakumpleto, ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng walang patid na pagtingin sa Kanya, maipatatapos at maipakukumpleto natin sa Kanya ang pananampalatayang ating kailangan para sa makalangit na takbuhin.

Si Hesus ang Tagapagpasakdal ng pananampalataya sa pangunahin (mainly) ay sa Kanyang kaluwalhatian at sa Kanyang trono na nasa kalangitan. Siya ang nakaupo sa trono na nasa loob ng kaluwalhatian upang kumpletuhin ang pananampalataya na pinasimulan Niya habang Siya ay nasa lupa. Bilang ang Tagatapos at ang Tagakumpleto ng pananampalataya, tatapusin at kukumpletuhin Niya ang Kanyang napasimulan at napasinayaan.

III. ANG PAGSASALIN (TRANSFUSION) NG PANANAMPALATAYA

A. Wala Tayong Likas na Kakayahang Manampalataya

Ngayon dumako tayo sa bagay ng pagsasalin ng pananampalataya. Katulad ng nakita na natin, ayon sa ating likas na tao, wala tayong kakayahang manampalataya. Ang elemento ng pagsampalataya ay wala sa ating likas na katauhan. Likas na mayroon lamang tayong kakayahang hindi manampalataya, ang kakayahang huwag manampalataya.

B. Ang Nagliligtas na Pananampalataya
ay Hindi Mula sa Ating mga Sarili

Ang nagliligtas na pananampalataya ay “hindi mula sa inyong mga sarili; ito ay ang kaloob ng Diyos” (Efe. 2:8). Malinaw na sinasabi sa atin ng Efeso 2:8 na ang pananampalatayang nagsanhi sa ating maligtas ay hindi mula sa ating mga sarili. Natanggap natin ito bilang kaloob na mula sa Diyos. Ang Diyos ang pinagmulan at tagapagbigay ng pananampalataya, at tayo ang mga tagatanggap ng dibinong kaloob na ito. Naglalagay ang Diyos ng isang bagay sa loob ng ating katauhan na siyang nagiging pananampalataya. Sinasabi sa 2 Pedro 1:1 na nagtatamo tayo ng “magkakatulad na mahahalagang pananampalataya.” Ang pananampalataya ay mahalaga sapagka’t ibinibigay ito sa atin ng Diyos bilang isang kaloob.

C. Tinataglay si Kristo Bilang ang Nananampalatayang Elemento
na Naisalin tungo sa loob Natin

Kapag tayo ay tumitingin kay Hesus, isinasalin Niya sa atin ang Kanyang Sarili bilang ang nananampalatayang elemento at Siya ay nagiging ating pananampalataya. Nakita na natin na ang pananampalataya, ang nagsusubstansyang kakayahan, ay katulad ng isang ikaanim na pandama (sixth sense). Natamo natin itong nagsusubstansyang pandama sa pamamagitan ng Ebanghelyo. Ang wastong pagpapahayag ng ebanghelyo ay hindi lamang isang bagay ng pagtuturo; ito ay dapat ding maging isang bagay ng pagsasalin (transfusion). Ipagpalagay na ako ay nagpapahayag ng ebanghelyo sa ilang makasalanan. Bago ako makapagpahayag sa kanila, dapat muna akong makatanggap ng isang bagay ng Panginoon at mula sa Panginoon. Pagkatapos, habang ako ay nagpapahayag, ang natanggap kong mula sa Panginoon ay papasok, katulad ng elektrisidad, tungo doon sa mga nakikinig. Habang ako ay nagsasalita at ang mga tao ay nakatingin at nakikinig sa akin, may isang bagay na kusang-kusa at di-namamalayang naisasalin sa loob nila. Bagama’t maaaring umiling sila, hindi sumasang-ayon sa aking pagpapahayag, sa kaila-ilaliman nila, nananampalataya sila sa aking sinasabi. Bagama’t maaaring ang ilan ay magsabi sa kanilang mga sarili na kalokohan lang ang manampalataya, may isang bagay sa loob nila na patuloy na tumutugon at nagdadala sa kanila hanggang sa punto na sila ay magsabi, “Panginoong Hesus, salamat sa Iyo. Napakabuti Mo. Panginoon, Ikaw ang aking Tagapagligtas.” Sapagka’t may ilang elementong naisalin sa loob ng kanilang katauhan, sila ay nakapananampalataya sa Panginoon. May alam akong maraming matigas-ang-ulo na ayaw magpahayag sa pagpupulong na sila ay pumunta upang manampalataya sa Panginoong Hesus. Umuwi sila, subali’t wala silang kapayapaan, sapagka’t mayroon sa loob nilang pumupukaw at bumabagabag sa kanila. Nang panahon na para sa susunod na pang-ebanghelyong pagpupulong, sinabi nila, “Nais kong muling pumunta roon.” Ito ang resulta ng pagsasalin ng Diyos ng pananampalataya sa pamamagitan ng isang tagapagpahayag (preacher).

Bawa’t tagapagpahayag ng ebanghelyo ay dapat na maging isang kaakit-akit na tao. Dapat muna siyang maakit at pagkatapos maaakit naman niya ang iba. Maaaring ang sinasabi ay tila hindi lohikal. Subali’t katulad ng isang bateryang kinakargahan, ang mga tagapakinig ay maaakit. Sa dahilang ito, ang ekklesia ay dapat manalangin ng husto para sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Lalo tayong nananalangin, lalong magiging kaakit-akit ang pang-ebanghelyong pagpupulong. Ang tagapagpahayag ng ebanghelyo ay dapat manalangin hanggang magkaroon siya ng isang makalangit na pang-akit at lubusang makargahan ng dibinong elemento. Kung siya ay nakargahan at kaakit-akit, habang siya ay nakatayo sa harap ng mga tao, magkakaroon siya ng pandama na may naisasalin sa kanya. Ang ilan nga ay takot sa gayong isang tagapagpahayag, sinasabing, “Huwag kang tumingin sa kanya. Kung titingin ka, maaakit ka sa kanya, sapagka’t siya ay lubhang kaakit-akit.” Ito ang kapangyarihan ng ebanghelyo. Ang ilang tagapagsalita ay maaaring magagaling magsalita at may mabuting edukasyon, subali’t hindi sila kaakit-akit. Ang tagapagpahayag ng ebanghelyo ay maaaring kulang sa galing sa pagsasalita, subali’t dahil sa napakakaakit-akit niya, ang iba ay naaakit habang nakikinig sila sa kanya. May ilang elementong naisasalin sa pamamagitan ng isang kaakit-akit na tagapagpahayag, at walang makaaalis nito sa kanila. Ang naisaling elementong ito ay pananampalataya.

Ang prinsipyong ito ay hindi lamang para sa pagpapahayag ng ebanghelyo bagkus para sa iba pang uri ng paghahain din. Ang paghahain ay hindi nakasalalay sa ating galing sa pagsasalita (eloquence) kundi sa ating pagsasalita (utterance). Ang pagsasalita (utterance) ay naiiba sa galing sa pagsasalita (eloquence). Ang galing sa pagsasalita, katulad ng musika, ay isang bagay na nakaaaliw sa tainga. Ang pagsasalita, sa kabaligtaran, ang nagpapalaya ng dibinong elemento. Kung ang iyong paghahain ay wasto, ikaw ay maaakit at magiging kaakit-akit sa tuwing maghahain ka sa iba. Ang wastong paghahain ay lubusang isang bagay ng pagiging ganap na nasalinan ng Diyos Mismo. Unang-una tayo ay nakargahan ng dibinong elemento, at pagkatapos, sa paghahain, naisisilay (radiate) natin yaong dibinong elemento tungo sa loob ng iba sa isang kaakit-akit na paraan. Ito ay lubusang isang bagay ng biyaya ng Diyos.

Katulad ng nakita na natin, ang biyaya ng Diyos ay ang Diyos Mismo na naipamahagi na sa loob natin upang matugunan ang ating pangangailangan. Ang mga makasalanan ay siguradong nangangailangan na magkaroon ng pananampalataya, nguni’t paano sila magkakaroon nito? Sa natural, wala tayong pagsampalataya, tangi lamang di-pagsampalataya ang taglay natin. Subali’t kapag ang mga makasalanan ay nagpunta sa ekklesia at nakinig ng wastong pagpapahayag ng ebanghelyo, sila ay nakakargahan ng Diyos. Ang makalangit na elektrisidad, na siyang Diyos Mismo, ay naisasalin sa kanila. Sapagka’t ang Diyos Mismo ay naisalin sa kanila sa ganitong paraan, nasusumpungan nila na mayroon na silang pananampalataya. Ito ang kaloob ng pananampalataya, na ang kalikasan at elemento ay ang Diyos Mismo.

Kung magkakaroon tayo ng pananampalataya, dapat tayong tumingin palayo tungo kay Hesus, ang pinagmulan ng pananampalataya. Kapag tayo ay tumitinging palayo tungo sa Kanya mula sa lahat ng iba pang bagay, isinisilay (radiate) Niya ang Kanyang Sarili. Bilang resulta, kusa tayong magkakaroon ng pananampalataya. Ang pananampalataya ay hindi nagmumula sa atin; ito ay nagmumula sa Kanya. Ang pananampalataya ay si Kristo Mismo na nananampalataya para sa atin sa isang napakasubhektibong paraan. Sinasalinan Niya tayo ng Kanyang Sarili. Isinasagawa ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin, hanggang sa Siya, ang Mismong Persona, ay nagiging ang nananampalatayang elemento sa loob ng ating katauhan. Kaya, hindi sa tayo ang nananampalataya, Siya ang nananampalataya sa loob natin. Sa ganitong paraan ginagawa Niya tayong isang nananampalatayang nilalang. Sa wari, ito ay ang ating pagsampalataya; sa katunayan, ito ay ang Kanyang pagsampalataya. Ito ang tunay na pananampalataya.

Kapag pinasimulan na ni Kristo ang pananampalatayang ito sa loob natin, hindi na Niya ito kailanman hahayaan. Sa halip, Kanya itong kukumpletuhin, tatapusin, at pasasakdalin. Huwag ninyong isipin na kayo ay magiging isang higante ng pananampalataya sa inyong mga sarili lamang. Hindi, ni wala tayong katiting na pananampalataya. Ang lahat ng pananampalatayang mayroon tayo ay walang iba kundi si Kristo Mismo na nananampalataya sa loob natin at para sa atin. Nabubuhay tayo sa pamamagitan ng Kanyang pananampalataya, sa pamamagitan Niya bilang ating pananampalataya (Gal. 2:20).

Ang nananampalatayang elemento ni Kristo ay naikakarga sa loob ng ating katauhan sa pamamagitan ng kautusan ng buhay. Lalo nating pinahihintulutan ang kautusan ng buhay na gumawa sa ating katauhan, lalo tayong nakapananampalataya. Kung binibigyan natin ang kautusan ng buhay ng pagkakataong gumawa nang walang patid sa ating kaisipan, damdamin, at kapasyahan, ang paggawa nito ay magbubunga ng malaking pananampalataya sa atin. Ang Aklat ng Hebreo ay nakapokus sa kautusan ng buhay, at ang pananampalataya ay ang unang bunga ng paggawa ng kautusan ng buhay sa ating katauhan.

Nakita na natin na ang sukdulan at katapus-tapusang punto ng pag-aayos sa mga kasangkapan sa tabernakulo ay ang kautusan ng buhay na isinasagisag ng mga tapyas na bato ng patotoo. Ang kautusan ay tinatawag na patotoo sapagka’t ito ay kahayagan at kahulugan ng kung ano ang Diyos. Bawa’t kautusan ay ang kahayagan ng tagapagbigay ng kautusan. Ang isang mabuting tao ay gumagawa ng isang mabuting kautusan, at ang isang masamang tao ay gumagawa ng masasamang kautusan. Ang kautusang ginagawa ng isang tao ay naghahayag ng kung ano siya. Kaya, ang kautusan ng Diyos ay ang kahayagan ng kung ano ang Diyos. Sapagka’t ang Diyos ay Diyos ng liwanag at pag-ibig at sapagka’t Siya ay matuwid at banal, ang kautusan din Niya ay isang kautusan ng liwanag at pag-ibig at ito ay matuwid at banal. Ang kautusan, bilang ang aninag (reflection) ng Diyos, ay ang kahayagan (expression) at patotoo ngDiyos. Ito ay isa ring anino ng kautusan ng buhay. Sa katunayan ang kautusan ng buhay sa loob natin ngayon ay ang aninag at kahayagan ng Diyos. Lalong gumagawa ang kautusan ng buhay sa ating katauhan, lalo nating natataglay ang larawan ng Diyos. Sa ganitong paraan, tayo ay nagiging Kanyang kahayagan at patotoo.

Dinadala tayo ng pagkakaayos ng mga kasangkapan sa tabernakulo sa sukdulan sa kautusan ng buhay—ang kahayagan at patotoo ng Diyos. Sa gayunding paraan, ang karanasan kay Kristo na nagsisimula sa krus at nagtatapos sa kautusan ng buhay ay nagreresulta sa patotoo ng Diyos. Ang gol nito ay ang magkaroon ng kahayagan ang Diyos. Habang ang kautusan ng buhay ay gumagawa sa loob natin upang magbunga ng kahayagan at patotoo ng Diyos, ang unang kinalabasan ng paggawa nito ay ang ating pananampalataya. Ang pinaka nananampalatayang tao ay ang isa na kung kanino ang kautusan ng buhay ay gumawa nang higit. Ang gayong isang tao ay magkakaroon ng pananampalatayang manampalataya sa Diyos sa sukdulan nang walang anumang pamimilit o pakikipaglaban. Ang Kanyang pagsampalataya ay kusa sapagka’t nagmumula ito sa paggawa ng buhay sa loob niya.

Ang Bibliya ay hindi nagbabago. Bagama’t maraming iba’t ibang mga salita, mga pananalita, at mga kataga ang ginagamit, ang mga ito ay pawang tumutukoy sa iisang punto. Ang kautusan ng buhay sa Hebreo 8 ay nagreresulta sa kakayahang manampalataya, ang pananampalataya, sa Hebreo 11. Bagama’t hindi natin ito basta mauunawaan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya, mababatid natin ito sa pamamagitan ng ating karanasan. Unang-una, mayroon tayong karanasan at pagkatapos mayroon tayong pagpapatibay mula sa kapahayagan ng Bibliya. Sa wari ang Hebreo 11 ay walang kaugnayan sa Hebreo 8. Gayunpaman, ayon sa buhay, ang Hebreo 11 ay ang kinalabasan ng Hebreo 8, sapagka’t ang kakayahang manampalataya ay resulta ng paggawa ng kautusan ng dibinong buhay. Kapag ang kautusan ng buhay ay gumagawa sa loob natin upang gawin tayong pinaka aninag, kahayagan, at patotoo ng Diyos, madali para sa atin ang manampalataya. Ang ating pananampalataya ay kusa. Sa katunayan, hindi natin magawang hindi manampalataya, sapagka’t ang kakayahang manampalataya ay nailalin na sa atin. Ngayon nakikita na natin kung bakit tayo dapat tumingin palayo tungo kay Hesus, ang Maykatha at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, mula sa lahat ng mga bagay. Kapag tayo ay tumingin palayo tungo sa Kanya, binibigyan natin Siya ng pagkakataon at kalayaang isagawa ang Kanyang Sarili tungo sa loob natin. Sa ganitong paraan, ang kautusan ng buhay ay makagagawa sa bawa’t panloob na bahagi ng ating katauhan hanggang sa tayo ay ganap na malalinan Niya. Lalo tayong nalalalinan Niya, lalong madali ang manampalataya. Ito ang paraan upang magkaroon ng pananampalataya. Nawa ay maranasan nating lahat ang pananampalataya sa gayong isang subhektibong paraan sa pamamagitan ng pagtingin palayo tungo kay Hesus.