PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LIMA

MGA TAGAPAGMANA NG KALIGTASAN

Ang Hebreo ay isang espesyal na aklat. Sa Bagong Tipan mayroon lamang isa pang aklat na nasa parehong kategorya ng Hebreo—ang aklat ng Apocalipsis. Ako mismo ay lubhang naniniwala na ang Hebreo ay isinulat ni Apostol Pablo sapagka’t sa katapusan ng sulat ay binabanggit niya si Timoteo (13:23). Si Pablo ay sumulat ng di kukulangin sa labintatlong liham. Sa lahat ng liham sa Bagong Tipan, ang Hebreo ay nangingibabaw sa isang lubhang kakaibang paraan. Hindi ito pangkaraniwan; ito ay lubhang kakaiba. Sa gitna ng lahat ng iba pang mga aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis ay nangingibabaw din. Kapwa ang Hebreo at ang Apocalipsis ay mga pahayag ni Kristo, hinahayag si Kristo sa mga espesyal at partikular na paraan. Marami sa mga aspekto ni Kristo ay makikita lamang sa Hebreo, at ang iba pang partikular na aspekto Niya ay makikita lamang sa Apocalipsis. Ang dalawang aklat na ito ay mataas, malalim, at napakatindi sa kanilang pahayag kay Kristo. Dahil dito, ang mga ito ay sarado sa karamihan sa mga Kristiyano. Bagama’t maraming Kristiyano ang nakapagsasalita ng mga salaysay sa apat na ebanghelyo, pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at mga bagay katulad ng pagtatakip sa ulo, ang hapag ng Panginoon, at ang pagpapakita ng mga kaloob, hindi nila mahipo ang kalaliman ng Hebreo at Apocalipsis. Tinatrato ng iba ang aklat ng Apocalipsis sa paraan ng pagsasalita hinggil sa mga sungay, mga halimaw, mga kabayo, mga alakdan, mga balang, at mga palaka. Tinatalakay ito ng iba sa isang mas mataas na paraan, sinasalita ang tungkol sa haba ng kapighatian o ang panahon ng pag-akyat-ng-may masidhing-kagalakan. Subali’t hindi ko kailanman narinig ang mga tao na nagsasalita tungkol dito sa paraan na ang Kristo na naihayag ng partikular sa administrasyon ng Diyos, o sa paraan ng ang mga ekklesia lokal bilang ang patotoo ni Hesus. Mula sa aking pagkabata, narinig ko ang maraming mensahe sa Apocalipsis, subali’t hindi ko kailanman narinig ang sinuman na nagsabi na ang Apocalipsis ay nagsisimula sa pitong gintong patungan-ng-ilawan at nagtatapos sa namumukod-tanging patungan-ng-ilawan, isang ginintuang bundok, na tinatanganan si Kristo bilang ang ilawan na nagniningning kasama ang liwanag ng Diyos sa kawalang-hanggan. Pinupuri natin ang Panginoon na sa Kanyang kahabagan ay binuksan niya ang aklat na ito sa atin sa mga huling panahong ito. Binuksan Niya ang mga kalaliman ng Kanyang Kristo sa mga aklat na ito. Hindi ko tinatawag ang inyong pansin sa Hebreo at Apocalipsis dahil sa ang mga aklat na ito ay malalim sa doktrina, ngunit dahil sa ang mga ito ay malalim sa pagpapahayag kay Kristo. Walang ibang aklat ang makikita natin si Kristo sa ganitong paraan. Si Kristo, ang ating minamahal na Panginoon, ay isang kamangha-manghang persona. Siya ay kamangha-mangha, humihigit sa ating pang-unawa at pananalita. Tunay na hindi natin masambit ang Kanyang kalaliman. Kaya, ang Hebreo at ang Apocalipsis ay gumamit ng iba’t ibang kataga upang ilarawan, iguhit (portray), at ihayag ang kamangha-manghang personang ito. Hinihiling ko sa inyo na magbigay ng lubos na pansin sa mga bagay-bagay na inihayag sa dalawang aklat na ito.

Tila ang mensaheng ito tungkol sa mga tagapagmana ng kaligtasan ay walang kinalaman kay Kristo. Maniwala ka sa akin, kung gusto mong makilala si Kristo, kailangan mong malaman ang mensaheng ito, sapagka’t nagtataglay ito ng isang partikular na aspekto hinggil kay Kristo. Si Kristo ay kamangha-mangha, napakalalim, di-nalilimitahan, mayaman, at kahanga-hanga. Bilang gayong Isa, tunay na kailangan Niya tayong lahat upang maging tagapagmana ng kaligtasan. Ang kaligtasan ay walang iba kundi ang kamangha-manghang persona ni Kristo Mismo. Si Kristo Mismo, bilang ang pinakamalalim (profound), kahanga-hanga, di-nalilimitahan, at di-masukat na Isa, ay ang ating kaligtasan. Ang sabihin na tayo ay mga tagapagmana ng kaligtasan ay nangangahulugan na minana natin ang napakalalim, kahanga-hanga, di-masukat, at di-nalilimitahang Kristo. Hinihiling ng kalaliman ni Kristo ang ating pagiging kasama. Ang ating pakikisama kay Kristo ay naghahayag ng kalaliman ni Kristo.

I. ANG PANGANAY NA ANAK BILANG
ANG ITINALAGANG TAGAPAGMANA

Sa Kanyang ekonomiya ang Diyos ay mayroon hindi lamang ng isang napakalaking pangasiwaan, bagkus mayroon din Siyang napakalaking kayamanan. Sa Kanyang pangangasiwa naisakatuparan Niya at isasakatuparan ang maraming bagay. Nilikha rin Niya at dinala ang maraming bagay. Dahil dito, itinalaga Niya ang Anak na maging hindi lamang ang Tagapamahala (Operator) bagkus ang Tagapagmana rin. Ibinigay din Niya sa Anak ang awtoridad na gawin ang lahat ng bagay sa loob ng Kanyang layunin at ang karapatan na manahin ang lahat ng bagay sa loob ng Kanyang pangangasiwa. Sinasabi ng Hebreo 1:2 na ginawa Niya ang sansinukob sa pamamagitan ng Anak at itinalaga Niya ang Anak na maging ang Tagapagmana ng lahat ng mga bagay. Sinasabi ng Colosas 1:16 na ang lahat ng mga bagay ay nilikha sa pamamagitan at ukol sa Anak. Sinasabi ng Juan 13:3 sa atin na ibinigay ng Ama ang lahat ng bagay sa Anak. Kaya, ang Anak ang Panginoon ng lahat (Gawa 10:36).

Una, ang Anak ay itinalaga ng Diyos Ama (1:2); pagkatapos pinahiran Siya ng Ama kasama ng Espiritu (1:9); at sa katapusan, pagkaraan ang Anak ay itinalagang maging Anak ng Diyos (Rom. 1:4), bilang ang ipinanganak ng Diyos sa Kanyang pagkabuhay-na-muli upang maging Panganay na Anak ng Diyos (1:5; Gawa 13:33), Siya ay itinalaga bilang ang Panginoon ng lahat tungo sa Kanyang tanggapan sa panahon ng Kanyang pag-akyat sa mga kalangitan (Gawa 2:36). Hindi lamang Siya itinalaga at pinahiran ng Diyos, bagkus, sa Kanyang pagkadakila (exaltation) ay itinalaga bilang kapwa ang Panginoon at Kristo upang pamahalaan ang pangasiwaan ng Diyos at itinalaga bilang ang legal na Tagapagmana ng lahat ng mga bagay sa ekonomiya ng Diyos. Mamanahin Niya, bilang Isaac, ang Anak ni Abraham, ang lupa (Awit 2:8), ang kaharian (Dan. 7:13-14), ang luklukan (Lukas 1:32), at ang lahat ng bagay (Mat. 11:27). Yamang Siya ay hindi lamang ang Anak ng Diyos, bagkus ang Tagapagmana rin ng Diyos, maging ang legal na Tagapagmana ng Diyos, ang lahat ng kung ano at taglay ng Diyos Ama ay para sa Kanyang pag-aari (Juan 16:15). Ito ang ating Tagapagligtas, ang Isa na Siya ang kaligtasan at na tayo ang mga tagapagmana.

II. ANG MARAMING MGA ANAK AY NALIGTAS
UPANG MAGING ANG MGA KASAMANG-TAGAPAGMANA

Upang matanto na tayo ay mga tagapagmana ng kaligtasan, dapat nating malaman na, sa ekonomiya ng Diyos, ang Diyos ay may Panganay na Anak at maraming mga anak. Ilan ba ang anak ng Diyos bago magkatawang-tao si Kristo? Siya ay may isa lamang, ang namumukod-tanging Anak. Sa Bibliya, ang Anak na ito ay tinatawag na ang bugtong (Juan 1:14, 18). Sa Juan 3:16, isang bersikulong alam na alam ng bawa’t Kristiyano, ay nagsasabi na, “sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak.” Ang bugtong na Anak ay si Kristo. Bago ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli, si Kristo ang namumukod-tanging Anak ng Diyos. Ang Bagong Tipan ay naghahayag na sa pamamagitan ng pagkamatay at pagkabuhay-na-muli ni Kristo ang maraming mga anak ng Diyos ay naisilang (1 Pedro 1:3). Sa madaling araw ng araw ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, sinabi ng Panginoong Hesus kay Maria, “Pumaroon ka sa Aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila, “Aakyat ako sa Aking Ama at sa inyong Ama, at Aking Diyos at inyong Diyos” (Juan 20:17). Hindi Niya kailanman tinawag ang Kanyang mga disipulo na kapatid bago ang umagang yaon. Kahit sa Juan 15 ay sinabi Niya, “Hindi Ko na kayo tatawagin na mga alipin, sapagka’t hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon; nguni’t tatawagin Ko kayong mga “kaibigan” (b.15). Ang pinakamalapit na kataga na ginamit hinggil sa Kanyang mga disipulo bago ang Kanyang pagkabuhay-na-muli ay “kaibigan.” Subali’t pagkaraan ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, nakatagpo Niya ang isa sa Kanyang mga babaeng disipulo at sinabi sa kanya na pumaroon sa Kanyang mga kapatid. Ito ay pinropesiya sa Awit 22. Ang unang mga salita ng awit na ito, “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” ay sinalita ng Panginoon nang Siya ay nasa krus (Mat. 27:46). Ang unang dalawampu’t isang bersikulo sa awit na ito ay nagsasalita hinggil sa pagkapako-sa-krus ng Panginoon. Kaagad-agad, sinasabi ng bersikulo 22, “Idedeklara Ko ang iyong pangalan sa Aking mga kapatid.” Pinatutunayan nito na dumaan Siya sa kamatayan at pumasok sa pagkabuhay-na-muli. Pagkatapos Niyang dumaan sa kamatayan at pagkabuhay-na-muli, ang maraming kapatid ay naibunga. Siya ang isang butil ng trigo na sa pamamagitan ng kamatayan at pagka-buhay-na-muli ay naging maraming mga butil (Juan 12:24). Ngayon ang Diyos ay maraming anak. Hindi lamang Siya may isang Anak, bagkus maraming anak na kasama ang Panganay. Bago ang Kanyang pagkabuhay-na-muli si Kristo lamang ang bugtong na Anak ng Diyos. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, ang maraming anak ng Diyos ay naibunga. Siya ang naging Panganay na Anak ng Diyos kasama ang maraming kapatid.

Ano ang isang anak? Ang isang anak ay ang kahayagan ng kanyang ama. Maraming beses kapag nakikita natin ang isang anak, nakikilala natin ang mukha ng ama, sapagka’t hinahayag ng mga anak ang kanilang mga ama. Kalimitan kapag nakakakita ako ng isang maliit na batang lalake alam ko kung kanino siyang anak, sapagka’t kapag tumitingin ako sa kanyang mukha nakikita ko ang mukha ng kanyang ama. Ang ama kailanman ay hindi ang kahayagan ng anak; sa halip ang anak ang kahayagan ng ama. Ilang anak mayroon ang Diyos? Bago ang pagkabuhay-na-muli ni Kristo, ang Diyos ay may isa lamang Anak. Ito ay nangangahulugang Siya ay may natatanging kahayagan. Ilang kahayagan mayroon ang Diyos ngayon? Siya ay maraming kahayagan sapagka’t Siya ay may maraming anak. Ang lahat ng Kanyang anak ay ang Kanyang kahayagan. Ang pagkaunawa nito ay ang batayan upang malaman ang bagay ukol sa mga tagapagmana ng kaligtasan.

Sa pagliligtas ng Diyos tayo ay hindi lamang mga ipinanganak ng Diyos upang maging Kanyang mga anak (Juan 1:12-13), kundi ginawa ring “mga tagapagmana ng Diyos at kasamang-tagapagmana ni Kristo” (Roma 8:17; Gal. 4:7; Tito 3:7). Ang maipanganak na mga anak ng Diyos ay isang bagay; ang naging mga tagapagmana ng Diyos ay isa pang bagay. Alam mo ba ang pagkakaiba ng isang anak at isang tagapagmana? Maaaring ikaw ay isang anak subali’t hindi isang tagapagmana. Ang maging isang anak ay nangangailangan ng kapanganakan; ang maging tagapagmana ng Diyos ay nangangailangan ng kagulangan sa paglago. Bago ang isang bata ay maging isang tagapagmana, kinakailangan muna niyang gumulang. Gayunpaman, kahit na gumulang siya ay hindi pa rin ganap na kwalipikadong maging isang tagapagmana. Karagdagan sa paggulang, ang isang tagapagmana ay dapat maging legal. Maaaring ikaw ay gumulang na ayon sa edad gayunpaman hindi pa nagawang legal na maging tagapagmana. Kaya, upang maging isang tagapagmana kailangan mo kapwa ang paggulang at pagiging nagawang legal. Upang ang isang tao ay maging tagapagmana ng Diyos kailangan niya ang tatlong bagay: ang maipanganak-na-muli bilang isang anak ng Diyos, ang gumulang, at magawang legal.

Ipagpalagay na ang isang hari ay may limang anak. Mamanahin ba nilang lahat ang luklukan? Hindi. Tangi lamang ang panganay ang magmamana ng luklukan ng kaharian. Gayunpaman, ang panganay ay kinakailangang gumulang at italaga bilang ang pinutungang prinsipe. Pagkatapos siya ang magiging legal na kahalili sa luklukan at magmamana ng kaharian. Maaaring kapag narinig mo ito ay sasabihin mo, “Yamang si Kristo ang Panganay, tayo ay walang karapatang hipuin ang luklukan ng kaharian.” Subali’t ako ay narito upang sabihin sa inyo na bagama’t ang luklukan ng United Kingdom ay para sa isang tao, ang luklukan ng makalangit na kaharian ay para sa Panganay at sa Kanyang maraming kapatid. Tayong lahat ay Kanyang mga kapatid at tayo ay ang Kanyang kasamang-tagapagmana. Kapag Siya ay nasa luklukan, tayo ay mapapasaroon kasama Niya (Apoc. 3:21). Tayo ay magiging Kanyang kasamang-hari (Apoc. 20:4, 6).

Ang ating Ama ay isang dakilang Ama, mas higit kaysa kay Abraham. Tayo, ang maraming anak na lalake ng Diyos Ama, ay napakaraming mamamana kasama ni Kristo, ang Panganay na Anak ng Diyos. Subali’t kailangan nating lumago at gumulang sa buhay upang tayo ay maging mga legal na tagapagmana.

Ano ang kahihinatnan ng isang ligtas na tao? Ano ang layunin ng Diyos sa pagliligtas ng maraming anak? Ang Kanyang layunin ay upang tayo ay maging mga kasamang-tagapagmana ng Kanyang Anak. Ang Panganay na Anak ng Diyos ay itinalaga ng Diyos na Tagapagmana, at tayong maraming anak ay iniligtas upang maging Kanyang kasamang-tagapagmana. Ang kahihinatnan ng ating kaligtasan ay maging kasamang-tagapagmana ni Kristo. Tayo ay mga tagapagmana ni Kristo! Si Kristo ang itinalagang Tagapagmana at tayo ang Kanyang kasamang-tagapagmana.

Ano ang ating mamanahin? Sinasabi ng Hebreo 2 na tayo, ang kasamang-tagapagmana ni Kristo, ay magmamana ng lupa. Mangyari pa, mamanahin natin ang isang bagay na higit kaysa sa lupa. Ang manahin ang lupa sa panahon ng isang libong taon ay isang gantimpala lamang na katulad ng sa gantimpala na iginagawad sa isang estudyante na nakatanggap ng panay “A” sa paaralan. Siguradong lubhang malaki pa kaysa rito ang mamanahin natin. Sinasabi ng 1 Corinto 3:22 sa atin na ang lahat ng bagay ay atin.

III. ANG KASAMANG-TAGAPAGMANA BILANG MGA KASAMA
NG ITINALAGANG TAGAPAGMANA

Ang mga kasamang-tagapagmana ay ang mga kasama ng itinalagang Tagapagmana (1:9). Yamang si Kristo bilang ang Panganay na Anak ng Diyos ay ang itinalagang Tagapagmana ng Diyos at tayo bilang ang maraming anak na lalake ng Diyos ay ang Kanyang kasamang-tagapagmana, tayo ang Kanyang kasama. Siya at tayo, tayo at Siya, ay nasa isang pagkakasama (partnership) na bumabahagi sa parehong interes sa dibinong korporasyon. Narinig mo na ba na tayo ang kasama ni Kristo? Aleluya, tayo ang Kanyang mga kasama! Ipagpalagay na ikaw ay naging kapareha ng isang bilyonaryo. Siguradong ikaw ay tiyak na magkakaroon ng napakalaking kayamanan, sapagka’t kung anuman ang taglay ng bilyonaryo ay iyo rin. Ikaw ay kaisa niya sa isang napakalaking korporasyon. Ang Diyos ay may napakalaking korporasyon sa sansinukob. Ang pangalan ng Kanyang korporasyon ay “Kristo at ang Ekklesia.” Tayo ang mga kasama sa korporasyon na ito. Tayo ay hindi inupahan ng korporasyon na ito; tayo ay mga kasama (partners). Sa buong sansinukob ang Diyos ay may isa lamang korporasyon—“Kristo at Ekklesia,”—ang korporasyong ito ay may milyong anghel upang maging ang mga naglilingkod. Hindi na dapat ipagmalaki ng mga Hudyo ang mga anghel; ang mga anghel ay mga alipin natin (1:14).

IV. ANG MARAMING ANAK NA LALAKE BUMUBUO NG
BAHAY NG DIYOS—BETEL

Ang maraming anak na lalake, ang siyang mga kasamang-tagapagmana ni Kristo at Kanyang mga kasama, ang bumubuo ng bahay ng Diyos, ang Betel. Ang bahay ng Diyos ay binubuo ng lahat ng Kanyang mga anak. Tayo ang mga kasamang- tagapagmana at mga kasama ni Kristo. Tayo rin ang anak na lalake at ang bahay ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Hebreo 2:10 na tayo ang mga anak na lalake ng Diyos. Sinasabi naman sa atin ng Hebreo 3:6 na tayo ang bahay ng Diyos. Ang bahay ng Diyos na ito ay buhay sapagka’t ito ay itinayo sa pamamagitan natin, ang mga buhay na anak na lalake ng buhay na Diyos. Ito ay lubusang isang bagay ng Diyos bilang ang Espiritu at nananahan sa ating espiritu. Ang buhay na Diyos bilang ang Espiritu ay nananahan sa ating naisilang-na-muling espiritu. Kaya, ito ang tahanan ng Diyos sa ating espiritu (Efe. 2:22).

V. ANG PANGANAY NA ANAK NA LALAKE BILANG ANG MAKALANGIT NA HAGDAN SA BETEL

Ang unang pagbanggit ng bahay ng Diyos sa Bibliya ay sa Genesis 28. Tandaan, ang unang pagbanggit ng anuman sa Kasulatan ay nagtatatag ng prinsipyo ng bagay na yaon. Sa pagbanggit ng bahay ng Diyos sa Genesis 28 maraming espirituwal na prinsipyo ang naitatag: na kung saan naroroon ang bahay ng Diyos, naroroon ang makalangit na hagdan; na ang bahay ng Diyos kasama ang makalangit na hagdan ay ang pintuan ng langit; at kung saan naroon ang bahay ng Diyos kasama ang makalangit na hagdan bilang ang pinto ng kalangitan, naroroon ang mga nagmi-ministeryong anghel na umaakyat at bumababa sa hagdan. Kung saan naroroon ang bahay ng Diyos sa lupa, naroroon ang makalangit na hagdan. Inuugnay ng hagdang ito ang lupa sa kalangitan at dinadala ang langit pababa sa lupa. Ang lugar kasama ang makalangit na hagdan ay ang pinto ng kalangitan. Dito ang mga anghel ay nagmamanhik-manaog habang sila ay naglilingkod. Ang paglilingkod na kanilang ginagawa ay ang pangalagaan ang bahay ng Diyos bilang ang pintuan ng langit. Ito ang larawan ng bahay ng Diyos sa lupa.

Dapat nating tandaan na sa Hebreo tayo ay sinabihan na tayo ay ang mga kasamang-tagapagmana ni Kristo, ang Kanyang kasama, at ang bahay ng Diyos, ang Betel ngayon sa lupa. Yamang tayo ang bahay ng Diyos, ang tunay na Betel, naririto ang makalangit na hagdan na si Kristo. Yamang ang makalangit na hagdan ay naririto, ang mga anghel ay nagmamanhik-manaog bumababa sa hagdang ito habang sila ay naglilingkod. Ang ekklesia ngayon ay ang bahay ng Diyos na binubuo ng maraming anak na lalake ni Kristo, ang Panganay na Anak ng Diyos, bilang ang makalangit na hagdan. Kaya, ang ekklesia ay ang pintuan ng langit kasama si Kristo bilang ang makalangit na hagdan na nag-uugnay ng lupa sa kalangitan at nagdadala ng kalangitan sa lupa. Sa hagdang ito ang mga anghel ay nagmiministeryo habang sila ay nagmamanhik-manaog.

Ang naipahayag sa Genesis 28 ay nakumpirma ng Panginoong Hesus sa Juan 1:51. “At sinabi Niya sa kanya, Katotohanan, katotohanan sinasabi Ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng Tao.” Dito ay sinasabi sa atin ng malinaw ng Panginoong Hesus na Siya Mismo, bilang ang Anak ng Tao na isinilang sa loob ng Kanyang pagkabuhay-na-muli upang maging Panganay na Anak ng Diyos, ang makalangit na hagdan at sa ibabaw Niya ay nagmamanhik-manaog ang mga nagmiministeryong anghel habang sila ay naglilingkod sa bahay ng Diyos na binubuo ng maraming anak na lalake ng Diyos.

VI. ANG BAHAY NG DIYOS BILANG
ANG PINTUAN NG LANGIT

Ang ekklesia bilang ang bahay ng Diyos, ang pinananahanan ng buhay na Diyos sa lupa, ay ang pintuan ng langit. Kung saan naroroon ang bahay ng Diyos, naroon ang makalangit na hagdan na si Kristo. Nasaan si Kristo? Siya ay kapwa nasa mga kalangitan at sa lupa sa loob ng ekklesia. Kaya, Siya ay naging ang hagdan sa ekklesia na nag-uugnay ng lupa sa kalangitan at nagdadala ng kalangitan sa lupa. Ito ang lugar na kung saan tayo dapat manatili. Tayo bilang ang mga naligtas ng Diyos, ang maraming anak na lalake ng Diyos, ang mga kasamang-tagapagmana at mga kasama ni Kristo, ay nararapat mamuhay at ilagay ang buo nating katauhan sa loob ng ekklesia habang tayo ay naririto sa lupa. Dito natin natatamasa ang bukas na kalangitan ng Diyos. Dito tayo nakikibahagi kay Kristo bilang ang makalangit na hagdan. Dito tayo ay mayroong napakaraming anghel na nagmiministeryo ng lahat ng uri ng paglilingkod sa atin. Higit sa lahat, dito naihahayag natin ang Diyos sa Kanyang kaluwalhatian.

VII. ANG MGA ANGHEL NA NAGMIMINISTERYO
SA MGA TAGAPAGMANA NG KALIGTASAN

Sa katapusan ng ganitong kaluwalhating kapitulo, ang kapitulo isa ng Hebreo, hinggil sa di-nalilimitahang Anak ng Diyos, tayo ay sinabihan na ang mga anghel ay ating mga tagapaglingkod. “Hindi ba silang [mga anghel] lahat ay mga naglilingkod na espiritu, na mga isinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mga magmamana ng kaligtasan?” Si Kristo ang Tagapagmana ng Diyos at tayo ang kasamang-tagapagmana ni Kristo. Higit pa rito, tayo ang Kanyang mga kasama sa dibinong interes. Gaanong kataas na posisyon ito! Ito ay mas mataas kaysa sa mga anghel. Ang mga anghel sa ekonomiya ng Diyos ay mga nagmiministeryong espiritu lamang na naglilingkod sa atin, ang mga kasamang-tagapagmana ni Kristo at ang mga kasama ng itinalagang Tagapagmana ng Diyos. Sa sansinukob ng Diyos tayo ang mga may-ari at ang mga anghel ang ating mga tagapaglingkod. Pinaglilingkuran nila tayo, ang maraming anak na lalake ng Diyos, ang mga tagapagmana ng kaligtasan.

Hayaan mo akong magbahagi ng ilang tunay na halimbawa ng ministeryo ng mga anghel. Nang si Pedro ay ikinulong sa bilangguan isang anghel ang dumating, binuksan ang pintuan, at ginabayan siya palabas sa kulungan (Gawa 12:5-16). Pagkatapos si Pedro ay umalis at kumatok sa pintuan ng bahay ni Maria. Nang buksan ni Roda na isang babaeng-lingkod (maidservant) ang pintuan at sabihin sa mga tao sa bahay na ang kumakatok ay si Pedro, sinabi nila na maaaring ito ay ang kanyang anghel. Tayo, sa pinakakaunti, ay may isang anghel. Pinatutunayan ito ng Mateo 18:10. “Ingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito, sapagka’t sinasabi ko sa inyo na ang kanilang mga anghel sa mga kalangitan ay palaging nakamasid sa mukha ng Aking Ama na nasa mga kalangitan.” Huwag nating gagawan ng kamalian ang ating mga kapatid sapagka’t ang kanilang mga anghel ay nasa presensiya ng Ama. Ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog sa makalangit na hagdan, nagmiministeryo sa mga tagapagmana ng kaligtasan. Maaari rin nating banggitin ang halimbawa ni Cornelio na binisita ng anghel nang siya ay nananalangin (Gawa 10:1-4). Higit pa rito, sinasabi ng Awit 34:7, “Ang anghel ng Panginoon ay humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa Kanya, at ipinagsasanggalang sila.” Kung iniibig mo ang Panginoon at hinahanap Siya, ipapadala Niya ang mga anghel upang pumalibot sa iyo.

Sino tayo? Tayo ang mga tagapagmana ng kaligtasan. Sino ang mga anghel? Sila ang mga tagapaglingkod na nagmiministeryo sa atin ng tuluy-tuloy. Paano tayo naging mga ganitong tagapagmana? Dahil kay Kristo. Siya ang Panganay na Anak ng Diyos, at tayo ang maraming anak na lalake ng Diyos. Siya ang itinalagang Tagapagmana, at tayo ay naligtas upang maging Kanyang mga kasamang-tagapagmana. Tayo ay mga kasama sa loob ng makalangit na korporasyong “Si Kristo at ang Ekklesia,” at tayo ay may milyun-milyong anghel na nagmiministeryo sa atin. Nawa ay buksan ng Panginoon ang ating mga mata upang makita ito.

Ngayon maaari nating ibuod ang mga pangunahing punto ng mensaheng ito. Si Kristo, ang Panganay na Anak ng Diyos, ay ang itinalagang Tagapagmana ng Diyos ng lahat ng bagay. Tayo, ang maraming anak na lalake ng Diyos, ay ang Kanyang mga “kasamang- tagapagmana,” nagmamanang kasama Niya hindi lamang ng kaligtasan bagkus ng lahat din ng bagay. Kaya, tayo ang mga kasama, kasama Niyang nagmamay-ari ng sansinukob, samantalang ang mga anghel ay mga tagapaglingkod lamang natin, hindi lamang mas mababa sa Kanya, bagkus maging sa atin din. Ang Anak ay itinalagang maging Tagapagmana, at tayo ay iniligtas upang maging Kanyang kasamang-tagapagmana, nakikibahagi sa Kanyang mana. Ang “ganitong kadakilang kaligtasan” na tinukoy sa 2:3 ay may kakayahang magligtas sa atin sa sukdulan na dinadala tayo nito sa loob ng pagkakasama (partnership) ng Kanyang pagtatalaga. Kaya, tayo ay nakikibahagi sa anumang Kanyang minamana. Tayo, ang mga kasama ng Anak, ay ang bahay ng Diyos, ang tunay na Betel, ang pintuan ng langit, kung saan ang Anak ay ang makalangit na hagdan, na nag-uugnay ng lupa sa kalangitan at nagdadala ng langit sa lupa. Sa ibabaw ng hagdang ito ang mga anghel ay nagmamanhik-manaog bilang ang mga nagmiministeryong espiritu upang paglingkuran tayong mga nagmamana ng gayong kadakilang kaligtasan. Ang tinalakay sa aklat na ito ng Hebreo ay katulad ng pintuan ng langit. Dito tinatamasa natin si Kristo bilang ang makalangit na Isa na nag-uugnay sa atin sa kalangitan at nagdadala ng kalangitan sa atin upang tayo ay maging isang makalangit na bayan na namumuhay ng isang makalangit na buhay dito sa lupa at nagmamana ng lahat ng makalangit na bagay. Paanong uurong ang mga mananampalatayang Hebreo mula rito at babalik sa kanilang lumang relihiyon at magmamapuri para sa mga anghel? Ang mga anghel ay mga nagmiministeryong lingkod lamang natin, samantalang tayo ang mga maluwalhating tagapagmana ng kagila-gilalas na kaligtasan ng Diyos.

 

 

Mga Nilalaman