|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LIMAMPU TAKBUHIN (RUN) ANG TAKBUHIN (RACE) I. ANG BUHAY-KRISTIYANO BILANG ISANG TAKBUHIN (RACE) Sa mensaheng ito dumako tayo sa pang-Kristiyanong takbuhin (race). Ang buhay-Kristiyano ay isang takbuhin (race). Bawa't naligtas na Kristiyano ay kinakailangang tumakbo (run) sa takbuhin (race) upang makamit ang gantimpala (1 Cor. 9:24). Ang gantimpalang ito ay hindi ang pangkalahatang kaligtasan (Efe. 2:8; 1 Cor. 3:15), kundi isang natatanging gantimpala (Heb. 10:35; 1 Cor. 3:14). Si Apostol Pablo, na natakbo na ang takbuhin at nakamit na ang gantimpala, ang tanging naghalintulad sa buhay-Kristiyano sa isang takbuhin. Sa aklat ng Hebreo, inatasan niya ang mga mananampalatayang Hebreo na takbuhin ang takbuhin, sinasabing, "takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin" (12:1). Ngayon dapat tayong magtanong ng isang napakamapalaisipang katanungan: Ano ang takbuhing ito? Hindi natin dapat sabihin na ang takbuhin ay pagpapasakdal o pagluluwalhati; sapagka't yaon ang gol ng takbuhin. Ang takbuhin ay hindi rin ang panloob na paggawa ng kautusan ng buhay, sapagka't yaon ang proseso ng takbuhin. Ang takbuhin ay hindi rin ang pagwala ng kaluluwa, sapagka't yaon ay ang paraan upang matakbo ang takbuhin; hindi ito mismo ang takbuhin. Upang masagot ang katanungang ito, kailangan nating isaalang-alang ang salita ng Panginoon sa Juan 14:6: "Ako ang daan." Ang isang takbuhin ay isang daan (a way, a course). Sapagka't si Kristo ang daan, Siya rin ang takbuhin. Ang takbuhin na tinatakbo natin ay si Kristo. Ang ating daan ay ang takbuhin. Ang mga ito ay hindi dalawang bagay, na ang isa ay ang daan at ang isa ay ang takbuhin. Hindi, ang daang ating nilalakad ay ang takbuhing ating tinatakbo. Kaya, si Kristo, na ating daan, ay ang takbuhin. Bagama't mahigit sa apatnapung taon na akong naghahain ukol sa bagay na ito ng pagtakbo sa takbuhin, hindi ako kailanman naging masyadong malinaw na katulad ngayon na ang takbuhin ay si Kristo Mismo. Ako ay may kabigatan na tayong lahat ay maging malinaw hinggil sa daan ng Diyos. Sa sansinukob ang Diyos ay naghanda ng namumukod-tanging daan na dapat nating tahakin. Ang daang ito ay walang pasimula ni katapusan; ito ay walang-katapusan, umaabot mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Mula Genesis 1 hanggang Apocalipsis 22 ay may isa lamang daan—si Kristo. Bago nahayag si Kristo, gumamit ng mga sagisag ang Diyos upang tukuyin itong bagay ni Kristo bilang ang daan ng Diyos, na ang lubhang kapansin-pansin ay ang tabernakulo. Gaya ng nakita natin, ang tabernakulo ay may tatlong bahagi: ang labas na looban, ang Dakong Banal, at ang Dakong Kabanal-banalan. Sa tatlong bahaging ito ng tabernakulo ay may isang daan, nagsisimula sa dambana; dumaraan sa hugasan, sa dulang ng tinapay, sa patungan-ng-ilawan, at sa dambana ng insenso; at nagdadala sa atin papasok sa kaban, ang dako kung saan naroroon ang kautusan ng buhay. Ang daan sa tabernakulo ay isang larawan ni Kristo bilang ating namumukod-tanging daan. Katulad ng makikita natin, may isang dahilan kung bakit ang daang ito ay tinatawag na isang takbuhin. Inihahayag ng Genesis 1 at 2 na ang layunin ng Diyos ay yaong ang tao, na nilikha sa Kanyang larawan, ay mapasa Kanyang daan. Ayon sa 1 Corinto 4:4 at Colosas 1:15, ang larawan ng Diyos ay si Kristo. Kaya, ang likhain ang tao sa larawan ng Diyos ay nangangahulugang ginawa siya ayon kay Kristo. Nilikha siya ayon kay Kristo upang siya ay mapasa daan ng Diyos, na si Kristo. Sa Genesis 2, inilagay ang tao sa harap ng puno ng buhay, na sumasagisag kay Kristo bilang ating buhay. Kaya, ang tao ay hindi lamang ginawa ayon kay Kristo, bagkus itinalaga ring kuhanin si Kristo bilang Kanyang buhay. Kung nagawa ito ng tao, kaagad sana siyang nasa daan ng Diyos. Gayunpaman, pagkatapos na pagkatapos ng paglikha sa tao at bago ang tao ay napasa namumukod-tanging daan ng Diyos, pumasok si Satanas upang gambalain ang tao mula sa daan ng Diyos tungo sa isang bagay na iba kay Kristo. Subali't sa Kanyang kaawaan, dumating ang Diyos upang itatag ang daan ng katubusan nang sa gayon ang nagambalang tao ay maibalik sa daan ng Diyos. Sinusunod ito ni Abel, subali't hindi sinunod ni Cain. Bagama't si Abel ay naibalik sa daan ng Diyos, si Cain ay nagambala ng isa pang hakbang ni Satanas, hindi na bumalik sa orihinal na daan ng Diyos. Di-naglaon, inutusan ng Diyos ang mga anak ni Israel na itayo ang tabernakulo. Sa pamamagitan ng tabernakulo nagkaroon ng isang malinaw na daan upang ang mga makasalanan ay makapasok sa realidad ng kung ano ang Diyos. Nang ang mga anak ni Israel ay tinawag ng Diyos, lahat sila ay mga makasalanang nagambala mula sa daan ng Diyos. Subali't ipinakita sa kanila ng Diyos ang tabernakulo, kung saan may isang daan upang makapunta mula sa dambana sa labas na looban tungo sa pinakasukdulang punto sa Kabanal-banalan—ang pagtatamasa sa elemento ng Diyos, ang kautusan ng buhay. Bawa't bagay sa daang ito ay nagpapakita ng isang aspekto ni Kristo. Kaya, ang daan para maabot ng tao ang Diyos ay si Kristo Mismo. Gayunpaman, mali ang pagkakagamit ng Hudaismo, ng maka-Hudyong relihiyon, sa tabernakulo at sa lahat ng bagay na inihayag sa Lumang Tipan, sa gayon ay nakagawa sila ng isang relihiyon. Sa katapus-tapusan ginambala ng mismong relihiyon na binuo ayon sa banal na salita ng Diyos ang bayan ng Diyos mula sa daan ng Diyos. Kapwa ang tabernakulo at ang templo ay naitayo para sa layunin ng pagpapakita sa mga tao ng Diyos ng daan para maabot nila ang Diyos at makapasok tungo sa loob Niya. Nang dumating ang Panginoong Hesus, sumasamba ang mga saserdote sa Diyos sa templo, naghahandog ng mga hain sa dambana, inaayos ang ilawan, tinatanghal ang tinapay, at sinisindihan ang insenso. Ginagawa nila ang lahat ng ito para sa layuning makaugnay ang Diyos. Subali't ang Panginoong Hesus ay nagtungo sa bahay ni Simeon na ketongin sa Betania, kung saan tinamasa Niya ang pakikipagsalamuha sa mga kapatid-na-lalake at kapatid-na-babae. Habang ang mga saserdote ay nasa templo, ang Diyos ay nasa bahay ni Simeon sa Betania. Ang daan ay wala sa templo; ang daan—si Kristo—ay naroroon sa bahay na yaon sa Betania. Maging ang pagsamba at paglilingkod na itinalaga ng Diyos upang ipakita ang daan upang maabot ang Diyos ay ginamit ni Satanas upang ilayo ang mga tao mula kay Kristo, ang namumukod-tanging daan ng Diyos. Tingnan ninyo ang halimbawa ni Saulo ng Tarso, na lubusang para sa maka-Hudyong relihiyon. Nang matanto niya na ang ilan sa Kanyang mga kababayan, katulad nina Pedro, Juan, at Esteban, ay wala sa relihiyong ito, napukaw siya na salungatin sila. Nang panahong yaon, ang daan ay naging isang takbuhin (race), at tinakbo ito nina Pedro, Juan, Esteban, at ng lahat ng iba pang mga mananampalataya. Habang tumatakbo si Saulo ng Tarso na kaagapay ng daang ito, tinatangkang hadlangan yaong mga nasa daan, nagpakita ang Panginoong Hesus sa kanya, ibinabagsak siya at ibinabaling siya sa daang ito (Gawa 9:1-6). Naniniwala ako na nang si Saulo ay na kay Kristo na at lumalakad na sa daang ito, isinaalang-alang niya ang kanyang makarelihiyong pinanggalingan at lahat ng mga gambala sa daan, iniisip na siya ay ipinanganak na isang Hebreo at tinuli noong ikawalong araw at iniisip kung bibitiwan niya ang lahat ng ito. Sa kalaunan, natanto niya na kailangang kalimutan ang tungkol sa pagiging isang Hebreo at hindi lamang lumakad sa daan, bagkus ay takbuhin ang takbuhin. Sa tuwing minamaneho ninyo nang mabilis ang isang kotse, hindi kayo naghahanap ng labasan (exit). Subali't kapag binagalan ninyo, nangangahulugan ito na naghahanap kayo ng labasan. Si Saulo ay nagsimulang bumilis, at ang kanyang pangalan ay pinalitan ng Pablo. Sa pamamagitan ng pagtakbo, ang daan ay napalitan ng isang takbuhin (race). Bilang isang banal na nasa pagbabawi ng Panginoon, kayo ba ay naglalakad sa daan o tumatakbo sa takbuhin? Kung tayo ay naglalakad sa daan, isang araw, aalis tayo. Kung tayo ay naglalakad nang malamya at mabagal, magagambala tayo ng ilang ibang daan. Subali't kung tumatakbo tayo sa takbuhin, hindi nag-uukol ng panahon na tumingin sa paligid at pinapanatili ang ating mga matang nakatuon sa gol, hindi tayo magagambala. Si Pablo ay may pinakamalaking pangganyak para maghabol at tumakbo sa takbuhin; wala na siyang panahong tumingin sa paligid o magsaalang-alang pa ng anumang bagay. Bagama't maaaring hindi nag-atubili si Pablo, bilang isang katutubong mananampalatayang Hebreo, malamang na isinaalang-alang niya ang kanyang pinanggalingan. Naniniwala ako na pagkatapos siyang mapabagsak ng Panginoon sa daan patungong Damasco, naalala niya ang kanyang buhay sa relihiyon ng mga Hudyo. Marahil ay sinasabi niya, "Napakarami kong mabubuting bagay. Ang templo ba ay huwad at ang pagkasaserdote ba ay mali? Hindi ba itinalaga ng Diyos ang mga ito?" Kung hindi niya kailanman isinasaalang-alang ang kanyang relihiyong pinanggalingan, hindi niya sana naisulat ang Galacia 1, Filipos 3, at ang buong aklat ng Hebreo nang napakalinaw. Kung hindi siya naging isang katutubong Hebreong mananampalataya na dumanas ng lahat ng mga bagay na ito, hindi niya sana natulungan ang mga nag-aatubiling Hebreong Kristiyano. Subali't siya ay nanggaling na sa gayunding situwasyon at nagdusa na sa gayunding sakit, bilang isang eksperiyensadong pasyente. May isang kawikaan na nagsasabi na ang isang pasyenteng marami nang karanasan sa paggagamot ng kanyang sakit ay nagiging isang mabuting manggagamot. Gaya ng makikita natin, si Pablo ay isang manggagamot at napagagaling niya ang mga nasa panganib na maging lumpo. Siya mismo ay minsang nasa gayunding panganib, subali't siya ay napagaling. Bilang resulta, nalaman niya ang lunas para sa mga nag-aatubiling Hebreong Kristiyano at nakapagbigay sa kanila ng tamang gamot. Sa aklat ng Hebreo, ibinigay ni Pablo ang pinakamabisang gamot sa mga nalumpo upang sila ay maibalik sa pagtakbo sa takbuhin. Ang layunin ng Diyos ay ang ilagay tayo sa loob ni Kristo at ang isagawa si Kristo sa loob ng ating katauhan, ginagawang pamantayan natin si Kristo at tayong lahat bilang isang pagpaparami (reproduction) ng pamantayan. Katulad ng nakita na natin, magreresulta ito sa ating pagpapasakdal at pagluluwalhati. Nang isinulat ang aklat ng Hebreo, marami sa mga mananampalatayang Hebreo ang nagsaalang-alang ng kanilang pinanggalingan at mga naglalakad sa daan o mga nakatayong nakatigil. Sila ay nasa panganib na magambala ng templo, ng pagkasaserdote, at ng mga handog. Sila ay nasa panganib na malagay sa kagipitan o mapaurong pabalik sa Hudaismo at hindi makalapit sa Dakong Kabanal-banalan. Nangangahulugan ito na sila ay nasa panganib na bumaling mula sa gol ng Diyos tungo sa isang bagay na ginamit ng kaaway upang gambalain ang bayan ng Diyos mula sa Kanyang daan. Kaya, pagkatapos ng labing-isang kapitulo kung saan ipinakita niya sa mga Hebreong mananampalataya ang isang malinaw na pananaw ng daan, para bang sinasabi ng manunulat, "Ating takbuhin ang takbuhin. Huwag tumayong natitigilan, lumingon, o tumingin kung saan-saan. Ni huwag maglakad—tumakbo." Hindi lamang natin dapat tanggihan na lisanin si Kristo at bumalik sa Hudaismo; ni hindi tayo dapat tumayo lamang na natitigilan kay Kristo. Maging ang lumakad kay Kristo ay hindi sapat. Dapat nating takbuhin (run) ang takbuhin (race). Huwag mag-ukol ng panahon upang magsaalang-alang o tumingin-tingin sa paligid, upang tumayong natitigilan o lumalakad nang mabagal. Dapat ninyong takbuhin ang takbuhin. Sa ngayon, dapat ay malinaw na tayo kung ano ang takbuhin (race)—ito ay si Kristo Mismo bilang daan natin. Subali't hindi natin dapat kunin ang daang ito bilang isang paraan; dapat nating kunin ito bilang isang takbuhin (race) na tatakbuhin (run). Sinabihan tayo ni Pablo sa kapitulo anim na tumakas. Dapat nating takasan ang lahat ng bagay patungo sa Dakong Kabanal-banalan kung saan ang ating Tagapagpauna, si Kristo ay nakapasok na sa loob ng tabing. Ito ang kahulugan ng takbuhin (run) ang takbuhin (race). II. DAPAT TAKBUHIN NG LAHAT NG MGA MANANAMPALATAYA
A. Sa pamamagitan ng Pagsasaisantabi ng Bawa't
Pasan, Sinasabi sa Hebreo 12:1, "Kaya nga, yamang may isang napakalaking ulap ng mga saksing kumukubkob sa atin, isinasaisantabi ang bawa't pasan, at ang kasalanang madaling sumalabid sa atin, atin din namang takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin." Ang salitang Griyego na isinaling "pasan" ay maaari ring isaling "bigat," "pasanin," "sagabal." Dapat hubarin ng mga tumatakbo sa takbuhin ang bawa't di-kinakailangang bigat, ang bawa't pabigat na pasan, upang sila ay mawalan ng sagabal nang sa gayon ay manalo sa takbuhin. Pansinin na rito ay sinasabi ni Pablo na "atin," hindi "inyo," isinasama ang kanyang sarili sa bagay na ito. B. Sa Pamamagitan ng Pagsasaisantabi sa Kasalanang Sumasalabid Binabanggit ng bersikulo 1 na "ang kasalanang madaling sumalabid sa atin." Ang kasalanan dito ay pangunahing tumutukoy sa bagay na sumasalabid sa atin sa pagtakbo sa takbuhin, tulad ng kung paanong ang sinasadyang kasalanan na binabanggit sa 10:26 ay magsasanhi sa mga Hebreong mananampalataya na mapalayo sa Bagong Tipang daan sa ekonomiya ng Diyos. Ang pabigat na pasan at ang sumasalabid na kasalanan ay kapwa bumibigo sa mga mananampalatayang Hebreo at pumipigil sa kanila sa pagtakbo sa makalangit na takbuhin sa bagong daan ng pagsunod kay Hesus na tinatanggihan ng Hudaismo. Para sa mga nag-aatubiling mananampalatayang Hebreo, ang kaisipang umurong at bumalik sa Hudaismo ay isang sumasalabid na kasalanan. Ang kasalanang binanggit sa bersikulong ito ay partikular at namumukod-tangi, sapagka't gumagamit si Pablo ng tiyak na pantukoy, sinasabing, "ang kasalanan." Itong namumukod-tangi, sumasalabid na kasalanan ay ang sinasadyang kasalanan ng pagpapabaya sa pagkakatipon na kasama ang mga banal, ang pagbibitiw sa Bagong Tipang daan, at ang pagbabalik sa Hudaismo. C. Na May Pagtitiis Lubhang may pagsalungat sa takbuhing ito. Kaya, dapat nating takbuhin ito ng may pagtitiis (12:1). Nangangahulugan ito na upang matakbo ang takbuhin ni Kristo, dapat nating pagdusahan ang pagsalungat nang may pagtitiis, hindi kailanman nanghihinawa o nanlulupaypay sa ating mga kaluluwa. D. Sa Pamamagitan ng Pagtinging Palayo Mula sa Lahat ng Bagay Sa bersikulo 2 sinasabi ni Pablo sa mga mananampalatayang Hebreo na tuminging palayo tungo kay Hesus, ang Maykatha at Tagapagpasakdal ng pananampalataya. Ang salitang Griyego na isinaling "tumitinging palayo tungo" ay nangangahulugang tumingin nang may hindi nahahating atensyon sa pamamagitan ng pagbaling palayo sa lahat ng iba pang layunin. Ang mga tumatakbo sa isang takbuhin, katulad ng isang daang yardang takbuhin (hundred yard dash), ay tumitingin palayo sa lahat ng bagay at tumitingin sa gol nang may hindi-nahahating atensyon. Sa bersikulong ito para bang sinasabi ni Pablo, "Mga kapatid na Hebreo, huwag kayong tumayo riyan na nagsasaalang-alang at patingin-tingin sa paligid. Dapat kayong bumaling palayo sa lahat ng bagay maliban kay Kristo at tumingin sa Kanya nang may hindi-nahahating atensyon. Ito ang paraan upang matakbo ang takbuhin." Kinakailangan ng mga mananampalatayang Hebreo ang tuminging palayo mula sa lahat ng bagay ng kanilang kalagayan. Palayo sa kanilang lumang relihiyon at sa pag-uusig nito, at palayo sa lahat ng panlupang bagay upang sila ay makatingin kay Hesus na ngayon ay nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos sa kalangitan. E. Sa Pamamagitan ng Pagtingin Tungo kay Hesus
Sinabihan ni Pablo ang mga mananampalatayang Hebreo na tumingin "palayo tungo kay Hesus, ang Maykatha at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa harapan Niya, tiniis Niya ang Krus, winalang-bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos." Mula 1:3, patuloy tayong itinutuon ng aklat na ito sa Kristong nakaupo sa langit. Sa lahat ng iba pa niyang mga sulat, pangunahing inilalahad sa atin ni Pablo ang Kristo na nananahan sa ating espiritu (Roma 8:10; 2 Tim. 4:22) bilang ang Espiritung nagbibigay-buhay (1 Cor. 15:45) upang maging ating buhay at ating lahat-lahat. Subali't sa aklat na ito, partikular niya tayong itinutuon sa Kristong nakaupo sa langit na may napakaraming aspekto upang pangalagaan tayo sa bawa't paraan. Sa ibang sulat ni Pablo, ang nananahang Kristo ay laban sa ating laman, sarili at likas na tao. Sa aklat na ito, ang Kristong nasa langit ay salungat sa panlupang relihiyon at lahat ng mga bagay na nasa lupa. Upang maranasan ang nananahang Kristo kailangan nating bumaling sa ating espiritu at kaugnayin Siya. Upang matamasa ang Kristong nasa langit, kailangan nating tumingin palayo sa lahat ng mga bagay sa lupa tungo sa Kanya na nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. Naisagawa na Niya ang lahat ng bagay na kinakailangan para sa Diyos at gayundin para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli. Ngayon sa loob ng Kanyang pag-akyat-sa-langit, Siya ay nakaupo sa mga kalangitan, sa Persona ng Anak ng Diyos (1:5) at ng Anak ng Tao (2:6), sa Persona ng Diyos (1:8) at ng tao (2:6), bilang ang itinalagang Tagapagmana ng lahat ng bagay (1:2), ang Pinahirang Isa ng Diyos (1:9), ang Pinuno ng ating kaligtasan (2:10), ang Nagpapaging-banal (2:11), ang kagyat na Katulong at palagiang Saklolo (2:18), ang Apostol mula sa Diyos (3:1), ang Mataas na Saserdote (2:17; 4:14; 7:26), ang Ministro ng tunay na tabernakulo (8:2) na may isang lalong ekselenteng ministeryo (8:6), ang Tagapanagot at ang Tagapamagitan ng isang lalong magaling na tipan (7:22; 8:6; 12:24), ang Tagapagpatupad ng bagong tipan (9:16-17), ang Tagapagpáuná (6:20), ang Maykatha at Tagapagsakdal ng pananampalataya (12:2), at bilang ang dakilang Pastol ng mga tupa (13:20). Kung tayo ay titingin na umaasa sa Kanya bilang ang gayong kahanga-hanga at nagpapaloob-ng-lahat na Isa, Siya, na naghahain ng langit, buhay, at kalakasan sa atin, ay magsasalin at maglalalin sa atin ng lahat ng kung ano Siya upang mabigyang-kakayahan tayong matakbo ang makalangit na takbuhin at maipamuhay ang makalangit na buhay rito sa lupa, ginagabayan tayo na tapusin ang buong landasin ng buhay at pinangungunahan at dinadala tayo sa kaluwalhatian (2:10). Ang kamangha-manghang Hesus, na nakaluklok sa langit at "pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan"(2:9) ay ang pinakadakilang pang-akit sa sansinukob, gaya ng isang napakalaking magnet na umaakit sa lahat ng mga naghahanap sa Kanya upang bumaling sa Kanya. Sa dahilang naakit tayo ng Kanyang mapanghalinang kagandahan, tayo ay tumitinging palayo mula sa lahat ng bagay tungo sa Kanya. Kung walang gayong kahali-halinang bagay, paano tayo makatitinging palayo mula sa napakaraming bagay dito sa lupa? F. Sa Pamamagitan ng Pagsasaalang-alang kay
Hesus na Nagtiis Sinasabi sa bersikulo 3, "Isaalang-alang ninyo yaong nagtiis ng gayong pagsalansang ng mga makasalanan laban sa Kanyang Sarili, upang kayo ay huwag magsihina, na nanlulupaypay sa inyong mga kaluluwa." Itinuturo tayo nitong maikling salita sa apat na Ebanghelyo, kung saan nakikita natin kung paano tiniis ni Kristo ang gayong pagsalangsang ng mga makasalanan. Nang panahong yaon, ang mga makasalanan ay ang lahat ng relihiyonista, mga maka-Hudaismo, mga saserdote, mga eskriba at mga matanda ng bayan. Nang ang Panginoong Hesus ay nasa lupa, hinarap Niya yaong lahat ng mga sumasalungat na ito na nagsisikap na biguin at patigilin Siya sa daan ng bagong tipan ng Diyos. Subali't hindi Siya nabigo; sa halip, binuksan Niya ang daan, hinapak ito (slaying it) sa pamamagitan ng pagdurusa ng kamatayan sa krus. G. Sa Pamamagitan ng Pagkikipaglaban Hanggang
sa Dumanak ang Dugo, Sinasabi sa bersikulo 4, "Hindi pa kayo nakikipaglaban hanggang sa dumanak ang dugo, nakikipagtunggali sa kasalanan." Ang kasalanan dito ay tiyak na tumutukoy sa isang bagay na masama sa paningin ng Diyos na bumibigo sa mga mananampalataya at pumipigil sa kanila mula sa bagong tipang daan, sapagka't kinakailangan itong labanan, maging hanggang sa dumanak ang dugo.
Sapagka't ang pinanggalingan ni Pablo ay eksaktong yaong sa mga mananampalatayang Hebreo, siya ay naging kwalipikado na maging isang halimbawa sa pagtakbo sa takbuhin. Ipinakikita ng Galacia 2:2 at 1 Corinto 9:26 at 27 kung paano siyang nagsimula sa pagtakbo sa takbuhin. Ipinakikita ng Filipos 3:5-8 at 12-14 kung paano siya tumatakbo pa rin sa takbuhin. Sa Filipos 3 nakikita natin na si Pablo ay isang katutubong mananampalatayang Hebreo na tumatakbo sa takbuhin palayo sa maka-Hudyong relihiyon. Sa 2 Timoteo 4:7 at 8 na isinulat bago siya namartir, sinabi niya sa atin na natapos na niya ang takbuhin. Habang tumatakbo si Pablo sa takbuhin, sinabi niya, "Nguni't binubugbog ko ang aking katawan, at aking sinusupil ito na gaya ng isang alipin, baka sakaling sa anumang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ako rin ay maging disaprubado" (1 Cor. 9:27). Bagama't ang isang ligtas na tao ay hindi na kailanman mapapahamak, posibleng-posible na siya ay maging isang disaprubado. Ang salitang Griyego na isinaling "disaprubado" ay maaari ring mangahulugang isang hindi katanggap-tanggap, isang hindi kwalipikado o hindi inaprubahan. Para bang sinasabi ni Pablo sa mga mananampalatayang Hebreo, "Mga kapatid na Hebreo, dapat kayong mag-ingat. Bagama't ligtas na kayo, posible na kayo ay madisaprubado, isang hindi inaprubahan." Tumutugma ang konseptong ito roon sa pag-abot sa gol at pagkamit ng premyo bilang isang gantimpala. Subali't naroroon ang posibilidad na ang isang tumatakbo ay maging isang disaprubado at hindi maaprubahan para sa gantimpala. Sa Hebreo 12 binalaan ni Pablo ang mga kapatid na Hebreo at hinikayat sila, binigyan sila ng isang malaking pangganyak upang takbuhin ang takbuhin. Tayo, katulad nila, ay hindi lamang dapat lumalakad sa daan bagkus tumatakbo rin sa takbuhin.
|