PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LIMAMPU'T ISA

DISIPLINA PARA SA KABANALAN

I. NINANAIS NG DIYOS ANG MGA MANANAMPALATAYANG
HEBREO NA MAGING BANAL, MAIHIWALAY
NANG LUBUSAN TUNGO SA KANYA

Sa mensaheng ito darako tayo sa bagay ng disiplina para sa kabanalan (12:5-14). Ang isa sa mga pangunahing konsepto sa aklat na ito ay nais ng Diyos na ang mga mananampalatayang Hebreo ay maging banal, maihiwalay nang lubusan tungo sa Kanya, hindi manatiling pangkaraniwan sa Hudaismo (b. 14; 3:1), sa halip ay pumasok tungo sa Kabanal-banalan (10:19, 22). Ang totoong kabanalan ay ang pumasok sa loob ng Kabanal-banalan. Kapag tayo ay nakapasok na sa Kabanal-banalan, narating na natin ang tugatog ng kabanalan. Wala nang lugar kung saan tayo magiging mas banal pa kaysa sa Kabanal-banalan.

Ang pagpasok sa Kabanal-banalan ay hindi lamang isang bagay ng pagiging nasa "shekinah" na kaluwalhatian (shekinah glory). Kahit pa ito ay parang panlabas at nasa ibabaw lang (superficial). Bagama't maaaring tayo ay nasa kaluwalhatiang "shekinah" sa Kabanal-banalan, kailangan pa rin nating maranasan ang mga nilalaman ng kaban. Maging sa loob ng kaban ay may isang bagay na nakatago—ang natatagong manna sa ginintuang sisidlan. Ang nakatagong mannang ito ay malapit sa mga tapyas ng bato ng patotoo, ang panghuling aytem sa karanasan ni Kristo. Ang maging banal ay nangangahulugan na marating ang punto ng kaganapan ng karanasan ni Kristo, yaon ay, ang maranasan ang kautusan ng buhay. Walang makagagawa sa atin na maging mas banal sa panloob maliban sa kautusan ng buhay, sapagka't isinasagawa nito ang banal na kalikasan ng Diyos, na siyang ang tunay na kabanalan, tungo sa ating katauhan. Ang dibinong kalikasan ng Diyos ay ang substansiya ng kabanalan. Wala na liban sa kautusan ng buhay ang may kakayahang isagawa ang dibinong kalikasan ng Diyos tungo sa ating katauhan. Tangi lamang kapag naranasan natin ang kautusan ng buhay at saka tayo magiging tunay na banal.

Ang layunin ng aklat ng Hebreo ay ang dalhin tayo tungo sa Kabanal-banalan, na may intensyong maranasan natin ang mga nilalaman ng kaban ng patotoo. Ang nilalamang ito ay kinabibilangan ng tatlong bagay: ang natatagong manna, ang tungkod na umusbong, at ang kautusan ng buhay. Kapwa ang natatagong manna at ang tungkod na umusbong ay para sa ating pagtatamasa at pribilehiyo, subali't ang kautusan ng buhay ay para sa paggawa ng Diyos. Sa pamamagitan nito, isinagawa Niya ang Kanyang Sarili tungo sa ating katauhan. Kaya, kung tayo ay magiging banal sa sukdulan, kailangan nating maranasan ang kautusan ng buhay kung saan isinasagawa ng Diyos ang Kanyang Sarili tungo sa atin bilang ating tunay na kabanalan.

II. ANG PAG-UUSIG NA PINAGDUSAHAN
NG MGA HEBREONG MANANAMPALATAYA BILANG ISANG DISIPLINA

Ang Hebreo 12:7, na tumutukoy sa pag-uusig ng mga mananampalatayang Hebreo, ay nagsasabi, "Kayo ay nagtitiis para sa disiplina." Sa pananaw ng Diyos, ang pag-uusig na pinagdusahan ng mga mananampalatayang Hebreo mula sa Hudaismo ay isang disiplina, isang pagpaparusa. Sila ay nadisiplina upang sila ay maihiwalay mula sa pangkaraniwang bagay tungo sa kabanalan ng Diyos.


III. ANG DISIPLINA BILANG ANG PAGTUTUOS
NG AMA SA KANYANG MGA ANAK UPANG ANG MGA ANAK AY MAKABAHAGI
SA BANAL NA KALIKASAN NG AMA

Sinasabi ng bersikulo 10, "Sapagka't tunay ngang dinisiplina nila tayo nang ilang araw ayon sa kanilang minagaling, nguni't Siya ay sa kapakinabangan natin, upang tayo ay makabahagi ng Kanyang kabanalan." Ang disiplina ay ang pagtutuos ng Ama sa Kanyang mga anak upang sila ay makabahagi sa Kanyang banal na kalikasan. Ang pagdidisiplina ng Diyos sa atin, ay upang dalhin tayo tungo sa Kanyang intensyon, yaon ay, ang itakwil natin ang lahat ng bagay maliban sa Kabanal-banalan at pumasok tungo sa Kabanal-banalan kung saan tayo ay may tunay na kabanalan. Gayunpaman, katulad ng mga mananampalatayang Hebreo sa sinaunang panahon, marami sa atin ang hindi nakikipagtulungan sa Diyos sa ganitong paraan. Kaya, sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang pagsasaayos, dinidisiplina Niya tayo upang madala tayo tungo sa Kanyang intensyon.

Katulad ng ating nakita, ang kabanalan ay ang kalikasan ng Diyos at ang makabahagi sa kabanalan ng Diyos ay ang makabahagi sa Kanyang kalikasan. Ang pananatili ng mga mananampalatayang Hebreo sa Hudaismo ay ang pagiging hindi naibukod, hindi banal. Kinakailangan nilang maibukod tungo sa bagong tipan ng Diyos upang sila ay makabahagi sa banal na kalikasan ng Diyos. Para sa layuning ito, ang pag-uusig ay pinukaw upang disiplinahin sila nang sa gayon ay maibukod sila mula sa pagiging karaniwan tungo sa pagiging banal.

Sa bersikulo 9, ang Diyos ay tinawag na "Ama ng mga espiritu." "Ang Ama ng mga espiritu" ay inihambing sa "mga ama ng ating laman." Sa pagkasilang-na-muli, tayo ay isinilang ng Diyos (Juan 1:13) sa ating espiritu (Juan 3:6). Kaya nga Siya ang Ama ng ating mga espiritu. Yamang ang mga nag-aatubiling mananampalatayang Hebreo ay gumagala-gala sa kanilang kaisipan, hindi sumusunod sa Panginoon sa kanilang espiritu, ginamit ng Ama ng mga espiritu ang pag-uusig ng Hudaismo upang pilitin sila na bumaling mula sa kanilang kaisipan tungo sa kanilang espiritu (4:12) upang makabahagi sila sa Kanyang banal na kalikasan.

IV. ANG DISIPLINA AY PARA SA KABANALAN,
NAGRERESULTA SA KATUWIRAN

Ang disiplina ay para sa kabanalan na nagreresulta sa katuwiran. Ang kabanalan ay ang panloob na kalikasan, ang kalikasan ng dibinong buhay, at ang katuwiran ay ang panlabas na pagkilos, ang pagkilos ng mga napabanal na mananampalataya, na lumalabas mula sa panloob na kalikasan at nagbubunga ng mapayapang bunga, ang bunga ng kapayapaan (b. 11; Isa. 32:17). Kung hindi pa tayo kailanman natigmakan napalalaganapan sa panloob ng banal na kalikasan ng Diyos, hindi tayo kailanman magkakaroon ng wastong katuwiran sa ating panlabas na pagkilos. Unang-una, ang kautusan ng buhay ay dapat na magsagawa ng dibinong kalikasan ng Diyos sa loob natin. Pagkatapos, sa ating panlabas na pagkilos, tayo ay magkakaroon ng mapayapang bunga ng katuwiran bilang kinalabasan ng panloob na kabanalan. Sa ating praktikal na karanasan, ang kabanalan ay una, ang katuwiran ay pangalawa, at ang kapayapaan ay pangatlo.

Ang mga mananampalatayang Hebreo ay pinag-usig ng mga Hudyo. Ang ilan sa mga taga-usig ay maaaring mga kamag-anakan nila, maaaring mga magulang at mga anak pa nila. Habang sila ay nasa ilalim ng pag- uusig na ito, sinubukan nilang makipagkasundo sa kanilang mga taga-usig. Subali't ginawa nila ito na napabayaan ang kanilang kabanalan. Ang kabanalan ay ang pagpasok tungo sa Kabanal- banalan upang marating ang kautusan ng buhay, ang pagkilos na tayo ay nabababaran ng banal na kalikasan ng Diyos. Kapag tayo ay natigmakan ng kalikasan ng Diyos, kusang-kusa tayong magkakaroon ng bunga ng katuwiran, at ang katuwirang ito ang nagdadala ng tunay na kapayapaan. Maraming Kristiyano ang may kapayapaan na hindi tunay; ito ay isang kapayapaan na nagmumula sa pakikipagkompromiso. Ang ilan sa mga Hebreong mananampalataya ay maaaring nagsabi, "O, ama, kung hindi mo ako hahayaan na mapasa bagong tipang daan nang lubusan, marahil ay maaari akong sumama sa iyo sa templo sa ikapitong araw at dumalo ng pagtitipong pangKristiyano sa ikawalong araw, ang unang araw ng sanglinggo. Sa gayon tayo ay maaaring maging mapayapa." Ang kapayapaang ito ay isang kapayapaang sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso, isang kapayapaang nagmumula sa pagsasakripisyo ng kabanalan.

Tulad ng nakita natin, ang kapayapaan ay ang bunga ng katuwiran, at ang kabanalan ay ang panloob na kalikasan, samantalang ang katuwiran ay ang panlabas na pagkilos. Ang pagdidisiplina ng Diyos ay tinulungan ang mga mananampalataya hindi lamang upang makabahagi ng Kanyang kabanalan, bagkus upang gawin din silang wasto kapwa sa Diyos at sa tao, upang sa ganitong kalagayan ng katuwiran, maaari nilang matamasa ang kapayapaan bilang isang matamis at mapayapang bunga ng katuwiran.

V. ANG MGA NANGALAY AT NAPARALISADONG MANANAMPALATAYANG HEBREO AY NANGANGAILANGANG GUMAWA NG MATUWID NA LANDAS
UPANG ANG MGA PILAY NA SANGKAP
AY HINDI MALINSAD KUNDI GUMALING

Sinasabi ng bersikulo 12 at 13, "Kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nangalay, at ang mga tuhod na naparalisado, at magsigawa kayo ng matutuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi gumaling." Ang buhay-Kristiyano ay hindi isang bagay ng mga teoretikong doktrina para sa kaisipan. Sa halip, ito ay dapat maging praktikal sa mga landas ng ating mga paa. Ang lahat ng mabubuti, malulusog na doktrina ng Bibliya ay para sa mga landas. Ito ay lubusang totoo sa aklat na ito ng Hebreo. Sa aklat na ito inihahain muna sa atin ang pinakamataas at pinakamalusog na doktrina tungkol kay Kristo at sa Kanyang bagong tipan (kasunduan). Pagkatapos, batay sa mga wastong doktrinang ipinakita nito sa atin, tayo ay inaatasan nitong tumakbo sa takbuhin at gumawa ng matuwid na landas para sa ating mga paa. Ang unang bahagi ng aklat na ito (1:1-10:18) ay mga doktrina, at ang ikalawa naman (10:19-13:25) ay tungkol sa isang takbuhin, mga landas.

Sa bersikulo 13, sinasabi ng manunulat sa mga mananampalatayang Hebreo na "magsigawa kayo ng matutuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi gumaling." Ang Griyegong salita na isinaling" huwag malinsad ang pilay" ay maaari rin isaling "malisok" o "mapilay." Ang pagpapahiwatig na ibig sabihin ng nilalaman ay yaong nararapat iwanan ng mga nag-aatubiling mananampalatayang Hebreo ang lahat ng anyo ng mga gawi (practices) ng Hudaismo (yaon ay, ang gumawa ng matutuwid na landas) upang sila, ang mga pilay na sangkap (mga binti o braso) ng Katawan ni Kristo, ay hindi mahulog sa loob ng taliwas na pananampalataya (yaon ay, huwag malinsad), kundi sa halip ay madala nang lubusan sa loob ng bagong tipang daan (yaon ay, mapagaling). Kaya, ang gumawa ng matuwid na landas ay ang iwan ang lahat ng anyo ng mga gawi ng Hudaismo; ang hindi mapilay ay hindi mahulog sa loob ng taliwas na pananampalataya; at ang gumaling ay ang madala nang lubusan sa loob ng bagong tipang daan.

Ang bagong tipang daan ay kailangang maging tuwid, walang kurba. Kung ang mga mananampalatayang Hebreo ay pumupunta pa rin sa templo sa araw ng Sabbath kasama ang kanilang mga kamag-anak, sila ay gagawa ng mga kurba sa mga daan ng bagong tipang daan. Ang bawa't gawain ng pagkikipagkompromiso (compromising activity) ay isang kurba. Gusto ko ang paraan ng pagkakagawa ng mga daan (highways) sa Estados Unidos—ang mga ito ay tuwid at lapat. Maraming Kristiyano ngayon ang nakakita ng Bagong Tipang daan, yaon ay, ang daan ng pagbabawi ng Panginoon. Bagama't alam nila na ang daan ng buhay-ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon ay ang tamang daan, hindi nila susubukang magbayad ng buong halaga. Sila ay nakikipagkompromiso sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kurba sa daan ng ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon. Paano magagawa ng mga mananampalatayang Hebreo ang Bagong Tipang daan na maging tuwid? Tangi lamang sa pamamagitan ng pag-iwan sa bawa't anyo ng Hudaismo. Dapat nilang sabihin sa kanilang mga kamag-anak," Dahil ang templo ay isang anyo ng maka-Hudyong gawi, hindi ako kailanman pupunta pa roon kasama ninyo sa araw ng Sabbath." Ang ilang mga banal ngayon na nakita ang daan ng ekklesia ay takot na mapuna at sasabihin," Huwag tayong mapasa kalabisan at magsanhi ng gulo. Makisama tayo nang kaunti sa iba." Noong nakaraang limampung taon, hindi kailanman kinilala ng Diyos ang gayong pakikipagkompromiso. Ang iba ay nagsabi, "Oo, alam namin na kami ang ekklesia, subali't hindi natin dapat sabihin ito sapagka't masasaktan ang iba. Hayaan mong maging ekklesia lang tayo." Ito ay pakikipagkompromiso. Kung ikaw ay isang kordero, dapat mong sabihin na ikaw ay isang kordero. Kung ikaw ay isang kalapati, dapat mong ideklara na ikaw ay isang kalapati. Hindi natin dapat sabihin, "Ako ay isang kordero, nguni't mas mabuting huwag kong sabihin na ako ay isang kordero." Sa pamamagitan ng pagkikipagkompromiso sa ganitong paraan, marami ang nakadaragdag ng kurba sa matuwid na daan ng Diyos. Kung ang mga denominasyon ay mali, sabihin lamang natin ng simple na sila ay mali. Sa aklat ng "Further Talks on the Church Life (Higit pang mga Salita ukol sa Buhay-ekklesia), sinasabi ni Bro. Watchman Nee na kung ang mga denominasyon ay mali, dapat nating wasakin ang mga ito nang lubusan. Hindi tayo dapat makipagkamay sa ibabaw ng mga bakod ng denominasyon sa isang nakikipagkompromisong paraan. Ang makipagkamay sa ibabaw ng bakod ay ang gumawa ng mga kurba sa daan.

Sa nakaraang labindalawang taon, anong daan ang nakapanalo sa Estados Unidos at sa Europa? Hindi ang mga kurbang daan kundi ang tuwid na daan. Hindi kailanman kikilalanin ng Diyos ang mga kurba. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga kurba; Siya ay isang tuwid na Diyos. Kung ang isang daan ay hindi tuwid, kailangan nating kondenahin ito. Subali't kung ito ay tama, kailangan nating sabihin sa lahat, kasama ang mga anghel at mga demonyo, na ito ay tama. Ang gawing tuwid ang daan ay ang iwanan ang anyo ng anuman na hindi ang Bagong Tipang daan ng Diyos.

Ang mga pilay na sangkap na ipinahiwatig sa bersikulo 13 ay ang mga nag-aatubiling Kristiyanong Hebreo. Ayaw ni Pablo na ang mga pilay na sangkap ay malinsad, yaon ay, mabalian. Ang malinsad, mabalian, ay ang mahulog sa loob ng taliwas na pananampalataya, tungo sa loob ng hidwaang pananampalataya ng Hudaismo. Ang mga nag-aatubiling mananampalatayang Hebreo ay nasa panganib ng pagkahulog sa ganoong taliwas na pananampalataya. Kung ang iyong bukung-bukong ay nalinsad, madali para sa iyo na malinis mula sa tamang daan. Ang mga salitang "kundi sa halip ay gumaling" ay nangangahulugang madala nang lubusan tungo sa loob ng daan ng bagong kasunduan.

Sa mga unang taon ng pagbabawi ng Panginoon sa bansang ito, nakita ko ang pagkapilay at pagkaparalisa sa mga denominasyon. Kung ang mga denominasyon ay wasto, kailangan sumama sa kanila. Subali't kung sila ay mali, kailangan nating ipahayag na sila ay mali at sabihin sa mga tao kung ano ang tamang daan. Sa pamamagitan ng habag ng Panginoon, ito ang ginawa natin. Tayo, mangyari pa, ay kinondena dahil dito. Subali't hindi tayo nagbibigay-pansin sa pangongondena ng mga tao; pinahahalagahan natin ang hinggil sa karangalan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang habag, pinatunog natin ang trumpeta sa isang malinaw na paraan, inilalarawan ang mga bagay nang kung ano nga ang mga ito. Marami ang pilay sapagka't ang daan ay hindi matuwid subali't puno ng kurba. Napakahirap para sa kanila na hanapin ang tamang daan. Purihin ang Panginoon na sa pagbabawi ng Panginoon sa Estados Unidos ngayon ay may isang daan (highway) mula sa Los Angeles hanggang New York. Dahil ang daan ay ginawang tuwid, maraming bukung-bukong ang nagamot. Sa pagbabawi ng Panginoon ngayon, walang sinuman ang matatagpuan na nasa panganib ng pagkakapilay.

Tayong lahat ay napagaling. Ayon sa Hebreo 12, ang gumaling ay ang madala nang lubusan tungo sa Bagong Tipang daan ng Diyos. Ngayon ang mga mata ng lahat ay malinaw. Ang itim ay itim, ang puti ay puti, at ang abuhin ay abuhin. Salamat sa Panginoon sa ganitong tuwid na daan. Pinupuri ko ang Panginoon na walang anumang linsad o bali at ang lahat ay tumatayo nang tuwid at lumalakad sa tuwid na daan. Tayo ay hindi lamang lumalakad—tayo ay tumatakbo.

VI. ANG WASTONG BUHAY-KRISTIYANO BILANG
ISANG PAGBABALANSE SA PAGITAN NG KAPAYAPAAN AT KABANALAN

Sinasabi ng bersikulo 14, "Habulin ninyo ang kapayapaan patungkol sa lahat ng mga tao, at ang kabanalang kung wala nito ay walang sinumang makakikita sa Panginoon." Ang wastong buhay-Kristiyano ay dapat na maging isang pagbabalanse sa pagitan ng kapayapaan at kabanalan. Sa Diyos, ang kabanalan ay ang Kanyang banal na kalikasan, samantalang sa atin, ito ay ang ating pagkakabukod tungo sa Diyos. Ang ipinahihiwatig dito ay yaong habang tayo ay naghahabol sa kapayapaan patungkol sa lahat ng mga tao, tayo rin ay kinakailangang magbigay-pansin sa bagay ng kabanalan sa harap ng Diyos. Ang ating paghahabol sa kapayapaan patungkol sa lahat ng mga tao ay kinakailangang mabalanse ng ating kabanalan sa harap ng Diyos, ng ating pagkakabukod tungo sa Diyos na kung wala nito ay walang makakIkita sa Panginoon at walang pagkakaroon ng pakikipagsalamuha sa Kanya.

Huwag nating subukang magkaroon ng kapayapaan sa iba na wala munang kabanalan. Ang kapayapaan na walang kabanalan ay nangangahulugang kompromiso. Ayaw natin ang ganoong nakikipagkompromisong kapayapaan. Nais nating magkaroon ng kapayapaan na yaong bunga ng kabanalan. Sa mga nakaraang taon ay nakatagpo ako ng maraming Kristiyano na nakikipagkompromiso upang mapanatili ang kapayapaan. Sa katapusan, walang kapayapaan sa kalagitnaan nila. Sa panlabas, sila ay nakipagkompromiso sa napakaraming bagay, subali't sa panloob sila ay naglalabanan sa isa't isa. Purihin ang Panginoon na sa Kanyang pagbabawi ngayon, mas lalo tayong pumapasok sa Kabanal-banalan, mas lalo tayong payapa. Kung ang mga matanda sa isang ekklesia lokal ay hindi mapayapa sa isa't isa, yaon ay isang kahihiyan. Kapag tayo ay nagbibigay-pansin sa Kabanalan, yaon ay, sa pagiging nasa loob ng Kabanal-banalan, tayo ay may tunay na kapayapaan. Purihin ang Panginoon na sa mahigit na labindalawang taon, ang ekklesia sa Los Angeles ay mapayapa. Gayundin sa ekklesia sa Anaheim. Kapag pumunta ka rito, hindi ka makakikita ng isang pahiwatig na ang kapayapaan ay nagkukulang. Ang kapayapaan sa kalagitnaan natin ay hindi naibunga ng pakikipagkompromiso; ito ay ibinunga ng kabanalan sa kabanal-banalan.

Nagsisikap ang mga nag-aatubiling Kristiyanong Hebreo na panatilihin ang kapayapaan tungo sa kanilang mga tagasalungat, subali't sa katapusan naiwala nila ang kanilang kabanalan. Kaya, sinikap ng manunulat ang kanyang makakaya upang dalhin sila pabalik sa wastong kapayapaan, ang kapayapaan na bunga ng katuwiran at tunay na kabanalan. Ang kapayapaan ay para sa atin na mamuhay kasama ng tao, at ang kabanalan ay para sa atin na makita ang Panginoon. Bagama't maaaring mayroon kang kapayapaan tungo sa mga tao, nasa iyo pa rin ba ang presensiya ng Panginoon? Kailangan muna nating bigyang-pansin ang presensiya ng Panginoon at pagkatapos ay ang ating pamumuhay kasama ng iba. Ang ating kapayapaan ay dapat na magmula sa presensiya ng Panginoon. Para sa atin ngayon, ang Kanyang presensiya ay ang ating praktikal na kabanalan.

 

Home