PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LIMAMPU'T TATLO

PAGKAKAIBA SA PAGITAN NG TANAWIN (SIGHT)
NG LUMANG TIPAN
AT TANAWIN (SCENE) NG BAGONG TIPAN

Sa mensaheng ito ay darako tayo sa isang kapana-panabik na paksa—ang pagkakaiba (contrast) sa pagitan ng tanawin ng lumang tipan at tanawin ng bagong tipan (12:18-24). Si Pablo ay walang dudang kamangha-mangha kapwa sa espiritu at sa kaisipan. Siya ay isang napakatalinong tao. Katulad ng isa sa mga manunulat sa kasalukuyan na nagpapaloob ng mga larawan sa kanyang mga aklat, si Pablo ay nagbigay ng ilang larawan sa 12:18-24. Ang dalawang tanawing inilarawan sa mga bersikulong ito ay hindi lamang nagbibigay sa atin ng isang paghahambing bagkus ng isa ring malinaw na pananaw ng situwasyon ng kapwa luma at bagong tipan.

Kung babasahin natin ang siyam na bersikulong ito nang maingat, makikita natin na may anim na aytem na kabilang sa lumang tipan at walo na kabilang sa bagong tipan. Ang anim ay bilang ng lumang paglikha, na nilikha sa loob ng araw (Gen. 1). Ang walo ay bilang ng pagkabuhay-na-muli. Ang Panginoong Hesus ay nabuhay-na-muli sa unang araw ng sanlinggo (Juan 20:1), na siyang ikawalong araw. Ang anim na aytem ng lumang tipan ay nagpapakita na ang lumang tipan ay nasa panig ng lumang paglikha. Ang walong aytem ng bagong tipan ay nagpapakita na ang bagong tipan ay nasa panig ng pagkabuhay-na-muli. Ang bilang na walo ay sumasagisag ng isang bagong panimula pagkatapos ng pagdaan ng isang kapanahunan. Ang isang linggo ay ang unang kapanahunan, at ang unang araw ng ikalawang linggo, ang ikawalong araw, ay isang bagong panimula. Kaya, ang bilang na walo ay sumasagisag sa pagkabuhay-na-muli, isang bagong panimula. Ang bagong tipan ay isang bagong panimula pagkalipas ng kapanahunan ng lumang tipan (old covenant).

Ang lumang tipan ay sa kautusan, na ang katayuan ay isang kalunya. Ang bagong tipan (new covenant) ay sa biyaya, na ang katayuan ay ang wastong asawa. Si Sara, ang asawa ni Abraham, ay sumasagisag sa biyaya sa loob ng pagkabuhay-na-muli, at si Agar, ang kalunya, ay sumasagisag sa kautusan na may kaugnayan sa laman. Ginawa ito ni Pablo na lubhang malinaw sa Galacia 4, kung saan sinasabi niya na ang dalawang babaeng ito, sina Agar at Sara, ay dalawang tipan, si Agar bilang ang lumang tipan at si Sara bilang ang bago. Sa ibang salita, si Agar ay tumatayo para sa kautusan at si Sara naman ay para sa biyaya. Tayong mga Kristiyano ngayon ay hindi mga anak ni Agar kundi ni Sara. Tayo ay mga anak ng biyaya. Ang dalawang babaeng ito ay sumasagisag din sa dalawang bundok. Si Agar ay sumasagisag sa Bundok ng Sinai, at si Sara naman ay sumasagisag sa Bundok Sion, na siyang makalangit na Herusalem, ang ating ina.

I. ANG TANAWIN NG LUMANG TIPAN
SA PANIG NG KAUTUSAN

A. Kinabibilangan ng Anim na Aytem

Ngayon tingnan natin ang anim na aytem ng lumang tipan na inilahad sa bersikulo 18 hanggang 21. Ang panig na ito ay ang panig ng kautusan.

1. Ang Bundok na Nahihipo at Nagliliyab sa Apoy

Sinasabi ng bersikulo 18, "Sapagka't hindi tayo nagsilapit sa bundok na nahihipo at nagliliyab sa apoy." Ang unang aytem sa paningin ng lumang tipan ay ang bundok na nagliliyab sa apoy (Exo. 19:11-12, 18). Gusto mo ba ang gayong bundok? Mas gusto ko ang isang bundok na natatakpan ng mga puno at mga umaagos na batis, subali't ayaw ko ng isang bundok na nagliliyab sa apoy. Iyon ay tatakot sa akin. Parang sinasabi ni Pablo, "Mga Hebreong kapatid, nais mo pa bang bumalik sa lumang tipan? Hindi mo ba alam na iyan ay kabilang sa bundok na nagliliyab sa apoy? "Pagkatapos sabihin ang napakaraming bagay sa nauunang kapitulo, ipinakita niya sa kanila ang gayong larawan.

2. Kadiliman

Ang ikalawang aytem sa tanawin ng lumang tipan ay kadiliman (b. 18; Deut 5:23). Sa pangkaraniwan, kapag may isang napakalaking apoy, mayroon ding ilang pagsilay at pagliliwanag. Subali't sinasabi ng Bibliya habang ang apoy ay nagliliyab sa Bundok Sinai, naroon ang kadiliman. Ang kadilimang ito ay nanggaling sa dalawang pinagmulan: mula sa makapal na ulap sa himpapawid at mula sa makapal na usok sa lupa. Ang paghahalo ng ulap at ng usok ay nagbubunga ng isang makapal na kadiliman. Ang larawang ito ay nagpapakita ng negatibong situwasyon ng lumang tipan.

3. Kapusikitan

Ang ikatlong aytem sa tanawin ng lumang tipan ay kapusikitan (b. 18; Exo. 20:21; Deut. 5:22, Heb.). Ano ang kaibhan sa pagitan ng kadiliman at kapusikitan? Ayon sa aking pagkakaunawa at karanasan, ang kadiliman ay pang-obhektibo at ang kapusikitan ay pansubhektibo. Kapag ang kadiliman ay malayo, ito ay nananatiling kadiliman, subali't kapag tayo ay pumasok sa loob nito, ito ay nagiging kapusikitan. Ang kapusikitan ay isang atmospero na kung saan tayo nananahan. Kapag pumasok tayo sa kadiliman at nanahan sa loob nito, ang kadilimang ito ay nagiging kapusikitan. Ang kadiliman ay hindi lamang isang pang-obhektibong kalagayan para doon sa mga nasa lumang tipan; ito ay naging kapusikitan kung saan sila nananahan.

Ito ay totoo rin sa ating espirituwal na karanasan. Kapag hindi tayo naghahanap sa Panginoon, tayo ay nasa kadiliman. Nguni't kapag tayo ay nagsisimulang maghabol ng mga espirituwal na bagay, tayo ay kaagad nagkakaroon ng malalim na damdamin na tayo ay nasa loob ng kapusikitan. Bago tayo napanauli, tayo ay nasa kadiliman. Pagkatapos tayong mapanauli, tayo ay nasa kalagayan ng kapusikitan. Kung ang mga kapatid na Hebreo ay bumalik sa lumang tipan kung saan naroroon ang kadiliman, ang kadilimang yaon ay maaaring nagdala sa kanila sa loob ng kapusikitan.

4. Ipu-ipo

Ang kasunod na aytem ay ang ipu-ipo (b. 18). Ang ipu-ipo ay isang uri ng hangin na walang direksyon o kapayapaan. Sa aking pinanggalingan sa Kristiyanidad, walang direksyon o kapayapaan. Wala ring anumang direksyon o kapayapaan sa mga maka-Hudaismo. Para sa kanila ay mayroon lamang ipu-ipo.

5. Ang Tunog ng isang Trumpeta

Sa tanawin ng lumang tipan naroon din ang tunog ng isang trumpeta (b. 19; Exo. 19:13, 16, 19, 20:18). Ang tunog ng isang trumpeta ay nagpapakita ng isang babala. Ang relihiyon ay napupunuan ng mga babala, katulad ng "Huwag mong gawin ito, kung hindi, ikaw ay pupunta sa impiyerno", o "Mag-ingat ka, kung hindi, mawawala mo ang iyong kaligtasan." Sa relihiyon, mas malimit nilang pinatutunog ang trumpeta ng babala kaysa sa pagbibigay nila ng positibong mensahe. Laging sinasabi ng relihiyon, "Mag-ingat ka huwag mong gawin iyan," sapagka't sa relihiyon laging mas napakaraming "huwag mong gawin (don'ts)" kaysa "gawin mo (do's)." Ang tunog ng trumpeta ay tanda ng karukhaan ng relihiyon. Ang relihiyon ay walang positibong bagay na maibibigay sa atin; maaari lamang tayong bigyang-babala nito sa negatibong paraan. Ang bawa't relihiyon, kabilang ang Budismo, Katolisismo, at Protestantismo, ay pareho sa prinsipyo, nagpapatunog ng mga babala at nagsasabi sa atin ng mga bagay na hindi natin dapat gawin.

6. Ang Nakatatakot na Tinig ng mga Salita

Ang ikaanim na aytem sa tanawin ng lumang tipan ay ang nakatatakot na tinig ng mga salita (b. 19; Deut. 4:12; Exo. 19:19). Ang taglay ng mga tao sa relihiyon sa katapus-tapusan ay ang nakatatakot na tinig ng mga salita, hindi pagpupuri sa Panginoon. Gayunpaman, sa ekklesia ay palagi tayong nakaririnig ng mga papuri sa Panginoon.

B. Ang Lahat ng Aytem ay Pansamantala

Dahil ang lahat ng aytem sa tanawin ng lumang tipan ay sa lumang pamamahagi o kapanahunan, ang mga ito ay pawang pansamantala, hindi permanente. Katulad ng ang lumang paglikha ay lilipas isang araw, kaya ang lahat ng aytem ng lumang tipan, na kabilang sa lumang paglikha, ay natapos na.

II. ANG TANAWIN NG BAGONG TIPAN SA PANIG NG BIYAYA

A. Binubuo ng Walong Aytem sa Apat na Pares

Ngayon tayo ay darako sa tanawin ng bagong tipan sa panig ng biyaya (bb. 22-24). Ang tanawing ito ay binubuo ng walong aytem sa apat na pares. Ang pagkakaayos ng mga aytem na ito sa mga pares ay napakamakahulugan. Ang anim na aytem ng lumang tipan ay inilahad nang isa-isa, samantalang ang anim na aytem ng salitang pundasyon sa Hebreo 6 ay nakaayos sa tatlong pares. Dito, sa kapitulo labindalawa, tayo ay may walong aytem ng bagong tipan na nakaayos sa apat na pares.

1. Ang Unang Pares

Ang unang pares ay binubuo ng Bundok Sion (b. 22; Awit 2:6; Apoc. 14:1) at ng lunsod ng buhay na Diyos, ang makalangit na Herusalem (b. 22; 11:10, 16; Apoc. 22:2). Dito ay walang apoy kundi isang magandang bundok na may isang maluwalhating lunsod, ang makalangit na Herusalem, na siyang tirahan ng Diyos at ang sentro ng Kanyang pansansinukob na administrasyon.

2. Ang Ikalawang Pares

Ang ikalawang pares ay binubuo ng di-mabilang na mga anghel, yaon ay, ang pangkalahatang pagkakatipon (b. 22; Apoc. 5:11), at ang ekklesia ng mga panganay na nangakatala sa mga kalangitan (b. 23; 2:12; Luc. 10:20). Ang Griyegong salitang isinaling "pangkalahatang pagkakatipon" (universal gathering) ay maaaring isalin bilang "pagkakatipon ng kapistahan" (festal gathering). Ang salitang Griyegong "paneguris" ay nangangahulugang pangkalahatang pagtitipon, o pagtitipon ng lahat, at ginagamit para sa isang pagtitipon ng mga tao upang ipagdiwang ang isang pampublikong kapistahan, katulad ng palarong Olympiyada (Olympic games). Ang buong kapanahunan ng bagong tipan ay isang kapistahan, at ang di-mabilang na anghel, na siyang mga nagmiministeryong espiritu na naglilingkod sa mga tagapagmana ng kaligtasan (1:14) sa ilalim ng bagong tipan, ay isang pagkalahatang kapistahan na nagdiriwang ang kagila-gilalas na kapistahan ng "ganitong kadakilang kaligtasan" (2:3), ang pinakadakila at pinakakapana-panabik na "laro" sa sansinukob! Ang salita ng Panginoon sa Luc. 15:7 at 10 ay maaaring tumutukoy sa puntong ito.

Katulad ng nakita natin, ang Griyegong salitang ginamit ni Apostol Pablo para sa "pangkalahatang pagkakatipon" ay ginamit upang ilarawan ang palarong Olympiyada, ang pinakadakila at pinakamahalagang pampublikong palaro sa sinaunang Grecia. Sa panahon ng mga palarong Olympiyada, ang mga tao ay nagdaos ng isang malaking pampublikong pagtitipon. Sa parehong paraan, malaking grupo ng mga tao ang dumadalo ng palarong "football" sa Estados Unidos ngayon. Ginamit ni Apostol Pablo ang mapaligid-na-pangyayari ng mga palarong Olympiyada upang ipakita sa atin na sa sansinukob na ito, isang palaro ang nasa pagsulong. Ang mga manonood sa palarong ito ay ang di-mabilang na anghel na nagtipun-tipon upang panoorin ito. Ang palaro ay ang takbuhin na binanggit nang una sa kapitulong ito (b. 1). Tayo ay kwalipikadong makilahok sa palarong ito, subali't ang mga anghel ay hindi. Sila ay kwalipikado lamang na maging mga nanghihikayat na manonood (cheering spectators). Sa Lucas 15:7 at 10, sinabi ng Panginoong Hesus, "May kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos, dahil sa isang makasalanan na nagsisisi." Tuwing may isang makasalanan na naligtas, ang mga anghel ay nangagagalak. Ako ay lubos na naniniwala na ang mga anghel sa kalangitan ay galak na galak din tungkol sa nangyayari sa pagbabawi ng Panginoon ngayon. Tayo ay naglalaro ng pinakadakilang palaro, at ang mga anghel ang ating mga manonood.

Napakamakahulugan na inilagay ni Pablo ang di-mabilang na mga anghel kasama ng ekklesia ng mga panganay na nangakatala sa mga kalangitan. Tayo ay mga panganay, at sila ang mga manonood; tayo ang mga mananakbo, at sila ang mga tagamasid. Sa palarong "football," ang mga manonood ay laging mas eksayted kaysa sa mga manlalaro. Bagama't tayo ay maaaring hindi laging eksayted, ang mga anghel ay palaging mas eksayted habang nagmamasid sila sa atin. Ang 1 Ped. 1:12, na nagsasalita ng mga bagay na "ninanasang mamasdan ng mga anghel," ay nagpapakita na sabik na malaman ng mga anghel ang palarong ebanghelyong (gospel game) ito. Hindi ako naniniwala na ang pumapalakpak na mga anghel ay interesadong-interesado sa dukhang Kristiyanidad. Halos walang tunay na laro roon dahil walang takbuhin (race) doon. Subali't may tunay na laro sa buhay-ekklesia ngayon. Tuwing tayo ay eksayted hinggil sa nangyayari sa buhay-ekklesia, ang mga anghel ay tiyak na mas eksayted. Pinananatili ng buhay-ekklesia ang mga anghel na eksayted na eksayted.

Ang pokus ng intensyon ng Diyos sa buong sansinukob ay ang makapagtamo ng isang grupo ng tao na katulad natin. Ang mga anghel ay naghihintay para rito sa loob ng mahabang panahon. Kung walang palaro sa Estados Unidos, maraming Amerikano ang maghihintay, nag-iisip kung kailan magkakaroon ng isang palaro. Gayundin, sa mga nagdaang siglo, ang mga anghel, na nakita yaong mga nasa Katolisismo na sumasamba sa mga diyus-diyosan at nagtitirik ng mga kandila, ay naghihintay at nag-aabang upang makakita ng isang grupo na tunay na naghahanap kay Kristo. Tuwing nakikita nila ito, sila ay nagagalak sa isang nagpupuring paraan.

3. Ang Ikatlong Pares

Bilang ang ikatlong pares sa tanawin ng bagong tipan, tayo ay may Diyos, ang Hukom ng lahat (b. 23; Gen. 18:25; Awit 94:2), at ang mga espiritu ng mga taong matuwid na pinasakdal (b. 23). Sa pares na ito, mayroon tayong matuwid na Diyos bilang ang Hukom at ang mga espiritu ng mga matuwid na tao, na siyang mga banal ng Lumang Tipan, na pinasakdal sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa mga sagisag ni Kristo.

4. Ang Ikaapat na Pares

Ang ikaapat na pares ay si Hesus, ang Tagapamagitan ng bagong tipan (b. 24; 8:6; 9:15) at ang dugo ng pagwiwisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa doon kay Abel (b. 24; 9:12, 14; Gen. 4:10). Katulad ng nakita natin, si Hesus ang Tagapamagitan ng bagong tipan. Ang salitang Griyegong "neos" dito ay nangangahulugang bago, sariwa, sa katangian. Sa pares na ito, hindi lamang tayo may Tagapamagitan, ang Manunubos, ng bagong tipan, bagkus mayroon ding dugo ng bagong tipan.

Sa aklat na ito, ang dugo ni Kristo ay lubhang kapansin-pansin at mahalaga. Ito ang dugo ng walang hanggang tipan (13:20), na sa pamamagitan nito ay naitatag ang bago at lalong magaling na tipan (10:29). Sa pamamagitan ng dugong ito, si Kristo ay pumasok minsan magpakailanman sa Dakong Kabanal-banalan at nakasumpong ng walang hanggang katubusan para sa atin (9:12). Sa pamamagitan ng dugong ito, nilinis din ni Kristo ang mga kalangitan at ang lahat ng bagay sa mga kalangitan (9:22-24). Ang dugong ito ay pinapabanal tayo (13:12; 10:29), nililinis ang ating budhi upang paglingkuran ang Diyos na buháy (9:14), at nagsasalita ng mas mabuti para sa atin kaysa sa dugo ni Abel (12:24). Dahil sa dugong ito, tayo ay may lakas ng loob na pumasok sa Dakong Kabanal-banalan (10:19). Hindi natin dapat ituring ang dugong ito na karaniwan tulad ng dugo ng hayop. Kung gagawin natin, magdurusa tayo ng kaparusahan ng Diyos (10:29).

Ang dugo ni Kristo ay hindi lamang nagtutubos, nagpapabanal, at naglilinis; ito ay nagsasalita rin. Ito rin ang dugong nagsasalita, nang lalong magaling kaysa sa dugo ni Abel. Ang dugo ni Abel ay nagsasalita sa Diyos para sa pagpaparatang at paghihiganti (Gen. 4:10, 15), samantalang ang dugo ni Kristo ay nagsasalita sa Diyos para sa pagpapatawad, pag-aring-matuwid, pagkikipagkasundo, at katubusan. Higit pa rito, ang mahalagang dugong ito ay nagsasalita sa Diyos para sa atin upang sa pamamagitan nito (tulad ng naihayag sa aklat na ito) ay maitatag ang walang hanggang bagong tipan, at sa loob ng bagong tipang ito ay kinakailangang ibigay ng Diyos ang Kanyang Sarili at ang lahat ng Kanyang mgapagpapala sa mga mananampalataya kay Kristo na tumanggap ng tipang ito sa pamamagitan ng pananampalataya.

B. Ang Lahat ng Aytem ay Walang Hanggan

Dahil ang walong aytem ng bagong tipan ay nasa panig ng pagkabuhay-na-muli, ang lahat ng ito ay pawang walang hanggan, umiiral magpakailanman. Kung paanong ang bagong langit at bagong lupa ay mananatili pa rin pagkalipas ng lumang paglikha, ang walong aytem din na ito ay mananatili hanggang sa kawalang-hanggan.

Ang mga bagay na binanggit sa mga bersikulo 18 at 19 ay mga panlupa o pisikal, sumasagisag sa panig ng kautusan, na kung saan ang bawa't isa, kasali na rin si Moises, ay nahintakutan (bb. 19-21). Ang mga bagay na binanggit sa mga bersikulo 22 hanggang 24 ay makalangit o espirituwal, na kabaligtaran ng mga panlupa at pisikal na mga bagay na nakalista sa bersikulo 18 at 19, sumasagisag sa panig ng biyaya. Sa panig na ito, kapwa ang mga panganay at ang mga espiritu ng mga matuwid na tao ay nangaligtas sa pamamagitan ng biyaya. Ang mga tao sa ilalim ng lumang tipan ay napasa sa panig ng kautusan, samantalang tayong mga Kristiyano sa ilalim ng bagong tipan ay napasa sa panig ng biyaya. Kaya nga, tayo ay “wala sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya” (Roma 6:14). Ang bahaging ito ng salita, tulad ng sa Galacia 4:21-31, ay nagpapakita sa atin na tayo ay wala sa pagkagapos ng kautusan, kundi nasa ilalim ng kalayaan ng biyaya upang maging ang mga tagapagmana ng mana. Ito ang ating pagkapanganay. Hindi natin dapat bitiwan ito sa pamamagitan ng pagkalayo mula sa biyaya (b. 15), kundi sa halip ay dapat magtaglay ng biyaya (b. 28). Ang mga bagay sa panig ng biyaya ay makalangit subali't hindi lahat ay nasa langit na. Malaking bilang ng mga panganay ng ekklesia ay nasa lupa pa, habang ang mga espiritu ng matuwid na tao, na siyang mga banal sa Lumang Tipan ay nasa paraiso pa kung saan naroon si Abraham (Luc. 16:22, 23, 24, 26) at kung saan ang Panginoong Hesus at ang naligtas na magnanakaw ay pumaroon pagkaraang sila ay mamatay sa krus (Luc. 23:43).

Katulad ng nakita natin, wala ni isa sa anim na aytem na nakalista rito ang kaaya-aya. Unang-una, may isang bundok na nagliliyab sa apoy! Sino ang magnanais na lumapit sa gayong lugar! Pagkatapos ay ang kadiliman, ang kapusikitan, at ang mabagyong ipu-ipo. Sa panghuli, ang nakasisindak na tunog ng isang trumpeta at ang taimtim na nagbibigay-babalang tinig ng mga salita. Lahat ay pawang nagpapakita ng isang nakatatakot na tanawin. Sa panig ng biyaya, gayunpaman, ang lahat ng bagay ay kaaya-aya. Ang walong aytem dito ay maaaring ituring bilang ang apat na pares. Ang mataas na Bundok Sion at ang magandang makalangit na Herusalem ay ang mga unang pares, tumutukoy sa tinatahanan ng Diyos at sentro ng Kanyang pansansinukob na administrasyon. Anong kaibig-ibig na lugar! Pagkatapos ay ang masasayang anghel na nagdiriwang, na lubhang may kaugnayan sa mga tagapagmana ng kaligtasan na kanilang pinagmiministeryuhan, at ang mga pinagpalang panganay ng ekklesia, ang bumubuo ng ikalawang pares sa tanawin. Anong sayang demonstrasyon ng isang pagtitipon ng mga anghel! Ipinagdiriwang nila ang pakikilahok ng mga taong tagapagmana ng kaligtasan sa mga pagpapala ng bagong tipan bilang ang ekklesia ng mga panganay. Ang Diyos, ang Hukom ng lahat, na makatarungan, at ang mga espiritu (ang kanilang mga katawan, hindi pa nabuhay-na-muli ay hindi karapat-dapat sa pagtatala rito) ng mga matuwid na tao, ang mga banal ng Lumang Tipan, ay magkaugnay bilang ang ikatlong pares, nagpapakita kung paanong inaring-matuwid ng Diyos, sa pagiging makatarungan, ang mga matuwid na banal noong una dahil sa kanilang pananampalataya. Sa panghuli, ang minamahal na Panginoong Hesus, ang Tagapamagitan ng bagong tipan, na isang "tipang lalong magaling," at ang Kanyang mahalagang dugong iwinisik na nagsasalita ng mga bagay na lalong magaling, ang bumubuo ng huling pares, ipinakikita nito na ginamit Niya ang lalong mahalagang dugo upang pagtibayin ang lalong magaling na tipan; ipinakikita rin nito na Siya ay namatay na at ipinamana Niya ang bagong tipang ito bilang isang bagong testamento sa Kanyang mga mananampalataya, at yaong Siya ngayon ang Tagapamagitan, ang Tagapagpatupad, ng bagong testamentong ito upang ipatupad ang ganap na pagkatanto sa lahat ng mga pinagpalang katunayan na nakapaloob dito. Anong kaaya-ayang tanawin! Anong kabaligtaran sa tanawing nasa panig ng kautusan, kung saan ay walang pagbanggit sa Diyos, sa Tagapagligtas, ni sa mga anghel! Hindi kataka-takang wala ni isang ligtas na tao ang nakita roon! Sa tanawin ng biyaya, naroon ang nag-aaring-matuwid na Diyos, ang Tagapagligtas, na siyang Tagapamagitan ng Kanyang bagong tipan kasama ang Kanyang nagsasalitang dugo, ang mga naglilingkod na anghel kasama ang kapulungan (ang ekklesia) ng mga naligtas, at ang mga espiritu ng mga inaring-matuwid na banal. Sa panig ng kautusan, ang tanawin ay nagwawakas sa nakasisindak na tunog ng trumpeta at sa mga salitang nagbibigay babala. Sa panig ng biyaya, ang tanawin ay nagwawakas sa isang nakikiramay na Tagapamagitan at isang nagpapawalang-salang pagsasalita. Pagkatapos na makita ang gayong paghahambing, sino ang magpapakamangmang na lisanin ang panig ng biyaya at bumaling sa panig ng kautusan? Ang lahat ng walong bagay sa panig ng biyaya ay hindi lamang makalangit o espirituwal, bagkus walang hanggan din. Kaya nga, kahit na mayanig ang langit (b. 26), ang walong bagay na ito na walang hanggan ay mananatili pa rin (b. 27).