PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LIMAMPU'T APAT

ISANG HINDI NAYAYANIG NA KAHARIAN

Sa mensaheng ito, darako tayo sa isang napakaseryosong bagay—ang hindi nayayanig na kaharian (12:25-29). Ang kaharian na tinatanggap natin ay hindi nayayanig (b. 28). Yamang ang kahariang ito ay hindi nayayanig, ito ay wala sa lupa o sa mga kalangitan. Ito ay isang matinding salita. Sapagka't mayrooon tayong isang doktrinal na kaisipan, maaaring makipagtalo tayo sa ganitong pagsasalita, na nagsasabi, "Ano naman ang kaharian ng kalangitan? Hindi ba nagsasalita ang Bibliya hinggil dito?" Oo, ang Bagong Tipan ay nagsasalita nga ng ukol sa kaharian ng mga kalangitan, subali't sinasabi rin nito na ang kalangitan ay mayayanig (b. 26; Hag. 2:6). Na ang kalangitan ay mayayanig ay nagpapatunay na ang kaharian na ating tinatanggap ay hindi pangkalangitan. Bagama't parang may pagsasalungatan sa pagitan ng mga terminolohiyang hindi nayayanig na kaharian at ang kaharian ng mga kalangitan, sa kalaunan ay makikita natin na sa aktual ay walang salungatan dito.

I. PARA SA LUMANG TIPAN,
ANG LUPA AY NAYANIG
BILANG ISANG BABALA SA IBABAW NG LUPA

Para sa lumang tipan, ang lupa ay nayanig bilang isang babala sa ibabaw ng lupa (bb. 25-26; Exo. 19:18). Nang ang lumang tipan ay ibinigay sa Bundok Sinai, ang lupa ay nayanig. Ang pagyanig na iyon ay isang babala sa mga tao sa lupa.

II. PARA SA BAGONG TIPAN,
HINDI LAMANG ANG SANGKALUPAAN BAGKUS ANG KALANGITAN
DIN AY MAYAYANIG BILANG ISANG BABALA MULA SA KALANGITAN

Isang araw, para sa bagong tipan, hindi lamang ang lupa bagkus ang langit din ay yayanigin bilang isang babala mula sa kalangitan. Ito ay ayon sa salita sa Hagai 2:6.

III. TANGI LAMANG ANG PANGINOON
AT ANG MGA BAGAY NA NAGMUMULA SA KANYA
ANG MANANATILI MAGPAKAILANMAN

Ang langit at lupa ay nayayanig. Tangi lamang ang Panginoon at ang mga bagay na nagmumula sa Kanya ang mananatili magpakailanman (b. 27; 1:11; 13:8). Ito ay nangangahulugan na ang kaharian na tinatanggap natin ay nagmula sa Panginoon Mismo. Ang Hebreo 1:11, na nagsasalita ng ukol sa mga kalangitan at sa lupa ay nagsasabing "Sila ay mapaparam, datapuwa't Ikaw ay nananatili; at silang lahat ay malulumang gaya ng isang kasuotan."

Ang kaharian, sa katunayan, ay ang Panginoon Mismo bilang ang kaharian sa loob natin. Nakita na natin na ang pananampalataya ay ang Panginoon Mismo bilang ang nananampalatayang elemento sa loob natin. Ngayon, sa parehong prinsipyo, ang kaharian ay ang Panginoon Mismo bilang ang pagkahari. Bilang tulong sa pagtatanto sa bagay na ito, basahin natin ang Daniel 2:34 at 35. "Iyong tinitingnan hanggang sa may natibag na isang bato, hindi ng mga kamay, na tumama sa larawan sa kaniyang mga paang bakal at putik na luto, at ang mga yao'y binasag. Nang magkagayo'y ang bakal, ang putik na luto, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkaputul-putol na magkakasama, at naging parang dayami sa mga giikan sa tag-araw; at tinangay ng hangin na walang dakong kasumpungan sa mga yaon, at ang bato na tumama sa larawan ay naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa." Ang natibag na bato, hindi ng mga kamay ay ang makalangit na Kristo na natibag sa krus, hindi ng mga kamay ng tao. Ang bersikulo 44, na tumutukoy sa mga daliri sa paa ng larawan, ay nagsasabi "Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay naglalagay ang Diyos sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man niya'y iiwan sa ibang bayan, kundi pagpuputul-putulin at lilipulin niya ang lahat ng kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailanman." Ang bersikulo 45 ay nagsasalita rin ng ukol sa bato, na nagsasabi," Ang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay" at "pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto." Ipinapakita ng mga bersikulong ito na ang bato, na si Kristo, sa kalaunan, ay magiging isang dakilang bundok na pupuno sa buong lupa. Ang dakilang bundok na ito ay ang darating na kaharian. Kaya, ang hindi nayayanig na kaharian na tinatanggap natin ay si Kristo kasama ang Kanyang pagpapalaki (enlargement).

IV. ANG KAHARIAN,
NAGMUMULA SA PANGINOON
AY HINDI NAYAYANIG

A. Tayo ay Nagsisi para sa Kaharian

Ang ebanghelyong ipinangaral sa atin ng Bagong Tipan ay ang ebanghelyo ng kaharian (Mat. 3:1-2; 4:17, 23; 10:7; 24:14). Nagsisi tayo para sa kaharian (Mat. 3:2). Maaari nang tayo ay naligtas, hindi tayo nakarinig ng ganito kalinaw na ebanghelyo. Sa oras na iyon, takot tayo na pumunta sa impiyerno at nagnanais na pumunta sa langit. Kaya, nagsisi tayo para sa langit. Ito ang pagpapahayag ng maling ebanghelyo, sapagka't ang pagsisisi ay hindi para sa kalangitan kundi para sa kaharian.

B. Tayo na Naisilang-na-muli tungo sa loob ng Kaharian

Tayo ay naipanganak-muli, naisilang-na-muli, tungo sa loob ng kaharian. Sa Juan 3:5 ay sinabi ng Panginoong Hesus, "Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, maliban na ang tao ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos" (Salin sa Pagbabawi). Marami sa atin ang nasabihan nang mali na ang pagkasilang-na-muli ay para sa pagpunta sa langit. Makikita natin dito nang malinaw na ang pagkasilang-na-muli ay para sa pagpasok tungo sa kaharian ng Diyos.

C. Nailipat Tungo sa loob ng Kaharian

Sinasabi ng Colosas 1:13, "Na Siyang nagligtas sa atin sa awtoridad ng kadiliman, at naglipat sa atin tungo sa loob ng kaharian ng Anak ng Kanyang pag-ibig". Ipinahahayag ng bersikulong ito na tayo ay nailipat mula sa isang kaharian, ang kaharian ng kadiliman ni Satanas, tungo sa isa pang kaharian, ang kaharian ng Anak ng Kanyang pag-ibig.

D. Ang Buhay-ekklesia
Bilang ang Kaharian ng Diyos Ngayon

Sa ekklesia, tayo ay namumuhay sa loob ng kaharian ng Diyos ngayon. Ang Roma 14:17 ay isang matibay na katunayan na ang buhay-ekklesia ngayon ay ang kaharian: "Sapagka't ang kaharian ng Diyos ay hindi pagkain at pag-inom, kundi katuwiran at kapayapaan at kagalakan sa Espiritu Santo" (Salin sa Pagbabawi). Pinatutunayan din ng Apoc. 1:9 na tayo ay nasa kaharian ng Diyos ngayon: "Ako si Juan, na inyong kapatid at inyong kasamang kabahagi sa kapighatian at sa kaharian at pagtitiis na nasa loob ni Hesu-Kristo." Nang isinulat ni Juan ang aklat ng Apocalipsis, siya ay nasa kaharian na ng Diyos. Ang dalawang bersikulong ito ay isang matibay na patunay na ang ekklesia ngayon ay ang kaharian. Gayunpaman, katulad ng makikita natin, ang kinaroroonan natin ngayon sa ekklesia ay ang kaharian sa realidad nito, samantalang ang kaharian sa pagpapakita nito ay darating kasama ng pagbabalik ni Kristo sa hinaharap.

V. ANG REALIDAD AT PAGPAPAKITA NG KAHARIAN

Kung uunawain natin ang mga katotohanan sa Bagong Tipan hinggil sa kaharian, dapat nating matanto ang dalawang pangunahing aspekto ng kaharian—ang aspekto ng realidad nito at ang aspekto ng pagpapakita nito. Sa ekklesia ngayon, hindi natin taglay ang kaharian sa pagpapakita; taglay natin ang kaharian sa realidad. Ayon sa panlabas na anyo, hindi nakikita ng mga tao ang kaharian sa ekklesia. Gayunpaman, ang kaharian ay isang realidad sa kalagitnaan natin.

A. Ang Realidad ng Kaharian
Bilang Isang Pag-eensayo at Pagdidisiplina
sa Ekklesia Ngayon

Ang realidad ng kaharian, ang kaharian sa realidad nito, ay isang pag-eensayo at pagdidisiplina sa atin sa ekklesia ngayon (Mat. 5:3, 10, 20; 7:21). Ipagpalagay na bumili ka ng isang "hamburger" sa bilihan at ang kahera ay nagbigay sa iyon nang labis na sukli. Kung ikaw ay naensayo at napamunuan ng kaharian ibabalik mo ang sobrang sukling ito kaagad-agad. Ito ay isang karanasan ng pamumuno ng realidad ng kaharian, na kapwa pag-eensayo at pagdidisiplina.

Ang situwasyon ng Kristiyanidad ngayon ay napakarukha, dahil maraming Kristiyano ang nadroga, inaakala na ang lahat ay mula sa biyaya at wala ng pangangailangan para sa pagsasanay, pag-eensayo, o pagdidisiplina. Subali't dapat nating matanto na dapat nating itaas ang pamantayan ng buhay-ekklesia sa pamamagitan ng pagdidisiplina at pag-eensayo ng realidad ng kaharian. Sa mga taon, nakita ko ang biyaya ng Panginoon na gumagawa sa napakarami sa atin. Pinasasalamatan ko ang Panginoon na may napakalaking pagsulong sa Kanyang pagbabawi. Gayunpaman, dapat nating itaas ang pamantayan nang mas mataas pa. Kung gagawin natin ito, ang mga nagpapalakpakang anghel natin ay magiging masayang-masaya, sapagka't makakakita sila ng isang grupo ng mga mananampalataya na lubhang seryoso hinggil sa walang hanggang layunin ng Diyos. Gaano natin kailangan ang disiplina para sa kaharian ngayon!

B. Ang Pagpapakita ng Kaharian
Bilang Isang Gantimpala at isang Pagtatamasa
sa Sanlibong Taong Kaharian sa Darating na Kapanahunan

Ang pagpapakita ng kaharian, ang kaharian sa pagpapakita nito, ay magiging isang gantimpala at isang pagtatamasa sa atin sa sanlibong taong kaharian (Mat. 16:27; 25:21, 23). Ngayon, sa realidad ng kaharian, mayroon tayong pag-eensayo at pagdidisiplina. Sa darating na kapanahunan, sa pagpapakita ng kaharian, tayo ay magkakaroon ng isang gantimpala at pagtatamasa. Kung babasahin natin ang Mateo 16:27 ayon sa nilalaman nito, makikita natin na ang pagbabalik ng Panginoon upang gantimpalaan ang bawa't tao ayon sa kanyang gawa ay may kaugnayan sa pagpapakita ng kaharian. Sa Mateo 25:21 at 23, sinabi ng Panginoon sa Kanyang tapat na alipin, "Magaling, mabuti at tapat na alipin; naging tapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay, pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon." Ang pumasok sa kagalakan ng Panginoon ay ang mapasapagpapakita ng kaharian sa panahon ng sanlibong taon.


C. Kinukuha ang Pag-eensayo ng Espiritu
at ang Pagdidisiplina ng Diyos Ngayon
at Tinatanggap ang Gantimpala
ng Panginoon at Pumapasok sa Sabbath na Kapahingahan
Sa Darating na Kapanahunan

Kung kukunin natin ang pag-eensayo ng Espiritu at ang pagdidisiplina ng Diyos sa realidad ng kaharian ngayon, matatangap natin ang gantimpala ng Panginoon at papasok tayo sa pagtatamasa ng darating na Sabbath na kapahingahan (4:9) sa pagpapakita ng kaharian sa darating na kapanahunan. Kung hindi natin tinatanggap ang pag-eensayo ng Espiritu at ang pagdidisiplina ng Diyos ngayon, mawawala sa atin ang darating na kaharian sa pagpapakita nito bilang isang gantimpala. Hindi tayo magagantimpalaan sa pagpapakita ng kaharian sa pagbabalik ng Panginoon; mawawalan tayo ng karapatang makapasok sa kaluwalhatian ng kaharian upang makilahok sa paghahari ni Kristo sa sanlibong taong kaharian; at mawawala sa atin ang pagkapanganay upang manahin ang lupa sa darating na kapanahunan, upang maging mga maharlikang saserdote na naglilingkod sa Diyos at kay Kristo sa loob ng Kanyang nahayag na kaluwalhatian, at ang maging mga kasamang hari ni Kristo na namumuno sa lahat ng mga bansa sa loob ng Kanyang dibinong awtoridad (Apoc. 20:4, 6).

D. Ang Pagkawala ng Darating na Kaharian
at ang Pagkawala ng ating Pagkapanganay sa Darating na Kapanahunan
ay Nangangahulugang Mawawala sa atin ang Gantimpala

Ang maiwala ang ating bahagi sa darating na kaharian at ang pag-aalis ng karapatan sa ating pgkapanganay sa darating na kapanahunan ay hindi nangangahulugang tayo ay mapapahamak, kundi mawawala sa atin ang gantimpala. Bagama't maaaring maiwala natin ang gantimpala, hindi kailanman natin maiwawala ang ating kaligtasan (1 Cor. 3:14-15). Ang ating kaligtasan ay tiyak magpakailanman. Subali't kung tayo man ay makatatanggap ng gantimpala at ng pagkapanganay sa pagpapakita ng kaharian ay nakasalalay sa ating pag-eensayo ngayon.

E. Ang mga Babala sa Hebreo
ay Tumutukoy sa Pagdurusa
ng Pagkawala ng Gantimpala ng Kaharian
at ang Maparusahan ng Diyos

Katulad ng nakita na natin, ang pagkawala ng gantimpala sa darating na kaharian, ang pagkaalis ng karapatan sa ating pagkapanganay, ay hindi nangangahulugang tayo ay mapapahamak. Ito ay nangangahulugang mawawala sa atin ang gantimpala at tayo ay magdurusa ng pagkalugi, subali't gayunpaman ay "maliligtas, lamang ay tulad sa pamamagitan ng apoy" (1 Cor. 3:14-15). Ito ang saligang konsepto na pinagbabatayan ng limang babalang ibinigay sa aklat na ito at ang lahat ng ito ay nabuuan ng mga ito (2:3; 4:1-11; 6:8; 10:27, 29-31; 12:25). Ang lahat ng negatibong punto ng mga babalang ito ay may kaugnayan sa pagdurusa ng pagkawala ng gantimpala sa darating na kaharian at pagtanggap ng kaparusahan ng Diyos, samantalang ang lahat ng positibong punto ay may kaugnayan sa gantimpala at pagtatamasa ng kaharian. Ang lahat ng pitong sulat sa Apocalipsis 2 at 3 ay winakasan sa gayunding konsepto—ang gantimpala ng kaharian o ang pagkawala nito. Tangi lamang sa ganitong konsepto mauunawaan nang wasto at mailalapat nang wasto sa ating karanasan ang Mateo 5:20; 7:21-23; 16:24-27; 19:23-30; 24:46-51; 25:11-13, 21, 23, 26-30; Lucas 12:42-48; 19:17, 19, 22-27; Roma 14:10, 12; 1 Corinto 3:8, 13-15;4:5; 9:24-27; 2 Corinto 5:10; 2 Timoteo 4:7-8; Hebreo 2:3; 4:1, 9, 11; 6:4-8; 10:26-31, 35-39; 12:16-17, 28-29; at Apocalipsis. 2:7, 10-11, 17, 26-27; 3:4-5, 11-12, 20; at 22:12. Hiwalay sa konseptong ito, ang pagpapakahulugan ng mga bersikulong ito ay mahuhulog alinman sa loob ng labis na pagka-obhektibo ng Calvinista, o ng labis na pagkasubhektibo ng Arminiana. Hindi nakita kapwa ng dalawang grupong ito ang gantimpala ng kaharian, at higit pa roon hindi nila nakita ang pagdurusa ng pagkawala ng gantimpala ng kaharian. Kaya nga, itinuturing ng dalawang grupong ito na ang lahat ng negatibong punto na nasa mga bersikulong nabanggit ay tumutukoy sa kapahamakan. Ang mga Calvinista, na naniniwala sa walang hanggang kaligtasan (yaon ay, minsang maligtas ang isang tao, siya kailanman ay hindi na mapapahamak) ay nag-aakala na ang mga negatibong puntong ito ay pawang tumutukoy sa kapahamakan ng mga huwad na mananampalataya; samantalang ang mga Arminiana, na naniniwala na ang isang taong naligtas na ay maaaring mapahamak pa kapag siya ay natisod, ay nagpapatungkol sa kapahamakan ng mga naligtas na tao na natisod. Subali't ipinakikita ng kumpletong pahayag ng Bibliya na ang mga negatibong puntong ito ay tumutukoy sa kalugihang mararanasan dahil sa pagkawala ng gantimpala ng kaharian. Ang kaligtasan ay walang hanggan: sa sandaling matamo natin ito, kailanman ay hindi ito mawawala (Juan 10:28-29). Subali't maaaring mawala sa atin ang gantimpala ng kaharian, bagaman tayo ay maliligtas pa rin (1 Cor. 3:8, 14-15). Lahat ng mga babala sa Hebreo na ito ay hindi tumutukoy sa pagkawala ng walang hanggang kaligtasan, kundi sa pagkawala ng gantimpala ng kaharian. Natanggap na ng mga mananampalatayang Hebreo ang kaharian, subali't maaaring mawala sa kanila ang gantimpala sa pagpapakita ng kaharian kung sila ay uurong mula sa biyaya ng Diyos, mula sa bagong tipang daan ng Diyos. Ito ang pangunahing bagay na nais ipahatid ng manunulat sa kanyang may pagmamalasakit na babala sa mga nag-aatubiling mananampalatayang Hebreo.

Sinasabi ng ilang Kristiyanong guro na ang tamad na alipin sa Mateo 25 ay isang huwad na alipin. Subali't ito ay lubusang di-makatuwiran. Bagama't ang isa sa iyong mga anak ay maaaring tamad, hindi ito nangangahulugan na siya ay huwad. Yamang hindi nakikita ng ilang Kristiyanong guro ang bagay ng gantimpala ng kaharian, dapat nilang sabihin na ang tamad na alipin ay isang huwad na alipin. Kasalungat nito, sinasabi ng ilan na ang tamad na alipin ay isang tunay na alipin na humiwalay at naiwala ang kanyang kaligtasan.

Nakita natin na ang orihinal na intensiyon ng Diyos ay ang magkaroon ng isang sama-samang tao upang ihayag Siya na taglay ang Kanyang larawan, katawanin Siya na taglay ang Kanyang kapamahalaan, at angkinin ang lupa. Ito ang wastong pantaong pamumuhay. Dahil ang tao ay natisod mula sa orihinal na intensiyon ng Diyos, ang Diyos ay dumating upang tubusin at iligtas tayo. Ito ang pagliligtas ng Diyos, kung saan naroon ang pagkapanganay na may tatlong aspekto: bilang ang saserdote upang ihayag ang Diyos kasama ang Kanyang larawan, bilang mga hari upang katawanin ang Diyos na taglay ang Kanyang kapamahalaan, at angkinin nang lubusan ang nawalang lupa para sa walang hanggang layunin ng Diyos. Kung mamumuhay tayo sa pagkapanganay na ito, kusang-kusa tayong mapasasaloob ng realidad ng kaharian ng Diyos, dahil ang realidad ng kaharian ng Diyos ay ang pamumuhay palabas ng pagkapanganay, ang pagkatanto ng ganap na pagkapanganay. Yamang hindi lahat ng Kristiyano ay handang makipagka-isa sa Diyos sa bagay na ito, Siya, sa Kanyang karunungan, ay nagpasya na gawin ang pagkapanganay na isang gantimpala. Kung kukunin natin ang biyaya, papasok tungo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan, at makikipagtulungan sa Diyos, tiyak na maipamumuhay natin palabas ang pagkapanganay. Pagkatapos, anuman ang ipinamumuhay natin palabas ay magiging ang realidad ng kaharian ngayon. Ang realidad na ipinamumuhay natin palabas ngayon ay magiging ang ating gantimpala sa pagpapakita ng kaharian. Ito ang pagsasakatuparan ng orihinal na intensyon ng Diyos. Ito rin ang ating pagpapasakdal, pagluluwalhati, at pagtatamo ng ating kaluluwa sa darating na kapanahunan. Bilang resulta, matataglay natin ang wastong pantaong pamumuhay kasama ang isang naitaas at nabuhay-na-muling pagka-tao. Ito ang lubhang mahalagang pokus ng buong Bibliya, at ang Biliya ay hindi nagbabago hinggil dito. Paano maisasagawa ang lahat ng ito? Ito ay sa pamamagitan lamang ng pagbaling sa espiritu, pagpasok sa Dakong Kabanal-banalan, dinaranas si Kristo sa lahat ng Kanyang mga kayamanan, at pagbibigay-daan sa kautusan ng buhay na dalhin tayo mula sa isang yugto ng kaluwalhatian tungo sa isa pa habang tinitigmakan tayo, pinupuspusan tayo, at iwinawangis tayo sa Kanyang larawan.

Sinasabi ng Hebreo 12:29, "Sapagka't ang Diyos natin ay isa ring apoy na namumugnaw." Ang Diyos ay banal. Ang kabanalan ay ang Kanyang kalikasan. Anuman ang hindi tumutugma sa banal Niyang kalikasan, Siya, bilang ang namumugnaw na apoy, ay manunupok. Kung ang mga mananampalatayang Hebreo ay babaling sa Hudaismo, na karaniwan (hindi banal) sa paningin ng Diyos, gagawin sila nitong hindi banal, at ang banal na Diyos bilang ang namumugnaw na apoy ay tutupok sa kanila. Ang Diyos ay hindi lamang matuwid, bagkus banal din. Upang mabigyang-kasiyahan ang katuwiran ng Diyos, kinakailangan tayong ariing-matuwid sa pamamagitan ng pagtutubos ni Kristo. Upang matugunan ang mga kahilingan ng Kanyang Kabanalan, kinakailangan tayong mapabanal, gawing-banal ng makalangit, pangkasalukuyan, at búhay na Kristo. Ang aklat ng Roma ay para sa katuwiran ng Diyos (Roma 3:25-26), nagbibigay-diin sa pag-aaring-matuwid (Roma 3:24); samantalang ang aklat ng Hebreo ay para sa kabanalan ng Diyos (12:14), nagbibigay-diin sa bagay ng pagpapabanal (2:11; 10:10, 14, 29; 13:12). Dahil dito, kinakailangang ihiwalay ng mga mananampalatayang Hebreo ang kanilang mga sarili mula sa di-banal na Hudaismo tungo sa banal na Diyos na lubusang naghayag ng Kanyang Sarili sa Anak sa ilalim ng bagong tipan; kung hindi, durungisan nila ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang luma, di-banal na relihiyon at pagdurusahan ang pagtutuos ng Diyos bilang ang namumugnaw na apoy. Ito ay magiging "kakila-kilabot" (10:31)! Hindi kataka-takang si Pablo ay alalang-alala sa "pagkasindak (pagkatakot) sa Panginoon" (2 Cor. 5:11).

Ang sentrong punto ng aklat ng Hebreo ay ang dalhin tayo tungo sa banal na kalikasan ng Diyos. Kung hindi tayo makikipagtulungan sa Diyos ukol sa bagay na ito, lalabagin natin ang Kanyang administrasyon. Ang labagin ang administrasyon ng Diyos ay isang pampamahalaang bagay. Ang paglabag sa kautusan ng Diyos ay hindi kasing seryoso ng paglabag sa Kanyang pamahalaan. Ipinahayag ng Diyos na kung hindi tayo makikipag-kaisa sa Kanya sa Kanyang pang-administrasyong ekonomiya, at sa halip ay lalabagin ang Kanyang pamahalaan, parurusahan Niya tayo. Ito ay nangangahulugan na maiwawala natin ang gantimpalang pangkaharian sa positibong panig at magdurusa ng kaparusahan sa negatibong panig. Sa Hebreo 10 at 12, makikita natin ang daan, ang takbuhin, at ang daan na dapat nating kunin, takbuhin, at lampasan. Sa mga kapitulong ito ay makikita natin ang kaparusahan, ang gantimpala, at ang kaharian. Ang tatlong bagay na ito ay mahahalagang aspekto ng pangunahing konsepto sa pagsulat (composition) ng aklat na ito.

Walang ibang aklat sa Bagong Tipan ang naghahayag ng sentrong punto ng ekonomiya ng Diyos na kasinlinaw ng aklat ng Hebreo, dahil wala nang ibang aklat ang nagtuturo sa atin tungo sa Dakong Kabanal-banalan at sa kautusan ng buhay sa loob ng kaban. Bagama't binanggit ng Roma 8:2 ang kautusan ng Espiritu ng buhay, tinatalakay ng Hebreo ang kautusan ng buhay nang mas lubusan kaysa sa Roma. Binabalaan tayo ng manunulat ng Hebreo na kunin ang pahayag ng ekonomiya ng Diyos na matatagpuan sa aklat na ito. Kung kukunin natin, makatatanggap tayo ng gantimpala sa pagpapakita ng kaharian. Kung hindi natin kukunin ito, tiyak na magdurusa tayo ng ilang kaparusahan dahil sa paglabag natin sa pang-administrasyong ekonomiya ng Diyos. Yaong mga walang nagsusubstansiyang pandama, o yaong mga nabigo sa pag-eensayo nito, ay hindi makikita ito. Habang tayo ay seryoso at malinaw ang kaisipan (sober) hinggil sa bagay na ito, maraming ibang Krisitiyano ang hindi. Sa ilalim ng pagliliwanag ng makalangit na pahayag na nakikita natin sa mga mensaheng ito, dapat tayong maging seryoso at matino hinggil sa pagtakbo sa mga tuwid na daan. Ang daan na tinatakbo natin ngayon ang magtatakda ng ating hinaharap na kahihinatnan.

Bagama't tayo ay nag-aalala sa ating hinaharap na kahihinatnan, kailangan tayong magkaroon ng biyaya na sabihin sa Panginoon, "Panginoon, sa pamamagitan ng Iyong biyaya hindi ako nag-aalala sa aking kahihinatnan—nagmamalasakit ako para sa Iyong ekonomiya. Panginoon, nais kong makipagtulungan sa Iyo, hindi para sa kapakanan ng aking hinaharap na kahihinatnan, bagkus para sa kapakanan ng Iyong ekonomiya sa ngayon. Nais kong makita na ang Iyong ekonomiya, na hindi pa naisasagawa sa pagdaan ng mga siglo, ay maisakatuparan sa mga araw na ito." Kailangan nating lahat na magkaroon ng ganitong kalinaw na pangitain at madala pasulong nang sa gayon ang layunin ng Diyos ay matupad sa gitna natin. Nais ng Diyos na dalhin ang isang grupo ng matatapat na tagapaghanap Niya tungo sa Dakong Kabanal-banalan upang maranasan nila ang paggawa ng kautusan ng buhay at sa gayon ay maging sama-samang pagpaparami ng modelong pamantayan, ang Kanyang Panganay na Anak. Ang pagbabalik ng Panginoon ay nakasalalay sa sama-samang pagpaparaming ito. Imposible para sa Panginoon na bumalik hangga't ito ay naisakatuparan na. Ang Kanyang pagpaparami ng modelong pamantayan ay nakasalalay sa paggawa ng kautusan ng buhay sa loob natin. Katulad ng nakita na natin, ang kautusan ng buhay ay wala sa labas na looban o sa Dakong Banal; ito ay nasa loob ng kaban ng patotoo sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Kaya, kailangan nating pumasok sa Dakong Kabanal-banalan, sumisid tungo sa kaban ng patotoo, at danasin ang kautusan ng buhay. Alam natin kung nasaan ang kautusan ng buhay—ito ay nasa loob ng ating espiritu. Ngayon kailangan lamang nating sabihin, "Panginoon, sa pamamagitan ng Iyong kahabagan at biyaya, ako ay narito upang makipagkaisa sa Iyo. Ako ay handa para sa Iyo na magpatuloy. Panginoon, gawin mo ang lahat ng kaya Mo at anuman ang gusto Mo. Ako ay hindi nagmamalasakit para sa aking hinaharap na kahihinatnan. Ako ay nagmamalasakit lamang para sa Iyong pagbabawi sa ekonomiya sa ngayon para sa wastong pagbabawi ng buhay-ekklesia. Panginoon, nawa ang lahat ng naghahanap sa Iyo ay madala tungo sa daang ito para sa pagsasakatuparan ng Iyong kalooban!" Ito ang pagbabawi ng Panginoon sa Kanyang ekonomiya ngayon.

 

Home