PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LIMAMPU'T LIMA

SAMPUNG PRAKTIKAL NA KAGALINGAN
PARA SA BUHAY-EKKLESIA

Kung titingnan natin, tila hindi tinatalakay ng aklat ng Hebreo ang bagay ng ekklesia. Sa katunayan, ito ay lubusang para sa ekklesia, sapagka't ang ekklesia ay ang kaganapan ng ekonomiya ng Diyos. Sa Hebreo 2, makikita natin nang malinaw na ang nabuhay-na-muling Kristo taglay ang Kanyang napataas na pagka-tao ay para sa ekklesia. Ayon sa 2:12, pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay-na-muli, si Kristo ay bumalik sa Kanyang mga kapatid at, sa kalagitnaan ng ekklesia, Siya ay umawit ng mga himno ng papuri sa Ama. Sa bersikulong ito, ang ekklesia ay malinaw at tiyakang binanggit sa isang napakalalim na paraan. Sa pamamagitan nito, makikita natin na ang Hebreo ay hindi lamang isang aklat hinggil kay Kristo; ito ay isang aklat hinggil kay Kristo para sa ekklesia.

Sinasabi ng Hebreo 10:25 na huwag pabayaan ang ating pagkakatipon. Katulad ng ating ipinakita na, para sa mga mananampalatayang Hebreo na pabayaan ang kanilang pagkakatipon kasama ng mga banal, ay nangangahulugang pinababayaan nila ang daan ng bagong tipan. Nang nagtipon ang mga mananampalataya noong unang panahon, ang pagtitipong yaon ay ang praktikal at aktuwal na ekklesia.

Katulad ng nakita na natin, sa 12:18-24, may kaibhan sa pagitan ng tanawin ng lumang tipan at tanawin ng bagong tipan. Sa tanawin ng bagong tipan, makikita natin ang Bundok Sion, ang banal na lunsod ng Diyos, ang di-mabilang na nagdiriwang anghel, at ang ekklesia ng mga panganay. Ang ekklesia ay ang sentro ng tanawing ito. Pagkatapos ng pagbanggit ng ekklesia, binanggit naman ang nag-aaring matuwid na Diyos, ang mga inaring-matuwid na espiritu ng mga sinaunang banal, at si Hesus, ang Tagapamagitan ng mas mabuting tipan taglay ang Kanyang mahalagang dugo na nagsasalita nang mas mabuti kaysa doon kay Abel. Sa pamamagitan nito, makikita natin na ang ekklesia ay ang pokus ng tanawin ng bagong tipan.

Sa kapitulong ito, darako tayo sa kapitulo labintatlo. Bagama't ang salitang ekklesia ay hindi matatagpuan sa kapitulong ito, ang buong kapitulo ay ukol sa buhay-ekklesia. Ang mga karanasan kay Kristo (bb. 8-15) at ang sampung praktikal na kagalingan (bb. 1-7, 16-19) na tinatalakay rito ay para sa ekklesia. Halos lahat ng binanggit sa bersikulo 1 hanggang 7 at 16 hanggang 19, katulad ng pangkapatirang pag-ibig at pagpapatuloy sa mga bisitang-manlalakbay, ay para sa buhay-ekklesia, hindi lamang para sa buhay-Kristiyano. Kung tayo ay magkakaroon ng wastong buhay-ekklesia, kailangan natin ang lahat ng sampung kagalingang ito. Isaalang-alang natin ang mga ito ngayon.

I. PAG-IBIG SA MGA KAPATID (BROTHERLY LOVE)

Sinasabi ng bersikulo 1, "Hayaang magpatuloy ang pag-ibig sa mga kapatid." Walang makapagsasabi na ang pag-ibig sa mga kapatid ay hindi para sa buhay- ekklesia. Kung wala tayo sa buhay-ekklesia, hindi natin kakailanganin ang pag-ibig sa mga kapatid, sapagka't tayo ay magiging malayo sa isa't isa at walang kailangang ibigin ang isa't isa. Subali't dahil tayo ay pinagkawan, kailangan natin ang pag-ibig sa mga kapatid na magpatuloy.

Ang bawa't ekklesia lokal ay dumaraan sa isang pulot-gata. Naniniwala ako na ang lahat ng mga ekklesia sa Estados Unidos at sa Canada ay dumaan sa kanilang pulot-gata. Pagkatapos ng pulot-gata, ang bawa't bagong kasal ay kapagdakang magkakaroon ng banggaan. Upang mapanatili ang pagiging mag-asawa, kailangan nating magkaroon ng pag-ibig ng mag-asawa sa isa't isa. Sa ekklesia kailangan natin ng pag-ibig sa mga kapatid, at sa ating mga pamilya kailangan natin ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa't isa.

Sinasabi ng 1 Corinto 13:13, "Datapwa't ngayon ay nananatili ang tatlong ito, ang pananampalataya, ang pag-asa, at ang pag-ibig; nguni't ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig." Ayon sa bersikulong ito, ang pag-ibig ang pinakadakilang kagalingan. Ito rin ang pinaka-ekselenteng daan (1 Cor. 12:31). Ang pinaka-ekselenteng daan ay hindi ang daan ng mga kaloob o ng mga pagtuturo kundi ang daan ng pag-ibig. Ang pag-ibig ang pinaka-ekselenteng daan sapagka't ito ang kahayagan ng buhay (1 Cor. 13:1). Ang pag-ibig ay ang buhay rin na naipakita lamang sa ibang anyo. Sa 1 Corinto 8:1, sinabi ni Pablo, "Ang kaalaman ay nagpapalalo, nguni't ang pag-ibig ay nagtatayo." Kung tayo ay maitatayo nang sama-sama kailangan nating magkaroon ng pag-ibig sa mga kapatid.

II. PAGPAPATULOY SA MGA BISITANG-MANLALAKBAY (HOSPITALITY)

Sinasabi ng bersikulo 2, "Huwag ninyong kaligtaan ang pagpapatuloy sa mga bisitang-manlalakbay sapagka't sa pamamagitan nito ang iba ay nakapag-asikaso ng mga anghel nang hindi nalalaman ito." Tunay na kailangan natin ang pagpapatuloy sa mga bisitang-manlalakbay sa buhay-ekklesia sa pagbabawi ng Panginoon ngayon. Walang makatatantiya kung gaanong pagpapatuloy sa mga bisitang-manlalakbay ang nakapagtayo sa patotoo ng Panginoon sa umpisa ng pagbabawi ng Panginoon sa bansang ito. Ang pagpapatuloy sa mga bisitang-manlalakbay ay tunay na nakapagtatayo. Ito ay nagdadala nang maraming bagong dugo sa pagsasalamuha ng Katawan. Lubha nating pinasasalamatan ang Panginoon para rito! Sa Roma 12:13, tayo ay sinabihan na maghabol ng pagkakataon na makapagpatuloy, at sa 1 Timoteo 3:2, Tito 1:8, at 1 Pedro 4:9 tayo ay pinagpayuhan na maging bukas ang tahanan sa mga panauhin. Sa kalagitnaan natin, ang pag-ibig sa mga kapatid ay kailangang magpatuloy (continue) at ang pagiging bukas ang tahanan sa mga panauhin ay hindi dapat kalimutan.

III. INAALALA ANG MGA NAGDURUSANG SANGKAP (MEMBERS)

Sinasabi ng bersikulo 3, "Alalahanin ninyo ang mga bilanggo, gaya ng kayo ay nagagapos na kasama nila, at ang mga pinagmamalupitan na gaya ng kayo naman ay pinagmalupitan sa katawan." Ang pag-aalaala sa mga nagdurusang sangkap ay walang dudang para sa buhay-ekklesia. Kung inaalala natin ang mga nagdurusang sangkap, nadarama ito ng mga sangkap at nagdurusang kasama niya (1 Cor. 12:26). Ito ay ang buhay-Katawan. Kaya, ang maalala ang mga nagdurusa ay ang pangsyon sa Katawan, sa buhay-ekklesia.

IV. GINAGAWANG MARANGAL ANG PAG-AASAWA

Sinasabi ng bersikulo 4, "Maging marangal nawa sa lahat ang pag-aasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan; sapagka't ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Diyos." Tila ito ay walang relasyon sa buhay-ekklesia. Gayunpaman, ang pag-aasawa ay isang napakamahalagang salik sa buhay-ekklesia. Kung ang isang ekklesia ba ay maayos at malusog o naiwawala nito ang elemento at esensiya ay lubhang nakasalalay sa buhay may-asawa ng mga kapatiran. Huwag mong isaalang-alang ang bagay ng pag-aasawa na isang magaan na bagay. Dapat natin itong gawing marangal. Ito ay nangangahulugan na kailangan nating taglayin ang ating katawan, ang ating sisidlan, sa loob ng kabanalan at karangalan (1 Tes. 4:3-4), na "sinuman ay huwag lumapastangan at mandaya sa kanyang kapatid sa bagay na ito" (1 Tes. 4:6). Sa buhay-ekklesia, dapat kaugnayin ng mga kapatid ang isa't isa sa banal na paraan. Ito ay nangangahulugan na ginagawa nating marangal ang ating pag-aasawa at ang pag-aasawa ng iba. Ang gawing marangal ang pag-aasawa ay nangangahulugang angkinin ang ating katawan sa loob ng kabanalan at karangalan at ang layuan ang pakikiapid.

Sa buhay-ekklesia, ang mga ugnayan sa pagitan ng mga kapatid-na-lalake at kapatid-na-babae ay hindi maiiwasan. Kaya nga, para sa ating proteksyon laban sa pagkarungis, kinakailangan nating bigyang-dangal ang pag-aasawa at huwag kumilos ng may kapabayaan. Ito ay isang bagay na lubhang nakaaapekto sa ating pagkapanganay sa ekonomiya ng Diyos. Ang pagkapanganay ay nawala kay Ruben dahil sa kanyang karungisan (Gen. 49:3-4; 1 Cron. 5:1) at natanggap ito ni Jose dahil sa kanyang kadalisayan (1 Cron. 5:1; Gen. 39:7-12). Ang mga mapangalunya at ang mga mapakiapid ay hahatulan ng Diyos at sila ay kinakailangan ding hatulan ng ekklesia (1 Cor. 5:1-2, 11-13). Wala nang iba pang makapipinsala nang higit sa mga banal at sa buhay-ekklesia tulad ng ganitong karungisan.

Sinasabi ng bersikulo 4 na hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya. Ang Hebreo ay isang aklat hinggil sa kabanalan ng Diyos. Hindi pahihintulutan ng banal na Diyos ang anumang karungisan sa kalagitnaan natin. Hahatulan Niya ang Kanyang bayan (10:30; 12:23).

V. WALANG PAG-IBIG SA SALAPI

Sinasabi ng bersikulo 5, "Nawa ang inyong paraan ng pamumuhay ay walang pag-ibig sa salapi, na nasisiyahan kayo sa inyong mga kalagayan." Ang mga mangingibig-sa-salapi ay tiyak na hindi makapapasok sa realidad ng buhay-ekklesia. Ang bawa't mangingibig-ng-salapi ay isang Hudas, isang traydor, pinagkakanulo ang Panginoon, ang patotoo ng Panginoon, at ang buhay-ekklesia. Imposible para sa ganitong tao na ipamuhay ang buhay-ekklesia.

Sinasabi sa atin ng bersikulo 5 na masiyahan tayo sa ating mga kalagayan, sapagka't sinabi ng Panginoon, "Sa anumang paraan ay hindi kita iiwanan, ni sa anumang paraan kita ay Aking pababayaan." Dapat tayong masiyahan sa kung anuman ang taglay natin at sa kung anumang kalagayan tayo naroroon, nalalaman natin na taglay natin ang Panginoon at makaaasa tayo sa Kanya para sa ating pamumuhay. Dapat tayong laging masiyahan sa ating mga kalagayan upang tayo ay hindi magambala ng "mammon" (salapi) sa ating buhay-ekklesia. Yamang tayo ay may Panginoon bilang ating katulong, dapat tayong masiyahan at maging payapa upang tayo ay lubusang mapanatili sa loob ng pagtatamasa ng buhay-ekklesia.

Sa pamamagitan ng kahabagan at biyaya ng Panginoon, ako na isang matanda, ay makapagbibigay ng isang matinding salita ng patotoo sa mga kabataan. Matitiyak ko na hindi mo kailangang mag-alala hinggil sa iyong pamumuhay. Ang ating Diyos ay ang ating Ama, at alam Niya ang lahat ng kailangan natin. Naaalala ko pa ang araw na pinilit ako ng Panginoon na bitawan ko ang aking trabaho para sa Kanyang ministeryo. Ako ay nakikipagtalo sa Panginoon hinggil dito nang halos tatlong linggo. Sa huling araw na iyon, Agosto 23, l933, lumapit ako sa Panginoon nang hatinggabi. Bago pa ang oras na iyon, natanggap ko mula sa Kanya ang salita sa Mateo 6:33, na nagsasabi na kung hahanapin natin ang kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran, idaragdag ng Panginoon sa atin ang anumang pangangailangan natin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Sa gabing yaon lumapit ako sa Panginoon upang makipagtuos nang lubusan sa Kanya hinggil sa kung Kanyang kalooban ba na iwan ko ang aking trabaho para sa kapakanan ng pagiging nasa ministeryo nang buong panahon (full time ministry). Subali't nang lumapit ako sa Kanya, hindi Niya ako binigyan ng pagkakataong makapanalangin. Kinagalitan Niya ako, sinasabi sa akin na ibinigay na Niya ang Kanyang salita sa akin mula sa Mateo 6. Sinabi ng Panginoon, "Kung pinaniniwalaan mo ito, panghawakan mo. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, wala na Akong magagawa." Kaagad-agad nagkaroon ako ng damdamin na iniwan ako ng Panginoon at ang Kanyang presensiya ay wala na. Hindi na ako makapanalangin. Hindi ko na masabi kahit ang, "Sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen." Habang ako ay nakaluhod doon, lumuha ako at nagsabi, "Okey, Panginoon, kinukuha ko ang Iyong salita." Mula sa araw na iyon hanggang ngayon, hindi pa ako nagkulang ng anuman. Alam ng Panginoon ang ating pangangailangan. Maaaring may kapayapaan tayo upang maghandog ng lahat para sa Panginoon at para sa buhay-ekklesia, hindi nag-aalala para sa ating pamumuhay. Basta't pumasok tayo sa loob ng tabing at lumabas sa kampamento, pangangalagaan ng Panginoon ang ating mga pangangailangan. Siya ang ating Tulong at hindi Niya tayo pababayaan kahit kailan. Ang ating responsabilidad ay ang mabuhay sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Ang ating buhay ay nasa loob Niya, at ang pamumuhay ay nasa Kanyang mga kamay. Purihin Siya na Siya ay buhay na buhay at tunay!

VI. INAALALA ANG MGA TAGAPAGHAIN
NG SALITA NG DIYOS

Sinasabi ng bersikulo 7, "Alalahanin ninyo ang mga nangunguna sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at sa pagsasaalang-alang sa kinalabasan ng paraan ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya." Ito ay mahalaga sa buhay-ekklesia. Ang bersikulo 7 ay isang pagpapatuloy ng bersikulo 5 at 6. Ang kanilang "paraan ng pamumuhay" ay tiyak na tumutukoy sa paraan ng pamumuhay na ipinamumuhay ng mga tagapaghain ng salita ng Diyos—walang pag-ibig sa salapi at nasisiyahan sa kanilang kalagayan. Ang kanilang "pananampalataya" ay tiyak na tumutukoy sa katunayan na sila ay nagtiwala sa Panginoon, na kanilang Katulong, para sa kanilang ikabubuhay. Ang salitang kanilang inihain at ang buhay na kanilang ipinamuhay ay kinakailangang pawang si Kristo, na Siyang kapwa Maykatha at Tagapagpasakdal nito (12:2). Ang gayong uri ng pamumuhay at ang gayong uri ng pananampalataya ay tiyak na karapat-dapat na tularan ng mga mananampalataya.

Ang mga tagapaghain ng salita ng Diyos ay dapat magtaglay ng isang paraan ng pamumuhay na nagreresulta sa isang halimbawa ng pananampalataya upang matularan ng mga sangkap ng ekklesia, ang mga tumatanggap ng salita ng Diyos. Sa gayon, hindi lamang tatanggapin ng mga sangkap ng ekklesia ang salitang kanilang inihahain, bagkus tutularan din ang kanilang pananampalataya na naihahayag sa paraan ng kanilang pamumuhay. Ang paraan ng kanilang pamumuhay ay dapat na yaong nagtitiwala sa Panginoon para sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. Lubhang kakaiba ito sa makasanlibutang paraan ng pamumuhay! Habang isinasaalang-alang ng mga mananampalataya ang kinalabasan ng pamumuhay ng mga naghahain ng salita ng Diyos sa kanila, sila ay maiimpluwensiyahang tularan ang kanilang pananampalataya sa Diyos.

VII. ANG PAGGAWA NG MABUTI

Sinasabi ng bersikulo 16, "Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi sa iba ay huwag ninyong kalimutan, sapagka't sa mga gayong hain ang Diyos ay totoong nalulugod." Ang bersikulong ito ay nagsasalita ng paggawa ng mabuti. Ito ay hindi ang kabutihan ng mabuti at masama; ito ay ang kabutihan sa ekonomiya ng Diyos. Ang paggawa ng mabuti ayon sa ekonomiya ng Diyos, na isang hain na nakalulugod sa Diyos, ay ayon sa paggawa ng Diyos sa loob natin (Efe. 2:10; Fil. 2:13), yaon ay, ayon sa paggawa ng kautusan ng buhay. Ang ating panlabas na paggawa ng mabuti ay dapat na ayon sa panloob na paggawa ng kautusan ng buhay.

VIII. ANG PAGBABAHAGI SA IBA (SHARING WITH OTHERS)

Ang bersikulo 16 ay nagsasalita rin ng ukol sa pagbabahagi sa iba. Ito ay kinakailangan din para sa isang wastong buhay-ekklesia. Tunay na hindi wasto kung sa gitna ng ekklesia ay hindi napangangalagaan ang ilang nangangailangang banal. Ito ay nangangahulugang ang pagbabahagi sa iba ay wala o kaya ay di-sapat. Ang pagbabahagi sa iba ay isa ring hain na nakalulugod sa Diyos. Ang layunin nito ay ang itustos ang pangangailangan ng mga nangangailangang banal para sa pagkakapantay-pantay (2 Cor. 8:14-15). Yaong mga mas mayroon kaysa sa kinakailangan nila ay dapat na magbahagi sa mga yaong ang tinataglay ay mas kakaunti kaysa sa kinakailangan nila. Kung yaong may higit ay nagbabahagi sa mga nagtataglay ng mas kakaunti, magkakaroon tayo ng pagkakapantay-pantay sa kalagitnaan natin. Ito ay katulad ng pamumulot ng manna ng mga anak ni Israel sa ilang. Sa mga panahong yaon, "Ang nagtipon ng marami ay hindi naglabis, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi nagkulang" (2 Cor. 8:15; Exo. 16:18). Bilang resulta, may pagkakapantay-pantay sa gitna ng mga anak ni Israel.

IX. TUMATALIMA SA MGA NANGUNGUNA
AT NAGPAPASAKOP SA KANILA

Sinasabi ng bersikulo 17, "Magsitalima kayo sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo sa kanila, sapagka't pawang nangagpupuyat sila dahil sa inyong mga kaluluwa, bilang yaong mga magbibigay-sulit, upang ito ay gawin nilang may kagalakan, at hindi ng may hapis, sapagka't ito ay magiging di-kapaki-pakinabang sa inyo." Narinig ko ang maraming tinatawag-na-espirituwal na tao na nagsasabi na basta't tayo ay may Espiritu, lahat tayo ay mga nangunguna at hindi na natin kailangan ang sinuman na manguna sa atin. Sinasabi nila na maling magkaroon ng mga pinuno sa gitna natin. Ayon sa kanila, ang magkaroon ng mga nangunguna ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng isang organisasyon na may hirarkiya at isang papa. Kailangan nating maging balanse ukol sa bagay na ito. Nagpapasalamat tayo sa Panginoon na sa Kanyang pagbabawi sa nakaraang limampung taon ay laging mayroong wastong nangunguna sa gitna ng mga ekklesia para sa pagpapanatili ng kaayusan sa loob ng bahay ng Diyos.

Sa bawa't sambahayan, bukod sa mga magulang, naroroon ang mga mas matatandang kapatid na lalake at babae. Ipagpalagay na may anim na anak sa isang pamilya. Kusang-kusa, alam ng bawa't isa sa kanila ang kanilang pagkakasunud-sunod. Kapag ang panganay ay nagsalita, ang lahat ay nakikinig sa kanya. Subali't kung ituturing ng ikatlong kapatid ang kanyang sarili bilang ang panganay, hindi makikinig ang lahat sa kanya. Kung pananatilihin natin ang isang mabuting kaayusan sa bahay ng Diyos, kailangan nating magkaroon ng mga nangungunang kapatid, at ang lahat ng mga banal ay kailangang sumunod sa kanila o magpasakop sa kanila. Ito ay kinakailangan para sa pagtatayo ng ekklesia.

Ang bagay ng pangungunang ito, gayunpaman, ay dapat na hindi maging napaka-opisyal. Halimbawa, sa isang pamilya, hindi na kailangang sabihin ng panganay, "Ako ang unang anak, at kailangang matanto ninyong lahat na ako ang pinuno ng mga anak sa pamilyang ito. Yamang taglay ko ang posisyong ito, ako ang kinatawang-awtoridad ng Diyos." Ikinalulungkot ko na ginamit ng mga pinuno ng maraming grupo ng Kristiyano sa maling paraan ang aklat na, "Spiritual Authority" (Espirituwal na Awtoridad), na isinulat ni Kapatid Nee. Ginamit nila ito upang itayo ang kanilang imperyo, na nagsasabi, "Ako ang espirituwal na awtoridad dito. Ayon sa aklat ni Watchman Nee, lahat kayo ay dapat makinig sa akin." Ilang panahon na ang nakalipas, tatlong kabataan ang nagmula sa isang lugar upang bisitahin ang mga matanda ng ekklesia sa Anaheim. Pinagwikaan nila ang mga matanda na nagsasabi, "Kayo ba ay mga matanda? Hindi ninyo alam kung paano ang maging mga matanda. Kami ay mga matanda." Ang mga kabataang ito, na pawang nasa mahigit lamang nang kaunti sa dalawampung taon, ay mga batang matanda (boy elders) lamang, na itinalaga ng ilang taong nagtalaga-ng-kanilang-mga-sarili upang maging hari (self-appointed king). Hindi sila mga tunay na matanda; sila ay mga artista.

Kung ang isang kapatid-na-lalake ay tunay na matanda, matatanto ito ng lahat, at hindi niya kailangang panghawakan nang mahigpit at ipagpilitan (assume) ang anumang awtoridad. Kung ikaw ang pinakamatandang anak sa pamilya, matatanto ito ng lahat ng iba pang mga anak. Hindi na kailangang ipakita nang sadya at panghawakan nang mahigpit ang iyong awtoridad. Sa halip, dapat mong alagaan ang iyong mga mas nakababatang kapatid. Gayundin, hindi nararapat na sadyang ipakita at panghawakan nang mahigpit ng mga matanda sa mga ekklesia ang kanilang awtoridad kundi alagaan ang mga banal. Mga matanda, kalimutan ninyo ang inyong awtoridad. Sa panig ng mga banal, dapat nila kayong sundin at magpasakop sa inyo. Sa inyong panig, gayunpaman, hindi ninyo dapat ipakita nang sadya at panghawakan nang mahigpit ang inyong awtoridad. Wala nang mas pangit pa kaysa sa panghawakan nang mahigpit ang awtoridad. Dapat lamang tayong maging kung ano tayo na hindi pinanghahawakan nang mahigpit para sa sarili ang anumang bagay. Gayunpaman, sa bahay ng Diyos at para sa pagtatayo ng Katawan ni Kristo, dapat tayong magkaroon ng magandang kaayusan sa kalagitnaan natin.

X. NANANALANGIN PARA SA MGA APOSTOL

Sinasabi ng bersikulo 18 at 19, "Ipanalangin ninyo kami, sapagka't kami ay naniniwalang kami ay may mabuting budhi, nagnanasang sa lahat ng mga bagay ay igawi namin nang naaangkop ang aming mga sarili. At lalong ipinamamanhik ko sa inyo na gawin ito, upang ako ay maibalik nang lalong madali sa inyo." Ang pananalangin para sa mga apostol ay isa ring aspekto ng buhay-ekklesia. Ang manalangin para sa mga apostol ay hindi ang manalangin sa isang personal at pansariling paraan; ito ay ang manalangin para sa ministeryo at makibahagi sa pagkilos ng Panginoon ngayon para sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Pinasasalamatan ko ang Diyos para sa mga pagpupulong-panalangin sa Anaheim. Linggu-linggo kami ay gumugugol ng isang mahabang oras na nananalangin para sa pagkilos ng Panginoon sa lupa at para sa pagsasakatuparan ng Kanyang layunin. Habang isinasaalang-alang natin ang sampung kagalingang ito, nakikita natin na ang lahat ng ito ay kinakailangan para sa buhay-ekklesia at dapat isagawa sa kalagitnaan natin.

 

Home