|
PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LIMAMPU'T ANIM ANG MGA KARANASAN KAY KRISTO Sa mensaheng ito ay darako tayo sa mga karanasan kay Kristo para sa buhay-ekklesia (13:8-15). Gayunpaman, bago ako dumako sa bagay na ito, ako ay may kabigatang magsalita pa nang higit hinggil sa daan, sa takbuhin, at mga landas, sa partikular, hinggil sa isang takbuhin na nagiging maraming landas. Sa pamamagitan ng pagtingin sa pagkakaayos ng mga kasangkapan sa tabernakulo, makikita natin kung paano si Kristo ay ang daan at ang takbuhin, at kung paanong ang isang takbuhin ay nagiging maraming landas. Katulad ng nakita na natin, ang dambana at ang hugasan ay nasa labas na looban (outer court); ang dulang ng tinapay na handog, ang patungan-ng-ilawan, at ang dambana ng insenso ay nasa Dakong Banal; at ang kaban, na naglalaman ng sisidlang ginto, ng umuusbong na tungkod, at ng tapyas na bato ng tipan, ay nasa loob ng Kabanal-banalan. Ang dambana, hugasan, dambana ng insenso, at kaban ay bumubuo ng isang linya, at ang dulang ng tinapay na handog at ang patungan-ng-ilawan ay bumubuo ng isang pakrus at pahalang na linya (intersecting line). Ang dalawang linyang ito ay bumubuo ng isang krus. Ang bawa't isa sa mga aytem na ito ay sumasagisag sa isang aspekto ni Kristo. Isaalang-alang ang karanasan ng isang makasalanan na lumalapit kay Kristo. Unang-una, siya ay lumalapit sa dambana kung saan siya ay lumuluhod, nagpapahayag ng mga kasalanan, at kinukuha si Kristo bilang kanyang kapalit, Manunubos, at Tagapagligtas. Dito sa dambana siya ay nagsisimulang magtamasa kay Kristo. Pagkatapos maranasan si Kristo sa dambana, siya ay nagpapatuloy sa hugasan, na sumasagisag na ang Manunubos ay naging ang Espiritung nagbibigay-buhay (1 Cor. 15:45b; 2 Cor. 3:17), at doon nararanasan niya ang paghuhugas ng tubig na buhay. Ang paghuhugas ng tubig sa hugasan ay kakaiba sa paghuhugas ng dugo sa dambana. Ang dugo sa dambana ay naghuhugas ng ating mga kasalanan; ang tubig ng hugasan ay naghuhugas ng makalupang dumi. Samantalang maraming Kristiyano ang nagpapabalik-balik sa dambana at sa hugasan, sa hugasan at dambana, kailangan nating kunin ang tuwid na daan tungo sa Banal na Dako. Sa sandaling tayo ay nasa Dakong Banal, kailangan nating lumiko sa kanan patungo sa dulang ng tinapay na handog kung saan tinatamasa natin si Kristo bilang ang tinapay ng buhay. Bago pa tayo dumating sa ekklesia, hindi natin kailanman narinig na si Kristo ay nakakain. Subali't sinabi ng Panginoong Hesus, "Ako ang tinapay ng buhay," at ang "sinumang kumakain sa Akin ay mabubuhay din dahil sa Akin" (Juan 6:48, 57, Salin sa Pagbabawi). Ngayon, tayo ay nasa ekklesia na, tayo ay natulungang kainin si Kristo, ang kainin Siya, at maging ang nguyain Siya. Pagkatapos kumain kay Kristo sa dulang ng tinapay na handog, kailangan tayong tumalikod (about-face) at dumiretso sa patungan-ng-ilawan. Dito sa patungan-ng-ilawan, naliliwanagan tayo ng ilaw ng buhay (Jn. 1:4), yaon ay, sa pamamagitan ng liwanag na nagmumula sa pagkain kay Kristo. Mula sa patungan-ng-ilawan, babalik tayong muli (about face) patungo sa sentrong linya, at pagkatapos ay kakaliwa at pupunta sa dambana ng insenso upang danasin si Kristo sa loob ng pagkabuhay-na-muli bilang ang matamis na samyo na sa pamamagitan Niya tayo ay tinatanggap ng Diyos. Ang karanasang ito ng dambana ng insenso ay magdadala sa atin nang tuwiran patungo sa Kabanal-banalan. Sa tabernakulo, makikita natin ang ilang landas; ang landas mula sa krus patungo sa hugasan, mula sa hugasan patungo sa dulang ng tinapay, mula sa dulang ng tinapay patungo sa patungan-ng-ilawan, mula sa patungan-ng-ilawan patungo sa dambana ng insenso, at mula sa dambana ng insenso patungo sa kaban sa loob ng Kabanal-banalan. Sa sandaling tayo ay nasa loob ng Kabanal-banalan, tayo ay nasa loob ng kaluwalhatiang "shekinah." Subali't hindi tayo dapat tumigil doon. Kailangang magpatuloy pa tayo nang higit at danasin ang lahat ng nilalaman ng kaban, kumain kay Kristo bilang ang natatagong manna, kinukuha Siya bilang ang umuusbong na tungkod, at dinaranas ang paggawa ng kautusan ng buhay. Katulad ng nakita na natin, sasanhiin tayo ng paggawa ng kautusan ng buhay na maging ang sama-samang pagpaparami ng pamantayang modelo ng Diyos para sa pagsasakatuparan ng Kanyang walang hanggang layunin. Ang lahat ng landas mula sa dambana sa labas na looban hanggang sa kaban sa loob ng Kabanal-banalan ay ang paraan para sa atin na isakatuparan ang ekonomiya ng Diyos at ang pagtatamasa ng pagkapanganay. Sa kasukdulan, yaon ang daan tungo sa kasakdalan, kaluwalhatian, at sa lubos na pagtikim sa Diyos. Ang lahat ng kailangan natin ay nasa daang ito. Kapag tayo ay nasa daang ito, hindi tayo dapat magpatagal-tagal o mag-atubili. Dapat nating takbuhin ang takbuhin, kinalilimutan ang Hudaismo, ang Kristiyanidad, at ang bawa't iba pang relihiyon. Sa sandaling mag-umpisa tayong tumakbo sa daan, ito ay magiging takbuhing binubuo ng maraming landas. Ang landas mula sa dambana tungo sa hugasan, mula sa hugasan tungo sa dulang ng tinapay na handog, mula sa dulang ng tinapay na handog tungo sa patungan-ng-ilawan, mula sa patungan-ng-ilawan tungo sa dambana ng insenso, at mula sa dambana ng insenso tungo sa kaban—ang mga ito ay ang mga landas na bumubuo sa natatanging daan ng Diyos. Bakit kailangan natin ang maraming pagbaling kay Kristo bilang ang daan? Sapagka't kailangan natin ang krus upang alisin ang lahat ng negatibong bagay sa loob natin. Naipakita ko na, na ang pagkakaayos ng mga kasangkapan sa loob ng tabernakulo ay bumubuo ng simbolo ng krus. Ang daan sa loob ni Kristo ay nasa hugis ng krus. Sa katunayan, ang daan ay walang iba kundi ang krus. Kapag tayo ay nagsimula sa dambana sa labas na looban, tayo ay napupunuan ng maraming negatibong bagay, katulad ng kasalanan, sanlibutan, laman, pita, at ni Satanas. Subali't habang lumalakad tayo sa mga landas, bumabaling, ang mga negatibong bagay na ito ay naaalis. Sa sandaling marating natin ang kaban sa loob ng Kabanal-banalan, tayo ay isang napadalisay na tao na. Sinasabi kong muli na ang lahat ng negatibong bagay ay naaalis sa pamamagitan ng mga pagbaling na bumubuo sa mga landas. Ang mananatili pagkatapos ng lahat ng mga pagbaling na ito ay ang isang nabuhay-na-muli, napataas na pagka-tao na angkop na maihalo sa pagkadibino. Ito ay lubhang kamangha-mangha! Tangi lamang ang Diyos ang makapagdidisenyo nito. Ngayon tayo ay darako sa mga karanasan kay Kristo sa 13:8-15. Yamang napakaraming bagay ang natalakay sa unang labindalawang kapitulo ng Hebreo, bakit isinama ng manunulat ang mga karanasan ni Kristo na natagpuan sa kapitulo labintatlo? Dahil sa ginagamit ng mga maka-Hudaismo ang isang aspekto ng kanilang mga relihiyosong seremonya—ang pagkain ng pagkain ng kapistahan—upang akitin ang mga mananampalatayang Hebreo. Ayon sa Lumang Tipan, ang mga anak ni Israel ay pumupunta sa Herusalem tatlong beses sa isang taon para sa pagsamba sa Diyos sa kanilang taunang kapistahan, nagsasama-sama upang makipagpista nang ilang araw. Sa mga kapistahang ito, kinakain nila ang pagkain ng kapistahan. Ang pagkaing ito nang sama-sama, na isang kaakit-akit na bagay, ay ang pumapaligid-na-pangyayari (background) ng bersikulo 9, na nagsasabi "Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at mga kakaibang pagtuturo, sapagka't mabuti para sa puso ang mapagtibay ng biyaya, hindi ng mga pagkain, na di-pinakikinabangan ng mga nag-abala sa mga ito." Ang salitang "pagkain" na tinukoy dito ay kakaiba sa "biyaya" at tumutukoy sa mga pagkain ng makaseremonyang pangingilin ng lumang tipan (9:10; Col. 2:16) na ginamit ng mga maka-Hudaismo, sa kanilang pagtatangka na dalhin ang mga mananampalatayang Hebreo palayo sa pagtatamasa ng biyaya, na siyang pakikibahagi kay Kristo sa bagong tipan. Sa oras ng kanilang mga pista, ang lahat ng Israelita ay tuwang-tuwa, mas tuwang-tuwa kaysa sa mga Amerikano at taga-Europa sa araw ng Pasko. Napakahirap para sa mga naghahanap kay Kristo na lumayo mula sa gayong nakahahalinang pang-akit. Ang mga maka-Hudaismo ay maaaring lumapit sa mga mananampalatayang Hebreo, na nagsasabi, "Ilang araw na lamang at ang kapistahan ng mga tabernakulo ay magsisimula na. Kung hindi ka pupunta, mawawala mo ang lahat ng pagtatamasa. Nasaan ka kaya samantalang kami ay umaawit, nananahang sama-sama, at nagtatamasa sa lahat ng kayamanan ng mabuting lupain? Ikaw ay makikipagpulong sa ekklesia sa isang maliit na bahay. Ano ang kakainin ninyo doon? Kung pupunta ka doon, mawawala ang iyong karapatan na magkatay ng mga handog para sa iyong pagkain. Kung gusto mong kumain, kailangang sumama ka sa amin sa templo. Subali't binitawan mo na ang ating mahalagang kapistahan. Ito ay nangangahulugang naiwala na ninyong mga tinatawag-na-Kristiyano ang lahat ng pagtatamasang ito." Kung ikaw ay isang Hudyo at naroroon sa oras na iyon, matitiis mo ba ang pang-akit na iyon? Hindi makatitiis ang karamihan sa atin. Pagkatapos isang mananampalataya rin ang maaaring lumapit sa mga Kristiyanong Hebreo, na nagsasabi, "Huwag kang bumalik sa templo. Kung gagawin mo iyon, mahuhulog kang palayo sa biyaya ng Diyos. Huwag kang makikinig sa kakatwang pagtuturo hinggil sa pagkain sa ating lumang relihiyon. Si Kristo ang realidad. Siya ang lahat." Sa kalagitnaan ng ganoong pagsasaalang-alang, hindi alam ng mga mananampalatayang Hebreo ang gagawin. Dahil dito, binigyan sila ng manunulat ng isang matinding salita sa kapitulo labintatlo. I. SI KRISTO AY HINDI NAGBABAGO, Sinasabi ng bersikulo 8, "Si Hesu-Kristo ay Siya ring kahapon, at ngayon, at magpakailanman." Ang Kristo, na Siyang ang salitang ipinangaral at itinuro ng mga tagapaghain ng Salita ng Diyos sa bersikulo 7, na Siyang buhay na kanilang ipinamuhay, at Siyang MayKatha at Tagapagpasakdal ng kanilang pananampalataya, ay walang katapusan, hindi nababago, at hindi nagbabago. Siya ay nananatiling gayon pa rin magpakailanman (1:11-12). Wari’y sinasabi ng manunulat sa mga mananampalatayang Hebreo, "Mga kapatid, ipinadala ng Diyos ang Kanyang mga sugo upang ipahayag sa inyo ang salita ni Kristo. Si Kristo ay hindi lamang ang salitang ipinangaral nila, bagkus ang pinakabuhay rin na ipinamuhay nila. Ang Kristong ito ay palaging pareho. Siya ay pareho kahapon, ngayon, at magpakailanman. Kung tatanggapin ninyo Siya bilang ang Kristo sa nakaraan, hindi mo dapat palitan ang iyong konsepto ngayon dahil sa mga kakaibang pagtuturo hinggil sa pagkain. Huwag mong ipagbili ang iyong pagkapanganay sa loob ni Kristo dahil sa isang pinggang pagkain ng panseremonyang pagkain na ito. Kung hindi mo pa natatanggap si Kristo, hindi ako magsasalita sa ganitong paraan. Subali't natanggap mo na ang hindi-nagbabagong Kristo. Yamang hindi Siya nagbabago, hindi ka rin dapat magbago. Huwag kang maguluhan ng mga kakaibang pagtuturo hinggil sa panseremonyang pagkain. Ang pagkain na yaon ay walang kuwenta." Ang aklat ng Hebreo ay isang malalim na aklat. Hindi natin mauunawaan ito nang ayon sa itim at puting titik. Kung uunawain natin ang kapitulo labintatlo, kailangan tayong sumisid sa kailaliman ng aklat na ito. II. NANANANGAN SA DI-NAGBABAGONG KRISTO Binabanggit ng bersikulo 9 "ang iba’t iba at mga kakaibang pagtuturo." Para sa isang tunay at matatag na buhay-ekklesia, kinakailangang manangan tayo sa di-nagbabagong Kristo at huwag patangay sa mga sari-sari at mga kakaibang pagtuturo na ginamit ni Satanas upang magsanhi ng pagtatalo at maging ng paghahati-hati sa gitna ng ekklesia. Dahil sa pagtatalo at paghahati-hati na sinanhi ng mga kakaibang pagtuturo, inatasan ng apostol ang mga tao na "huwag magsipagturo ng ibang aral" (1 Tim. 1:3). Ang mga sari-sari at mga kakaibang pagtuturong ito ay malamang na itinuro ng mga maka-Hudaismo nang panahong yaon. Ang sumulat ay nagbabala sa mga mananampalatayang Hebreo na huwag magpatangay sa kanilang mga pagtuturo na maghihiwalay sa kanila mula sa buhay-ekklesia sa ilalim ng bagong tipan. Kinakailangang wala nang "ibang Hesus," "ibang ebanghelyo," na ipangangaral sa ekklesia (2 Cor. 11:4; Gal. 1:8-9). Para sa isang tunay at matatag na buhay-ekklesia, tayo ay kinakailangang manangan sa Kristong Siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, at hindi matangay ng mga sari-sari at mga kakaibang pagtuturo. III. NAPAGTITIBAY NG BIYAYA Dahil ginamit ng mga maka-Hudaismo ang mga pagkain bilang kanilang panseremonyang pangingilin ng lumang tipan upang guluhin ang mga mananampalatayang Hebreo, kaya inatasan ng manunulat ng aklat na ito ang mga mananampalataya na mapagtibay ng biyaya. Nang panahong yaon, ang mapagtibay ng biyaya ay ang manatili sa bagong tipan upang tamasahin si Kristo bilang biyaya (Gal. 5:4) at hindi magpatangay sa Hudaismo upang makilahok sa pagkain ng mga pagkain sa mga maka-Hudyong panrelihiyong seremonya. Maraming minamahal na kapatid ang nakakita ng pagbabawi ng Panginoon, subali't dahil sa bagay ng Pasko, ipinagbili nila ang kanilang pagkapanganay. Ang kanilang pagdiriwang ng Pasko ay katulad ng panrelihiyong pagkain sa Hudaismo. Maraming Kristiyanong Amerikano at taga-Europa ang nahihirapang bitiwan ang Santa Klaus at Krismas tri. Ang mga pagtuturo hinggil sa Krismas tri, Santa Klaus, at mga medyas (stockings) ay ilan sa mga sari-sari at kakaibang pagtuturo sa ngayon. Isang bilang ng mga banal sa kanluraning mundo ang nagambala sa pagbabawi ng Panginoon dahil sa mga bagay na ito. Kung aalisin natin ang mga bagay na ito, lilisanin ng maraming bata ang ekklesia, at maraming lolo at lola ang magiging hindi masaya, na magsasabi, "Sino ba ang mamamahayag na iyan na dumating dito sa ating bansa upang alisin ang Pasko, ang Santa Klaus, at mga medyas na isinasabit tuwing Pasko?" Ang iba ay nagsabi, "Alam namin na ang pagbabawi ng Panginoon ang daan, subali't dahil hindi mabitiwan ng aking mga anak ang Pasko, hindi namin matatahak ang daang ito." Sa prinsipyo, sila ay nailayo ng makarelihiyong pang-akit ngayon katulad ng kung paanong ang mga mananampalatayang Hebreo ay nailayo ng pagkaing pangkapistahan sa unang siglo. IV. ANG KRUS BILANG ANG ATING DAMBANA Sa bersikulo 10 ay sinasabi, "Tayo ay may isang dambana kung saan walang karapatang kumain ang mga nagsisipaglingkod sa tabernakulo." Ang dambanang ito ay tiyak na ang krus kung saan inihandog ng Panginoong Hesus ang Kanyang Sarili bilang hain para sa ating mga kasalanan (10:12). Ayon sa mga alituntunin tungkol sa mga hain sa Lumang Tipan, sa hain para sa kasalanan, o handog para sa kasalanan, na ang dugo ay dinadala sa loob ng Dakong Kabanal-banalan o ng Dakong Banal para sa katubusan (atonement), ay walang ibinigay sa naghahandog na saserdote o sa naghandog upang makain. Ang buong handog ay kinakailangang sunugin (Lev. 4:2-12; 16:27; 6:30). Kaya nga, yaong mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain ng handog sa kasalanang nasa dambana (sa Bagong Tipan, ang krus ng Panginoon ay ang katuparan ng dambana). Ang bersikulo 10 ay isang matibay na argumento laban sa mga pagkaing ginamit ng mga maka-Hudaismo sa kanilang mga kakaibang pagtuturo, nagtatangkang tangaying palayo ang mga bagong tipang mananampalataya mula sa pagtatamasa kay Kristo. Tulad ng nakita na natin, ang binibigyang-diin ng mga maka-Hudaismo ay ang mga pagkaing kanilang tinamasa sa kanilang mga makarelihiyong paglilingkod. Subali't ang sumulat ng aklat na ito ay nakikipag-argumento na sa handog para sa kasalanan, ang batayang-handog para sa kanilang taunang pagtutubos (atonement) (Lev. 16), ay walang makakain ang sinuman. Ang handog para sa kasalanan ay hindi bagay ng pagkain ng tao, kundi para tanggapin ang bisa ng pagtutubos (atonement). Ngayon ang tunay na handog para sa kasalanan ay si Kristo, na naghandog ng Kanyang Sarili sa Diyos para sa ating mga kasalanan at nagsagawa ng ganap na pagtutubos (redemption) para sa atin upang tayo ay madala sa loob ng pagtatamasa ng biyaya ng Diyos sa loob Niya sa ilalim ng bagong tipan. Ang kailangan natin ngayon ay hindi ang kumain ng mga pagkaing nauukol sa mga paglilingkod sa lumang tipan, kundi ang tanggapin ang bisa ng paghahandog ni Kristo at sundan Siya sa bagong tipang biyaya sa labas ng kampamento, sa labas ng relihiyong Hudaismo. Sa aklat na ito si Kristo ay inilahad lamang bilang ang hain sa kasalanan, hindi bilang anupamang hain. Yamang ang ating suliranin sa Diyos ay pangunahing isang suliranin ng kasalanan, ang hain sa kasalanan ay ang pangunahin at ang pinakamahalaga sa lahat ng mga handog. Kung ang ating suliranin ng kasalanan ay hindi nalutas, ang ating suliranin sa Diyos ay mananatili pa rin. Sinabihan tayo nang ilang beses sa aklat na ito na inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili (7:27; 9:14), subali't lagi na lamang nating nakikita na inihandog ni Kristo ang Kanyang Sarili bilang ang handog sa kasalanan. Kaya, ang argumento sa kapitulo labintatlo ay ito: gaano man pumunta ang mga Hebreong Kristiyano sa mga kapistahan upang kumain ng mga panseremonyang pagkain, hindi nila makakain ang hain sa kasalanan. Subali't ngayon tinatamasa nila si Kristo bilang ang hain sa kasalanan. Sa haing ito ay walang makakain para sa mga nasa Hudaismo. Higit pa rito, sinasabi ng bersikulo 11, "Sapagka't ang mga katawan ng mga hayop, na ang mga dugo ay dinadala ng mataas na saserdote tungo sa Dakong Kabanal-banalan na handog na patungkol sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampamento". Ang katawan ni Kristo ay dinala sa labas ng pintuan. Doon Siya ay nagdusa ng kamatayan at, sa isang pakahulugan, ay sinunog. Bilang hain sa kasalanan, si Kristo ay hindi para sa pagkain kundi para sa handog sa labas ng pintuang-bayan. V. ANG KATAWAN NI KRISTO NG NAGDUSA Sinasabi ng bersikulo 12, "Kaya naman si Hesus, upang mapaging-banal ang bayan sa pamamagitan ng Kayang Sariling dugo, ay nagbata sa labas ng pintuang-bayan." Ang dugo ng handog para sa kasalanan na dinadala sa loob ng Dakong Kabanal-banalan sa araw ng pagtutubos (atonement) upang gumawa ng pagtutubos (atonement) para sa mga tao at ang katawan ng mga handog na ito na sinusunog sa labas ng kampamento (Lev. 16:14-16, 27) ay sumasagisag sa dugo ni Kristo, na Siyang tunay na handog para sa kasalanan, na dinala sa loob ng tunay na Dakong Kabanal-banalan upang isagawa ang pagtutubos para sa atin at sa Kanyang katawang inihain para sa atin sa labas ng pintuan ng lunsod ng Herusalem. Ang katawan ni Kristo ay nagdusa ng kamatayan sa krus sa labas ng pintuan, at ang Kayang dugo ay dinala tungo sa Kabanal-banalan para sa ating pagpapabanal (bb. 11-12). Ipinakikita ng aklat na ito sa atin na ang makalangit na pagtawag ng Diyos ay upang gawin tayong mga makalangit na tao (3:1), mga taong pinabanal tungo sa Diyos. Si Kristo ang Tagapagpabanal (2:11). Siya ay nagdusa ng kamatayan sa krus, nagdaloy ng Kanyang dugo, at pumasok sa Dakong Kabanal-banalan dala ang Kanyang dugo (9:12) upang Kanyang maisagawa ang gawain ng pagpapabanal sa pamamagitan ng Kanyang makalangit na ministeryo (8:2, 6) ng Kanyang makalangit na pagkasaserdote (7:26), at upang tayo ay makapasok sa "loob ng tabing" sa pamamagitan ng Kanyang dugo nang sa gayon ay makabahagi sa Kanya bilang ang makalangit na Tagapagpabanal. Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Kanya sa ganitong paraan, tayo ay mabibigyang-kakayahang sundan Siya sa labas ng kampamento sa pamamagitan ng nagpapabanal na landasin ng krus. VI. NILALABAS SIYA Ang dugo ng Panginoon, na sa pamamagitan nito Siya ay pumasok sa Kabanal-banalan (9:12), ang nakapagbukas ng bago at buháy na daan upang makapasok tayo sa "loob ng tabing" nang sa gayon ay matamasa Siya sa kalangitan bilang ang naluwalhating Isa (10:9-20); ang Kanyang katawan namang inihain para sa atin sa krus ang nagbukas ng makipot na daan ng krus upang tayo ay makalabas ng kampamento nang sa gayon ay masundan Siya sa lupa bilang ang nagdurusang Isa. Sinasabi ng bersikulo 13, "Atin ngang labasin Siya sa labas ng kampamento na dinadala ang Kanyang pagkadusta." Kung tayo ay magiging mga tunay na Kristiyano, dapat nating maranasan si Kristo, hindi sa paraan ng pagkain ng isang panrelihiyong pagkain, kundi sa paraan ng paglabas sa labas ng kampamento na dinadala ang Kanyang pagkadusta, sinusundan Siya sa nagpapabanal na landasin ng krus. Dapat nating maranasan Siya sa partikular na ito. Kung mararanasan natin Siya sa ganitong aspekto kailangan tayong pumasok "sa loob ng tabing," yaon ay, pumasok sa Kabanal-banalan, upang tamasahin Siya bilang ang ating makalangit na Tagapagpabanal sa Kanyang makalangit na pagkasaserdote (10:19-20; 6:19-20). Katulad ng ipinakita na natin, tinatalakay ng kapitulo labintatlo ang maraming kagalingan na kinakailangan para sa buhay-ekklesia. Kung hindi natin taglay ang mga kagalingang ito, hindi tayo magkakaroon ng buhay-ekklesia. Ipagpalagay na ang mga mananampalatayang Hebreo ay bumalik sa templo upang kumain ng mga panseremonyang pagkain. Sa paggawa nila noon, kanilang itinatakwil ang pagdaranas kay Kristo bilang ang Isang tinanggihan ng relihiyon. Kung kanilang itinakwil si Kristo sa aspektong ito, bumalik muli, sa pagkain ng panseremonyang pagkain sa Hudaismo, magiging imposible para sa kanila na magkaroon ng buhay-ekklesia. Ang prinsipyo ay pareho ngayon. Yaong mga tumalikod sa mga pagpupulong ng ekklesia at bumalik sa mga panrelihiyong pagsasagawa sa Kristiyanidad ay binitiwan ang kanilang pagkapanganay. Yaong mga nagsigawa nito ay walang malasakit para kay Kristo at sa ekklesia; ang pinahahalagahan lamang nila sa ngayon ay ang mga panrelihiyong pang-akit. Yamang pinagbili na nila ang kanilang pagkapanganay, hindi na nila matatamasa si Kristo ni maisasagawa ang kanilang pagkasaserdote at ang pagkahari. Sa tingin mo ba ang mga gayong mananampalataya ay magtatamasa ng pagkapanganay bilang gantimpala sa sanlibong taong kaharian? Ayon sa malinaw na pahayag sa Bagong Tipan, kung hindi natin sasanayin ang ating espiritu upang manatili sa loob ng ekklesia, tamasahin si Kristo bilang ang ating mabuting lupain, at sanayin ang ating pagkasaserdote at pagkahari ngayon, hindi tayo karapat-dapat na magtamasa sa ating pagkapanganay bilang isang gantimpala sa sanlibong taong kaharian. Kung isasagawa natin ang ating pagkapanganay na ang kalalabasan ay ang pagtanggap ng gantimpala sa kaharian, kailangan tayong manatili sa loob ng ekklesia. Upang manatili sa loob ng ekklesia, kailangan nating bitiwan ang bawa't pangrelihiyong pagsasagawa. Ang ilan na naging pastor na nagtatamasa ng tinatawag na paggalang, ay hindi handang bitiwan ang titulong ito. Bagama't ang Diyos lamang ang kagalang-galang (Awit 111:9), pinipilit nila ang pagpapanatili ng titulong ito, tinatamasa ito bilang kanilang panrelihiyong pagkain. Anong pakinabang mayroon sa pagpapanatili ng ganitong titulo? Kung pananatilihin mo ito, gagawin mo itong kapalit ng halaga ng iyong pagkapanganay. Ang ating puso ay kailangang mapagtibay ng biyaya, hindi ng anumang makarelihiyong pagkain, yaon ay, hindi ng anumang makarelihiyong pang-akit, mga posisyon, mga titulo, at mga pagsasagawa. Kailangan nating itakwil ang lahat ng ito. Ang biyaya ay nasa takbuhin, nasa landas. Hindi tayo dapat magambala mula sa anumang landas ng takbuhing ito, kundi magpapatuloy sa takbuhin ng biyaya. Subali't maraming bagay ang naghihintay ng pagkakataon upang gambalain tayo mula sa mga landas ng takbuhing ito, yaon ay, mula sa pagtatamasa ng biyaya. Katulad ng inihahayag ng pagkakaayos ng mga kasangkapan sa tabernakulo, ang bawa't landas ng takbuhing ito ay isang aspekto ng pagtatamasa kay Kristo. Kailangang magpatuloy tayo sa pagtakbo sa takbuhing ito ng pagtatamasa kay Kristo. Huwag kang magambala ng mga titulo, posisyon, o panrelihiyong pang-akit, ang lahat ay mga panrelihiyong "pagkain" lamang. Kailangan nating danasin si Kristo bilang ang biyaya para sa buhay-ekklesia. Kung hindi natin Siya mararanasan sa ganitong paraan, hindi tayo magkakaroon ng buhay-ekklesia. Kung daranasin natin si Kristo sa aspektong ito, kailangan nating kunin ang daan ng krus, pinagdurusahan ang pag-uusig, pagtatakwil, at pagsalungat mula sa relihiyon. Nagdusa si Kristo sa labas ng pintuang-bayan, at kailangan nating sundan Siya sa labas ng pintuang-bayan upang dalhin ang Kanyang pagkadusta. Kung makikibahagi tayo sa kanyang pagdurusa ngayon, sa hinaharap makikibahagi tayo sa Kanyang pagluluwalhati. Kung daranasin natin si Kristo sa paraang ito, dinadala ang Kanyang pagkadusta sa landasin ng krus, tayo ay mapananatili sa loob ng mayamang buhay-ekklesia, at ang bawa't pagpupulong ng ekklesia ay mapatataas at mapayayaman. Sa ganitong buhay-ekklesia, masasanay natin ang ating pagkapanganay. Ito ay magreresulta sa ating pagtanggap ng gantimpala sa darating na kaharian. VII. WALANG PERMANENTENG LUNSOD, Isinasaad ng bersikulo 12 ang pagiging "nasa labas ng pintuang-bayan," at sinasabihan tayo ng bersikulo 13 na pumunta "sa labas ng kampamento." Ang pintuang-bayan dito ay ang pintuan ng lunsod ng Herusalem. Ang lunsod ay sumasagisag sa panlupang kinasasakupan, samantalang ang kampamento ay sumasagisag sa pantaong organisasyon. Ang dalawa ay sumasagisag sa iisang bagay, yaon ay, sa relihiyong Hudaismo na taglay ang dalawang aspekto, ang panlupa (earthly) at ang pantao (human). Ang Hudaismo ay kapwa panlupa at pantao. Sinasabi ng bersikulo 14, "Sapagka't dito ay wala tayong namamalaging lunsod, nguni't hinahanap natin ang lunsod na darating." Ito ay nangangahulugang wala tayong isang permanenteng lunsod, walang anumang inorganisang kinasasakupan, kundi hinahanap natin ang darating na isa, ang Banal na Lunsod ng Diyos, ang Bagong Herusalem (Apoc. 21:2, 10). Sa pamamagitan ng paggamit ng panghalip na "tayo" sa mga bersikulong ito, ipinapalagay ng manunulat ang kanyang sarili at ang kanyang mga mambabasa na tunay na Hebreong mananawid-ng-ilog katulad ng mga patriyarka (11:9-10, 13-16). VIII. SA KABANAL-BANALAN, Sinasabi ng bersikulo 15, "Sa pamamagitan nga Niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng papuri sa Diyos, yaon ay, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng Kanyang pangalan." Ang bersikulong ito ay isang pagpapatuloy ng bersikulo 8 hanggang 14. Yamang sa buhay-ekklesia ay natatamasa natin ang di-nagbabagong Kristo bilang biyaya at nasusundan natin Siya sa labas ng relihiyon, nararapat tayong maghandog sa pamamagitan Niya ng mga espirituwal na hain sa Diyos. Unang-una, dapat tayong palaging maghandog sa pamamagitan ni Hesus ng isang hain ng papuri sa Diyos sa loob ng ekklesia. Sa ekklesia at sa ating loob, ang Panginoong Hesus ay umaawit ng mga himno ng papuri sa Diyos Ama (2:12). Tayo rin ay dapat magpuri sa Diyos Ama sa gitna ng ekklesia sa pamamagitan Niya. Sa katapus-tapusan, Siya at tayo, tayo at Siya, ay magpupuri sa Ama nang magkasama sa gitna ng ekklesia sa loob ng pinaghalong espiritu. Siya, bilang ang Espiritung nagbibigay-buhay, ay nagpupuri rin sa Ama sa loob ng ating espiritu at tayo, sa pamamagitan ng ating espiritu, ay nagpupuri rin sa Ama sa Kanyang Espiritu. Ito ang pinakamahusay at pinakamataas na haing maihahandog natin sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Ito ay lubhang kinakailangan sa mga pagpupulong ng ekklesia.
|