| PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO MENSAHE LIMAMPU'T WALO PAGKAIN AT MANNA Sa mensaheng ito ay dumako tayo sa mannang nasa sisidlang ginto (9:4). PAGKAIN, ISANG PANGUNAHING BAGAY SA BIBLIYA Kung nais nating maunawaan kung ano ang natatagong manna, ang manna sa loob ng sisidlang ginto, dapat nating maunawaan ang pangunahing konsepto sa Bibliya, isang konseptong hindi naiintindihan ng karamihang Kristiyano. Matapos likhain ng Diyos ang tao wala Siyang ginawang anuman sa kanya, ni inutusan man lamang Niya siya na gumawa ng anuman para sa Kanya. Ayon sa Genesis 1 at 2, ang pangunahing kahilingan sa pamumuhay sa loob ng presensiya ng Diyos ay ang kumain nang wasto. Ang pinakamahalaga sa presensiya ng Diyos ay kung ano at paano tayo kumain. Samakatuwid, sa Bibliya ang pagkain ay isang pangunahing konsepto hinggil sa ating kaugnayan sa Diyos. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay kabilang na ang tao. Kung magagawa Niya ang mga kalangitan at ang lupa at ang bilyun-bilyong bagay, ano pa ang hindi Niya magagawa? Madali Niyang magagawa ang lahat ng mga bagay. Sa katunayan, hindi na Siya kinakailangang gumawa ng anupaman, dahil magsalita lang Siya at kung ano ang Kanyang ninanais ay umiiral. Gayunpaman, may isang bagay na hindi magagawa ng Diyos—hindi Siya makakakain para sa atin. Kahit na ang isang ina ay makagagawa ng maraming bagay para sa kanyang mga anak, hindi siya makakakain para sa kanila. Dapat na kumain ang mga bata para sa kanilang sarili. Hinggil sa ating kaugnayan sa Diyos, ang pangunahing bagay ay ang pagkain nang wasto. PAGKAIN PARA SA PAGTUTUSTOS NG BUHAY Sa Genesis 2, ang pagkain ng tao ay isang bagay ng puno ng buhay. Pagkatapos matisod ang tao, ang Diyos ay dumating upang tubusin siya. Nguni't nang dinala ng Diyos ang katubusan sa Exodo 12, ang pagkain ay nabago upang madagdagan ang isang bagay, ang puno ng buhay. Ang pagkain ay hindi na lang upang magkaroon ng tustos ng buhay; ito ay may kaugnayan na rin sa pagtutubos. Sa Exodo 12 ang mga anak ni Israel ay inatasang kumain ng kordero. Ang puno ng buhay ay mula sa buhay-halaman, ang kordero naman ay mula sa buhay-hayop. Samantalang walang dugo sa puno, may dugo naman sa kordero. Sa Bibliya, ang dugo ay para sa pagtutubos. Noong panahon ng Exodo, iwinisik ng mga anak ni Israel ang dugo upang sila ay matubos at kinain nila ang kordero upang sila ay magkaroon ng panustos ng buhay. Sa unang yugto, ang pagkain ay para lamang sa panustos ng buhay ng tao, nguni't sa ikalawang yugto, ang pagkain ay kapwa para sa katubusan at sa panustos ng buhay. KINAKAIN ANG LAMAN NG PANGINOON AT INIINOM Noong mga panahon sa ilang, manna ang kinakain ng mga anak ni Israel. Yamang walang alinlangang walang dugo sa manna, ang pagkain ng manna ay walang kinalaman sa katubusan; ito ay lubusang para sa panustos ng buhay. Paanong ang mga anak ni Israel, na nagpagala-gala sa ilang sa loob ng apatnapung taon, ay nakapagpatuloy mabuhay at nakalikas? Nabuhay sila at nakalikas sa pamamagitan ng tustos ng manna na kinakain nila araw-araw. Sa kapitulo anim ng Juan, sinabi ng Panginoong Hesus, "Ako ang tinapay ng buhay" (b. 35). Nagulo nito ang mga Hudyo. Pagkatapos sinabi ng Panginoon, "Malibang inyong kanin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang Kanyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili" (b. 53, Salin sa Pagbabawi). Sa kapitulong ito sinabi muna ng Panginoon na Siya ang tinapay ng buhay. Pagkatapos sinabi Niya na dapat nating inumin ang Kanyang dugo. Paano magkakaroon ng dugo ang tinapay sa loob nito? Ang tinapay na ito ay hindi lamang tinapay mula sa buhay-halaman bagkus laman din ng kordero. Sa Juan 6:51 ay sinabi ng Panginoon, "Ang tinapay na Aking ibibigay ay ang Aking laman, na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan" (Salin sa Pagbabawi). Ang tinapay ay galing sa buhay-halaman at tangi lamang para sa pagpapakain; ang laman ay galing sa buhay-hayop at hindi lamang para sa pagpapakain, bagkus para rin sa katubusan. Bago ang pagkatisod ng tao, ang Panginoon ay ang puno ng buhay (Gen. 2:9), para lamang sa pagpapakain ng tao. Pagkatapos ng pagkatisod ng tao sa kasalanan, ang Panginoon ay naging Kordero (1:29), hindi lamang para sa pagpapakain ng tao bagkus para rin sa katubusan ng tao (Exo. 12:4, 7-8). ANG PANGANGAILANGANG MAGPATULOY Ibig kong muling sabihin matapos likhain ang tao at maging sa pagtutubos ng Diyos sa tao, ang pangunahing konsepto hinggil sa ating pagiging nasa loob ng presensiya ng Diyos ay ang bagay na ito ng pagkain. Kaya, dapat nating ilaan ang ating kumpletong pansin dito. Huwag kayong magsumikap na matutunan ang maraming bagay—magpatuloy lamang na kumain nang mabuti sa presensiya ng Panginoon. Mahigit nang tatlumpung taon na akong Kristiyano bago ko nalaman ang anuman tungkol sa pagkain sa espiritu. Hindi ako naturuan kailanman hinggil dito. Marami sa atin ang makapagpapatotoo na bago tayo mapunta sa ekklesia ay hindi tayo kailanman nasabihang makakain natin si Hesus. Subali't mula sa simula hanggang katapusan, tinalakay ng Bibliya ang bagay hinggil sa pagkain. Ang Bibliya ay nagsisimula at nagtatapos sa pagkain ng puno ng buhay (Apoc. 2:7, 22:1-2, 14). ANG PAGKAIN SA AKLAT NG HEBREO Tulad ng natukoy na natin, ang buong aklat ng Hebreo ay nakapokus kay Kristo bilang ang makalangit na Ministro kasama ang Kanyang makahari at dibinong pagkasaserdote. Bilang ating makalangit na Ministro, ang Kanyang pangunahing responsabilidad ay ang ihain ang Tres-unong Diyos tungo sa loob natin bilang ating panustos. Inihahain Niya ngayon ang gayong kahanga-hangang panustos, hindi sa labas ng looban, kundi sa Dakong Kabanal-banalan, hindi sa krus, kundi sa trono ng biyaya. Nakita nating tinatawag tayo ng aklat ng Hebreo na lumapit sa Dakong Kabanal-banalan, sa trono ng biyaya, at sa Diyos. Sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi tayo nagtitipon sa paligid ng trono ng biyaya para sa katubusan; nagtitipun-tipon tayo sa paligid ng trono ng biyaya para sa panustos ng buhay. Dito ay tinatamasa natin si Kristo bilang ating Melquisedec na naghahain sa atin ng tinapay at alak bilang ating panustos ng buhay. Ito rin ay lubusang isang bagay ng pagkain. Kaya, dinadala tayo ng aklat na ito mula sa labas ng looban tungo sa Dakong Kabanal-banalan, kung saan naroroon ang isang namumukod-tanging aytem—ang kaban ng patotoo, na kumakatawan kay Kristo. Sa Dakong Kabanal-banalan ay naroon lamang ang nagpapaloob-ng-lahat na Kristo. Ayon sa panlabas na anyo, Siya ay isang aytem lamang, ang kaban ng patotoo. Nguni't kapag naranasan natin Siya bilang kaban, hindi lang iisang namumukod-tanging bagay ang ating nakikita; nakikita natin ang tatlong aytem—ang sisidlang ginto na may lamang manna, ang tungkod na umusbong, at ang kautusan ng buhay. Ang tatlong aytem na ito ay ang mga nilalaman sa loob ng nilalaman. Matapos makapasok sa tabernakulo, masusumpungan natin ang ating mga sarili sa loob ng Dakong Banal kung saan ang lahat ay pawang panlabas. Matapos tayong makalampas sa ikalawang tabing, nakapapasok tayo sa pinakaloob na lugar ng tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-balanan. Kapag pumasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan, tayo ay nasa puso, ang laman, ng tabernakulo. Nguni't sa loob ng Dakong Kabanal-banalan ay mayroon tayong kaban ng patotoo, at sa loob naman ng kaban ay mayroon tayong sisidlang ginto na may lamang manna, tungkod na umuusbong, at ang kautusan ng buhay. Dahil ang mga aytem na ito ay nasa loob lahat ng kaban sa loob ng Dakong Kabanal-banalan, masasabi nating ang mga ito ang laman sa loob ng laman. Sa pagdako natin sa una sa mga aytem na ito, ang sisidlang ginto na may lamang manna, nakakikita tayo nang higit pang malalim na bagay. Matapos tayong makalampas sa apat na suson, ang suson ng tabernakulo, ang suson ng Dakong Kabanal-banalan, ang suson ng kaban ng patotoo, at ang suson ng sisidlang ginto, dumako tayo sa manna. Kapag nahipo natin ito, nakauwi na talaga tayo. Kung tayo nga ay nasa Dakong Kabanal-banalan nguni't hindi naman tayo kumakain ng mannang nasa loob ng sisidlang ginto, hindi pa tayo nakauuwi. Kahit na nahihipo natin ang kaban ng patotoo, hindi pa tayo nakauuwi. Ang tabernakulo ay para sa Dakong Kabanal-banalan, ang Dakong Kabanal-banalan ay para sa kaban, ang kaban ay para sa sisidlang ginto, at ang sisidlang ginto naman ay para sa natatagong manna. Sa Apocalipsis 2:17 ay sinabi ng Panginoong Hesus, "Ang magtagumpay ay bibigyan Ko ng natatagong manna." Nasaan ang natatagong mannang ito? Ito ay napaloob sa sisidlang ginto na nasa loob ng kaban sa Dakong Kabanal-banalan. Ang isang pangunahing laman, ang buhay na laman sa lahat ng mga laman, ay ang natatagong manna. Ipinangako ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga mandaraig na kakainin nila ang natatagong mannang ito. ANG KAHULUGAN NG MANNA Bago tayo matutong kumain ng natatagong manna, dapat muna nating alamin kung ano ang manna. Ang ibig sabihin ng salitang manna ay "Ano ito?" (Exo. 16:15). Ang mannang kinain ng mga anak ni Israel sa ilang ay iba sa lahat ng iba pang mga pagkain na alam nila, dahil ito ay di-tulad ng anumang pagkain sa lupa. Ito ay hindi trigo, mais, o sebada. Nang nakita ito ng mga tao, nagtanong sila, "Ano ito?" Sinasabi ng Bilang 11:5-6, "Ating naaalaala ang isda, na ating kinakain sa Egipto na walang bayad, ang mga pipino, at ang mga milon, at ang mga puero, at ang mga sibuyas, at ang bawang: nguni't ngayon ang ating kaluluwa ay natutuyo; walang kaanu-anuman: sa ating harapan ay walang anuman kundi ang mannang ito." Dito ay nakikita natin ang mga puero, ang mga sibuyas, at ang bawang. Bagama't alam ng mga anak ni Israel kung anu-ano ang mga ito, hindi nila alam kung ano ang manna. Sa kulay, hubog, anyo, lasa, at sa bawa't ibang aspekto ay ibang-iba ito sa anumang kanilang nakita na. Ang naitatanong lamang nila, “Ano ito?” Para bang sinasabi nila, “Ano ito? Hindi naman ito isda o kaya ay puero, hindi naman sibuyas o bawang. Hayop ba ito o halaman? Mukhang hindi ni isa man lamang sa mga ito.” Walang pantaong lengguwahe ang makapagpapaliwanag kung ano ang manna. Ang manna ay basta manna. Ang manna ay ang “Ano ito?” Alam ng lahat kung ano ang mga sibuyas, nguni't kapag nagsalita ka na tungkol sa manna, magtatanong lang sila ng "Ano ito?" Ang manna ay basta “Ano ito?” Ang manna ay isang sagisag ni Kristo. Ano si Kristo? Si Kristo ay ang "Ano ito?" Siya ay pambihira. Napakaespesyal Niya kaya hindi Siya maihahanay sa anupamang bagay. ANG IBA'T IBANG ASPEKTO NG MANNA Dumarating kasama ng Hamog Tingnan natin ngayon ang iba't ibang aspekto ng manna sa Lumang Tipan. Sinasabi ng Bilang 11:9, "At pagka ang hamog ay nahuhulog sa ibabaw ng kampamento sa gabi, ang manna ay nahuhulog." Ang manna ay dumarating lagi umagang-umaga kasama ng hamog. Ano ang isinasagisag ng hamog? Sinasabi ng Awit 133:3, "Gaya ng hamog sa Hermon, na tumutulo sa mga bundok ng Sion." Sa Bibliya, ang hamog ay sumasagisag sa mabiyayang pagbisita ng Diyos mula sa mga kalangitan. Kapag ang Diyos ay pumarito mula sa mga kalangitan upang bisitahin tayo bilang biyaya, Siya ay tulad ng hamog, napakahalaga at nakadidilig. Yaong ang manna ay laging dumarating kasama ng hamog ay sumasagisag na ang mismong Kristo na ating manna ngayon ay laging dumarating kasama ng biyaya, ng mabiyayang pagbisita ng Diyos mula sa mga kalangitan. Sa tuwing nahihipo natin si Kristo bilang ating panustos ng buhay, nagkakaroon tayo ng malalim na damdaming ang langit ay dumating sa atin sa isang malamyos, at nakadidilig na paraan. Ang pagdidilig na ito ay pantay na pantay kaya hindi tayo nababagabag nito, kundi talagang pinanariwa tayo. Sa pagtatamasa natin sa paghipo kay Kristo bilang ating manna, nadarama nating ang langit ay bumaba upang bisitahin, diligan, at panariwain tayo. Munti Inilalarawan naman ng Exodo 16:14 ang manna bilang "munting bagay na mabilog at munti na gaya ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa." Bagama't may ilang himnong isinulat upang purihin si Kristo dahil sa Kanyang kadakilaan, kinakailangan din natin Siyang purihin dahil sa Kanyang kaliitan. Ang manna ay mumunti, nguni't hindi tayo binigyan ng Bibliya ng mga sukat nito. Bagama't ang manna ay mumunti; ito naman ay di-masukat; hindi natin masasabi kung gaano ito kamunti. Ipinahihiwatig nito na hindi natin masasabi ang sukat ni Kristo. Ang ating Kristo ay walang sukat. Wala nang mas liliit pa kaysa sa Kanya, at wala ring mas dadakila pa kaysa sa Kanya. Siya ang pinakamaliit at pinadakila rin. Walang makahihigit pa sa Kanya. Sino ang makasusukat ng kadakilaan o kaliitan ni Kristo? Mabilog Sinabihan din tayo na ang manna ay mabilog (Exo. 16:14). Sa tipolohiya, isinasagisag nito na ang manna ay walang hanggan, walang simula o katapusan. Si Kristo ang walang hanggang pagkain na may walang hanggang kalikasan para sa walang hanggang pagpapakain nang walang anumang limitasyon. Ang sinumang kumain sa Kanya ay magkakaroon ng walang hanggang buhay na may walang hanggang kalikasan at makatatanggap ng walang hanggang pagkain. Gaya ng Namuong Hamog (Frost) Ang manna ay gaya ng namuong hamog (Exo. 16:14), na nasa pagitan ng hamog at niyebe. Ang hamog ay nakapananariwa, nguni't hindi ito nakapananariwa ng gaya sa namuong hamog. Bagama't nakapananariwa ang hamog, hindi nito napapatay ang mga mikrobyo. Ang namuong hamog ay nakapapatay ng mga mikrobyo. Bilang manna, hindi lang tayo napananariwa ni Kristo, pinapatay rin Niya ang lahat ng mga negatibong bagay sa loob natin. Dumarating Siya kasama ng hamog, at dumarating Siya bilang namuong hamog. Sa tuwing nararanasan natin si Kristo bilang panustos, nararamdaman nating bumababa ang langit upang bisitahin at diligan tayo. Habang tayo ay dinidiligan at pinananariwa, nararamdaman din natin na ang mga negatibong bagay sa loob natin, gaya ng ating mga negatibong ugali, ay napapatay. Natatamasa ko ang pagpapanariwa at pagpatay ng namuong hamog na ito. Kung ang dalawang magkapatid ay nababalisa sa isa't isa, ang ibig sabihin nito ay kinakailangan nila ang pagpatay ng namuong hamog. Hindi lamang pinapatay ng namuong hamog ang mga negatibong bagay sa loob natin; pinalalamig din tayo nito. Kahit minamahal ng mga kabataan ang Panginoon, minsan sila ay "maiinit" sa mga palaro (sports). Kung wala silang oras upang makapunta sa larong "football", tatangkain nilang makapanood man lamang ng laro sa telebisyon. Kapag, habang sila ay “napakainit” sa laro, nahipo nila si Kristo, palalamigin sila ng "namuong hamog". Ang ibang mga kapatid naman ay gustung-gustong mag-usap, nag-uusapan sa mga walang kabuluhang salita tungkol sa maraming bagay. Kapag nagsasalita tayo nang ganito, tayo ay "maiinit." Nguni't kapag nahihipo natin si Kristo, pinalalamig tayo ng "namuong hamog." Ang mga nakatatandang kapatid ay kinakailagan ding mapalamig ng "namuong hamog." Kahit na minamahal ng mga nakatatandang kapatid-na-babae ang kanilang mga asawa. Kung hihilingin ang mga asawang-lalake na magsalita nang tuwiran, sasabihin nilang hindi nila matagalan ang pang-aabala ng kanilang mga asawang-babae. Maging ang mga asawang-babae naman ay hindi makapagtitis sa pang-aabala ng kanilang mga retiradong asawa. Marami sa mga retiradong kapatid-na-lalake ang kakaunti ang ginagawa sa araw-araw maliban sa abalahin ang kanilang mga asawa. Sa ganito ay nakikita nating kahit na ang mga matatanda ay kinakailangan ding mapalamig. Mas tumatanda tayo, mas nagiging mapang-abala tayo. Kaya, kinakailangan nating lahat ang "namuong hamog" upang mapalamig ang ating pagkamainiting-ulo. Sa isang pakahulugan, ang "namuong hamog" na ito ang ating espirituwal na refrigerator. Ang mismong Kristong nasa loob natin na nagpapakain sa atin ay ang namuong hamog din na nagpapalamig sa atin. Maputi Ang manna sa ilang ay maputi (Exo. 16:31). Ito ay nangangahulugang ito ay malinis at dalisay. Walang pagkain sa lupa na kasing puti ng manna. Ang manna ang pinakadalisay na pagkain. Lalo tayong nagpipista kay Kristo, kinakain Siya bilang ating manna, lalo tayong namumuti. Hindi lamang tayo nalilinisan at napadadalisay; tayo ay napapuputi. Ang maging puti ay nangangahulugang maging lubusang walang mantsa. Habang kinakain natin si Kristo, lahat ng ating mga mantsa ay naaalis. Kahit na maging mabuti tayo sa ilang bagay, hindi naman tayo maputi. Bagama't tayo ay mapagmahal, ang ating pag-ibig ay hindi puti; makulay ito. Ang ating pagpapakumbaba ay may kulay rin. Sa katunayan, wala sa mga pantaong katangian natin ay puti; ang bawa't isa sa mga ito ay may kulay. Nguni't lalo nating tinatanggap si Kristo bilang ating panustos ng buhay, lalong mababawasan ang ating kulay at lalo tayong puputi. Isang ekselenteng pagkain ng mga Intsik ay ang pipinong-dagat. Nguni't dahil ito ay itim sa kulay, ayaw itong kainin ng mga kapatid na Amerikano. Kahit na ginawa ko na ang aking makakaya upang makumbinsi silang kainin iyon, takot sila sa maitim nitong hitsura. Ang manna, sa kabilang banda, ay maputi at hindi nakakatakot sa kaninuman. Kaya, nagbibigay ito sa atin ng damdaming payapa. Kinakain bilang Tinapay, Munting Tinapay (Cake), Ang manna ay kinain bilang tinapay (Exo. 16:15), bilang munting tinapay (Blg. 11:8), at bilang manipis na tinapay (Exo. 16:31). Bilang ating manna, si Kristo ay may iba't ibang aspekto at pinakakain tayo sa iba't ibang paraan. Kapag kinakain natin Siya bilang ating manna, minsan Siya ay lasang tinapay at minsan naman ay lasa Siyang munting tinapay o gaya ng manipis na tinapay na di-makapal at madaling kainin at tunawin. Gaya ng Butil ng Kulantro Ang manna ay tulad din ng butil ng kulantro (Exo. 16:31; Blg. 11:7). Ang pagkaing ito ay butil. Kapag kinakain natin si Kristo, pumapasok Siya sa atin bilang isang butil. Ang butil ng kulantro, di-tulad ng mais, ay napakaliit. Ang isang butil ay isang bagay ng buhay na naghahatid sa ating katauhan ng elemento ng buhay. Bilang gayong butil, si Kristo ay lalago sa loob natin. May Lasang Pulot Sa Exodo 16:31 tayo ay sinabihang ang lasa ng manna ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot. Ang pulot ay matamis at bunga ng dalawang buhay, ang buhay-hayop at buhay-halaman. Ang pulot ay ang paghahalo ng dalawang buhay na ito. Ang pukyutan na nagbubunga ng pulot ay tumatanggap ng tustos mula sa mga bulaklak, mula sa buhay-halaman. Bilang ating manna, si Kristo ay may elemento ng paghahalo ng buhay-hayop sa buhay-halaman na nagiging matamis nating pagkain. Gaya ng Lasa ng Bagong Langis Sinasabi ng Bilang 11:8 tungkol sa manna na "ang lasa nito ay gaya ng lasa ng bagong langis." Ang langis ay sumasagisag sa Espiritu Santo. Kapag kinakain natin si Kristo bilang ating manna, natitikman natin ang Espiritu ng Diyos. Ang langis dito ay ang bagong langis. Ang Espritung natitikman natin kapag natatamasa natin si Kristo bilang manna ay laging bago. Bilang manna natin, si Kristo ay lasang bagong langis at may linamnam at sustansiya ng pulot. May Anyo ng Bdelio Ayon sa orihinal na Hebreo, sinasabi ng Bilang 11:7, "Ang manna ay gaya ng butil ng kulantro, at ang mata niyaon ay gaya ng mata ng bdelio." Mahirap isalin nang wasto ninuman ang bersikulong ito. Sinasabi ng King James Version na ang kulay ay gaya ng kulay ng bdelio. Ang bdelio ay isang perlas na nagreresulta mula sa dagta ng isang puno at katulad na katulad ng perlas na inilalabas ng talaba. Ang kulay ng manna ay ang kulay ng bdelio. Ang ibang salin naman ay gumagamit ng salitang anyo sa halip na kulay. Gayunpaman, ang salitang Hebreo rito ay mata. Ang manna ay may mata, dahilang ang anyo nito ay gaya ng sa mata. Ang perlas ay nahahawig sa mata. Kung susuriin ninyo ang perlas, makikita ninyong para itong mata (eyeball). Ang mata ay may anyong perlas, at ang anyo nito ay ang kulay nito. Sa madaling salita, ang anyo at ang kulay ng bdelio ay gaya ng mata. Kapag kumakain tayo ng manna, kumakain tayo ay maraming mata, at lahat ng mga matang ito ay pumapasok sa atin. Bilang manna, si Kristo ay hawig sa isang mata. Lalo nating kinakain si Kristo, lalo tayong nagkakaroon ng mga mata. Ang apat na nilalang na buhay sa Apocalipsis 4:6 ay "punô ng mga mata sa harapan at sa likuran." Sa harap at sa likod, sa loob at labas, sila ay punung-puno ng mga mata. Kung pupunta kayo sa buhay-halamanan (green house), makikita ninyong walang pader na hindi nalalampasan ng liwanag (transparent); ang bawa't panig ay mapaglalagusan ng liwanag. Ang mata ay nangangahulugang lampasan ng liwanag. Maliban sa ating mga mata, na maaaring lampasan ng liwanag (transparent), ang ating buong katawan ay di-lampasan ng liwanag (opaque). Kung wala tayong Kristo, wala tayong anumang mata, at tayo ay talagang di-malalampasan ng liwanag. Nang naligtas tayo, nagsimula tayong malagusan ng liwanag. Ngayon lalo tayong nagtatamasa kay Kristo, lalo tayong nalalagusan ng liwanag. Sa tuwing may kasama tayong kapatid na tunay na nagtatamasa kay Kristo, mararamdaman nating siya ay lagusan. Ang mapasaharap niya ay tulad ng pagiging nasa loob ng isang lagusan na bahay-halamanan (transparent green house) na nalalagusan ng liwanag. Gayunpaman, ang sinumang wala sa pagtatamasa sa Panginoon ay hinding-hindi malagusan ng liwanag. Kung ikaw ay kasama ng apat na gayong mga tao, mararamdaman mong para bang ikaw ay nasa isang bartolina na napaliligiran ng mga pader na di-malagusan ng liwanag. Nguni't kung ikaw ay napaliligiran ng ilang mga kapatid na nagmamahal sa Panginoon at kumakain sa Kanya, mararamdaman mong ang lahat ay malalagusan ng liwanag. Bilang manna, si Kristo ay lagusan ng liwanag. Kapag kinakain natin Siya, kumakain tayo ng mga mata at tayo ay nagiging lagusan ng liwanag. Itong pagiging lagusan ng liwanag ay magiging anyo natin sa bandang huli. Kung tinatamasa natin si Kristo sa araw-araw, kinakain Siya bilang mata, magkakaroon tayo ng anyo ni Kristo, anyo ng isang mata, at ang anyong ito ang magiging kulay natin. Sa pamamagitan ng pagkain kay Kristo, tayo ay nakukulayan ng pagiging lagusan ng liwanag ni Kristo. Sa ganitong paraan, ang pagiging lagusan ng liwanag ay nagiging ating anyo at kulay. Hindi Legal Sa katapusan, bilang manna, si Kristo ay hindi legal. Sinasabi ng Bilang 11:8, "Ang bayan ay dumadaan sa palibot, at pinupulot yaon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan, o kanilang dinidikdik sa mga lusong, at kanilang niluluto sa mga palyok, at ginagawa nilang munting tinapay." Si Kristo ay magigiling, madidikdik sa mga lusong, o maluluto sa mga palayok. Hindi Siya legal. Halos ang bawa't Kristiyano, gayunpaman, ay “legal.” Kung natatamasa ninyo si Kristo sa isang tiyak na paraan, ginagawa ninyo iyon na isang legal na paraan. Nguni't sasabihin ni Kristo, "Sa iyo, Ako ay ginigiling. Nguni't gusto ng iba na dikdikin Ako. Mabuti para sa Akin kapag Ako ay dinidikdik nang ganito. Yaong iba pa nga ay niluluto ako at ipinapasok pa sa hurno. Mabuti rin ito para sa Akin. Bakit napakahigpit at napakalegal mo?” Kahanga-hangang tala ang makikita natin sa Bibliya tungkol sa manna. Kung tatanungin tayo kung ano ito, dapat lang nating sabihing ito ay manna. Dumarating ito kasama ng hamog at tulad ng namuong hamog sa lupa. Ito ay maliit, mabilog, puti, at gaya ng butil ng kulantro. Makakain ito na parang tinapay, munting tinapay, at manipis na tinapay; ito ay lasang pulot at bagong langis, at kaanyo nito ang mata. Bagama't maaaring nabasa na natin ang Exodo 16 at Bilang 11 nang maraming beses, malamang na hindi natin kailanman napansin ang lahat ng mga aspektong ito ng manna. Kinakailangang kumain tayo ng marami pang mga mata upang magkaroon tayo ng lagusang paningin.
|