PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE LIMAMPU'T SIYAM

ANG MANNA SA SISIDLANG GINTO

Sa huling mensahe ay inilagay natin ang pundasyon sa pagkilala sa manna. Sa mensaheng ito naman ay kailangan nating tingnan ang natatagong manna, ang mannang nasa loob ng sisidlang ginto.

ANG UTOS NG DIYOS HINGGIL SA MANNA

Ang katawagang natatagong manna ay ginagamit sa Apocalipsis 2:17, kung saan sinasabi ng Panginoong Hesus, "Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng natatagong manna." Ang salitang ito ay isinalita sa ekklesia sa Pergamo, isang napababa, makasanlibutang ekklesia. Kung sinuman ang nagtagumpay sa napababang Kristiyanidad, bibigyan ng Panginoon ng natatanging manna. Halos lahat ng binanggit sa aklat ng Apocalipsis, kabilang na ang manna, ay matatagpuan sa Lumang Tipan. Sinasabi ng Exodo 16:32 at 33, na tinutukoy ang manna, "At sinabi ni Moises. Ito ang bagay na inutos ng Panginoon, Punuin ninyo ang isang omer ng manna na inyong ingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi, upang kanilang makita ang pagkain, na Aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y Aking ilabas sa lupain ng Egipto. At sinabi ni Moises kay Aaron, kumuha ka ng isang palayok at sidlan mo ng isang omer na puno ng manna, at ilagay mo sa harap ng Panginoon, upang maingatan sa buong panahon ng iyong mga lahi." Iniutos ng Panginoon na sidlan ng isang omer ang palayok. Ang isang omer ay "ikasampung bahagi ng isang efa" (Exo. 16:36). Ang efa ay isang kumpletong yunit, at ang omer ay ikasampung bahagi naman ng isang yunit. Ang kaunting bahaging ito ay isinilid sa isang palayok at inilagay sa harap ng patotoo upang maingatan (Exo 16:34). Sa Exodo, ang patotoo ay nangangahulugang dalawang tapyas ng bato ng kautusan na ipinasok sa kaban. Ang omer ng manna ay inilagay sa harap ng patotoo, ibig sabihin ay lubusang malapit ito sa kaban. Ang bahaging ito ng manna ay naging natatagong manna.

Ang manna ay nagmula sa langit, mula sa Diyos, bilang kaloob sa Kanyang bayan. Hindi pansamantalang kaloob, ito ay kaloob na tumagal ng apatnapung taon. Bawa't umaga, ang kaloob na ito ay bumababa mula sa langit upang pakainin at busugin ang mga anak ni Israel. Matapos silang mabusog, para bang sinasabi ng Diyos, "Kumuha kayo ng isang omer ng inyong natamasa at ilagay ninyo sa harap Ko bilang patotoo at paalala upang ang mga susunod na lahi ay maalalahanang nagtamasa kayo nitong makalangit na pagkain sa paggala ninyo sa ilang." Ang nakikitang manna, ang bahagi ng mga tao, ay nagmula sa Diyos, at ang natatagong manna, ang bahagi ng Diyos, ang inihandog pabalik sa Diyos.

ANG IKAPU NG ANI NG LUPAIN

Ngayon ay kailangan nating isaalang-alang ang ikapu, ang batayang konsepto ng ikasampung bahagi ng ani. Inuutusan ang mga anak ni Israel na kunin ang pinakamainam na ikapu, ang pinakapiling bahagi ng kanilang ani sa mabuting lupain, at ihandog ito sa Diyos (Deut. 14:22-23). Lahat ng mga ani ay nanggaling sa Diyos. Itinalaga ng Diyos na ang ikapu ng ani na ibinigay Niya sa mga anak ni Israel ay ihandog pabalik sa Kanya. Ang karamihan ng ani ay para sa mga tao, nguni't ang ikapu ay inihahandog sa Diyos bilang bahagi Niya. Ang ikapu na inihandog sa Diyos ay napupunta sa mga saserdote at sa mga Levita (Blg. 18:21) na siya namang kumukuha ng ikasampung bahagi ng ikapu na natatanggap nila at inihahandog ito sa Diyos. Ang ikasampung bahagi naman ng ikasampung bahagi ay napupunta sa mataas na saserdote na naghahain sa Dakong Kabanal-banalan (Blg. 18:26, 28-29). Inuulit ko, ang mga anak ni Israel ay naghandog ng ikasampung bahagi ng kanilang ani sa Diyos bilang Kanyang bahagi. Matapos itong maihandog sa Diyos, ito ay ibinibigay sa mga naglilingkod, sa mga saserdote at Levita na naglilingkod sa tabernakulo. Pagkatapos, kinukuha naman ng mga saserdote at ng mga Levita ang ikasampung bahagi ng pinakamainam na ikapu at inihahandog ito sa Diyos. Ito ngayon ang ibinibigay sa mataas na saserdote na naghahain sa Dakong Kabanal-banalan. Ang mga Levita na naglilingkod sa labas na looban at ang mga saserdote na naglilingkod sa labas na looban at sa Dakong Banal ay makapagtatamasa lamang ng ikapu ng inihahandog ng mga anak ni Israel. Tanging ang mataas na saserdote lamang na naglilingkod sa Dakong Kabanal-banalan ang may prebilihiyong magtamasa ng ikapu ng ikapu, ang kataas-taasang bahagi ng ani ng mabuting lupain. Kaya, lalo tayong naglilingkod, lalo nating matatamasa ang kataas-taasang bahagi, ang bahagi ng Diyos.

ANG NATATAGONG MANNA SA PAGIGING
BAHAGI NG DIYOS

Nang ang mga anak ni Israel ay gumagala sa ilang, binigyan sila ng Diyos ng mannang nagmula sa langit bilang kaloob sa araw-araw (maliban sa araw ng Sabbath). Tinamasa nilang lahat ang kalooban na ito ng manna. Pagkatapos, para bang sinasabi ng Diyos, "Kumuha kayo ng isang bahagi, ang ikasampung bahagi ng efa, ng mannang ibinigay ko sa inyo at ilagay ninyo ito sa harap ng Aking patotoo." Ang bahaging ito ng manna ay para sa Diyos. Ang nakikitang manna ay ang bahagi ng mga tao at ang inihandog na natatagong mannang ito sa sisidlan sa harap ng patotoo ng Diyos ay ang bahagi ng Diyos. Ang prinsipyo ay pareho sa paghahandog ng ani matapos makapasok ang mga anak ni Israel sa mabuting lupain. Nang nasa loob na sila ng lupain, hindi na nagpadala ang Diyos ng manna mula sa langit dahil naibibigay na ng mabuting lupain ang lahat ng kanilang pangangailangan para sa kanilang ikabubuhay. Kaya sa halip na magtipon ng manna, ginapas nila ang ani ng mabuting lupain. Hinggil dito, para bang sinasabi ng Diyos, "Bigyan ninyo Ako bilang bahagi Ko ng ikasampung bahagi ng lahat ng ani na inyong nagapas." Ginagawa nga ng mga anak ni Israel ang gayon, nagbibigay ng ikasampung bahaging ito sa mga saserdote at mga Levita na naglilingkod sa loob at sa paligid ng tabernakulo. Pagkatapos, sinabi ng Diyos sa mga saserdote at mga Levita na kunin ang ikasampung bahagi ng kanilang natanggap mula sa mga tao at ihandog ito sa Diyos. Ang bahaging ito, na matatawag nating pinakamainam sa pinakamainam ay ibinibigay naman pagkatapos sa mataas na saserdote bilang kanyang bahagi. Ang mataas na saserdote lamang, ang isang naglilingkod sa Dakong Kabanal-banalan, ang may pribilehiyong tamasahin ang pinakamainam na bahaging ito.

Ayon sa prinsipyong ito, nakikita nating ang natatagong manna ay ang bahaging para sa Diyos. Ang pangunahing konsepto ng natatagong manna ay yaong ito ang bahagi ng Diyos. Noon, ako ay naguguluhan kapag binabasa ko ang Exodo 16:36 na nagsasabing, "Ang isang omer nga ay ikasampung bahagi ng isang efa." Akala ko ang bersikulong ito ay hindi na kailangan at nagtataka ako kung bakit isinama ni Moises ito. Hindi ko maunawaan ang kahulugan ng pagkakasilid ng isang omer ng manna sa sisidlan at ang paglalagay nito sa harap ng patotoo ng Diyos. Nguni't kamakailan lamang ay binigyan ako ng liwanag ng Panginoon tungkol dito, at nakita na ang ikasampung bahagi ay ang pinakapiling bahagi, ang bahagi para sa Diyos. Isinasagisag ng manna si Kristo na Siyang ibinigay ng Diyos sa atin bilang kaloob. Habang tinatamasa natin ang Diyos bilang ating manna, dapat nating kunin ang pinakamainam na bahagi at ihandog ito sa Diyos, inihahandog si Kristo sa Diyos.

Kung kakainin natin ang natatagong manna, kailangan muna nating kainin ang nakikitang manna. Kung hindi natin nararanasan ang nakikitang manna, wala tayong mannang maihahandog sa Diyos bilang natatagong manna. Ang natatagong manna ay ang mismomg mannang nararanasan natin, natatamasa, at pagkatapos ay inihahandog sa Diyos. Sa bandang huli, dahil tayo ay naging lubhang matalik na sa Diyos, sasabihin Niya, "Pumasok kayo sa Aking silid-kainan at kumain kayong kasama Ko." Huwag ninyong akalaing matatamasa ninyo agad si Kristo bilang inyong natatagong manna kung hindi pa ninyo Siya natatamasa bilang inyong nakikitang manna. Hindi, ang natatagong manna ay nanggagaling sa pagtatamasa natin ng nakikitang manna. Tinatamasa natin ang manna, at mula sa mannang tinatamasa natin ay naghahandog tayo ng maliit na bahagi sa Diyos na sinasabing, "Diyos, inihahandog ko sa Iyo ang mismong Kristong natatamasa ko. Ibinigay Mo sa akin si Kristo bilang bahagi ko, at ngayon naman ay ibinibigay ko ang pinakamainam Niya sa Iyo bilang Iyong bahagi." Sa ganito ay sasabihin ng Diyos, "Anak, pumasok ka sa Aking Dakong Kabanal-banalan at tamasahin mo ang bahaging ito nang kasama Ako." Ito ang natatagong manna.

Tingnan natin ang ating karanasan. Kapag tinatamasa natin si Kristo sa karaniwang paraan bilang ating pang-araw-araw na panustos, kusa tayong nagnanais na maghandog ng mismong Kristong ating natatamasa pabalik sa Diyos, na sinasabi, "O Diyos, gayon na lamang ang pasasalamat ko sa Iyo dahil sa Kristong ibinigay Mo sa akin. Natamasa ko Siyang mainam. Ngayon ay nais kong ihandog ang pinakamainam na bahagi Niya sa Iyo." Ito ang omer ng manna, ang pinakamainam na bahagi ng manna na inihandog pabalik sa Diyos. Ang bahaging ito ay hindi para sa lahat ng bayan ng Diyos, ito ay para lamang sa mga naglilingkod sa Kanya sa isang napakalapit na paraan sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Ito ang natatagong manna, na nagmumula sa mannang natatamasa natin sa karaniwang paraan.

Muli sinasabi ko na ibinigay ng Diyos sa atin si Kristo bilang ating pagkain. Habang tinatamasa natin Siya bilang pagkain, inihahandog natin Siya pabalik sa Diyos nang may pasasalamat. Sa ganitong paraan, si Kristo ay nagiging pinakapiling bahagi ng ating pagtatamasa na siya naman nating inihahandog sa Diyos bilang bahagi Niya. Ang Diyos ay nasisiyahan dito, tinatanggap ito, at sinasabing, "Yamang ikaw ngayon ay kasama Ko sa Dakong Kabanal-banalan, hindi naglilingkod sa Akin sa labas na looban o sa Dakong Banal, nais Kong ihain sa iyo ang inihandog mo sa Akin. Hinihilingan kitang tamasahin ang pinakapiling bahagi ni Kristo kasama Ko." Kahanga-hanga ito! Tumutugma itong mabuti kapwa sa ating karanasan at sa buong pahayag ng Bibliya at umaakma sa Apocalipsis 2:17. Ang pagtatamasa kay Kristo bilang ating natatagong manna ay hindi isang biglang pagdaranas, may kasaysayan sa likod nito.

NATATAGO SA ILALIM NG ILANG SUSON

Ang natatagong manna ay natatago sa ilalim ng hindi kukulangin sa apat na suson. Sa gitna ng mga anak ni Israel ay ang tabernakulo, sa loob ng tabernakulo ay ang Dakong Kabanal-banalan, sa loob ng Dakong Kabanal-banalan ay ang kaban, at sa loob naman ng kaban ay ang sisidlang ginto. Sinumang may gustong magtamasa ng natatagong manna ay kinakailangan munang maging kabilang sa mga anak ni Israel. Ikalawa, kailangan niyang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan. Pagkatapos niyaon, kailangan niyang pumasok sa kaban na may lamang sisidlang ginto kung saan naroroon ang natatagong manna.

Patungkol sa ating situwasyon ngayon, nakikita nating sa labas ng buhay-ekklesia ay imposibleng makapagtamasa ng natatagong manna. Sa buhay-ekklesia mayroon tayong iba't ibang grupong naglilingkod. Nguni't ang mga grupong ito na naglilingkod, sa pagiging paglilingkod sa pan-Lebitiko, ay nasa labas na looban lamang. Gayunpaman, sa pamamagitan ng paglilingkod sa labas na looban, tayo ay naihahatid papasok sa Dakong Banal. Sa pamamagitan naman ng Dakong Banal ay nakapapasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan. Tulad ng marami sa atin ang makapagpapatotoo, bago tayo napabilang sa isang grupong naglilingkod ay wala man lamang tayo sa labas na looban; tayo ay nasa kalye. Nguni't sa paglilingkod natin sa iba, nararamdaman nating nasa Dakong Banal tayo, nagtatamasa kay Kristo. Sa pamamagitan ng pagtatamasang ito, nakapapasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan kung saan naroroon ang natatagong manna.

TATLONG YUGTO NG PAGKAIN SA LOOB NG TABERNAKULO

Sa loob ng tabernakulo ay may tatlong yugto ng pagkain: pagkain ng mga hain sa paligid ng dambana, pagkain ng tinapay sa Dakong Banal at ang pagkain ng natatagong manna sa sisidlang ginto sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Ang pagtatamasa kay Kristo sa dambana ay naghahatid sa atin papasok sa Dakong Banal, kung saan natin Siya natatamasa nang mas mainam. Ang tinapay sa dulang ay lalong mas mainam kaysa sa mga hain sa dambana. Ito ay hindi lamang isang doktrina; napatutunayan ito ng ating karanasan. Sa pagtatamasa natin kay Kristo, bilang tinapay natin, nakararanas pa rin tayo ng iba pa at nagsasabing, "Ako ay nasa Dakong Kabanal-banalan, kumakain ng hindi ko pa nararanasan kailanman." Ito ang natatagong manna.

ANG ITINAAS NA HANDOG

Sa Lumang Tipan ay may dalawang espesyal na handog—ang handog na niluglog na sumasagisag sa nabuhay-na-muling Kristo at ang handog na itinaas na sumasagisag sa itinaas, umakyat-sa-langit na Kristo (Exo. 29:26-28). Ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi na inihandog sa Diyos para kay Aaron ay isang handog na itinaas (Blg. 18:28). Sa pagdaranas natin kay Kristo sa labas na looban at sa Dakong Banal, natatamasa natin hindi lamang ang niluglog na Kristo bagkus ang itinaas na Kristo rin, hindi lamang ang nabuhay-na-muling Kristo, bagkus ang itinaas, ang dinakilang Kristo. Ito ay nangangahulugang sa bandang huli ay mapupunta tayo sa Dakong Kabanal-banalan, nagtatamasa sa espesyal na bahagi ni Kristo na natatago sa loob ng Diyos.

NATATAGO SA LOOB NG DIBINONG KALIKASAN

Nakita nating sinasabi ng Apocalipsis 2:17 na pakakainin ng Panginoon ang magtatagumpay ng natatagong manna. Sinasabi naman ng Colosas 3:3 na ang ating buhay ay natatagong kalakip ni Kristo sa loob ng Diyos. Si Kristo ay natatago sa loob ng Diyos. Ang natatagong manna na binanggit sa Apocalipsis 2:17 ay natatago sa loob ng sisidlang ginto (Heb. 9:4). Sa Bibliya, ang ginto ay sumasagisag sa dibinong kalikasan. Kaya, ang natatagong manna sa loob ng sisidlang ginto ay sumasagisag sa pinakamainam na bahagi ni Kristo na natatago sa loob ng dibinong kalikasan. Ang dibinong kalikasan ay nasa kaban, at tulad ng nakita natin, ang kaban ay si Kristo nga. Ang kabang ito ngayon ay nasa ating espiritu, na nakaugpong sa Dakong Kabanal-banalan. Sa ating espiritu ay mayroon tayong Dakong Kabanal-banalan, sa loob naman ng Dakong Kabanal-banalan ay mayroon tayong Kristo, ang kaban, at sa loob ni Kristo ay mayroon tayong sisidlang ginto, ang dibinong kalikasan. Dito, sa loob ng dibinong kalikasan, ang nagtatagong manna. Ano ang natatagong manna? Ito si Kristo bilang ating espesyal na bahagi ng pagkaing natatago sa loob ng dibinong kalikasan. Kapag tayo ay nasa lugar kung saan natin nahihipo ang sisidlang ginto, tayo ay ganap na nasa labas ng sanlibutan, ng ating sarili, at ng ating likas na tao. Hinihipo natin ang dibinong kalikasan, at sa loob ng dibinong kalikasan ay nakikibahagi naman tayo ng natatagong manna.

Hinihiling ko sa inyo na tingnan ninyo kung tama sa inyong karanasan. Matapos sumali sa isang grupong naglilingkod, kayo ay naihatid tungo sa higit pang buhay-ekklesia at nagsimula kayong makaranas ng mas mainam. Sa kalaunan, kayo ay napalapit sa Diyos at naging matalik sa Kanya. Sa ilang mga pagkakataon, napakalapit na nga ninyo sa Diyos na kayo ay di-abot ng sanlibutan, ng inyong sarili, at maging ng inyong natural na katauhan. Kayo ay ibang tao kasama ang Diyos sa Kanyang kalikasan. Sa paghipo ninyo sa dibinong kalikasan, nahihipo ninyo ang sisidlang ginto at natatamasa ang mannang natatago sa loob niyaon, tinatamasa si Kristo bilang inyong natatagong bahagi sa loob ng dibinong kalikasan.

Tulad ng makikita natin, ang umuusbong na tungkod ay kasunod ng natatagong manna, at ang kautusan ng buhay ay sumusunod naman sa umusbong na tungkod. Ang tatlong mahahalagang aytem na ito, ang mga nilalaman ng kaban, ay inayos sa gayong pagkakasunud-sunod. Una, dapat nating tamasahin ang natatagong manna. Pagkatapos, mula sa pagtatamasa natin sa natatagong manna ang ating tungkod ay uusbong, at pagkatapos niyaon ay magkakaroon na tayo ng kautusan ng buhay. Dahil kakaunting Kristiyano lamang ang nakararanas ng natatagong manna, ang kanilang tungkod ay hindi umuusbong, at bibihira tayong makakakita ng namumuhay sa kautusan ng buhay. Hindi nila nauunawaan ang tala sa Bibliya hinggil sa natatagong manna, sa umuusbong na tungkod, at sa kautusan ng buhay dahil kulang sila sa karanasan.

Gayunpaman, sa pagbabawi ng Panginoon, ang lahat ng mga kayamanang ito ay binabawi sa gitna natin. Kapag bumabahagi tayo ng natatagong manna, hindi tayo dumaranas ng Kristong nasa dambana, hindi rin tayo bumabahagi ng Kristong nasa dulang ng tinapay. Tinatamasa natin ang Kristong nasa loob ng sisidlang ginto sa loob ng kaban. Dito, tayo ay di-abot ng sanlibutan at ng bawa't situwasyon. Di tayo abot ng ating mga sarili at ng ating likas na katauhan, nahihipo natin ang dibinong kalikasan at nakababahagi roon. Sinasabi ng 2 Pedro 1:4, "Na sa pamamagitan ng mga ito ay ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang mga mahahalaga at napakadakilang pangako, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa dibinong kalikasan." Kung hindi natin mahihipo ang sisidlang ginto, mahirap para sa ating makabahagi ng dibinong kalikasan. Ang dibinong kalikasan ay narito kasama ng sisidlang ginto sa loob ng kaban. Sa loob ng sisidlang ginto, yaon ay, sa loob ng dibinong kalikasan, naroroon ang natatagong manna bilang ating espesyal na bahagi para sa ating pagtatamasa. Dito natin tinatamasa ang natatagong Kristo, ang Kristong natatago sa loob ng Diyos kasama natin, at ang Kristong kung kanino tayo kasamang natatago sa loob ng Diyos. Ang Kristong natatago sa loob ng Diyos ay ang naunang natatago sa loob ng sisidlang ginto. Dito si Kristo ang natatagong manna, at dito, tayo rin ay natatago kasama Niya sa loob ng dibinong kalikasan.

Kung tayo ay nasa ilang, malayo sa tabernakulo, makapagtatamasa pa rin tayo, sa awa ng Diyos, ng nakikitang manna bilang normal na karanasan sa ilang. Nguni't ito ay napakababaw, masyadong panlabas, at napakalayo. Nais ng Diyos na makapasok tayo sa Dakong Kabanal-banalan at maging napakatalik at napakalapit sa Kanya, hinihipo ang sisidlang ginto. Ang natatagong Kristo bilang ang makalangit na natatagong manna ay narito sa loob ng dibinong kalikasan ng Diyos. Hindi natin Siya makikita sa iba pang lugar. Ngayon ang dibinong kalikasan ng Diyos ay nasa loob ng ating espiritu. Kahit na nasa atin na ang sisidlang ginto, ang suliranin ay yaong madalas ay malayo tayo sa ating espiritu. Hindi na ninyo kailangang makipag-away o makipaglaban sa iba upang mawala sa espiritu. Kahit na nakikipagbiruan kayo sa mga kapatid ay wala kayo sa espiritu. Ang pagiging relihiyoso rin ay ibang-iba sa pagiging nasa loob ng espiritu. Sa pagiging relihiyoso, tayo ay nadadala palabas sa ilang. Ang sisidlang ginto ay nasa loob ng kaban, at ang kaban ay nasa loob ng Dakong Kabanal-banalan, at ang Dakong Kabanal-banalan naman ay nakaugpong sa ating espiritu. Gusto ko ang himnong nagsasabing,

Sa aking espiritu mas malalim pa
Hihipuin ko ang Panginoong mahal ko
Hipuin Siya sa Kanyang natatagong kalaliman
At ang Kanyang natatagong manna ay mapatunayan.

Sa loob ng Dakong Kabanal-banalan ay ang mismong Kristong nasa loob ng kaban ng Diyos na may lamang sisidlang ginto. Ang Kristong ito ang bumubuo ng dibinong kalikasan at may lamang natatagong manna, dahil ang natatagong Kristo ay nasa loob ng dibinong kalikasan. Upang mahipo ang espesyal na bahaging ito, ang pinakamainam na bahaging ito ni Kristo, dapat nating mahipo ang dibinong kalikasan. Sa prinsipyo, ang bawa't isa na nagtatamasa ng bahaging ito ay nasa loob ng Dakong Kabanal-banalan.

Ang pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan ay kasama ng Mataas na Saserdote. Si Kristo, ang ating Mataas na Saserdote, ay nasa loob ng Dakong Kabanal-banalan, at tayo ay dapat ding naroroon. Hindi tayo dapat maging mga saserdote lamang sa labas na looban o sa Dakong Banal; dapat din tayong maging mga saserdote kung saan naroroon ang sisidlang ginto—sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Kung tayo ay mapupunta sa lugar na ito, tayo ay dapat na di naaabot ng sanlibutan at ng bawa't uri ng sitwasyon. Hindi dapat tayo naaabot ng pagiging nababagabag ng mga tao. Minsan tayo ay nasasaktan ng konting di-kanais-nais na salita. Ang ilan pa nga ay nababagabag kaya hindi na sila makatulog nang ilang buwan. Kung tayo ay nababagabag nang ganito, napakalayo natin sa ating espiritu, at sa gayon ay mahirap para sa ating mapunta sa Dakong Kabanal-banalan. Kapag tayo ay hindi maaabot ng lahat ng situwasyon, mabuti man o masama, kasiya-siya o hindi, tayo sa gayon ay nasa ating espiritu na nahihipo ang kaban at ang sisidlang ginto. Muli ay sinasabi ko na sa loob ng sisidlang gintong ito ay ang natatagong manna, ang natatagong Kristo, bilang espesyal nating bahagi. Kung makikibahagi tayo sa natatagong manna, dapat tayong laging nasa ating espiritu, nahihipo ang dibinong kalikasan. Nawa ay makapagpatuloy tayo at makapasok sa karanasang ito.

 

Home