PAG-AARAL-PAMBUHAY NG HEBREO

MENSAHE ANIM

GANITONG KADAKILANG KALIGTASAN

Ang paksa ng mensaheng ito ay ang “ganitong kadakilang kaligtasan” (2:3). Maraming tao ang nagpahayag ng paksang ito hinggil sa pagpunta sa langit. Ayon sa kanilang mga opinyon, ang pagpunta sa langit ay ang “ganitong kadakilang kaligtasan.” Napakababa ng konseptong ito. Ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ay hindi ganoon kababa. Bakit ginagamit ng mga tao ang ganitong kataas na paksa upang ipahayag ang ebanghelyo sa ganitong kababang konsepto? Ito ay sa dahilang ang kanilang karanasan ng kaligtasan ay mababa. Bagama’t mayroon silang katagang “ganitong kadakilang kaligtasan,” hindi nila natatanto ang kalaliman ng katagang ito sa Hebreo. Upang makapasok sa kalaliman ng “ganitong kadakilang kaligtasan” kailangan nating tawirin ang ilog mula sa tradisyunal na pagkaunawa ng pagliligtas ng Diyos tungo sa isang mas malalim na pagkatanto ng napakadakilang pagliligtas ng Diyos.

Ang pangunahing konsepto ng aklat ng Hebreo ay ang pagtawid ng ilog, tumatawid mula sa isang panig tungo sa kabila. Ito ay ang tumawid muna mula sa panig ng Hudaismo tungo sa panig ng “ganitong kadakilang kaligtasan.” Ang lumang maka-Hudyong relihiyon ay naging matandang bansa, ang kabilang panig ng ilog kung saan tayong lahat ay dapat na umalis. Bagama’t hindi tayo mga mananampalatayang Hudyo, sa isang napakamakatotohanang pakahulugan maaaring tayo ay nasa relihiyong iyon na tinatawag na “ang kabilang panig.” Maaaring ito ang kabilang panig ng lumang Kristiyanidad. Ako ay nag-aalala na ang ilan sa inyo na nagbabasa ng mensaheng ito ay nasa relihiyon pa rin ng lumang Kristiyanidad o hinahawakan pa rin ang lumang konsepto ng Kristiyanidad. Maaaring dumating ka sa ekklesia kung saan ay nakarinig ka ng mas mabuting bagay, subali’t iniisip mo pa rin na marami kang magagandang bagay mula sa nakalipas at natagpuan ang iyong sarili na hindi pa nalilimutan ang mga ito. Maaaring kahit ngayon, sa oras na ito, ikaw ay nag-aatubili, tinatanong ang iyong sarili, “Aabante ba ako, o mananatili ako rito?” Maaaring hindi ka bumalik, nguni’t isinasaalang-alang mo kung mananatili ka o hindi sa kinaroroonan mo. Kailangan mo ang aklat ng Hebreo. Kailangan mong mahikayat na tumawid sa ilog, tumawid mula sa kabilang panig.

Kailangan nating tumawid ng ilog araw-araw. Kahit paano kailangan nating tawirin ang isang maliit na ilog. Maaaring kailangan mong tawirin ang isang ilog pagkatapos mong masaktan ang iyong asawa. Pagkatapos mo siyang masaktan, natagpuan mo ang iyong sarili sa isang lumang rehiyon. Dapat mong tawirin ang ilog. Kung hindi ka handang magbayad ng halaga, ikaw ay mag-aatubili. Kailangan mong tawirin ang maliit na ilog. Bagama’t ang ilog na iyon ay maliit, hinihiwalay ka nito mula sa kabanal-banalan, mula sa pagtatamasa ng “ganitong kadakilang kaligtasan.” Bawa’t ilog na tatawirin mo ay nagiging isang kaligtasan sa iyo, subali’t bawa’t ilog na hindi mo tatawirin ay magiging isang tabing. Basta’t ikaw ay nasa kabila ng ilog, ikaw ay nasa labas ng tabing. Ikaw ay wala sa kabanal-banalan, na nakikisalo sa “ganitong kadakilang kaligtasan.” Kung tinawid mo ang ilog, papasok ka sa loob ng tabing at makikibahagi sa napakadakilang kaligtasan.

Sa pag-aaral ng aklat ng Hebreo sa nakalipas, ginamit ko ang dalawang “slogan.” Ang una, “sa labas ng kampamento,” ay matatagpuan sa 13:13, na nagsasabing, “Atin ngang labasin Siya sa labas ng kampamento na dinadala ang Kanyang pagkadusta.” Bagama’t ang Salin sa King James ay nagsasabi “sa labas ng kampamento,” (without the camp) ang Griyegong salita ay mas mabuting isalin “sa labas ng kampamento” (outside the camp). Kailangan nating lahat na lumabas sa kampamento. Ano ang kampamento? Sa orihinal, ang kampamento ay ang Hudaismo. Ngayon ang kampamento ay maaaring ang Kristiyanidad, Katolisismo, o anumang bagay, panrelihiyon o makasanlibutan, na naghihiwalay sa iyo mula sa pagtatamasa ng napakadakilang pagliligtas ng Diyos. Tayo nga’y magsilabas sa kampamento. At saan naman tayo pupunta? Ito ay magdadala sa atin sa ikalawang slogan, “sa loob ng tabing,” yaon ay, sa loob ng kabanal-banalan, na matatagpuan sa 6:19-20. Si Hesus, ang Tagapagpauna, ay pumasok sa loob ng tabing. Siya ngayon ay nasa kabanal-banalan. Tiyak na wala Siya sa loob ng anumang kampamento.

Ang ilang Kristiyano ay mahilig magkampo sa kanilang mapanuring kaisipan. Ang kanilang kaisipan ay nagiging kanilang kampo. Sa katunayan, maaaring ito ay maging kanilang Chaldea, kanilang Mesopotamia, kung saan naroon si Abraham bago siya pumasok sa mabuting lupain. Basta’t ikaw ay wala sa mabuting lupain, kailangan mong tawirin ang ilog. Lubhang kailangan mong tumawid sa ilog tungo sa mabuting lupain! Ano ang iyong Chaldea? Halos bawa’t Kristiyano ay may ilang uri ng Chaldea. Pinanghahawakan ng ilang Kristiyano ang kanilang kaalaman sa Bibliya. Pinanghahawakan nila ang bagay ng pag-aaral ng Bibliya, inaakala na alam nila ang Bibliya. Gayunpaman, ang kanilang kaalaman sa Bibliya ay naging kanilang Chaldea. Kinakailangan ng ilang kapatid-na-lalake sa kalagitnaan natin na tawirin ang ilog mula sa panig ng tradisyunal na kaalaman sa Bibliya, ang ilan ay mula sa panig ng kanilang maka-relihiyosong nagpapaligid na pangyayari, ang ilan ay mula sa panig ng kanilang mga nakalipas na karanasan. O, gaano natin kailangang matantong lahat na ang Hebreo ay isang aklat ng pagtawid sa ilog! Huwag mong panghawakan ang anuman na hindi ayon sa pamantayan ng “ganitong kadakilang kaligtasan.”

Noong nakaraang mga taon ako ay may magandang bilang ng mga kamanggagawa. Sa umpisa, sila ay mabuti sapagka’t hindi sila nakakabit sa anumang bagay. Gayunpaman, pagkaraan ng ilang taon ang ilan sa kanila ay napakabit sa ilang bagay. Bagama’t ang mga bagay na iyon ay mabubuti, ang mga ito ay naging Chaldea nila. Kung sila ay nakasama ni Josue nang pinangunahan niya ang mga Israelita patawid sa ilog Jordan, ang ilan sa kanila ay maaaring pigilan siya, na nagsasabing, “Huwag mong gawin ito. Nang tayo ay lumabas sa Ehipto at tumawid sa Pulang Dagat, walang nagsabi sa atin na kailangan nating tumawid sa Jordan.” Ang lumang kaalaman at karanasan na taglay ng mga manggagawang yaon ay naging ang Chaldea nila, at hindi sila tatawid sa ilog. Gayunpaman, araw kada araw ang Panginoon ay nagpapatuloy. Hindi Siya nananatiling nakatayo. Wala sa atin ang dapat manatili sa kung ano ang ating naranasan sa nakaraan. Kailangan mong magpatuloy. Magpatuloy ka. Ang Hebreo ay isa na nagpapatuloy.

Ngayon kailangan nating makita kung ano ang “ganitong kadakilang kaligtasan.” Ang kaligtasang ito ay hindi dakila sa bagay ng pagpunta sa langit o kahit na sa bagay ng kapatawaran ng kasalanan at pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Minamahalaga ko kapwa ang kapatawaran ng kasalanan at pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, subali’t ang aklat ng Hebreo, ang aklat na nagtatalakay ng “ganitong kadakilang kaligtasan,” ay nagsasalita ng isang bagay na mas mataas. Ang kapatawaran at pag-aaaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay kaligtasan, subali’t ang mga ito ay hindi ang “ganitong kadakilang kaligtasan.” Ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ay hindi rin dakila sa bagay ng pagkasilang-na-muli. Sa ano, kung gayon, ang kaligtasang ito ay napakadakila?

I. DAKILA SA KUNG ANO SI KRISTO

Una, ito ay dakila sa kung ano si Kristo. Ginamit ng manunulat ng Hebreo ang terminong “ganitong kadakila.” Ang terminong ito ay mahirap ipaliwanag. Gaano kadakila ang “ganitong kadakila”? Bagama’t hindi natin sapat na mailarawan ang “napakadakila,” ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ay dakila sa kung ano si Kristo. Alam mo ba kung ano si Kristo? Bagama’t maaaring kilala mo si Kristo ayon sa apat na ebanghelyo, kilala mo ba si Kristo ayon sa Hebreo?

A. Bilang ang Anak ng Diyos, Bilang ang Diyos

Kilala mo ba si Kristo bilang ang Anak ng Diyos? Maaaring kilala mo Siya bilang ang Anak ng Diyos sa isang pira-pirasong paraan. Maaaring ikaw ay may panloob na konsepto na ang Ama ay isang Diyos at ang Anak ay isa pa. Maaaring wala kang ganitong uri ng termino, subali’t sa kaloob-looban mo ay maaaring pinanghahawakan mo ang ganitong konsepto. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ko na ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ay dakila sa kung ano si Kristo bilang ang Anak ng Diyos, bilang ang Diyos. Kapag sinasabi natin na si Kristo ang Anak ng Diyos, ito ay nangangahulugang Siya ay Diyos. Siya ay walang iba kundi ang Diyos.

Dinadala tayo muli nito sa bagay ng Trinidad. Ayon sa Bibliya, maaaring pakitunguhan natin ang bagay na ito hinggil sa Trinidad sa dalawang paraan—sa paraan ng doktrina o sa paraan ng karanasan. Isang araw si Felipe, isa sa mga disipulo ng Panginoon, ay nagsabi sa Kanya, “Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama at sukat na ito sa amin? (Juan 14:8). Ito ay isang pandoktrinang katanungan. Sa pandoktrinang pananalita, ang Anak ay ang Anak at ang Ama ay ang Ama. Maaaring inisip ni Felipe na, “Ang Anak ay nagsasalita ngayon sa amin, gayunpaman hindi namin nakikita ang Ama. Kaya hihilingan ko ang Anak na ipakita sa amin ang Ama.” Hindi sinagot ng Panginoong Hesus si Felipe sa paraan ng doktrina kundi sa paraan ng karanasan. “Sinabi sa kanya ni Hesus, malaon nang panahong Ako ay inyong kasama, at hindi mo Ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama. Paanong sinasabi mo na, Ipakita Mo sa amin ang Ama?” (Juan 14:9). Basta’t nakita ni Felipe ang Anak, nakita na niya ang Ama. Kung doktrina ang pag-uusapan, ang Ama at ang Anak ay dalawa, subali’t kung karanasan, kapag nakikita mo ang Anak, nakikita mo ang Ama. Maraming Kristiyano ang nagsasalita hinggil sa Trinidad sa isang pangkaisipan at pandoktrinang paraan, pinababayaan ang kanilang karanasan. Katulad ng ipinakita ko sa nakaraang mensahe, inihahayag ng Bibliya na ang Ama, ang Anak at ang Espiritu ay nasa loob natin. Sa pandoktrinang pananalita, taglay natin ang Ama sa loob natin, ang Anak sa loob natin, at ang Espiritu sa loob natin. Sa pangkaranasang pagsasalita, gayunpaman, natatanto natin na tayo ay may isa lamang sa loob natin. Kaya, ang maging nasa panig ng doktrina ay isang bagay at ang maging nasa panig ng karanasan ay isa pa ring bagay.

Mula sa aking pagkabata, sapagka’t may malapit na kaugnayan ang aking pamilya sa mga misyonaryong Amerikano, napakarami kong narinig hinggil sa Estados Unidos. Ako ay may pandoktrinang pagkaunawa sa Amerika. Inilarawan ko sa kaisipan kung ano ang hitsura ng San Francisco, Los Angeles, Chicago, Pittsburgh, Detroit, Washington, D.C., at New York City. Nang dumating ako sa bansang ito noong 1958, nakita ko ang mga lungsod na ito sa pangkaranasan. Anong pagkakaiba! Ang mga ito ay napakalayo mula sa aking doktrina. Ang aking karanasan ay lubusang kakaiba mula sa aking doktrina. Huwag mong pagkatiwalaan ang iyong doktrina. Kailangan mo ang karanasan.

Sa “Pilgrim’s Progress” ni John Bunyan ay may lugar na tinatawag na Perya ng Kawalang-kabuluhan (Vanity Fair). Ang doktrina na hiwalay sa karanasan ay ganoong Perya ng Kawalang-kabuluhan; ito ay isang “bazaar” ng kawalang-kabuluhan ng nagtitinda ng mga bagay na walang halaga. Ang mental na pagkaunawa ng doktrina na walang karanasan ay isa lamang walang-kabuluhan. Ako ay nasa ganitong uri ng “bazaar” ng walang-kabuluhan sa loob ng pito’t kalahating taon at nakatamo nang halos wala kundi mga doktrina at termino. Ako ay nakapagtamo ng napakakaunti na maisasagawa ko. Ang “bazaar” ng kawalang-kabuluhan ay ang aking Chaldea. Isang araw ay tinawid ko ang ilog at pinasok ang mabuting lupain ng karanasan ni Kristo at ng buhay ekklesia.
Ang totoo hinggil sa mga doktrina ay totoo rin hinggil sa mga kaloob. Sa isang panahon, isang bilang ng mga kamanggagawa at ako mismo ay nakadama na kailangan naming matikman at makita ang tinatawag na mga bagay na Pentecostal. Kaya ako ay nagsimulang magsalita sa mga wika. Sa katapusan nalaman ko na ito ay hindi isang “bazaar” ng kawalang-kabuluhan kundi isang “bazzar” ng kalituhan, isang palengke ng kalituhan. Kung nais mong malaman kung gaanong nakalilito ang situwasyong iyon ngayon, dapat mong bisitahin ang “bazzar” na iyon. Ang lahat ng bagay doon ay lito. Ang mga tunay na bagay at ang mga huwad na bagay, ang mabubuting bagay at masasamang bagay, ay naihalo na ng sama-sama. Walang sulok sa sangkristiyanuhan ang kasing lito ng tinatawag-na kilusang Pentecostal. Kaya, ang iba at ako ay muling tumawid sa ilog.

Maging yaong mga nasa buhay-ekklesia ay nangangailangang tumawid sa ilog palabas sa kanilang kalumaan. Ang taglay mo noong labinlima o dalawampung taon na ang nakararaan ay mabuti noon, subali’t ito ay naging luma. Sa panahong yaon natawid mo ang Pulang Dagat, subali’t ngayon kailangan mong tawirin ang Ilog Jordan. Kamakailan nakita ko ang isang kapatid na nasa ilalim ng aking pagsasanay dalawampung taon na ang nakalipas. Nang makita ko siya, ako ay nag-alala para sa kanya. Parang siya ay nasa lumang rehiyong yaon pa rin. Hindi mo ba alam ang prinsipyo? Sa orihinal, ang lahat na naitatag ayon sa dibinong orakulo sa Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio ay totoo. Gayunpaman, pagkaraan ng ilang panahon ito ay naging isang lumang sistema, ang Hudaismo. Ang mga nasa sistemang yaon ay nangangailangang tumawid sa ilog. Gayundin naman, ang iyong natanggap dalawampung taon na ang nakararaan ay mabuti, subali’t ngayon kailangan mong tumawid sa ilog palayo sa rehiyong yaon. Hinihikayat ko kayong tawirin ang ilog palabas sa iyong kalumaan.

Si Kristo ang Anak ng Diyos. Siya rin ang Diyos Mismo. Kung nais mong malaman ang Trinidad ayon sa iyong mentalidad, paano mo maipaliliwanag ang mga bersikulong 1:8 at 9? “Nguni’t tungkol sa Anak ay sinasabi na, Ang Iyong trono, O Diyos, ay magpakailanman, at ang setro ng pagkamatuwid ay ang setro ng Iyong kaharian. Inibig Mo ang katuwiran, at kinapootan Mo ang katiwalian: kaya’t ang Diyos, ang Iyong Diyos, ay nagpahid sa Iyo ng langis ng masidhing kagalakan nang higit sa Iyong mga kasama.” Sinasabi ng bersikulo 8 na, “Nguni’t tungkol sa Anak, ang Iyong Trono, O Diyos,” at sinasabi ng bersikulo 9 na, “Ang Diyos, ang Iyong Diyos ay nagpahid sa Iyo.” Ang mga salitang, “O Diyos,” at “ang Iyong Diyos” ay parehong tumutukoy sa Anak. Ano ang ibig sabihin nito? Ito ay parang nangangahulugan na ang Diyos ng Diyos. “O Diyos... ang Iyong Diyos.” Yamang ang Anak ay ang Diyos Mismo, Siya ang Diyos; sa gayon, sinasabi ng bersikulo 8 na, “O Diyos.” Yamang ang Anak ay Tao rin, ang Diyos ay ang Kanyang Diyos; sa gayon, sinasabi ng bersikulo 9 na, “Iyong Diyos.” Hindi simple si Kristo; mayroon Siyang maraming aspekto. Siya ang Anak ng Diyos, maging ang Diyos Mismo. Siya rin ang Anak ng Tao, isang tunay na tao. Para sa paghahayag ng “ganitong kadakilang kaligtasan,”tinutukoy muna tayo ng Hebreo kay Kristo bilang ang Anak ng Diyos, maging bilang Diyos Mismo. Ang Anak ng Diyos, maging ang Diyos Mismo, ay isa sa mga elemento ng “ganitong kadakilang kaligtasan.” Kung ano ang Diyos ay ang bumubuo ng “ganitong kadakilang kaligtasan.” Ang kaligtasang ito ay dakila sa lahat ng kapuspusan ng Pamunuang-Diyos.

B. Bilang ang Anak ng Tao, bilang Tao

Una, bago ang 2:3, kung saan ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ay nabanggit, ipinahayag ng Hebreo kung paanong si Kristo ay ang Anak ng Diyos, maging ang Diyos Mismo. Pagkatapos, pagkaraan ng 2:3, upang maipakita sa atin na ang kaligtasan na taglay natin sa loob ni Kristo ay dakila, ang aklat na ito ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng pagpapakita sa atin kung paanong Siya ay ang Anak ng Tao rin, isang tunay na tao. Ang kaligtasan na taglay natin sa loob ni Kristo ay hindi lamang ilang bagay, katulad ng kapatawaran ng mga kasalanan, pag-aaring matuwid, pakikipagkasundo, pagtutubos, pagsilang-na-muli, atbp., bagkus isa ring kamangha-mangha, di-nalilimitahang Persona na kapwa Diyos sa kawalang-hanggang at tao sa loob ng panahon. Yaon ay isang kamangha-manghang Persona ang gumagawa ng Kanyang kaligtasan na “napakadakila”.

Si Kristo ang mismong Diyos at Siya ay isa ring tunay na tao (2:6). Bagama’t ako ay naligtas na sa loob ng maraming taon, hindi ako malinaw na ang aking Tagapagligtas ay kapwa Diyos at tao. Alam ko lamang na Siya ay ang Anak ng Diyos. Ni hindi ako malinaw na Siya ay Diyos, lalo nang hindi ako malinaw na Siya ay isa ring tao. Ang ating Panginoong Hesus ay kapwa Diyos at tao.

Ang ilang Kristiyano, maging ang ilang Kristiyanong manggagawa, ay nakipagtalo na si Kristo ay namatay bilang isang tao, subali’t pagkatapos Niyang mabuhay-na-muli at umakyat-sa-langit Siya ay hindi na isang tao. Inaari nila na ang Hesus na nasa mga kalangitan ay hindi na isang tao. Ayon sa konseptong ito, nang si Hesus ay nabuhay-na-muli, hinubad Niya ang Kanyang pagka-tao. Dahil ang mga ganitong pagtatalo ay itinuon laban sa akin, sinadya kong isulat ang himno na nagtataglay ng mga linyang,

“Masdan! Sa langit si Hesu-Kristo,”
“Nasa trono na Panginoon;”
“Dinakila Siya bilang ‘sang Tao,”
“Ng Diyos sa Kanya’y nagputong”.

Bilang tugon sa mga pagtatalong ito, tinanong ko, “Kung si Hesus sa mga kalangitan ay hindi na ang Anak ng Tao, paanong nakita Siya ni Esteban bilang ang Anak ng Tao? (Gawa 7:56). Higit pa rito, ipinakikita sa atin ng Mateo 26:64 na Siya ay ang Anak ng Tao na ngayon ay nakaupo sa mga kalangitan at darating sa hinaharap. Bukod pa rito, sinasabi sa atin ng Apocalipsis na Siya ay ang Anak ng Tao sa gitna ng mga ekklesia lokal (1:13) at na Siya ay babalik bilang ang Anak ng Tao (14:14). Kaya, ang 1 Timoteo 2:5, na isinulat pagkatapos ng Kanyang pag-akyat-sa-langit, ay tinawag pa rin Siya na ”ang taong si Kristo Hesus.” Ang ating tagapagligtas ay isang tao. Bagama’t Siya ay nabuhay-na-muli, si Hesus ay isang tao pa rin, isang nabuhay-na-muling tao, isang naitaas na tao, isang tao na, sa pag-akyat-sa-langit, ay nasa luklukan sa mga kalangitan. Si Hesus ay kwalipikado na maging Tagapagligtas natin sapagka’t Siya ay kapwa Diyos at tao. Ito ang dahilan na ang Kanyang kaligtasan ay “napakadakila”—dakila hindi lamang sa elemento ng Diyos bagkus sa elemento rin ng tao. Ang lahat ng dibinong kagalingan at ang lahat ng pantaong katangian ay ang sangkap ng “ganitong kadakilang kaligtasan.” Sa “ganitong kadakilang kaligtasan” tinatamasa natin ang kapuspusan ng Pamunuang-Diyos at ang naitaas na pagkatao ng taong si Hesus. Sa “ganitong kadakilang kaligtasan” tinataglay natin kapwa ang dibino at pantaong kalikasan ni Kristo. Lubhang kamang-hamanghang ang mga elementong bumubuo ng “ganitong kadakilang kaligtasan!” Walang pantaong salita ang makabibigkas nito nang sapat. Hindi kataka-taka na sinabi ng manunulat na ito ay “napakadakila!”

C. Ang Pinuno ng Kaligtasan

Ngayon tayo ay darako sa Pinuno ng kaligtasan (2:10). Upang tayo ay maligtas mula sa impiyerno, hindi natin kailangan ang isang pinuno, subali’t kung tayo ay papasok tungo sa kaluwalhatian, tungo sa mabuting lupain ng kapahingahan, kailangan natin ng Pinuno. Ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang upang iligtas tayo mula sa impiyerno at ilagay tayo tungo sa kalangitan. Ang Kanyang pagliligtas ay upang iligtas tayo mula sa lahat ng negatibong bagay at dalhin tayo tungo sa kaluwalhatian, tungo sa isang maluwalhating kapahingahan. Gaya ng makikita natin kaagad, ang ganitong uri ng kaligtasan ay hindi isang magdamagang bagay; ito ay isang panghabang-buhay na proseso. Kailangan nating sundan ang ating Pinuno sa ating buong buhay.

Ang mga anak ni Israel ay lumabas sa Ehipto sa isang gabi. Ito ay tunay na isang magdamagang bagay. Gayunpaman, upang sila ay makapasok sa mabuting lupain ng kapahingahan, kailangan nilang sundan ang kanilang pinuno. Sa umpisa ay sinundan nila si Moises at sa kalaunan ay sinundan nila si Josue. Sila ay may isang pinuno para sa kanilang kaligtasan. Pagkaraan nilang tumawid sa Pulang Dagat, sila ay tiyak na ligtas, subali’t sila ay naligtas sa isang napakaliit na antas. Kaunting bahagi pa lamang ng daan na dapat nilang lakaran ang kanilang narating at kailangan nilang sundan ang kanilang pinuno sa mga natitira pang bahagi ng daan na dapat nilang lakaran. Nagkaroon sila ng gayong pinuno ng kaligtasan.

Ang isang pinuno ay hindi lamang tumutukoy sa isang namumuno bagkus sa isa ring nakikipagbaka. Ang isang pinuno ay isang tagapangunang hindi lamang nagbubukas at naghahawan ng daan, bagkus ipinakikipaglaban din ang daan. Kung babasahin mo nang maingat ang iyong Bibliya, makikita mo na mula sa panahon na iniwan ng mga anak ng Israel ang Ehipto hanggang sa panahon na pumasok sila sa mabuting lupain, palagi silang nakikipagbaka. Ito ang dahilan na sila ay tinawag na mga hukbo (armies) ng Panginoon (Exo. 12:41). Sila ay nakipagbaka tungo sa mabuting lupain. Kailangan nila ang isang pinuno upang pangunahan sila sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagbaka. Kaya, sila ay nabuo at sinanay bilang isang banal na hukbo. Saan man sila magtungo, sila ay nakipagbaka. Yamang wala ng daanan, kailangan nilang ipaglaban ang kanilang daan.

Gayundin, mula ng araw na tayo ay naligtas, pinatawad, inaringmatuwid, at isinilang-na-muli, isang pakikipagbaka ang nagpapatuloy. Sa isang banda, tayong mga nasa pagbabawi ng Panginoon ay isang hukbo na ipinaglalaban ang daan. Wala ng daan na maaari nating kunin kundi ang daan ng pakikipagbaka. Kailangan nating ipaglaban ang digmaan sa ilalim ng Pinuno, si Hesus ang ating Tagapagligtas ay isang nakikipagbakang Pinuno. Siya ay nakikipagbaka at tayo ay kailangang sumunod sa Kanya, ipinaglalaban ang bawa’t pulgada ng daan. Si Kristo ang Pinuno ng kaligtasan. Kung tayo ay walang gayong Pinuno na kalakip sa ating kaligtasan, ang ating kaligtasan ay magiging hindi napakadakila. Ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ay hindi lamang ibinibilang si Kristo bilang ang Anak ng Diyos, bilang Diyos, at bilang ang Anak ng tao, bilang tao, bagkus bilang Pinuno rin ng kaligtasan na nangunguna sa atin at nakikipagbaka upang tayo ay sumunod sa Kanya patungo sa kaluwalhatian. Ang Pinuno ng kaligtasan ay isang salik na nagsasanhi sa ating kaligtasan na maging “napakadakila”.

D. Ang Mataas na Saserdote

Habang si Kristo ay nakikipagbaka bilang ating Pinuno, Siya rin ay naghahain bilang ang ating Mataas na Saserdote. Huwag kang magulumihanan. Sa isang panig, Siya ang nakikipagbakang Pinuno; sa kabilang panig, Siya ay isang naghahaing Mataas na Saserdote. Inihahain Niya ang anumang kailangan mo. Kaya, walang dahilan upang magkulang sa anuman. Si Kristo ay magmiministeryo sa iyo.

Pagkaraan na si Abraham ay nakipagbaka sa kaaway at palayain si Lot, si Melquisedec, ang Mataas na Saserdote, ay lumapit sa kanya na naghahain ng tinapay at alak (Gen. 14:14-20). Habang tayo ay nagpapatuloy sa Hebreo, makikita natin na si Hesus ay si Melquisedec. Upang matamasa natin ang ministeryo ni Melquisedec, kailangan mong makipagbaka. Tanging kapag ikaw ay nakipagbaka ay saka Siya lalapit sa iyo at maghahain sa iyo. Kung hindi ka makikipagbaka, huwag mong asahan na si Kristo ay lalapit sa iyo bilang ang Melquisedec na nagmiministeryo ng tinapay at alak. Gayunpaman, kung ikaw ay handang makipagbaka, tinitiyak ko sa iyo na matapos ang bawa’t pakikipagbaka si Kristo ay lalapit sa iyo bilang ang nagmiministeryong Melquisedec at iyong tatamasahin ang Kanyang panustos na tinapay at alak. Ito ay kamangha-mangha. Ito ay isa pang salik na nagsasanhi sa ating kaligtasan na maging napakadakila.
Ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ay hindi lamang nagtataglay ng isang Manunubos at isang Tagapagligtas bagkus ng isang Pinuno rin na nakikipagbaka para sa atin at isang Mataas na Saserdote na nagmiministeryo sa atin. Mahikayat ka. Kung hindi ka makikipagbaka, ikaw ay matatalo at wala kang tinapay at alak na makakain. Gayunpaman, kung ikaw ay makikipagbaka, hindi ka lamang makatatamo ng katagumpayan bagkus makatatanggap din ng tinapay at alak. Aleluya para sa ganitong kadakilang kaligtasan! Ito ay dakila sa kung ano si Kristo.

II. DAKILA SA KUNG ANO ANG GINAWA NI KRISTO, GINAGAWA
AT GAGAWIN PA

A. Gumagawa ng Paglilinis ng mga Kasalanan

Ano ang nagawa ni Kristo? Siya ay gumawa ng paglilinis ng mga kasalanan (1:3). Maging mapayapa. Ang iyong kasalanan ay nalinis na. Bagama’t kailangan mong kamuhian ang iyong mga kasalanan, hindi mo na kailangang magambala ng mga ito. Nilinis na ni Kristo ang ating mga kasalanan nang minsan para sa lahat (7:27).

B. Natikman ang Kamatayan para sa Atin

Natikman ni Kristo ang kamatayan para sa atin (2:9). Yamang natikman Niya ang kamatayan, ang kamatayan ay napawalang-bisa (2 Tim. 1:10) Ang kamatayan ay natapos. Huwag kang maniwala sa kamatayan. Itakwil mo ito. May kamatayan ba sa iyong ekklesia? May karamdaman ka ba sa iyong pisikal na katawan na nagpapakita na may kamatayan? Huwag kang maniniwala dito, at huwag mong tanggapin ito. Ito ay isang kasinungalingan.

C. Nalipol si Satanas sa Pamamagitan ng Pakikibahagi
sa Ating Kalikasan
upang Palayain Tayo mula sa Pagkaalipin

Nilipol ni Kristo si Satanas. Nakibahagi Siya sa ating kalikasan upang malipol ang demonyo na may kapangyarihan ng kamatayan (2:14-15). Ginawa Niya ito sa krus. Si Satanas ay natapos na. Tuwing si Satanas ay dumarating, kailangan mong sabihin, “Satanas, ikaw ay pumunta sa maling lugar. Hindi mo ba alam na ikaw ay nalipol na? Sino ang nagpalaya sa iyo? Bumalik ka sa iyong lugar.” Ang pinakamabuting paraan upang matalo si Satanas ay ang ipahiya siya. Sabihin mo, “Satanas, hindi mo ba alam na ikaw ay natalo na? Ikaw ay nalipol na. Bumalik ka, at panatilihin ang iyong posisyon.” Si Satanas ay aalis. Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ating kalikasan at paglilipol kay Satanas, pinalaya tayo ni Kristo mula sa pagkabihag. Ang kamatayan ay nalipol, si Satanas, na humahawak ng kapangyarihan ng kamatayan, ay nalipol, at tayo ay napalaya mula sa pagkaalipin.

D. Nagpapabanal sa Atin

Tayo ngayon ay pinababanal ni Kristo (2:11). Siya ang tagapagpabanal at tayo ang pinabanal. Pinababanal Niya tayo araw-araw (1 Tes. 5:23-24). Tayo ay mapapailalim sa Kanyang gawaing pagpapabanal nang patuloy hanggang lubusan tayong matransporma sa Kanyang wangis (2 Cor. 3:18).

E. Makasasaklolo sa Atin

Si Kristo ay makasasaklolo sa atin (2:18). Makasasaklolo Siya sa atin hanggang sa sukdulan. Huwag makinig sa mga kasinungalingan. Huwag makinig sa iyong kapaligiran, kahinaan, kalagayan, o sa iyong asawang lalake o asawang babae. Ang iyong asawang babae o asawang lalake ay maaaring sinungaling nang kaunti. Ang mga nangungunang kapatid ay hindi dapat makinig sa mga kasinungalingan. Madalas ang mga kapatid ay ginagamit ng kaaway upang magsinungaling sa mga nangungunang kapatid. Halimbawa, maaaring may magsabi, “Ang pagpupulong ng ekklesia ay bumababa.” Kapag may nagsabi ng ganito, hindi na dapat makipagtalo sa kanya. Isara mo na lamang ang iyong mga mata at sabihin, “Ito ay kasinungalingan. Lumayo ka. Naniniwala ako na ang ekklesia ay buhay at mataas.” Ito ang pananampalataya. Subukan at tingnan. Mga kapatid na babae, kung sinasabi mo na ang iyong asawa ay hindi mabuti, masisiguro ko sa iyo na siya ay hindi magiging mabuti dahil lang sa iyong pagpopropesiya sa gayong paraan. Dapat mong tawirin ang ilog. Huwag maniwala na ang iyong asawa ay hindi mabuti, sa halip ay sabihin, “Ang aking asawa ang pinakamabuti sa lahat ng lalake.” Kung ganito ang sasabihin mo, darating ang Panginoon upang igalang ang iyong propesiya at gagawin ang iyong asawa na pinakamabuti. Makasasaklolo siya sa atin sa lahat ng bagay. Matutulungan Niya tayo sa lahat ng uri ng situwasyon.

Ang nagawa ni Kristo sa nakaraan, ginagawa sa kasalukuyan, at gagawin sa hinaharap ay nakapaloob lahat sa “ganitong kadakilang kaligtasan” at ang lahat ay mga salik na gumagawa sa Kanyang kaligtasan na “napakadakila.”

III. DAKILA SA HANGGANAN NITO

A. Upang Gawin Tayong mga Kasama (Partner) ng Itinalagang Tagapagmana ng Diyos

Ang “ganitong kadakilang kaligtasan” ay napakadakila sa hangganan nito na tayo ay ginagawa pa nitong mga kasama ng itinalagang tagapagmana ng Diyos (1:2, 9). Yamang tinatalakay natin ito nang husto sa mensahe lima, hindi na natin kailangan ulitin pa ito dito.

B. Upang Dalhin Tayo sa Kaluwalhatian

Ang dakilang kaligtasang ito ay maghahatid sa atin tungo sa kaluwalhatian (2:10). Tulad ng naipakita na natin sa ibang okasyon, ang kaluwalhatian ay ang Diyos na naipakita. Tayo, ang mga anak ng Diyos, ay dadalhin sa gayong pagpapakita ng kaluwalhatian (Roma. 8:19-21). Yaon ang magiging tugatog ng kaligtasan na ating bahagi sa loob ni Kristo. Kaya’t ito ay tiyak na isang pangunahing salik na gumagawa sa ating kaligtasan na “napakadakila.”

C. Upang Sanhiin Tayo na Ariin ang Darating na Pinananahanang Lupa
Kasama ni Kristo

Sasanhiin tayo ng dakilang kaligtasang ito na ariin ang darating na pinananahanang lupang kasama ni Kristo (2:5). Hindi natin kailangang tumakbo sa isang eleksyon upang maging alkalde, senador, gobernador, o presidente. Mamanahin natin ang darating na pinananahanang lupa. Ito ay hindi isang panaginip. Sinasabi ng Bibliya ang gayon. Maidedeklara mo, “Mamanahin ko ang lupa. Ito’y nalalaman ko sapagka’t sinasabi ng Bibliya.”

D. Upang Iligtas Tayo sa Sukdulan

Sa dakilang kaligtasang ito tayo ay maliligtas sa sukdulan (7:25). Ang kaligtasang ito ay walang limitasyon, nililigtas tayo nang buo, ganap, nang sakdal sa lahat ng panahon at hanggang sa katapusan. Ito ang hangganan ng ating “ganitong kadakilang kaligtasan.”

“Ang ganitong kadakilang kaligtasan” ay dakila sa kung ano si Kristo, sa ginagawa ni Kristo, at sa hangganan nito. Ang pinakamahalagang bahagi nito ay ang pagtatamasa kay Kristo bilang ating nagliligtas na buhay at kapahingahan sa panahong ito, at ang pinakamaluwalhating bahagi nito ay ang pagmamana ng kaharian ni Kristo na may kaluwalhatian sa darating na panahon.

IV. BABALA

A. Magbigay Pansin Dito Nang Lubos

Sinasabi ng 2:1 na, “nararapat nating lubos na bigyang pansin ang mga bagay na narinig.” Marami na kayong narinig sa mga mensaheng ito at dapat kayong magbigay pansin sa inyong narinig. Hindi ninyo maaaring iwaksi ang inyong responsabilidad at magsabi na kayo ay walang narinig o nakita.

B. Huwag Matangay Palayo Mula Rito

Bakit tayo dapat na magbigay nang lubos na pansin sa ating narinig? Sapagka’t “baka sa anumang oras ay matangay tayo.” Pakaingatang mabuti na hindi kayo matangay mula sa inyong narinig. Huwag kayong maging isang pirasong kahoy na inaanod na walang gol o direksyon at natatangay lamang ng agos. Upang magkaroon ng pagtatangay palayo, kailangang mayroong agos. May isang agos sa Hudaismo para sa mga mananampalatayang Hebreo. Ngayon ay mayroong isang agos sa sanlibutan at maging sa Kristiyanidad. Napakaraming negatibong agos ngayon. Mag-ingat kayo sapagka’t kung hindi kayo mag-iingat ay matatangay kayo palayo mula sa “ganitong kadakilang kaligtasan.” Huwag magpatangay—tawirin ang ilog.

C. Huwag Itong Pabayaan

Higit pa, hindi natin dapat pabayaan ang “ganitong kadakilang kaligtasan” (2:3). Kung pababayaan natin ito, makatatanggap tayo ng isang matuwid na parusang kabayaran hinggil dito (2:2). Tayo ay magdurusa (1 Cor. 3:15). Ito ay hindi nangangahulugan, gayunpaman, na tayo ay mawawala. Subali’t tayo ay makatatanggap ng isang matuwid na parusang kabayaran dahil sa ating kapabayaan. Yaon ay magiging isang malaking kawalan. Inaasahan ko na wala sa atin ang mahuhulog sa ganitong kategorya. Tawirin nating lahat ang ilog at magpatuloy kasama ng ating Pinuno ng kaligtasan tungo sa kaluwalhatian.


Mga Nilalaman